Dapat Ko Bang Lisanin ang Aming Tahanan?
Kabanata 7
Dapat Ko Bang Lisanin ang Aming Tahanan?
“Inay at Itay:
“Sa wakas ako’y aalis na. Tulad ng sinabi ko noon, hindi ko ginagawa ito para galitin kayo o labanan kayo sa anumang paraan. Hindi ako maaaring maging maligayang nakakulong tulad ng ibig ninyong mangyari sa akin. Marahil ay hindi rin naman ako magiging maligaya sa aking gagawin, ngunit ibig kong subukin.”
SA GANIYAN pinasimulan ng isang 17-anyos na batang babae ang kaniyang sulat ng pamamaalam sa kaniyang mga magulang. Sa Republika Pederal ng Alemanya, halimbawa, bawat ikatlong babae at bawat ikaapat na lalaki sa pagitan ng mga edad 15 at 24 ang namumuhay malayo sa kani-kanilang tahanan. Marahil ay nag-iisip ka ring lumisan.
Inihula ng Diyos na ang pagnanais na mag-asawa ay magiging dahilan para sa isang tao na “iwan ang ama at ina.” (Genesis 2:23, 24) At mayroon pa ring ibang makatuwirang mga dahilan ng paglisan, gaya ng pagpapalawak ng paglilingkuran sa Diyos. (Marcos 10:29, 30) Para sa maraming mga kabataan, gayunman, ang paglisan sa tahanan ay isang paraan upang makaiwas sa ayon sa kanila’y di-matiis na situwasyon. Ang sabi ng isang kabataang lalaki: “Basta ibig mong maging mas malaya. Ang paninirahang kasama ng iyong mga magulang ay hindi na nakasisiya. Lagi kayong nagtatalo, at hindi nila maunawaan ang iyong mga pangangailangan. Bukod doon, maraming mga pagbabawal, na lagi nang dapat managot sa iyong mga magulang sa anumang bagay na iyong gagawin.”
Handa Ka Na ba para sa Pagsasarili?
Subalit ang bagay ba na ibig mo nang magsarili ay nangangahulugan na handa ka na para doon? Isang bagay, ang paggawa noon sa ganang iyong sarili ay hindi ganoong kadali tulad ng iniisip mo. Mahirap makakita ng trabaho. Mataas ang upahan sa bahay. At ano ang madalas na napipilitang gawin ng mga kabataang
ito na nasilò ng hirap sa pangkabuhayan? Ang sabi ng mga autor ng Pulling Up Roots: “Bumabalik sila sa kanilang mga tahanan at umaasa sa muling pagtangkilik sa kanila ng kanilang mga magulang.”Kumusta naman ang iyong mental, emosyonal, at espirituwal na pagkamaygulang? Marahil ay iniisip mong ikaw ay malaki na, subalit maaari pa ring makakita sa iyo ang iyong mga magulang ng “mga pagkilos ng isang bata.” (1 Corinto 13:11) At hindi nga ba ang iyong mga magulang ang siyang nararapat magpasiya ng kung gaanong kalayaan ang naaangkop para sa iyo? Ang hindi pagsunod sa kanilang kapasiyahan at magsarili ay maaaring magdulot ng kapahamakan!—Kawikaan 1:8.
‘Hindi Ko Makasundo ang Aking mga Magulang!’
Totoo ba ito sa iyong kaso? Kahit na, hindi ito dahilan upang mag-alsa balutan. Bilang isang kabataan, kailangan mo pa ang iyong mga magulang at malamáng na makikinabang ka mula sa kanilang kaunawaan at karunungan sa darating na mga taon. (Kawikaan 23:22) Aalisin mo na ba sila sa iyong buhay dahil lamang sa ilang mga di-pagkakaunawaan?
Ang isang kabataang Aleman na nagngangalang Karsten na umalis sa kanilang tahanan upang ipagpatuloy ang kaniyang pambuong-panahong paglilingkod ay nagsabi ng ganito: “Huwag kailanman lisanin ang tahanan dahil lamang sa hindi mo makasundo ang iyong mga magulang. Kung hindi mo sila makasundo, papaano mo pa makakasundo ang ibang mga tao? Ang pag-alis ay hindi makalulutas ng problema. Sa kabaligtaran pa nga, iyon ay magpapatunay lamang na hindi mo pa kayang tumayo sa iyong sariling mga paa at higit lamang na maglalayo sa iyo sa mga magulang mo.”
Ang Moralidad at ang mga Motibo
Nakakaligtaan din ng mga kabataan ang panganib sa moralidad na nasasangkot sa paglisan sa tahanan nang hindi pa napapanahon.Lucas 15:11-32, si Jesus ay nagsasabi tungkol sa isang kabataan na nagnais na maging malaya at mamuhay sa kaniyang sarili. Wala na sa ilalim ng mabuting impluwensiya ng kaniyang mga magulang, nagsimula siya ng “palunging pamumuhay,” naging biktima ng seksuwal na imoralidad. Di-nagtagal ay nalustay ang kaniyang salapi. Napakahirap makakita ng trabaho kung kaya tinanggap na rin niya ang isang gawaing hinahamak ng mga Judio—ang pag-aalaga ng mga baboy. Ang nasabing alibugha, o mapag-aksayang, anak ay natauhan, gayunman. Hindi inaalintana ang kahihiyan, siya’y nagbalik at humingi ng tawad sa kaniyang ama.
SaBagaman ang talinghagang ito ay inilahad upang idiin ang pagkamaawain ng Diyos, naglalaman din ito ng ganitong praktikal na liksiyon: Ang paglisan sa tahanan na may di-matalinong motibo ay magdudulot ng kapinsalaan sa iyo sa moral at espirituwal! Nakalulungkot na sabihin, ang ilang mga kabataang Kristiyano na humarap sa landas ng pagsasarili ay nagdanas ng espirituwal na kapahamakan. Sa dahilang hindi nila kayang magbayad nang mag-isa, ang ilan ay nangailangang makisama sa gastos sa ibang mga kabataan na ang paraan ng pamumuhay ay taliwas sa mga prinsipyo ng Bibliya.—1 Corinto 15:33.
Ang isang kabataang Aleman na nagngangalang Horst ay gumugunita sa isang kapuwa kabataan na kasinggulang niya na lumisan sa tahanan: “Bagaman hindi kasal, siya’y nagsimulang makisama sa kaniyang kasintahang babae. Nagkaroon sila ng mga kasayahan na doo’y umaagos ang mga alak, at madalas na parati siyang lasing. Kung siya’y nasa kanilang tahanan pa, hindi ito papayagan ng kaniyang mga magulang.” Ang pagtatapos ni Horst: “Totoo, minsang lisanin mo ang iyong tahanan ay may higit kang kalayaan. Ngunit ang totoo, hindi ba iyon kadalasan ay ginagamit na isang pagkakataon upang makagawa ng masama?”
Kaya kung ikaw ay nagnanasa ng higit pang kalayaan, tanungin ang iyong sarili: Bakit nga ba ibig ko ng higit na kalayaan? Dahil ba sa ibig kong magkaroon ng materyal na tinatangkilik o pagkakataon na makakilos sa paraang hindi pahihintulutan ng aking mga magulang kung ako’y nasa aming tahanan? Alalahanin ang sinasabi ng Bibliya sa Jeremias 17:9: “Ang puso ay higit na magdaraya kaysa sa anupaman at mapanganib. Sino ang makaaalam nito?”
Papaano Ako Matututo Kung Hindi Ako Aalis?
Ang aklat na Adolescence ay pumapansin: “Ang basta pag-alis sa tahanan ay hindi gumagarantiya ng isang matagumpay na pagbabago [tungo sa pagkamaygulang]. Ni ang pananatili sa tahanan ay nagpapahiwatig ng pagkabigo na lumaki.” Sa katotohanan, ang paglaki ay nangangahulugan ng higit pa kaysa sa pagkakaroon lamang ng sariling salapi, hanapbuhay, at tirahan. Dapat matalos na ang kasanayan sa buhay ay ang pagharap sa mga problema nang may tibay-loob. Walang mahihitâ kung basta tatakbuhan natin ang mga situwasyon na hindi natin gusto. “Mabuti nga sa tao na magpasan ng pamatok sa kaniyang kabataan,” ang sabi ng Panaghoy 3:27.
Kunin, bilang halimbawa, ang mga magulang na mahirap pakitunguhan o masyadong mahigpit. Si Mac, ngayon ay 47 taóng gulang, ay may amang nagpapasán sa kaniya ng mga gawaing bahay pagkakagaling sa paaralan. Kung bakasyon sa tag-araw, samantalang ang ibang mga kabataan ay naglalaro, si
Mac ay kinakailangang magtrabaho. “Naisip kong siya na yata ang pinakamasamang taong nabuhay dahilan sa hindi niya pagpapahintulot sa amin na maglaro at magsaya,” ang sabi ni Mac. “Madalas na naiisip ko, ‘Kung makaaalis lamang sana ako rito at magkaroon ng sarili!’” Ngayon, si Mac ay may bago nang pangmalas: “Ang ginawa ni Itay para sa akin ay hindi matutumbasan. Tinuruan niya akong magtrabaho nang mabigat at magtiis ng kahirapan. Mula noon ay nagkaroon pa ako ng higit pang mga malulubhang problema subalit alam ko kung papaano ko haharapin ang mga iyon.”Paraiso ng Isang Hangal
Ang basta paninirahan lamang sa tahanan, gayunman, ay hindi gumagarantiya sa iyong paglaki. Ang sabi ng isang kabataan: “Ang paninirahan sa tahanan kasama ng aking mga magulang ay tulad sa paninirahan sa paraiso ng isang hangal. Ginagawa nila ang lahat ng bagay para sa akin.” Bahagi ng paglaki ang pagkatuto ng paggawa ng mga bagay-bagay para sa iyong sarili. Totoo, ang pagtatapon ng basura o paglalaba ay hindi nakasisiya di-tulad ng pagpapatugtog ng iyong mga paboritong tugtugin. Ngunit ano ang maaaring maging resulta kung hindi mo kailanman matututuhan ang mga bagay na ito? Maaari kang maging isang walang-pakinabang na adulto, na laging nakasandal sa iyong mga magulang o sa iba.
Ikaw ba (maging binata o dalaga) ay naghahanda na sa panghinaharap na pananagutan sa pamamagitan ng pag-aaral na magluto, maglinis, mamalantsa, o magkumpuni ng bahay o sasakyan?
Kalayaan sa Pananalapi
Minamalas ng mga kabataan sa mayayamang mga lupain ang salapi bilang madaling makuha at mas madali rin namang gastahin. Kung sila’y may part-time na hanapbuhay, sila’y madalas na gumagastos para sa mga stereo at mamahaling mga damit. Gayunman, kay laki ng paninibago ng mga kabataan kapag sila’y namumuhay na nang sarili! Ginugunita ni Horst (binanggit sa unahan): “Nang sumapit ang katapusan ng buwan [sa aking sarili] kapuwa ang aking pitaka at paminggalan ay wala nang laman.”
Bakit hindi pag-aralan ang paghawak ng salapi habang naninirahan
pa sa inyong tahanan? Ang iyong mga magulang ay may mahaba nang karanasan sa pagsasagawa nito at matutulungan ka nilang makaiwas sa mga hukay na patibóng. Ang aklat na Pulling Up Roots ay nagmumungkahing itanong sa kanila ang mga ito: ‘Magkano ba ang gastos sa kuryente sa isang buwan? Heater? Tubig? Telepono? Anu-anong mga buwis ang ating binabayaran? Ano ang ating inuupahan?’ Magugulat kayong mapag-alaman na ang mga nagtatrabahong mga kabataan ay may mas maraming pera kaysa sa kanilang mga magulang! Kaya kung ikaw ay may hanapbuhay, mag-alok na magbigay ng nararapat na tulong sa gastusin ng sambahayan.Matuto Muna Bago Lumisan
Hindi, hindi kailangang lisanin ang tahanan upang matuto. Ngunit kailangang magsikap samantalang naroroon na pasulungin ang mabuting pagpapasiya at pagkamahinahon. Pag-aralan din na makitungo sa iba. Patunayan na maaari kang tumanggap ng mga puna, pagkukulang, o pagkabigo. Linangin ang ‘kabaitan, kabutihan, kahinahunan, at pagpipigil-sa-sarili.’ (Galacia 5:22, 23) Ang mga katangiang ito ang tunay na mga tanda ng isang nasa hustong-gulang na Kristiyanong lalaki o babae.
Sa malao’t madali, ang mga pangyayari, tulad ng pag-aasawa, ang magbubunsod sa iyo upang umalis sa pugad ng tahanan ng iyong mga magulang. Subalit hangga’t hindi pa dumarating iyon, bakit magmamadali ng paglisan? Ipakipag-usap iyon sa iyong mga magulang. Maaaring natutuwa sila sa iyong pananatili, lalo pa nga kung nakatutulong ka para sa kapakanan ng iyong pamilya. Sa tulong nila, ikaw ay maaaring patuloy na lumaki, matuto, at gumulang sa iyo mismong tahanan.
Mga Tanong para sa Talakayan
◻ Bakit ba nasasabik ang mga kabataan na makaalis sa kanilang tahanan?
◻ Bakit ang ilang mga kabataan ay hindi pa handa para sa pag-alis?
◻ Ano ang ilang mga panganib sa hindi-pa-napapanahong paglisan sa tahanan?
◻ Ano ang ilang mga problemang napapaharap sa mga naglalayas?
◻ Papaanong posible para sa iyo na matuto samantalang nananatili sa tahanan?
[Blurb sa pahina 57]
“Huwag kailanman lilisanin ang tahanan dahil lamang sa hindi mo makasundo ang iyong mga magulang . . . papaano mo pa makakasundo ang ibang mga tao?”
[Kahon sa pahina 60, 61]
Ang Paglayas ba ang Sagot?
Mahigit na isang milyong tinedyer ang lumalayas sa kanilang tahanan sa bawat taon. Ang ilan ay lumalayas dahil sa di-matiis na mga kalagayan—gaya ng pisikal at seksuwal na pang-aabuso. Ngunit kadalasa’y ang paglayas ay bunga ng pakikipagtalo sa magulang tungkol sa pagtatakda ng oras, marka sa paaralan, gawaing bahay, at pagpili ng mga kaibigan.
Marahil ang palagay at pag-iisip ng iyong mga magulang tungkol sa mga bagay ay hindi kasang-ayon ng sa iyo. Ngunit naisaalang-alang mo na ba ang katotohanang ang iyong mga magulang ay may obligasyon sa harap ng Diyos na ikaw ay palakihin “sa disiplina at pangkaisipang-patnubay ni Jehova”? (Efeso 6:4) Kaya maaaring sila’y magpumilit na samahan mo sila sa mga pangrelihiyong pagpupulong at mga gawain o dili kaya’y pagbawalan ka sa pakikisama sa ibang mga kabataan. (1 Corinto 15:33) Iyon ba naman ay dahilan na upang maghimagsik o kaya’y lumayas? Ikaw man ay may obligasyon din sa Diyos: “Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina.”—Efeso 6:1-3.
Bukod doon, ang paglayas ay walang nalulutas na anuman. “Ang paglayas ay lumilikha lamang ng higit pang mga problema para sa iyo,” sang-ayon kay Amy, na lumayas noong siya’y edad 14. Ang sabi ni Margaret O. Hyde sa kaniyang aklat na My Friend Wants to Run Away: “Ang ilang naglalayas ay nakahahanap ng trabaho at nakapananagumpay. Ngunit, para sa karamihan sa kanila, ang buhay ay nagiging mas malubha kaysa noong hindi pa sila lumalayas.” At pinansin ng magasing ’Teen: “Hindi nakasusumpong ng kalayaan ang mga kabataan sa kalye. Sa halip, nakatatagpo sila ng iba pang naglayas o mga itinapon—na tulad nila—na nakatira sa mga iniwan nang mga gusali, na doo’y wala silang proteksiyon laban sa mga manggagahasa o mga nananakit upang makapagnakaw. Nakatatagpo rin sila ng mga taong ang maruming hanapbuhay ay ang pagsasamantala sa mga kabataan at ang mga tinedyer na naglalayas ang kanilang madaling asintahin.”
Bilang isang tanan, si Amy ay “kinaibigan” ng isang 22-taóng-gulang na lalaki, na pinagbayad siya sa kaniyang pagtira sa kaniya sa pamamagitan ng “pakikipag-sex sa kaniya at sa siyam pa niyang kaibigan.” Ang batang ito rin ay “nalasing at uminom ng maraming droga.” Isa pang batang babae, na ang pangalan ay Sandi, ang nagdanas ng pagmomolestiya ng kaniyang lolo-lolohan at siya’y lumayas. Naging masamang babae siya na naninirahan sa kalye at natutulog sa
mga upuan sa parke o kung saan man maaari. Sila ang mga larawan ng mga naglalayas.Karamihan sa mga naglalayas ay may kaunti lamang na mga kakayahan. Ni wala silang mga papeles na kinakailangan upang matanggap sila sa trabaho: birth certificate, Social Security card, permanenteng tirahan. “Kinailangan kong magnakaw, mamalimos,” ang sabi ni Luis, “ngunit kalimitan nang nagnanakaw dahil walang sinumang ibig magbigay.” Mga 60 porsiyento ng mga naglalayas ay mga babae, karamihan sa kanila ay nagpapakasama sa pagbibili ng aliw upang matustusan ang sarili. Ang mga kumukuha ng malalaswang larawan, nagbibili ng droga, at mga bugaw ay naglalagi sa mga istasyon ng bus upang humanap ng mga naglalayas na mapagsasamantalahan. Maaaring mag-alok sila sa nahihintakutang mga kabataan ng isang dako para matulugan at makakain. Maaari pa man din nilang ibigay ang bagay na wala sa kanilang tahanan—ang pagkadama na sila’y minamahal.
Pagdating ng panahon, gayunman, ang mga “tagapagpalang” ito ay maniningil. At iyon ay nangangahulugang magtatrabaho ka para sa kanila bilang isang masamang babae, magsasagawa ng seksuwal na masasamang gawa, o magpapakuha ng malalaswang larawan. Hindi nakapagtataka na ang maraming naglalayas ay magwakas sa malubhang kasakunaan—o kamatayan!
Kaya isang katalinuhan na magsikap—at iyan ay nangangahulugang higit kaysa minsan—na makipag-usap sa iyong mga magulang. Hayaan mong malaman nila ang iyong nadarama at kung ano na ang nangyayari. (Tingnan ang Kabanata 2 at 3.) Sa mga kaso ng pisikal o seksuwal na pag-aabuso, ang tulong mula sa labas ay maaaring kailanganin.
Anuman ang kaso, makipag-usap, huwag lumayas. Kahit na ang buhay sa tahanan ay hindi isang huwaran, ingatan sa isipan na higit pang lulubha ang mga bagay-bagay kung ikaw ay nasa layasán.
[Mga Larawan sa pahina 59]
Ang kasanayan sa gawaing-bahay na kinakailangan upang mamuhay nang mag-isa ay maaaring matutuhan sa tahanan