Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Israel: Nangangaral tungkol sa Kaharian ng Diyos gamit ang tablet

PANGANGARAL AT PAGTUTURO SA BUONG LUPA

Asia at Gitnang Silangan

Asia at Gitnang Silangan
  • LUPAIN 49

  • POPULASYON 4,409,131,383

  • MAMAMAHAYAG 718,716

  • PAG-AARAL SA BIBLIYA 766,364

Isang Daang Oras Para sa Isang Daang Taon

Sa isang bansa sa Asia, isang sikát na artista at modelo ang tumanggap ng Bible study. Agad niyang ikinapit ang mga natutuhan niya at itinapon ang kaniyang mga literatura sa espiritismo at mga imahen sa Budismo.

Nakiusap sa kaniya ang kaibigan niya at sinabi: “Puwede bang tumigil ka munang mag-study kahit tatlong taon lang at magpokus sa career mo? Pagkatapos no’n, puwede ka nang mag-study ulit.”

Sinabi ng babae: “Naghintay ako nang 24 na taon para mahanap si Jehova. Bakit pa ako maghihintay nang tatlong taon para makilala siya?”

Nang mismong linggong gagampanan niya ang unang bahagi niya sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, isang film company ang kumontak sa kaniya. Inalok siya ng apat-na-taóng kontrata sa pelikula sa kondisyong tatanggapin niya ang anumang papel na ibibigay sa kaniya. Tinanggihan niya ito. Noong Mayo 2014, naging di-bautisadong mamamahayag siya, at pagtuntong ng Agosto, ipinasiya niyang gumugol ng 100 oras sa paglilingkod sa buwang iyon. Nang tanungin kung bakit, sinabi niya, “Gusto kong ipagdiwang ang 100 taon ng pamamahala ni Jesus sa pamamagitan ng pangangaral nang isang oras kada isang taon ng pamamahala niya!” Naabot ng babae ang tunguhin niya. Nabautismuhan siya noong Enero 2015 at isang auxiliary pioneer ngayon.

Sinamantala ang Magdamag sa Kulungan

Sa Sri Lanka, apat na sister ang sumakay ng bus papunta sa isang teritoryong hindi pa nagagawa. Karamihan sa lugar na iyon ay Budista. Noong ikalawang araw ng pangangaral nila, kinompronta sila ng isang monghe at isang tsuper ng taxi. Di-nagtagal, pinalibutan sila ng mga 30 katao na galít na galít. Pagdating ng mga pulis, dinala sa presinto ang mga sister at basta na lang ikinulong nang walang isinasampang kaso. Isang gabi silang nakakulong kasama ng mga pusakal na kriminal at pinagsalitaan nang masakit at malaswa, pero sinamantala nila ang pagkakakulong na iyon para magpatotoo. Sinabi ng isa sa mga sister: “Ikinulong ako kasama ng mga mamamatay-tao, pero nakapagpatotoo ako sa kanila. Nagtataka sila kung bakit ako nando’n at marami silang tanong tungkol sa aking paniniwala. May nagtanong pa nga, ‘Bakit ang saya-saya mo?’”

Tinanggap ng Korte Suprema ng Sri Lanka ang isinampa nating demanda laban sa mga pulis dahil ikinulong nila ang mga sister nang walang makatuwirang dahilan. Nakabinbin pa ang kaso.

Tulong Para sa Isang Babaeng Nakaratay

Si Michiko, isang sister na payunir sa Japan, ay nagtuturo ng Bibliya sa wikang pasenyas sa isang may-edad nang babae sa ospital. Tinanong ng sister ang staff ng ospital kung may iba pang pasyente na puwede niyang kausapin. Nakilala ni Michiko si Kazumi, na nakaririnig pero hindi nakapagsasalita. Naratay sa higaan si Kazumi dahil sa isang aksidente sa sasakyan sa edad na 23 at hindi na niya kayang lumunok ng pagkain ni uminom man ng tubig. Ang dami niyang tanong at agad na tinanggap ang pag-aaral sa Bibliya.

Ibinabangon ni Michiko ang mga tanong, at ginagamit naman ni Kazumi ang mga kamay niya para ituro ang sagot mula sa mga parapo o kaya’y isinusulat niya ang mga ito. Nang magka-cellphone si Kazumi, tinatawagan siya ni Michiko tuwing umaga para talakayin nila ang pang-araw-araw na teksto. Kahit humihina ang katawan ni Kazumi, lumalakas naman siya sa espirituwal at nagsabing gusto niyang maging Saksi ni Jehova. Sa edad na 61, makalipas ang 13 taon ng pag-aaral, naging di-bautisadong mamamahayag si Kazumi.

Dahil nakaratay na si Kazumi, isinaayos ng kongregasyon na mapakinggan niya ang lahat ng pulong ng kongregasyon pati na ang mga programa sa asamblea. Iba’t ibang sister ang bumabasa ng mga komentong inihanda ni Kazumi para sa pulong.

Sinusulatan ni Kazumi ang bawat estudyante sa Bibliya na dumadalo sa pulong para patibayin sila. Nangangaral din siya sa staff ng ospital at sa mga dumadalaw sa kaniya. Sinasabi ni Kazumi sa kanila, “Kapag nag-aral kayo ng Bibliya, magiging masaya kayo.”

Natuto ng Katotohanan ang Isang Monghe

Sa isang bansa sa Southeast Asia, isang sister ang nagpunta sa ospital para magpatingin sa mata. Nakausap niya roon ang isang monghe. Tinanong niya ito: “Gusto mo bang magkaroon ng perpektong kalusugan at mabuhay nang walang hanggan sa isang magandang lugar?” Naging maganda ang pag-uusap nila, at binigyan niya ito ng brosyur na Listen to God. Ibinigay ng monghe ang phone number niya, na ipinasa naman ng sister sa isang brother sa kongregasyon nila. Kinontak ng brother ang monghe at inimbita ito sa espesyal na pahayag. Nagustuhan ng monghe ang pulong, lalo na ang pag-awit ng mga Kingdom song. Humanga rin siya sa mainit na pagtanggap sa kaniya ng lahat ng naroon.

Nang magtanong ang monghe kung may unibersidad o seminaryo ang mga Saksi, ipinaliwanag ng brother na mayroon tayong kurso ng pag-aaral sa Bibliya at inalok niya ito ng pag-aaral. Nang sumunod na linggo, natapos ng monghe ang kabanata 1 ng aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? Nagpatuloy sa pag-aaral ang monghe, nagsimulang dumalo sa mga pulong, at nagkokomento na rin sa Pag-aaral sa Bantayan.

Nang dumalo ang monghe sa isang pansirkitong asamblea, inimbitahan siya ng kinatawan ng sangay na mag-tour sa Bethel. Nang sumunod na linggo, bumiyahe nang mga 10 oras ang monghe papunta sa Bethel, kung saan malugod siyang tinanggap. Noong katapusan ng Pebrero 2015, iniwan niya ang pagmomonghe at patuloy na nag-aral ng Bibliya at nakibahagi sa mga pulong.

Nawala, Pero Muling Natagpuan

Kamakailan, may ipinadalang mga payunir sa hilagang-silangan ng India, na maraming taon nang hindi napapaabutan ng mabuting balita. Marami silang natagpuang interesado at gusto nilang makahanap ng magandang lugar para makapagdaos ng mga pulong. Habang papunta sa isang Bible study, may nakita silang gusali na itinatayo at naisip nilang magtanong tungkol dito. Malayo-layo na sila nang ipasiya nilang bumalik. Sa likod ng gusali, may nakilala silang isang babaeng may-edad. Sinabi nila rito na mga Saksi ni Jehova sila. Natuwa ang babae at sinabi, “Saksi ni Jehova rin ako.” Pinapasok niya sila sa bahay at ipinakita ang koleksiyon niya ng mga literatura mula dekada ’70 at ’80. Nakipag-aral siya noon ng Bibliya sa mga payunir, 30 taon na ang nakararaan. Nakadalo rin siya sa ilang pulong kahit sinasalansang ng mister niya. Kumbinsido siyang natagpuan na niya ang katotohanan, pero naputol ang pakikipag-ugnayan niya sa organisasyon nang umalis ang mga payunir. May kani-kaniya nang relihiyon ang mga anak niya, pero ayaw pa rin niyang umanib sa anumang relihiyon.

Kamakailan, pinilit siya ng mga anak niya na mag-Katoliko para kapag namatay siya, mabibigyan siya ng Katolikong libing. Pinilit din siya ng kapatid niyang babae na isama sa simbahan para magpatala sa Katoliko, pero noong nasa daan na sila, natrapik sila at umuwi na lang ng bahay. Sinabi ng kapatid niya na babalik sila kinabukasan, pero nagkasakit naman siya. Nang mismong hapong iyon nakausap ng mga payunir ang interesadong babae! Nagba-Bible study na ulit siya ngayon, dumadalo sa mga pulong, at hinihimok ang mga anak at apo niya na mag-study rin.