Nakalalasong Halaman
Bagaman iminumungkahi ng ilan na tumbasan ang salitang Hebreo na roʼsh (o, rohsh) ng hemlock, colocynth, o poppy, hindi posible ang anumang tiyakang pagkilala sa halamang ito. Kung minsan, ang terminong Hebreong ito ay tumutukoy sa (1) isang mapait at nakalalasong halaman (Pan 3:5, 19), (2) lason o “kamandag” (Deu 32:33; Job 20:16), at (3) kapag ginamit may kaugnayan sa tubig, nakalalasong tubig (Jer 8:14; 9:15; 23:15). Lumilitaw ito sa makasagisag na diwa may kinalaman sa pagbaluktot sa katarungan (Os 10:4; Am 6:12) at sa mga nag-aapostata.—Deu 29:18; ihambing ang Gaw 8:23; Heb 12:15.
Tungkol sa Mesiyas, inihula na bibigyan siya ng “nakalalasong halaman” bilang pagkain. (Aw 69:21) Naganap ito nang si Jesu-Kristo, bago siya ibayubay, ay alukin ng alak na hinaluan ng apdo ngunit, nang matikman niya ito, tinanggihan niya ang nakahihilong inumin na malamang na nilayong makabawas sa kaniyang mga paghihirap. Sa pag-uulat sa katuparan ng hulang ito, ginamit ni Mateo (27:34) ang salitang Griego na kho·leʹ (apdo), ang termino na matatagpuan din sa Griegong Septuagint sa Awit 69:21. Gayunman, mira ang binabanggit sa ulat ng Ebanghelyo ni Marcos (Mar 15:23), at dahil dito ay bumangon ang pangmalas na sa kasong ito, ang “nakalalasong halaman” o “apdo” ay “mira.” Ang isa pang posibilidad ay na ang inuming iyon ay hinaluan kapuwa ng apdo at mira.