KUWENTO 9
Nagtayo si Noe ng Daong
SI NOE ay may asawa at tatlong anak na lalaki. Ang pangalan ng kaniyang mga anak ay sina Sem, Ham at Japet. Bawa’t isa sa mga anak na ito ay may asawa. Kaya walo silang lahat sa pamilya ni Noe.
Sinabi ngayon ng Diyos kay Noe na magtayo ng malaking daóng. Ang daóng na ito ay kasinglaki ng barko, pero kagaya ito ng isang malaki at mahabang kahon. Magkakaroon ito ng tatlong palapag. Magkakaroon ito ng mga kuwarto para kay Noe at sa pamilya niya, para sa mga hayop at para sa kanilang pagkain.
Sinabi ng Diyos kay Noe: ‘Magpapadala ako ng malaking baha para gunawin ang buong mundo. Lahat ng nasa labas ng daóng ay mamamatay.’
Si Noe at ang kaniyang mga anak ay sumunod kay Jehova at inumpisahan nila ang pagtatayo. Pero pinagtawanan lang sila ng mga tao. Walang naniwala kay Noe nang sabihin niya kung ano ang gagawin ng Diyos.
Pagkaraan ng maraming taon, natapos din ang daóng. Sinabi ngayon ng Diyos kay Noe na ipasok na ang mga hayop at ibon sa daóng. Sinabi ng Diyos na may mga hayop na dadalhin niya nang daladalawa, isang lalaki at isang babae. Pero may ibang hayop na dadalhin niya nang tigpipito. Sinunod ni Noe ang sinabi ng Diyos.
Pagkatapos, pumasok na si Noe at ang pamilya niya sa daóng. Isinara ng Diyos ang pinto. Kunwari, naroon ka sa loob ng daóng, naghihintay na kasama nila. Talaga kayang magkakaroon ng baha?