Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KUWENTO 78

Ang Sulat-Kamay sa Pader

Ang Sulat-Kamay sa Pader

ANO ang nangyayari dito? Inanyayahan ng hari ng Babilonya ang isang libong importanteng tao sa isang malaking handaan. Ginagamit nila ang mga ginto at pilak na mga kopa at mangkok na kinuha sa templo ni Jehova sa Jerusalem. Walang anu-ano, lumitaw ang mga daliri ng isang tao at nagpasimula itong sumulat sa pader. Lahat ay nangilabot.

Ang hari ngayon ay si Belsasar na apo ni Nabukodonosor. Inalok niya ang kaniyang mga tagapayo ng maraming regalo basta ipaliwanag lang nila sa kaniya kung ano ang kahulugan ng sulat-kamay. Pero, ni isa sa pantas na mga taong ito ay walang makabasa o makapagbigay ng kahulugan.

Narinig ng nanay ng hari ang pagkakagulo kaya pumasok ito sa malaking silid-kainan. ‘Huwag sana ninyong ikatakot ito,’ sabi niya sa hari. ‘May lalaki sa iyong kaharian na inilagay ni Nabukodonosor bilang pinuno ng lahat ng kaniyang matatalinong lalaki. Daniel ang pangalan niya. Sasabihin niya sa inyo kung ano ang kahulugan ng lahat ng ito.’

Agad ipinatawag si Daniel. Ayaw niyang tumanggap ng regalo. Sinabi niya na noong araw ay inalis ni Jehova si Nabukodonosor sa pagiging hari kasi masyadong mayabang.

‘At ngayon, ikaw,’ sabi ni Daniel kay Belsasar, ‘maski alam mo na kung ano ang nangyari sa kaniya, ay mayabang pa ring gaya niya. Ininuman mo ang mga kopa at mangkok mula sa templo ni Jehova. Sinamba mo ang mga diyus-diyosan sa halip na si Jehova. Kaya ipinadala ng Diyos ang kamay na ito para isulat ang mga salitang ito.’

‘Ganito nga ang nakasulat,’ sabi ni Daniel: ‘MENE, MENE, TEKEL at PARSIN.’

‘Ang MENE ay nangangahulugan na binilang ng Diyos ang mga araw ng iyong kaharian at kaniyang wawakasan ito. Ang TEKEL ay nangangahulugan na ikaw ay tinimbang at nasumpungang masama. Ang PARSIN ay nangangahulugan na ang kaharian mo ay ibibigay sa mga Medo at Persiyano.’

Nang gabi ring iyon ang mga Medo at Persiyano ay sumalakay sa Babilonya. Inagaw nila ang lunsod at pinatay nila si Belsasar. Ano ngayon ang mangyayari sa mga Israelita? Malalaman natin. Pero alamin muna natin kung ano ang mangyayari kay Daniel.