KUWENTO 109
Dinalaw ni Pedro si Cornelio
SI APOSTOL Pedro yaong nakatayo, at ang mga nasa likuran niya ay ilan sa kaniyang mga kaibigan. Pero bakit may yumuyuko kay Pedro? Dapat ba? Sino kaya siya?
Siya’y si Cornelio, pinuno sa hukbong Romano. Inutusan siya na anyayahan si Pedro sa kaniyang bahay. Alamin natin kung bakit.
Ang unang mga tagasunod ni Jesus ay mga Hudiyo. Si Cornelio ay hindi Hudiyo. Pero mahal niya ang Diyos at gumagawa siya ng mabuti sa iba. Isang hapon, may anghel na nagpakita sa kaniya at nagsabi: ‘Natutuwa ang Diyos sa iyo at didinggin niya ang iyong mga panalangin. Ipasundo mo ang lalaking nagngangalang Pedro. Nakatira siya sa Joppe sa bahay ni Simon.’
Noon din, inutusan ni Cornelio ang ilang lalaki para hanapin si Pedro. Kinaumagahan, si Pedro ay nasa bubungan ng bahay ni Simon. Ipinakita sa kaniya ng Diyos ang isang pangitain ng malaking balutan na punung-puno ng mga hayop. Ayon sa batas ng Diyos, ang mga hayop na ito ay marurumi at di dapat kanin, pero isang boses ang nagsabi: ‘Bumangon ka, Pedro. Pumatay ka at kumain.’
‘Hindi!’ sagot ni Pedro. ‘Kailanma’y hindi pa ako kumain ng marumi.’ Pero sinabi uli ng boses: ‘Huwag mong tawagin na marumi ang mga bagay na nilinis ng Diyos.’ Tatlong beses nangyari ito, kaya nagtaka si Pedro sa kahulugan nito. Pagkatapos ay dumating ang mga lalaking inutusan ni Cornelio at ipinagtanong si Pedro.
Sinalubong sila ni Pedro. Sinabi ng mga lalaki na isang anghel ang nag-utos kay Cornelio para anyayahan si Pedro sa bahay niya. Pumayag si Pedro kaya kinaumagahan ay umalis na sila.
Pagdating doon, sinalubong sila ni Cornelio. Lumuhod ito at yumuko sa paanan ni Pedro. Pero sinabi ni Pedro: ‘Tumayo ka; ako rin ay tao lang.’ Oo, ipinapakita ng Bibliya na maling yumuko sa isang tao. Si Jehova lang ang dapat nating sambahin.
Nangaral si Pedro sa mga nagkakatipon. Samantalang nagsasalita siya, ipinadala ng Diyos ang kaniyang banal na espiritu, at ang mga tao ay nakapagsalita sa iba’t-ibang wika. Namangha ang mga alagad na kasama ni Pedro, kasi akala nila ang Diyos ay sa mga Hudiyo lang may paglingap. Kaya nalaman nila na ang Diyos ay hindi nagtatangi ng tao sa alinmang bansa. Hindi ba mabuting tandaan ito?