Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Namamahala Na ang Kaharian ng Diyos

Namamahala Na ang Kaharian ng Diyos

Kabanata 10

Namamahala Na ang Kaharian ng Diyos

1, 2. Papaano napatunayang nagkukulang ang mga pamahalaan ng tao?

 MARAHIL ay nakaranas ka nang bumili ng isang kagamitan, at pagkatapos ay natuklasan mong sirâ pala ito. Sabihin nating tumawag ka ng tagapagkumpuni. Pero, hindi pa natatagalan pagkatapos na “maayos” niya ang kagamitan, nasira na naman ito. Nakaiinis talaga!

2 Katulad din iyan ng mga pamahalaan ng tao. Mula’t sapol ay pinangarap na ng sangkatauhan ang isang pamahalaang tumitiyak ng kapayapaan at kaligayahan. Ngunit, ang walang-tigil na pagsisikap na ayusin ang mga kasiraan sa lipunan ay hindi kailanman lubusang nagtagumpay. Napakaraming kasunduan sa kapayapaan ang nagawa na​—at pagkatapos ay sinirà. Isa pa, anong pamahalaan ang nakapag-alis ng karukhaan, pagtatangi, krimen, sakit, at pagkawasak ng kapaligiran? Ang pamamahala ng tao ay hindi na kailanman maaayos pa. Maging ang pantas na si Haring Solomon ng Israel ay nagtanong: “Kung tungkol sa makalupang tao, paano niya mauunawa ang kaniyang lakad?”​—Kawikaan 20:24.

3. (a) Ano ang tema ng ipinangangaral ni Jesus? (b) Papaano inilalarawan ng ilang tao ang Kaharian ng Diyos?

3 Huwag kang mawalan ng pag-asa! Ang isang matatag na pandaigdig na pamahalaan ay hindi isang panaginip lamang. Iyan ang tema ng pangangaral ni Jesus. Tinawag niya itong “ang kaharian ng Diyos,” at tinuruan niya ang kaniyang mga tagasunod na ipanalangin ito. (Lucas 11:2; 21:31) Kung sa bagay, ang Kaharian ng Diyos ay nababanggit din paminsan-minsan sa kalipunan ng mga relihiyon. Sa katunayan, milyun-milyon ang nananalangin nito araw-araw kapag inuulit nila ang Panalangin ng Panginoon (tinatawag ding Ama Namin o modelong panalangin). Ngunit iba’t iba ang sagot ng mga tao kapag tinatanong, “Ano ang Kaharian ng Diyos?” Sabi ng ilan, “Ito’y nasa iyong puso.” Tinatawag ito ng iba na langit. Ang Bibliya ay nagbibigay ng isang malinaw na sagot, gaya ng makikita natin.

ISANG KAHARIAN NA MAY LAYUNIN

4, 5. Bakit minabuti ni Jehova na gumamit ng bagong paraan ng pagtatanghal sa kaniyang soberanya, at ano ang isasagawa nito?

4 Sa mula’t mula pa’y ang Diyos na Jehova na ang Hari, o Soberanong Tagapamahala, ng buong sansinukob. Ang paglalang niya ng lahat ng bagay ang naglagay sa kaniya sa mataas na posisyong iyan. (1 Cronica 29:11; Awit 103:19; Gawa 4:24) Ngunit ang Kahariang ipinangaral ni Jesus ay kasunod, o pangalawahin, sa pansansinukob na soberanya ng Diyos. Ang Mesianikong Kahariang iyan ay may pantanging layunin, ngunit ano ba iyon?

5 Gaya ng ipinaliwanag sa kabanata 6, naghimagsik ang unang mag-asawang tao laban sa awtoridad ng Diyos. Dahil sa mga usaping ibinangon, minabuti ng Diyos na gumamit ng isang bagong paraan ng pagtatanghal sa kaniyang soberanya. Ipinatalastas ng Diyos ang kaniyang layunin na magluwal ng isang “binhi” na dudurog sa Serpiyente, si Satanas, at mag-aalis ng mga epekto ng minanang kasalanan ng sangkatauhan. Ang pangunahing “binhi” ay si Jesu-Kristo, at “ang kaharian ng Diyos” ay ang ahensiya na siyang lubusang lulupig kay Satanas. Sa pamamagitan ng Kahariang ito, isasauli ni Jesu-Kristo ang pamamahala sa ibabaw ng lupa sa pangalan ni Jehova at ipagbabangong-puri ang matuwid na soberanya ng Diyos minsan at magpakailanman.​—Genesis 3:15; Awit 2:​2-9.

6, 7. (a) Nasaan ang Kaharian, at sino ang Hari at ang kaniyang kasamahang mga tagapamahala? (b) Sino ang mga sakop ng Kaharian?

6 Ayon sa isang salin ng pananalita ni Jesus sa balakyot na mga Fariseo, sinabi niya: “Ang kaharian ng Diyos ay nasa inyo.” (Lucas 17:​21, King James Version) Ibig bang sabihin ni Jesus na ang Kaharian ay nasa balakyot na puso ng tiwaling mga taong iyon? Hindi. Ganito ang sinasabi ng mas tumpak na salin ng orihinal na wikang Griego: “Ang kaharian ng Diyos ay nasa gitna ninyo.” (Bagong Sanlibutang Salin) Samakatuwid, si Jesus, na nasa gitna nila, ay tumukoy sa kaniyang sarili bilang ang darating na Hari. Ibang-iba sa pagiging isang bagay na nasa puso ng isang tao, ang Kaharian ng Diyos ay isang tunay at nanunungkulang pamahalaan na may tagapamahala at mga sakop. Ito ay isang makalangit na pamahalaan, yamang ang tawag dito’y kapuwa “ang kaharian ng mga langit” at “ang kaharian ng Diyos.” (Mateo 13:11; Lucas 8:10) Sa pangitain, minasdan ni propeta Daniel ang Tagapamahala nito bilang “isang gaya ng anak ng tao” na dinala sa harap ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat at binigyan ng namamalaging “pamamahala at dignidad at kaharian, upang ang mga bayan, mga grupong pambansa at mga wika ay maglingkod ngang lahat sa kaniya.” (Daniel 7:​13, 14) Sino ang Haring ito? Buweno, tinatawag ng Bibliya si Jesu-Kristo na “ang Anak ng tao.” (Mateo 12:40; Lucas 17:26) Oo, hinirang ni Jehova ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, upang maging Hari.

7 Si Jesus ay hindi namamahalang mag-isa. Kasama niya ang 144,000 na “binili mula sa lupa” upang maging kasamahang mga hari at saserdote. (Apocalipsis 5:​9, 10; 14:​1, 3; Lucas 22:​28-30) Ang magiging sakop ng Kaharian ng Diyos ay isang pangglobong pamilya ng mga tao na nagpapasakop sa pangunguna ni Kristo. (Awit 72:​7, 8) Ngunit, papaano tayo makatitiyak na talaga ngang ipagbabangong-puri ng Kahariang iyan ang soberanya ng Diyos at isasauli ang malaparaisong kalagayan sa ating lupa?

ANG PAGIGING TOTOO NG KAHARIAN NG DIYOS

8, 9. (a) Papaano natin mailalarawan ang pagkamaaasahan ng mga pangako ng Kaharian ng Diyos? (b) Bakit tayo makatitiyak na ang Kaharian ay talagang totoo?

8 Gunigunihin mo na ang iyong bahay ay natupok ng apoy. Ngayon ay nangako ang isang may kakayahang kaibigan na tutulungan kang maitayong-muli ang iyong bahay at pakakanin ang iyong pamilya. Kung palaging nagsasabi sa iyo ng totoo ang kaibigang iyan, hindi ka pa ba maniniwala sa kaniya? Halimbawang sa pag-uwi mo kinabukasan galing sa trabaho ay nakita mong nagsisimula nang hawanin ng mga manggagawa ang mga labí ng sunog at nadalhan na ng pagkain ang iyong pamilya. Walang alinlangang malulubos ang iyong pagtitiwala na darating ang panahon, at hindi lamang maisasauli ang mga bagay-bagay kundi magiging mas mabuti pa kaysa rati.

9 Sa gayunding paraan, tinitiyak sa atin ni Jehova ang pagiging totoo ng Kaharian. Gaya ng ipinakikita sa aklat ng Bibliya na Hebreo, maraming pitak ng Batas ang naging anino ng kaayusan ng Kaharian. (Hebreo 10:1) Ang mga patiunang silahis ng pag-asa ng Kaharian ng Diyos ay nakita rin sa makalupang kaharian ng Israel. Iyon ay hindi basta ordinaryong pamahalaan lamang, sapagkat ang mga tagapamahala ay nakaupo sa “trono ni Jehova.” (1 Cronica 29:23) Isa pa, patiuna nang sinabi: “Ang setro ay hindi mahihiwalay sa Juda, ni ang baston ng kumandante sa pagitan ng kaniyang mga paa, hanggang sa dumating ang Shiloh; at sa kaniya tatalima ang mga bayan.” (Genesis 49:10) a Oo, mula sa angkang ito ng mga haring Judeano ipanganganak ang permanenteng Hari ng pamahalaan ng Diyos, si Jesus.​—Lucas 1:​32, 33.

10. (a) Kailan naitatag ang pundasyon ng Mesianikong Kaharian ng Diyos? (b) Anong mahalagang gawain sa lupa ang pangungunahan ng magiging kasamang-tagapamahala ni Jesus?

10 Ang pundasyon ng Mesianikong Kaharian ng Diyos ay itinatag nang piliin ang mga apostol ni Jesus. (Efeso 2:​19, 20; Apocalipsis 21:14) Sila ang nauna sa 144,000 na mamamahala sa langit bilang kasamahang mga hari kapiling ni Jesu-Kristo. Habang nasa lupa, pangungunahan nitong mga magiging kasamang-tagapamahala ang isang kampanya ng pagpapatotoo, bilang pagsunod sa utos ni Jesus na: “Humayo kayo . . . at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu.”​—Mateo 28:19.

11. Papaano ginaganap ang gawaing pangangaral ng Kaharian sa ngayon, at ano ang isinasagawa nito?

11 Ang utos na gumawa ng mga alagad ay tinutupad na ngayon sa isang walang katulad na lawak. Ipinahahayag ng mga Saksi ni Jehova ang mabuting balita ng Kaharian sa buong daigdig, kasuwato ng makahulang pananalita ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Bilang isang bahagi ng gawaing pangangaral ng Kaharian, isinasagawa na ang isang malawakang programa ng edukasyon. Yaong mga nagpapasakop sa mga batas at simulain ng Kaharian ng Diyos ay nagtatamasa ngayon pa lamang ng kapayapaan at pagkakaisang di-kayang matamo ng mga pamahalaan ng tao. Lahat ng ito ay nagbibigay ng maliwanag na katibayan na totoo nga ang Kaharian ng Diyos!

12. (a) Bakit angkop lamang na tawagin ang mga tagapaghayag ng Kaharian na mga Saksi ni Jehova? (b) Papano naiiba ang Kaharian ng Diyos sa mga pamahalaan ng tao?

12 Sinabi ni Jehova sa mga Israelita: “Kayo’y aking mga saksi, . . . samakatuwid nga’y ang aking lingkod na aking pinili.” (Isaias 43:​10-12) Si Jesus, “ang Tapat na Saksi,” ay buong-sigasig na nagpahayag ng mabuting balita ng Kaharian. (Apocalipsis 1:5; Mateo 4:17) Kaya angkop lamang na taglayin ng kasalukuyang mga tagapaghayag ng Kaharian ang bigay-Diyos na pangalang mga Saksi ni Jehova. Ngunit bakit nga ba ang mga Saksi ay gumugugol ng napakaraming panahon at pagsisikap na ipakipag-usap sa iba ang tungkol sa Kaharian ng Diyos? Ginagawa nila ito sapagkat ang Kaharian ang tanging pag-asa ng sangkatauhan. Magwawakas ang mga pamahalaan ng tao sa malao’t madali, ngunit hindi kailanman ang Kaharian ng Diyos. Ang Tagapamahala nito na si Jesus ay tinatawag ng Isaias 9:​6, 7 na “Prinsipe ng Kapayapaan” at idinaragdag pa: “Sa paglago ng kaniyang pamamahala bilang prinsipe at sa kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas.” Ang Kaharian ng Diyos ay di-gaya ng mga pamahalaan ng tao​—naririto ngayon, bukas wala na. Sa katunayan, ganito ang sabi ng Daniel 2:44: “Ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kahariang iyon ay hindi ibibigay sa ibang bayan. . . . Iyon sa ganang sarili ay mananatili hanggang sa panahong walang takda.”

13. (a) Ano ang ilang suliranin na matagumpay na haharapin ng Kaharian ng Diyos? (b) Bakit tayo makatitiyak na matutupad ang mga pangako ng Diyos?

13 Sinong haring tao ang makapag-aalis ng digmaan, krimen, sakit, pagkagutom, at kawalan ng tahanan? Isa pa, sinong makalupang tagapamahala ang makabubuhay-muli sa mga namatay na? Ang mga bagay na ito’y haharapin ng Kaharian ng Diyos at ng Hari nito. Hindi magkakaroon ng anumang depekto ang Kaharian, di-tulad ng sirang kagamitan na palagi nang kailangang kumpunihin. Sa halip, magtatagumpay ang Kaharian ng Diyos, sapagkat nangangako si Jehova: “Ang aking salita na lumalabas sa aking bibig . . . hindi babalik sa akin nang walang bunga, kundi tiyakang gagawin nito ang kinalulugdan ko, at tiyakang magtatagumpay ito sa pinagsuguan ko.” (Isaias 55:11) Hindi mabibigo ang layunin ng Diyos, ngunit kailan ba nakatakdang magsimula ang pamamahala ng Kaharian?

PAMAMAHALA NG KAHARIAN​—KAILAN?

14. Anong maling pagkaunawa ang tinaglay ng mga alagad ni Jesus tungkol sa Kaharian, ngunit ano ang alam ni Jesus tungkol sa kaniyang pamamahala?

14 “Panginoon, isasauli mo ba ang kaharian sa Israel sa panahong ito?” Ang tanong na ito na iniharap ng mga alagad ni Jesus ay nagsisiwalat na noon ay hindi pa nila alam ang layunin ng Kaharian ng Diyos at ang itinakdang panahon ng pagpapasimula ng pamamahala nito. Bilang babala sa kanila na huwag manghinuha tungkol sa bagay na ito, sinabi ni Jesus: “Hindi sa inyo ang alamin ang mga panahon o mga kapanahunan na inilagay ng Ama sa kaniyang sariling hurisdiksiyon.” Alam ni Jesus na ang kaniyang pamamahala sa ibabaw ng lupa ay nakalaan ukol sa hinaharap, matagal pa pagkatapos na siya’y buhaying-muli at umakyat sa langit. (Gawa 1:​6-11; Lucas 19:​11, 12, 15) Inihula ito sa Kasulatan. Papaano?

15. Papaano nagbibigay-liwanag ang Awit 110:1 sa panahon ng pamamahala ni Jesus?

15 Sa makahulang pagtukoy kay Jesus bilang “Panginoon,” sinabi ni Haring David: “Ang sinabi ni Jehova sa aking Panginoon ay: ‘Umupo ka sa aking kanang kamay hanggang sa ilagay ko ang iyong mga kaaway na tuntungan ng iyong mga paa.’ ” (Awit 110:1; ihambing ang Gawa 2:​34-36.) Ipinahihiwatig ng hulang ito na ang pamamahala ni Jesus ay hindi magsisimula karaka-raka pag-akyat niya sa langit. Sa halip, siya’y maghihintay sa kanang kamay ng Diyos. (Hebreo 10:​12, 13) Gaano katagal ang paghihintay na ito? Kailan magsisimula ang kaniyang pamamahala? Tinutulungan tayo ng Bibliya na masumpungan ang mga sagot.

16. Ano ang naganap noong 607 B.C.E., at ano ang kaugnayan nito sa Kaharian ng Diyos?

16 Ang tanging lunsod sa buong lupa na pinaglagyan ng pangalan ni Jehova ay ang Jerusalem. (1 Hari 11:36) Iyon din ang kabisera ng sinang-ayunan ng Diyos na makalupang kaharian na siyang larawan ng makalangit na Kaharian ng Diyos. Samakatuwid, totoong makahulugan ang ginawang pagwasak ng Babilonya sa Jerusalem noong 607 B.C.E. Ang pangyayaring ito ay nagtakda ng pasimula ng isang mahaba ngunit pansamantalang pagkahinto ng tuwirang pamamahala ng Diyos sa kaniyang bayan sa lupa. Pagkaraan ng mga anim na siglo, ipinakita ni Jesus na ang panahong ito ng nahintong pamamahala ay umiiral pa rin, sapagkat sinabi niya: “Ang Jerusalem ay yuyurakan ng mga bansa, hanggang sa ang itinakdang panahon ng mga bansa ay matupad.”​—Lucas 21:24.

17. (a) Ano “ang itinakdang panahon ng mga bansa,” at hanggang kailan ito tatagal? (b) Kailan nagsimula at nagwakas “ang itinakdang panahon ng mga bansa”?

17 Sa loob ng “itinakdang panahon ng mga bansa,” pahihintulutang ihinto pansamantala ng makasanlibutang mga pamahalaan ang pamamahalang sinang-ayunan ng Diyos. Nagsimula ang yugtong iyan nang mawasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E., at ipinahiwatig ni Daniel na ito’y magpapatuloy sa loob ng “pitong panahon.” (Daniel 4:​23-25) Gaano kahaba iyon? Ipinakikita ng Bibliya na ang tatlo at kalahating “panahon” ay katumbas ng 1,260 araw. (Apocalipsis 12:​6, 14) Ang dalawang ulit ng yugtong iyan, o pitong panahon, ay magiging 2,520 araw. Ngunit walang anumang kapansin-pansin na naganap nang magwakas ang maikling yugto ng panahong iyan. Gayunman, sa pagkakapit ng “isang araw sa isang taon” sa hula ni Daniel at sa pagbilang ng 2,520 taon mula noong 607 B.C.E., hahantong tayo sa taóng 1914 C.E.​—Bilang 14:34; Ezekiel 4:6.

18. Ano ang ginawa ni Jesus karaka-raka pagkatanggap ng kapangyarihan sa Kaharian, at papaano ito nakaapekto sa lupa?

18 Nagsimula na bang maghari si Jesus sa langit noong panahong iyon? Ang maka-Kasulatang mga dahilan na nagsasabing gayon nga ay tatalakayin sa susunod na kabanata. Mangyari pa, ang pasimula ng pamamahala ni Jesus ay hindi kakikitaan ng kagyat na kapayapaan sa lupa. Ipinakikita ng Apocalipsis 12:​7-12 na karaka-raka pagkatanggap ng Kaharian, palalayasin ni Jesus si Satanas at ang mga demonyong anghel mula sa langit. Ito’y mangangahulugan ng kaabahan para sa lupa, ngunit nakapagpapatibay namang mabasa na ang Diyablo ay mayroon na lamang “maikling yugto ng panahon” na natitira. Di-magtatagal, tayo’y makapagsasaya na hindi lamang dahil sa namamahala na ang Kaharian ng Diyos kundi dahil sa ito’y magdudulot din ng mga pagpapala sa lupa at sa masunuring sangkatauhan. (Awit 72:​7, 8) Papaano natin malalaman na ito’y malapit nang maganap?

[Talababa]

a Ang pangalang Shiloh ay nangangahulugang “Siya na May Taglay Niyaon; Siya na Nagmamay-ari Niyaon.” Dumating ang panahon, naging maliwanag na ang “Shiloh” ay si Jesu-Kristo, “ang Leon na mula sa tribo ni Juda.” (Apocalipsis 5:5) Pinalitan lamang ng ilang Judiong Targum ang salitang “Shiloh” ng “ang Mesiyas” o “ang haring Mesiyas.”

SUBUKIN ANG IYONG KAALAMAN

Ano ang Kaharian ng Diyos, at mula saan ito namamahala?

Sino ang namamahala sa Kaharian, at sino ang mga sakop nito?

Papaano tinitiyak sa atin ni Jehova na ang kaniyang Kaharian ay talagang totoo?

Kailan nagsimula at nagwakas “ang itinakdang panahon ng mga bansa”?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Kahon sa pahina 94]

ILANG MAHAHALAGANG PANGYAYARING MAY KAUGNAYAN SA KAHARIAN NG DIYOS

• Ipinatalastas ni Jehova ang kaniyang layunin na magluwal ng isang “binhi” na dudurog sa ulo ng Serpiyente, si Satanas na Diyablo.​—Genesis 3:15.

• Noong 1943 B.C.E., ipinahiwatig ni Jehova na ang magiging ‘binhing’ ito ay isang taong inapo ni Abraham.​—Genesis 12:​1-3, 7; 22:18.

• Ang tipang Batas na ibinigay sa Israel noong 1513 B.C.E. ay naglalaan ng “isang anino ng mabubuting bagay na darating.”​—Exodo 24:​6-8; Hebreo 10:1.

• Nagsimula ang makalupang kaharian ng Israel noong 1117 B.C.E., at pagkaraan ay nagpatuloy ito sa hanay ni David.​—1 Samuel 11:15; 2 Samuel 7:​8, 16.

• Nawasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E., at “ang itinakdang panahon ng mga bansa” ay nagsimula.​—2 Hari 25:​8-10, 25, 26; Lucas 21:24.

• Noong 29 C.E., pinahiran si Jesus bilang Haring-Hinirang at sinimulan ang kaniyang makalupang ministeryo.​—Mateo 3:​16, 17; 4:17; 21:​9-11.

• Noong 33 C.E., umakyat si Jesus sa langit, na doo’y naghintay siya sa kanang kamay ng Diyos hanggang sa magsimula ang kaniyang pamamahala.​—Gawa 5:​30, 31; Hebreo 10:​12, 13.

• Iniluklok sa trono si Jesus sa makalangit na Kaharian noong 1914 C.E. sa pagwawakas ng “itinakdang panahon ng mga bansa.”​—Apocalipsis 11:15.

• Si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay inihagis sa kapaligiran ng lupa at kasalukuyang nagdadala ng tumitinding kaabahan sa sangkatauhan.​—Apocalipsis 12:​9-12.

• Pinangangasiwaan ni Jesus ang pambuong-daigdig na pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.​—Mateo 24:14; 28:​19, 20.