Sa Pista ng mga Tabernakulo
Kapitulo 66
Sa Pista ng mga Tabernakulo
SI Jesus ay naging tanyag sa loob ng halos tatlong taon magmula nang siya’y bautismuhan. Libu-libo ang nakasaksi ng kaniyang mga himala, at ang balita tungkol sa kaniyang mga gawain ay lumaganap sa buong bansa. Ngayon, samantalang nagtitipon ang mga tao para sa Pista ng mga Tabernakulo sa Jerusalem, kanilang hinanap siya roon. “Nasaan ba ang taong iyon?” ang ibig nilang malaman.
Si Jesus ay naging paksa ng pagtatalu-talo. “Siya’y mabuting tao,” ang sabi ng iba. “Hindi, kundi inililigaw niya ang karamihan,” ang sabi naman ng iba. Ang ganitong uri ng bulung-bulungan ay palasak noong mga unang araw ng kapistahan. Gayunman ay walang sinuman ang may lakas ng loob na ibulalas sa madla ang pagtatanggol kay Jesus. Ito’y dahilan sa nangangamba ang mga tao na maghiganti sa kanila ang mga lider na Judio.
Nang nangangalahati na ang kapistahan, dumating doon si Jesus. Siya’y umakyat at nagtungo sa templo, na kung saan nanggilalas ang mga tao dahilan sa kaniyang kamangha-manghang abilidad na magturo. Palibhasa’y hindi kailanman nag-aral si Jesus sa mga paaralan ng mga rabbi, ganito ang may pagtatakang naisip ng mga Judio: “Paanong nakaalam ang taong ito ng mga karunungan, gayong hindi naman siya nag-aral sa mga paaralan?”
“Ang turo ko ay hindi akin,” ang paliwanag ni Jesus, “kundi doon sa nagsugo sa akin. Kung ang sinumang tao ay nag-iibig gumawa ng Kaniyang kalooban, makikilala niya ang turo kung ito nga’y sa Diyos o kung ako’y nagsasalita mula sa aking sarili.” Ang turo ni Jesus ay lubhang kasuwato ng kautusan ng Diyos. Kung gayon, malinaw na makikitang ang hinahangad niya’y ang ikaluluwalhati ng Diyos, hindi ang sa ganang kaniya. “Hindi baga ibinigay sa inyo ni Moises ang Kautusan?” ang tanong ni Jesus. Kaniyang pinagwikaan sila, at sinabi: “Walang isa man sa inyo ang gumaganap ng Kautusan.”
“Bakit ninyo pinagsisikapang patayin ako?” ang tanong ngayon ni Jesus.
Ang mga tao, marahil mga bisitang dumayo roon para sa kapistahan, ay walang malay sa gayong mga pagtatangka. Hindi nila maubos maisip na ang sinuman ay magnanais na patayin ang gayong kamangha-manghang tagapagturo. Kaya’t kanilang inakala na si Jesus ay may diperensiya upang isipin niya ito. “Ikaw ay may demonyo,” ang sabi nila. “Sino ba ang naghahangad na patayin ka?”
Ang mga lider na Judio ang naghahangad na patayin si Jesus, bagama’t ang karamihan ay walang kamalayan doon. Nang pagalingin ni Jesus ang isang tao noong Sabbath isang taon at kalahati na ang nakalipas, tinangka ng mga lider na patayin siya. Kaya ngayon ay ibinilad ni Jesus ang kanilang kawalang katuwiran sa pamamagitan ng pagtatanong sa kanila: “Kung sakali ngang isang tao’y tinuli kung sabbath upang huwag malabag ang kautusan ni Moises, kayo ba ay galit na galit sa akin dahilan sa lubusang pinagaling ko ang isang tao sa sabbath? Huwag kayong humatol ayon sa panlabas na anyo, kundi humatol kayo nang matuwid na paghatol.”
Ang mga tagaroon sa Jerusalem, na may kamalayan sa pangyayari, ay nagsasabi ngayon: “Hindi baga ito ang taong kanilang pinagsisikapang patayin? Subalit, tingnan ninyo! siya’y nagsasalita sa madla, at walang anumang sinasabi sila sa kaniya. Napagkikilala kayang tunay ng mga pinuno na ito ang Kristo?” Ang mga taga-Jerusalem na ito ay nagpapaliwanag kung bakit hindi sila naniniwala na si Jesus ang Kristo: “Alam namin kung tagasaan ang taong ito; datapuwat pagparito ng Kristo, walang sinuman ang nakaaalam kung tagasaan siya.”
Ang sagot naman ni Jesus: “Ako’y inyong nakikilala at nalalaman din naman ninyo kung tagasaan ako. At, hindi ako naparito sa ganang sarili ko, datapuwat ang nagsugo sa akin ay tunay, at siya’y hindi ninyo nakikilala. Siya’y nakikilala ko, sapagkat ako’y isang kinatawan na nagmula sa kaniya, at Siya ang nagsugo sa akin.” Sa puntong ito’y sinikap nila na dakpin siya, marahil upang siya’y ibilanggo o patayin. Gayunman ay hindi sila nagtagumpay sapagkat hindi ito ang oras para mamatay si Jesus.
Gayunman, marami ang sumampalataya kay Jesus, na nararapat naman. Aba, siya’y lumakad sa tubig, pinakalma niya ang hangin, pinatahimik niya ang binabagyong karagatan, sa mga ilang tinapay at isda ay makahimalang pinakain niya ang libu-libo, pinagaling ang maysakit, pinalakad ang mga lumpo, pinadilat ang mata ng bulag, pinagaling ang mga ketongin, at binuhay pa mandin ang mga patay. Kaya’t ang tanong nila: “Pagparito ng Kristo, gagawa pa baga siya ng lalong maraming tanda kaysa mga ginawa ng taong ito?”
Nang marinig ng mga Fariseo na nagbubulungan ang karamihan ng mga tao tungkol sa mga bagay na ito, sila at ang mga pangulong saserdote ay nagsugo ng mga punong kawal upang dakpin si Jesus. Juan 7:11-32.
▪ Kailan dumating si Jesus sa kapistahan, at ano ang usap-usapan ng mga tao tungkol sa kaniya?
▪ Bakit kaya sinasabi ng iba na si Jesus ay may demonyo?
▪ Ano ang pagkakilala kay Jesus ng mga tagaroon sa Jerusalem?
▪ Bakit marami ang sumampalataya kay Jesus?