Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paano Kung Alkoholiko o Lulong sa Droga ang Magulang Ko?

Paano Kung Alkoholiko o Lulong sa Droga ang Magulang Ko?

KABANATA 23

Paano Kung Alkoholiko o Lulong sa Droga ang Magulang Ko?

“Sabi ni Tatay gagawin lang niya ang sasakyan, pero hindi na namin siya nakita maghapon. Tinatawagan siya ni Nanay, pero walang sumasagot. Mayamaya, napansin kong nag-aalala na si Nanay at mukhang aalis siya. ‘Pupuntahan ko lang ang tatay mo,’ ang sabi niya.

“Pagbalik ni Nanay, mag-isa lang siya. ‘Wala po si Tatay doon, ’no?’ ang tanong ko. ‘Wala,’ ang sagot niya.

“Naisahan ulit kami ni Tatay. Dating gawi na naman siya. Lulong kasi sa droga ang tatay ko. At nang makauwi siya, tarantang-taranta na naman kami ni Nanay. Maghapon ko siyang hindi pinansin kinabukasan. Pero nakonsensiya ako sa ginawa kong iyon.”​—Karen, 14.

MILYUN-MILYONG kabataan ang nagtitiis araw-araw sa poder ng kanilang magulang na alkoholiko o lulong sa droga. Kung may ganitong bisyo ang magulang mo, baka mapahiya ka, madismaya, o magalit pa nga.

Tingnan natin ang karanasan ni Mary. Mabait ang tatay niya sa harap ng ibang tao. Pero hindi alam ng mga tao na alkoholiko ang tatay niya, at sa bahay, sinasaktan at minumura nito ang kaniyang pamilya. “Sinasabi sa amin ng mga tao na buti pa raw kami, ang bait-bait ng tatay namin,” ang hinagpis ni Mary. *

Kung alkoholiko o lulong sa droga ang iyong magulang, ano’ng puwede mong gawin?

Bakit Sila Nagiging Sugapa?

Una sa lahat, mahalaga na maintindihan mo ang ugat ng problema. “Ang taong may unawa ang siyang nagtatamo ng mahusay na patnubay,” ang sabi ng Kawikaan 1:5. Kaya makatutulong sa iyo kung may alam ka tungkol sa kung ano ba ang pagkasugapa, sinu-sino ang nalululong sa alak o droga, at kung bakit nangyayari ito.

Halimbawa, ang isang taong alkoholiko ay hindi basta yaong tao na naglalasing paminsan-minsan. Sa halip, mayroon siyang napakatagal nang problema sa pag-inom. Wala na siyang ibang inisip kundi alak at hindi na niya makontrol ang kaniyang pag-inom sa sandaling tumagay na siya. Masaklap ang nagiging epekto nito​—sa kaniyang pamilya, trabaho, at kalusugan.

May ilang tao na madaling malulong sa alak dahil hinahanap-hanap ito ng kanilang katawan. Pero lumilitaw na nagiging dahilan din ng alkoholismo ang problema sa emosyon. Sa katunayan, mababa ang tingin sa sarili ng maraming alkoholiko. (Kawikaan 14:13) Ang mismong magulang pa nga ng ilan sa kanila ay mga alkoholiko rin. Umiinom sila para makalimot sa masaklap na pinagdaanan nila. Malamang na iyan din ang nagiging dahilan ng pagkalulong ng isang tao sa droga.

Sabihin pa, ang pag-inom ng alak o pagdodroga ay lalo lamang makapagpapalala sa problema ng isa; lalong nagiging pilipit ang kaniyang pag-iisip at emosyon. Kaya kailangang humingi ng tulong ang iyong magulang sa isang dalubhasa.

Isipin Mong May Limitasyon Siya Kaya Huwag Kang Masyadong Umasa

Totoong hindi mawawala ang problema kahit na alam mo ang ugat ng pagkasugapa ng iyong magulang. Pero kung nauunawaan mo ang kalagayan niya, mapagpapasensiyahan mo siya.

Halimbawa, kung nabalian ng binti ang magulang mo, aasahan mo bang makikipaglaro siya sa iyo ng soccer? Paano kung alam mong dahil sa kagagawan niya kung kaya siya naaksidente? Siguradong madidismaya ka. Pero alam mong hangga’t hindi gumagaling ang kaniyang binti, hindi mo aasahang makakalaro mo siya. Alam mong limitado lamang ang magagawa niya kaya hindi ka aasa nang higit sa makakaya niya.

Sa katulad na paraan, wala ka ring gaanong maaasahan sa isang magulang na alkoholiko o lulong sa droga. Naapektuhan na kasi ng alak o droga ang kaniyang pag-iisip at emosyon. Totoo, sarili niyang kagagawan iyon at hindi rin maaalis sa iyo na mainis ka sa kaniya. Pero hangga’t hindi humihingi ng tulong ang magulang mo para maihinto niya ang kaniyang bisyo, hindi mo rin gaanong maaasahan na magagampanan niya ang kaniyang obligasyon bilang magulang. Kung iisipin mo na lang na ang magulang mo ay gaya ng isang taong nabalian ng binti na limitado lamang ang magagawa, hindi ka aasa nang higit sa makakaya niya.

Ano’ng Puwede Mong Gawin?

Tandaan mo na hangga’t hindi nagbabagong-buhay ang iyong magulang, kailangan mong magtiis. Pansamantala, ano’ng puwede mong gawin?

Huwag mong pasanin ang daigdig. Ang magulang mo​—at wala nang iba​—ang siyang mananagot sa kaniyang pagkalulong. “Ang bawat isa ay magdadala ng kaniyang sariling pasan,” ang sabi ng Galacia 6:5. Kaya hindi mo obligasyon na ayusin ang kaniyang buhay o pagtakpan siya. Halimbawa, hindi mo responsibilidad na pagtakpan siya sa kaniyang amo para hindi siya mapagalitan o bayaran ang utang niya sa tindahan dahil sa dami ng nakuha niyang alak.

Kumbinsihin siyang humingi ng tulong. Baka ang pinakamalaking problema ng magulang mo ay ang amining mayroon siyang problema. Kapag kalmado siya o hindi lasing, baka puwede siyang kausapin ng isa mo pang magulang kasama ng nakatatanda mong mga kapatid para sabihin sa kaniya kung paano naaapektuhan ng kaniyang bisyo ang inyong pamilya at kung ano ang kailangan niyang gawin tungkol dito.

Baka makatulong din kung isusulat ng magulang mong alkoholiko o lulong sa droga ang mga sagot sa sumusunod na tanong: Ano ang mangyayari sa akin at sa aking pamilya kung patuloy akong maglalasing o magdodroga? Ano ang mangyayari kung ititigil ko na ang aking bisyo? Sino ba ang puwede kong malapitan para hingan ng tulong?

Kung sa tingin mo’y magiging mainit ang situwasyon sa bahay ninyo, umalis ka na. “Bago sumiklab ang away, umalis ka na,” ang sabi ng Kawikaan 17:14. Baka masaktan ka kung makikialam ka sa gulo sa inyong bahay. Hangga’t maaari, pumasok ka na sa kuwarto mo o kaya nama’y pumunta ka sa bahay ng iyong kaibigan. Kung mukhang magkakasakitan na, maaari kang humingi ng tulong sa iba.

Huwag mong masamain ang nadarama mo. Nakokonsensiya ang ilang kabataan dahil nagngingitngit ang kanilang kalooban sa magulang nilang lulong sa alak o droga. Normal lang na madama mo iyan, lalo na kung hindi niya naibibigay ang pagmamahal at suportang kailangan mo. Totoo, sinasabi ng Bibliya na dapat mong parangalan ang iyong magulang. (Efeso 6:2, 3) Pero ang ‘pagpaparangal’ sa magulang ay nangangahulugan ng paggalang sa kaniyang awtoridad, kung paanong may paggalang ka sa isang pulis o hukom. Hindi ibig sabihin nito na sasang-ayunan mo na ang bisyo niya. (Roma 12:9) Hindi rin masasabing wala kang pagmamahal sa magulang mo kung nasusuklam ka man sa paglalasing o pagdodroga niya; kasuklam-suklam naman talaga ang pag-abuso sa alak o droga!​—Kawikaan 23:29-35.

Makisama sa mga taong makapagpapatibay sa iyo. Kapag puro gulo ang nakikita mo sa inyong bahay, baka isipin mong iyon na ang normal. Kaya mahalaga na makisama ka sa mga taong may mabuting kaugnayan sa Diyos at may positibong pananaw sa buhay. Kapag mga miyembro ng kongregasyon ang kasama mo, mapapatibay at maaalalayan ka nila kahit paano. Pansamantala mong malilimutan ang problema sa bahay at marerepreskuhan ka. (Kawikaan 17:17) Kapag nakikisama ka sa mga pamilyang Kristiyano, magiging mabuting huwaran sila sa iyo, di-gaya ng nakikita mo sa iyong pamilya.

Humingi ka ng tulong. Makakatulong din ang pagkakaroon ng may-gulang at mapagkakatiwalaang kaibigan na mapaghihingahan mo ng iyong niloloob. Handa ring tumulong sa iyo ang mga elder sa kongregasyon. Sinasabi ng Bibliya na ang mga lalaking ito ay “gaya ng taguang dako sa hangin at dakong kublihan sa bagyong maulan, gaya ng mga bukal ng tubig sa lupaing walang tubig, gaya ng lilim ng malaking bato sa lupaypay na lupain.” (Isaias 32:2) Kaya huwag kang mahiya o matakot na lumapit sa kanila para humingi ng payo o kaaliwan.

Alin sa anim na hakbang ang una mong gagawin? Isulat dito. ․․․․․

Hindi mo man makontrol ang situwasyon sa bahay ninyo, puwede mo namang kontrolin ang magiging reaksiyon mo rito. Sa halip na sikaping kontrolin ang magulang mo, kontrolin mo ang iyong sarili. ‘Patuloy kang gumawa ukol sa iyong sariling kaligtasan,’ ang isinulat ni apostol Pablo. (Filipos 2:12) Ang paggawa nito ay tutulong sa iyo na maging positibo, at baka nga maudyukan pa ang magulang mo na humingi ng tulong para maihinto na niya ang kaniyang bisyo.

SA SUSUNOD NA KABANATA

Paano kung lagi na lang nag-aaway ang nanay at tatay mo? Ano ang mabuti mong gawin?

[Talababa]

^ par. 7 Kung alkoholiko ang iyong magulang at mapang-abuso siya, dapat kang humingi ng tulong. Sabihin ito sa isang adulto na pinagkakatiwalaan mo. Kung Saksi ni Jehova ka, humingi ka ng tulong sa isang elder sa inyong kongregasyon o sa isang may-gulang na Kristiyano.

TEMANG TEKSTO

“Ang kaunawaan ng tao ay tunay na nagpapabagal ng kaniyang galit.”​—Kawikaan 19:11.

TIP

Magalit ka sa masamang ginawa ng iyong magulang, hindi sa iyong magulang.​—Kawikaan 8:13; Judas 23.

ALAM MO BA . . . ?

Sa Bibliya, ang salitang “parangalan” ay nangangahulugan ng paggalang sa isa na binigyan ng awtoridad. (Efeso 6:1, 2) Pero ang pagpaparangal sa magulang ay hindi na- ngangahulugang dapat mong sang-ayunan ang anumang ginagawa niya.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Kung laging nananakit o mapang-abuso kung magsalita ang magulang ko, ang gagawin ko ay ․․․․․

Para makumbinsi ko ang aking magulang na humingi ng tulong, ang gagawin ko ay ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

Ano ang nagtutulak sa iba na maging alkoholiko o malulong sa droga?

Bakit hindi mo responsibilidad na ayusin ang buhay ng magulang mong alkoholiko o lulong sa droga?

Kung alkoholiko o lulong sa droga ang magulang mo, ano ang puwede mong gawin?

[Blurb sa pahina 192]

“Alam kong maaaring malagay ulit ako sa kahihiyan dahil sa mga magulang ko, pero alam ko rin na kung magtitiwala ako kay Jehova, bibigyan niya ako ng lakas para makapagbata.”​—Maxwell

[Kahon sa pahina 198]

Kung Huminto na sa Paglilingkod kay Jehova ang Magulang Mo

Kung ang isa sa mga magulang mo ay huminto na sa pagsunod sa mga pamantayan ng Bibliya​—baka sinabi pa nga niya na ayaw na niyang maging bahagi ng kongregasyong Kristiyano​—ano ang puwede mong gawin?

Tandaan na hindi ka sinisisi ni Jehova sa anumang ginawa ng iyong magulang. Sinasabi ng Bibliya: “Ang bawat isa sa atin ay magsusulit sa Diyos para sa kaniyang sarili.”​Roma 14:12.

Huwag mong ikumpara ang sarili mo sa ibang kabataan na mas mabuti ang kalagayan kaysa sa iyo. (Galacia 5:26) Ganito ang sinabi ng isang lalaki na iniwan ng kanilang ama, “Sa halip na isipin iyon, mas mabuti pang isipin kung paano mo haharapin ang situwasyon.”

Patuloy na respetuhin ang iyong magulang kahit na gumagawi siya nang hindi tama. Kung ang utos niya ay hindi naman salungat sa mga pamantayan ng Diyos, sundin iyon. Inuutusan ni Jehova ang mga anak na parangalan, o igalang, ang kanilang mga magulang​—lingkod man sila ni Jehova o hindi. (Efeso 6:1-3) Kapag iginagalang mo ang iyong mga magulang at sinusunod sila sa kabila ng kanilang mga pagkakamali, katibayan iyon ng pag-ibig mo kay Jehova.​—1 Juan 5:3.

Maging malapít sa mga kapatid sa kongregasyong Kristiyano. Nagmamalasakit sila sa iyo at maituturing mo silang malaking pamilya. (Marcos 10:30) Nang huminto ang ama ng kabataang si David sa paglilingkod kay Jehova, natakot siya na baka iwasan sila ng mga miyembro ng kongregasyon. Pero nakita ni David na walang dahilan para matakot siya. “Hindi nila kami pinabayaan,” ang sabi niya. “Kumbinsido ako na talagang nagmamalasakit sila sa amin.”

[Larawan sa pahina 194]

Kung iisipin mo na lang na ang magulang mo ay gaya ng isang taong nabalian ng binti na limitado lamang ang magagawa, hindi ka aasa nang higit sa makakaya niya