Mensahe sa mga Magulang
Mensahe sa mga Magulang
Ang mga nagbibinata at nagdadalaga ay parang tumatawid sa alambre. Ang bawat hakbang nila ay walang katiyakan—nakakatakot pa nga. Bilang magulang, ayaw mo sanang maranasan pa ito ng iyong mga anak. Siyempre, hindi puwede iyon. Pero puwede mo silang alalayan para hindi sila mahulog at sa gayo’y makatawid nang matagumpay. Kayo ang unang-unang makatutulong sa kanila upang hindi sila lumihis ng landas, kundi lumaki bilang responsableng mga adulto.
Baka sabihin mo, ‘Madaling sabihin ’yan, pero mahirap gawin.’ Totoo naman iyan. Parang kahapon lang, ang iyong anak na lalaki ay isang napakasigla at napakakulit na bata; samantalang ngayon naman, napakatahimik niya at naaasiwang makipag-usap sa iyo. Kamakailan lang, buntot nang buntot ang anak mong babae saan ka man magpunta; samantalang ngayon naman, para siyang yelong natutunaw sa hiya kapag nakikita ng mga tao na magkasama kayo!
Pero huwag mong isipin na hindi mo kayang harapin ang mga pagbabagong ito na nangyayari sa iyong anak. Maaari kang sumangguni sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, na siyang pinagmumulan ng karunungang magbibigay sa iyo at sa iyong anak ng maaasahang patnubay.
Ang aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2, ay dinisenyo upang tulungan ang iyong anak na mangatuwiran mula sa Kasulatan. Makikita mo sa pahina 4 at 5 kung anu-anong paksa ang tinatalakay sa aklat na ito. Pero hindi lamang basta naghaharap ng impormasyon ang aklat na ito. Pansinin ang sumusunod:
(1) Pinasisigla ng aklat na ito ang mga kabataan na ipahayag ang kanilang niloloob. May mga seksiyon sa aklat na ito kung saan hihimukin ang iyong anak na isulat ang kaniyang sariling opinyon at sagutin ang nakalimbag na mga tanong. Halimbawa, ang “Plano Ko Laban sa Panggigipit” sa pahina 132 at 133 ay tutulong sa iyong anak na pag-isipan ang espesipikong mga hamon na napapaharap sa kaniya at kung paano niya mapagtatagumpayan ang mga ito. Bukod diyan, ang dulo ng bawat seksiyon ng aklat na ito ay may pahina na pinamagatang “Personal Kong Nota,” kung saan maaaring isulat ng iyong anak ang sarili niyang opinyon hinggil sa paksang tinatalakay sa seksiyong iyon.
(2) Pinasisigla rin ng aklat na maging bukás ang komunikasyon ng mga magulang at mga anak. Halimbawa, sa pahina 63 at 64 ay may kahon na “Paano Ako Magtatanong kay Itay o Inay Hinggil sa Sex?” Sa katapusan ng bawat kabanata, mayroon ding kahon na pinamagatang “Ano sa Palagay Mo?” Hindi lamang para sa pagrerepaso magagamit ang kahong ito. Maaari ding pag-usapan ng buong pamilya ang mga tanong dito. Bukod diyan, ang bawat kabanata ay may bahaging “Ang Plano Kong Gawin!” Hinihiling nito na kumpletuhin ng kabataan ang mga pangungusap na gaya nito: “Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay . . .” Pasisiglahin nito ang mga kabataan na lumapit sa kanilang mga magulang para humingi sa kanila ng timbang na payo habang tumatawid sila sa alambre, wika nga, sa panahon ng pagbibinata o pagdadalaga.
Isang paalaala: Para hindi mahiya ang inyong mga anak na isulat ang kanilang niloloob, makabubuting huwag basta-basta basahin ang personal na kopya nila ng aklat. Sa kalaunan, baka sila na mismo ang kusang magsabi sa inyo kung ano ang isinulat nila rito.
Kumuha ng sariling kopya ng aklat na ito, at pag-aralan itong mabuti. Habang binabasa mo ito, tandaan na naranasan mo rin ang drama ng pagiging kabataan, pati na ang mga pangamba at álalahaníng kasama nito. Kung angkop, ikuwento sa iyong anak ang sarili mong mga karanasan. Uudyukan nito ang mga kabataan na magtapat sa iyo. Kapag nagsasalita sila, makinig! Kung sa tingin mo’y wala ring nangyayari sa pagsisikap mong kausapin ang iyong anak, huwag kang masiraan ng loob. Hindi man nila ito aminin, karaniwan nang mas pinahahalagahan ng mga anak ang payo ng kanilang mga magulang kaysa sa sinasabi ng kanilang mga kaibigan.
Nalulugod kaming ilaan sa inyo at sa inyong mga anak ang pantulong na ito na salig sa Bibliya, at dalangin namin na makinabang dito nang husto ang inyong pamilya.
Ang mga Tagapaglathala