Naisauling Paraiso!
Ikadalawampu’t Walong Kabanata
Naisauling Paraiso!
1. Bakit maraming relihiyon ang nanghahawakan sa pag-asa ng buhay sa isang paraiso?
“ANG pananabik sa paraiso ay kabilang sa matinding pinananabikan na wari’y laging sumasagi sa isip ng mga tao. Maaaring ito ang pinakamatindi at walang paglilikat sa lahat. Ang paghahangad sa paraiso ay nakikita sa bawat antas ng relihiyosong pamumuhay.” Ganiyan ang sabi ng The Encyclopedia of Religion. Ang gayong pananabik ay likas lamang, yamang ang Bibliya ay nagsasabi sa atin na ang buhay ng tao ay nagsimula sa Paraiso—isang magandang hardin na malaya sa sakit at kamatayan. (Genesis 2:8-15) Hindi kataka-taka na ang marami sa mga relihiyon sa daigdig ay nanghahawakan sa pag-asa ng buhay sa hinaharap sa isang paraiso anumang uri iyon.
2. Saan natin masusumpungan ang tunay na pag-asa sa Paraiso sa hinaharap?
2 Sa maraming bahagi ng Bibliya, mababasa natin ang tunay na pag-asa sa Paraiso sa hinaharap. (Isaias 51:3) Halimbawa, ang bahagi ng hula ni Isaias na nakaulat sa Isa kabanata 35 ay naglalarawan sa pagbabago ng mga pook na iláng tungo sa pagiging tulad-harding mga parke at mabubungang bukirin. Ang bulag ay makakakita, ang pipi ay makapagsasalita, at ang bingi ay makaririnig. Sa ipinangakong Paraisong ito, wala nang pagdadalamhati o pagbubuntunghininga, na nagpapahiwatig na kahit na ang kamatayan ay mawawala na. Ano ngang kamangha-manghang pangako! Paano uunawain ang mga salitang ito? Ang mga ito ba ay nagbibigay ng pag-asa sa atin ngayon? Ang pagsasaalang-alang ng kabanatang ito ng Isaias ang magbibigay ng kasagutan sa mga katanungang ito.
Nagalak ang Tiwangwang na Lupain
3. Ayon sa hula ni Isaias, anong pagbabago ang mangyayari sa lupa?
3 Ang kinasihang hula ni Isaias sa isinauling Paraiso ay nagpapasimula sa mga salitang ito: “Ang ilang at ang pook na walang tubig ay magbubunyi, at ang disyertong kapatagan ay magagalak at mamumulaklak na gaya ng safron. Iyon ay walang pagsalang mamumulaklak, at talagang magagalak iyon na may kagalakan at may hiyaw ng katuwaan. Ang kaluwalhatian ng Lebanon ay ibibigay roon, ang karilagan ng Carmel at ng Saron. May mga makakakita sa kaluwalhatian ni Jehova, sa karilagan ng ating Diyos.”—Isaias 35:1, 2.
4. Kailan at paano magiging gaya ng iláng ang lupang tinubuan ng mga Judio?
4 Isinulat ni Isaias ang mga salitang ito noong mga taon ng 732 B.C.E. Pagkaraan ng mga 125 taon, winasak ng Babilonya ang Jerusalem at ang bayan ng Juda ay ginawang tapon. Ang kanilang lupang tinubuan ay naiwang walang tumatahan, tiwangwang. (2 Hari 25:8-11, 21-26) Sa ganitong paraan natupad ang babala ni Jehova na ang bayang Israel ay magiging tapon kung sila’y hindi magtatapat. (Deuteronomio 28:15, 36, 37; 1 Hari 9:6-8) Nang maging bihag ang bansang Hebreo sa isang banyagang lupain, ang kanilang sagana-sa-tubig na mga bukid at ang mga taniman ay hindi naasikaso sa loob ng 70 taon at naging gaya ng iláng.—Isaias 64:10; Jeremias 4:23-27; 9:10-12.
5. (a) Paanong ang malaparaisong mga kalagayan ay maisasauli sa lupain? (b) Sa anong diwa ‘nakikita ng mga tao ang kaluwalhatian ni Jehova’?
5 Gayunman, ang hula ni Isaias ay nagsasabi na ang lupain ay hindi mananatiling tiwangwang magpakailanman. Ito’y isasauli sa pagiging isa ngang paraiso. “Ang kaluwalhatian ng Lebanon” at “ang karilagan ng Carmel at ng Saron” ay ibibigay rito. a Paano? Noong sila’y makabalik mula sa pagkatapon, muling nalinang at napatubigan ng mga Judio ang kanilang bukirin, at ang kanilang lupain ay nanumbalik sa pagiging mabunga kagaya ng dati. Sa bagay na ito, ang kapurihan ay para lamang kay Jehova. Iyo’y sa pamamagitan ng kaniyang kalooban at ng kaniyang pag-alalay at pagpapala kung kaya tinatamasa ng mga Judio ang gayong malaparaisong mga kalagayan. Nakikita ng bayan ang “kaluwalhatian ni Jehova, sa karilagan ng [kanilang] Diyos” kapag kanilang kinikilala ang kamay ni Jehova sa kamangha-manghang pagbabago ng kanilang lupain.
6. Anong mahalagang katuparan ng mga salita ni Isaias ang nakikita?
6 Gayunpaman, sa isinauling lupain ng Israel, mayroong mas mahalaga pang katuparan ang mga salita ni Isaias. Sa espirituwal na diwa, ang Israel ay nasa tigang at tulad-disyertong kalagayan sa loob ng maraming taon. Habang ang mga ipinatapon ay nasa Babilonya, ang dalisay na pagsamba ay matinding ipinagbawal. Walang templo, walang altar, at walang organisadong pagkasaserdote. Ang pang-araw-araw na mga hain ay pinahinto. Ngayon, inihuhula ni Isaias ang pagbaligtad ng mga pangyayari. Sa ilalim ng pamumuno ng mga taong gaya nina Zerubabel, Ezra, at Nehemias, ang mga kinatawan mula sa 12 tribo ng Israel ay magbabalik sa Jerusalem, muling magtatayo ng templo, at malayang sasamba kay Jehova. (Ezra 2:1, 2) Ito’y tunay ngang isang espirituwal na paraiso!
Maningas sa Espiritu
7, 8. Bakit kailangan ng mga ipinatapong Judio ang positibong saloobin, at paano naglalaan ng pampatibay-loob ang mga salita ni Isaias?
7 Ang mga salita ng Isaias kabanata 35 ay may taginting ng kagalakan. Ang propeta ay naghahayag ng isang maningning na kinabukasan para sa nagsisising bansa. Tunay nga, siya’y nagsasalita taglay ang pananalig at optimismo. Makalipas ang dalawang siglo, nang malapit na silang isauli, ang ipinatapong mga Judio ay nangangailangan ng gayunding pananalig at optimismo. Sa pamamagitan ni Isaias, si Jehova ay makahulang nagpayo sa kanila: “Palakasin ninyo ang mahihinang kamay, at patatagin ninyo ang mga tuhod na nangangatog. Sabihin ninyo sa mga may pusong nababalisa: ‘Magpakalakas kayo. Huwag kayong matakot. Narito! Ang inyong Diyos ay darating na may paghihiganti, ang Diyos taglay ang kagantihan. Siya ay darating at magliligtas sa inyo.’”—Isaias 35:3, 4.
8 Ang wakas ng matagal na pagkakatapon ay isang panahon ng pagkilos. Si Haring Ciro ng Persia, ang instrumento ng paghihiganti ni Jehova laban sa Babilonya, ay nagpahayag na ang pagsamba kay Jehova ay ibabalik sa Jerusalem. (2 Cronica 36:22, 23) Libu-libong pamilyang Hebreo ang kailangang organisahin upang magawa ang mapanganib na paglalakbay mula sa Babilonya hanggang sa Jerusalem. Nang sila’y dumating doon, kailangan silang magtayo ng sapat na pasilidad ukol sa paninirahan at maghanda para sa malaking gawain ng muling pagtatayo ng templo at ng lunsod. Para sa ilang mga Judio sa Babilonya, ang lahat ng ito ay parang mahirap gawin. Gayunman, hindi ito panahon upang maging mahina o matatakutin. Ang mga Judio ay dapat na magpalakasan sa isa’t isa at magtiwala kay Jehova. Tinitiyak niya sa kanila na sila’y maliligtas.
9. Anong dakilang pangako ang nakalaan sa nagsisibalik na Judio?
9 Yaong mga pinalaya mula sa pagkakabihag sa Babilonya ay may mabuting dahilan upang magalak, sapagkat isang dakilang kinabukasan ang naghihintay sa kanilang pagbabalik sa Jerusalem. Inihula ni Isaias: “Sa panahong iyon ay madidilat ang mga mata ng mga bulag, at ang mga tainga ng mga bingi ay mabubuksan. Sa panahong iyon ay aakyat ang pilay na gaya ng lalaking usa, at ang dila ng pipi ay hihiyaw sa katuwaan.”—Isaias 35:5, 6a.
10, 11. Para sa nagsisibalik na mga Judio, bakit may espirituwal na kahulugan ang mga salita ni Isaias, at ano ang ipinahihiwatig ng mga ito?
10 Maliwanag na nasa isipan ni Jehova ang espirituwal na kalagayan ng kaniyang bayan. Sila’y pinarusahan sa loob ng 70 taóng pagkakatapon dahil sa apostasya nila noong una. Subalit, sa paglalapat ng kaniyang disiplina, hindi pinarusahan ni Jehova ang kaniyang bayan ng pagkabulag, pagkabingi, pagkapilay, at pagkapipi. Kaya, ang pagsasauli sa bansang Israel ay hindi humihiling ng pisikal na pagpapagaling ng mga kapansanan. Isinasauli ni Jehova kung ano lamang ang nawala, alalaong baga, ang espirituwal na kalusugan.
11 Ang nagsising mga Judio ay pinagaling anupat sila’y nanumbalik sa kanilang espirituwal na katinuan—ang kanilang espirituwal na paningin at ang kakayahang makarinig, sumunod, at magsalita ng salita ni Jehova. Sila’y naging alisto sa kanilang pangangailangang manatiling malapit kay Jehova. Sa pamamagitan ng kanilang mainam na paggawi, sila’y “hihiyaw” sa pagpuri nang may kagalakan sa kanilang Diyos. Ang dating “pilay” ay nagiging sabik at masigasig sa kaniyang pagsamba kay Jehova. Sa makasagisag na paraan, siya’y ‘aakyat na gaya ng lalaking usa.’
Pinagiginhawa ni Jehova ang Kaniyang Bayan
12. Hanggang saan pagpapalain ni Jehova ang lupa sa pamamagitan ng tubig?
12 Mahirap isipin ang isang paraiso na walang tubig. Ang orihinal na Paraiso sa Eden ay sagana sa tubig. (Genesis 2:10-14) Ang lupaing ibinigay sa Israel ay isa ring “lupain ng mga libis na inaagusan ng tubig, mga bukal at mga matubig na kalaliman na bumubukal.” (Deuteronomio 8:7) Angkop kung gayon, si Isaias ay gumawa ng nakagiginhawang pangakong ito: “Sa ilang ay bubukal ang tubig, at ang mga ilog sa disyertong kapatagan. At ang lupang tigang sa init ay magiging gaya ng matambong lawa, at ang lupang uhaw ay magiging gaya ng mga bukal ng tubig. Sa dakong tinatahanan ng mga chakal, na siyang kanilang pahingahang-dako, ay magkakaroon ng luntiang damo kasama ng mga tambo at mga halamang papiro.” (Isaias 35:6b, 7) Kapag muling inasikaso ng mga Israelita ang lupain, ang tiwangwang na mga lugar na doo’y dating gumagala-gala ang mga chakal ay malalatagan ng luntian at malalagong pananim. Ang tuyo at maalikabok na lupa ay babaguhin tungo sa pagiging “latiang dako” kung saan ang papiro at ang iba pang tambong nabubuhay sa tubig ay tutubo.—Job 8:11.
13. Anong saganang espirituwal na tubig ang makukuha sa isinauling bansa?
13 Gayunman, lalong mahalaga ay ang espirituwal na tubig ng katotohanan, na saganang tatamasahin ng ibinalik na mga Judio. Si Jehova ay maglalaan ng kaalaman, pampatibay-loob, at kaaliwan sa pamamagitan ng kaniyang Salita. Bukod dito, ang tapat na matatandang lalaki at mga prinsipe ay magiging “gaya ng mga bukal ng tubig sa lupaing walang tubig.” (Isaias 32:1, 2) Yaong mga nagtataguyod ng dalisay na pagsamba, gaya nina Ezra, Hagai, Jesua, Nehemias, Zacarias, Zerubabel, ay tunay na magsisilbing buháy na patotoo sa katuparan ng hula ni Isaias.—Ezra 5:1, 2; 7:6, 10; Nehemias 12:47.
Ang “Daan ng Kabanalan”
14. Ilarawan ang paglalakbay mula sa Babilonya hanggang sa Jerusalem.
14 Gayunman, bago tamasahin ng ipinatapong mga Judio ang gayong pisikal at espirituwal na malaparaisong mga kalagayan, sila’y kailangang gumawa ng mahaba at mapanganib na paglalakbay mula sa Babilonya hanggang sa Jerusalem. Ang pagtahak sa tuwirang ruta ay mangangahulugan na kailangang tawirin ang mga 800 kilometro ng tigang at mahirap na lupain. Ang isang di-gaanong mahirap na ruta ay mangangahulugan ng paglalakbay ng 1,600 kilometro. Alinman sa paglalakbay na ito ay maglalantad sa kanila sa iba’t ibang kalagayan ng panahon at mapanganib na pagharap kapuwa sa mababangis na hayop at sa tulad-hayop na mga tao sa loob ng ilang buwan. Subalit yaong mga naniniwala sa hula ni Isaias ay hindi masyadong nababahala. Bakit?
15, 16. (a) Anong proteksiyon ang inilalaan ni Jehova para sa tapat na mga Judio sa kanilang paglalakbay pauwi? (b) Sa anong iba pang diwa naglalaan si Jehova ng isang ligtas na lansangang-bayan para sa mga Judio?
15 Sa pamamagitan ni Isaias, ipinangako ni Jehova: “Magkakaroon nga roon ng isang lansangang-bayan, isa ngang daan; at iyon ay tatawaging Daan ng Kabanalan. Ang marumi ay hindi daraan doon. At iyon ay magiging para sa kaniya na lumalakad sa daan, at walang mangmang na maliligaw roon. Hindi magkakaroon doon ng leon, at ang ganid na uri ng mababangis na hayop ay hindi sasampa roon. Walang masusumpungan doon; at ang mga tinubos ay doon lalakad.” (Isaias 35:8, 9) Hinango nga ni Jehova ang kaniyang bayan! Sila ang kaniyang “mga tinubos,” at ginarantiyahan niya ang kanilang ligtas na paglalakbay pauwi. Mayroon bang literal na patag, nakataas, at nababakurang lansangan mula sa Babilonya hanggang sa Jerusalem? Wala, subalit ang proteksiyon ni Jehova sa kaniyang bayan sa kanilang paglalakbay ay tiyak na tiyak anupat para bang sila’y nasa gayong lansangang-bayan.—Ihambing ang Awit 91:1-16.
16 Ang mga Judio ay ipinagsasanggalang din sa espirituwal na mga panganib. Ang makasagisag na lansangang-bayan ay ang “Daan ng Kabanalan.” Yaong mga walang-galang sa sagradong mga bagay o marurumi sa espirituwal ay hindi kuwalipikadong maglakbay roon. Sila ay hindi kailangan sa isinauling lupain. Ang mga sinang-ayunan ang wastong pinasisigla. Sila’y hindi babalik sa Juda at Jerusalem dahil sa espiritu ng pagkamakabayan o sa paghahanap ng sariling mga kapakanan. Ang mga Judio na palaisip sa espirituwal ay nakababatid na ang pangunahing dahilan ng kanilang pagbabalik ay upang itatag-muli ang dalisay na pagsamba kay Jehova sa lupaing iyon.—Ezra 1:1-3.
Nagagalak ang Bayan ni Jehova
17. Paano naaliw ng hula ni Isaias ang tapat na mga Judio sa kanilang matagal na pagkakatapon?
17 Ang kabanata 35 ng hula ni Isaias ay nagwawakas sa isang nakagagalak na paraan: “Ang mismong mga tinubos ni Jehova ay babalik at paroroon nga sa Sion na may sigaw ng kagalakan; at ang pagsasaya hanggang sa panahong walang takda ay mapapasakanilang ulo. Ang pagbubunyi at pagsasaya ay makakamtan nila, at ang pamimighati at pagbubuntunghininga ay mapaparam.” (Isaias 35:10) Ang bihag na mga Judio na umaasa sa hulang ito ukol sa kaaliwan at pag-asa sa panahon ng kanilang pagkatapon ay maaaring nag-iisip kung paano matutupad ang iba’t ibang detalye nito. Malamang na hindi nila nauunawaan ang maraming aspekto ng hula. Subalit, napakaliwanag na sila’y “babalik at paroroon nga sa Sion.”
18. Sa anong paraan pinalitan ang pagdadalamhati at pagbubuntunghininga sa Babilonya ng pagbubunyi at pagsasaya sa naisauling lupain?
18 Kaya, nang taóng 537 B.C.E., mga 50,000 lalaki (lakip ang mahigit sa 7,000 alipin at mga mang-aawit sa templo) kasama ang mga babae at mga bata ay nagsagawa ng apat na buwang paglalakbay pabalik sa Jerusalem, taglay ang lubos na pagtitiwala kay Jehova. (Ezra 2:64, 65) Makalipas lamang ang ilang buwan, ang altar ni Jehova ay muling naitayo, bilang paghahanda para sa lubusang pagtatayong muli ng templo. Ang 200-taóng-gulang na hula ni Isaias ay natupad. Ang pagdadalamhati ng bansa at pagbubuntunghininga samantalang nasa Babilonya ay napalitan ng pagbubunyi at pagsasaya sa naisauling lupain. Tinupad ni Jehova ang kaniyang pangako. Ang Paraiso—kapuwa literal at espirituwal—ay naisauli!
Ang Pagsilang ng Isang Bagong Bansa
19. Bakit maaaring sabihin na ang hula ni Isaias ay may limitado lamang na katuparan noong ikaanim na siglo B.C.E.?
19 Sabihin pa, ang katuparan ng Isaias kabanata 35 noong ikaanim na siglo B.C.E., ay limitado. Ang malaparaisong kalagayan na tinamasa ng mga naibalik na mga Judio ay hindi nagtagal. Nang maglaon, ang huwad na mga turong relihiyoso at nasyonalismo ay nagpasama sa dalisay na pagsamba. Sa espirituwal na paraan, muling naranasan ng mga Judio ang dalamhati at pagbubuntunghininga. Sa dakong huli ay itinakwil sila ni Jehova bilang kaniyang bayan. (Mateo 21:43) Dahil sa muling pagsuway, ang kanilang pagsasaya ay hindi naging permanente. Ang lahat ng ito ay nagpapakita sa isang higit pang malaking katuparan ng Isaias kabanata 35.
20. Anong bagong Israel ang lumitaw noong unang siglo C.E.?
20 Sa takdang panahon ni Jehova, isa pang Israel, isang espirituwal, ang lumitaw. (Galacia 6:16) Inihanda ni Jesus ang daan para sa pagsilang ng bagong Israel na ito noong kaniyang makalupang ministeryo. Kaniyang isinauli ang dalisay na pagsamba, at sa pamamagitan ng kaniyang mga turo, ang mga tubig ng katotohanan ay muling nagpasimulang umagos. Kaniyang pinagaling ang maysakit, kapuwa sa pisikal at espirituwal. Isang sigaw ng kagalakan ang umalingawngaw habang ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay inihahayag. Pitong linggo pagkamatay niya at pagkabuhay-muli, itinatag ng niluwalhating si Jesus ang Kristiyanong kongregasyon, isang espirituwal na Israel na binubuo ng mga Judio at ng iba pang tinubos ng itinigis na dugo ni Jesus, inianak bilang mga espirituwal na mga anak ng Diyos at mga kapatid ni Jesus, at pinahiran ng banal na espiritu.—Gawa 2:1-4; Roma 8:16, 17; 1 Pedro 1:18, 19.
21. Hinggil sa unang-siglong Kristiyanong kongregasyon, anong mga pangyayari ang maaaring malasin bilang isang katuparan ng ilang bahagi ng hula ni Isaias?
21 Sa pagsulat sa mga miyembro ng espirituwal na Israel, si apostol Pablo ay tumukoy sa mga salita ng Isaias 35:3 sa pagsasabing: “Iunat ninyo ang mga kamay na nakalaylay at ang mga nanghihinang tuhod.” (Hebreo 12:12) Maliwanag, kung gayon, nagkaroon ng katuparan ang mga salita ni Isaias sa kabanata 35 noong unang siglo C.E. Sa literal na diwa, si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay makahimalang nagbigay ng paningin sa mga bulag at ng pakinig sa mga bingi. Pinapangyari nilang ang “mga pilay” ay lumakad at ang mga pipi ay muling makapagsalita. (Mateo 9:32; 11:5; Lucas 10:9) Higit na mahalaga, ang tapat-pusong mga tao ay nakatakas mula sa huwad na relihiyon at nagtamasa ng espirituwal na paraiso sa loob ng Kristiyanong kongregasyon. (Isaias 52:11; 2 Corinto 6:17) Sa kaso ng mga Judio na nagbalik mula sa Babilonya, nasumpungan ng mga nakatakas na ito na mahalaga ang isang positibo, may tibay-loob na espiritu.—Roma 12:11.
22. Paanong ang taimtim, humahanap-ng-katotohanang mga Kristiyano sa makabagong panahon ay nahulog sa maka-Babilonyang pagkabihag?
22 Kumusta sa ating kaarawan? Ang hula ba ng Isaias ay may isa pang katuparan, isang mas ganap na katuparan na nagsasangkot sa Kristiyanong kongregasyon sa ngayon? Oo. Pagkamatay ng mga apostol, ang bilang ng tunay na mga pinahirang Kristiyano ay nabawasan nang malaki, at ang huwad na mga Kristiyano, ang “mga panirang-damo,” ay lumaganap sa sanlibutan. (Mateo 13:36-43; Gawa 20:30; 2 Pedro 2:1-3) Kahit noong ika-19 na siglo, nang magpasimulang ihiwalay ng taimtim na mga indibiduwal ang kanilang sarili mula sa Sangkakristiyanuhan at hanapin ang dalisay na pagsamba, ang kanilang kaunawaan ay patuloy na nabahiran ng hindi maka-kasulatang mga turo. Noong 1914, si Jesus ay iniluklok bilang Mesiyanikong Hari, subalit pagkaraan niyaon, ang situwasyon ay naging waring madilim para sa mga taimtim na humahanap ng katotohanan. Bilang katuparan ng hula, ang mga bansa ay ‘nakipagdigma sa kanila at dumaig sa kanila,’ at ang mga pagtatangka ng mga taimtim na Kristiyanong ito na ipangaral ang mabuting balita ay napigilan. Sa diwa, sila’y nahulog sa maka-Babilonyang pagkabihag.—Apocalipsis 11:7, 8.
23, 24. Sa anong mga paraan natupad ang mga salita ni Isaias sa bayan ng Diyos mula noong 1919?
23 Gayunman, noong 1919, nagbago ang mga bagay-bagay. Inilabas ni Jehova ang kaniyang bayan mula sa pagkabihag. Sila’y nagsimulang tumanggi sa mga huwad na turo na noong una ay nagpasamâ sa kanilang pagsamba. Bilang resulta, tinamasa nila ang pagpapagaling. Sila’y napasa espirituwal na paraiso, na maging sa ngayon ay patuloy na lumalaganap sa buong lupa. Sa espirituwal na diwa, ang bulag ay natututong makakita at ang bingi, makarinig—na nagiging lubusang alisto sa pagkilos ng banal na espiritu ng Diyos, laging gising sa pangangailangang manatiling malapit kay Jehova. (1 Tesalonica 5:6; 2 Timoteo 4:5) Yamang hindi na pipi, ang tunay na mga Kristiyano ay nananabik na ‘humiyaw,’ sa paghahayag sa iba ng mga katotohanan ng Bibliya. (Roma 1:15) Yaong mga mahina sa espirituwal, o “pilay,” ay nagpapamalas ngayon ng sigasig at kagalakan. Sa makasagisag na diwa, sila ay ‘maaaring umakyat na gaya ng lalaking usa.’
24 Ang naisauling mga Kristiyanong ito ay lumalakad sa “Daan ng Kabanalan.” Ang ‘Daang’ ito, na umaakay papalabas sa Babilonyang Dakila tungo sa isang espirituwal na paraiso, ay bukás sa lahat ng mga mananambang malinis sa espirituwal. (1 Pedro 1:13-16) Sila’y makaaasa kay Jehova para sa proteksiyon at makapananalig na hindi magtatagumpay si Satanas sa kaniyang makahayop na mga pagsalakay upang alisin ang tunay na pagsamba. (1 Pedro 5:8) Hindi pahihintulutan ang mga masuwayin at ang sinumang nag-uugaling gaya ng matakaw na mababangis na hayop na pasamain ang mga nasa lansangang-bayan ng Diyos ng kabanalan. (1 Corinto 5:11) Sa loob ng ligtas na kapaligirang ito, ang mga tinubos ni Jehova—ang pinahiran at ang “ibang mga tupa”—ay nakasusumpong ng kagalakan sa paglilingkod sa tanging tunay na Diyos.—Juan 10:16.
25. Magkakaroon ba ng isang pisikal na katuparan ang Isaias kabanata 35? Ipaliwanag.
25 Kumusta naman sa hinaharap? Ang hula ba ni Isaias ay matutupad sa pisikal na paraan? Oo. Ang makahimalang pagpapagaling ni Jesus at ng kaniyang mga apostol noong unang siglo ay nagpapakita sa pagnanais at kakayahan ni Jehova na magsagawa ng gayong mga pagpapagaling sa mas malaking paraan sa hinaharap. Ang kinasihang mga Awit ay bumanggit ng buhay na walang hanggan sa mapayapang mga kalagayan sa lupa. (Awit 37:9, 11, 29) Ipinangako ni Jesus ang buhay sa Paraiso. (Lucas 23:43) Hanggang sa pinakahuling aklat nito, ang Bibliya ay naglalaan ng pag-asa para sa isang literal na paraiso. Sa panahong iyon, ang bulag, ang bingi, ang pilay, at ang pipi ay gagaling sa pisikal at ito’y permanente. Ang pagdadalamhati at pagbubuntunghininga ay mawawala na. Ang pagsasaya ay tunay na magiging hanggang sa panahong walang takda, maging sa walang hanggan.—Apocalipsis 7:9, 16, 17; 21:3, 4.
26. Paanong ang mga salita ni Isaias ay nagpapalakas sa mga Kristiyano sa ngayon?
26 Bagaman ang mga tunay na Kristiyano ay naghihintay sa pagsasauli ng pisikal na makalupang Paraiso, kahit na sa ngayon ay tinatamasa na nila ang mga pagpapala ng espirituwal na paraiso. Sila’y napapaharap sa mga pagsubok at mga kapighatian taglay ang optimismo. Taglay ang di-natitinag na pagtitiwala kay Jehova, sila’y nagpapatibayan sa isa’t isa, na sumusunod sa payo na: “Palakasin ninyo ang mahihinang kamay, at patatagin ninyo ang mga tuhod na nangangatog. Sabihin ninyo sa mga may pusong nababalisa: ‘Magpakalakas kayo. Huwag kayong matakot.’” Sila’y may ganap na tiwala sa makahulang katiyakan: “Narito! Ang inyong Diyos ay darating na may paghihiganti, ang Diyos taglay ang kagantihan. Siya ay darating at magliligtas sa inyo.”—Isaias 35:3, 4.
[Talababa]
a Inilalarawan ng Kasulatan ang sinaunang Lebanon bilang isang mabungang lupain na may malalagong kagubatan at matatayog na sedro, katulad ng Hardin ng Eden. (Awit 29:5; 72:16; Ezekiel 28:11-13) Ang Saron ay kilala sa maliliit na ilog nito at kagubatan ng encina; ang Carmel ay bantog sa kaniyang mga ubasan, taniman ng mga punungkahoy na namumunga, at mga dalisdis na nalalatagan ng bulaklak.
[Mga Tanong sa Aralin]
[Buong-pahinang larawan sa pahina 370]
[Mga larawan sa pahina 375]
Ang mga disyerto ay naging sagana-sa-tubig na mga pook ng mga tambo at mga halamang papiro
[Larawan sa pahina 378]
Pinagaling ni Jesus ang maysakit, kapuwa sa espirituwal at sa pisikal