KUWENTO 98
Sa Bundok ng mga Olibo
ITO ay si Jesus na nasa Bundok ng mga Olibo. Ang apat na lalaking kasama niya ay ang kaniyang mga apostol. Sila’y sina Andres, Pedro, Santiago at Juan. Nakikita mo ba sa larawan ang templo ng Diyos sa Jerusalem?
Martes noon, dalawang araw pagkatapos na pumasok si Jesus sa Jerusalem sakay ng isang asno. Maaga pa nang araw na iyon, sinikap ng mga saserdote na dakpin si Jesus at patayin siya. Pero natatakot silang gawin ito kasi gusto si Jesus ng mga tao.
Sinabi ni Jesus sa mga pinunong relihiyosong yaon na parurusahan sila ng Diyos dahil sa kasamaan ng kanilang ginawa. Pagkatapos nito, umakyat si Jesus sa Bundok ng mga Olibo, at ang apat na mga apostol na ito ay nagsimulang magtanong sa kaniya.
Gusto nilang malaman kung kailan pahihintuin ni Jesus ang lahat ng kasamaan at kung kailan siya babalik para magpuno bilang hari.
Alam ni Jesus na sa kaniyang pagbabalik ay hindi na siya uli makikita ng kaniyang mga tagasunod sa lupa. Kasi nasa langit ng siya. Kaya inisa-isa ni Jesus sa kaniyang mga apostol ang ilan sa mga bagay na mangyayari sa lupa kapag nagsimula na siyang magpuno bilang Hari mula sa langit.
Sinabi ni Jesus na magkakaroon ng malalaking digmaan, maraming tao ang magkakasakit at magugutom, lalago ang krimen at magkakaroon ng malalakas na lindol. Sinabi din ni Jesus na ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos ay ipangangaral sa buong lupa. Nakikita na ba nating natutupad ang mga ito sa panahon natin? Oo! Kaya natitiyak natin na si Jesus ay nagpupuno na ngayon sa langit. Hindi na magtatagal at wawakasan na niya ang lahat ng kasamaan sa lupa.