Natapos ang Ministeryo sa Templo
Kapitulo 110
Natapos ang Ministeryo sa Templo
HULING pagpapakita na iyon ni Jesus sa templo. Ang totoo, kaniyang tinatapos ang kaniyang pangmadlang ministeryo sa lupa maliban sa mga pangyayari ng paglilitis at pagpatay sa kaniya, sa darating na tatlong araw. Ngayon ay nagpapatuloy siya ng kaniyang pagkastigo sa mga eskriba at sa mga Fariseo.
Makaitlo pang kaniyang ibinulalas: “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw!” Una, siya’y nagpapahayag ng kaabahan sa kanila sapagkat kanilang nililinis “ang labas ng saro at ng pinggan, ngunit sa loob ay punô sila ng panlulupig at katakawan.” Kaya’t siya’y nagpapayo: “Linisin mo muna ang loob ng saro at ng pinggan, upang luminis din naman ang labas niyaon.”
Pagkatapos ay nagpapahayag siya ng kaabahan sa mga eskriba at sa mga Fariseo dahil sa panloob na pagkabulok at pagkasira na tinatangka nilang ikubli sa pamamagitan ng panlabas na pagbabanal-banalan. “Tulad kayo ng mga libingang pinaputi,” aniya, “na may anyong maganda sa labas ngunit sa loob ay punô ng mga buto ng mga patay na tao at ng lahat na karumal-dumal.”
Sa wakas, ang kanilang pagpapaimbabaw ay nahalata sa kanilang pagsang-ayon na magtayo ng mga libingan para sa mga propeta at gayakan ang mga iyon upang maitawag-pansin ang kanilang sariling mga pagkakawang-gawa. Subalit, gaya ng isiniwalat ni Jesus, sila “ay mga anak niyaong mga pumatay sa mga propeta.” Oo, sinuman na nangangahas ibilad ang kanilang pagpapaimbabaw ay nanganganib!
Sa pagpapatuloy, binigkas ni Jesus ang kaniyang pinakamatitinding mga pagtuligsa. “Kayong mga ahas, kayong lahi ng mga ulupong,” aniya, “papaanong makawawala kayo sa kahatulan sa Gehenna?” Ang Gehenna ay libis na ginagamit bilang basurahan na tambakan ng basura sa Jerusalem. Kaya’t ang sinasabi ni Jesus ay na sa pagpapatuloy sa kanilang gawang kabalakyutan, ang mga eskriba at mga Fariseo ay magdaranas ng walang-hanggang pagkapuksa.
Tungkol sa mga taong sinusugo niya bilang kaniyang mga kinatawan, ganito ang sabi ni Jesus: “Ang iba sa kanila’y inyong papatayin at ibabayubay, at ang iba sa kanila’y inyong hahampasin sa inyong mga sinagoga at pag-uusigin sa lunsod at lunsod; upang mabubo sa inyo ang lahat ng matuwid na dugo na nabuhos sa ibabaw ng lupa, buhat sa dugo ng matuwid na si Abel hanggang sa dugo ni Zacarias na anak ni Barakias [tinawag na Jehoiada sa Ikalawang Cronica], na pinatay ninyo sa pagitan ng santuwaryo at dambana. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Lahat ng bagay na ito ay darating sa salinlahing ito.”
Dahilan sa pinagwikaan ni Zacarias ang mga pinunò ng Israel, “sila’y nagsabuwatan laban sa kaniya at pinagbabato siya sa utos ng hari sa looban ng bahay ni Jehova.” Ngunit, gaya ng inihula ni Jesus, magbabayad ang Israel sa lahat ng gayong ibinubong dugo ng mga matuwid. Sila’y nagbayad nga makalipas ang 37 taon, noong 70 C.E., nang puksain ng mga hukbong Romano ang Jerusalem at mahigit na isang milyong Judio ang nangalipol.
Habang pinag-iisipan ni Jesus ang nakakikilabot na katayuang ito, siya’y nalumbay. “Jerusalem, Jerusalem,” ang kaniyang bulalas minsan pa, “makailang inibig kong tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak! Ngunit kayong mga tao ay umayaw. Narito! Ang inyong bahay ay iniwang wasak sa iyo.”
Pagkatapos ay isinusog ni Jesus: “Buhat ngayon ay hindi ninyo ako makikita hanggang sa inyong sabihin, ‘Pinagpala ang pumaparito sa pangalan ni Jehova!’ ” Ang araw na iyon ay sa pagkanaririto o presensiya ni Kristo pagka siya’y pumarito sa kaniyang makalangit na Kaharian at makita siya ng mga tao ng kanilang mga mata ng pananampalataya.
Ngayon si Jesus ay naparoon sa isang lugar na kung saan kaniyang mapagmamasdan ang mga kabang-yaman sa templo at ang lubhang karamihan na naghuhulog ng pera sa mga iyon. Ang mayayaman ay naghuhulog ng maraming sensilyo. Subalit isang dukhang biyuda ang dumating at naghulog ng dalawang maliliit na barya na kaunting-kaunti ang halaga.
Pagkatapos tawagin ang kaniyang mga alagad, sinabi ni Jesus: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang dukhang biyudang ito ay naghulog ng higit kaysa lahat ng mga naghuhulog sa mga kabang-yaman.” Tiyak na sila’y nagtaka kung papaano nga mangyayari ito. Kaya’t nagpaliwanag si Jesus: “Silang lahat ay naghulog ng sa kanila’y labis, ngunit siya, sa kaniyang kasalatan, ay naghulog ng buong nasa kaniya, ang kaniyang buong kabuhayan.” Pagkatapos na sabihin ito, si Jesus ay lumisan sa templo na siyang huling pagpunta niya roon.
Palibhasa’y nanggilalas sa laki at sa kagandahan ng templo, ang isa sa kaniyang mga alagad ay bumulalas: “Guro, masdan mo! pagkaiinam na mga bato at pagkaiinam na mga gusali!” Siyanga pala, ang mga bato ay iniuulat na 11 metro ang haba, mahigit na 5 metro ang luwang, at mahigit na 3 metro ang taas!
“Nakikita mo baga ang pagkalalaking mga gusaling ito?” ang tugon ni Jesus. “Walang matitira ritong isang bato sa ibabaw ng kapuwa bato na di-ibabagsak.”
Pagkatapos sabihin ito, si Jesus at ang kaniyang mga apostol ay tumawid sa Libis ng Kidron at umakyat sa Bundok ng Olibo. Mula rito ay maaari nilang matunghayan sa ibaba ang magandang templo. Mateo 23:25–24:3; Marcos 12:41–13:3; Lucas 21:1-6; 2 Cronica 24:20-22.
▪ Ano ba ang ginawa ni Jesus sa panahon ng kaniyang katapusang pagdalaw sa templo?
▪ Papaano nakita ang pagpapaimbabaw ng mga eskriba at ng mga Fariseo?
▪ Ano ba ang ibig sabihin ng “kahatulan sa Gehenna”?
▪ Bakit sinabi ni Jesus na ang biyuda ay mas higit pa ang naiabuloy kaysa mayayaman?