Gumawa si Jehova ng Isang Magandang Pangalan Para sa Kaniyang Sarili
Ikadalawampu’t Apat na Kabanata
Gumawa si Jehova ng Isang Magandang Pangalan Para sa Kaniyang Sarili
1, 2. (a) Anong personal na interes ang nadarama ng mga Kristiyano sa dumarating na “araw ni Jehova”? (b) Anong malaking isyu ang nasasangkot sa pagdating ng araw ni Jehova?
SA LOOB ng halos dalawang libong taon, “hinihintay [ng mga Kristiyano] at iniingatang malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova.” (2 Pedro 3:12; Tito 2:13) Makatuwiran lamang na sila’y manabik sa pagdating ng araw na iyon. Aba, ito ang magiging tanda na sila’y giginhawa na mula sa mga pananalantang dulot ng di-kasakdalan. (Roma 8:22) Mangangahulugan din ito na tapos na ang mga kaigtingang dinaranas nila sa “mga panahong [ito na] mapanganib na mahirap pakitunguhan.”—2 Timoteo 3:1.
2 Gayunman, bagaman ang araw ni Jehova ay magdudulot ng kaginhawahan para sa mga matuwid, mangangahulugan din ito ng pagkapuksa para “doon sa mga hindi nakakakilala sa Diyos at doon sa mga hindi sumusunod sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus.” (2 Tesalonica 1:7, 8) Ito’y isang seryosong bagay na dapat pag-isipan. Talaga nga kayang pupuksain ng Diyos ang mga balakyot para lamang iligtas ang kaniyang bayan mula sa nakapipighating mga kalagayan? Ipinakikita ng ika-63 kabanata ng Isaias na may mas malaki pang isyung nasasangkot, samakatuwid nga, ang pagpapabanal sa pangalan ng Diyos.
Ang Paghayo ng Matagumpay na Mandirigma
3, 4. (a) Ano ang tagpo sa hula sa Isaias kabanata 63? (b) Sino ang nakita ni Isaias na humahayo patungong Jerusalem, at sino ang isang iyon ayon sa ilang iskolar?
3 Sa Isaias kabanata 62, mababasa natin ang paglaya ng mga Judio mula sa pagkabihag sa Babilonya at ang pagsasauli sa kanila tungo sa kanilang bayang tinubuan. Natural lamang na bumangon ang tanong: Kailangan bang mangamba ang isinauling nalabing mga Judio sa higit pang pagkawasak mula sa ibang kaaway na mga bansa? Malaki ang nagawa ng pangitain ni Isaias upang mapawi ang kanilang pangamba. Ganito ang pasimula ng hula: “Sino ang isang ito na dumarating mula sa Edom, yaong ang mga kasuutan ay may matitingkad na kulay mula sa Bozra, ang isang ito na may marangal na pananamit, na humahayo sa kasaganaan ng kaniyang kapangyarihan?”—Isaias 63:1a.
4 Nakita ni Isaias ang isang mandirigma, masigla at matagumpay, na humahayo patungong Jerusalem. Ipinahihiwatig ng kaniyang maringal na kasuutan na siya’y nasa pinakamataas na ranggo. Nanggaling siya sa direksiyon ng pinakaprominenteng lunsod ng Edom, ang Bozra, na nagpapahiwatig na siya’y nagtamo ng malaking tagumpay laban sa kaaway na lupaing iyon. Sino nga kaya ang mandirigmang ito? Si Jesu-Kristo raw ito ayon sa ilang iskolar. Naniniwala naman ang iba na ito raw ay ang Judiong lider ng militar na si Judas Macabeo. Gayunman, nagpakilala mismo ang mandirigma nang sagutin niya ang nabanggit na tanong sa pagsasabi: “Ako, ang Isa na nagsasalita sa katuwiran, ang Isa na sagana sa kapangyarihang magligtas.”—Isaias 63:1b.
5. Sino ang mandirigmang nakita ni Isaias, at bakit iyan ang sagot mo?
5 Walang alinlangan na ang mandirigmang ito ay ang Diyos na Jehova mismo. Sa ibang mga pagkakataon, siya’y inilarawan bilang isang nagtataglay ng “kasaganaan ng dinamikong lakas” at isang “nagsasalita ng bagay na matuwid.” (Isaias 40:26; 45:19, 23) Ang maringal na kasuutan ng mandirigma ay nagpapagunita sa atin ng mga salita ng salmista: “O Jehova na aking Diyos, ikaw ay lubhang dakila. Dinamtan mo ang iyong sarili ng dangal at karilagan.” (Awit 104:1) Bagaman si Jehova ay Diyos ng pag-ibig, ipinakikita ng Bibliya na isinusuot niya ang kagayakan ng isang mandirigma kapag kailangan.—Isaias 34:2; 1 Juan 4:16.
6. Bakit bumabalik si Jehova mula sa pakikipagbaka sa Edom?
6 Kung gayon, bakit bumabalik si Jehova mula sa pakikipagbaka sa Edom? Ang mga Edomita, na patuloy na nagkikimkim ng poot na nagsimula sa kanilang ninunong si Esau, ay malaon nang kaaway ng tipang bayan ng Diyos. (Genesis 25:24-34; Bilang 20:14-21) Ang tindi ng galit ng Edom sa Juda ay lalo nang nahalata nang sulsulan ng mga Edomita ang mga sundalong taga-Babilonya noong winawasak ng mga ito ang Jerusalem. (Awit 137:7) Itinuring ni Jehova ang gayong pagkapoot bilang isang pagkakasala laban sa kaniya mismo. Hindi nga kataka-taka na ipinasiya niyang pakawalan ang kaniyang tabak ng paghihiganti laban sa Edom!—Isaias 34:5-15; Jeremias 49:7-22.
7. (a) Paano unang natupad ang hula laban sa Edom? (b) Ano ang isinasagisag ng Edom?
7 Kaya naman napakalaking pampatibay-loob sa mga Judiong nagbalik sa Jerusalem ang pangitain ni Isaias. Tiniyak nito sa kanila na ligtas silang maninirahan sa kanilang bagong tahanan. Tunay nga, sa kapanahunan ng propetang si Malakias, pinangyari ng Diyos na maging ‘isang nakatiwangwang na kaguhuan ang mga bundok [ng Edom] at iniukol sa mga chakal sa ilang ang mana’ nito. (Malakias 1:3) Kung gayon, nangangahulugan ba ito na lubusan nang natupad ang hula ni Isaias pagsapit ng kapanahunan ni Malakias? Hindi, dahil sa kabila ng tiwangwang na kalagayan nito, determinado ang Edom na muling itayo ang mga wasak na dako nito, at patuloy na tinawag ni Malakias ang Edom na “ang teritoryo ng kabalakyutan” at “ang bayan na tinuligsa ni Jehova hanggang sa panahong walang takda.” a (Malakias 1:4, 5) Gayunman, sa makahulang paraan, hindi lamang mga inapo ni Esau ang bumubuo ng Edom. Ito’y nagsisilbing isang sagisag ng lahat ng bansa na nagpatunay na sila’y mga kaaway ng mga mananamba ni Jehova. Ang mga bansa ng Sangkakristiyanuhan ay lalo nang prominente sa bagay na ito. Ano kaya ang mangyayari sa makabagong-panahong Edom na ito?
Ang Pisaan ng Ubas
8, 9. (a) Anong gawain ang pinagkaabalahan ng mandirigma na nakita ni Isaias? (b) Kailan at paano yayapakan ang makasagisag na pisaan ng ubas?
8 Tinanong ni Isaias ang nagbalik na mandirigma: “Bakit mapula ang iyong pananamit, at ang iyong mga kasuutan ay gaya niyaong sa yumayapak sa pisaan ng ubas?” Sumagot si Jehova: “Ang alilisan ng alak ay niyapakan kong mag-isa, habang wala akong kasamang tao mula sa mga bayan. At patuloy ko silang niyapakan sa aking galit, at patuloy ko silang niyurakan sa aking pagngangalit. At ang kanilang pumupulandit na dugo ay tumilamsik sa aking mga kasuutan, at ang aking buong pananamit ay narumhan ko.”—Isaias 63:2, 3.
9 Ang tahasang mga salitang ito ay naglalarawan sa pagdanak ng dugo. Aba, maging ang eleganteng kasuutan ng Diyos ay nabahiran, gaya ng mga kasuutan ng isang yumayapak sa pisaan ng ubas! Ang pisaan ng ubas ay isang angkop na sagisag ng pagkasukol na siyang nangyayari sa mga kaaway ng Diyos na Jehova kapag siya’y kumilos na upang sila’y puksain. Kailan kaya yayapakan ang makasagisag na pisaan ng ubas na ito? Ang mga hula ni Joel at ni apostol Juan ay bumabanggit din ng isang makasagisag na pisaan ng ubas. Ang pisaan ng ubas sa mga hulang iyon ay yayapakan kapag niyurakan na ni Jehova ang kaniyang mga kaaway tungo sa pagkapuksa sa Armagedon. (Joel 3:13; Apocalipsis 14:18-20; 16:16) Ang makahulang pisaan ng ubas sa Isaias ay tumutukoy sa panahon ding iyon.
10. Bakit sinabi ni Jehova na niyapakan niyang mag-isa ang pisaan ng ubas?
10 Subalit bakit kaya sinabi ni Jehova na niyapakan niyang mag-isa ang pisaan ng ubas na ito, habang wala siyang kasamang tao mula sa mga bayan? Hindi ba si Jesu-Kristo, bilang kinatawan ng Diyos, ang mangunguna sa pagyapak sa pisaan ng ubas? (Apocalipsis 19:11-16) Oo, subalit ang tinutukoy ni Jehova ay mga tao, hindi mga espiritung nilalang. Ang ibig niyang sabihin ay walang taong makapag-aalis sa lupa ng mga tagasunod ni Satanas. (Isaias 59:15, 16) Ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat lamang ang patuloy na makayayapak sa kanila sa kaniyang galit, hanggang sa sila’y lubusang madurog.
11. (a) Bakit pasasapitin ni Jehova ang isang “araw ng paghihiganti”? (b) Sino ang “mga tinubos” noong sinaunang panahon, at sino ang mga ito sa ngayon?
11 Ipinaliwanag pa ni Jehova kung bakit personal niyang isinagawa ang gawaing ito, na sinasabi: “Ang araw ng paghihiganti ay nasa aking puso, at ang mismong taon ng aking mga tinubos ay dumating na.” (Isaias 63:4) b Tanging si Jehova lamang ang may karapatang maglapat ng paghihiganti sa mga pumipinsala sa kaniyang bayan. (Deuteronomio 32:35) Noong sinaunang panahon, ang “mga tinubos” ay ang mga Judiong nagdusa sa mga kamay ng mga taga-Babilonya. (Isaias 35:10; 43:1; 48:20) Sa makabagong panahon, sila’y ang mga pinahirang nalabi. (Apocalipsis 12:17) Gaya ng kanilang sinaunang mga katumbas, sila’y tinubos mula sa pagkabihag sa relihiyon. At gaya ng mga Judiong iyon, ang mga pinahiran, pati na ang kanilang kasamang “ibang mga tupa,” ay naging mga biktima ng pag-uusig at pagsalansang. (Juan 10:16) Kaya nga tinitiyak ng hula ni Isaias sa mga Kristiyano sa ngayon na sa takdang panahon ng Diyos, Siya ay makikialam alang-alang sa kanila.
12, 13. (a) Sa anong paraan walang tumulong kay Jehova? (b) Paano naglalaan ng kaligtasan ang bisig ni Jehova, at paano siya inaalalayan ng kaniyang pagngangalit?
12 Nagpatuloy si Jehova: “Ako ay tumitingin, ngunit walang tumulong; at ako ay nagsimulang manggilalas, ngunit walang sinumang nag-alok ng pag-alalay. Kaya naglaan sa akin ng kaligtasan ang aking bisig, at ang aking pagngangalit ang siyang umalalay sa akin. At patuloy kong niyapakan ang mga bayan sa aking galit, at nilasing ko sila ng aking pagngangalit at ibinubo ko sa lupa ang kanilang pumupulandit na dugo.”—Isaias 63:5, 6.
13 Walang katulong na tao ang maaaring umangkin ng kredito sa dakilang araw ng paghihiganti ni Jehova. Ni nangangailangan man si Jehova ng anumang tulong mula sa tao upang maisagawa ang kaniyang kalooban. c Sapat na ang di-masukat na kapangyarihan ng kaniyang bisig ng kalakasan para sa gawaing iyon. (Awit 44:3; 98:1; Jeremias 27:5) Isa pa, ang kaniyang pagngangalit ang umaalalay sa kaniya. Paano? Sa bagay na ang pagngangalit ng Diyos ay hindi isang di-masupil na damdamin kundi isang matuwid na pagkagalit. Yamang si Jehova ay palaging kumikilos salig sa matuwid na mga simulain, ang kaniyang pagngangalit ay umaalalay at nag-uudyok sa kaniya upang ‘ibubo niya sa lupa’ ang “pumupulandit na dugo” ng kaniyang mga kaaway, tungo sa kanilang kahihiyan at pagkatalo.—Awit 75:8; Isaias 25:10; 26:5.
Ang Maibiging-Kabaitan ng Diyos
14. Anong angkop na mga paalaala ang ibinigay ngayon ni Isaias?
14 Noon, madaling nawala ang pagpapahalaga ng mga Judio sa mga bagay na ginawa ni Jehova para sa kanila. Angkop lamang kung gayon na ipaalaala sa kanila ni Isaias kung bakit ginawa ni Jehova ang gayong mga bagay. Inihayag ni Isaias: “Ang mga maibiging-kabaitan ni Jehova ay babanggitin ko, ang mga kapurihan ni Jehova, ayon sa lahat ng ginawa sa atin ni Jehova, ang sagana ngang kabutihan sa sambahayan ng Israel na ginawa niya sa kanila ayon sa kaniyang kaawaan at ayon sa kasaganaan ng kaniyang mga maibiging-kabaitan. At sinabi niya: ‘Tunay na sila ay aking bayan, mga anak na hindi magbubulaan.’ Kaya sa kanila ay siya ang naging Tagapagligtas. Sa lahat ng kanilang kapighatian ay napipighati siya. At ang kaniyang sariling mensahero ang nagligtas sa kanila. Dahil sa kaniyang pag-ibig at sa kaniyang habag ay tinubos niya sila, at binuhat niya sila at dinala sila sa lahat ng mga araw noong sinaunang panahon.”—Isaias 63:7-9.
15. Paano at bakit nagpakita si Jehova ng maibiging-kabaitan sa mga supling ni Abraham sa Ehipto?
15 Napakagandang halimbawa ang ipinamalas ni Jehova sa pagpapakita ng maibiging-kabaitan, o tapat na pag-ibig! (Awit 36:7; 62:12) Nagkaroon si Jehova ng mapagmahal na kaugnayan kay Abraham. (Mikas 7:20) Ipinangako niya sa patriyarka na sa pamamagitan ng kaniyang binhi, o supling, pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili. (Genesis 22:17, 18) Pinanindigan ni Jehova ang pangakong iyon, anupat nagpakita ng saganang kabutihan sa sambahayan ng Israel. Ang pinakabantog sa kaniyang mga gawang katapatan ay ang pagliligtas niya sa mga supling ni Abraham mula sa pagkaalipin sa Ehipto.—Exodo 14:30.
16. (a) Anong saloobin ang taglay ni Jehova nang makipagtipan siya sa Israel? (b) Paano nakikitungo ang Diyos sa kaniyang bayan?
16 Kasunod ng Paglabas mula sa Ehipto, dinala ni Jehova ang Israel sa Bundok Sinai at nangako: “Kung mahigpit ninyong susundin ang aking tinig at iingatan nga ang aking tipan, kayo ay tiyak na magiging aking pantanging pag-aari . . . At kayo ay magiging isang kaharian ng mga saserdote sa akin at isang banal na bansa.” (Exodo 19:5, 6) Naging mapanlinlang kaya si Jehova sa iniaalok niyang ito? Hindi, sapagkat isiniwalat ni Isaias na sinabi ni Jehova sa kaniyang sarili: “Tunay na sila ay aking bayan, mga anak na hindi magbubulaan.” Isang iskolar ang nagsabi: “Ang ‘tunay’ ay hindi dahil sa ito’y itinalaga na niya bilang soberano o dahil sa alam na niya ito nang patiuna: ito’y dahil sa pag-asa at tiwalang dulot ng pag-ibig.” Oo, tapat ang pakikipagtipan ni Jehova, anupat taimtim na hinahangad ang tagumpay ng kaniyang bayan. Sa kabila ng kanilang hayag na mga pagkukulang, nagtiwala pa rin siya sa kanila. Kay inam na sumamba sa isang Diyos na may gayong pagtitiwala sa kaniyang mga mananamba! Napakalaki ng nagagawa ng matatanda sa ngayon upang palakasin yaong mga ipinagkatiwala sa kanila kapag sila’y nagpapamalas ng gayunding pagtitiwala sa likas na kabutihan ng bayan ng Diyos.—2 Tesalonica 3:4; Hebreo 6:9, 10.
17. (a) Ano ang ibinigay ni Jehova bilang katibayan ng kaniyang pag-ibig sa mga Israelita? (b) Anong pagtitiwala ang maaari nating taglayin sa ngayon?
17 Sa kabila nito, ganito ang sinabi ng salmista hinggil sa mga Israelita: “Nilimot nila ang Diyos na kanilang Tagapagligtas, ang Gumawa ng mga dakilang bagay sa Ehipto.” (Awit 106:21) Ang kanilang pagkamasuwayin at katigasan ay madalas na nagdulot sa kanila ng kapahamakan. (Deuteronomio 9:6) Tumigil ba si Jehova sa pagpapamalas sa kanila ng maibiging-kabaitan? Sa kabaligtaran, isinaysay ni Isaias na “sa lahat ng kanilang kapighatian ay napipighati siya.” Kay tindi ng empatiya ni Jehova! Gaya ng sinumang maibiging ama, masakit sa Diyos na makitang nagdurusa ang kaniyang mga anak, kahit na ang pagdurusa ay dahil na rin sa kanilang sariling kahangalan. Gaya ng inihula at bilang katibayan ng kaniyang pag-ibig, isinugo niya ang kaniyang “sariling mensahero,” malamang na si Jesus bago siya naging tao, upang akayin sila patungo sa Lupang Pangako. (Exodo 23:20) Sa gayo’y binuhat ni Jehova ang bansa at dinala ito, “gaya ng pagdadala ng isang tao sa kaniyang anak.” (Deuteronomio 1:31; Awit 106:10) Sa ngayon ay makapagtitiwala tayo na batid din ni Jehova ang ating mga pagdurusa at na nadarama niya ang ating nadarama kapag tayo’y napipighati. Buong-pagtitiwala nating ‘maihahagis sa kaniya ang lahat ng ating kabalisahan sapagkat siya ay nagmamalasakit sa atin.’—1 Pedro 5:7.
Naging Kaaway ang Diyos
18. Bakit naging kaaway si Jehova ng kaniyang bayan?
18 Subalit huwag na huwag tayong maging mapagsamantala sa maibiging-kabaitan ng Diyos. Nagpatuloy si Isaias: “Sila ay naghimagsik at pinagdamdam ang kaniyang banal na espiritu. Siya ngayon ay naging kaaway nila; siya ay nakipagdigma laban sa kanila.” (Isaias 63:10) Nagbabala si Jehova na bagaman siya’y isang Diyos na maawain at magandang-loob, “sa anumang paraan ay wala siyang pinaliligtas sa kaparusahan.” (Exodo 34:6, 7) Inihanay ng mga Israelita ang kanilang sarili para sa kaparusahan sa pamamagitan ng paulit-ulit na paghihimagsik. “Huwag mong kalimutan kung paano mo pinukaw sa galit si Jehova na iyong Diyos sa ilang,” paalaala ni Moises. “Mula nang araw na lumabas ka mula sa lupain ng Ehipto hanggang sa pagdating ninyo sa dakong ito ay naging mapaghimagsik na kayo sa inyong paggawi kay Jehova.” (Deuteronomio 9:7) Dahil sinalansang nila ang mga kabutihang idinudulot ng espiritu ng Diyos, ito’y kanilang pinagdamdam o pinighati. (Efeso 4:30) Pinilit nila si Jehova na maging kaaway nila.—Levitico 26:17; Deuteronomio 28:63.
19, 20. Anong mga bagay ang naalaala ng mga Judio, at bakit?
19 Sa gitna ng kanilang kapighatian, naudyukan ang ilang Judio na balikan ang nakaraan. Sinabi ni Isaias: “Ang isa ay nagsimulang makaalaala sa mga araw noong sinaunang panahon, si Moises na kaniyang lingkod: ‘Nasaan ang Isa na nag-ahon sa kanila mula sa dagat kasama ng mga pastol ng kaniyang kawan? Nasaan ang Isa na naglagay sa kaniya ng Kaniyang banal na espiritu? Ang Isa na nag-uunat ng Kaniyang magandang bisig sa kanang kamay ni Moises; ang Isa na humahati sa tubig mula sa harap nila upang gumawa ng isang pangalang namamalagi nang walang takda para sa kaniyang sarili; ang Isa na pumapatnubay sa kanila sa dumadaluyong na tubig anupat gaya ng isang kabayo sa ilang ay hindi sila natisod? Gaya ng paglusong ng isang hayop sa kapatagang libis, pinagpahinga sila ng mismong espiritu ni Jehova.’ ”—Isaias 63:11-14a. d
20 Oo, dahil pinagdurusahan nila ang mga bunga ng pagsuway, pinanabikan ng mga Judio ang mga araw noong si Jehova ay kanilang Tagapagligtas sa halip na kanilang kaaway. Nagunita nila kung paano sila ligtas na pinatnubayan ng kanilang “mga pastol,” sina Moises at Aaron, sa pagtawid sa Dagat na Pula. (Awit 77:20; Isaias 51:10) Nagunita nila ang isang panahon na sa halip na pagdamdamin ang espiritu ng Diyos, sila’y inakay nito sa pamamagitan ng patnubay na ibinigay ni Moises at ng iba pang hinirang-ng-espiritung matatandang lalaki. (Bilang 11:16, 17) Naalaala rin nila na kanilang nakita ang “magandang bisig” ng kalakasan ni Jehova na ginagamit alang-alang sa kanila sa pamamagitan ni Moises! Nang maglaon, inilabas sila ng Diyos mula sa malaki at kakila-kilabot na ilang at inakay sila patungo sa isang lupain na inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan—isang dako ng kapahingahan. (Deuteronomio 1:19; Josue 5:6; 22:4) Subalit ngayon, ang mga Israelita ay nagdurusa dahil naiwala nila ang kanilang mabuting kaugnayan sa Diyos!
‘Isang Magandang Pangalan Para sa Kaniyang Sarili’
21. (a) Anong dakilang pribilehiyo ang tinamasa sana ng Israel may kaugnayan sa pangalan ng Diyos? (b) Ano ang pangunahing dahilan ng Diyos sa pagpapalaya sa mga inapo ni Abraham mula sa Ehipto?
21 Gayunman, ang kalugihan ng mga Israelita sa materyal ay maliit lamang kung ihahambing sa pagkawala ng pribilehiyo na tinanggihan nila, samakatuwid nga, yaong pakikibahagi sa pagluwalhati sa pangalan ng Diyos. Nangako si Moises sa mga Judio: “Itatatag ka ni Jehova bilang isang banal na bayan sa kaniya, gaya ng isinumpa niya sa iyo, sapagkat patuloy mong tinutupad ang mga utos ni Jehova na iyong Diyos, at lumalakad ka sa kaniyang mga daan. At makikita ng lahat ng mga bayan sa lupa na ang pangalan ni Jehova ay itinatawag sa iyo, at matatakot nga sila sa iyo.” (Deuteronomio 28:9, 10) Nang ipagtanggol ni Jehova ang mga inapo ni Abraham, anupat sinagip sila mula sa pagkaalipin sa Ehipto, hindi niya ito ginawa para lamang maging higit na maalwan o kasiya-siya ang buhay para sa kanila. Siya’y kumilos alang-alang sa isang bagay na makapupong higit na mahalaga—ang kaniyang pangalan. Oo, tinitiyak niya na ang kaniyang pangalan ay ‘maipahahayag sa buong lupa.’ (Exodo 9:15, 16) At nang magpakita ng awa ang Diyos matapos maghimagsik ang Israel sa ilang, ginawa niya ito hindi lamang dahil sa udyok ng damdamin. Sinabi mismo ni Jehova: “Ako ay kumilos alang-alang sa aking sariling pangalan upang hindi ito malapastangan sa paningin ng mga bansa.”—Ezekiel 20:8-10.
22. (a) Sa hinaharap, bakit muling makikipagbaka ang Diyos alang-alang sa kaniyang bayan? (b) Sa anong mga paraan naaapektuhan ng ating pag-ibig sa pangalan ng Diyos ang ating mga pagkilos?
22 Kaya naman isang napakabisang konklusyon ang ibinigay ni Isaias sa hulang ito! Sinabi niya: “Gayon mo inakay ang iyong bayan upang gumawa ng isang magandang pangalan para sa iyong sarili.” (Isaias 63:14b) Maliwanag na makikita ngayon kung bakit buong-kapangyarihang nakikipagbaka si Jehova para sa kapakanan ng kaniyang bayan. Ito’y upang makagawa ng isang magandang pangalan para sa kaniyang sarili. Sa gayon, ang hula ni Isaias ay nagsisilbing isang mabisang paalaala na ang pagtataglay ng pangalan ni Jehova ay kapuwa isang kahanga-hangang pribilehiyo at isang napakalaking pananagutan. Iniibig ng tunay na mga Kristiyano sa ngayon ang pangalan ni Jehova nang higit pa sa kanilang buhay. (Isaias 56:6; Hebreo 6:10) Ayaw nilang gumawa ng anumang bagay na maaaring magdulot ng kadustaan sa sagradong pangalang iyan. Sinusuklian nila ang tapat na pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng pananatiling tapat sa kaniya. At dahil sa iniibig nila ang magandang pangalan ni Jehova, pinananabikan nila ang araw na yuyurakan niya ang kaniyang mga kaaway sa pisaan ng ubas ng kaniyang galit—hindi lamang dahil sa makikinabang sila rito kundi dahil sa ito’y aakay sa pagluwalhati sa pangalan ng Diyos na kanilang iniibig.—Mateo 6:9.
[Mga talababa]
a Ang mga Herodes noong unang siglo C.E. ay mga Edomita.
b Ang pananalitang “taon ng aking mga tinubos” ay maaaring tumukoy sa iyon ding yugto ng panahon sa terminong “araw ng paghihiganti.” Pansinin kung paanong ang kahawig na mga termino ay ginamit sa Isaias 34:8 sa katulad na paraan.
c Nanggilalas si Jehova nang walang tumulong sa kaniya. Waring nakapanggigilalas nga na halos 2,000 taon pagkamatay ni Jesus, ang mga makapangyarihan ng sangkatauhan ay salansang pa rin sa kalooban ng Diyos.—Awit 2:2-12; Isaias 59:16.
d Ang talatang ito ay maaari ring pasimulan nang ganito: “Siya ay nagsimulang makaalaala.” (Isaias 63:11, talababa sa Ingles) Subalit hindi naman ito nangangahulugan na si Jehova na nga ang isa na nakaaalaala. Ang sumunod na mga salita ay naghahayag ng damdamin ng bayan ng Diyos at hindi ng damdamin ni Jehova mismo. Kaya naman ganito ang salin ng Soncino Books of the Bible sa mga salitang ito: “Sa gayon ay naalaala ng Kaniyang bayan ang mga araw noong sinauna.”
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 359]
Malaki ang pag-asa ni Jehova sa kaniyang bayan