Unang Kaabahan—Mga Balang
Kabanata 22
Unang Kaabahan—Mga Balang
1. Habang pinatutunog ng mga anghel ang mga trumpeta, sino naman ang mga nagbabalita nito, at ano ang ipinahahayag ng tunog ng ikalimang trumpeta?
NAGHAHANDA nang hipan ng ikalimang anghel ang kaniyang trumpeta. Apat na makalangit na mga trumpeta ang nahipan na, at apat na salot na ang pinasapit sa isang katlo ng lupa na itinuturing ni Jehova bilang siyang pinakamakasalanan—ang Sangkakristiyanuhan. Nahayag na ang kaniyang naghihingalong kalagayan. Habang hinihipan ng mga anghel ang mga trumpeta, ibinabalita naman ito ng mga tao sa lupa. Handa na ngayong ipahayag ng ikalimang trumpeta na hinihipan ng anghel ang unang kaabahan, na higit pang kakila-kilabot kaysa sa naunang mga pangyayari. Nauugnay ito sa isang nakasisindak na salot ng mga balang. Subalit suriin muna natin ang ibang mga teksto na tutulong sa atin upang higit pang maunawaan ang salot na ito.
2. Anong aklat ng Bibliya ang naglalarawan sa salot ng mga balang na katulad ng nakikita ni Juan, at ano ang naging epekto nito sa sinaunang Israel?
2 Inilalarawan ng aklat ng Bibliya na Joel, na isinulat noong ikasiyam na siglo B.C.E., ang salot ng mga insekto, kasama na rito ang mga balang, na katulad ng nakikita ni Juan. (Joel 2:1-11, 25) a Pahihirapan nito nang husto ang apostatang Israel subalit aakay rin naman ito sa indibiduwal na mga Judio na magsisi at maibalik ang pagsang-ayon ni Jehova. (Joel 2:6, 12-14) Kapag dumating na ang panahong iyon, ibubuhos ni Jehova ang kaniyang espiritu sa “bawat uri ng laman,” samantalang nagaganap ang nakasisindak na mga tanda at kababalaghan bago “dumating ang dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova.”—Joel 2:11, 28-32.
Salot Noong Unang Siglo
3, 4. (a) Kailan nagkaroon ng katuparan ang Joel kabanata 2, at paano? (b) Paano nagkaroon ng salot na gaya ng kulupon ng mga balang noong unang siglo C.E., at gaano katagal nagpatuloy ang pagsalot?
3 Nagkaroon ng katuparan ang Joel kabanata 2 noong unang siglo. Naganap ito noong Pentecostes 33 C.E., nang ibuhos ang banal na espiritu upang pahiran ang unang mga Kristiyano at bigyan sila ng kapangyarihan na makapagsalita tungkol sa “mariringal na mga bagay ng Diyos” sa maraming wika. Bunga nito, pagkarami-rami ang nagkatipon. Nagpahayag si apostol Pedro sa namamanghang mga tagamasid na iyon, na sinisipi ang Joel 2:28, 29 at ipinaliliwanag sa kanila na nasasaksihan nila ang katuparan nito. (Gawa 2:1-21) Subalit walang iniulat na literal na salot ng mga insekto na naganap nang panahong iyon, na nagpahirap sa ilan ngunit umakay naman sa iba na magsisi.
4 Nagkaroon ba ng makasagisag na salot nang mga panahong iyon? Oo, nagkaroon nga! Resulta ito ng walang-humpay na pangangaral ng bagong pinahirang mga Kristiyano. b Sa pamamagitan nila, ang mga Judiong handang makinig ay hinimok ni Jehova na magsisi at tamasahin ang kaniyang mga pagpapala. (Gawa 2:38-40; 3:19) Ang mga indibiduwal na tumugon ay tumanggap ng kaniyang pagsang-ayon sa isang pambihirang antas. Subalit para sa mga tumanggi sa paanyaya, ang unang-siglong mga Kristiyano ay naging gaya ng mapangwasak na kulupon ng mga balang. Mula sa Jerusalem, lumaganap sila sa buong Judea at Samaria. Hindi nagtagal at nasa lahat ng dako na sila, na pinahihirapan ang di-sumasampalatayang mga Judio sa pamamagitan ng pangmadlang paghahayag hinggil sa pagkabuhay-muli ni Jesus, lakip na ang lahat ng implikasyon nito. (Gawa 1:8; 4:18-20; 5:17-21, 28, 29, 40-42; 17:5, 6; 21:27-30) Nagpatuloy ang pagsalot na iyon hanggang sa “kakila-kilabot na araw,” noong 70 C.E., nang akayin ni Jehova ang mga hukbong Romano laban sa Jerusalem upang wasakin ito. Ang mga Kristiyano lamang na tumawag sa pangalan ni Jehova udyok ng kanilang pananampalataya ang naligtas.—Joel 2:32; Gawa 2:20, 21; Kawikaan 18:10.
Ang Salot ng Balang Ngayon
5. Paano nagkaroon ng katuparan ang hula ni Joel mula noong 1919?
5 Makatuwiran lamang na asahan nating may panghuling katuparan sa panahon ng kawakasan ang hula ni Joel. Ganitung-ganito nga ang nangyari! Sa kombensiyon ng mga Estudyante ng Bibliya sa Cedar Point, Ohio, E.U.A., noong Setyembre 1-8, 1919, isang kapansin-pansing pagbubuhos ng espiritu ni Jehova ang nagpasigla sa kaniyang bayan na mag-organisa ng pandaigdig na kampanya ng pangangaral. Palibhasa’y kinikilala na iniluklok na si Jesus bilang makalangit na Hari, sila lamang, sa lahat ng mga nag-aangking Kristiyano, ang puspusang nagsikap na malawakang ihayag ang mabuting balitang iyon. Ang kanilang walang-humpay na pangangaral, bilang katuparan ng hula, ay naging gaya ng nagpapahirap na salot para sa apostatang Sangkakristiyanuhan.—Mateo 24:3-8, 14; Gawa 1:8.
6. (a) Ano ang nakita ni Juan nang hipan ng ikalimang anghel ang kaniyang trumpeta? (b) Sino ang isinasagisag ng “bituin” na ito, at bakit?
6 Ang salot na ito ay inilalarawan din ng Apocalipsis, na isinulat mga 26 na taon pagkaraang mawasak ang Jerusalem. Ano ang idinagdag nito sa paglalarawan ni Joel? Suriin natin ang ulat ayon sa salaysay ni Juan: “At hinipan ng ikalimang anghel ang kaniyang trumpeta. At nakita ko ang isang bituin na nahulog sa lupa mula sa langit, at ang susi ng hukay ng kalaliman ay ibinigay sa kaniya.” (Apocalipsis 9:1) Ang “bituin” na ito ay naiiba sa nahuhulog na bituing nakita ni Juan sa Apocalipsis 8:10. Ang nakikita niya ay isang “bituin na nahulog sa lupa mula sa langit” at may atas ngayon may kinalaman sa lupang ito. Isa ba itong espiritu o isang taong may laman at dugo? Nang dakong huli, ang may hawak na ito ng “susi ng hukay ng kalaliman” ay inilalarawan na naghahagis kay Satanas “sa kalaliman.” (Apocalipsis 20:1-3) Kaya malamang na isa siyang makapangyarihang espiritung persona. Sa Apocalipsis 9:11, sinasabi sa atin ni Juan na ang mga balang ay may “hari, ang anghel ng kalaliman.” Maliwanag na tumutukoy ang dalawang talatang ito sa iisang indibiduwal, yamang makatuwiran lamang na ang anghel na may hawak ng susi ng kalaliman ay siya ring anghel ng kalaliman. At malamang na sumasagisag ang bituin sa Haring inatasan ni Jehova, palibhasa’y iisa lamang Haring anghel ang kinikilala ng mga pinahirang Kristiyano, si Jesu-Kristo.—Colosas 1:13; 1 Corinto 15:25.
7. (a) Ano ang nangyari nang buksan ang “hukay ng kalaliman”? (b) Ano ang “kalaliman,” at sino ang napunta roon nang sandaling panahon?
7 Nagpapatuloy ang ulat: “At binuksan niya ang hukay ng kalaliman, at mula sa hukay ay pumailanlang ang usok na gaya ng usok ng isang malaking hurno, at ang araw ay nagdilim, gayundin ang hangin, dahil sa usok ng hukay. At mula sa usok ay lumabas ang mga balang sa ibabaw ng lupa; at binigyan sila ng awtoridad, na gaya ng awtoridad na taglay ng mga alakdan sa lupa.” (Apocalipsis 9:2, 3) Sa Kasulatan, ang “kalaliman” ay isang dako ng kawalang-ginagawa, at pati na ng kamatayan. (Ihambing ang Roma 10:7; Apocalipsis 17:8; 20:1, 3.) Ang maliit na grupo ng mga kapatid ni Jesus ay napunta nang sandaling panahon sa gayong “kalaliman” ng kawalang-ginagawa noong katapusan ng unang digmaang pandaigdig (1918-19). Subalit nang ibuhos ni Jehova ang kaniyang espiritu sa nagsisisi niyang mga lingkod noong 1919, nagkulupon sila upang harapin ang hamon sa gawaing iniatas sa kanila.
8. Sa anong paraan may kasamang makapal na “usok” ang pagpapalabas sa mga balang?
8 Gaya ng namamasdan ni Juan, kasabay ng pagpapalabas sa mga balang ang makapal na usok, gaya ng “usok ng isang malaking hurno.” c Ganito nga ang nangyari noong 1919. Nagdilim ang kalagayan para sa Sangkakristiyanuhan at para sa daigdig sa pangkalahatan. (Ihambing ang Joel 2:30, 31.) Ang pagpapalabas sa mga balang na iyon, ang uring Juan, ay aktuwal na pagkatalo para sa klero ng Sangkakristiyanuhan, na nagpakana at nagbalak na lubusang pahintuin ang gawaing pang-Kaharian at tumatanggi ngayon sa Kaharian ng Diyos. Nagsimulang lumaganap ang katibayan ng tulad-usok na lambong sa apostatang Sangkakristiyanuhan nang ang pulutong ng mga balang ay bigyan ng Diyos ng awtoridad at gamitin nila ito sa paghahayag ng mapuwersang mga mensahe ng paghatol. Ang “araw” ng Sangkakristiyanuhan—ang kaniyang waring naliliwanagang anyo—ay dumanas ng eklipse, at ang “hangin” ay nagdilim dahil sa mga kapahayagan ng kahatulan ng Diyos nang ang “tagapamahala ng awtoridad ng hangin” ng sanlibutang ito ay ipakilala bilang diyos ng Sangkakristiyanuhan.—Efeso 2:2; Juan 12:31; 1 Juan 5:19.
Ang Nagpapahirap na mga Balang!
9. Anu-anong tagubilin sa pakikipagdigma ang tinanggap ng mga balang?
9 Anu-anong tagubilin sa pakikipagdigma ang tinanggap ng mga balang na iyon? Iniuulat ni Juan: “At sinabihan sila na huwag pinsalain ang pananim sa lupa ni ang anumang luntiang bagay ni ang anumang punungkahoy, kundi yaon lamang mga taong walang tatak ng Diyos sa kanilang mga noo. At pinagkalooban ang mga balang, hindi upang patayin sila, kundi upang pahirapan sila nang limang buwan, at ang pahirap sa kanila ay gaya ng pahirap ng alakdan kapag nananakit ito ng tao. At sa mga araw na iyon ay hahanapin ng mga tao ang kamatayan ngunit sa anumang paraan ay hindi ito masusumpungan, at nanaisin nilang mamatay ngunit ang kamatayan ay patuloy na tumatakas mula sa kanila.”—Apocalipsis 9:4-6.
10. (a) Kanino pangunahin nang ipinatutungkol ang salot, at ano ang epekto nito sa kanila? (b) Anong uri ng pagpapahirap ang nasasangkot dito? (Tingnan din ang talababa.)
10 Pansinin na ang salot na ito ay hindi unang ipinatutungkol sa mga tao o sa mga prominente sa kanila—ang ‘pananim at mga punungkahoy sa lupa.’ (Ihambing ang Apocalipsis 8:7.) Ang pipinsalain lamang ng mga balang ay ang mga taong walang tatak ng Diyos sa kanilang mga noo, ang mga miyembro ng Sangkakristiyanuhan na nag-aangking tinatakan subalit pinabubulaanan naman ito ng kanilang mga gawa. (Efeso 1:13, 14) Kaya ang nagpapahirap na pananalita ng makabagong-panahong mga balang na ito ay pinatutungkol muna laban sa mga lider ng relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. Kaylaking pahirap ang tiyak na dinanas ng mapagmapuring mga taong ito nang marinig nilang ihayag sa madla na hindi lamang sila nabigong akayin sa langit ang kanilang kawan kundi na sila mismo ay hindi makapapasok doon! d Talagang sila’y ‘bulag na umaakay sa bulag’!—Mateo 15:14.
11. (a) Gaano katagal pinahintulutan ang mga balang na pahirapan ang mga kaaway ng Diyos, at bakit hindi talaga ito maikling panahon? (b) Gaano katindi ang pagpapahirap?
11 Tatagal nang limang buwan ang pagpapahirap. Maituturing ba itong maikling panahon lamang? Hindi, kung para sa isang literal na balang. Limang buwan ang normal na haba ng buhay ng isa sa mga insektong ito. Kaya habang nabubuhay ang makabagong-panahong mga balang, patuloy nilang sasaktan ang mga kaaway ng Diyos. Bukod dito, napakatindi ng pagpapahirap anupat hinahangad ng mga tao na mamatay sila. Totoo, walang ulat na talagang nagtangkang magpatiwakal ang sinumang sinaktan ng mga balang. Subalit tumutulong sa atin ang pangungusap na ito na maguniguni kung gaano katindi ang pagpapahirap—na kagaya ng walang-patid na pagsalakay ng mga alakdan. Katulad iyon ng paghihirap na inihula ni Jeremias na mararanasan ng di-tapat na mga Israelita na pangangalatin ng kanilang mga manlulupig na Babilonyo anupat gugustuhin pa nilang mamatay sa halip na mabuhay.—Jeremias 8:3; tingnan din ang Eclesiastes 4:2, 3.
12. Bakit pinahintulutan ang mga balang na pahirapan ang mga lider ng relihiyon ng Sangkakristiyanuhan, sa espirituwal na diwa, nang hindi sila pinapatay?
12 Bakit pinahihintulutang pahirapan ang mga ito, sa espirituwal na diwa, nang hindi sila pinapatay? Ang pagbubunyag sa mga kasinungalingan at kabiguan ng Sangkakristiyanuhan ay unang kaabahan pa lamang, subalit sa dakong huli, habang nagpapatuloy ang araw ng Panginoon, lubusang mahahayag ang kaniyang tulad-patay na espirituwal na kalagayan. Pagsapit lamang ng ikalawang kaabahan papatayin ang isang katlo ng mga tao.—Apocalipsis 1:10; 9:12, 18; 11:14.
Mga Balang na Handa sa Pakikipagbaka
13. Ano ang hitsura ng mga balang?
13 Lubhang kapansin-pansin ang hitsura ng mga balang na iyon! Inilalarawan ito ni Juan: “At ang mga wangis ng mga balang ay kahalintulad ng mga kabayong nakahanda sa pakikipagbaka; at nasa kanilang mga ulo ang tila mga koronang tulad ng ginto, at ang kanilang mga mukha ay gaya ng mga mukha ng mga tao, ngunit sila ay may buhok na gaya ng buhok ng mga babae. At ang kanilang mga ngipin ay gaya niyaong sa mga leon; at sila ay may mga baluti na tulad ng mga baluting bakal. At ang ugong ng kanilang mga pakpak ay gaya ng ugong ng mga karo ng maraming kabayo na tumatakbo patungo sa pakikipagbaka.”—Apocalipsis 9:7-9.
14. Bakit angkop na tumukoy sa grupo ng napasiglang mga Kristiyano noong 1919 ang paglalarawan ni Juan tungkol sa mga balang?
14 Angkop itong lumalarawan sa matapat na grupo ng napasiglang mga Kristiyano noong 1919. Gaya ng mga kabayo, handa sila sa pakikipagbaka, sabik na ipakipaglaban ang katotohanan sa paraang inilarawan ni apostol Pablo. (Efeso 6:11-13; 2 Corinto 10:4) May nakikita si Juan sa kanilang mga ulo na tila mga koronang tulad ng ginto. Hindi wastong magsuot sila ng aktuwal na mga korona sapagkat hindi sila mamamahala hangga’t naririto pa sila sa lupa. (1 Corinto 4:8; Apocalipsis 20:4) Subalit may maharlikang kaanyuan na sila noong 1919. Mga kapatid sila ng Hari, at nakalaan sa kanila ang kanilang makalangit na mga korona kung mananatili silang tapat hanggang sa wakas.—2 Timoteo 4:8; 1 Pedro 5:4.
15. Ano ang isinasagisag ng bagay na ang mga balang ay (a) may mga baluting bakal? (b) may mga mukhang gaya ng mga tao? (c) may buhok na gaya niyaong sa babae? (d) may ngiping gaya niyaong sa mga leon? (e) gumagawa ng malaking ingay?
15 Sa pangitain, ang mga balang ay may mga baluting bakal, na sumasagisag sa di-matitinag na katuwiran. (Efeso 6:14-18) Mayroon din silang mga mukha ng mga tao, at tumutukoy ito sa katangian na pag-ibig, yamang nilalang ang tao ayon sa larawan ng Diyos, na siyang pag-ibig. (Genesis 1:26; 1 Juan 4:16) Mahaba ang kanilang buhok na gaya ng buhok ng babae, na angkop na lumalarawan sa pagpapasakop nila sa kanilang Hari, ang anghel ng kalaliman. At ang ngipin nila ay katulad niyaong sa leon. Ginagamit ng leon ang mga ngipin nito upang lurayin ang karne. Mula noong 1919, ang uring Juan ay muli na namang tumanggap ng matigas na espirituwal na pagkain, lalung-lalo na ang mga katotohanan tungkol sa Kaharian ng Diyos na pinamamahalaan ng “Leon mula sa tribo ni Juda,” si Jesu-Kristo. Gaya ng leon na sumasagisag sa lakas ng loob, nangangailangan din ng matinding lakas ng loob upang unawain ang tahasang mensaheng ito, ilathala, at ipamahagi sa buong daigdig. Gumawa ng malaking ingay ang makasagisag na mga balang na ito, gaya ng “ugong ng mga karo ng maraming kabayo na tumatakbo patungo sa pakikipagbaka.” Gaya ng unang-siglong mga Kristiyano, wala silang balak na manahimik.—1 Corinto 11:7-15; Apocalipsis 5:5.
16. Ano ang kahulugan ng pagkakaroon ng mga balang ng “mga buntot at mga tibo na tulad ng mga alakdan”?
16 Higit pa kaysa sa pagsasalita lamang ang pangangaral na ito! “Gayundin, sila ay may mga buntot at mga tibo na tulad ng mga alakdan; at nasa mga buntot nila ang kanilang awtoridad na saktan ang mga tao nang limang buwan.” (Apocalipsis 9:10) Ano kaya ang kahulugan nito? Habang ginaganap ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang gawaing pang-Kaharian, naghahayag sila ng mapananaligang mga mensahe na batay sa Salita ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga labi at inilimbag na mga publikasyon. Ang kanilang mensahe ay may tulad-alakdang tibo sapagkat nagbababala ang mga ito tungkol sa dumarating na araw ng paghihiganti ni Jehova. (Isaias 61:2) Bago magwakas ang buhay ng kasalukuyang henerasyon ng espirituwal na mga balang, lubusan nilang maisasagawa ang atas na ibinigay sa kanila ng Diyos na ipahayag ang mga kahatulan ni Jehova—na makasasakit sa lahat ng matitigas-ang-ulong mga mamumusong.
17. (a) Ano ang ipinatalastas sa kombensiyon ng mga Estudyante ng Bibliya noong 1919 na magpapatindi sa tibo ng kanilang pangangaral? (b) Paano pinahirapan ang mga klero, at ano ang ginawa nila bilang tugon?
17 Gayon na lamang ang kagalakan ng grupong ito ng mga balang nang ipatalastas sa kanilang kombensiyon noong 1919 ang bagong magasing The Golden Age. Ang magasing ito ay lalabas nang dalawang beses sa isang buwan at dinisenyo upang patindihin pa ang tibo ng kanilang pagpapatotoo. e Inilantad sa Blg. 27 na isyu nito noong Setyembre 29, 1920, ang panlilinlang ng mga klero, nang usigin nila ang mga Estudyante ng Bibliya sa Estados Unidos noong mga taóng 1918-19. Sa mga dekada ng 1920 at 1930, pinahirapan ng The Golden Age ang mga klero sa pamamagitan ng higit pang nakatitibong mga artikulo at mga cartoon na naglantad sa kanilang tusong pakikialam sa pulitika, at lalung-lalo na sa mga pakikipagkasundo ng herarkiyang Katoliko sa mga diktador na Pasista at Nazi. Bilang tugon, ang klero ay ‘nagpanukala ng kaguluhan sa pamamagitan ng batas’ at nag-organisa ng mararahas na pang-uumog laban sa bayan ng Diyos.—Awit 94:20.
Binabalaan ang mga Tagapamahala ng Daigdig
18. Anong gawain ang kailangang gampanan ng mga balang, at ano ang nangyari bilang tugon sa tunog ng ikalimang trumpeta?
18 May gawaing dapat gampanan ang makabagong-panahong mga balang. Kailangang maipangaral ang mabuting balita ng Kaharian. Dapat ilantad ang mga pagkakamali. Kailangang hanapin ang nawawalang mga tupa. Habang isinasagawa ng mga balang ang mga atas na ito, napilitang magbigay-pansin ang daigdig. Sa pagtalima sa mga tunog ng trumpeta ng mga anghel, patuloy na inilantad ng uring Juan na karapat-dapat ang Sangkakristiyanuhan sa kapaha-pahamak na kahatulan ni Jehova. Bilang tugon sa tunog ng ikalimang trumpeta, isang partikular na pitak ng mga paghatol na ito ang idiniin sa kombensiyon ng mga Estudyante ng Bibliya sa London, Inglatera, noong Mayo 25-31, 1926. Iniharap ang resolusyon na “Isang Patotoo sa mga Pinuno ng Sanlibutan,” at ang pahayag pangmadla sa Royal Albert Hall na may paksang “Kung Bakit Gumigiray ang mga Kapangyarihang Pandaigdig—Ang Solusyon,” at ang kumpletong nilalaman ng dalawang ito ay inilathala nang sumunod na araw sa isang pangunahing pahayagan sa London. Nang maglaon, ang pulutong ng mga balang ay namahagi ng 50 milyong kopya ng tract na naglalaman ng resolusyong iyon—pagpapahirap nga sa mga klero! Maraming taon pagkaraan nito, pinag-uusapan pa rin ng mga tao sa Inglatera ang masakit na paglalantad na ito.
19. Ano pang karagdagang armas sa pakikipagbaka ang tinanggap ng makasagisag na mga balang, at ano ang sinabi nito hinggil sa manipesto ng London?
19 Sa kombensiyong ito, tumanggap ang makasagisag na mga balang ng karagdagan pang armas sa pakikipagbaka, partikular na ang bagong aklat na pinamagatang Deliverance. Naglaman ito ng isang maka-Kasulatang pagtalakay sa tanda na nagpapatunay na ang pamahalaang kinakatawan ng ‘lalaking anak,’ ang makalangit na Kaharian ni Kristo, ay isinilang noong 1914. (Mateo 24:3-14; Apocalipsis 12:1-10) Pagkatapos, sinipi nito ang manipesto na inilathala sa London noong 1917 at nilagdaan ng walong klerigo, na sinasabing “kabilang sa pinakamagagaling na mangangaral sa daigdig.” Kumatawan sila sa pangunahing mga denominasyong Protestante—Baptist, Congregational, Presbiteryano, Episkopal, at Metodista. Ipinahayag ng manipestong ito na “ang kasalukuyang krisis ay patunay ng katapusan ng mga panahon ng mga Gentil” at na “ang pagkakasiwalat sa Panginoon ay dapat asahan anumang sandali ngayon.” Oo, natanto ng mga klerigong iyon ang tanda ng pagkanaririto ni Jesus! Subalit may ginawa ba sila hinggil dito? Sinasabi sa atin ng aklat na Deliverance: “Ang lubhang kapuna-puna rito, itinatwa mismo ng mga lalaki ang nilagdaan nilang manipesto nang maglaon at tinanggihan ang ebidensiyang nagpapatunay na nasa katapusan na tayo ng sanlibutan at sa panahon ng pangalawang pagkanaririto ng Panginoon.”
20. (a) Anong pagpili ang ginawa ng klero kung tungkol sa pulutong ng mga balang at sa kanilang Hari? (b) Sino ang tinukoy ni Juan na namumuno sa pulutong ng mga balang, at ano ang kaniyang pangalan?
20 Sa halip na ihayag ang dumarating na Kaharian ng Diyos, pinili pa ng klero ng Sangkakristiyanuhan na manatili sa panig ng sanlibutan ni Satanas. Ayaw nilang masangkot sa anumang paraan sa pulutong ng mga balang at sa kanilang Hari, na tungkol sa kanila ay ganito ngayon ang namamasdan ni Juan: “Mayroon silang hari, ang anghel ng kalaliman. Sa Hebreo ang kaniyang pangalan ay Abadon [nangangahulugang “Pagkapuksa”], ngunit sa Griego ay may pangalan siyang Apolyon [nangangahulugang “Tagapuksa”].” (Apocalipsis 9:11) Bilang “anghel ng kalaliman” at “Tagapuksa,” tunay na isang sumasalot na kaabahan ang pinakawalan ni Jesus sa Sangkakristiyanuhan. Subalit higit pa rito ang susunod!
[Mga talababa]
a Ihambing ang Joel 2:4, 5, 7 (kung saan ang mga insekto ay inilalarawan bilang mga kabayo, mga tao, at mga lalaki, at na gumagawa ng ingay na gaya ng isang karo) sa Apocalipsis 9:7-9; ihambing din ang Joel 2:6, 10 (na naglalarawan sa napakasakit na epekto ng salot ng mga insekto) sa Apocalipsis 9:2, 5.
b Tingnan ang artikulong “Nagkakaisa Laban sa mga Bansa sa Libis ng Pasiya” sa Nobyembre 1, 1962, isyu ng Ang Bantayan.
c Pansinin na hindi maaaring gamitin ang tekstong ito upang patunayan na may apoy sa kalaliman, na wari bang isang uri ng apoy ng impiyerno ang kalaliman. Sinabi ni Juan na ang nakita niya ay makapal na usok na “gaya,” o katulad, ng usok mula sa isang malaking hurno. (Apocalipsis 9:2) Wala siyang iniulat na nakitang totoong apoy sa kalaliman.
d Ang salitang Griego na ginagamit dito ay galing sa salitang-ugat na ba·sa·niʹzo, na ginagamit kung minsan upang tumukoy sa literal na pagpapahirap; gayunman, maaari din itong gamitin upang tumukoy sa mental na pagpapahirap. Halimbawa, sa 2 Pedro 2:8 ay mababasa natin na ‘napahihirapan ni Lot ang kaniyang matuwid na kaluluwa’ dahil sa kasamaang nakikita niya sa Sodoma. Ang mga lider ng relihiyon noong panahon ng mga apostol ay dumanas ng mental na pagpapahirap bagaman, sabihin pa, sa lubhang naiibang dahilan.
e Ang magasing ito ay binigyan ng bagong pangalan na Consolation noong 1937 at Awake! naman noong 1946.
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 143]
Ipinabatid ng paghihip sa ikalimang trumpeta ang una sa tatlong kaabahan
[Larawan sa pahina 146]
Ang iyong mga palaso ay matutulis sa puso ng mga kaaway ng Hari. (Awit 45:5) Ang cartoon sa itaas, kasama ang kapsiyon na ito, ay karaniwan sa maraming publikasyong inilathala noong dekada ng 1930 na nagsilbing tibo sa “mga taong walang tatak ng Diyos”
[Mga larawan sa pahina 147]
Ang Royal Albert Hall, kung saan inilabas ang aklat na Deliverance at pinagtibay ang resolusyong “Isang Patotoo sa mga Pinuno ng Sanlibutan”