Ang Marami Pang mga Himala sa Capernaum
Kapitulo 23
Ang Marami Pang mga Himala sa Capernaum
NANG Sabbath pagkatapos na tawagin ni Jesus ang kaniyang unang apat na mga alagad—sina Pedro, Andres, Santiago, at Juan—silang lahat ay naparoon sa isang sinagoga sa Capernaum. Doon ay nagsimulang magturo si Jesus, at ang mga tao ay nanggilalas sapagkat siya’y nagtuturo sa kanila na gaya ng isang may autoridad at hindi gaya ng mga eskriba.
Nang Sabbath na ito isang lalaking inaalihan ng demonyo ang naroon. Makalipas ang ilang sandali, siya’y sumigaw nang malakas: “Ano ang pakialam namin sa iyo, Jesus ikaw na Nasareno? Naparito ka ba upang kami’y puksain? Nakikilala kita kung sino ka, ang Banal na Isa ng Diyos.”
Ang demonyong pumipigil sa taong iyon ay isa sa mga anghel ni Satanas. Ito’y sinaway ni Jesus at ang sabi: “Tumahimik ka, at lumabas ka sa kaniya!”
Ngayon, pinangisay ng demonyo ang taong iyon at sumigaw siya nang pagkalakas-lakas. Subalit siya’y lumabas sa tao nang hindi sinasaktan ito. Lahat doon ay takang-taka! “Ano ba ito?” ang tanong nila. “Siya’y may kapangyarihang mag-utos kahit na sa karumal-dumal na mga espiritu, at sila’y sumusunod sa kaniya.” Ito’y napabalita sa buong palibot ng lugar na iyon.
Pagkaalis nila sa sinagoga, si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay naparoon sa tahanan ni Simon, o Pedro. Doon ang biyenang babae ni Pedro ay nag-aapoy sa lagnat. ‘Pakisuyong tulungan siya,’ ang pakiusap nila. Kaya’t si Jesus ay lumapit, tinangnan siya sa kamay, at itinindig siya. At kaagad na siya’y gumaling at kaniyang ipinaghanda sila ng pagkain!
Pagkatapos, nang lumubog na ang araw, mga taong kung tagasaan ang nagsidating sa bahay ni Pedro dala ang kanilang mga maysakit. Hindi nagtagal at mga tao sa buong siyudad ang naroon na! At pinagaling ni Jesus ang lahat ng kanilang maysakit, anuman ang sakit nila. Pati ang mga inaalihan ng demonyo ay kaniyang pinagaling. Habang palabas, ang mga demonyong kaniyang pinalabas ay sumisigaw: “Ikaw ang Anak ng Diyos.” Subalit sinaway sila ni Jesus at hindi sila pinayagang magsalita dahil sa kanilang nakikilala na siya ang Kristo. Marcos 1:21-34; Lucas 4:31-41; Mateo 8:14-17.
▪ Ano ang nangyari sa sinagoga noong araw ng Sabbath pagkatapos na tawagin ni Jesus ang kaniyang apat na alagad?
▪ Saan naparoon si Jesus pagkaalis sa sinagoga, at anong himala ang kaniyang ginawa roon?
▪ Ano ang nangyari nang malaunan nang gabi ring iyon?