Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Patuloy Mong Panghawakang Mahigpit ang Iyong Taglay”

“Patuloy Mong Panghawakang Mahigpit ang Iyong Taglay”

Kabanata 12

“Patuloy Mong Panghawakang Mahigpit ang Iyong Taglay”

FILADELFIA

1. Ang ikaanim na mensahe ni Jesus ay ipinatungkol sa kongregasyon na nasa anong lunsod, at ano ang kahulugan ng pangalan ng lunsod na iyon?

 PAGMAMAHAL NA PANGKAPATID​—talagang kanais-nais na katangian! Walang pagsalang ito ang nasa isip ni Jesus nang iharap niya ang kaniyang ikaanim na mensahe, na ipinatutungkol sa kongregasyon ng Filadelfia, sapagkat ang pangalang ito ay nangangahulugang “Pagmamahal na Pangkapatid.” Bagaman mahigit 60 taon na ang nakalilipas, naaalaala pa rin ng may-edad nang si Juan noong tatlong beses na igiit ni Pedro kay Jesus na may magiliw na pagmamahal siya sa kaniyang Panginoon. (Juan 21:15-17) Ang mga Kristiyano ba sa Filadelfia ay nagpapakita rin ng pagmamahal na pangkapatid? Maliwanag na ganoon nga!

2. Anong uri ng lunsod ang Filadelfia, anong uri ng kongregasyon ang naroon, at ano ang sinasabi ni Jesus sa anghel ng kongregasyong ito?

2 Masusumpungan ang Filadelfia mga 50 kilometro mula sa timog-silangan ng Sardis (sa kinaroroonan ng makabagong lunsod ng Alasehir sa Turkey), at masasabing maunlad na lunsod ito noong panahon ni Juan. Gayunpaman, higit na kapansin-pansin ang pagiging maunlad ng kongregasyong Kristiyano roon. Tiyak na gayon na lamang ang kagalakan nilang tanggapin ang ministro na naglakbay patungo sa kanila, na malamang ay nagmula sa Sardis! Ang mensaheng dala niya ay may nakapagpapasiglang payo para sa kanila. Subalit tinutukoy muna sa pambungad nito ang awtoridad ng maluwalhating Nagpadala ng mensaheng ito. Sinasabi niya: “At sa anghel ng kongregasyon sa Filadelfia ay isulat mo: Ito ang mga bagay na sinasabi niya na banal, na siyang totoo, na may taglay ng susi ni David, na siyang nagbubukas anupat walang sinumang makapagsasara, at nagsasara anupat walang sinumang makapagbubukas.”​—Apocalipsis 3:7.

3. Bakit angkop na tawaging “banal” si Jesus, at sa anong diwa masasabing “totoo” siya?

3 Narinig ni Juan nang sabihin ni Pedro sa taong si Jesu-Kristo: “Ikaw ang may mga pananalita ng buhay na walang hanggan; at naniwala kami at nalaman namin na ikaw ang Banal ng Diyos.” (Juan 6:68, 69) Yamang ang Diyos na Jehova ang pinakasukdulan ng kabanalan, tiyak na “banal” din ang kaniyang bugtong na Anak. (Apocalipsis 4:8) “Totoo” rin si Jesus. Ang salitang Griego na ginamit dito (a·le·thi·nosʹ) ay nagpapahiwatig ng pagiging tunay. Sa diwang ito, masasabing si Jesus ang tunay na liwanag at tunay na tinapay na bumaba mula sa langit. (Juan 1:9; 6:32) Siya ang tunay na punong ubas. (Juan 15:1) Totoo rin si Jesus sa diwa na mapagkakatiwalaan siya. Lagi siyang nagsasalita ng katotohanan. (Tingnan ang Juan 8:14, 17, 26.) Talagang karapat-dapat maglingkod bilang Hari at Hukom ang Anak na ito ng Diyos.​—Apocalipsis 19:11, 16.

“Susi ni David”

4, 5. Sa anong tipan nauugnay ang “susi ni David”?

4 Taglay ni Jesus ang “susi ni David.” Sa pamamagitan nito, “nagbubukas [siya] anupat walang sinumang makapagsasara, at nagsasara anupat walang sinumang makapagbubukas.” Ano ba ang “susi[ng ito] ni David”?

5 Kay Haring David ng Israel nakipagtipan si Jehova ukol sa isang walang-hanggang kaharian. (Awit 89:1-4, 34-37) Naghari ang sambahayan ni David sa trono ni Jehova sa Jerusalem mula 1070 hanggang 607 B.C.E., subalit pagkaraan nito ay inilapat ang hatol ng Diyos sa kahariang iyon sapagkat nagpakasama ito. Sa gayo’y sinimulang tuparin ni Jehova ang kaniyang hula sa Ezekiel 21:27: “Kagibaan, kagibaan, kagibaan ang gagawin ko roon [sa makalupang Jerusalem]. Kung tungkol din dito, hindi nga iyon [ang setro ng paghahari sa angkan ni David] aariin ninuman hanggang sa dumating siya na may legal na karapatan, at ibibigay ko iyon sa kaniya.”

6, 7. Kailan at paano darating ang isa na may “legal na karapatan”?

6 Kailan at paano darating ang isang ito na may “legal na karapatan”? Paano ipagkakaloob sa kaniya ang setro ng kaharian ni David?

7 Mga 600 taon pagkaraan nito, nagdalang-tao sa pamamagitan ng banal na espiritu ang isang inapo ni Haring David, ang dalagang Judio na si Maria. Isinugo ng Diyos si anghel Gabriel upang ipaalam kay Maria na magkakaanak siya ng lalaki, na tatawaging Jesus. Idinagdag ni Gabriel: “Ang isang ito ay magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan; at ibibigay sa kaniya ng Diyos na Jehova ang trono ni David na kaniyang ama, at siya ay mamamahala bilang hari sa sambahayan ni Jacob magpakailanman, at hindi magkakaroon ng wakas ang kaniyang kaharian.”​—Lucas 1:31-33.

8. Paano pinatunayan ni Jesus na karapat-dapat siyang magmana ng Davidikong paghahari?

8 Noong 29 C.E., nang bautismuhan si Jesus sa Ilog Jordan at pahiran ng banal na espiritu, siya’y naging Haring Itinalaga sa angkan ni David. Nagpakita siya ng huwarang sigasig sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian at inatasan niya ang kaniyang mga alagad na mangaral ding tulad niya. (Mateo 4:23; 10:7, 11) Nagpakumbaba si Jesus, hanggang sa kaniyang kamatayan sa pahirapang tulos, sa gayo’y pinatutunayang lubusan siyang kuwalipikado na manahin ang Davidikong paghahari. Si Jesus ay binuhay-muli ni Jehova bilang imortal na espiritu at itinaas siya sa Kaniyang kanan sa mga langit. Doo’y minana niya ang lahat ng karapatan sa Davidikong kaharian. Sa takdang panahon, gagamitin ni Jesus ang karapatan niya na “manupil . . . sa gitna ng [kaniyang] mga kaaway.”​—Awit 110:1, 2; Filipos 2:8, 9; Hebreo 10:13, 14.

9. Paano ginagamit ni Jesus ang susi ni David upang magbukas at magsara?

9 Samantala ay maaari na munang gamitin ni Jesus ang susi ni David, na nagbubukas ng mga pagkakataon at pribilehiyong kaugnay ng Kaharian ng Diyos. Sa pamamagitan ni Jesus, ililigtas ngayon ni Jehova ang mga pinahirang Kristiyano sa lupa “mula sa awtoridad ng kadiliman,” at ililipat sila “sa kaharian ng Anak ng kaniyang pag-ibig.” (Colosas 1:13, 14) Ang susi ay gagamitin din upang isara, o ipagkait, ang gayong mga pribilehiyo sa mga hindi mananatiling tapat. (2 Timoteo 2:12, 13) Yamang ang permanenteng tagapagmanang ito ng kaharian ni David ay sinusuportahan ni Jehova, walang sinumang nilalang ang makahahadlang sa kaniya na ganapin ang gayong mga tungkulin.​—Ihambing ang Mateo 28:18-20.

10. Anong pampatibay-loob ang ibinibigay ni Jesus sa kongregasyon ng Filadelfia?

10 Yamang galing ito sa isa na may gayong awtoridad, ang mga salita ni Jesus sa mga Kristiyano sa Filadelfia ay tiyak na nagdulot ng pantanging kaaliwan! Pinapupurihan niya sila, na sinasabi: “Alam ko ang iyong mga gawa​—narito! naglagay ako sa harap mo ng isang bukás na pinto, na walang sinumang makapagsasara​—na mayroon kang kaunting kapangyarihan, at iningatan mo ang aking salita at hindi nagbulaan sa aking pangalan.” (Apocalipsis 3:8) Ang kongregasyon ay aktibo, at isang pintuan ang nabuksan sa kanila​—walang pagsalang isang bukás na pagkakataon sa paglilingkod sa ministeryo. (Ihambing ang 1 Corinto 16:9; 2 Corinto 2:12.) Kaya pinasisigla ni Jesus ang kongregasyon na lubusang samantalahin ang pagkakataong mangaral. Nakapagbata sila at naipakitang may sapat silang lakas, sa tulong ng espiritu ng Diyos, upang ipagpatuloy ang karagdagan pang “mga gawa” sa paglilingkod kay Jehova. (2 Corinto 12:10; Zacarias 4:6) Sinunod nila ang mga utos ni Jesus at hindi nila itinatwa si Kristo, sa salita man o sa gawa.

“Yuyukod Sila sa Iyo”

11. Anong pagpapala ang ipinangako ni Jesus sa mga Kristiyano, at paano ito natupad?

11 Kaya pinangangakuan sila ni Jesus ng pagpapala: “Narito! Ibibigay ko yaong mga mula sa sinagoga ni Satanas na nagsasabing sila ay mga Judio, at gayunma’y hindi sila gayon kundi nagsisinungaling​—narito! papupuntahin ko sila at pangangayupapain sa harap ng iyong mga paa at ipaaalam sa kanila na inibig kita.” (Apocalipsis 3:9) Marahil, gaya sa Smirna, ang kongregasyon ay nagkaproblema rin sa mga Judiong tagaroon. Tinutukoy ni Jesus ang mga ito na “sinagoga ni Satanas.” Ngunit sa paanuman, matatanto ng ilan sa mga Judiong ito na totoo nga ang ipinangangaral ng mga Kristiyano tungkol kay Jesus. Malamang na ang ‘pangangayupapa’ nila ay gaya ng pagkakalarawan ni Pablo sa 1 Corinto 14:24, 25, anupat aktuwal silang magsisisi at magiging mga Kristiyano, na lubusang nagpapahalaga sa dakilang pag-ibig ni Jesus sa pagbibigay ng kaniyang kaluluwa alang-alang sa kaniyang mga alagad.​—Juan 15:12, 13.

12. Bakit malamang na magigitla ang mga miyembro ng sinagogang Judio sa Filadelfia kapag nalaman nilang ang ilan sa kanila ay “yuyukod” sa Kristiyanong komunidad sa lugar nila?

12 Malamang na magigitla ang mga miyembro ng sinagogang Judio sa Filadelfia kapag nalaman nilang ang ilan sa kanila ay ‘mangangayupapa’ sa Kristiyanong komunidad sa lugar nila. Palibhasa’y maraming di-Judio ang tiyak na nasa kongregasyong iyan, kabaligtaran ang inaasahan ng mga Judio na mangyayari. Bakit? Sapagkat inihula ni Isaias: “[Ang di-Judiong] mga hari ay magiging mga tagapag-alaga para sa iyo [ang bayan ng Israel], at ang kanilang mga prinsesa ay mga yayang babae para sa iyo. Yuyukod sila sa iyo habang ang mga mukha ay nakaharap sa lupa.” (Isaias 49:23; 45:14; 60:14) Sa ganito ring diwa, si Zacarias ay kinasihang sumulat: “Mangyayari sa mga araw na iyon na sampung lalaki [mga di-Judio] mula sa lahat ng wika ng mga bansa ang tatangan, oo, tatangan sila sa laylayan ng lalaki na isang Judio, na sinasabi: ‘Yayaon kaming kasama ninyo, sapagkat narinig namin na ang Diyos ay sumasainyo.’” (Zacarias 8:23) Oo, ang mga di-Judio ang yuyukod sa mga Judio at hindi ang kabaligtaran!

13. Sino ang mga Judio na makararanas ng katuparan ng mga hula na ipinatutungkol sa sinaunang Israel?

13 Ang mga hulang iyon ay ipinatutungkol sa piling bayan ng Diyos. Nang bigkasin ang mga hulang ito, nasa gayong marangal na posisyon ang Israel sa laman. Pero itinakwil ni Jehova ang bansang Judio nang tanggihan nila ang Mesiyas. (Mateo 15:3-9; 21:42, 43; Lucas 12:32; Juan 1:10, 11) Noong Pentecostes 33 C.E., bilang kahalili nila ay pinili niya ang tunay na Israel ng Diyos, ang kongregasyong Kristiyano. Espirituwal na mga Judio ang mga miyembro nito na ang tunay na pagtutuli ay yaong sa puso. (Gawa 2:1-4, 41, 42; Roma 2:28, 29; Galacia 6:16) Mula noon, makababalik lamang ang indibiduwal na mga Judio sa laman sa sinang-ayunang kaugnayan kay Jehova kung mananampalataya sila kay Jesus bilang Mesiyas. (Mateo 23:37-39) Maliwanag na malapit na itong mangyari sa ilang indibiduwal sa Filadelfia. a

14. Paano kapansin-pansing natupad ang Isaias 49:23 at Zacarias 8:23 sa makabagong panahon?

14 Sa makabagong panahon, nagkaroon ng kapansin-pansing katuparan ang mga hulang gaya ng Isaias 49:23 at Zacarias 8:23. Dahil sa pangangaral ng uring Juan, napakaraming pumasok sa bukás na pinto ng paglilingkod sa Kaharian. b Ang karamihan sa kanila ay nagsilabas sa Sangkakristiyanuhan, na binubuo ng mga relihiyong may-kasinungalingang nag-aangkin na sila ang espirituwal na Israel. (Ihambing ang Roma 9:6.) Nilabhan ng mga kabilang sa malaking pulutong ang kanilang mahahabang damit at pinaputi ang mga ito sa pamamagitan ng pananampalataya sa dugong inihain ni Jesus. (Apocalipsis 7:9, 10, 14) Palibhasa’y nagpapasakop sa pamamahala ng Kaharian ni Kristo, umaasa silang magmana ng mga pagpapala nito sa lupa. Pumaparoon sila sa pinahirang mga kapatid ni Jesus at ‘yumuyukod’ sa kanila sa espirituwal na diwa, sapagkat ‘narinig nila na ang Diyos ay sumasakanila.’ Pinaglilingkuran nila ang mga pinahirang ito, at nakikipagkaisa sila sa mga ito sa pandaigdig na samahan ng magkakapatid.​—Mateo 25:34-40; 1 Pedro 5:9.

“Oras ng Pagsubok”

15. (a) Ano ang ipinangako ni Jesus sa mga Kristiyano sa Filadelfia, at pinatibay-loob sila na gawin ang ano? (b) Anong “korona” ang pinananabikang tanggapin ng mga Kristiyano?

15 Nagpatuloy pa si Jesus: “Sapagkat iningatan mo ang salita tungkol sa aking pagbabata, iingatan din kita mula sa oras ng pagsubok, na darating sa buong tinatahanang lupa, upang maglagay ng pagsubok sa mga tumatahan sa lupa. Ako ay dumarating nang madali. Patuloy mong panghawakang mahigpit ang iyong taglay, upang walang sinumang kumuha ng iyong korona.” (Apocalipsis 3:10, 11) Bagaman hindi na aabutin ng mga Kristiyano noong panahon ni Juan ang araw ng Panginoon (na nagsimula noong 1914), ang pagtitiwala nila sa pagdating ni Jesus ay magpapalakas sa kanila na magpatuloy sa pangangaral. (Apocalipsis 1:10; 2 Timoteo 4:2) Ang “korona,” o gantimpala na walang-hanggang buhay, ay naghihintay sa kanila sa langit. (Santiago 1:12; Apocalipsis 11:18) Kung mananatili silang tapat hanggang kamatayan, walang sinumang makapagkakait sa kanila ng gantimpalang ito.​—Apocalipsis 2:10.

16, 17. (a) Ano ang “oras ng pagsubok, na darating sa buong tinatahanang lupa”? (b) Ano ang kalagayan ng mga pinahiran sa pasimula ng “oras ng pagsubok”?

16 Gayunman, ano nga ba ang “oras ng pagsubok”? Walang-alinlangang mapapaharap ang mga Kristiyanong iyon sa Asia sa higit pang matitinding pag-uusig mula sa imperyo ng Roma. c Ngunit ang malaking katuparan nito ay sa panahon ng pagsala at paghatol na sa wakas ay dumating sa araw ng Panginoon at umabot sa sukdulan mula noong 1918 patuloy. Ang layunin ng pagsubok ay tiyakin kung sino ang panig sa itinatag na Kaharian ng Diyos at kung sino naman ang panig sa sanlibutan ni Satanas. Magaganap ito sa isang maikling yugto ng panahon, isang “oras,” subalit hindi pa ito natatapos. Hangga’t hindi pa ito natatapos, hindi natin dapat kaligtaan na nabubuhay tayo sa “oras ng pagsubok.”​—Lucas 21:34-36.

17 Noong 1918, kinailangang harapin ng uring Juan ng mga pinahirang Kristiyano​—gaya ng matatag na kongregasyon ng Filadelfia​—ang pagsalansang mula sa makabagong-panahong “sinagoga ni Satanas.” Ang mga tagapamahala ay may-katusuhang minaniobra ng mga lider ng relihiyon ng Sangkakristiyanuhan, na nag-aangking espirituwal na mga Judio, upang supilin ang mga tunay na Kristiyano. Ngunit pinagsikapan ng mga Kristiyanong ito na ‘ingatan ang salita tungkol sa pagbabata ni Jesus’; kaya sa pamamagitan ng napakahalagang “kaunting kapangyarihan,” o espirituwal na tulong, nakapagbata sila at pinasiglang pumasok sa pintuang nakabukas ngayon para sa kanila. Sa anong paraan?

“Isang Bukás na Pinto”

18. Anong paghirang ang ginawa ni Jesus noong 1919, at paano naging gaya ng tapat na katiwala ni Hezekias ang kaniyang mga hinirang?

18 Noong 1919, tinupad ni Jesus ang kaniyang pangako at kinilala ang maliit na grupo ng tunay na mga pinahirang Kristiyano bilang kaniyang “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47) Tumanggap sila ng pribilehiyong katulad niyaong sa tapat na katiwalang si Eliakim noong panahon ni Haring Hezekias. d Sinabi ni Jehova tungkol kay Eliakim: “Iaatang ko ang susi ng sambahayan ni David sa kaniyang balikat, at siya ay magbubukas na hindi isasara ninuman, at siya ay magsasara na hindi bubuksan ninuman.” Bumalikat ng mabibigat na pananagutan si Eliakim alang-alang kay Hezekias, ang maharlikang anak ni David. Gayundin sa ngayon, “ang susi ng sambahayan ni David” ay iniatang sa balikat ng pinahirang uring Juan sa diwa na ipinagkatiwala sa kanila ang mga kapakanan ng Mesiyanikong Kaharian dito sa lupa. Pinalakas ni Jehova ang kaniyang mga lingkod para sa pribilehiyong ito, na dinaragdagan ang kanilang kaunting kapangyarihan upang maging dinamikong lakas na sapat upang maisagawa ang napakalawak at pambuong-daigdig na pagpapatotoo.​—Isaias 22:20, 22; 40:29.

19. Paano ginampanan ng uring Juan ang mga pananagutang ibinigay sa kanila ni Jesus noong 1919, at ano ang naging resulta?

19 Mula noong 1919 patuloy, bilang pagsunod sa halimbawa ni Jesus, sinimulan ng pinahirang nalabi ang puspusang kampanya ng malawakang paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian. (Mateo 4:17; Roma 10:18) Bilang resulta, may ilan na kabilang sa makabagong sinagoga ni Satanas, ang Sangkakristiyanuhan, na lumapit sa pinahirang nalabi, nagsisi, at ‘yumukod’ bilang pagkilala sa awtoridad ng alipin. Nagsimula na rin silang maglingkod kay Jehova kaisa ng nakatatandang mga miyembro ng uring Juan. Nagpatuloy ito hanggang sa matipon ang kabuuang bilang ng mga pinahirang kapatid ni Jesus. Pagkaraan nito, “isang malaking pulutong . . . mula sa lahat ng mga bansa” ang dumating upang ‘yumukod’ sa pinahirang alipin na ito. (Apocalipsis 7:3, 4, 9) Ang alipin at ang malaking pulutong na ito ay magkasama ngayong naglilingkod bilang isang kawan ng mga Saksi ni Jehova.

20. Bakit lalo nang dapat maging matibay sa pananampalataya at aktibo sa paglilingkod sa Diyos ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon?

20 Gaya ng mga Kristiyano sa Filadelfia, ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay binubuklod ng tunay na pagmamahal na pangkapatid, at nauunawaan nila na apurahan ang kanilang gawaing pangangaral. Malapit nang ibaba ng malaking kapighatian ang telon sa balakyot na sanlibutan ni Satanas. Sa panahong iyon, bawat isa sa atin ay masumpungan nawang matatag sa pananampalataya at aktibo sa paglilingkod sa Diyos, upang hindi mapawi sa aklat ng buhay ni Jehova ang ating pangalan. (Apocalipsis 7:14) Pakadibdibin natin ang payo ni Jesus sa kongregasyon ng Filadelfia upang makapanghawakan tayong mahigpit sa ating mga pribilehiyo sa paglilingkod at makamit ang gantimpalang buhay na walang hanggan.

Mga Pagpapala Para sa mga Mananaig

21. Paano ‘iniingatan’ ng mga Kristiyano sa ngayon ‘ang salita tungkol sa pagbabata ni Jesus,’ at anong pag-asa ang naghihintay sa kanila?

21 ‘Iniingatan ng uring Juan sa ngayon ang salita tungkol sa pagbabata ni Jesus,’ samakatuwid nga, sinusunod nila ang kaniyang halimbawa at nagbabata. (Hebreo 12:2, 3; 1 Pedro 2:21) Kaya lubha silang napatitibay ng karagdagang mensahe ni Jesus sa kongregasyon ng Filadelfia: “Ang nananaig​—gagawin ko siyang isang haligi sa templo ng aking Diyos, at hindi na siya lalabas pa mula roon.”​—Apocalipsis 3:12a.

22. (a) Ano ang templo ng Diyos ni Jesus? (b) Paano magiging mga haligi sa templong iyon ang mananaig na mga pinahirang Kristiyano?

22 Kaylaking pribilehiyo para sa isa na maging haligi sa templo ni Jehova! Sa sinaunang Jerusalem, ang literal na templo ang sentro ng pagsamba kay Jehova. Sa loob ng templo, isang araw bawat taon, inihahandog ng mataas na saserdote ang dugo ng inihaing mga hayop sa harap ng makahimalang liwanag na kumakatawan sa presensiya ni Jehova sa “Kabanal-banalan.” (Hebreo 9:1-7) Nang bautismuhan si Jesus, umiral ang isa pang templo, isang dakila, espirituwal, at tulad-templong kaayusan sa pagsamba kay Jehova. Ang banal ng mga banal ng templong ito ay nasa langit, kung saan angkop na pumasok si Jesus sa “mismong persona ng Diyos.” (Hebreo 9:24) Si Jesus ang Mataas na Saserdote, at may isa lamang hain na inihandog ukol sa ganap na pagtatakip ng mga kasalanan: ang itinigis na dugo ng sakdal na taong si Jesus. (Hebreo 7:26, 27; 9:25-28; 10:1-5, 12-14) Ang mga pinahirang Kristiyano sa lupa na nananatiling tapat ay naglilingkod bilang mga katulong na saserdote sa makalupang mga looban ng templong ito. (1 Pedro 2:9) Subalit kapag nakapanaig na sila, papasok din sila sa makalangit na banal ng mga banal at magiging di-natitinag na mga suporta, gaya ng mga haligi, sa tulad-templong kaayusan sa pagsamba. (Hebreo 10:19; Apocalipsis 20:6) Wala nang panganib na ‘lumabas pa sila mula roon.’

23. (a) Anong pangako ang sumunod na ibinigay ni Jesus sa mananaig na mga pinahirang Kristiyano? (b) Ano ang resulta ng pagkakasulat ng pangalan ni Jehova at ng pangalan ng bagong Jerusalem sa mananaig na mga Kristiyano?

23 Nagpatuloy si Jesus sa pagsasabing: “At isusulat ko sa kaniya ang pangalan ng aking Diyos at ang pangalan ng lunsod ng aking Diyos, ang bagong Jerusalem na bumababa mula sa langit mula sa aking Diyos, at ang bagong pangalan kong iyon.” (Apocalipsis 3:12b) Oo, ang pangalan ni Jehova​—ang Diyos nila at Diyos ni Jesus​—ay nakasulat sa mga mananaig na ito. Maliwanag na ipinakikita nito na si Jehova at si Jesus ay dalawang magkahiwalay na persona at hindi dalawang bahagi ng tatluhang Diyos, o Trinidad. (Juan 14:28; 20:17) Dapat makita ng buong sangnilalang na ang mga pinahirang ito ay pag-aari ni Jehova. Sila’y kaniyang mga saksi. Nakasulat din sa kanila ang pangalan ng bagong Jerusalem, ang makalangit na lunsod na bumababa mula sa langit sa diwa na pinararating nito ang kaniyang mapagpalang pamamahala sa lahat ng tapat na sangkatauhan. (Apocalipsis 21:9-14) Sa gayo’y makikilala rin ng lahat ng Kristiyanong tupa sa lupa na ang pinahirang mga mananaig na ito ay mga mamamayan ng Kaharian, ang makalangit na Jerusalem.​—Awit 87:5, 6; Mateo 25:33, 34; Filipos 3:20; Hebreo 12:22.

24. Saan kumakatawan ang bagong pangalan ni Jesus, at sa anong diwa ito isinusulat sa tapat na mga pinahirang Kristiyano?

24 Bilang panghuli, nakasulat sa pinahirang mga mananaig ang bagong pangalan ni Jesus. Tumutukoy ito sa bagong tungkulin ni Jesus at sa mga pantanging pribilehiyo na ipinagkakaloob sa kaniya ni Jehova. (Filipos 2:9-11; Apocalipsis 19:12) Walang ibang nakaaalam ng pangalang ito, sa diwa na walang ibang nagkaroon ng gayong mga karanasan o pinagkatiwalaan ng gayong mga pribilehiyo. Gayunpaman, kapag isinusulat ni Jesus ang kaniyang pangalan sa kaniyang tapat na mga kapatid, nagkakaroon sila ng matalik na kaugnayan sa kaniya sa makalangit na dakong iyon at nakikibahagi pa nga sila sa kaniyang mga pribilehiyo. (Lucas 22:29, 30) Hindi kataka-taka na wakasan ni Jesus ang mensahe niya sa mga pinahirang ito sa pamamagitan ng pag-ulit sa kaniyang payo: “Ang may tainga ay makinig sa sinasabi ng espiritu sa mga kongregasyon.”​—Apocalipsis 3:13.

25. Paano maikakapit ng bawat indibiduwal na Kristiyano sa ngayon ang simulain sa payo na ibinigay ni Jesus sa kongregasyon ng Filadelfia?

25 Kaylaking pampatibay-loob ng mensaheng ito sa tapat na mga Kristiyano sa Filadelfia! At tiyak na may mapuwersang aral ito para sa uring Juan sa ngayon, sa panahon ng araw ng Panginoon. Subalit mahalaga ang mga simulain nito para sa bawat indibiduwal na Kristiyano, kabilang man siya sa mga pinahiran o sa mga ibang tupa. (Juan 10:16) Makabubuting patuloy na magluwal ang bawat isa sa atin ng mga bunga ng Kaharian gaya ng mga Kristiyanong iyon sa Filadelfia. Tayong lahat ay may kaunting kapangyarihan sa paanuman. Lahat tayo ay may magagawa sa paglilingkod kay Jehova. Gamitin natin ang kapangyarihang ito! Hinggil sa karagdagang mga pribilehiyo sa Kaharian, maging alisto tayo sa pagpasok sa anumang pinto na nakabukas sa atin. Maaari pa nga nating ipanalangin kay Jehova na buksan ang gayong pintuan para sa atin. (Colosas 4:2, 3) Habang sumusunod tayo sa halimbawa ni Jesus ng pagbabata at nananatiling tapat sa kaniyang pangalan, maipakikita natin na tayo rin ay may taingang nakikinig sa sinasabi ng banal na espiritu ng Diyos sa mga kongregasyon.

[Mga talababa]

a Noong panahon ni Pablo, si Sostenes, na punong opisyal ng sinagogang Judio sa Corinto, ay naging isang kapatid na Kristiyano.​—Gawa 18:17; 1 Corinto 1:1.

b Patuloy na idiniriin ng magasing Bantayan, na inilalathala ng uring Juan, ang pagkaapurahan na samantalahin ang pagkakataong ito at makibahagi nang lubusan sa gawaing pangangaral; halimbawa, tingnan ang mga artikulong “Ihayag ng Lahat ang Kaluwalhatian ni Jehova” at “Sa Buong Lupa ay Lumabas ang Kanilang Tinig” sa Enero 1, 2004, na isyu ng Ang Bantayan. Sa isyu ng Hunyo 1, 2004 na may artikulong “Pinagpapala ang mga Nagbibigay ng Kaluwalhatian sa Diyos,” idiniin ang pagpasok sa “bukás na pinto” ng buong-panahong paglilingkod. Sa loob lamang ng isang buwan noong 2005, isang pinakamataas na bilang na 1,093,552 ang naglingkod bilang payunir.

c Ganito ang ulat ng Cyclopedia nina McClintock at Strong (Tomo X, pahina 519): “Ang Kristiyanismo ay hindi nakalampas sa paningin ng mga emperador dahil sa mga panggugulo ng mga taong-bayan na pinasimunuan ng paganong mga pari, na nangamba nang makita nila ang kapansin-pansing paglago ng pananampalatayang iyon, at dahil dito kung kaya nagpalabas si Trajan [98-117 C.E.] ng mga utos na unti-unting susugpo sa bagong turo na nag-udyok sa mga tao na mapoot sa kanilang mga diyos. Ang administrasyon ng nakababatang si Pliny, na gobernador ng Bitinia [na nasa hangganan ng Romanong lalawigan ng Asia sa hilaga], ay napabigatan ng mga problemang bumangon dahil sa mabilis na paglaganap ng Kristiyanismo at sa resulta nitong pagkapoot ng mamamayang pagano na nasa kaniyang lalawigan.”

d Ang pangalang Hezekias ay nangangahulugang “Pinalalakas ni Jehova.”

[Mga Tanong sa Aralin]

[Kahon sa pahina 63]

Pagtulong sa Marami na Yumukod

Sa 144,000 pinahiran na magmamana ng makalangit na Kaharian, lumilitaw na hindi pa tapos ang atas dito sa lupa ng isang nalabi, ang uring Juan, na wala pang 9,000 ang bilang. Kasabay nito, ang malaking pulutong ay dumami tungo sa mahigit 6,600,000. (Apocalipsis 7:4, 9) Ano ang nakatulong para magkaroon ng ganito kalaking pagsulong? Malaki ang naitulong ng iba’t ibang paaralan na pinangangasiwaan ng mga Saksi ni Jehova. Ibang-iba sa mga seminaryo ng Sangkakristiyanuhan na nagtuturo ng makasanlibutang mga pilosopiya at humahamak sa Bibliya, ang mga paaralang ito ng mga Saksi ay nagkikintal ng matibay na pananampalataya sa Salita ng Diyos. Ipinakikita nito kung paano praktikal na maikakapit ang Bibliya upang makapamuhay nang malinis at marangal at dibdibang makapaglingkod sa Diyos. Sa buong daigdig mula noong 1943, bawat kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay nagdaraos ng Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo sa kanilang Kingdom Hall. Milyun-milyon ang dumadalo sa paaralang ito bawat linggo, na sinusunod ang iisang programa ng pagtuturo sa Bibliya.

Mula noong 1959, ang mga Saksi ni Jehova ay nagdaos din ng Kingdom Ministry School upang sanayin ang matatanda at ministeryal na lingkod sa kongregasyon. At mula noong 1977, ang Pioneer Service School ay nakapagsanay na ng daan-daang libong kapatid na lalaki at babae na naglilingkod kay Jehova nang buong panahon sa gawaing pangangaral taglay ang tunay na espiritu ng kongregasyon sa Filadelfia. Noong 1987, pinasimulan ang Ministerial Training School upang sanayin ang mga lalaking Saksi sa pantanging mga atas sa pandaigdig na larangan.

Namumukod-tangi sa mga paaralan na pinangangasiwaan ng mga Saksi ni Jehova ang Watchtower Bible School of Gilead. Halos bawat taon mula noong 1943, dalawang grupo ng mga estudyante ang nagtatapos sa paaralang ito para sa mga misyonero, na nasa Estado ng New York. Sa kabuuan, nakapagsanay na ito ng mahigit sa 7,000 ministro ni Jehova upang maglingkod bilang misyonero sa ibang bansa. Ang mga nagtapos sa paaralang ito ay nakapaglingkuran na sa mahigit na isang daang lupain, at sa maraming lupaing ito ay naging instrumento sila para mapasimulan ang gawaing pang-Kaharian. Pagkaraan ng mga 60 taon, ang ilan sa naunang mga misyonero ay gumaganap pa rin ng kanilang tungkulin, at gumagawang kasama ng baguhang mga misyonero sa pagpapasulong ng pandaigdig na paglawak ng organisasyon ni Jehova. Talagang kagila-gilalas ang naging paglawak na ito!

[Chart sa pahina 64]

Noong 1919, binuksan ng nagpupunong haring si Jesus ang pagkakataon sa Kristiyanong paglilingkuran. Sinasamantala ng dumaraming nakaalay na mga Kristiyano ang pagkakataong iyon.

Lupaing Mga Kristiyanong Mga Buong-Panahong

Taon Napangaralan Nakibahagi sa Mangangaral e

Pangangaral f

1918 14 3,868 591

1928 32 23,988 1,883

1938 52 47,143 4,112

1948 96 230,532 8,994

1958 175 717,088 23,772

1968 200 1,155,826 63,871

1978 205 2,086,698 115,389

1988 212 3,430,926 455,561

1998 233 5,544,059 698,781

2005 235 6,390,022 843,234

[Mga talababa]

e Ang mga bilang sa itaas ay mga buwanang aberids.

f Ang mga bilang sa itaas ay mga buwanang aberids.

[Chart sa pahina 65]

Ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay buong puso. Halimbawa, isaalang-alang ang oras na ginugugol nila sa pangangaral at pagtuturo at ang napakalaking bilang ng walang-bayad na pag-aaral sa Bibliya na idinaraos nila sa tahanan ng mga tao.

Oras na Ginugol Idinaraos na

sa Pangangaral Pag-aaral sa

Taon (Taunang Kabuuan) Bibliya

(Buwanang Aberids)

1918 19,116 Hindi Naiulat

1928 2,866,164 Hindi Naiulat

1938 10,572,086 Hindi Naiulat

1948 49,832,205 130,281

1958 110,390,944 508,320

1968 208,666,762 977,503

1978 307,272,262 1,257,084

1988 785,521,697 3,237,160

1998 1,186,666,708 4,302,852

2005 1,278,235,504 6,061,534

[Larawan sa pahina 59]

Susing ginagamit ng mga Romano noong unang siglo