Ang Pananagutan ng Pagiging Alagad
Kapitulo 84
Ang Pananagutan ng Pagiging Alagad
PAGKATAPOS lisanin ang bahay ng prominenteng Fariseo, na sa malas ay isang kagawad ng Sanedrin, si Jesus ay nagpatuloy patungong Jerusalem. Kasunod niya ang lubhang karamihan ng mga tao. Subalit ano kaya ang kanilang motibo? Anong talaga ang kasangkot sa pagiging kaniyang tunay na tagasunod?
Samantalang sila’y naglalakbay, si Jesus ay bumaling sa karamihan at marahil sila’y nabigla nang kaniyang sabihin: “Kung ang sinumang tao’y pumaparito sa akin at hindi napopoot sa kaniyang sariling ama at ina at asawang babae at mga anak at mga kapatid na lalaki at mga kapatid na babae, oo, at pati sa kaniyang sariling kaluluwa, hindi siya maaaring maging alagad ko.”
Ano ba ang ibig sabihin ni Jesus? Hindi sinasabi ni Jesus na literal na kapootan ng kaniyang mga tagasunod ang kanilang mga kamag-anak. Bagkus, kanilang kapopootan ang mga iyon sa diwa na siya’y iibigin nila nang higit kaysa pag-ibig nila sa kanilang mga kamag-anak. Ang ninuno ni Jesus na si Jacob ay sinasabing “napoot” kay Leah at umibig naman kay Rachel, na ang ibig sabihin ay mas inibig niya si Rachel kaysa sa kaniyang kapatid na si Leah.
Isaalang-alang, din, na sinabi ni Jesus na ang isang alagad ay dapat mapoot “pati sa kaniyang sariling kaluluwa,” o buhay. Muli ang ibig sabihin ni Jesus ay na ang isang tunay na alagad ay iibig sa Kaniya nang higit kaysa sa pag-ibig niya sa kaniyang sariling buhay. Sa gayo’y idiniriin ni Jesus na ang pagiging kaniyang alagad ay isang mabigat na pananagutan. Hindi ito isang bagay na dapat pasukan nang hindi maingat na pinag-iisipan muna.
Ang kahirapan at pag-uusig ay kasangkot sa pagiging alagad ni Jesus, gaya ng patuloy na ipinakikita niya: “Sinumang hindi nagdadala ng kaniyang sariling pahirapang tulos at sumusunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko.” Samakatuwid, ang isang tunay na alagad ay kailangang handang magpasan din ng upasala na pinagtiisan ni Jesus, kasali pa man din, kung kinakailangan, na mamatay sa kamay ng mga kaaway ng Diyos, na noon ay malapit nang danasin ni Jesus.
Ang pagiging isang alagad ni Kristo, samakatuwid, ay isang bagay na kailangang buong ingat na suriin ng lubhang karamihan na sumusunod sa kaniya. Ito’y idiniin ni Jesus sa pamamagitan ng isang ilustrasyon. “Halimbawa,” aniya, “sino ba sa inyo ang kung ibig magtayo ng isang moog ay hindi muna uupo at tatayahin ang halagang magugugol upang alamin kung mayroon siyang sapat na magugugol hanggang sa matapos? Baka kung mailagay na niya ang patibayan ngunit hindi maipatapos, lahat ng makakakita ay magpapasimulang libakin siya, at sabihing, ‘Ang taong ito’y nagpasimulang magtayo ngunit hindi maipatapos.’ ”
Samakatuwid ay ipinaghahalimbawa ni Jesus sa karamihan ng mga tao na sumusunod sa kaniya na bago maging kaniyang mga alagad, sila’y dapat na matatag na nakapagpasiya na, na kanilang matutupad ang hinihiling, gaya ng kung papaanong ang isang taong ibig magtayo ng isang moog ay sumisiguro muna bago siya magsimula na mayroon siyang sapat na puhunan upang ipatapos iyon. Sa paglalahad ng isa pang ilustrasyon, si Jesus ay nagpatuloy:
“O aling hari, na kung sasalubong sa pakikidigma sa ibang hari, ang hindi muna uupo at sasangguni kung makahaharap siya na may sampung libong kawal sa isang dumarating na may dalawampung libo? O kung hindi, samantalang malayo pa ay yaong isang iyon ay magsusugo ng isang kapulungan ng mga embahador at hihilingin ang mga kailangan sa pagkakasundo.”
Pagkatapos ay idiniin ni Jesus ang punto ng kaniyang mga ilustrasyon, na nagsasabi: “Kaya nga, matitiyak ninyo, sinuman sa inyo na hindi tumanggi sa lahat niyang ari-arian ay hindi maaaring maging alagad ko.” Iyan ang kailangang handang gawin ng karamihan na sumusunod sa kaniya, at, oo, lahat ng iba pang nakakikilala kay Kristo. Sila’y kailangang handang isakripisyo ang lahat ng taglay nila—lahat ng kanilang ari-arian, kasali na ang buhay mismo—kung ibig nilang sila’y maging kaniyang mga alagad. Handa ka bang gawin ito?
“Mabuti nga ang asin,” ang patuloy pa ni Jesus. Sa kaniyang Sermon sa Bundok, sinabi niya na ang kaniyang mga alagad ay siyang “asin ng lupa,” na ang ibig sabihin sila ay may impluwensiyang nagsisilbing tagapag-alaga sa mga tao, gaya ng literal na asin ay isang preserbatiba. “Datapuwat kung ang asin ay tumabang, ano ang ipagpapaalat? Walang kabuluhang gamitin ito para sa lupa ni para magsilbing abono,” ang pantapos na sabi ni Jesus. “Ito’y itinatapon sa labas ng mga tao. Ang may mga tainga upang ipakinig, makinig.”
Samakatuwid ay ipinakikita ni Jesus na kahit na yaong naging kaniyang mga alagad sa loob ng ilang panahon ay kailangang huwag manghina sa kanilang determinasyon na magpatuloy. Kung sila’y manghihina, sila’y mawawalan ng silbi, anupa’t sila’y lilibak-libakin lamang ng sanlibutang ito at hindi magiging karapat-dapat sa harap ng Diyos, sa katunayan pa nga, magiging isang upasala sa Diyos. Sa gayon, tulad ng tumabang at narumihang asin, sila’y ihahagis sa labas, oo, pupuksain. Lucas 14:25-35; Genesis 29:30-33; Mateo 5:13.
▪ Ano ba ang ibig sabihin ng ‘mapoot’ sa mga kamag-anak mo at sa iyong sarili?
▪ Anong dalawang ilustrasyon ang ibinigay ni Jesus, at ano ang ibig sabihin nito?
▪ Ano ang punto ng pansarang mga komento ni Jesus tungkol sa asin?