Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KUWENTO 59

Kung Bakit Dapat Tumakas si David

Kung Bakit Dapat Tumakas si David

PAGKATAPOS mapatay ni David si Goliat, tuwang-tuwa si Saul sa kaniya. Ginawa niyang hepe si David sa kaniyang hukbo at pinatira siya sa bahay ng hari.

Nang magbalik ang hukbo mula sa digmaan, si David ang higit na pinarangalan ng mga babae at hindi si Saul. Kaya nainggit si Saul. Pero hindi nainggit si Jonatan na anak ni Saul. Mahal-na-mahal niya si David, at mahal din ni David si Jonatan. Ang dalawa ay nagsumpaan na lagi silang magiging magkaibigan.

Mahusay tumugtog si David sa alpa, at gusto siyang pakinggan ni Saul. Pero isang araw dahil sa inggit ni Saul ay gumawa ito ng isang masamang bagay. Samantalang tumutugtog si David sa alpa, hinagisan siya ni Saul ng sibat. Umilag si David kaya hindi tumama ang sibat. Pagkatapos nito ay muntik na namang tamaan ni Saul si David. Kaya alam ni David na dapat siyang mag-ingat.

Naalaala mo ba na ang makakapatay kay Goliat ay tatanggap sa anak ni Saul bilang kaniyang asawa? Sinabi nga ni Saul na puwedeng mapangasawa ni David ang anak niyang si Michal, pero dapat muna itong pumatay ng 100 kaaway na Pilisteo. Biro mo iyon! Gusto talaga ni Saul na si David ay mapatay ng mga Pilisteo. Pero hindi nila ito nagawa, kaya ibinigay ni Saul ang anak niya para mapangasawa ni David.

Isang araw sinabi ni Saul kay Jonatan at sa lahat ng alipin na binabalak niyang patayin si David. Pero sinabi ni Jonatan: ‘Huwag n’yong gawin iyan. Wala namang ginagawang masama si David sa inyo.’

Kaya nangako si Saul na hindi niya sasaktan si David. Ibinalik si David, at nagsilbi uli siya kay Saul sa bahay nito. Pero, isang araw, sinibat na naman ni Saul si David. Umilag si David kaya hindi siya tinamaan. Ikatlong beses na ito! Alam ni David na dapat siyang tumakas.

Nang gabing iyon umuwi si David sa sarili niyang bahay. Pero nag-utos si Saul na patayin siya. Alam ni Michal ang gagawin ng tatay niya, kaya tinulungan niya si David na tumakas. Sa loob ng pitong taon, nagtago si David sa iba’t-ibang lugar, para hindi siya makita ni Saul.