Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Sinaunang Propeta na May Makabagong Mensahe

Isang Sinaunang Propeta na May Makabagong Mensahe

Unang Kabanata

Isang Sinaunang Propeta na May Makabagong Mensahe

Isaias 1:1

1, 2. (a) Anong malungkot na mga kalagayan ang ating nakikita sa daigdig ngayon? (b) Paano ipinahayag ng isang senador sa Estados Unidos ang kaniyang pagkabahala sa pagsamâ ng lipunan?

 SINO sa ngayon ang hindi nagmimithing guminhawa buhat sa mga suliraning nakaharap sa sangkatauhan? Subalit, kay dalas namang nabibigo ang ating mga mithiin! Ating pinapangarap ang kapayapaan, ngunit sinasalot tayo ng digmaan. Pinakamimithi natin ang batas at kaayusan, subalit hindi natin masugpo ang patuloy na paglago ng pagnanakaw, panggagahasa, at pagpatay. Gusto nating magtiwala sa ating kapuwa, subalit kailangan nating ikandado ang ating mga pintuan bilang proteksiyon. Mahal natin ang ating mga anak at sinisikap nating ikintal sa kanila ang matataas na pamantayang moral, subalit kadalasang wala tayong magawa kapag sila’y nahihikayat ng masasamang impluwensiya ng kanilang mga kasamahan.

2 Sasang-ayon tayo kay Job, nang sabihin niya na ang maikling buhay ng tao ay “lipos ng kaligaligan.” (Job 14:1) Waring ito’y lalo nang totoo sa ngayon, palibhasa’y sumasamâ ang lipunan sa antas na hindi nangyari kailanman. Sinabi ng isang senador ng Estados Unidos: “Ang Malamig na Digmaan ay tapos na ngayon, subalit nakalulungkot, ang daigdig ngayon ay mas madaling pagmulan ng pang-etniko, pantribo, at relihiyosong paghihiganti at kalupitan. . . . Pinababa natin ang ating mga pamantayang moral anupat marami sa ating mga kabataan ang nalilito, nasisiraan-ng-loob at lubhang nanganganib. Ating inaani ang bunga ng kapabayaan ng magulang, pagdidiborsiyo, pang-aabuso sa bata, pagdadalang-tao ng mga tin-edyer, mga ayaw nang mag-aral, mga ilegal na droga, at mga lansangang punô ng karahasan. Ito’y para bang ang ating bahay, na nakaligtas sa isang malakas na lindol na tinatawag nating Malamig na Digmaan, ay inaanay na ngayon.”

3. Anong aklat ng Bibliya ang lalo nang nagbibigay ng pag-asa sa hinaharap?

3 Gayunman, hindi tayo iniwang walang pag-asa. Mga 2,700 taon na ang nakararaan, kinasihan ng Diyos ang isang lalaki sa Gitnang Silangan na bumigkas ng sunud-sunod na hula na may pantanging kahulugan sa ating kaarawan. Ang mga mensaheng ito ay nakaulat sa aklat ng Bibliya na nagtataglay ng pangalan ng propeta​—ang Isaias. Sino si Isaias, at bakit natin masasabi na ang kaniyang hula, na isinulat mga tatlong milenyo na ang nakararaan, ay naglalaan ng liwanag para sa buong sangkatauhan ngayon?

Isang Matuwid na Tao sa Maligalig na mga Panahon

4. Sino si Isaias, at kailan siya naglingkod bilang propeta ni Jehova?

4 Sa unang talata ng kaniyang aklat, ipinapakilala ni Isaias ang kaniyang sarili bilang ang “anak ni Amoz,”  a at sinasabi niya sa atin na siya’y naglingkod bilang propeta ng Diyos “nang mga araw nina Uzias, Jotam, Ahaz at Hezekias, na mga hari ng Juda.” (Isaias 1:1) Ito’y nangangahulugan na si Isaias ay nagpatuloy bilang propeta ng Diyos sa bansa ng Juda nang hindi kukulangin sa 46 na taon, na malamang ay nagpasimula sa katapusan ng paghahari ni Uzias​—humigit-kumulang noong taóng 778 B.C.E.

5, 6. Ano ang maaaring totoo hinggil sa buhay pampamilya ni Isaias, at bakit?

5 Kung ihahambing sa ating nalalaman hinggil sa iba pang mga propeta, kaunti lamang ang ating nalalaman sa personal na buhay ni Isaias. Alam natin na siya’y may asawa at tinukoy niya ang kaniyang asawa bilang “propetisa.” (Isaias 8:3) Ayon sa McClintock and Strong’s Cyclopedia of Biblical, Theological, and Ecclesiastical Literature, ang katawagang ito ay nagpapahiwatig na ang buhay may-asawa ni Isaias ay “hindi lamang kaayon ng kaniyang gawain, kundi ganap na kaisa nito.” Malamang na, kagaya ng ilang iba pang makadiyos na babae sa sinaunang Israel, ang asawa ni Isaias ay may sariling atas ng panghuhula.​—Hukom 4:4; 2 Hari 22:14.

6 Si Isaias at ang kaniyang asawa ay nagkaroon ng hindi kukulangin sa dalawang anak na lalaki, na bawat isa’y binigyan ng pangalan na may makahulang kahulugan. Ang panganay, si Shear-jashub, ay sumama kay Isaias nang kaniyang ipahayag ang mensahe ng Diyos sa balakyot na si Haring Ahaz. (Isaias 7:3) Maliwanag na ang pagsamba sa Diyos ay ginawa ni Isaias at ng kaniyang asawa na bahagi ng kanilang buhay pampamilya​—isang mainam na halimbawa para sa mga mag-asawa sa ngayon!

7. Ilarawan ang mga kalagayan sa Juda noong kaarawan ni Isaias.

7 Si Isaias at ang kaniyang pamilya ay nabuhay sa isang maligalig na panahon sa kasaysayan ng Juda. Naging pangkaraniwan ang kaguluhan sa pulitika, nabahiran ng panunuhol ang mga hukuman, at sinira ng pagpapaimbabaw ang relihiyosong kayarian ng lipunan. Ang taluktok ng mga burol ay punô ng mga dambana ng huwad na mga diyos. Maging ang ilang hari ay nagtaguyod ng paganong pagsamba. Bilang halimbawa, hindi lamang pinahintulutan ni Ahaz ang idolatriya sa kaniyang mga nasasakupan kundi personal siyang nakibahagi rito, anupat ang kaniyang sariling anak ay “pinaraan niya sa apoy” sa isang ritwal ng paghahandog sa Canaanitang diyos na si Molech. b (2 Hari 16:3, 4; 2 Cronica 28:3, 4) Ang lahat ng ito ay naganap sa gitna ng isang bayang may pakikipagtipan kay Jehova!​—Exodo 19:5-8.

8. (a) Anong halimbawa ang ibinigay nina Haring Uzias at Jotam, at sinunod ba ng mga tao ang kanilang halimbawa? (b) Paano nagpakita ng katapangan si Isaias sa gitna ng isang rebelyosong bayan?

8 Kapuri-puri naman, ang ilan sa mga kapanahon ni Isaias​—lakip na ang ilang mga tagapamahala​—ay nagsikap na itaguyod ang tunay na pagsamba. Kabilang sa kanila si Haring Uzias, na “gumawa ng matuwid sa paningin ni Jehova.” Gayunman, sa panahon ng kaniyang paghahari ang mga tao ay “naghahain pa rin at gumagawa ng haing usok sa matataas na dako.” (2 Hari 15:3, 4) Si Haring Jotam din ay ‘patuloy na gumawa ng tama sa paningin ni Jehova.’ Subalit, “ang bayan ay gumagawi pa nang kapaha-pahamak.” (2 Cronica 27:2) Oo, sa kalakhang bahagi ng makahulang ministeryo ni Isaias, ang kaharian ng Juda ay nasa isang kalunus-lunos na espirituwal at moral na kalagayan. Sa pangkalahatan, tinalikdan ng mga tao ang anumang mabuting impluwensiya na nagmumula sa kanilang mga hari. Mangyari pa, ang paghahatid ng mga mensahe ng Diyos sa bayang ito na matigas ang ulo ay hindi magiging isang madaling atas. Gayunpaman, nang si Jehova ay magtanong, “Sino ang aking isusugo, at sino ang yayaon para sa amin?” hindi nag-atubili si Isaias. Siya’y bumulalas: “Narito ako! Isugo mo ako.”​—Isaias 6:8.

Isang Mensahe ng Kaligtasan

9. Ano ang kahulugan ng pangalan ni Isaias, at ano ang kaugnayan nito sa tema ng kaniyang aklat?

9 Ang pangalan ni Isaias ay nangangahulugang “Pagliligtas ni Jehova,” at masasabing ito rin ang tema ng kaniyang mensahe. Totoo, ang ilan sa mga hula ni Isaias ay hinggil sa paghatol. Subalit, ang tema ng kaligtasan ay hayag na hayag. Paulit-ulit, inilahad ni Isaias kung paanong sa takdang panahon ay palalayain ni Jehova ang mga Israelita mula sa pagkabihag sa Babilonya, na magbubukas ng daan upang ang mga nalabi ay makabalik sa Sion at isauli ang lupain sa dating karilagan nito. Walang alinlangan na ang pribilehiyong magsalita at sumulat ng mga hula hinggil sa pagsasauli sa kaniyang minamahal na Jerusalem ay nagdulot kay Isaias ng napakalaking kagalakan!

10, 11. (a) Bakit tayo interesado ngayon sa aklat ng Isaias? (b) Paano umaakay ng pansin sa Mesiyas ang aklat ng Isaias?

10 Subalit ano ang kaugnayan sa atin ng mga mensaheng ito ng kahatulan at kaligtasan? Nakatutuwa naman, si Isaias ay hindi lamang humuhula para sa kapakinabangan ng dalawang-tribong kaharian ng Juda. Sa kabaligtaran, ang kaniyang mga mensahe ay may pantanging kahalagahan sa ating kaarawan. Inilarawan sa Isaias ang isang maluwalhating tanawin kung paanong hindi na magluluwat at dadalhin ng Kaharian ng Diyos ang dakilang mga pagpapala sa ating lupa. Hinggil dito, isang malaking bahagi ng sulat ni Isaias ang nakatuon sa inihulang Mesiyas, na mamamahala bilang Hari ng Kaharian ng Diyos. (Daniel 9:25; Juan 12:41) Tiyak na hindi lamang nagkataon na magkapareho ang ibig sabihin ng mga pangalan nina Jesus at Isaias, yamang ang pangalang Jesus ay nangangahulugang “Si Jehova ang Kaligtasan.”

11 Sabihin pa, si Jesus ay hindi ipinanganak kundi mga pitong siglo pa matapos ang kaarawan ni Isaias. Subalit, ang Mesiyanikong mga hula sa aklat ng Isaias ay napakadetalyado at napakaeksakto anupat ito’y gaya ng ulat ng isang aktuwal na nakasaksi ng pangyayari sa buhay ni Jesus sa lupa. Dahilan dito, binanggit ng isang reperensiya na kung minsan ang aklat ng Isaias ay tinatawag na ang “Ikalimang Ebanghelyo.” Kaya, hindi kataka-taka na ang Isaias ay ang aklat ng Bibliya na pinakamalimit sipiin ni Jesus at ng kaniyang mga apostol upang ipakita ang maliwanag na pagkakakilanlan ng Mesiyas.

12. Bakit may pananabik nating pasisimulan ang pag-aaral ng aklat ng Isaias?

12 Inilarawan sa Isaias ang isang maluwalhating tanawin ng “mga bagong langit at isang bagong lupa” kung saan “isang hari ang maghahari ukol sa katuwiran” at ang mga prinsipe ay mamamahala ukol sa katarungan. (Isaias 32:1, 2; 65:17, 18; 2 Pedro 3:13) Kaya ang aklat ng Isaias ay nakatutok sa nakagagalak na pag-asa sa Kaharian ng Diyos, sa ilalim ng Mesiyas na si Jesu-Kristo bilang iniluklok na Hari. Anong laking pampatibay-loob sa atin na maligayang hintayin ang “pagliligtas [ni Jehova]” sa bawat araw ng ating buhay! (Isaias 25:9; 40:28-31) Kung gayon, nawa’y may pananabik nating suriin ang mahalagang mensahe sa aklat ng Isaias. Habang ginagawa natin ito, ang ating pagtitiwala sa mga pangako ng Diyos ay lubos na mapatitibay. Gayundin, matutulungan tayong maging matatag ang ating pananalig na si Jehova nga ang Diyos ng ating kaligtasan.

[Mga talababa]

a Ang ama ni Isaias, si Amoz, ay hindi dapat ipagkamali kay Amos na nanghula sa pasimula ng paghahari ni Uzias at siyang sumulat ng aklat ng Bibliya na nagtataglay ng kaniyang pangalan.

b Sinasabi ng ilan na ang ‘pagpaparaan sa apoy’ ay nagpapahiwatig lamang ng seremonya ng paglilinis. Subalit, waring sa konteksto nito, ang parirala ay tumutukoy sa isang literal na paghahandog. Walang alinlangan na ang paghahandog ng bata ay isinagawa ng mga Canaanita at ng apostatang mga Israelita.​—Deuteronomio 12:31; Awit 106:37, 38.

[Mga Tanong sa Aralin]

[Kahon/Larawan sa pahina 7]

Sino si Isaias?

KAHULUGAN NG PANGALAN: “Pagliligtas ni Jehova”

PAMILYA: May-asawa, may hindi kukulangin sa dalawang anak na lalaki

TIRAHANG DAKO: Jerusalem

MGA TAON NG PAGLILINGKOD: Hindi kukulangin sa 46 na taon, mula noong mga 778 B.C.E. hanggang sa makalipas ang 732 B.C.E.

KASABAY NA MGA HARI NG JUDA: Uzias, Jotam, Ahaz, Hezekias

KASABAY NA MGA PROPETA: Mikas, Oseas, Oded

[Larawan sa pahina 6]

Ang pagsamba sa Diyos ay ginawa ni Isaias at ng kaniyang asawa na bahagi ng buhay pampamilya