Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KUWENTO 54

Ang Pinakamalakas na Tao

Ang Pinakamalakas na Tao

ALAM mo ba ang pangalan ng pinakamalakas na tao na nabuhay sa lupa? Siya ay isang hukom na nagngangalang Samson. Si Jehova ang nagbibigay ng lakas kay Samson. Hindi pa ipinapanganak si Samson, sinabi na ni Jehova sa nanay niya: ‘Ililigtas ng anak mo ang Israel mula sa mga Pilisteo.’

Ang mga Pilisteo ay masasamang tao na nakatira sa Canaan. Talagang pinahihirapan nila ang mga Israelita. Minsan, nang si Samson ay papunta sa mga Pilisteo, napatay niya ang isang malaking leon sa pamamagitan lang ng dalawa niyang kamay. Pumatay din siya ng daan-daang masasamang Pilisteo.

Pagkatapos, si Samson ay umibig sa isang babaeng nagngangalang Delila. Nangako ang mga lider na Pilisteo kay Delila na bawat isa sa kanila ay magbibigay ng 1,100 piraso ng pilak kung sasabihin niya sa kanila ang lihim ng kalakasan ni Samson. Kaya pilit na itinanong ni Delila kay Samson kung bakit siya malakas.

Sinabi ni Samson kay Delila: ‘Ang buhok ko ay hindi pa nagugupitan. Mula nang ipanganak ako, pinili ako ng Diyos para maging pantanging lingkod niya na kung tawagin ay Nazareo. Kung gugupitin ang buhok ko, mawawala ang aking lakas.’

Pinatulog ni Delila si Samson sa kandungan niya. Saka tumawag siya ng isang lalaki para gupitin ang buhok nito. Nang magising si Samson, wala na ang lakas niya. Hinuli siya ng mga Pilisteo at ginawang alipin. Dinukit nila ang dalawang mata niya.

Isang araw, nagdaos ang mga Pilisteo ng malaking salu-salo bilang pagsamba sa diyos nilang si Dagon, at inilabas nila si Samson mula sa bilangguan para gawin siyang katatawanan. Pero humaba na uli ang buhok ni Samson. Hiniling niya na akayin siya sa dalawang haligi na tumutukod sa bahay. Pagkatapos ay nanalangin siya kay Jehova para palakasin siya: ‘Pabayaan mo akong mamatay na kasama ng mga Pilisteo.’ Ibinuwal ni Samson ang mga haligi, at ang 3,000 nagdadaos ng salu-salo ay nadaganan ng bahay, kaya namatay ang lahat ng masasamang taong iyon.