Purihin si Jah sa Kaniyang mga Paghatol!
Kabanata 38
Purihin si Jah sa Kaniyang mga Paghatol!
1. Anong mga salita ang naririnig ni Juan na “gaya ng isang malakas na tinig ng isang malaking pulutong sa langit”?
WALA na ang Babilonyang Dakila! Talagang nakagagalak na balita ito. Hindi kataka-takang makarinig si Juan ng maliligayang kapahayagan ng papuri mula sa langit! “Pagkatapos ng mga bagay na ito ay narinig ko ang gaya ng isang malakas na tinig ng isang malaking pulutong sa langit. Sinabi nila: ‘Hallelujah! a Ang kaligtasan at ang kaluwalhatian at ang kapangyarihan ay nauukol sa ating Diyos, sapagkat ang kaniyang mga kahatulan ay totoo at matuwid. Sapagkat naglapat siya ng kahatulan sa dakilang patutot na nagpasamâ sa lupa dahil sa kaniyang pakikiapid, at ipinaghiganti niya ang dugo ng kaniyang mga alipin sa kaniyang kamay.’ At kaagad nilang sinabi sa ikalawang pagkakataon: ‘Hallelujah! b At ang usok mula sa kaniya ay patuloy na pumapailanlang magpakailan-kailanman.’”—Apocalipsis 19:1-3.
2. (a) Ano ang kahulugan ng salitang “Hallelujah,” at ano ang kahulugan ng dalawang ulit na pagkarinig dito ni Juan sa puntong ito? (b) Sino ang niluluwalhati sa pagkawasak ng Babilonyang Dakila? Ipaliwanag.
2 Tunay ngang Hallelujah! Ang salitang ito ay nangangahulugang “Purihin ninyo si Jah,” yamang “Jah” ang pinaikling anyo ng banal na pangalang Jehova. Ipinaaalaala nito sa atin ang payo ng salmista: “Ang bawat bagay na may hininga—purihin nito si Jah. Purihin ninyo si Jah!” (Awit 150:6) Ang pagkarinig ni Juan na umaawit ng “Hallelujah!” nang dalawang beses ang nagbubunying makalangit na koro sa puntong ito ng Apocalipsis ay nangangahulugang nagpapatuloy ang pagsisiwalat ng katotohanan mula sa Diyos. Ang Diyos na tinutukoy sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay siya ring Diyos na tinutukoy sa naunang Hebreong Kasulatan, at Jehova ang kaniyang pangalan. Ang Diyos na nagpabagsak sa sinaunang Babilonya ang siya ngayong humatol at pumuksa sa Babilonyang Dakila. Iukol sa kaniya ang buong kaluwalhatian dahil sa tagumpay na ito! Ang kapangyarihang nagmaniobra sa pagbagsak nito ay nagmula sa kaniya at hindi sa mga bansa na ginamit lamang niyang instrumento upang wasakin ito. Kay Jehova lamang natin utang ang kaligtasan.—Isaias 12:2; Apocalipsis 4:11; 7:10, 12.
3. Bakit karapat-dapat lamang sa dakilang patutot ang hatol sa kaniya?
3 Bakit karapat-dapat lamang sa ganitong hatol ang dakilang patutot? Ayon sa batas na ibinigay ni Jehova kay Noe—at sa pamamagitan niya ay sa buong sangkatauhan—kamatayan ang parusa sa walang-patumanggang pagbububo ng dugo. Muli itong binanggit sa Kautusan ng Diyos sa Israel. (Genesis 9:6; Bilang 35:20, 21) Bukod dito, sa ilalim ng gayong Kautusang Mosaiko, kamatayan ang kabayaran kapuwa ng pisikal at espirituwal na pangangalunya. (Levitico 20:10; Deuteronomio 13:1-5) Sa loob ng libu-libong taon, nagkasala sa dugo ang Babilonyang Dakila, at isa siyang napakasamang babaing mapakiapid. Halimbawa, ang pagbabawal ng Simbahang Romano Katoliko na mag-asawa ang mga pari ay nagbunga ng talamak na imoralidad sa marami sa kanila, at marami sa mga ito ang may AIDS na ngayon. (1 Corinto 6:9, 10; 1 Timoteo 4:1-3) Subalit ang mabigat na kasalanan niya, na “nagkapatung-patong hanggang sa langit,” ay ang kaniyang nakagigitlang espirituwal na pakikiapid—ang pagtuturo niya ng mga kasinungalingan at pakikipag-alyansa sa tiwaling mga pulitiko. (Apocalipsis 18:5) Palibhasa’y nailapat na sa kaniya ang kaparusahan, inuulit ngayon ng makalangit na pulutong ang ikalawang Hallelujah.
4. Ano ang isinasagisag ng bagay na ang usok mula sa Babilonyang Dakila ay “patuloy na pumapailanlang magpakailan-kailanman”?
4 Ang Babilonyang Dakila ay sinusunog na gaya ng isang nalupig na lunsod, at ang usok mula sa kaniya ay “patuloy na pumapailanlang magpakailan-kailanman.” Kapag sinunog ng sumasakop na mga hukbo ang isang literal na lunsod, patuloy na paiilanlang ang usok nito hangga’t mainit pa ang mga abo. Sinumang susubok na itayo itong muli habang umuusok pa ito ay tiyak na mapapaso sa nagbabagang kagibaan. Yamang ang usok mula sa Babilonyang Dakila ay paiilanlang “magpakailan-kailanman” bilang tanda ng di-mababagong paghatol sa kaniya, hindi na maitatayo pang muli ng sinuman ang makasalanang lunsod na iyon. Napawi na magpakailanman ang huwad na relihiyon. Tunay ngang Hallelujah!—Ihambing ang Isaias 34:5, 9, 10.
5. (a) Ano ang ginagawa at sinasabi ng 24 na matatanda at ng apat na nilalang na buháy? (b) Bakit higit na mas maganda ang koro ng Hallelujah kaysa sa mga koro ng Hallelujah na inaawit sa mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan?
5 Sa isang naunang pangitain, nakakita si Juan ng apat na nilalang na buháy sa palibot ng trono, kasama ng 24 na matatanda na lumalarawan sa mga tagapagmana ng Kaharian sa kanilang maluwalhati at makalangit na tungkulin. (Apocalipsis 4:8-11) Muli niya silang nakikita ngayon habang ipinagsisigawan nila ang ikatlong Hallelujah dahil sa pagkawasak ng Babilonyang Dakila: “At ang dalawampu’t apat na matatanda at ang apat na nilalang na buháy ay sumubsob at sumamba sa Diyos na nakaupo sa trono, at nagsabi: ‘Amen! Hallelujah!’” c (Apocalipsis 19:4) Kaya ang dakilang korong ito ng Hallelujah ay karagdagan sa “bagong awit” ng papuri sa Kordero. (Apocalipsis 5:8, 9) Inaawit nila ngayon ang maringal na koro ng pagtatagumpay, at iniuukol ang lahat ng kaluwalhatian sa Soberanong Panginoong Jehova dahil sa kaniyang tiyak na tagumpay laban sa dakilang patutot, ang Babilonyang Dakila. Ang mga Hallelujah na ito ay higit na mas maganda kaysa alinmang koro ng Hallelujah na inaawit sa mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan, kung saan si Jehova, o si Jah, ay winawalang-dangal at hinahamak. Napatahimik na ngayon magpakailanman ang gayong mapagpaimbabaw na pag-awit na umuupasala sa pangalan ni Jehova!
6. Kaninong “tinig” ang naririnig, ano ang hinihimok nito, at sinu-sino ang mga tumutugon?
6 Noong 1918, sinimulang gantimpalaan ni Jehova ang ‘mga natatakot sa kaniyang pangalan, ang maliliit at ang malalaki’—una sa mga ito ang mga pinahirang Kristiyano na namatay nang tapat at binuhay niyang muli at inilagay sa makalangit na ranggo ng 24 na matatanda. (Apocalipsis 11:18) May iba pang nakikisama sa mga ito sa pag-awit ng mga Hallelujah, sapagkat iniuulat ni Juan: “Gayundin, isang tinig ang lumabas sa trono at nagsabi: ‘Purihin ninyo ang ating Diyos, ninyong lahat na mga alipin niya, na may takot sa kaniya, ang maliliit at ang malalaki.’” (Apocalipsis 19:5) Ito ang “tinig” ng Tagapagsalita ni Jehova, ang sarili niyang Anak, si Jesu-Kristo, na nakatayo sa “gitna ng trono.” (Apocalipsis 5:6) Hindi lamang sa langit kundi dito rin sa lupa, ‘kayong lahat na mga alipin niya’ ay nakikibahagi sa pag-awit, at nangunguna rito sa lupa ang pinahirang uring Juan. Anong laking kagalakan ng mga ito na sumunod sa utos na: “Purihin ninyo ang ating Diyos”!
7. Kapag napuksa na ang Babilonyang Dakila, sino ang pupuri kay Jehova?
7 Oo, kabilang din ang malaking pulutong sa mga aliping ito. Mula noong 1935, nagsimula silang lumabas sa Babilonyang Dakila at naranasan nila ang katuparan ng pangako ng Diyos: “Pagpapalain niya yaong mga may takot kay Jehova, ang maliliit at gayundin ang malalaki.” (Awit 115:13) Kapag napuksa na ang tulad-patutot na Babilonya, milyun-milyon sa kanila ang makikisama sa ‘pagpuri sa ating Diyos’—kaisa ng uring Juan at ng buong makalangit na hukbo. Sa dakong huli, ang mga bubuhaying muli sa lupa, naging prominente man sila noong una o hindi, ay tiyak na aawit ng karagdagang mga Hallelujah kapag nalaman nilang naglaho na magpakailanman ang Babilonyang Dakila. (Apocalipsis 20:12, 15) Kay Jehova nauukol ang lahat ng kapurihan dahil sa kaniyang napakalaking tagumpay laban sa napakatagal nang patutot!
8. Anong pampasigla ang ibinibigay sa atin ngayon ng makalangit na mga koro ng papuri na nasaksihan ni Juan, bago mapuksa ang Babilonyang Dakila?
8 Kaylaking pampasigla ang lahat ng ito upang lubusan tayong makibahagi sa gawain ng Diyos sa ngayon! Lahat nawa ng mga lingkod ni Jah ay buong-puso at buong-kaluluwang magpahayag ngayon ng mga kahatulan ng Diyos, pati na ng dakilang pag-asa ng Kaharian, bago alisin at lubusang puksain ang Babilonyang Dakila.—Isaias 61:1-3; 1 Corinto 15:58.
‘Hallelujah—Si Jehova ay Naging Hari!’
9. Bakit buong-buo at maringal ang tunog ng huling Hallelujah?
9 May karagdagan pang mga dahilan upang magalak, gaya ng patuloy na sinasabi sa atin ni Juan: “At narinig ko ang gaya ng isang tinig ng isang malaking pulutong at gaya ng lagaslas ng maraming tubig at gaya ng dagundong ng malalakas na kulog. Sinabi nila: ‘Hallelujah, d sapagkat si Jehova na ating Diyos, ang Makapangyarihan-sa-lahat, ay nagsimulang mamahala bilang hari.’” (Apocalipsis 19:6) Naging matibay at matatag ang proklamasyon dahil sa huling Hallelujah na ito. Ito’y isang malakas na tinig sa langit, mas maringal pa kaysa alinmang koro ng mga tao, mas marilag kaysa alinmang talon sa lupa, at mas kasindak-sindak kaysa anumang pagkulog sa mundong ito. Nagdiriwang ang laksa-laksang makalangit na tinig dahil “si Jehova na ating Diyos, ang Makapangyarihan-sa-lahat, ay nagsimulang mamahala bilang hari.”
10. Sa anong diwa masasabing si Jehova ay nagsisimulang mamahala bilang hari pagkaraang mawasak ang Babilonyang Dakila?
10 Gayunman, bakit sinasabing nagsisimula nang mamahala si Jehova? Libu-libong taon na ang nagdaan mula nang ipahayag ng salmista: “Ang Diyos ang aking Hari mula pa noong sinaunang panahon.” (Awit 74:12) Naghahari na si Jehova noon pa man, kaya bakit inaawit ng pansansinukob na koro na “si Jehova . . . ay nagsimulang mamahala bilang hari”? Sapagkat kapag napuksa na ang Babilonyang Dakila, mawawala na ang pangahas na karibal na iyon ni Jehova na umaagaw ng pagtalima sa kaniya bilang Pansansinukob na Soberano. Hindi na mahihikayat ng huwad na relihiyon ang mga tagapamahala sa lupa upang sumalansang sa kaniya. Nang bumagsak ang sinaunang Babilonya bilang pandaigdig na kapangyarihan, narinig ng Sion ang ganitong matagumpay na kapahayagan: “Ang iyong Diyos ay naging hari!” (Isaias 52:7) Matapos isilang ang Kaharian noong 1914, inihayag ng 24 na matatanda: “Pinasasalamatan ka namin, Diyos na Jehova . . . sapagkat kinuha mo na ang iyong dakilang kapangyarihan at nagsimulang mamahala bilang hari.” (Apocalipsis 11:17) Ngayon, pagkatapos mawasak ang Babilonyang Dakila, muli na namang naririnig ang sigaw: “Si Jehova . . . ay nagsimulang mamahala bilang hari.” Wala nang gawang-taong diyos ang hahamon sa pagkasoberano ng tunay na Diyos, si Jehova!
Malapit Na ang Kasal ng Kordero!
11, 12. (a) Paano tinukoy ng sinaunang Jerusalem ang sinaunang Babilonya, na naglalaan ng anong parisan hinggil sa Bagong Jerusalem at sa Babilonyang Dakila? (b) Sa pagtatagumpay laban sa Babilonyang Dakila, ano ang aawitin at ipahahayag ng makalangit na mga pulutong?
11 “Ikaw na babaing kaaway ko”! Ganiyan tinukoy ng Jerusalem, na kinaroroonan ng templo sa pagsamba kay Jehova, ang idolatrosong Babilonya. (Mikas 7:8) Sa katulad na paraan, makatuwirang tukuyin ‘ng banal na lunsod, ng Bagong Jerusalem,’ na binubuo ng kasintahang babae na may 144,000 miyembro, ang Babilonyang Dakila bilang kaniyang kaaway. (Apocalipsis 21:2) Subalit sa wakas ay dumanas na ng kahirapan, kapahamakan, at kagibaan ang dakilang patutot. Hindi siya nailigtas ng kaniyang espiritistikong mga gawain at mga astrologo. (Ihambing ang Isaias 47:1, 11-13.) Talagang malaking tagumpay ito para sa tunay na pagsamba!
12 Ngayong naglaho na magpakailanman ang kasuklam-suklam na patutot, ang Babilonyang Dakila, maaari nang ituon ang pansin sa dalisay na kasintahan ng Kordero! Kaya ang makalangit na mga pulutong ay galak na galak sa pag-awit ng papuri kay Jehova: “Magsaya tayo at mag-umapaw sa kagalakan, at ibigay natin sa kaniya ang kaluwalhatian, sapagkat ang kasal ng Kordero ay dumating na at ang kaniyang asawa ay naghanda na ng kaniyang sarili. Oo, ipinagkaloob sa kaniya na magayakan ng maningning, malinis, mainam na lino, sapagkat ang mainam na lino ay kumakatawan sa matuwid na mga gawa ng mga banal.”—Apocalipsis 19:7, 8.
13. Sa paglipas ng maraming siglo, anong paghahanda ang ginagawa para sa kasal ng Kordero?
13 Sa paglipas ng maraming siglo, maibiging pinaghahandaan ni Jesus ang kasalang ito sa langit. (Mateo 28:20; 2 Corinto 11:2) Nililinis niya ang 144,000 ng espirituwal na Israel upang “maiharap niya ang kongregasyon sa kaniyang sarili sa karilagan nito, na walang batik o kulubot o anumang bagay na gayon, kundi upang ito ay maging banal at walang dungis.” (Efeso 5:25-27) Sa layuning makamit ang “gantimpala ng paitaas na pagtawag ng Diyos,” kailangang hubarin ng bawat pinahirang Kristiyano ang lumang personalidad pati na ang mga gawain nito, isuot ang bagong Kristiyanong personalidad, at gawin ang matuwid na mga gawa nang “buong kaluluwa na gaya ng kay Jehova.”—Filipos 3:8, 13, 14; Colosas 3:9, 10, 23.
14. Paano sinikap ni Satanas na dungisan ang magiging mga miyembro ng asawa ng Kordero?
14 Mula noong Pentecostes 33 C.E., ginamit ni Satanas ang Babilonyang Dakila bilang kaniyang instrumento sa pagsisikap na dungisan ang magiging mga miyembro ng asawa ng Kordero. Sa katapusan ng unang siglo, nakapaghasik na siya sa loob ng kongregasyon ng mga binhi ng maka-Babilonyang relihiyon. (1 Corinto 15:12; 2 Timoteo 2:18; Apocalipsis 2:6, 14, 20) Ganito inilarawan ni apostol Pablo ang mga nagpapahina ng pananampalataya: “Sapagkat ang gayong mga tao ay mga bulaang apostol, mapanlinlang na mga manggagawa, na nag-aanyong mga apostol ni Kristo. At hindi kataka-taka, sapagkat si Satanas mismo ay laging nag-aanyong isang anghel ng liwanag.” (2 Corinto 11:13, 14) Sa sumunod na mga siglo, gaya ng iba pang bahagi ng Babilonyang Dakila, ginayakan ng apostatang Sangkakristiyanuhan ang kaniyang sarili ng kasuutan ng karangyaan at kamahalan, “purpura at iskarlata, . . . ng ginto at mahalagang bato at mga perlas.” (Apocalipsis 17:4) Ang kaniyang klero at mga papa ay nakisama sa uhaw-sa-dugong mga emperador, gaya nina Constantino at Carlomagno. Hindi siya kailanman nagayakan ng “matuwid na mga gawa ng mga banal.” Bilang isang huwad na kasintahang babae, tunay na isa siyang obra-maestra ng panlilinlang ni Satanas. Sa wakas, naglaho na siya magpakailanman!
Naghanda Na ng Kaniyang Sarili ang Asawa ng Kordero
15. Paano nagaganap ang pagtatatak, at ano ang hinihiling sa isang pinahirang Kristiyano?
15 Kaya ngayon, pagkaraan ng halos 2,000 taon, ang lahat ng 144,000 ng uring kasintahang babae ay naghanda na ng kanilang sarili. Subalit sa anong yugto ng panahon masasabing ‘naghanda na ng kaniyang sarili ang asawa ng Kordero’? Mula noong Pentecostes 33 C.E., patuloy ang ‘pagtatatak ng ipinangakong banal na espiritu’ sa mga nananampalatayang pinahiran para sa dumarating na “araw ng pagpapalaya sa pamamagitan ng pantubos.” Gaya ng sinabi ni apostol Pablo, ang Diyos ang ‘naglagay rin sa atin ng kaniyang tatak at nagbigay sa atin ng palatandaan niyaong darating, samakatuwid nga, ang espiritu, sa ating mga puso.’ (Efeso 1:13; 4:30; 2 Corinto 1:22) Ang bawat pinahirang Kristiyano ay “tinawag at pinili,” at napatunayang “tapat.”—Apocalipsis 17:14.
16. (a) Kailan ganap na natatakan si apostol Pablo, at paano natin nalaman? (b) Kailan masasabing lubusan nang ‘nakapaghanda ng kaniyang sarili’ ang asawa ng Kordero?
16 Matapos dumanas ng pagsubok sa loob ng maraming dekada, masasabi mismo ni Pablo: “Naipaglaban ko na ang mainam na pakikipaglaban, natakbo ko na ang takbuhin hanggang sa katapusan, natupad ko na ang pananampalataya. Mula ngayon ay nakalaan para sa akin ang korona ng katuwiran, na ibibigay sa akin ng Panginoon, ang matuwid na hukom, bilang gantimpala sa araw na iyon, gayunma’y hindi lamang sa akin, kundi gayundin sa lahat niyaong mga umibig sa kaniyang pagkakahayag.” (2 Timoteo 4:7, 8) Lumilitaw na ganap nang natatakan ang apostol, bagaman nasa laman pa siya noon at mapapaharap pa lamang sa kamatayan bilang martir. Kasuwato nito, darating ang panahon na ang lahat ng nalalabi sa 144,000 na narito pa sa lupa ay indibiduwal na tatatakan bilang mga nauukol kay Jehova. (2 Timoteo 2:19) Mangyayari ito kapag lubusan nang naihanda ng asawa ng Kordero ang kaniyang sarili—kapag ang kalakhang bahagi ng 144,000 ay tumanggap na ng kanilang makalangit na gantimpala at yaong naririto pa sa lupa ay tumanggap na ng pangwakas na pagsang-ayon at natatakan na bilang mga tapat.
17. Kailan maaaring idaos ang kasal ng Kordero?
17 Sa yugtong ito ng talaorasan ni Jehova, kapag nakumpleto na ang pagtatatak sa 144,000, pakakawalan na ng mga anghel ang apat na hangin ng malaking kapighatian. (Apocalipsis 7:1-3) Una, ilalapat ang hatol sa tulad-patutot na Babilonyang Dakila. Pagkatapos nito, agad na kikilos ang matagumpay na Kristo tungo sa Armagedon upang lipulin ang nalalabing bahagi ng organisasyon ni Satanas sa lupa at, sa wakas, ay ibulid si Satanas at ang kaniyang mga demonyo sa kalaliman. (Apocalipsis 19:11–20:3) Kung may mga pinahirang natitira pang buháy sa lupa, walang-alinlangang makakamit nila ang kanilang makalangit na gantimpala karaka-raka pagkatapos malubos ni Kristo ang kaniyang pananaig at makakasama nila ang kanilang mga kapuwa miyembro ng uring kasintahang babae. Pagkatapos, sa takdang panahon ng Diyos, maaari nang idaos ang kasal ng Kordero!
18. Paano tinitiyak ng Awit 45 ang sunud-sunod na mangyayari may kinalaman sa kasal ng Kordero?
18 Inilalarawan ng makahulang ulat sa Awit 45 ang sunud-sunod na mangyayari. Una, humahayo ang nakaluklok na Hari upang daigin ang kaniyang mga kaaway. (Talata 1-7) Pagkatapos ay idaraos ang kasalan, habang ang makalangit na kasintahang babae ay inaasikaso ng kaniyang kasamahang mga dalaga, ang malaking pulutong. (Talata 8-15) Pagkatapos, magiging kapaki-pakinabang ang kasalan, anupat gagawing sakdal ang binuhay-muling sangkatauhan sa ilalim ng pangangasiwa ng “mga prinsipe sa buong lupa.” (Talata 16, 17) Kayluwalhati ng mga pagpapalang idudulot ng kasal ng Kordero!
Maligaya ang mga Inanyayahan
19. Ano ang ikaapat sa pitong kaligayahan sa Apocalipsis, at sino ang nakikibahagi sa partikular na kaligayahang ito?
19 Iniuulat ngayon ni Juan ang ikaapat sa pitong kaligayahan sa Apocalipsis: “At sinabi niya [ng anghel na naghahayag ng mga bagay na ito kay Juan] sa akin: ‘Isulat mo: Maligaya yaong mga inanyayahan sa hapunan ng kasal ng Kordero.’ Gayundin, sinabi niya sa akin: ‘Ito ang mga tunay na pananalita ng Diyos.’” (Apocalipsis 19:9) e Ang mga inanyayahan sa “hapunan ng kasal ng Kordero” ay ang mga miyembro ng uring kasintahang babae. (Ihambing ang Mateo 22:1-14.) Maligaya ang lahat ng kabilang sa pinahirang kasintahan sa pagtanggap sa paanyayang ito. Karamihan sa mga inanyayahan ay naroroon na sa langit, na pagdarausan ng hapunan ng kasal. Maligaya rin ang mga naririto pa sa lupa sa pagtanggap ng paanyaya. Tiyak na may dako sila sa hapunan ng kasal. (Juan 14:1-3; 1 Pedro 1:3-9) Kapag binuhay silang muli sa langit, ang kabuuan ng pinagkaisang kasintahang babae ay makikibahagi sa Kordero sa napakaligayang kasalang ito.
20. (a) Ano ang kahulugan ng mga salitang: “Ito ang mga tunay na pananalita ng Diyos”? (b) Ano ang naging reaksiyon ni Juan sa mga salita ng anghel, subalit paano tumugon ang anghel?
20 Sinabi pa ng anghel na “ito ang mga tunay na pananalita ng Diyos.” Ang salitang “tunay” ay salin ng salitang Griego na a·le·thi·nosʹ at nangangahulugang “totoo” o “maaasahan.” Yamang kay Jehova mismo galing ang mga pananalita, ang mga ito ay tapat at mapanghahawakan. (Ihambing ang 1 Juan 4:1-3; Apocalipsis 21:5; 22:6.) Bilang isa sa mga inanyayahan sa piging ng kasalang iyon, malamang na nalipos ng kagalakan si Juan sa pagkarinig nito at sa pagbubulay-bulay sa mga pagpapalang mararanasan ng uring kasintahan sa hinaharap. Sa katunayan, lubha siyang naantig anupat kinailangan siyang payuhan ng anghel, gaya ng salaysay ni Juan: “Sa gayon ay sumubsob ako sa harap ng kaniyang mga paa upang sambahin siya. Ngunit sinabi niya sa akin: ‘Mag-ingat ka! Huwag mong gawin iyan! Ako ay kapuwa mo alipin lamang at ng iyong mga kapatid na may gawaing pagpapatotoo tungkol kay Jesus. Sambahin mo ang Diyos.’”—Apocalipsis 19:10a.
21. (a) Ano ang isinisiwalat ng Apocalipsis hinggil sa mga anghel? (b) Ano ang dapat maging saloobin ng mga Kristiyano hinggil sa mga anghel?
21 Sa buong Apocalipsis, kapansin-pansing patotoo ang ibinibigay hinggil sa katapatan at kasipagan ng mga anghel. May papel sila sa paghahatid ng inihayag na katotohanan. (Apocalipsis 1:1) Gumagawa silang kaisa ng mga tao sa pangangaral ng mabuting balita at sa pagbubuhos ng makasagisag na mga salot. (Apocalipsis 14:6, 7; 16:1) Nakipagbaka sila sa panig ni Jesus sa paghahagis kay Satanas at sa kaniyang mga anghel mula sa langit, at muli silang makikipagbaka sa panig niya sa Armagedon. (Apocalipsis 12:7; 19:11-14) Sa katunayan, nakalalapit sila sa mismong harapan ni Jehova. (Mateo 18:10; Apocalipsis 15:6) Sa kabila nito, hamak na mga alipin lamang sila ng Diyos. Walang dako sa dalisay na pagsamba ang pagsamba sa mga anghel ni ang relatibong pagsamba, anupat sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng isang “santo” o anghel. (Colosas 2:18) Si Jehova lamang ang sinasamba ng mga Kristiyano, anupat nagsusumamo sa kaniya sa pangalan ni Jesus.—Juan 14:12, 13.
Ang Papel ni Jesus sa Hula
22. Ano ang sinasabi ng anghel kay Juan, at ano ang kahulugan ng mga salitang iyon?
22 Sinasabi ngayon ng anghel: “Sapagkat ang pagpapatotoo tungkol kay Jesus ang kumakasi sa panghuhula.” (Apocalipsis 19:10b) Sa anong paraan? Nangangahulugan ito na ang lahat ng kinasihang hula ay binigkas dahil kay Jesus at dahil sa papel niya sa mga layunin ni Jehova. Ang unang hula sa Bibliya ay nangako hinggil sa pagdating ng isang binhi. (Genesis 3:15) Si Jesus ang Binhing iyon. Ang sumunod na mga pagsisiwalat ay naging matibay na patotoo ng makahulang katotohanan tungkol sa mahalagang pangakong ito. Sinabi ni apostol Pedro sa sumasampalatayang Gentil na si Cornelio: “Sa kaniya [kay Jesus] ay nagpapatotoo ang lahat ng mga propeta.” (Gawa 10:43) Pagkaraan ng mga 20 taon, sinabi ni apostol Pablo: “Gaano man karami ang mga pangako ng Diyos, ang mga iyon ay naging Oo sa pamamagitan niya [ni Jesus].” (2 Corinto 1:20) Pagkaraan ng 43 taon pa, pinaaalalahanan tayo ni Juan mismo: “Ang katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.”—Juan 1:17.
23. Bakit ang mataas na katungkulan at awtoridad ni Jesus ay hindi nakababawas sa pagsamba na iniuukol natin kay Jehova?
23 Sa paanuman, nakababawas ba ito sa pagsamba na iniuukol natin kay Jehova? Hindi. Tandaan ang babalang payo ng anghel: “Sambahin mo ang Diyos.” Hindi kailanman sinikap ni Jesus na pantayan si Jehova. (Filipos 2:6) Totoo, ang lahat ng anghel ay inuutusan na ‘mangayupapa kay Jesus,’ at na dapat kilalanin ng lahat ng nilalang ang kaniyang mataas na katungkulan upang “sa pangalan ni Jesus ay lumuhod ang bawat tuhod.” Subalit pansinin na ito’y “sa ikaluluwalhati ng Diyos na Ama” at siya mismo ang nag-utos nito. (Hebreo 1:6; Filipos 2:9-11) Si Jehova ang nagkaloob kay Jesus ng kaniyang mataas na awtoridad, at sa pagkilala natin sa awtoridad na ito, niluluwalhati natin ang Diyos. Kung tatanggi tayong magpasakop sa pamamahala ni Jesus, para na rin nating tinanggihan ang Diyos na Jehova mismo.—Awit 2:11, 12.
24. Anong dalawang kagila-gilalas na pangyayari ang inaasam natin, at anong mga salita ang dapat nating bigkasin?
24 Kaya magkaisa nawa tayo sa pagbigkas ng pambungad ng Awit 146 hanggang 150: “Purihin ninyo si Jah!” Dumagundong nawa ang koro ng Hallelujah habang hinihintay ang tagumpay ni Jehova laban sa maka-Babilonyang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon! At sumagana nawa ang kagalakan habang papalapit ang kasal ng Kordero!
[Mga talababa]
a Talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References.
b Talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References.
c Talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References.
d Talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References.
e Tingnan din ang Apocalipsis 1:3; 14:13; 16:15.
[Mga Tanong sa Aralin]
[Kahon sa pahina 273]
“Liham sa Sodoma at Gomorra”
Sa ilalim ng ganitong tampok na pamagat, nag-ulat ang Daily Telegraph ng London noong Nobyembre 12, 1987, hinggil sa panukalang iniharap sa Pangkalahatang Sinodo ng Church of England. Ipinag-uutos nito na itiwalag sa simbahan ang mga “Kristiyanong” homoseksuwal. Sinabi ng kolumnistang si Godfrey Barker: “Malungkot na inihayag kahapon ng Arsobispo ng Canterbury ang kaniyang opinyon: ‘Kung liliham si San Pablo sa Church of England, baka itanong natin kung ano kayang uri ng liham ito.’” Nagkomento mismo si Mr. Barker: “Ang sagot ay isang liham sa Sodoma at Gomorra,” at nagsabi pa: “Ipinagpalagay ni Dr Runcie [ang arsobispo] na mababasa rito ang gaya ng nilalaman ng Roma, Kab 1.”
Sinipi ng manunulat ang mga salita ni Pablo sa Roma 1:26-32: “Ibinigay sila ng Diyos sa masasamang pita ng kanilang mga puso. . . . Ang mga lalaki ay gumawa ng kahalayan sa kapuwa lalaki . . . bagaman nalalaman nila ang utos ng Diyos na ang mga gumagawa nito ay dapat mamatay, hindi lamang nila ginagawa ito kundi kanila pang sinasang-ayunan ang mga gumagawa nito.” Nagtapos siya: “Ang ikinababahala lamang ni San Pablo ay ang mga lalaking nagsisimba. Ang suliranin ni Dr Runcie ay ang mga lalaking nasa pulpito.”
Bakit may gayong suliranin ang arsobispo? Inihayag ng ulong-balita ng Daily Mail ng London noong Oktubre 22, 1987: “‘Isa sa tatlong bikaryo ay bakla’ . . . ‘Magsasara ang Church of England’ dahil sa kampanyang itiwalag ang mga homoseksuwal.” Sinipi ng ulat na ito ang sinabi ng “reberendo” na kalihim-panlahat ng Lesbian and Gay Christian Movement: “Kapag inaprubahan ang panukalang ito, guguho ang Simbahan, at alam ito ng Arsobispo ng Canterbury. Sa aming pagtantiya, 30 hanggang 40 porsiyento ng mga klerigo sa Church of England ay bakla. At sila pa ang pinakaaktibong mga tao na tumutulong sa ministeryo ng Simbahan.” Sa isang antas, walang-pagsalang ipinaaaninaw ng umuunting bilang ng mga nagsisimba ang pagkasuklam sa pagdaming iyon ng mga ministrong homoseksuwal.
Ano ang ipinasiya ng sinodo ng simbahan? Ang higit na nakararaming 388 miyembro (95 porsiyento ng mga klero) ay sumang-ayon na pagaanin ang panukalang iyon. Hinggil dito, iniulat ng The Economist ng Nobyembre 14, 1987: “Tutol sa mga gawaing homoseksuwal ang Church of England, subalit hindi naman tutol na tutol. Alang-alang sa klerong homoseksuwal, ngayong linggong ito ay pinagtibay ng pangkalahatang sinodo, ang parlamento ng Simbahan, na hindi kasalanan ang mga gawaing homoseksuwal, di-gaya ng pakikiapid at pangangalunya: ‘hindi [lamang] ito nakaabot sa pamantayan’ na ‘ang seksuwal na pakikipagtalik ay isang gawa ng ganap na pagtatalaga sa sarili at naaangkop lamang sa permanenteng ugnayan ng mag-asawa.’” Bilang paghahambing sa pananaw ng Arsobispo ng Canterbury at ng tuwirang pananalita ni apostol Pablo sa Roma 1:26, 27, inilathala ng The Economist ang siniping mga salita ni Pablo sa ibabaw ng kapsiyong “Maliwanag sa isip ni San Pablo ang bagay na ito.”
Maliwanag din sa isip ni Jesu-Kristo ang bagay na ito at tuwiran niyang ipinahayag ang mga ito. Sinabi niya na “higit na mababata ng lupain ng Sodoma ang Araw ng Paghuhukom” kaysa sa mga relihiyonista na tumatanggi sa kaniyang mensahe. (Mateo 11:23, 24) Gumagamit dito si Jesus ng hyperbole upang ipakita na ang mga lider na iyon ng relihiyon na nagtakwil sa Anak ng Diyos at sa kaniyang mga turo ay mas masahol pa kaysa sa mga taga-Sodoma. Sinasabi ng Judas 7 na ang mga taga-Sodoma na iyon ay dumanas ng “parusang hatol na walang-hanggang apoy,” na nangangahulugan ng walang-hanggang pagkapuksa. (Mateo 25:41, 46) Kung gayon, napakatindi ng magiging hatol sa tinatawag na mga Kristiyanong lider na bulag na umaakay sa kanilang bulag na mga kawan palayo sa matataas na pamantayang moral ng Kaharian ng Diyos tungo sa mapagpalayaw at buktot na mga pamamaraan ng sanlibutang ito! (Mateo 15:14) Tungkol sa huwad na relihiyon, ang Babilonyang Dakila, apurahang nananawagan ang tinig mula sa langit: “Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko, kung hindi ninyo nais na makibahagi sa kaniya sa mga kasalanan niya, at kung hindi ninyo nais na tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot.”—Apocalipsis 18:2, 4.
[Mga larawan sa pahina 275]
Ang langit ay umaalingawngaw sa apat na Hallelujah, na pumupuri kay Jah dahil sa kaniyang pangwakas na tagumpay laban sa Babilonyang Dakila