Isang Aral sa Pagkaawa
Kapitulo 40
Isang Aral sa Pagkaawa
BAKA si Jesus ay naroon pa sa Nain noon, na kung saan kamakailan ay binuhay niya ang anak na lalaki ng isang biyuda, o baka dumadalaw siya noon sa isang karatig lunsod. Isang Fariseo na nagngangalang Simon ang nagnanais na makita nang malapitan ang tao na gumagawa ng gayong mga kababalaghan. Kaya’t inanyayahan niya si Jesus na makisalo sa kaniya.
Nakikita na pagkakataon na iyon upang maglingkod sa mga naroroon, tinanggap ni Jesus ang imbitasyon, gaya rin noon na kaniyang tinanggap ang mga paanyaya na sumalo sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan. Gayunman, nang pumasok siya sa bahay ni Simon, si Jesus ay hindi tumanggap ng pantanging atensiyon na karaniwang ibinibigay sa mga bisita.
Ang mga paang nakasandalyas ay umiinit at nagiging marumi dahilan sa paglalakbay sa maalikabok na mga daan, at isang kaugalian ng kagandahang-loob na hugasan ng malamig na tubig ang mga paa ng mga bisita. Ngunit ang mga paa ni Jesus ay hindi hinugasan nang siya’y dumating. Hindi rin naman siya hinagkan bilang pagtanggap sa kaniya, na karaniwang kaugalian doon. At ang kaniyang buhok ay hindi binuhusan ng kinaugaliang pagbubuhos ng pabango bilang pagmamagandang-loob.
Samantalang sila’y nagkakainan na, at ang mga bisita ay nangakahilig sa mesa, isang babaing di-imbitado ang tahimik na pumasok sa kuwartong iyon. Siya’y kilala sa siyudad na isang babaing may mahalay na pamumuhay. Marahil kaniyang nabalitaan ang mga turo ni Jesus, kasali na ang kaniyang paanyaya na ‘lahat ng mga nangabibigatan ay pumaroon sa kaniya para sa ikagiginhawa.’ At palibhasa’y napukaw siya nang husto sa kaniyang nakita at narinig, kaya ngayon ay hinanap niya si Jesus.
Ang babae ay lumapit sa mesa sa likod ni Jesus at lumuhod sa may paanan niya. Ang kaniyang mga luha ay nahulog sa paa ni Jesus, kaya ito’y pinunasan ng babae ng kaniyang buhok. Siya’y kumuha rin ng pabango sa kaniyang sisidlan, at magiliw na hinagkan ang mga paa ni Jesus, habang binubuhusan niya ng pabango ang mga iyon. Si Simon ay nagmamasid at hindi siya sang-ayon sa ginawang iyon. “Ang taong ito, kung siya nga’y isang propeta,” ang katuwiran niya, “ay makakaalam kung sino at kung anong uri ang babaing humihipo sa kaniya, na ito’y isang makasalanan.”
Nahinuha ang kaniyang iniisip, sinabi ni Jesus: “Simon, mayroon akong sasabihin sa iyo.”
“Guro, sabihin mo po iyon!” ang tugon niya.
“Dalawang lalaki ang may utang sa isang nagpapautang,” ang sabi ni Jesus. “Ang isa ay may utang na limang daang denaryo, ngunit iyong isa ay may utang na limampu. Nang sila’y walang maibayad, sila kapuwa ay kaniyang pinatawad ng utang. Kung gayon, alin sa kanila ang higit na iibig sa kaniya?”
“Sa palagay ko,” ang sabi ni Simon, marahil medyo naaalangan dahil sa inaakala niyang tila walang kaugnayan ang tanong, “yaon ay ang taong mas malaki ang utang na pinatawad niya.”
“Tama ang sabi mo,” ang sagot ni Jesus. At siya’y bumaling sa babae, at sinabi kay Simon: “Nakikita mo ba ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay; hindi mo ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa. Subalit ang babaing ito ay mga luha niya ang inihugas sa aking mga paa at pinunasan ito ng kaniyang buhok. Ako’y hindi mo hinagkan; ngunit ang babaing ito, sa sandali na pumasok ako rito, ay di naglubay ng magiliw na paghalik sa aking mga paa. Ang aking ulo ay hindi mo binuhusan ng pabango; ngunit ang babaing ito ay nagbuhos sa mga paa ko ng pabango.”
Sa ganoo’y pinatunayan ng babae ang kaniyang taos-pusong pagsisisi sa kaniyang mahalay na pamumuhay noong nakaraan. Kaya si Jesus ay nagtapos, sa pagsasabi: “Dahilan dito, sinasabi ko sa iyo, ang kaniyang mga kasalanan, bagaman marami, ay pinatatawad, dahilan sa malaking pag-ibig niya; ngunit siya na pinatatawad nang kaunti, ay umiibig nang kaunti.”
Sa anumang paraan ay hindi ipinagmamatuwid o pinalalampas ni Jesus ang imoralidad. Bagkus, ang insidenteng ito ay nagsisiwalat ng kaniyang mahabaging pagkaunawa sa mga tao na nakagagawa ng pagkakamali sa kanilang buhay ngunit pagkatapos ay nagpapakita na kanilang ikinalulungkot ang mga ito at sa gayo’y lumalapit kay Kristo para humingi ng kapatawaran. Para sa ikagiginhawa ng babae, sinabi ni Jesus: “Ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad. . . . Ang pananampalataya mo ang nagligtas sa iyo; yumaon kang payapa.” Lucas 7:36-50; Mateo 11:28-30.
▪ Papaano tinanggap si Jesus ng nag-anyaya sa kaniyang si Simon?
▪ Sino ang humanap at lumapit kay Jesus, at bakit?
▪ Anong ilustrasyon ang ibinigay ni Jesus, at papaano niya ikinapit iyon?