Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Dapat Mamuhay Ayon sa mga Pamantayan ng Bibliya?

Bakit Dapat Mamuhay Ayon sa mga Pamantayan ng Bibliya?

KABANATA 34

Bakit Dapat Mamuhay Ayon sa mga Pamantayan ng Bibliya?

Nanananghalian ka sa kantin kasama ng iyong dalawang kaeskuwelang babae nang dumating ang bagong estudyanteng lalaki.

“Alam mo, may gusto talaga sa iyo si Jay,” ang sabi ng una mong kaeskuwela. “Halata sa mga tingin niya sa iyo. Titig na titig, eh!”

“At ito pa,” ang bulong naman sa iyo ng ikalawa mong kaeskuwela. “Wala pa siyang girlfriend!”

Nahalata mo na iyon. Noong isang araw lang, inimbitahan ka ni Jay sa isang parti sa bahay nila. Siyempre pa, tumanggi ka. Pero iniisip mo rin kung ano kaya ang nangyari kung tumuloy ka.

Biglang nagsalita ulit ang una mong kaeskuwela.

“Sayang, may boyfriend na ako,” ang sabi niya. “Kung wala, hindi ako magdadalawang-isip na makipag-date kay Jay.”

Pagkatapos ay tumingin siya sa iyo na parang nagtataka. Alam mo na kung ano ang itatanong niya.

“Ikaw, bakit nga ba wala ka pang boyfriend?” ang tanong niya.

Iyan ang tanong na iniiwasan mo! Ang totoo, gusto mong magka-boyfriend. Pero sinabihan kang mas mabuting maghintay muna hanggang handa ka nang mag-asawa bago ka makipag-date. Kung hindi nga lang dahil sa . . .

“Dahil sa relihiyon mo, ano?” ang sabi naman ng ikalawa.

‘Nababasa ba niya ang iniisip ko?’ ang sabi mo sa sarili mo.

“Kasi naman, puro ka na lang Bibliya, Bibliya, Bibliya,” ang kantiyaw niya. “Bakit, hindi ka ba puwedeng magsaya paminsan-minsan?”

NAKANTIYAWAN ka na ba dahil nagsisikap kang mamuhay ayon sa mga pamantayan ng Bibliya? Kung oo, baka naiisip mong napapalampas mo ang mga pagkakataon para magsaya. Ganiyan ang nadama ng kabataang si Deborah. “Nahihigpitan ako sa mga pamantayan ng Bibliya,” ang naalaala niya. “Gusto ko sana ang buhay ng mga kaibigan ko sa iskul​—walang bawal.”

Ano ba Talaga ang Totoo?

Hindi mo kailangang magkamali at masaktan muna bago ka matuto. Sa katunayan, sinasabi sa Bibliya na isang katalinuhan na matuto mula sa pagkakamali ng iba, gaya ng ginawa ng salmistang si Asap. May panahon na naisip niyang napakahigpit ng mga pamantayan ng Diyos. Pero nang pag-isipan niya ang nangyari sa mga sumuway sa mga pamantayan ng Diyos, nakita niya kung ano talaga ang totoo. Nang maglaon, sinabi ni Asap na ang mga taong ito ay nasa “madulas na dako.”​—Awit 73:18.

Para matuto mula sa pagkakamali ng iba, tingnan ang sumusunod na mga komento ng mga kabataang sumuway noon sa mga pamantayan ng Bibliya at nakipag-sex nang hindi pa kasal.

Ano ang nakaimpluwensiya sa iyong pag-iisip at pagkilos?

Deborah: “Noong nag-aaral pa ako, nakikita kong may boyfriend at girlfriend ang lahat, at mukha naman silang masaya. Kapag kasama ko sila at nakikita ko silang naghahalikan at nagyayakapan, naiinggit ako at pakiramdam ko’y nag-iisa ako. Madalas kong ini-imagine ang lalaking gusto ko. Kaya tuloy gustung-gusto ko siyang makasama.”

Mike: “Nagbabasa ako ng mga magasin at nanonood ng mga programa na halos puro tungkol sa sex. Dahil pinag-uusapan naming magkakaibigan ang tungkol sa sex, lalo akong naging interesado rito. At kapag kasama ko ang isang babae, iniisip ko na puwede kaming maghalikan at magyakapan nang hindi naman nagse-sex, at kaya kong huminto anumang oras.”

Andrew: “Nakahiligan kong manood ng pornograpya sa Internet. Napaparami na rin ang pag-inom ko ng alak. At nakikipagparti ako sa mga kabataang walang paggalang sa moral na mga pamantayan ng Bibliya.”

Tracy: “Alam kong masamang makipag-sex nang hindi pa kasal, pero hindi ko naman iyon kinamumuhian. Wala akong balak na makipag-sex bago mag-asawa, pero nadala ako ng damdamin ko. May panahong naging manhid ako kaya hindi na ako nakokonsiyensiya.”

Masaya ka ba sa naging buhay mo?

Deborah: “Noong una, para akong nakawala sa hawla, at masaya ako dahil sa wakas, hindi na ako naiiba sa mga kaibigan ko. Pero hindi iyon nagtagal. Nang maglaon, pakiramdam ko, marumi ako, pinagsamantalahan, at wala nang halaga. Sising-sisi ako dahil hindi na ako virgin.”

Andrew: “Madali na akong nadadala ng masamang pagnanasa. Pero kasabay nito, nakokonsiyensiya ako at naiinis sa sarili ko.”

Tracy: “Sinira ng imoralidad ang aking kabataan. Akala ko, magiging masaya kami ng boyfriend ko. Hindi pala. Sinaktan lang namin ang isa’t isa. Gabi-gabi akong umiiyak sa aking higaan, nag-iisip na sana’y sinunod ko si Jehova.”

Mike: “Pakiramdam ko, malaki ang nawala sa buhay ko. Sinikap kong bale-walain noon ang epekto sa iba ng mga ginagawa ko, pero hindi ko pala kaya. Napakasakit isipin na sa kagustuhan kong mapasaya ang sarili ko, nasaktan ko ang iba.”

Ano ang maipapayo mo sa ibang kabataang nag-iisip na napakahigpit ng moral na mga pamantayan ng Bibliya?

Tracy: “Mamuhay ka ayon sa mga pamantayan ni Jehova at makisama sa mga taong gayon din ang ginagawa. Doon ka magiging mas maligaya.”

Deborah: “Hindi lang ikaw at kung ano ang gusto mo ang nasasangkot. Makaaapekto sa iba ang iyong ginagawa. At kung babale-walain mo ang mga payo ng Diyos, sisirain mo lang ang iyong buhay.”

Andrew: “Kapag wala ka pang karanasan, akala mo masaya ang buhay ng mga kaibigan mo. Maiimpluwensiyahan ka nila. Kaya maging matalino sa pagpili ng mga kaibigan. Magtiwala ka kay Jehova, at hinding-hindi ka magsisisi.”

Mike: “Kasama sa pinakamahahalagang bagay na ibinigay sa iyo ni Jehova ang iyong dangal at moral na kalinisan. Kung sasayangin mo ang mga regalong iyan dahil hindi ka makapagpigil, ibinababa mo lang ang iyong sarili. Sabihin mo ang iyong mga problema sa mga magulang mo at sa iba pang may-gulang na mga indibiduwal. Kung magkamali ka, ipagtapat mo ito agad at ituwid ang situwasyon. Magkakaroon ka ng tunay na kapayapaan ng isip kung susundin mo si Jehova.”

Mga Pamantayan ng Bibliya​—Restriksiyon o Proteksiyon?

Si Jehova ang “maligayang Diyos,” at gusto ka rin niyang maging maligaya. (1 Timoteo 1:11; Eclesiastes 11:9) Ang mga pamantayang nakasulat sa Bibliya ay para sa iyong kabutihan. Totoo, maaari mong isiping ang mga pamantayan ng Bibliya ay parang straitjacket na nagsisilbing restriksiyon sa iyong kalayaan. Pero ang totoo, ang mga pamantayan ng Bibliya ay parang seatbelt na nagbibigay sa iyo ng proteksiyon upang mailayo ka sa kapahamakan.

Talagang mapagkakatiwalaan mo ang Bibliya. Kung mamumuhay ka ayon sa mga pamantayan nito, hindi mo lang mapapasaya si Jehova, makikinabang ka pa.​—Isaias 48:17.

SA SUSUNOD NA KABANATA

Maaari kang maging kaibigan ng Diyos. Alamin kung paano.

TEMANG TEKSTO

“Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka.”​—Isaias 48:17.

TIP

Pag-isipan kung paano mo ipapaliwanag sa iyong nakababatang kapatid kung bakit matalinong sundin ang mga pamantayan ng Bibliya. Ang pagsasabi sa iba ng mga paniniwala mo ay isang napakahusay na paraan para tumimo ang mga ito sa iyong puso.

ALAM MO BA . . . ?

Sa isang iglap lang, puwedeng masira ang kaugnayan mo kay Jehova, pero baka kailanganin mo ang maraming taon para maibalik ito.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Para maunawaan ko kung bakit matalinong sundin ang mga pamantayan ng Bibliya, ang gagawin ko ay ․․․․․

Kung naiinggit ako sa mga namumuhay ayon sa mga pamantayan ng sanlibutan, ang gagawin ko ay ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

● Bakit hindi mo na kailangang danasin ang mga resulta ng pagsuway sa mga batas ng Diyos bago ka matuto?

● Ano ang matututuhan mo sa mga sinabi nina Deborah, Mike, Andrew, at Tracy?

● Bakit maaaring isipin ng iba na ang mga pamantayan ng Bibliya ay parang straitjacket o napakahigpit, pero bakit makitid ang ganitong kaisipan?

[Blurb sa pahina 285]

“Ang madarama mong bigat ng loob kapag dinisiplina ka dahil sa paggawa ng kasalanan ay mas madaling dalhin kaysa sa kirot na madarama mo kapag inilihim mo ito.”​—Donna

[Mga larawan sa pahina 288]

Ang mga pamantayan ng Bibliya ay proteksiyon sa iyo, hindi restriksiyon na hahadlang sa iyong kaligayahan