Tanda ng mga Huling Araw
Kapitulo 111
Tanda ng mga Huling Araw
NGAYON ay Martes na ng hapon. Samantalang nakaupo si Jesus sa Bundok ng Olibo, nagmamasid sa templo sa ibaba, sina Pedro, Andres, Santiago, at Juan ay naparoon sa kaniya nang bukod. Sila’y may pagkabahala tungkol sa templo, palibhasa’y kasasabi-sabi lamang ni Jesus na walang batong maiiwan sa ibabaw ng kapuwa bato.
Ngunit maliwanag na higit pa ang kanilang iniisip habang sila’y papalapit kay Jesus. Mga ilang linggo lamang ang nakalipas, kaniyang binanggit sa kanila ang tungkol sa kaniyang “pagkanaririto,” na kung kailan “ang Anak ng tao ay mahahayag.” At sa isang pagkakataon na una rito, kaniyang binanggit sa kanila ang tungkol sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” Kaya’t ang mga apostol ay lubhang nasasabik.
“Sabihin mo sa amin,” anila, “kailan mangyayari ang mga bagay na ito [na hahantong sa pagkawasak ng Jerusalem at ng kaniyang templo], at ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” Sa katunayan, ito’y isang tatlong-bahaging katanungan. Una, ibig nilang maalaman ang tungkol sa wakas ng Jerusalem at ng templo nito, pagkatapos ay yaong tungkol sa pagkanaririto ni Jesus na taglay ang kapangyarihan sa Kaharian, at sa katapus-tapusan ang tungkol sa wakas ng buong sistema ng mga bagay.
Sa kaniyang mahabang tugon, sinagot ni Jesus ang lahat ng tatlong bahagi ng tanong. Siya’y nagbigay ng tanda na nagpapakilala kung kailan matatapos ang Judiong sistema ng mga bagay; ngunit higit pa ang kaniyang binanggit. Siya’y nagbigay rin ng tanda na pupukaw sa kaniyang magiging mga alagad sa hinaharap upang magpaunawa sa kanila na sila’y nabubuhay sa panahon ng kaniyang pagkanaririto at malapit na sa wakas ng buong sistema ng mga bagay.
Habang lumalakad ang mga taon, ang mga apostol ay nakakakita ng katuparan ng hula ni Jesus. Oo, ang mismong mga bagay na kaniyang inihulang magsisimulang maganap noong kanilang kaarawan. Samakatuwid, ang mga Kristiyanong nabubuhay 37 taon ang nakalipas, noong 70 C.E., ay hindi dinaratnang walang malay tungkol sa pagkapuksa ng Judiong sistema ng mga bagay at ng templo nito.
Gayunman, ang pagkanaririto ni Kristo at ang katapusan ng sistema ng mga bagay ay hindi naganap noong 70 C.E. Ang kaniyang pagkanaririto na taglay ang kapangyarihan sa Kaharian ay naganap nang mas huli pa. Ngunit kailan? Ang pagsasaalang-alang sa hula ni Jesus ang nagsisiwalat nito.
Inihula ni Jesus na magkakaroon ng “mga digmaan at alingawngaw ng mga digmaan.” “Ang bansa ay titindig laban sa bansa,” aniya, at magkakaroon ng mga kakapusan sa pagkain, ng mga lindol, at ng mga salot. Ang kaniyang mga alagad ay kapopootan at papatayin. Babangon ang mga bulaang propeta at kanilang ililigaw ang marami. Lalago ang katampalasanan, at ang pag-ibig ng lalong marami ay manlalamig. Kasabay nito, ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay ipangangaral bilang patotoo sa lahat ng bansa.
Bagaman ang hula ni Jesus ay may limitadong katuparan noong bago mapuksa ang Jerusalem noong 70 C.E., ang malaking katuparan nito ay magaganap sa panahon ng kaniyang pagkanaririto at sa katapusan ng sistema ng mga bagay. Ang maingat na pagbabalik-tanaw sa mga pangyayari sa daigdig sapol noong 1914 ay nagsisiwalat na ang napakahalagang hula ni Jesus ay nagaganap na ang malaking katuparan sapol ng taóng iyan.
Ang isa pang bahagi ng tanda na ibinigay ni Jesus ay ang paglitaw ng “kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng kagibaan.” Noong 66 C.E. ang kasuklam-suklam na bagay na ito ay lumitaw sa kaanyuan ng “nagkampamentong mga hukbo” ng Roma na pumalibot sa Jerusalem at sumira sa pader ng templo. Ang “Kasuklam-suklam na bagay” ay nakatayo sa dakong hindi nararapat katayuan.
Sa malaking katuparan ng tanda, ang kasuklam-suklam na bagay ay ang Liga ng mga Bansa at ang kahalili nito, ang Nagkakaisang mga Bansa. Ang organisasyong ito para sa pandaigdig na kapayapaan ay itinuturing ng Sangkakristiyanuhan bilang panghalili sa Kaharian ng Diyos. Tunay na kasuklam-suklam nga! Kung gayon, sa takdang panahon ang mga kapangyarihang pulitikal na kaugnay ng UN ay babaling sa Sangkakristiyanuhan (antitipikong Jerusalem) at siya’y wawasakin.
Kaya inihula ni Jesus: “Magkakaroon ng malaking kapighatian na hindi pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanlibutan hanggang ngayon, oo, ni mangyayari pa man kailanman.” Bagaman ang pagkapuksa ng Jerusalem noong 70 C.E. ay tunay ngang isang malaking kapighatian, na mahigit na isang milyong katao ang iniulat na nangasawi, iyon ay hindi isang kapighatian na mas malaki kaysa pangglobong Baha noong kaarawan ni Noe. Kaya ang malaking katuparan ng bahaging ito ng hula ni Jesus ay hihintayin pang matupad.
Pagtitiwala sa mga Huling Araw
Habang ang Martes, Nisan 11, ay malapit na sa pagtatapos, si Jesus ay patuloy ng pakikipagtalakayan sa kaniyang mga apostol tungkol sa tanda ng kaniyang pagkanaririto sa kapangyarihan sa Kaharian at sa katapusan ng sistema ng mga bagay. Nagbabala siya sa kanila tungkol sa pakikinig sa mga bulaang Kristo. Gagawa ng mga pagtatangka, aniya, “na mailigaw, kung maaari pati ang mga pinili.” Ngunit, tulad ng malalayong-pananaw ng mga agila, ang mga piniling ito ay magkakatipon kung saan masusumpungan ang tunay na pagkain, samakatuwid nga, sa tunay na Kristo sa kaniyang di-nakikitang pagkanaririto. Sila’y hindi maililigaw at matitipon sa isang bulaang Kristo.
Ang tanging magagawa ng mga bulaang Kristo ay ang sila’y magpakita. Sa kabaligtaran, ang pagkanaririto ni Kristo ay di-makikita. Iyon ay magaganap sa isang kakila-kilabot na panahon sa kasaysayan ng tao, gaya ng sinabi ni Jesus: “Ang araw ay magdidilim, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag.” Oo, ito ang magiging pinakamadilim na panahon sa buhay ng sangkatauhan. Ang mangyayari’y para bang ang sumisikat na araw ay nagdilim sa panahon na araw na araw, at para bang ang buwan ay hindi nagbigay ng kaniyang liwanag kung gabi.
“Yayanigin ang mga kapangyarihan sa langit,” ang patuloy pa ni Jesus. Sa ganoo’y ipinakikita niya na ang pisikal na kalangitan ay magkakaroon ng anyong nagpapahiwatig ng mangyayari. Ang kalangitan ay hindi lamang magiging dakong nililiparan ng mga ibon, kundi mapupuno rin ng mga eroplanong pandigma, mga raket, at mga manggagalugad sa kalawakan. Ang takot at karahasan ay hihigit sa ano pa mang naranasan sa nakalipas na kasaysayan ng tao.
Kaya naman, sinabi ni Jesus, “manggigipuspos ang mga bansa, na hindi alam kung papaano lulusutan iyon dahilan sa mga ugong ng dagat at ng mga daluyong, samantalang nanlulupaypay ang mga tao dahil sa takot at paghihintay ng bagay na darating sa tinatahanang lupa.” Oo, ang pinakamadilim na yugtong ito sa kasaysayan ng tao ay hahantong sa panahon na, gaya ng sinabi ni Jesus, “ang tanda ng Anak ng tao ay lilitaw sa langit, at kung magkagayo’y lahat ng angkan sa lupa ay magsisitaghoy.”
Subalit hindi lahat ay magsisitaghoy pagka ‘dumating ang Anak ng tao na may kapangyarihan’ upang puksain ang balakyot na sistemang ito ng mga bagay. Ang “mga pinili,” ang 144,000 na makakasama ni Kristo sa kaniyang makalangit na Kaharian ay hindi magsisitaghoy, ni ang kanilang mga kasamahan man, ang mga taong una pa rito’y tinawag ni Jesus na kaniyang “mga ibang tupa.” Bagaman sila’y nabubuhay sa pinakamadilim na panahon sa kasaysayan ng tao, sila’y tumugon sa pampatibay-loob na ibinigay ni Jesus: “Sa pagsisimula ng mga bagay na ito, tumayo na kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagkat nalalapit na ang inyong kaligtasan.”
Upang matiyak ng kaniyang mga alagad na nabubuhay sa panahon ng mga huling araw na malapit na ang wakas, ibinigay ni Jesus ang ganitong ilustrasyon: “Masdan ninyo ang punò ng igos at lahat ng iba pang punungkahoy: Pagka nagdadahon na, alam na ninyo na malapit na ang tag-araw. Gayundin naman kayo, pagka nakita ninyong nangyayari na ang mga bagay na ito, talastasin ninyo na malapit na ang Kaharian ng Diyos. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi lilipas sa anumang paraan ang lahing ito hanggang sa maganap ang lahat ng bagay.”
Samakatuwid, pagka nakita ng kaniyang mga alagad ang maraming iba’t ibang bahagi ng tanda na natutupad, kanilang matatalos na ang wakas ng sistema ng mga bagay ay malapit na at na lilipulin ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng kabalakyutan. Sa katunayan, ang wakas ay magaganap sa panahong ikinabubuhay ng mga taong nakakita sa katuparan ng lahat ng bagay na inihula ni Jesus! Bilang pagpapayo sa mga alagad na buháy sa panahon ng makasaysayang mga huling araw, sinabi ni Jesus:
“Pakaingat kayo na ang inyong puso ay huwag malugmok sa katakawan at sa kalasingan at pagsusumakit ukol sa buhay na ito, at dumating na bigla sa inyo ang araw na iyon na gaya ng silo. Sapagkat gayon darating sa lahat ng nananahan sa buong lupa. Kaya nga, manatili kayong gising, sa tuwina dumadalanging makaligtas kayo sa lahat ng mangyayaring ito, at upang makatayo kayo sa harapan ng Anak ng tao.”
Ang Pantas at ang Mangmang na mga Dalaga
Noon ay sinasagot ni Jesus ang hiling ng kaniyang mga apostol na tanda ng kaniyang pagkanaririto sa kapangyarihan sa Kaharian. Ngayon ay nagbibigay siya ng higit pang mga bahagi ng tanda sa pamamagitan ng tatlong talinghaga, o mga ilustrasyon.
Ang katuparan ng bawat ilustrasyon ay makikita ng mga taong nabubuhay sa panahon ng kaniyang pagkanaririto. Kaniyang sinisimulan ang una sa mga salitang: “Kung magkagayon ay makakatulad ang kaharian ng langit ng sampung dalaga na kumuha ng kanilang mga ilawan at nagsilabas upang salubungin ang nobyo. Ang lima sa kanila’y mga mangmang, at ang lima’y matatalino.”
Sa pananalitang “makakatulad ang kaharian ng langit sa sampung dalaga,” hindi ibig sabihin ni Jesus na kalahati niyaong magmamana ng makalangit na Kaharian ay mga taong mangmang at kalahati ay mga matatalino! Hindi, kundi ang ibig niyang sabihin ay na kung tungkol sa Kaharian ng langit, may isang katangian na katulad nito o katulad niyaon, o na ang mga bagay na may kinalaman sa Kaharian ay magiging katulad ng gayu’t gayong bagay.
Ang sampung dalaga ay sumasagisag sa lahat ng Kristiyanong nakahanay o nag-aangkin na nakahanay para sa makalangit na Kaharian. Pentecostes 33 C.E. noon nang ang kongregasyong Kristiyano ay ipinangako na pakakasal sa binuhay-muli, niluwalhating Nobyo, si Jesu-Kristo. Ngunit ang kasal ay nakatakdang maganap sa langit sa isang di-binanggit na panahon sa hinaharap.
Sa ilustrasyon, ang sampung dalaga ay nagsisilabas sa layunin na salubungin ang nobyo at makisama sa prusisyon ng kasalan. Sa kaniyang pagdating, ang daanan ng prusisyon ay kanilang iilawan sa pamamagitan ng kanilang mga ilawan, sa ganoo’y pinararangalan siya samantalang ang kaniyang nobya’y iniuuwi niya sa bahay na inihanda para sa kaniya. Gayunman, si Jesus ay nagpapaliwanag: “Nang dalhin ng mga mangmang ang kanilang ilawan ay hindi sila nagdala ng langis, datapuwat ang matatalino ay nagdala ng langis sa kanilang sisidlan kasama ng kanilang mga ilawan. Samantalang nagtatagal ang nobyo, silang lahat ay nag-antok at nakatulog.”
Ang matagal na pagkabalam ng nobyo ay nagpapakita na ang pagkanaririto ni Kristo bilang nagpupunong Hari ay sa malayong hinaharap pa. Sa wakas ay lumuklok na siya sa kaniyang trono noong taóng 1914. Sa panahon ng mahabang gabi bago nito, lahat ng dalaga ay nakatulog. Ngunit sila’y hindi pinagwikaan dahil dito. Ang pagkawika sa mga dalagang mangmang ay dahil sa sila’y walang langis para sa kanilang mga sisidlan. Ipinaliwanag ni Jesus kung papaanong nagising ang mga dalaga bago dumating ang nobyo: “Sa hatinggabi ay may sumigaw, ‘Narito na ang nobyo! Magsilabas kayo upang salubungin siya.’ Saka lamang nagsibangon ang lahat ng dalagang iyon at inareglo ang kanilang mga ilawan. Sinabi ng mga mangmang sa matatalino, ‘Bigyan ninyo kami ng kaunting langis, sapagkat mamamatay na ang aming mga ilawan.’ Sumagot ang matatalino, ‘Baka hindi magkasya ito sa amin at sa inyo. Magsiparoon muna kayo sa nagbibili at magsibili kayo para sa inyo.’ ”
Ang langis ay sumasagisag sa bagay na nagpapanatili sa tunay na mga Kristiyano upang sumikat bilang mga tagapagbigay-liwanag. Ito ang kinasihang Salita ng Diyos, na doo’y palaging mahigpit ang pagkahawak ng mga Kristiyano, kasama na ang banal na espiritu, na tumutulong sa kanila upang maunawaan ang Salitang iyan. Ang espirituwal na langis ay nagpapangyari sa matatalinong dalaga na magpasikat ng liwanag sa pagtanggap sa nobyo samantalang nagaganap ang prusisyon tungo sa piging ng kasalan. Ngunit ang uring mga dalagang mangmang ay wala sa kanilang sarili, sa kanilang mga sisidlan, ng kinakailangang espirituwal na langis. Kaya inilahad ni Jesus ang nangyari:
“Samantalang [ang mga dalagang mangmang] ay papunta sa pagbili [ng langis], ang nobyo ay dumating, at ang mga dalagang nakahanda ay nagsipasok na kasama niya sa piging ng kasalan; at isinara ang pinto. Pagkatapos ay nagsirating naman ang ibang dalaga na nagsasabi, ‘Panginoon, panginoon, buksan mo kami!’ Bilang sagot ay sinabi niya, ‘Sinasabi ko sa inyo ang katotohanan, Hindi ko kayo nakikilala.’ ”
Pagkatapos na dumating si Kristo sa kaniyang makalangit na Kaharian, ang uring matatalinong dalaga ng tunay na pinahirang mga Kristiyano ay nagising sa kanilang pribilehiyo na magpasikat ng liwanag sa madilim na sanlibutang ito bilang pagpuri sa bumalik na Nobyo. Ngunit yaong mga inilarawan ng mga dalagang mangmang ay hindi handa na magbigay nitong papuring pagtanggap. Kaya nang dumating ang panahon, hindi binuksan sa kanila ni Kristo ang pintuan sa piging ng kasalan sa langit. Kaniyang pinabayaang sila’y nasa labas sa kadiliman ng pinakamadilim na gabi ng sanlibutan, upang pumanaw na kasama ng lahat ng mga manggagawa ng katampalasanan. “Manatili nga kayong nagbabantay,” ang pagwawakas na sabi ni Jesus, “sapagkat hindi ninyo nalalaman ang araw ni ang oras.”
Ang Ilustrasyon ng mga Talento
Ipinagpatuloy ni Jesus ang pakikipagtalakayan sa kaniyang mga apostol sa Bundok ng Olibo sa pagsasabi sa kanila ng isa pang ilustrasyon, ang pangalawa sa sunud-sunod na tatlo. Mga ilang araw bago pa noon, samantalang siya’y nasa Jerico, kaniyang ibinigay ang ilustrasyon ng mga mina upang ipakita na ang Kaharian ay matagal pa bago dumating. Ang ilustrasyon na kaniyang isinasaysay ngayon, bagaman may mga nahahawig na bahagi, ay naglalarawan sa katuparan niyaon ng mga gawain sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo na taglay ang kapangyarihan sa Kaharian. Ipinakikita nito na ang kaniyang mga alagad ay kailangang gumawa habang sila’y naririto pa sa lupa upang palaguin ang “kaniyang mga ari-arian.”
Si Jesus ay nagsimula nang ganito: “Sapagkat iyon [samakatuwid nga, ang mga kalagayang may kinalaman sa Kaharian] ay katulad ng isang tao, na nang paroroon na sa ibang lupain, tinawag niya ang kaniyang mga alipin at ipinagkatiwala sa kanila ang kaniyang mga ari-arian.” Si Jesus ang taong, bago pumaroon sa langit, nagkatiwala sa kaniyang mga alipin—mga alagad na nakahanay para sa makalangit na Kaharian—ng kaniyang mga ari-arian. Ang mga ari-ariang ito ay hindi literal na mga pag-aari, kundi sumasagisag ang mga iyon sa isang bukid na tinamnan at kaniyang inaasahan na pagmumulan ng marami pang mga alagad.
Sandali na lamang bago umakyat si Jesus sa langit ang kaniyang mga ari-arian ay ipinagkatiwala niya sa kaniyang mga alipin. Papaano niya ginawa iyon? Sa pamamagitan ng paghahabilin sa kanila na patuloy na gumawa sa tanimang bukid sa pamamagitan ng pangangaral ng balita ng Kaharian hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa. Gaya ng sinabi ni Jesus: “At ang isa’y binigyan niya ng limang talento, ang isa’y dalawa, at ang isa’y isa, sa bawat isa’y ayon sa kani-kaniyang kaya, at siya’y yumaon sa kaniyang paglalakbay.”
Ang walong talento—mga ari-arian ni Kristo—ay ipinamahagi sa gayon ayon sa kaya, o espirituwal na mga kakayahan, ng mga alipin. Ang mga alipin ay kumakatawan sa mga uri ng alagad. Noong unang siglo, sa uri na tumanggap ng limang talento ay maliwanag na kasali ang mga apostol. Si Jesus ay patuloy na naglahad na ang mga aliping tumanggap ng lima at ng dalawang talento ay kapuwa nagkaroon ng doble pa ng mga ito dahil sa kanilang pangangaral ng Kaharian at paggawa ng mga alagad. Subalit, ang alipin na tumanggap ng isang talento ay humukay sa lupa at doon itinago iyon.
“Pagkatapos ng mahabang panahon,” patuloy ni Jesus, “ay dumating ang panginoon ng mga aliping iyon at nakipagtuos sa kanila.” Pagkatapos lamang na sumapit ang ika-20 siglo, mga 1,900 taon ang nakalipas, nang bumalik si Kristo upang makipagtuos sa kanila, samakatuwid nga, “pagkatapos ng mahabang panahon.” Saka nagpatuloy na nagpaliwanag si Jesus:
“Ang tumanggap ng limang talento ay lumapit at nagdala ng lima pang talento, na nagsasabi, ‘Panginoon, binigyan mo ako ng limang talento; tingnan mo, ako’y nakinabang ng lima pang talento.’ Sinabi sa kaniya ng kaniyang panginoon, ‘Mabuti ang ginawa mo, ikaw na mahusay at tapat na alipin! Nagtapat ka sa kakaunting bagay. Pamamahalain kita sa maraming bagay. Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.’ ” Para sa alipin na tumanggap ng dalawang talento ay kaniya ring dinoble ang kaniyang mga talento, at siya’y tumanggap ng ganoon ding papuri at gantimpala.
Ngunit, papaano nga pumapasok ang tapat na mga aliping ito sa kagalakan ng kanilang Panginoon? Bueno, ang kagalakan ng kanilang Panginoon, si Jesu-Kristo, ay ang pagtanggap ng ari-arian ng Kaharian nang siya’y bumalik na sa langit sa kaniyang Ama. Kung para sa tapat na mga alipin sa modernong panahon, sila’y may malaking kagalakan dahil sa pagkakatiwala sa kanila ng higit pang mga pananagutan sa Kaharian, at samantalang tinatapos nila ang kanilang makalupang takbuhin, tatanggapin nila ang sukdulang kagalakan na bunga ng kanilang pagkabuhay-muli sa makalangit na Kaharian. Subalit kumusta naman ang ikatlong alipin?
“Panginoon, nakikilala kita na ikaw ay isang taong mapagmatigas,” ang reklamo ng aliping ito. “Kaya’t ako’y natakot at ako’y yumaon at aking itinago sa lupa ang talento mo. Narito, nasa iyo ang sa iyong sarili.” Ang alipin ay kusang tumangging gumawa sa tanimang bukid sa pamamagitan ng pangangaral at paggawa ng mga alagad. Kaya ang itinawag sa kaniya ng panginoon ay “balakyot at tamad” at hinatulan siya: “Bawiin sa kaniya ang talento . . . At ang walang-kabuluhang alipin ay ihagis sa kadiliman sa labas. Nariyan na ang pagtangis niya at ang pagngangalit ng kaniyang ngipin.” Ang uring masamang aliping ito, yamang inihagis sa labas, ay pinagkaitan ng anumang espirituwal na kagalakan.
Ito’y nagbibigay ng isang mahalagang aral para sa lahat ng nag-aangking mga tagasunod ni Kristo. Kung ibig nilang kamtin ang kaniyang papuri at gantimpala at maiwasan ang sila’y maihagis sa kadiliman sa labas at sa pangwakas na pagkapuksa, sila’y kailangang gumawa upang mapalago ang mga ari-arian ng kanilang makalangit na Panginoon sa pamamagitan ng pagkakaroon ng lubusang bahagi sa gawaing pangangaral. Ikaw ba ay masigasig sa bagay na ito?
Pagdating ni Kristo sa Kapangyarihan ng Kaharian
Si Jesus ay kapiling pa rin ng kaniyang mga apostol sa Bundok ng Olibo. Bilang sagot sa kanilang kahilingan ng isang tanda ng kaniyang pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay, ngayon ay kaniyang sinasabi sa kanila ang huli sa sunud-sunod na tatlong ilustrasyon. “Pagdating ng Anak ng tao na nasa kaniyang kaluwalhatian, na kasama niya ang lahat ng anghel,” ang simula ni Jesus, “kung magkagayo’y luluklok siya sa kaniyang maluwalhating trono.”
Hindi maaaring makita ng mga tao ang mga anghel sa kanilang kaluwahatian sa langit. Kung gayon, ang pagdating ng Anak ng tao, si Jesu-Kristo, kasama ang mga anghel ay di-makikita ng mga mata ng tao. Ang pagdating ay naganap noong taóng 1914. Ngunit sa anong layunin? Ganito ang paliwanag ni Jesus: “Titipunin sa harap niya ang lahat ng mga bansa, at ang mga tao ay pagbubukdin-bukdin niya gaya ng pagbubukud-bukod ng pastol sa mga tupa at mga kambing. At ang mga tupa ay ilalagay niya sa kaniyang kanan, ngunit ang mga kambing ay sa kaniyang kaliwa.”
Sa paglalarawan sa mangyayari sa mga ibinukod tungo sa panig na may pagsang-ayon, sinabi ni Jesus: “At saka sasabihin ng hari sa mga nasa kaniyang kanan, ‘Halikayo, kayong pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kaharian na inihanda para sa inyo buhat sa pagkatatag ng sanlibutan.’ ” Ang mga tupa sa ilustrasyong ito ay hindi maghaharing kasama ni Kristo sa langit kundi sila’y magmamana ng Kaharian sa diwa na sila’y magiging mga sakop nito sa lupa. Ang “pagkatatag ng sanlibutan” ay naganap nang si Adan at si Eva ay magsimulang magkaanak ng mga makikinabang sa paglalaan ng Diyos na tubusin ang sangkatauhan.
Ngunit bakit ang mga tupa ay ibinubukod tungo sa kanan ng hari na panig na may pagsang-ayon? “Sapagkat ako’y nagutom,” ang tugon ng hari, “at binigyan ninyo ako ng makakain; ako’y nauhaw at binigyan ninyo ako ng maiinom. Ako’y tagaibang bayan at pinatuloy ninyo ako nang may kabaitan; hubad, at dinamtan ninyo ako. Ako’y nagkasakit at inyong inalagaan ako. Ako’y nabilanggo at dinalaw ninyo ako.”
Yamang ang mga tupa ay naririto sa lupa, ibig nilang maalaman kung papaano nga nila nagawa ang gayong kabubuting gawa para sa kanilang makalangit na Hari. “Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom at pinakain ka namin,” ang tanong nila, “o nauhaw, at binigyan ka ng maiinom? Kailan ka namin nakitang isang tagaibang bayan at pinatuloy ka namin nang may kabaitan, o hubad, at pinaramtan ka namin? Kailan ka namin nakitang may sakit o nasa bilangguan at dinalaw ka?”
“Katotohanang sinasabi ko sa inyo,” ang tugon ng Hari, “nang gawin ninyo ito sa pinakamaliit sa mga kapatid kong ito, sa akin ninyo ginawa.” Ang mga kapatid ni Kristo ang siyang mga natitirang bahagi sa lupa ng 144,000 na maghaharing kasama niya sa langit. At ang paggawa sa kanila ng mabuti, ang sabi ni Jesus, ay pareho na rin ng paggawa ng mabuti sa kaniya.
Pagkatapos, ang mga kambing naman ang kinausap ng Hari. “Magsilayo kayo sa akin, kayong mga isinumpa, at pasa-apoy na walang-hanggan na inihanda para sa Diyablo at sa kaniyang mga anghel. Sapagkat ako’y nagutom, ngunit hindi ninyo ako pinakain, at ako’y nauhaw, ngunit hindi ninyo ako pinainom. Ako’y naging tagaibang-bayan, ngunit hindi ninyo ako pinatuloy; hubad, ngunit hindi ninyo ako pinaramtan; may sakit at nasa bilangguan, ngunit hindi ninyo ako dinalaw.”
Subalit, ang mga kambing ay nagreklamo: “Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom o nauuhaw o tagaibang-bayan o hubad o may sakit o nasa bilangguan at hindi ka namin pinaglingkuran?” Pareho ang batayan ng paghatol sa mga kambing na masama at ang paghatol naman sa mga tupa na mabuti. “Kung sa isa sa mga kaliit-liitang ito [na mga kapatid ko] ay hindi ninyo ginawa iyon,” ang sagot ni Jesus, “hindi rin naman ninyo ginawa iyon sa akin.”
Samakatuwid ang pagkanaririto ni Kristo sa kapangyarihan ng Kaharian, sa mismong panahon bago magwakas ang balakyot na sistemang ito ng mga bagay sa malaking kapighatian, ay isang panahon ng paghuhukom. Ang mga kambing “ay magtutungo sa walang-hanggang kamatayan, ngunit ang mga matuwid [mga tupa] ay sa walang-hanggang buhay.” Mateo 24:2–25:46; 13:40, 49; Marcos 13:3-37; Lucas 21:7-36; 19:43, 44; 17:20-30; 2 Timoteo 3:1-5; Juan 10:16; Apocalipsis 14:1-3.
▪ Ano ang nag-udyok sa mga apostol na magharap ng gayong tanong, ngunit ano pa ang malinaw na sumasaisip nila?
▪ Anong bahagi ng hula ni Jesus ang natupad noong 70 C.E., ngunit ano ang hindi naganap noon?
▪ Kailan nagkaroon ng unang katuparan ang hula ni Jesus, ngunit kailan ito may malaking katuparan?
▪ Ano ang kasuklam-suklam na bagay sa kaniyang una at pangwakas na mga katuparan?
▪ Bakit ang malaking kapighatian ay hindi nagkaroon ng katapusang katuparan sa pagkapuksa ng Jerusalem?
▪ Anong mga kalagayan sa sanlibutan ang tanda ng pagkanaririto ni Kristo?
▪ Kailan ‘magsisitaghoy ang lahat ng angkan sa lupa,’ ngunit ano ang gagawin ng mga tagasunod ni Kristo?
▪ Anong ilustrasyon ang ibinigay ni Jesus upang tulungan ang kaniyang magiging mga alagad sa hinaharap na makilalang malapit na ang wakas?
▪ Anong payo ang ibinigay ni Jesus para sa kaniyang mga alagad na mabubuhay sa mga huling araw?
▪ Sino ang mga isinasagisag ng sampung dalaga?
▪ Kailan ipinangako na ipakakasal sa nobyo ang Kristiyanong kongregasyon, ngunit kailan dumating ang nobyo upang kunin ang kaniyang nobya para dalhin sa piging ng kasalan?
▪ Ano ba ang isinasagisag ng langis at dahil sa pagkakaroon nito ng matatalinong dalaga, ano ang nagawa nila?
▪ Saan nagaganap ang piging ng kasalan?
▪ Anong dakilang gantimpala ang hindi nakamit ng mga dalagang mangmang, at ano ang mangyayari sa kanila sa wakas?
▪ Anong aral ang itinuturo ng ilustrasyon ng mga talento?
▪ Sino ang mga alipin, at ano ang mga ari-arian na ipinagkatiwala sa kanila?
▪ Kailan bumalik ang panginoon upang makipagtuos, at ano ang kaniyang nadatnan?
▪ Sa anong kagalakan pumasok ang mga tapat na alipin, at ano ang nangyari sa ikatlong alipin, ang balakyot na isa?
▪ Bakit ang pagkanaririto ni Kristo ay di-nakikita, at anong gawain ang ginagawa niya sa panahong iyon?
▪ Sa anong diwa nagmamana ng Kaharian ang mga tupa?
▪ Kailan naganap ang “pagkatatag ng sanlibutan,”?
▪ Ano ang batayan sa paghatol sa mga tao ng tupa o kambing?