Ang Kapanganakan ni Jesus—Saan at Kailan?
Kapitulo 5
Ang Kapanganakan ni Jesus—Saan at Kailan?
ANG emperador ng Imperyo Romano, si Cesar Augusto, ay nagbigay ng batas na lahat ay kailangang magbalik sa lunsod na kaniyang sinilangan upang magparehistro. Kaya si Jose ay patungo sa kaniyang sariling bayan, ang lunsod ng Bethlehem.
Pagkarami-raming tao ang pumaroon sa Bethlehem upang magparehistro, at walang dako roon na matutuluyan si Jose at si Maria kundi sa isang kuwadra. Dito, na kinaroroonan ng mga asno at iba pang mga hayop, isinilang si Jesus. Siya’y binalot ni Maria ng damit at inihiga siya sa isang sabsaban, na kung saan naroon ang pagkain para sa mga hayop.
Tiyak na sa patnubay ng Diyos kung kaya nagbigay si Cesar Augusto ng ganitong utos sa pagpaparehistro. Ito ang nagpangyari upang si Jesus ay isilang sa Bethlehem, ang lunsod na bago pa man ay inihula na ng Kasulatan na sisilangan ng ipinangakong hari.
Pagkahalaga-halagang gabi nga niyaon! Doon sa kabukiran ay sumikat ang isang maningning na liwanag sa palibot ng isang pangkat ng mga pastol. Iyon ang kaluwalhatian ni Jehova! At sinabihan sila ng anghel ni Jehova: “Huwag kayong mangatakot, sapagkat, narito! dinadalhan ko kayo ng mabuting balita ng malaking kagalakan na siyang sasabuong bayan, sapagkat ipinanganak sa inyo ngayon ang isang Tagapagligtas, na siyang Kristo na Panginoon, sa lunsod ni David. At ito ang sa inyo’y magiging pinaka-tanda: masusumpungan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa isang sabsaban.” Biglang-biglang marami pang mga anghel ang nagsilitaw at nagsiawit: “Kaluwalhatian sa kaitaasan sa Diyos, at sa lupa ay kapayapaan sa gitna ng mga taong may mabubuting loob.”
Nang ang mga anghel ay lumisan, sinabi ng mga pastol sa isa’t isa: “Tayo na sa Bethlehem at tingnan natin ang bagay na ito, na ipinaalam sa atin ni Jehova.” Dali-daling naparoon sila at nasumpungan nila si Jesus kung saan sinabi ng anghel. Nang ilahad ng mga pastol ang sinabi sa kanila ng anghel, lahat ng nakarinig niyaon ay nanggilalas. Iningatan ni Maria ang lahat ng mga pananalitang iyon at itinanim sa kaniyang puso.
Marami sa ngayon ang naniniwala na si Jesus ay isinilang noong Disyembre 25. Ngunit ang Disyembre ay maulan at maginaw na panahon sa Bethlehem. Hindi maaaring naroroon sa parang ang mga pastol nang magdamagan kasama ang kanilang mga kawan sa panahong iyon ng santaon. At, malamang na hindi hihilingin ng Romanong Cesar sa isang bayan na nakahilig na ngang maghimagsik laban sa kaniya na maglakbay sa kalubhaang iyon ng taglamig upang magparehistro. Kaya maliwanag na si Jesus ay isinilang nang nagsisimula ang taglagas. Lucas 2:1-20; Mikas 5:2.
▪ Bakit naglakbay patungong Bethlehem si Jose at si Maria?
▪ Anong kamangha-manghang bagay ang nangyari nang gabi na si Jesus ay isilang?
▪ Papaano natin nalalaman na si Jesus ay hindi ipinanganak noong Disyembre 25?