Ang Taong Mayaman at si Lasaro
Kapitulo 88
Ang Taong Mayaman at si Lasaro
NOON ay nakipag-usap si Jesus sa kaniyang mga alagad tungkol sa tumpak na paggamit sa materyal na kayamanan, at ipinaliwanag niya na tayo’y hindi maaaring magpaalipin sa mga ito at kasabay nito’y maging alipin pa rin ng Diyos. Ang mga Fariseo ay nakinig din, at sila’y nang-ismid kay Jesus sapagkat sila’y mga mangingibig ng salapi. Kaya’t kaniyang sinabi sa kanila: “Kayo yaong mga nag-aaring-matuwid sa inyong sarili sa paningin ng mga tao, ngunit nakikilala ng Diyos ang inyong mga puso; sapagkat ang dinadakila ng mga tao ay kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos.”
Sumapit na ang panahon upang ang mga pangyayari ay mabaligtad sa mga taong mayayaman sa makasanlibutang mga bagay, sa kapangyarihang pulitikal, at sa kapamahalaan at impluwensiyang relihiyoso. Sila’y kailangang mapababa. Gayunman, ang mga taong kumikilala sa kanilang espirituwal na pangangailangan ay kailangang mapataas. Ang ganiyang pagbabago ang binanggit ni Jesus nang kaniyang sabihin sa mga Fariseo:
“Ang Kautusan at ang mga Propeta ay nanatili hanggang kay Juan [Bautista]. Mula noon ang kaharian ng Diyos ay ipinangangaral bilang mabuting balita, at ang bawat uri ng tao ay nagpupumilit na patungo roon. Oo, mas madali pa na ang langit at ang lupa ay pumanaw kaysa isang kudlit ng titik ng Kautusan ay hindi matupad.”
Ipinagmalaki ng mga eskriba at ng mga Fariseo ang kanilang ipinamamaraling pagsunod sa Kautusan ni Moises. Gunitain na nang makahimalang isauli ni Jesus ang paningin ng isang lalaki sa Jerusalem, kanilang ipinangalandakan: “Kami’y mga alagad ni Moises. Batid namin na ang Diyos ay nagsalita kay Moises.” Subalit ngayon ang Kautusan ni Moises ay natupad sa nilayon nitong pag-akay sa mga mapagpakumbaba tungo sa hinirang ng Diyos na Hari, si Jesu-Kristo. Kaya sa pasimula ng ministeryo ni Juan, lahat ng uri ng tao, lalo na ang mapagpakumbaba at ang dukha, ay nagsumikap na maging mga sakop ng Kaharian ng Diyos.
Yamang ang Kautusang Mosaiko ay natutupad na ngayon, ang obligasyon na sundin iyon ay aalisin. Ang Kautusan ay nagpapahintulot ng diborsiyo batay sa sari-saring dahilan, subalit ngayon ay sinasabi ni Jesus: “Ang bawat lalaking humihiwalay sa kaniyang asawa at nag-aasawa sa iba ay nagkakasala ng pangangalunya, at ang nag-aasawa sa babaing hiwalay sa asawa ay nagkakasala ng pangangalunya.” Ang ganiyang mga salita ay tiyak na kinayamutan ng mga Fariseo, lalo na yamang sila’y nagpapahintulot ng paghihiwalay batay sa maraming dahilan!
Sa pagpapatuloy ng kaniyang pagsasalita sa mga Fariseo, si Jesus ay naglahad ng isang paghahalimbawa tungkol sa dalawang lalaki na ang kalagayan, o situwasyon, ay sa wakas nagbagong bigla. Masasabi mo ba kung sino ang kinakatawan ng mga lalaki at ano ang ibig sabihin ng kanilang mga kalagayan nang ito’y mabaligtad?
“Subalit isang lalaki ang mayaman,” ang paliwanag ni Jesus, “at siya’y nagdaramit ng kulay ube at maselang lino, at sa araw-araw ay kumakain nang sagana. Subalit isang pulubi na nagngangalang Lasaro ang inilalagay sa kaniyang pintuan, lipos ng mga sugat, at naghahangad na mapakain ng mga mumo na nahuhulog mula sa mesa ng taong mayaman. Oo, at lumapit pati ang mga aso at hinimuran ang kaniyang mga sugat.”
Dito’y ginamit ni Jesus ang taong mayaman upang kumatawan sa mga pinunong relihiyosong Judio, kasali na rito hindi lamang ang mga Fariseo at ang mga eskriba kundi pati mga Saduceo at mga pangulong saserdote. Sila’y mayayaman sa espirituwal na mga biyaya at pagkakataon, at sila’y namumuhay na gaya ng pamumuhay ng taong mayaman. Ang kanilang damit na kulay-ube na kasuotan ng mga taong mahal ay kumakatawan sa kanilang pinagpalang kalagayan, at ang puting kayong lino ay kumakatawan sa kanilang pagiging matuwid-sa-sarili.
Ang mapagmataas na uring taong mayamang ito ay mapanghamak sa mga dukha, sa mga karaniwang tao, anupa’t ang tawag nila sa mga ito ay ‘am ha·’aʹrets, o mga taong hampaslupa. Ang pulubing si Lasaro kung gayon ay kumakatawan sa mga taong ito na pinagkakaitan ng mga pinunong relihiyoso ng wastong espirituwal na pagkain at mga pribilehiyo. Samakatuwid, tulad ni Lasaro na tadtad ng sugat, ang karaniwang mga tao ay hinahamak-hamak na parang may sakit sa espirituwal at sa mga aso lamang angkop na makihalubilo. Gayunman, ang mga nasa uring Lasaro ay nagugutom at nauuhaw sa espirituwal na pagkain kung kaya’t sila’y nasa pintuan, na nag-aabang ng anumang mumo ng espirituwal na pagkain na mahuhulog buhat sa mesa ng taong mayaman.
Ngayon ay nagpatuloy si Jesus ng paglalahad ng pagbabago sa kalagayan ng taong mayaman at ni Lasaro. Ano ba ang pagbabagong ito, at ano ang kinakatawan ng mga ito?
Ang Taong Mayaman at si Lasaro ay Nakaranas ng Pagbabago
Ang taong mayaman ay kumakatawan sa mga pinunong relihiyoso na may biyayang espirituwal na mga pribilehiyo at mga pagkakataon, at si Lasaro naman ay kumakatawan sa karaniwang mga tao na nagugutom sa espirituwal na pagkain. Ipinagpatuloy ni Jesus ang kaniyang kuwento, at inilarawan ang isang madulang pagbabago sa kalagayan ng mga taong ito.
“At nangyari,” ang sabi ni Jesus, “na namatay ang pulubi at siya’y dinala ng mga anghel sa sinapupunan ni Abraham. At, namatay naman ang taong mayaman at siya’y inilibing. At sa Hades ay kaniyang itiningala ang kaniyang mga mata, palibhasa’y nasa paghihirap siya, at kaniyang natanaw si Abraham sa malayo at si Lasaro naman ay nasa kaniyang sinapupunan.”
Yamang ang taong mayaman at si Lasaro ay hindi literal na mga tao kundi makasagisag na uri ng mga tao, makatuwiran na ang kanilang kamatayan ay makasagisag din. Ano ba ang isinasagisag, o kinakatawan ng kanilang kamatayan?
Katatapos lamang ni Jesus na banggitin ang isang pagbabago sa mga kalagayan sa pamamagitan ng pagsasabi na ‘ang Kautusan at ang mga Propeta ay hanggang kay Juan Bautista, subalit mula noon ang kaharian ng Diyos ay ipinangaral.’ Samakatuwid, kasabay ng pangangaral ni Juan at ni Jesu-Kristo ang kapuwa taong mayaman at si Lasaro ay namatay sa kanilang dating mga kalagayan, o katayuan.
Yaong mapagpakumbaba, nagsisising uring Lasaro ay namatay sa kanilang dating kalagayang pinagkaitan ng espirituwal na pagkain at sila’y napapalagay sa katayuan na tumatanggap ng banal na pagpapala. Samantalang dati’y sa mga pinunong relihiyoso sila umaasa ng kung anumang kati-katiting na pagkaing nalalaglag buhat sa espirituwal na hapag, ngayon ang mga katotohanan buhat sa Kasulatan na itinuturo ni Jesus ang tumutustos sa kanilang mga pangangailangan. Sila sa gayon ay dinadala sa sinapupunan o kalagayang pinagpala, ng Lalong-dakilang Abraham, ang Diyos na Jehova.
Sa kabilang panig naman, yaong mga nasa uring taong mayaman ay nawawalan ng banal na pagpapala dahilan sa patuloy na pagtanggi na tanggapin ang balita ng Kaharian na itinuro ni Jesus. Sila sa ganoon ay namamatay sa kanilang dating katayuan na waring pinagpapala. Sa katunayan, sila’y tinutukoy na dumaranas ng makasagisag na pagpapahirap. Pakinggan ninyo ngayon, habang nagsasalita ang taong mayaman:
“Amang Abraham, maawa ka sa akin at suguin mo si Lasaro upang itubog niya sa tubig ang dulo ng kaniyang daliri at palamigin ang aking dila, sapagkat ako’y naghihirap sa nag-aalab na apoy na ito.” Ang maaapoy na mga mensaheng kahatulan ng Diyos na inihahayag ng mga alagad ni Jesus ang nagpapahirap sa mga indibiduwal na nasa uring taong mayaman. Ibig nilang ang mga alagad ay huminto kahit na saglit sa paghahayag ng mga mensaheng ito, sa gayo’y magiginhawahan kahit na saglit sa kanilang mga paghihirap.
“Datapuwat sinabi ni Abraham, ‘Anak, alalahanin mo na ikaw ay tumanggap ng lahat ng iyong mabubuting bagay sa buong buhay mo, ngunit si Lasaro naman ay tumanggap ng kapinsa-pinsalang mga bagay. Gayunman, ngayon, siya’y inaaliw rito ngunit ikaw naman ang nasa kahirapan. At bukod sa lahat ng mga bagay na ito, may isang malaking bangin na nasa pagitan namin at ninyo na mga tao, kung kaya’t yaong mga ibig tumawid buhat dito patungo sa inyo na mga tao ay hindi maaaring tumawid, ni walang makatatawid na mga tao mula riyan hanggang dito sa amin.’ ”
Makatarungan nga at angkop ang ganiyang pagkakapalitan ng kalagayan ng uring Lasaro at ng uring taong mayaman! Ang pagbabago ng mga kalagayan ay naganap mga ilang buwan pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E., nang ang lumang tipang Kautusan ay halinhan ng bagong tipan. Noo’y naging napakalinaw na anupa’t di mapagkakamalan na ang mga alagad, hindi ang mga Fariseo at ang iba pang mga pinunong relihiyoso, ang may pabor ng Diyos. Ang “malaking bangin” na naghihiwalay sa makasagisag na taong mayaman buhat sa mga alagad ni Jesus ay kumakatawan samakatuwid sa di-nagbabago, matuwid na kahatulan ng Diyos.
Sumunod na hiniling ng taong mayaman sa “amang Abraham”: “Suguin [si Lasaro] sa bahay ng aking ama, sapagkat ako’y may limang kapatid na lalaki.” Ipinagtapat ngayon ng taong mayaman na siya’y may isang lalong matalik na kaugnayan sa isa pang ama, na sa totoo’y si Satanas na Diyablo. Hiniling ng taong mayaman na baguhin at pagaangin ni Lasaro ang mga kahatulang mensahe ng Diyos upang ang kaniyang “limang kapatid na lalaki,” ang kaniyang mga kaalyadang relihiyoso, ay huwag mapalagay sa “dakong ito ng pagdurusa.”
“Subalit sinabi ni Abraham, ‘Nasa kanila si Moises at ang mga Propeta; hayaang sila’y makinig sa mga ito.’ ” Oo, kung ibig ng “limang kapatid na lalaki” na makaligtas sa pagdurusa, wala silang dapat gawin kundi sundin ang mga isinulat ni Moises at ng mga Propeta na nagpapakilala kay Jesus bilang ang Mesiyas at pagkatapos ay maging kaniyang mga alagad. Ngunit ang taong mayaman ay tumutol: “Hindi, hindi nga, amang Abraham, datapuwat kung ang isang mula sa mga patay ay makaparoon sa kanila sila ay magsisisi.”
Gayunman, sinabi niya sa kaniya: “Kung hindi nila pinakinggan si Moises at ang mga Propeta, sila’y hindi rin naman mahihikayat kahit mayroong isang magbangon buhat sa mga patay.” Ang Diyos ay hindi magbibigay ng pantanging mga tanda o mga himala upang kumbinsihin ang mga tao. Sila’y kailangang magbasa at magkapit ng Kasulatan kung ibig nilang kamtin ang kaniyang pabor. Lucas 16:14-31; Juan 9:28, 29; Mateo 19:3-9; Galacia 3:24; Colosas 2:14; Juan 8:44.
▪ Bakit ang kamatayan ng taong mayaman at ni Lasaro ay tiyak na makasagisag, at ano ang inilalarawan ng kanilang kamatayan?
▪ Sa pasimula ng ministeryo ni Juan, anong mga pagbabago ang binanggit ni Jesus na magaganap?
▪ Ano ang aalisin pagkamatay ni Jesus, at papaano maaapektuhan nito ang tungkol sa paghihiwalay?
▪ Sa paghahalimbawang ibinigay ni Jesus, sino ang kinakatawan ng taong mayaman at ni Lasaro?
▪ Ano ba ang mga kahirapan na dinanas ng taong mayaman at sa pamamagitan ng anong paraan kaniyang hiniling na sila’y maalis sa gayong mga kahirapan?
▪ Ano ang kinakatawan ng “malaking bangin”?
▪ Sino ang tunay na ama ng taong mayaman, at sino ang kaniyang limang kapatid na lalaki?