“Walang Sinumang Tumatahan ang Magsasabi: ‘Ako ay May Sakit’”
Ikadalawampu’t Anim na Kabanata
“Walang Sinumang Tumatahan ang Magsasabi: ‘Ako ay May Sakit’”
1. Bakit nakaaaliw ang mga salita ng Isaias 33:24?
“ANG buong sangnilalang ay patuloy na dumaraing na magkakasama at nasasaktang magkakasama hanggang ngayon.” Gayon ang sinabi ni apostol Pablo. (Roma 8:22) Sa kabila ng mga pagsulong sa siyensiya ng medisina, ang sakit at kamatayan ay patuloy na sumasalot sa lahi ng sangkatauhan. Kamangha-mangha nga kung gayon, ang pangako na siyang kasukdulang bahagi ng hulang ito ni Isaias! Gunigunihin ang panahon kapag “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’” (Isaias 33:24) Kailan at paano matutupad ang pangakong ito?
2, 3. (a) Sa anong paraan may-sakit ang bansang Israel? (b) Paanong ang Asirya ay nagsisilbing “tungkod” ng disiplina ng Diyos?
2 Si Isaias ay sumusulat sa panahong ang tipang bayan ng Diyos ay may sakit sa espirituwal. (Isaias 1:5, 6) Sila’y nasangkot nang husto sa apostasya at imoralidad anupat kailangan nila ang matinding disiplina mula sa Diyos na Jehova. Ang Asirya ay nagsisilbing “tungkod” ni Jehova upang ilapat ang disiplinang iyon. (Isaias 7:17; 10:5, 15) Una, ang sampung-tribong kaharian ng Israel sa hilaga ay bumagsak sa mga Asiryano sa taóng 740 B.C.E. (2 Hari 17:1-18; 18:9-11) Pagkalipas ng ilang taon, si Haring Senakerib ng Asirya ay naglunsad ng lansakang pagsalakay sa timugang kaharian ng Juda. (2 Hari 18:13; Isaias 36:1) Habang ang malaking puwersa ng Asirya ay lumalaganap sa lupain, ang ganap na pagkalipol ng Juda ay waring hindi maiiwasan.
3 Subalit ang Asirya, na lumalabis sa kaniyang atas na disiplinahin ang bayan ng Diyos, ay nagtataguyod ngayon ng kaniyang sariling sakim na ambisyon para sa pandaigdig na pananakop. (Isaias ) Pahihintulutan ba ni Jehova ang brutal na pakikitungong ito sa kaniyang bayan nang hindi maparurusahan? Magkakaroon ba ng pagpapagaling sa espirituwal na sakit ang bansa? Sa 10:7-11Isaias kabanata 33, mababasa natin ang kasagutan ni Jehova sa mga katanungang ito.
Pagsamsam sa Mananamsam
4, 5. (a) Anong pagbaligtad ng mga pangyayari ang mararanasan ng Asirya? (b) Anong panalangin ang ginawa ni Isaias alang-alang sa bayan ni Jehova?
4 Ang hula ay nagpapasimula: “Sa aba mo na nananamsam, na hindi ka naman sinasamsaman, at sa iyo na nakikitungo nang may kataksilan, gayong hindi ka naman pinakikitunguhan nang may kataksilan! Kapag natapos ka na bilang mananamsam, ikaw ay sasamsaman. Kapag nagawa mo nang makitungo nang may kataksilan, makikitungo sila sa iyo nang may kataksilan.” (Isaias 33:1) Si Isaias ay tuwirang nakikipag-usap sa mananamsam, ang Asirya. Sa karurukan ng kapangyarihan nito, ang agresibong bansang iyon ay waring hindi magagapi. Ito ay ‘nanamsam nang hindi nasasamsaman,’ winasak ang mga lunsod ng Juda, nilimas pa nga ang kayamanan sa bahay ni Jehova—at parang buong layang ginagawa iyon! (2 Hari 18:14-16; 2 Cronica 28:21) Gayunman, ngayon ay mababaligtad ang mga pangyayari. “Ikaw ay sasamsaman,” ang buong-tapang na ipinahayag ni Isaias. Tunay ngang nakaaaliw ang hulang ito sa mga tapat!
5 Sa nakatatakot na yugtong iyon ng panahon, ang mga tapat na mananamba ni Jehova ay kailangang bumaling sa kaniya ukol sa tulong. Si Isaias kung gayon ay nananalangin: “O Jehova, pagpakitaan mo kami ng lingap. Sa iyo kami umaasa. Maging bisig ka namin [ng kalakasan at suporta] sa bawat umaga, oo, ang aming kaligtasan sa panahon ng kabagabagan. Sa ingay ng kaguluhan ay tumakas ang mga bayan. Sa iyong pagbangon ay nangalat ang mga bansa.” (Isaias 33:2, 3) Angkop nga, si Isaias ay nananalangin na iligtas ni Jehova ang Kaniyang bayan gaya ng Kaniyang ginawa nang maraming ulit noon. (Awit 44:3; 68:1) At hindi pa natatagalan matapos maipanalangin ito ni Isaias ay inihula niya ang sagot ni Jehova!
6. Ano ang mangyayari sa Asirya, at bakit angkop ito?
6 “Ang samsam ninyo [ang mga Asiryano] ay titipunin ngang gaya ng mga ipis kapag nagtitipon, gaya ng pagdaluhong ng mga kulupon ng balang na dumadaluhong laban sa isa.” (Isaias 33:4) Ang Juda ay pamilyar sa mapangwasak na pagsalakay ng mga kulisap. Gayunman, sa panahong ito, ang mga kaaway ng Juda ay wawasakin. Ang Asirya ay daranas ng kahiya-hiyang pagkatalo, anupat mapipilitang tumakas ang mga sundalo nito, na iiwan ang pagkarami-raming samsam upang tipunin ng mga tumatahan sa Juda! Angkop lamang na ang Asirya, na kilala sa kalupitan nito, ay makaranas na masamsaman.—Isaias 37:36.
Ang Makabagong-Panahong Asiryano
7. (a) Sino sa ngayon ang maihahalintulad sa may-sakit sa espirituwal na bansang Israel? (b) Sino ang magsisilbing “tungkod” ni Jehova upang wasakin ang Sangkakristiyanuhan?
7 Paano kumakapit sa ating panahon ang hula ni Isaias? Ang may-sakit sa espirituwal na bansang Israel ay maihahambing sa di-tapat na Sangkakristiyanuhan. Kung paano ginamit ni Jehova ang Asirya bilang isang “tungkod” upang parusahan ang Israel, kaniya ring gagamitin ang isang “tungkod” upang parusahan ang Sangkakristiyanuhan—pati na ang nalabi ng pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, ang “Babilonyang Dakila.” (Isaias 10:5; Apocalipsis 18:2-8) Ang “tungkod” na iyon ay ang miyembrong mga bansa ng Nagkakaisang mga Bansa—isang organisasyong inilarawan sa Apocalipsis bilang isang kulay matingkad-pulang mabangis na hayop na may pitong ulo at sampung sungay.—Apocalipsis 17:3, 15-17.
8. (a) Sino sa ngayon ang maihahambing kay Senakerib? (b) Lalakas ang loob ng makabagong-panahong Senakerib na salakayin sino, at ano ang magiging resulta?
8 Kapag dumaluhong na ang makabagong-panahong Asiryano sa buong nasasakupan ng huwad na relihiyon, waring hindi na mahahadlangan pa ito. Taglay ang saloobing kagaya ng kay Senakerib, mapalalakas ang loob ni Satanas na Diyablo na sumalakay—hindi lamang laban sa mga apostatang organisasyon na karapat-dapat parusahan kundi laban din sa tunay na mga Kristiyano. Kaagapay ang mga nalabi ng pinahirang espirituwal na mga anak ni Jehova, milyun-milyon na lumabas na mula sa sanlibutan ni Satanas, kalakip dito ang Babilonyang Dakila, ang pumanig sa Kaharian ni Jehova. Galit dahil sa pagtanggi ng tunay na mga Kristiyano na sumamba sa kaniya, ang “diyos ng sistemang ito ng mga bagay,” si Satanas, ay maglulunsad ng lansakang pagsalakay laban sa kanila. (2 Corinto 4:4; Ezekiel 38:10-16) Sa kabila ng nakasisindak na pagsalakay na ito, ang bayan ni Jehova ay hindi kailangang magyumukyok sa takot. (Isaias 10:24, 25) Taglay nila ang garantiya ng Diyos na siya ang kanilang magiging “kaligtasan sa panahon ng kabagabagan.” Siya’y makikialam, upang wasakin si Satanas at ang kaniyang pulutong. (Ezekiel 38:18-23) Gaya noong sinaunang panahon, yaong mga nagsisikap na samsaman ang bayan ng Diyos ang siya mismong masasamsaman sa ganang sarili! (Ihambing ang Kawikaan 13:22b.) Ang pangalan ni Jehova ay pakababanalin, at ang mga makaliligtas ay gagantimpalaan dahil sa paghanap ng “karunungan at kaalaman [at] pagkatakot kay Jehova.”—Basahin ang Isaias 33:5, 6.
Isang Babala sa mga Walang Pananampalataya
9. (a) Ano ang gagawin ng “mga bayani” at ng “mga mensahero ng kapayapaan” ng Juda? (b) Paano tutugon ang Asiryano sa ginagawang pakikipagpayapaan ng Juda?
9 Ano kung gayon ang kahihinatnan ng mga walang pananampalataya sa Juda? Si Isaias ay nagbigay ng nakatatakot na paglalarawan ng kanilang nalalapit na pagkapuksa sa mga kamay ng Asirya. (Basahin ang Isaias 33:7.) Ang “mga bayani” sa hukbo ng Juda ay sisigaw sa takot dahil sa pagsugod ng Asiryano. Ang diplomatikong “mga mensahero ng kapayapaan,” na ipinadala upang makipag-areglo ukol sa kapayapaan sa paladigmang mga Asiryano, ay mapapaharap sa panunuya at kahihiyan. Sila’y tatangis nang may kapaitan dahil sa kanilang kabiguan. (Ihambing ang Jeremias 8:15.) Hindi sila kaaawaan ng brutal na Asiryano. (Basahin ang Isaias 33:8, 9.) Walang patumanggang sisirain niya ang mga kasunduang kaniyang ginawa sa mga tumatahan sa Juda. (2 Hari 18:14-16) ‘Kasusuklaman [ng Asiryano] ang mga lunsod’ ng Juda, anupat minamalas sila nang may paghamak at panlilibak, na walang pagpapakundangan sa buhay ng tao. Ang kalagayan ay magiging kapaha-pahamak anupat ang lupain mismo ay, wika nga, magdadalamhati. Ang Lebanon, Sharon, Bashan, at Carmel ay magdadalamhati rin dahil sa pagkatiwangwang.
10. (a) Paano mapatutunayang mahina ang “mga bayani” ng Sangkakristiyanuhan? (b) Sino ang magsasanggalang sa tunay na mga Kristiyano sa araw ng kabagabagan ng Sangkakristiyanuhan?
10 Ang ganito ring kalagayan ay walang alinlangang magaganap sa malapit na hinaharap habang ang mga bansa ay nagpapasimula sa kanilang pagsalakay sa relihiyon. Gaya noong kaarawan ni Hezekias, ang pisikal na paglaban sa mapangwasak na mga puwersang ito ay magiging walang-saysay. Ang “mga bayani” ng Sangkakristiyanuhan—ang kaniyang mga pulitiko, mga mamumuhunan, at iba pang mga taong maimpluwensiya—ay hindi makatutulong sa kaniya. Ang makapulitika at pinansiyal na ‘mga tipan,’ o mga kasunduan, na nilayon upang pangalagaan ang mga kapakanan ng Sangkakristiyanuhan ay sisirain. (Isaias 28:15-18) Ang balisang pagsisikap upang maiwasan ang pagkawasak sa pamamagitan ng diplomasya ay mabibigo. Ang mga komersiyal na aktibidad ay hihinto, habang ang mga ari-arian at mga puhunan ng Sangkakristiyanuhan ay kukumpiskahin o wawasakin. Ang sinumang may pakikipagkaibigan pa sa Sangkakristiyanuhan ay walang magagawa kundi ang tumayo sa ligtas na lugar at magdalamhati sa kaniyang pagpanaw. (Apocalipsis 18:9-19) Papalisin ba ang tunay na Kristiyanismo kasama ng huwad? Hindi, sapagkat si Jehova mismo ang nagbibigay ng ganitong kasiguruhan: “‘Ngayon ay titindig ako,’ sabi ni Jehova, ‘ngayon ay dadakilain ko ang aking sarili; ngayon ay itataas ko ang aking sarili.’” (Isaias 33:10) Sa wakas, si Jehova ay makikialam alang-alang sa mga tapat, na kagaya ni Hezekias, at pahihintuin ang pagsugod ng Asiryano.—Awit 12:5.
11, 12. (a) Kailan at paano matutupad ang mga salita ng Isaias 33:11-14? (b) Anong babala ang ibinibigay ng mga salita ni Jehova sa ngayon?
11 Hindi maaasahan ng di-tapat ang gayong proteksiyon. Sinasabi ni Jehova: “Naglilihi kayo ng tuyong damo; manganganak kayo ng pinaggapasan. Ang inyong espiritu, gaya ng apoy, ang lalamon sa inyo. At ang mga bayan ay magiging gaya ng mga pinagsunugan ng apog. Gaya ng mga tinik na pinutol, sila ay palalagablabin sa apoy. Dinggin ninyong mga nasa malayo kung ano ang gagawin ko! At kilalanin ninyong mga nasa malapit ang aking kalakasan. Sa Sion ay nanghihilakbot ang mga makasalanan; pinanaigan ng pangangatog ang mga apostata: ‘Sino sa atin ang makatatahan nang kahit sandali kung may apoy na lumalamon? Sino sa atin ang makatatahan nang kahit sandali kung may namamalaging mga ningas?’” (Isaias 33:11-14) Ang mga salitang ito ay maliwanag na kumakapit sa panahong haharapin na ng Juda ang isang bagong kaaway, ang Babilonya. Pagkamatay ni Hezekias, ang Juda ay nagbalik sa kaniyang balakyot na mga daan. Sa sumunod na ilang dekada, ang mga kalagayan sa Juda ay sumamâ hanggang sa puntong ang buong bansa ay dumanas ng apoy ng galit ng Diyos.—Deuteronomio 32:22.
12 Ang balakyot na mga plano at mga balak ng mga masuwayin upang umiwas sa kahatulan ng Diyos ay walang saysay gaya ng pinaggapasan. Sa katunayan, ang mapagmapuri, mapaghimagsik na espiritu ng bansa ang siyang aktuwal na magpapasiklab sa mga pangyayaring aakay sa pagkawasak nito. (Jeremias 52:3-11) Ang mga balakyot ay “magiging gaya ng mga pinagsunugan ng apog”—lubusang mapupuksa! Habang kanilang binubulay-bulay ang nalalapit na kapahamakang ito, ang mapaghimagsik na mga tumatahan sa Juda ay makararanas ng isang panghihilakbot. Ang mga salita ni Jehova sa di-tapat na Juda ay naglalarawan sa kalagayan ng mga miyembro ng Sangkakristiyanuhan sa ngayon. Kung hindi nila pakikinggan ang babala ng Diyos, isang nakatatakot na kinabukasan ang naghihintay sa kanila.
“Lumalakad sa Namamalaging Katuwiran”
13. Anong pangako ang ginawa para sa isa na “lumalakad sa namamalaging katuwiran,” at paano ito natupad sa kaso ni Jeremias?
13 Upang ipakita ang pagkakaiba, sumunod ay sinabi ni Jehova: “May isa na lumalakad sa namamalaging katuwiran at nagsasalita ng bagay na matuwid, na nagtatakwil ng di-tapat na pakinabang na galing sa mga pandaraya, na nagpapagpag ng kaniyang mga kamay sa pagkuha ng suhol, na nagtatakip ng kaniyang tainga sa pakikinig sa pagbububo ng dugo, at nagpipikit ng kaniyang mga mata upang hindi makakita ng kasamaan. Siya ang tatahan sa mga kaitaasan; ang kaniyang magiging matibay na kaitaasan ay mga dakong mabato na mahirap lapitan. Ang kaniyang tinapay ay tiyak na mabibigay sa kaniya; ang kaniyang laang tubig ay di-kakapusin.” (Isaias 33:15, 16) Gaya ng ipinahayag ni apostol Pedro nang maglaon, “alam ni Jehova kung paano magligtas ng mga taong may makadiyos na debosyon mula sa pagsubok, at magtaan naman ng mga taong di-matuwid upang lipulin sa araw ng paghuhukom.” (2 Pedro 2:9) Naranasan ni Jeremias ang gayong pagliligtas. Sa panahon ng pagkubkob ng Babilonya, ang bayan ay ‘kumain ng tinapay ayon sa timbang at may pagkabalisa.’ (Ezekiel 4:16) Kinain pa nga ng ilang babae maging ang laman ng kanilang sariling mga anak. (Panaghoy 2:20) Gayunman, tiniyak ni Jehova na si Jeremias ay naingatang ligtas.
14. Paanong ang mga Kristiyano sa ngayon ay patuloy na “lumalakad sa namamalaging katuwiran”?
14 Ang mga Kristiyano sa ngayon ay kailangan ding ‘lumakad sa namamalaging katuwiran,’ na sinusunod sa araw-araw ang mga pamantayan ni Jehova. (Awit 15:1-5) Sila’y dapat ‘magsalita ng kung ano ang matuwid’ at itakwil ang pagsisinungaling at kabulaanan. (Kawikaan 3:32) Ang pandaraya at panunuhol ay maaaring karaniwan sa maraming lupain, subalit ang mga ito ay kinamumuhian ng isa na “lumalakad sa namamalaging katuwiran.” Dapat na ingatan din ng mga Kristiyano ang isang “matapat na budhi” sa pakikipagnegosyo, na maingat na iniiwasan ang nakasisirang-puri o mapanlinlang na pamamaraan. (Hebreo 13:18; 1 Timoteo 6:9, 10) At ang isa na ‘nagtakip ng kaniyang tainga sa pakikinig sa pagbububo ng dugo at nagpikit ng kaniyang mga mata upang hindi makakita ng kasamaan’ ay magiging mapamili sa kaniyang pagpili ng musika at paglilibang. (Awit 119:37) Sa araw ng kaniyang paghatol, ipagsasanggalang at aalalayan ni Jehova ang kaniyang mga mananamba, na namumuhay sa gayong mga pamantayan.—Zefanias 2:3.
Pagmamasid sa Kanilang Hari
15. Anong pangako ang aalalay sa tapat na mga tapong Judio?
15 Sumunod ay nagbibigay si Isaias ng ganitong maningning na tanawin ng kinabukasan: “Isang hari sa kaniyang kakisigan ang siyang mamamasdan ng iyong mga mata; makikita nila ang isang lupain sa malayo. Ang iyong puso ay pabulong na sasambit tungkol sa isang nakatatakot na bagay: ‘Nasaan ang kalihim? Nasaan ang tagapagbayad? Nasaan ang bumibilang ng mga tore?’ Wala kang makikitang bayan na di-nagpapakundangan, isang bayan na napakalalim ng wika upang pakinggan, na may dilang nauutal na hindi mo maunawaan.” (Isaias 33:17-19) Ang ipinangakong Mesiyanikong Hari sa hinaharap at ang kaniyang Kaharian ay aalalay sa tapat na mga Judio sa loob ng mahabang dekada ng pagkatapon sa Babilonya, kahit na nakikita nila ang Kaharian mula lamang sa malayo. (Hebreo 11:13) Kapag naging isang kaganapan na sa wakas ang pamamahala ng Mesiyas, ang pang-aapi ng Babilonya ay mawawala na sa alaala. Ang mga makaliligtas sa pagsalakay ng Asiryano ay may kagalakang magtatanong: “Nasaan ang mga opisyal ng mapang-api, na kumuha ng ating buwis, na naningil sa atin, na kumuha ng ating tributo?”—Isaias 33:18, Moffatt.
16. Mula pa kailan ‘namasdan’ ng bayan ng Diyos ang Mesiyanikong Hari, at ano ang resulta?
16 Bagaman ang mga salita ni Isaias ay gumagarantiya ng pagsasauli mula sa pagkakabihag sa Babilonya, ang mga indibiduwal na tapong Judio ay kailangang maghintay ng pagkabuhay-muli upang tamasahin ang ganap na katuparan ng bahaging ito ng hula. Kumusta naman ang mga lingkod ng Diyos sa ngayon? Mula noong 1914, ‘namasdan,’ o naunawaan, ng bayan ni Jehova ang Mesiyanikong Hari, si Jesu-Kristo, sa kaniyang ganap na espirituwal na kagandahan. (Awit 45:2; 118:22-26) Bilang resulta, kanilang naranasan ang pagliligtas mula sa pang-aapi at kontrol ng balakyot na sistema ni Satanas. Sa ilalim ng Sion, ang luklukan ng Kaharian ng Diyos, kanilang tinatamasa ang tunay na espirituwal na katiwasayan.
17. (a) Anong mga pangako ang ginawa hinggil sa Sion? (b) Paano natupad sa Mesiyanikong Kaharian at sa mga tagapagtaguyod nito sa lupa ang mga pangako ni Jehova hinggil sa Sion?
17 Si Isaias ay nagpapatuloy: “Masdan mo ang Sion, ang bayan ng ating mga kapistahan! Makikita ng iyong sariling mga mata ang Jerusalem bilang isang tahimik na tinatahanang dako, isang tolda na hindi ililigpit ninuman. Hindi kailanman mabubunot ang mga pantoldang tulos nito, at walang isa man sa mga lubid nito ang mapapatid. Kundi doon ang Isa na Maringal, si Jehova, ay magiging isang dako ng mga ilog para sa atin, ng mga kanal na maluluwang. Doon ay walang pangkat ng mga barko ang paroroon, at walang maringal na barko ang tatawid doon.” (Isaias 33:20, 21) Tinitiyak sa atin ni Isaias na ang Mesiyanikong Kaharian ng Diyos ay hindi mabubunot o mawawasak. Bukod dito, ang gayong proteksiyon ay maliwanag na aabot sa tapat na mga tagapagtaguyod ng Kaharian sa lupa sa ngayon. Kahit na marami pang indibiduwal ang malagay sa matinding pagsubok, tinitiyak sa mga sakop ng Kaharian ng Diyos na anumang pagsisikap na wasakin sila bilang isang kongregasyon ay hindi magtatagumpay. (Isaias 54:17) Ipagsasanggalang ni Jehova ang kaniyang bayan kung paanong ang isang bambang o kanal ay nagsasanggalang sa isang lunsod. Anumang kaaway ang dumating laban sa kanila—kahit na isa na kasinlakas ng isang “pangkat ng mga barko” o isang “maringal na barko”—ay mapapaharap sa pagkawasak!
18. Anong pananagutan ang tinatanggap ni Jehova?
18 Bakit lubhang makapagtitiwala, kung gayon, ang mga umiibig sa Kaharian ng Diyos ng proteksiyon ng Diyos? Nagpapaliwanag si Isaias: “Si Jehova ang ating Hukom, si Jehova ang ating Tagapagbigay-batas, si Jehova ang ating Hari; siya ang magliligtas sa atin.” (Isaias 33:22) Tinatanggap ni Jehova ang pananagutan na ipagsanggalang at patnubayan ang kaniyang bayan, na kumikilala sa kaniyang posisyon bilang Kataas-taasang Soberano. Sila’y kusang nagpapasakop sa kaniyang pamamahala sa pamamagitan ng kaniyang Mesiyanikong Hari, na kinikilalang si Jehova ay may awtoridad hindi lamang upang gumawa ng mga kautusan kundi upang ipatupad ang mga ito. Gayunman, dahil sa si Jehova ay maibigin sa katuwiran at katarungan, ang kaniyang pamamahala, sa pamamagitan ng kaniyang Anak, ay hindi isang pabigat sa kaniyang mga mananamba. Sa halip, sila’y ‘nakikinabang’ sa pamamagitan ng pagpapasakop sa kaniyang awtoridad. (Isaias 48:17) Hindi niya kailanman iiwan ang mga tapat sa kaniya.—Awit 37:28.
19. Paano inilalarawan ni Isaias ang pagiging mahina ng mga kaaway ng tapat na bayan ni Jehova?
19 Si Isaias ay nagsasabi sa mga kaaway ng tapat na bayan ni Jehova: “Ang iyong mga lubid ay makakalag; ang kanilang palo ay hindi nila maitatayong matatag; hindi sila naglaladlad ng layag. Sa panahong iyon ay paghahati-hatian nga ang maraming samsam; ang mga pilay mismo ay kukuha ng maraming bagay na madadambong.” (Isaias 33:23) Ang sinumang lumalapit na kaaway ay mapatutunayang mahina at walang magagawa laban kay Jehova gaya ng isang barkong pandigma na may maluluwag na panali, isang umaalog na palo, at walang layag. Ang pagkapuksa ng mga kaaway ng Diyos ay magdudulot ng napakaraming samsam na kahit na ang mga may kapansanan ay makikibahagi sa pagkuha ng mga dinambong. Kung gayo’y makapagtitiwala tayo na sa pamamagitan ng haring si Jesu-Kristo, si Jehova ay magtatagumpay sa kaniyang mga kaaway sa dumarating na “malaking kapighatian.”—Apocalipsis 7:14.
Isang Pagpapagaling
20. Ang bayan ng Diyos ay makararanas ng anong uri ng pagpapagaling, at kailan?
20 Ang bahaging ito ng hula ni Isaias ay nagtatapos sa isang nakapagpapasigla-sa-pusong pangako: “Walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’ Ang bayan na mananahanan sa lupain ay yaong mga pinagpaumanhinan sa kanilang kamalian.” (Isaias 33:24) Ang sakit na tinutukoy ni Isaias ay pangunahin nang espirituwal, yamang ito ay may kaugnayan sa kasalanan, o “kamalian.” Sa unang aplikasyon ng mga salitang ito, ipinangangako ni Jehova na pagkatapos nilang lumaya mula sa pagkabihag sa Babilonya, ang bansa ay pagagalingin sa espirituwal. (Isaias 35:5, 6; Jeremias 33:6; ihambing ang Awit 103:1-5.) Dahil sa pagpapatawad sa kanilang dating mga kasalanan, muling itatatag ng nagsisibalik na mga Judio ang dalisay na pagsamba sa Jerusalem.
21. Sa anong mga paraan nakararanas ngayon ng espirituwal na pagpapagaling ang mga mananamba ni Jehova?
21 Gayunman, ang hula ni Isaias ay may makabagong katuparan. Ang bayan ni Jehova sa ngayon ay nagtatamasa rin ng espirituwal na pagpapagaling. Sila’y pinalaya mula sa huwad na mga turong tulad ng imortalidad ng kaluluwa, ng Trinidad, at maapoy na impiyerno. Sila’y tumatanggap ng moral na patnubay, na nagpapalaya sa kanila mula sa imoral na mga gawain at tumutulong sa kanila na makagawa ng mabubuting pagpapasiya. At dahil sa haing pantubos ni Jesu-Kristo, sila’y nagtatamasa ng isang malinis na katayuan sa harapan ng Diyos at nagtatamasa ng isang malinis na budhi. (Colosas 1:13, 14; 1 Pedro 2:24; 1 Juan 4:10) Ang espirituwal na pagpapagaling na ito ay may pisikal na mga kapakinabangan. Halimbawa, ang pag-iwas sa imoral na sekso at paggamit ng mga produkto ng tabako ay nagsasanggalang sa mga Kristiyano laban sa sakit na naililipat ng pagtatalik at sa ilang anyo ng kanser.—1 Corinto 6:18; 2 Corinto 7:1.
22, 23. (a) Magkakaroon ng anong malaking katuparan ang Isaias 33:24 sa hinaharap? (b) Ano ang kapasiyahan ng mga tunay na mananamba sa ngayon?
22 Bukod dito, magkakaroon ng mas malaking katuparan ang mga salita ng Isaias 33:24 pagkatapos ng Armagedon, sa bagong sanlibutan ng Diyos. Sa ilalim ng pamamahala ng Mesiyanikong Kaharian, ang mga tao ay makararanas ng isang dakilang pisikal na pagpapagaling kasama ng kanilang espirituwal na pagpapagaling. (Apocalipsis 21:3, 4) Di-magtatagal pagkatapos na mawasak ang sistema ng mga bagay ni Satanas, ang mga himalang gaya ng ginawa ni Jesus nang siya’y nasa lupa ay walang pagsalang magaganap sa buong globo. Ang mga bulag ay makakakita, ang mga bingi ay makaririnig, ang mga pilay ay makalalakad! (Isaias 35:5, 6) Ito’y magpapangyaring ang lahat ng mga makaliligtas sa malaking kapighatian ay makikibahagi sa dakilang gawain upang ang lupa ay gawing paraiso.
23 Sa dakong huli, kapag nagsimula na ang pagkabuhay-muli, yaong mga mabubuhay ay walang pagsalang ibabangon na may mabuting kalusugan. Subalit habang ang halaga ng haing pantubos ay ikinakapit pa nang higit, mas marami pang pisikal na kapakinabangan ang susunod, hanggang sa ang sangkatauhan ay maging sakdal. Pagkatapos, ang matutuwid ay ‘mabubuhay’ sa ganap na diwa nito. (Apocalipsis 20:5, 6) Sa panahong iyon, “Walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may-sakit,’” kapuwa sa espirituwal at pisikal na paraan. Ano ngang kapana-panabik na pangako! Nawa ang lahat ng tunay na mananamba sa ngayon ay magpasiyang makabilang sa mga makararanas ng katuparan nito!
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 344]
Si Isaias ay nananalangin nang may pagtitiwala kay Jehova
[Mga larawan sa pahina 353]
Dahil sa haing pantubos, ang bayan ni Jehova ay may malinis na katayuan sa harapan niya
[Larawan sa pahina 354]
Sa bagong sanlibutan, magkakaroon ng dakilang pisikal na pagpapagaling