Paano Kapag Nag-asawang Muli ang Magulang Ko?
KABANATA 5
Paano Kapag Nag-asawang Muli ang Magulang Ko?
MALAMANG na masayang-masaya ang magulang mo nang araw na ikasal siyang muli. Pero ikaw, para sigurong pinagsakluban ng langit at lupa! Bakit? Dahil kasabay ng muling pagpapakasal ng magulang mo ang pagguho ng pag-asa mong magkabalikan ang tunay mong mga magulang. Baka nasasaktan ka dahil nag-asawa agad ang magulang mo kahit kamamatay pa lang ng tatay o nanay mo.
Ano ang na-feel mo nang muling mag-asawa ang magulang mo? Lagyan ng ✔ ang angkop sa iyo.
□ Masaya
□ Insecure
□ Tinraidor
□ Nagseselos
□ Nagi-guilty
Baka nagi-guilty ka dahil napapamahal na sa iyo ang bago mong magulang at naiisip mong nagtataksil ka sa tunay mong magulang. Pero anuman ang dahilan, ang ilan sa mga damdaming binanggit sa itaas ay puwedeng makapinsala.
Kawikaan 11:29, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Maiiwasan mo ang bitag na ito at mapagtatagumpayan mo ang mga hamon. Paano?
Halimbawa, baka lagi mong kinukunsumi o iniinis ang bagong asawa ng magulang mo. Baka nga pag-awayin mo pa sila para magkahiwalay sila. Pero may kasabihan: “Ang naghahatid ng kaguluhan sa sambahayan ay magmamana ng hangin”—ibig sabihin, wala siyang mapapala. (Hamon 1: Pagpapasakop sa Bagong Asawa ng Iyong Magulang
Hindi madaling magpasakop sa bago mong magulang. Kapag inuutusan, baka sumagot ka nang pabalang, ‘Hindi naman ikaw ang tunay kong magulang ah!’ Baka pakiramdam mo nakapuntos ka, pero ipinakikita lang nito na isip-bata ka.
Sa kabilang banda, ang pagpapasakop sa bagong asawa ng iyong magulang ay isang paraan para ipakitang sumusunod ka sa payo ng Bibliya na “maging hustong-gulang sa pag-iisip.” (1 Corinto 14:20, The Holy Bible in the Language of Today, ni William Beck) Ang totoo, ginagampanan ng bago mong magulang ang responsibilidad ng tunay na magulang, kaya dapat lang siyang irespeto.—Kawikaan 1:8; Efeso 6:1-4.
Karaniwan na, dinidisiplina ka ng bago mong magulang dahil mahal ka niya. (Kawikaan 13:24) “Dinidisiplina kami ng stepfather namin,” ang sabi ni Yvonne, 18, “kasi iyan naman talaga ang ginagawa ng tunay na tatay. Kung sasamâ ang loob ko sa payo niya, parang binale-wala ko ang lahat ng materyal at espirituwal na suporta niya sa loob ng maraming taon. Kawalan ng utang na loob ’yun.”
Pero kung minsan, baka may dahilan ka rin talaga na magreklamo. Kung gayon, patunayang nasa “hustong-gulang” ka na at sundin ang payo ng Colosas 3:13: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba.”
Sa ibaba, isulat ang dalawa o higit pang magandang katangian ng iyong bagong magulang.
․․․․․
Bakit makakatulong na laging isipin ang magagandang katangian ng bago mong magulang para mas mairespeto mo siya?
․․․․․
Hamon 2: Pagbibigay at Pagpaparaya
“Dalawang beses nag-asawa ulit si Daddy,” ang sabi ni Aaron, 24. “Nahihirapan akong makisama tuwing may bago siyang pamilya. Hindi ko naman sila kilala, tapos sasabihin sa akin na dapat mahalin ko sila. Ang hirap naman nun.”
Baka mapaharap ka rin sa mga hamon. Halimbawa, baka masapawan ka na sa pagiging panganay o solong anak. O baka maraming taon ka nang tumatayong padre de pamilya—na papel na ngayon ng stepfather mo. O baka naman pareho kayo ni Yvonne. “Walang panahon si Daddy kay Mommy,” ang sabi niya, “kaya nasanay akong walang kaagaw sa kaniya. Pero nang mag-asawa siya uli, buhós naman sa kaniya ang atensiyon ng bago niyang asawa. Sila na ang madalas magkasama at magkausap, kaya pakiramdam ko inaagaw siya sa akin. Pero nakapag-adjust din ako.”
Paano ka makakapag-adjust gaya ni Yvonne? “Makilala nawa ng lahat ng tao ang inyong pagkamakatuwiran,” ang payo ng Bibliya. (Filipos 4:5) Ang orihinal na salitang isinaling “pagkamakatuwiran” ay nangangahulugang “pagpaparaya” at lumalarawan sa saloobin ng isa na hindi mapaggiit sa kaniyang mga karapatan. Paano mo masusunod ang payong ito? (1) Huwag nang balik-balikan ang nakaraan. (Eclesiastes 7:10) (2) Maging mapagbigay sa iyong bagong pamilya. (1 Timoteo 6:18) (3) Huwag mo silang ituring na iba.
Aling mungkahi sa itaas ang kailangan mo pang sikaping gawin? ․․․․․
Hamon 3: Pagharap sa Di-pantay na Pagtrato
“Mas mahal ng stepfather ko ang mga anak niya kaysa sa aming dalawa ng kapatid ko,” ang sabi ni Tara. “Ibibili niya sila ng lahat ng paborito nilang pagkain at aarkila ng mga pelikula na gusto nila. Gagawin niya ang lahat para sa kanila.” Mahirap ang ganitong sitwasyon. Ano ang puwedeng gawin? Sikaping unawain kung bakit mas mahal ng mga stepfather/mother ang tunay nilang anak. Siguro, hindi naman dahil sa magkadugo sila, kundi dahil marami na silang pinagsamahan. Kung tutuusin, mas malapít ka rin naman sa totoo mong magulang.
Pero may malaking kaibahan ang pantay at ang patas na pakikitungo. Iba-iba ang ugali at
pangangailangan ng mga tao. Kaya sa halip na ma-stress ka sa kakaintindi kung pantay ang pakikitungo ng bago mong magulang, tingnan kung sinisikap naman niyang ibigay ang mga pangangailangan mo.Anong pangangailangan mo ang naibibigay ng iyong bagong magulang?
․․․․․
Ano sa tingin mo ang hindi niya naibibigay?
․․․․․
Kung sa tingin mo ay hindi niya naibibigay ang ilan sa mga pangangailangan mo, bakit hindi mo siya magalang na kausapin tungkol dito?
Kapag May Tiyaga, May Nilaga!
Karaniwan na, maraming taon ang kailangan para mapalagay ang loob ninyo sa isa’t isa. Saka lamang ninyo matututuhang pakibagayan ang bawat isa. Kaya magtiyaga! Huwag asahan na kaagad kayong magmamahalan bilang isang pamilya.
Hindi masaya si Thomas nang muling mag-asawa ang nanay niya. Apat silang magkakapatid, at tatlo naman ang anak ng stepfather niya. “Lagi na lang kaming nag-aaway, nagtatalo, nagkakagulo, nagkakasamaan ng loob,” ang sabi ni Thomas. Ano ang nakatulong para magkasundu-sundo sila? “Naayos ang lahat nang sundin namin ang mga simulain ng Bibliya.”
Paano kung tunay na mga kapatid mo nga ang kasama mo pero para naman kayong aso’t pusa?
TEMANG TEKSTO
“Mas mabuti ang huling wakas ng isang bagay kaysa sa pasimula nito. Mas mabuti ang matiisin kaysa sa isa na may palalong espiritu.”—Eclesiastes 7:8.
TIP
May posibilidad na maakit ka sa stepbrother/sister mo o siya ang maakit sa iyo. Kaya huwag mag-isip ng mga bagay na makakapukaw ng seksuwal na pagnanasa sa iyong bagong kapatid at tiyaking hindi mapanukso ang iyong pananamit at kilos.
ALAM MO BA . . . ?
Nag-a-adjust din sa bago ninyong pamilya ang iyong mga stepbrother o stepsister.
ANG PLANO KONG GAWIN!
Para mas mairespeto ko ang stepfather/mother ko, iisipin ko ang magagandang bagay na ginawa niya para sa pamilya gaya ng (magsulat ng dalawa): ․․․․․
Kapag inisnab ako ng mga stepbrother/sister ko, maikakapit ko ang simulain sa Roma 12:21 kung gagawin ko ang sumusunod: ․․․․․
Ang mga gusto kong itanong sa magulang ko o stepfather/mother hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․
ANO SA PALAGAY MO?
● Anu-ano ang malamang na ikinatatakot ng bago mong pamilya sa pakikisama sa inyong pamilya?
● Bakit mahalagang tandaan na mahabang panahon kang makikisama sa bago mong pamilya?
[Blurb sa pahina 38]
“Nauwi sa diborsiyo ang muling pag-aasawa ni Mommy. Pero close pa rin ako sa mga anak ng stepfather ko. Isa sa pinakamagandang nangyari sa akin ang pagdating nila sa buhay ko.”—Tara
[Larawan sa pahina 39]
Ang pagsasama ng dalawang pamilya ay tulad ng paghahalo ng semento at tubig—kailangan ng panahon at pagsisikap pero ang resulta naman ay matibay at nagtatagal