Pinagpapala ni Jehova ang Dalisay na Pagsamba
Ikadalawampu’t Pitong Kabanata
Pinagpapala ni Jehova ang Dalisay na Pagsamba
1. Anong mga tema ang itinampok sa huling kabanata ng Isaias, at anong mga tanong ang nasagot?
SA HULING kabanata ng Isaias, ang ilan sa mga pangunahing tema ng makahulang aklat na ito ay sumapit sa isang madulang kasukdulan, at nasagot ang maraming mahahalagang tanong. Kabilang sa mga temang itinampok ay ang katayugan ni Jehova, ang kaniyang pagkapoot sa pagpapaimbabaw, ang kaniyang determinasyon na parusahan ang mga balakyot, at ang kaniyang pag-ibig at pagmamalasakit sa mga tapat. Isa pa, ang sumusunod na mga tanong ay nasagot: Ano ang ipinagkaiba ng tunay na pagsamba sa huwad? Paano natin matitiyak na magpapasapit si Jehova ng kagantihan sa mga mapagpaimbabaw na nagkukunwang banal gayong sinisiil naman nila ang bayan ng Diyos? At paano pagpapalain ni Jehova ang mga nananatiling tapat sa kaniya?
Ang Susi sa Dalisay na Pagsamba
2. Anong kapahayagan ang sinabi ni Jehova may kinalaman sa kaniyang karingalan, at ano ang hindi ipinahihiwatig ng kapahayagang ito?
2 Bilang pasimula, idiniin ng hula ang karingalan ni Jehova: “Ito ang sinabi ni Jehova: ‘Ang langit ay aking trono, at ang lupa ay aking tuntungan. Nasaan nga ang bahay na maitatayo ninyo para sa akin, at nasaan nga ang dako na magiging aking pahingahang-dako?’ ” (Isaias 66:1) Naniniwala ang ilan na pinahihina ng propeta ang loob ng mga Judio upang huwag nilang itayong muli ang templo ni Jehova kapag ang bansa ay naisauli na sa lupang-tinubuan nito. Hindi totoo iyan; si Jehova mismo ang mag-uutos na itayong muli ang templo. (Ezra 1:1-6; Isaias 60:13; Hagai 1:7, 8) Kung gayon, ano ang ibig sabihin ng talatang ito?
3. Bakit angkop lamang na ilarawan ang lupa bilang “tuntungan” ni Jehova?
3 Una, maaari nating isaalang-alang kung bakit inilarawan ang lupa bilang “tuntungan” ni Jehova. Hindi ito isang paghamak. Sa lahat ng bilyun-bilyong bagay sa langit na nasa sansinukob, ang lupa lamang ang binigyan ng ganitong pantanging katawagan. Ang ating planeta ay mananatiling bukod-tangi magpakailanman, sapagkat dito binayaran ng bugtong na Anak ni Jehova ang pantubos, at dito ipagbabangong-puri ni Jehova ang kaniyang soberanya sa pamamagitan ng Mesiyanikong Kaharian. Angkop na angkop nga na tawagin ang lupa na tuntungan ni Jehova! Maaaring gamitin ng isang hari ang gayong tuntungan para umakyat sa kaniyang matayog na trono at pagkatapos ay gawing patungan ng kaniyang mga paa.
4. (a) Bakit imposible na ang alinmang gusali sa lupa ay maging pahingahang-dako ng Diyos na Jehova? (b) Ano ang kahulugan ng pariralang ‘lahat ng mga bagay na ito,’ at ano ang dapat nating isipin hinggil sa pagsamba kay Jehova?
4 Mangyari pa, ang isang hari ay hindi maninirahan sa kaniyang tuntungan, kung paanong si Jehova ay hindi naninirahan sa lupang ito. Aba, hindi siya magkakasya kahit sa ubod-laking pisikal na langit! Lalo na ngang hindi magkakasya si Jehova sa alinmang gusali lamang sa lupa upang magsilbing literal na bahay niya. (1 Hari 8:27) Ang trono ni Jehova at ang kaniyang pahingahang-dako ay nasa daigdig ng mga espiritu, na siyang diwa ng pananalitang “ang langit” ayon sa pagkakagamit sa Isaias 66:1. Ipinaliwanag sa sumunod na talata ang ibig nitong sabihin: “ ‘Ang lahat nga ng mga bagay na ito ay ginawa ng aking kamay, anupat umiral ang lahat ng ito,’ ang sabi ni Jehova.” (Isaias 66:2a) Gunigunihin ang malawak na pagkumpas ni Jehova habang itinuturo niya ang ‘lahat ng mga bagay na ito’—lahat ng nasa langit at nasa lupa. (Isaias 40:26; Apocalipsis 10:6) Bilang ang Dakilang Maylalang ng buong sansinukob, higit pa sa isang gusali lamang ang nararapat italaga sa kaniya. Higit pa sa isang panlabas na anyo lamang ng pagsamba ang nararapat sa kaniya.
5. Paano natin maipakikita na tayo’y “napipighati at may espiritu ng pagsisisi”?
5 Anong uri ng pagsamba ang angkop sa Pansansinukob na Soberano? Siya mismo ang nagsabi sa atin: “Sa isang ito, kung gayon, ay titingin ako, sa isa na napipighati at may espiritu ng pagsisisi at nanginginig sa aking salita.” (Isaias 66:2b) Oo, kailangan sa dalisay na pagsamba ang isang wastong kalagayan ng puso ng mananamba. (Apocalipsis 4:11) Ang mananamba ni Jehova ay dapat na “napipighati at may espiritu ng pagsisisi.” Nangangahulugan ba ito na nais ni Jehova na maging malungkot tayo? Hindi, siya ang “maligayang Diyos,” at nais niya na ang kaniyang mga mananamba ay magalak din. (1 Timoteo 1:11; Filipos 4:4) Magkagayunman, lahat tayo’y madalas na nagkakasala, at hindi natin dapat maliitin ang ating mga kasalanan. Dapat ay “napipighati” tayo dahil sa mga ito, anupat nalulungkot dahil sumala tayo sa matuwid na mga pamantayan ni Jehova. (Awit 51:17) Kailangan nating ipakita na tayo’y “may espiritu ng pagsisisi” sa pamamagitan ng pagsisisi, pakikipaglaban sa ating makasalanang hilig, at pananalangin kay Jehova ukol sa kapatawaran.—Lucas 11:4; 1 Juan 1:8-10.
6. Sa anong diwa dapat ‘manginig sa salita ng Diyos’ ang tunay na mga mananamba?
6 Karagdagan pa, tumitingin si Jehova sa mga ‘nanginginig sa kaniyang salita.’ Nangangahulugan ba ito na nais niyang mangatal tayo sa takot tuwing babasahin natin ang kaniyang mga kapahayagan? Hindi, kundi sa halip, nais niyang malasin natin ang kaniyang sinasabi taglay ang takot at pagpipitagan. Taimtim nating hinahanap ang kaniyang payo, anupat ginagamit ito bilang patnubay sa lahat ng ating pinagkakaabalahan sa buhay. (Awit 119:105) Maaari rin tayong ‘manginig’ sa diwa na ikinatatakot natin ang isipin man lamang na suwayin ang Diyos, dumhan ang kaniyang katotohanan ng mga tradisyon ng tao, o ipagwalang-bahala ito. Ang gayong mapagpakumbabang saloobin ay mahalaga sa dalisay na pagsamba—subalit, nakalulungkot, bihira na ito sa daigdig sa ngayon.
Kinapopootan ni Jehova ang Paimbabaw na Pagsamba
7, 8. Paano minamalas ni Jehova ang pakitang-taong pagsamba ng relihiyosong mga mapagpaimbabaw?
7 Habang pinag-iisipan ni Isaias ang kaniyang mga kapanahon, alam na alam niya na iilan lamang ang nagtataglay ng saloobing hinahanap ni Jehova sa kaniyang mga mananamba. Dahil dito, nararapat lamang sa apostatang Jerusalem ang napipintong kahatulan sa kaniya. Pansinin ang pangmalas ni Jehova sa pagsambang nagaganap sa kaniya: “Ang pumapatay ng toro ay gaya niyaong nagpapabagsak ng tao. Ang naghahain ng tupa ay gaya niyaong bumabali ng leeg ng aso. Ang naghahandog ng kaloob—ng dugo ng baboy! Ang naghahain ng pang-alaalang olibano ay gaya niyaong bumibigkas ng pagpapala sa pamamagitan ng mahihiwagang salita. Sila rin yaong mga pumipili ng kanilang sariling mga lakad, at sa kanilang mga kasuklam-suklam na bagay ay nalulugod ang kanilang kaluluwa.”—Isaias 66:3.
8 Ang mga salitang ito ay nagpapaalaala sa atin sa mga salita ni Jehova na nakaulat sa unang kabanata ng Isaias. Doon ay sinabihan ni Jehova ang kaniyang suwail na bayan na ang kanilang pakitang-taong mga gawa ng pagsamba ay hindi lamang nabigong magpalugod sa kaniya kundi ang totoo’y nagpatindi ng kaniyang matuwid na galit sapagkat mapagpaimbabaw ang mga mananambang ito. (Isaias 1:11-17) Sa katulad na paraan, inihahalintulad ngayon ni Jehova ang kanilang mga handog sa karumal-dumal na mga krimen. Ang paghahain nila ng isang mamahaling toro ay hindi makapagpapalubag kay Jehova kung paanong hindi rin ito magagawa ng kanilang pagpaslang sa isang tao! Ang ibang mga hain ay inihahalintulad sa paghahandog ng aso o baboy, mga hayop na marumi ayon sa Kautusang Mosaiko at tiyak na di-angkop na ihain. (Levitico 11:7, 27) Hahayaan kaya ni Jehova na di-maparusahan ang gayong relihiyosong pagpapaimbabaw?
9. Paano tinugon ng karamihan sa mga Judio ang mga paalaala ni Jehova sa pamamagitan ni Isaias, at ano ang tiyak na magiging resulta?
9 Sinabi ngayon ni Jehova: “Ako naman ay pipili ng mga paraan ng pagmamalupit sa kanila; at ang mga bagay na nakatatakot sa kanila ay pasasapitin ko sa kanila; sa dahilang tumawag ako, ngunit walang sinumang sumasagot; nagsalita ako, ngunit walang sinumang nakinig; at patuloy silang gumagawa ng masama sa aking paningin, at ang bagay na hindi ko kinalugdan ang pinili nila.” (Isaias 66:4) Walang-alinlangang nasambit ni Isaias ang mga salitang ito taglay ang taos-pusong pananalig. Sa loob ng maraming taon ay siya na ang naging kasangkapan ni Jehova, na ‘tumatawag’ at ‘nagsasalita’ sa Kaniyang bayan. Alam na alam ng propeta na, sa pangkalahatan, walang sinumang nakikinig. Dahil sa patuloy nilang paggawa ng masama, tiyak na darating ang kagantihan. Tunay na pipiliin ni Jehova ang kanilang kaparusahan at magpapasapit ng nakatatakot na mga pangyayari sa kaniyang apostatang bayan.
10. Ano ang sinasabi sa atin ng pakikitungo ni Jehova sa Juda tungkol sa kaniyang pangmalas sa Sangkakristiyanuhan?
10 Ang makabagong-panahong Sangkakristiyanuhan ay nagsagawa rin ng mga bagay na hindi kinalulugdan ni Jehova. Patuloy na umuunlad ang idolatriya sa kaniyang mga simbahan, niluluwalhati ang di-makakasulatang mga pilosopiya at tradisyon mula sa kaniyang mga pulpito, at dahil sa paghahangad sa makapulitikang kapangyarihan ay lubusan na siyang nagpakalulong sa espirituwal na pakikipagkalunya sa mga bansa sa daigdig. (Marcos 7:13; Apocalipsis 18:4, 5, 9) Gaya ng nangyari sa sinaunang Jerusalem, ang makatarungang kagantihan sa Sangkakristiyanuhan—isang “nakatatakot” na bagay—ay walang-pagsalang sasapit sa kaniya. Kabilang sa mga dahilan upang siya’y tiyak na parusahan ay ang ginawa niyang pakikitungo sa bayan ng Diyos.
11. (a) Ano ang nakaragdag sa kasalanan ng mga apostata noong kapanahunan ni Isaias? (b) Sa anong diwa itinakwil ng mga kapanahon ni Isaias ang mga tapat ‘dahil sa pangalan ng Diyos’?
11 Nagpatuloy si Isaias: “Dinggin ninyo ang salita ni Jehova, ninyong mga nanginginig sa kaniyang salita: ‘Ang inyong mga kapatid na napopoot sa inyo, na nagtatakwil sa inyo dahil sa aking pangalan, ay nagsabi, “Luwalhatiin nawa si Jehova!” Siya ay magpapakita rin na may pagsasaya sa ganang inyo, at sila ang malalagay sa kahihiyan.’ ” (Isaias 66:5) Taglay ng “mga kapatid” ni Isaias, na sarili niyang mga kababayan, ang bigay-Diyos na pananagutan na kumatawan sa Diyos na Jehova at magpasakop sa kaniyang soberanya. Ang hindi nila paggawa nito ay isa ngang malubhang kasalanan. Subalit ang lalo pang nakaragdag sa kanilang kasalanan ay ang pagkapoot nila sa mga taong tapat at mapagpakumbaba na gaya ni Isaias. Kinapopootan at itinatakwil ng mga apostatang ito ang mga tapat sapagkat ang mga ito ang tunay na kumakatawan sa Diyos na Jehova. Sa diwang iyan, ang pagtatakwil ay ginawa ‘dahil sa pangalan ng Diyos.’ Kasabay nito, inangkin ng mga huwad na lingkod na ito ni Jehova na kumakatawan sila sa kaniya, anupat may-pagbabanal-banalang gumagamit ng relihiyosong mga pananalitang gaya ng “Luwalhatiin nawa si Jehova!” a
12. Ano ang ilang halimbawa ng pag-uusig sa tapat na mga lingkod ni Jehova ng relihiyosong mga mapagpaimbabaw?
12 Ang pagkapoot ng huwad na relihiyon sa mga tagapagtaguyod ng dalisay na pagsamba ay hindi na bago. Ito’y higit pang katuparan ng hula sa Genesis 3:15, na humula tungkol sa matagal na alitan sa pagitan ng binhi ni Satanas at ng Binhi ng babae ng Diyos. Sinabi ni Jesus sa kaniyang pinahirang mga tagasunod noong unang siglo na sila man ay magdurusa sa mga kamay ng kanilang mga kababayan—pagtitiwalag mula sa mga sinagoga at pag-uusig maging hanggang kamatayan. (Juan 16:2) At kumusta naman sa makabagong panahon? Sa pagsisimula ng “mga huling araw,” nakita ng bayan ng Diyos na may nakaabang na gayunding pag-uusig. (2 Timoteo 3:1) Noong 1914, sinipi ng The Watch Tower ang Isaias 66:5, na sinasabi: “Halos lahat ng pag-uusig na sumapit sa bayan ng Diyos ay nagmula sa nag-aangking mga Kristiyano.” Ang artikulo ring iyon ay nagsabi pa: “Hindi natin alam ngunit baka gawin nila ang pinakasukdulan sa ating kapanahunan—pumatay sa panlipunang paraan, pumatay sa eklesyastikong paraan, marahil ay pumatay sa pisikal na paraan.” Nagkatotoo nga ang mga salitang iyon! Hindi pa natatagalan matapos mailathala ang mga ito, ang pag-uusig na sulsol ng klerigo ay umabot sa sukdulan noong Digmaang Pandaigdig I. Subalit nalagay sa kahihiyan ang Sangkakristiyanuhan, gaya ng inihula. Paano?
Isang Mabilis at Biglang Pagsasauli
13. Sa orihinal na katuparan, ano ang “ingay ng kaguluhan mula sa lunsod”?
13 Humula si Isaias: “May ingay ng kaguluhan mula sa lunsod, isang tinig mula sa templo! Iyon ang tinig ni Jehova na gumaganti ng nararapat sa kaniyang mga kaaway.” (Isaias 66:6) Sa orihinal na katuparan ng mga salitang ito, ang “lunsod” ay ang Jerusalem, na kinaroroonan ng templo ni Jehova. Ang “ingay ng kaguluhan” ay nagpapahiwatig ng kaligaligan ng digmaan, na narinig sa lunsod nang lusubin ito ng sumasalakay na mga hukbo ng Babilonya noong 607 B.C.E. Subalit kumusta naman ang makabagong-panahong katuparan?
14. (a) Ano ang inihula ni Malakias tungkol sa pagdating ni Jehova sa Kaniyang templo? (b) Ayon sa hula ni Ezekiel, ano ang ibinunga ng pagdating ni Jehova sa kaniyang templo? (c) Kailan siniyasat ni Jehova at ni Jesus ang espirituwal na templo, at paano naapektuhan yaong mga nag-aangking kumakatawan sa dalisay na pagsamba?
14 Ang mga salitang ito sa Isaias ay kasuwato ng dalawa pang makahulang kapahayagan, ang isa’y nakaulat sa Ezekiel 43:4, 6-9 at ang isa naman ay nasa Malakias 3:1-5. Inihula kapuwa nina Ezekiel at Malakias ang isang panahon ng pagdating ng Diyos na Jehova sa kaniyang templo. Ipinakita ng hula ni Malakias na darating si Jehova upang magsiyasat sa kaniyang bahay ng dalisay na pagsamba at upang gumanap bilang isang Tagapagdalisay, anupat tatanggihan ang mga lumalapastangan sa kaniya. Inilarawan si Jehova sa pangitain ni Ezekiel na pumapasok sa templo at nag-uutos na alisin ang lahat ng bakas ng imoralidad at idolatriya. b Sa makabagong-panahong katuparan ng mga hulang ito, may naganap na isang mahalagang espirituwal na pangyayari noong 1918 may kaugnayan sa pagsamba kay Jehova. Maliwanag na siniyasat ni Jehova at ni Jesus ang lahat ng nag-aangking kumakatawan sa dalisay na pagsamba. Ang pagsisiyasat na iyan ay humantong sa lubusang pagtatakwil sa tiwaling Sangkakristiyanuhan. Para sa pinahirang mga tagasunod ni Kristo, ang pagsisiyasat ay nangahulugan ng isang maikling yugto ng pagdadalisay na sinundan ng isang mabilis na espirituwal na pagsasauli noong 1919.—1 Pedro 4:17.
15. Anong pagsilang ang inihula, at paano ito natupad noong 537 B.C.E.?
15 Ang pagsasauling ito ay angkop na inilarawan sa sumunod na mga talata ng Isaias: “Bago siya magsimulang magkaroon ng mga kirot ng pagdaramdam ay nagsilang siya. Bago pa dumating sa kaniya ang mga hapdi ng panganganak, nagluwal na nga siya ng isang batang lalaki. Sino ang nakarinig ng ganitong bagay? Sino ang nakakita ng ganitong mga bagay? Ang isang lupain ba ay iluluwal na may mga kirot ng pagdaramdam sa isang araw? O ang isang bansa ba ay ipanganganak sa isang pagkakataon? Sapagkat ang Sion ay nagkaroon ng mga kirot ng pagdaramdam at nagsilang din ng kaniyang mga anak.” (Isaias 66:7, 8) Para sa mga tapong Judio sa Babilonya, ang mga salitang ito ay nagkaroon ng isang kapana-panabik na unang katuparan. Ang Sion, o Jerusalem, ay muling inilarawan bilang isang babaing nagsisilang, subalit isa ngang kakaibang uri ng pagsisilang! Napakabilis nito, biglang-bigla, anupat naganap ito bago pa man magsimula ang mga hapdi ng panganganak! Angkop lamang ang paglalarawang ito. Ang muling pagsilang ng bayan ng Diyos bilang isang bukod na bansa noong 537 B.C.E. ay napakabilis at biglang-bigla anupat ito’y nagmistulang isang himala. Aba, mula nang panahong palayain ni Ciro ang mga Judio mula sa pagkabihag hanggang nang panahong makabalik ang tapat na nalabi sa kanilang lupang tinubuan ay tumagal lamang nang ilang buwan! Ibang-iba nga sa mga pangyayaring humantong sa orihinal na pagkasilang ng bansang Israel! Noong 537 B.C.E., hindi na kinailangang makiusap pa sa isang tutol na monarka para palayain sila, hindi na kailangang tumakas mula sa isang kalabang hukbo, hindi na kailangang manirahan nang 40 taon sa ilang.
16. Sa makabagong-panahong katuparan ng Isaias 66:7, 8, ano ang inilalarawan ng Sion, at paanong isinilang muli ang kaniyang mga supling?
16 Sa makabagong-panahong katuparan, ang Sion ay kumakatawan sa makalangit na “babae” ni Jehova, ang kaniyang makalangit na organisasyon ng mga espiritung persona. Noong 1919, ang ‘babaing’ ito ay nagsaya nang makita ang pagsilang ng kaniyang pinahirang mga anak sa lupa bilang isang organisadong bayan, “isang bansa.” Ang muling pagsilang na iyon ay mabilis at bigla. c Sa loob lamang ng ilang buwan, ang mga pinahiran bilang isang grupo ay nabago mula sa isang kalagayang mistulang patay na walang ginagawa tungo sa isang masigla at aktibong buhay sa kanilang “lupain,” ang kanilang bigay-Diyos na larangan ng espirituwal na gawain. (Apocalipsis 11:8-12) Pagsapit ng taglagas ng 1919, ipinatalastas pa nga nila ang paglalathala ng isang bagong babasahin upang itambal sa The Watch Tower. Tinawag na The Golden Age (ngayo’y Gumising!), ang bagong publikasyong iyon ay katibayan na ang bayan ng Diyos ay muling sumigla at minsan pang naorganisa para sa paglilingkod.
17. Paano tiniyak ni Jehova sa kaniyang bayan na walang makapipigil sa kaniya sa pagsasakatuparan ng kaniyang layunin hinggil sa espirituwal na Israel?
17 Walang puwersa sa sansinukob ang makapipigil sa espirituwal na muling pagsilang na ito. Mariing sinabi sa sumunod na talata ang hinggil dito: “ ‘Kung tungkol sa akin, pangyayarihin ko bang bumukas ang bahay-bata at hindi pangyayarihing maipanganak?’ ang sabi ni Jehova. ‘O pinangyayari ko bang maipanganak at pinagsasara ko naman?’ ang sabi ng iyong Diyos.” (Isaias 66:9) Kung paanong hindi na maiiwasan ang pagsisilang minsang ito’y magsimula na, gayundin na ang muling pagsilang ng espirituwal na Israel, minsang magsimula na, ay hindi na mapipigilan. Totoo ngang nagkaroon ng pagsalansang, at malamang na magkakaroon ng higit pang pagsalansang sa hinaharap. Subalit si Jehova lamang ang makapipigil sa kaniyang pinasimulan, at hinding-hindi niya ginagawa ang ganiyan! Kung gayon, paano pinakikitunguhan ni Jehova ang kaniyang muling-sumiglang bayan?
Ang Magiliw na Pangangalaga ni Jehova
18, 19. (a) Anong makabagbag-damdaming ilustrasyon ang ginamit ni Jehova, at paano ito kumakapit sa kaniyang itinapong bayan? (b) Paano nakikinabang ang mga pinahirang nalabi sa ngayon mula sa maibiging pagpapakain at pangangalaga?
18 Ang sumunod na apat na talata ay gumuhit ng isang makabagbag-damdaming larawan ng magiliw na pangangalaga ni Jehova. Una, sinabi ni Isaias: “Makipagsaya kayo sa Jerusalem at makigalak kayo sa kaniya, kayong lahat na umiibig sa kaniya. Lubusan kayong makipagbunyi sa kaniya, kayong lahat na patuloy na nagdadalamhati dahil sa kaniya; sa dahilang kayo ay sususo at tiyak na mabubusog mula sa suso ng lubos na kaaliwan sa kaniya; sa dahilang kayo ay sisipsip at magtatamasa ng masidhing kaluguran mula sa utong ng kaniyang kaluwalhatian.” (Isaias 66:10, 11) Ginamit dito ni Jehova ang ilustrasyon tungkol sa isang babaing nagpapasuso ng kaniyang sanggol. Kapag nakaramdam ang isang sanggol ng mga hapdi ng pagkagutom, ito’y walang-tigil na iiyak. Subalit kapag ito’y inilapit na sa dibdib ng kaniyang ina para pasususuhin, ang paghihirap nito’y napapalitan ng kapanatagan at kasiyahan. Sa katulad na paraan, ang nalabi ng tapat na mga Judio sa Babilonya ay mabilis na dadalhin mula sa isang kalagayan ng pagdadalamhati tungo sa kaligayahan at kasiyahan kapag dumating na ang panahon ng paglaya at pagsasauli. Sila’y magagalak. Manunumbalik ang kaluwalhatian ng Jerusalem kapag ito’y muling naitayo at muling tinirahan. Tatanggapin naman ng kaluwalhatian ng lunsod ang tapat na mga naninirahan dito. Minsan pa, sila’y pakakanin sa espirituwal na paraan sa pamamagitan ng isang aktibong pagkasaserdote.—Ezekiel 44:15, 23.
19 Ang espirituwal na Israel din ay pinagpala ng saganang pagkain matapos maisauli noong 1919. Mula noon, ang daloy ng espirituwal na pagkain na ibinibigay sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin” ay patuluyan. (Mateo 24:45-47) Tunay na ito ay naging isang panahon ng kaaliwan at kagalakan para sa mga pinahirang nalabi. Subalit may iba pang mga pagpapala.
20. Paano pinagpala ang Jerusalem ng “humuhugos na ilog,” kapuwa noong sinauna at sa makabagong panahon?
20 Nagpatuloy ang hula: “Ito ang sinabi ni Jehova: ‘Narito, maggagawad ako sa kaniya ng kapayapaan na parang ilog at ng kaluwalhatian ng mga bansa na parang humuhugos na ilog, at kayo ay tiyak na sususo. Sa tagiliran ay bubuhatin kayo, at sa ibabaw ng mga tuhod ay hahaplusin kayo.’ ” (Isaias 66:12) Dito ang larawan ng pagpapasuso ay inilakip sa larawan ng isang saganang daloy ng mga pagpapala—isang “ilog” at isang “humuhugos na ilog.” Ang Jerusalem ay pagpapalain hindi lamang ng saganang kapayapaan mula kay Jehova kundi pati ng “kaluwalhatian ng mga bansa,” na dumadaloy at nagpapala sa bayan ng Diyos. Nangangahulugan ito na ang mga tao ng mga bansa ay huhugos sa bayan ni Jehova. (Hagai 2:7) Sa sinaunang katuparan, maraming tao mula sa iba’t ibang bansa ang talagang nakisama sa Israel, anupat naging mga proselitang Judio. Gayunman, isang lalong malaking katuparan ang naganap sa ating kapanahunan nang ang “isang malaking pulutong . . . mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika”—tunay na isang humuhugos na ilog ng mga tao—ay makisama sa nalabi ng espirituwal na mga Judio.—Apocalipsis 7:9; Zacarias 8:23.
21. Sa isang kaakit-akit na paglalarawan, anong uri ng pag-aliw ang inihula?
21 Ang Isaias 66:12 ay bumanggit din ng mga kapahayagan ng pag-ibig ng isang ina—ang paghaplos sa anak sa ibabaw ng mga tuhod at pagbuhat sa kaniya sa tagiliran. Sa sumunod na talata, gayunding damdamin ang ipinahayag na may kawili-wiling pagbabago ng larawan. “Tulad ng isang tao na patuloy na inaaliw ng kaniyang sariling ina, gayon ko kayo patuloy na aaliwin; at may kinalaman sa Jerusalem ay maaaliw kayo.” (Isaias 66:13) Ang bata ay “isang tao” na ngayon, isang adulto. Subalit hindi pa rin nawawala ang pagnanais ng kaniyang ina na siya’y aliwin sa panahon ng kabagabagan.
22. Paano ipinakikita ni Jehova kung gaano kagiliw at kasidhi ang kaniyang pag-ibig?
22 Sa kaakit-akit na paraang ito, inilarawan ni Jehova kung gaano kasidhi at kagiliw ang pag-ibig niya sa kaniyang bayan. Maging ang pinakamasidhing pag-ibig ng isang ina ay isa lamang bahagyang pagpapaaninag ng matinding pag-ibig ni Jehova sa kaniyang tapat na bayan. (Isaias 49:15) Napakahalaga nga na ipamalas ng lahat ng Kristiyano ang katangiang ito ng kanilang makalangit na Ama! Ipinamalas ito ni apostol Pablo, at sa gayo’y nag-iwan ng isang mainam na halimbawa para sa matatanda sa Kristiyanong kongregasyon. (1 Tesalonica 2:7) Sinabi ni Jesus na ang pag-ibig na pangkapatid ang magiging pangunahing pagkakakilanlan ng kaniyang mga tagasunod.—Juan 13:34, 35.
23. Ilarawan ang maligayang kalagayan ng isinauling bayan ni Jehova.
23 Ipinakikita ni Jehova ang kaniyang pag-ibig sa pamamagitan ng gawa. Sa gayon ay nagpatuloy siya: “Tiyak na makikita ninyo, at ang inyong puso ay magbubunyi, at ang inyo mismong mga buto ay sisibol na gaya ng murang damo. At ang kamay ni Jehova ay tiyak na mahahayag sa kaniyang mga lingkod, ngunit tutuligsain nga niya ang kaniyang mga kaaway.” (Isaias 66:14) Isang dalubhasa sa balarila ng wikang Hebreo ang nagpaliwanag na ang pananalitang “tiyak na makikita ninyo” ay nagpapahiwatig na saanman tumingin sa kanilang isinauling lupain ang nagbalik na mga tapon, “pawang kagalakan ang sasalubong sa kanilang mata.” Sila nga’y magbubunyi, labis-labis na matutuwa na sila’y naisauli sa kanilang minamahal na lupang tinubuan. Madarama nilang sila’y bumabata, na para bang ang kanilang mga buto ay muling lumalakas, nananariwang gaya ng damo kung tagsibol. Malalaman ng lahat na ang pinagpalang kalagayang ito ay pinapangyari, hindi ng pagsisikap ng sinumang tao, kundi ng “kamay ni Jehova.”
24. (a) Anong konklusyon ang nabubuo sa iyong isip kapag isinasaalang-alang ang mga pangyayaring nakaaapekto sa bayan ni Jehova sa ngayon? (b) Ano ang dapat nating maging kapasiyahan?
24 Napag-uunawa mo ba ang pagkilos ng kamay ni Jehova sa gitna ng kaniyang bayan sa ngayon? Walang tao ang makapagsasauli ng dalisay na pagsamba. Walang tao ang makapagpapahugos ng milyun-milyong pinakamamahal na mga tao mula sa lahat ng bansa upang makisama sa tapat na nalabi sa kanilang espirituwal na lupain. Tanging ang Diyos na Jehova lamang ang makagagawa ng mga bagay na ito. Ang mga kapahayagang ito ng pag-ibig ni Jehova ay nagbibigay sa atin ng dahilan upang labis na magalak. Huwag na huwag sana nating ipagwalang-bahala ang kaniyang pag-ibig. Patuloy tayong ‘manginig sa kaniyang salita.’ Maging kapasiyahan natin ang mamuhay ayon sa mga simulain ng Bibliya at makasumpong ng kaluguran sa paglilingkod kay Jehova.
[Mga talababa]
a Sa ngayon, marami sa Sangkakristiyanuhan ang ayaw gumamit ng personal na pangalan ni Jehova, anupat inaalis pa nga ito sa maraming salin ng Bibliya. Tinutuya ng ilan ang bayan ng Diyos dahil sa kanilang paggamit ng kaniyang personal na pangalan. Gayunman, marami sa mga indibiduwal na ito ang may-pagbabanal-banalang gumagamit ng pananalitang “Aleluya,” na nangangahulugang “Purihin si Jah.”
b Ang pananalitang “mga bangkay ng kanilang mga hari,” na ginamit sa Ezekiel 43:7, 9, ay tumutukoy sa mga idolo. Dinumhan ng mapaghimagsik na mga lider at mamamayan ng Jerusalem ang templo ng Diyos sa pamamagitan ng mga idolo at, sa diwa, ginawang hari ang mga ito.
c Ang pagsilang na inihula rito ay hindi yaong inilarawan sa Apocalipsis 12:1, 2, 5. Sa kabanatang iyon ng Apocalipsis, ang “anak na lalaki, isang lalaki,” ay lumalarawan sa Mesiyanikong Kaharian, na nagsimulang umiral noong 1914. Gayunman, ang “babae” sa dalawang hulang ito ay iisa.
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 395]
‘Lahat ng mga bagay na ito ay ginawa ng aking kamay’
[Larawan sa pahina 402]
Igagawad ni Jehova sa Sion ang “kaluwalhatian ng mga bansa”