KUWENTO 65
Nahati ang Kaharian
ALAM mo ba kung bakit pinagpupunit-punit ng lalaking ito ang kaniyang damit? Inutusan siya ni Jehova na gawin ito. Ang lalaking ito ay ang propeta ng Diyos na si Ahias. Ang isang propeta ay isang tao na sinasabihan ng Diyos kung ano ang mangyayari bago pa ito dumating.
Dito ay nakikipag-usap si Ahias kay Jeroboam. Si Jeroboam ang pinamahala ni Solomon sa trabaho. Nang masalubong ni Ahias si Jeroboam, hinubad niya ang kaniyang bagong damit at pinagpunitpunit ito sa 12 piraso. Pagkatapos ay binigyan niya si Jeroboam ng 10 piraso. Alam mo ba kung bakit?
Ipinaliwanag ni Ahias na kukunin ni Jehova ang kaharian mula kay Solomon. Ibibigay ni Jehova ang 10 tribo kay Jeroboam, at ititira lang niya ang dalawang tribo para sa anak ni Solomon, si Roboam.
Nagalit si Solomon nang mabalitaan niya ito, kaya tumakas si Jeroboam patungong Ehipto. Nang mamatay na si Solomon, ang anak niyang si Roboam ang ginawang hari. Nang mabalitaan ni Jeroboam na namatay na si Solomon, bumalik na siya uli sa Israel.
Si Roboam ay hindi naging isang mabuting hari. Naging malupit siya sa bayan. Si Jeroboam at ang ibang mga lalaki ay pumunta sa hari at nakiusap sa kaniya na sana’y maging mabait siya, pero lalo lang siyang naging malupit. Kaya si Jeroboam ay ginawa ng mga tao na hari sa 10 tribo, pero si Roboam ang kinilala ng dalawang tribo ng Benjamin at Juda bilang kanilang hari.
Ayaw payagan ni Jeroboam ang mga mamamayan na sumamba sa templo sa Jerusalem, kaya gumawa siya ng dalawang gintong baka at hinikayat ang taong-bayan na sumamba dito. Hindi nagtagal at ang lupain ay napuno ng kasamaan.
Nagkaroon din ng gulo sa dalawang-tribong kaharian. Hindi nagtagal pagkatapos na maging hari si Roboam, ang hari ng Ehipto ay sumalakay laban sa Jerusalem. Marami siyang kinuhang kayamanan mula sa templo ni Jehova.