Dapat ba Akong Huminto sa Pag-aaral?
KABANATA 19
Dapat ba Akong Huminto sa Pag-aaral?
Sa palagay mo, ilang taon ang dapat mong gamitin sa pag-aaral? ․․․․․
Ilang taon naman kung magulang mo ang tatanungin? ․․․․․
PAREHO ba ang sagot ninyo? Puwedeng pareho. Pero siguro kung minsan, parang gusto mo nang huminto sa pag-aaral. Tingnan mo ang komento ng ilang kabataan.
“Kung minsan, sa sobrang stress ko, ayoko nang bumangon. Iniisip ko, ‘Bakit pa kasi kailangang pag-aralan ang mga bagay na hindi ko naman magagamit?’”—Rachel.
“Sawang-sawa na ako sa pag-aaral. Sayang lang ang oras ko. Mas mabuti pang magtrabaho, kikita pa ako.”—John.
“Nag-transfer ako nung high school. Wala naman akong problema sa pag-aaral. Ang problema ko, wala akong kaibigan. Lagi akong nag-iisa. Kahit nga yung mga katulad kong nag-iisa rin, ayaw makipag-usap sa akin! Gusto ko na talagang huminto.”—Ryan.
“Mga apat na oras gabi-gabi akong gumagawa ng assignment! Hindi na ako magkandaugaga sa dami ng assignment, project, at exam. Hindi ko na kaya.”—Cindy.
“Sa eskuwelahan namin, kabi-kabila ang riot, may bomb threat, may isang nagpakamatay, at tatlong nagtangkang mag-suicide. Kung minsan, parang ayoko nang pumasok!”—Rose.
Nakaka-relate ka ba sa kanila? Kung oo, anong sitwasyon ang nagtutulak sa iyo na huminto sa pag-aaral?
․․․․․
Baka desidido ka nang huminto sa pag-aaral. Pero bakit ka ba hihinto? Dahil ba sa iniisip mong sapat na ang nakuha mong edukasyon o dahil nagsasawa ka na?
Hihinto—Anong Dahilan?
Hindi pare-pareho ang edad o bilang ng mga taon ng pag-aaral. Sa ilang bansa, karaniwan nang gumagradweyt ang mga kabataan matapos ang lima hanggang walong taon. Sa ibang bansa naman, inaasahan silang mag-aral nang di-bababa sa sampung taon.
Bukod diyan, may ilang bansa na puwede ang homeschooling—ang estudyante ay nag-aaral sa bahay sa pahintulot at tulong ng kaniyang mga magulang. Kaya kahit hindi pumapasok sa eskuwelahan, tuloy pa rin ang pag-aaral niya.
Pero kung iniisip mo nang huminto sa pag-aaral kahit hindi ka pa nakakagradweyt—sa paaralan man o homeschool—kailangan mo munang pag-isipan ang mga sumusunod:
Ano ang kahilingan ng batas? Gaya ng nabanggit na, iba-iba ang itinuturing na saligang edukasyon sa bawat bansa. Ilang taon ba ang kinikilala ng batas na saligang edukasyon sa inyong lugar? Nakumpleto mo na ba iyon? Kung hindi pa at hihinto ka na sa pag-aaral, nababale-wala mo ang payo ng Bibliya na “magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad.”—Roma 13:1.
Naabot ko na ba ang mga goal ko sa pag-aaral? Ano ba ang goal mo? Hindi ka sigurado? Dapat alam mo! Kung hindi, para kang sumakay ng tren nang hindi mo alam kung saan mo gustong pumunta. Kaya makipag-usap sa iyong mga magulang, at sagutan ang worksheet na “ Ang Goal Ko sa Pag-aaral,” sa pahina 139, para makapagpokus ka sa goal mo at maiplano ninyo ng magulang mo kung gaano ka katagal mag-aaral.—Kawikaan 21:5.
Tiyak na papayuhan ka ng mga teacher mo at ng iba pa kung ilang taon ka dapat mag-aral. Pero mga magulang mo pa rin ang magpapasiya. (Kawikaan 1:8; Colosas 3:20) Kung titigil ka na bago mo pa maabot ang mga tunguhing itinakda mo at ng mga magulang mo, hindi ito makatuwiran.
Ano ang motibo ko sa paghinto? Huwag mong dayain ang sarili mo. (Jeremias 17:9) May tendensiya ang tao na ipangatuwiran ang makasariling pagkilos.—Santiago 1:22.
Isulat ang makatuwirang mga dahilan kung bakit gusto mo nang huminto.
․․․․․
Isulat ang makasariling mga dahilan kung bakit gusto mo nang huminto.
․․․․․
Anu-ano ang isinulat mong makatuwirang dahilan? Baka para sumuporta sa pamilya o magboluntaryo para turuan ang iba tungkol sa Diyos. Ang makasariling mga dahilan ay posibleng pag-iwas sa mga exam o assignment. Mahalagang malaman mo kung ano talaga ang motibo mo—makatuwiran ba ito o makasarili?
Balikan ang isinulat mo sa itaas. Magpakatotoo ka at i-rate mula 1 hanggang 5 ang mga dahilan kung bakit gusto mong huminto sa pag-aaral (1 ang hindi masyadong mahalaga at 5 ang pinakamahalaga). Kung titigil ka para lang takasan ang mga problema, baka magulat ka sa maaaring mangyari.
Ano ang Masama sa Basta Paghinto?
Kung basta ka na lang hihinto, para kang tatalon mula sa tren nang hindi pa nakakarating sa destinasyon mo. Maaaring hindi komportable sa tren at masungit ang mga pasahero. Pero kung tatalon ka sa tren, siyempre, hindi ka makakarating sa destinasyon mo at malamang na madisgrasya ka. Ganiyan din kung basta ka na lang hihinto
sa pag-aaral. Baka hindi mo maabot ang mga goal mo, at maranasan mo ang sumusunod:Mga problema: Baka mahirapan kang maghanap ng trabaho, at kung makakuha ka man, baka mababa ang suweldo. Baka mas matindi pa ang pressure sa magiging trabaho mo kaysa sa pressure na nararanasan mo ngayon sa school at mapilitan kang kumayod nang todo para masapatan ang pangunahing pangangailangan sa buhay.
Mas mabibigat na problema: Ipinakikita ng mga pagsasaliksik na ang mga tumitigil sa pag-aaral ay mas malamang na humina ang kalusugan, makulong, o umasa na lang sa suporta ng gobyerno.
Siyempre, hindi garantiya na kapag nakapagtapos ka, libre ka na sa mga problemang ito. Pero kung hihinto ka sa pag-aaral, mas malaki ang tsansa na maranasan mo nga ang mga ito.
Mga Pakinabang Kung Hindi Ka Basta Hihinto
Totoo, baka gusto mo nang sumuko kapag bumagsak ka sa exam o masyado kang na-stress sa school—pakiramdam mo, wala nang mas bibigat pa sa problema mo ngayon. Pero
bago gawin ang inaakala mong solusyon, tingnan kung paano nakinabang ang mga estudyanteng nabanggit sa simula ng kabanatang ito dahil hindi sila huminto.“Natuto akong magtiis at maging determinado. Saka kung gusto mo palang maging masaya sa ginagawa mo, nakadepende ’yan sa iyo. Dahil hindi ako huminto sa pag-aaral, natuto ako ng mga bagay na makakatulong sa akin pagkagradweyt ko.”—Rachel.
“Alam ko na maaabot ko ang mga goal ko kapag nagsikap ako. Pinili ko ang technical training sa haiskul na makakatulong sa akin na makapagtrabaho bilang press mechanic.”—John.
“Dahil hindi ako huminto, mahusay na akong magbasa at magsulat. Marunong na rin akong tumanggap ng puna. Natuto akong maging mahusay sa pagpapaliwanag—at malaking tulong ito sa akin bilang isang ministrong Kristiyano.”—Ryan.
“Dahil sa pag-aaral, naging mas mahusay akong lumutas ng mga problema, sa loob man o labas ng klase. Natuto akong makitungo sa mga tao at harapin ang mga problema sa school at iba pang problema sa buhay.”—Cindy.
“Ang school ang naghanda sa akin kung paano haharapin ang mga hamon sa trabaho. Marami ring pagkakataon na nasubok sa school ang pananampalataya ko, kaya naobliga akong suriin ito at lalo akong nakumbinsi na tama ang relihiyon ko.”—Rose.
Isinulat ng matalinong haring si Solomon: “Mas mabuti ang huling wakas ng isang bagay kaysa sa pasimula nito. Mas mabuti ang matiisin kaysa sa isa na may palalong espiritu.” (Eclesiastes 7:8) Kaya imbes na basta na lang huminto sa pag-aaral, magtiis at sikaping lutasin ang mga problema mo sa paaralan. Kung gagawin mo ito, sa bandang huli, mapapabuti ka.
Paano kung ang teacher mo ang problema mo sa school?
TEMANG TEKSTO
“Ang bawat isa na padalus-dalos ay tiyak na patungo sa kakapusan.”—Kawikaan 21:5.
TIP
Kung nahihirapan ka sa school, subukan mong mag-aplay sa accelerated learning program para makagradweyt ka nang mas maaga.
ALAM MO BA . . . ?
Ang mahilig mag-cutting classes ay mas malamang na huminto sa pag-aaral.
ANG PLANO KONG GAWIN!
Kung nahihirapan ako sa isang subject, imbes na huminto, ang gagawin ko ay ․․․․․
Kung masyado na akong nai-stress sa school at parang gusto ko nang huminto, ang gagawin ko ay ․․․․․
Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․
ANO SA PALAGAY MO?
● Bakit mahalagang maging mahusay ka sa math, pagbasa, at pagsulat?
● Bakit mahalagang may inaabot kang maliliit na goal habang nag-aaral?
● Bakit importante na nag-aaral ka pa lang, may ideya ka na kung anong trabaho ang gusto mo pagkagradweyt mo?
[Blurb sa pahina 140]
“Hindi mo matatakasan ang mga problema. Pero sa school, matututo ka kung paano harapin ang mga ito, at malaking tulong ito lalo na kapag nagtrabaho ka na.”—Ramona
[Kahon sa pahina 139]
Worksheet
Ang Goal Ko sa Pag-aaral
Isang pangunahing dahilan kung bakit ka nag-aaral ay para makapaghanapbuhay ka at masuportahan ang sarili mo at ang magiging pamilya mo. (2 Tesalonica 3:10, 12) Naisip mo na ba kung anong trabaho ang gusto mo at kung paano mo magagamit sa trabahong ito ang pinag-aaralan mo ngayon? Para makita kung angkop sa goal mo ang kinukuha mong edukasyon ngayon, sagutin ang sumusunod:
Saan ako mahusay? (Halimbawa, mahusay ka bang makisalamuha sa mga tao? Mahilig ka bang magbutingting o magkumpuni ng mga bagay-bagay? Magaling ka bang mag-analisa at lumutas ng problema?) ․․․․․
Sa anong trabaho ko magagamit ang aking kahusayan? ․․․․․
Ano ang karaniwang mga trabaho sa lugar namin? ․․․․․
Alin sa mga pinag-aaralan ko ngayon ang makakatulong sa akin na makakuha ng trabaho? ․․․․․
Anong kurso ang puwede kong kunin para maabot ang mga goal ko? ․․․․․
Tandaan, ang tunguhin mo ay makagradweyt at magamit ang natutuhan mo. Kaya hindi ka rin naman puwedeng maging estudyante habambuhay—ayaw nang bumaba “sa tren” para makaiwas sa mga responsibilidad ng isang adulto. a
[Talababa]
a May higit pang impormasyon sa Tomo 2, Kabanata 38.
[Larawan sa pahina 138, 139]
Kung basta ka na lang hihinto sa pag-aaral, para kang tatalon mula sa tren nang hindi ka pa nakakarating sa destinasyon mo