Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Burundi: Ipinakikita ni Nolla ang kopya ng Ang Bantayan sa mga lalaking humingi sa kaniya ng baga

PANGANGARAL AT PAGTUTURO SA BUONG LUPA

Aprika

Aprika
  • LUPAIN 58

  • POPULASYON 1,082,464,150

  • MAMAMAHAYAG 1,453,694

  • PAG-AARAL SA BIBLIYA 3,688,959

Motorcycle Witnessing

Ang mga motorsiklong pampasada, na tinatawag na zem, ang karaniwang transportasyon sa mga lunsod sa timugang Benin. Naglagay si Désiré, isang auxiliary pioneer, ng audio player sa kaniyang zem at dalawang speaker ang nakatapat sa likuran para sa pasahero. Lagi siyang nagpapatugtog ng rekording ng mga publikasyon at drama sa Bibliya. Kapag may pasahero siya, kadalasan nang nakukuha agad ang atensiyon ng mga ito. Marami ang nawiwili sa kanilang naririnig, kaya kahit nakarating na sila sa pupuntahan nila, ayaw pa rin nilang bumaba at gusto pa nilang tapusin ang rekording. Sinabi ni Désiré: “Siyempre, gusto ko sanang magbayad na sila at bumaba na para makakuha naman ako ng ibang pasahero, pero alam kong mas mahalagang marinig nila ang mabuting balita kaysa sa pera. At saka nakakapamahagi ako ng maraming literatura dahil dito.”

Ang Batang Determinado

Si Nolla, anim na taóng gulang, at ang pamilya niya ay nakatira sa Burundi. Isang araw, habang nagluluto ang pamilya nila sa kalang de-uling, dalawang lalaking nagtatrabaho sa kapit-bahay ang humingi ng ilang baga. Si Nolla, na hindi pa pumapasok sa eskuwela, ang naroon nang dumating ang mga lalaki. Pinakuha naman niya sila ng ilang baga. Mayamaya, nadaanan ni Nolla ang dalawang lalaki at nakita niyang pinansindi nila ng sigarilyo ang baga. Nadismaya siya, kaya sinabihan niya ang mga lalaki, “Kung alam ko lang po na ipansisindi n’yo pala ng sigarilyo ang baga, hindi ko na sana kayo binigyan.” Naalala niya ang magasin sa Kingdom Hall na may larawan ng sigarilyo. Tumakbo siya roon para kumuha ng dalawang kopya ng Bantayan, Hunyo 1, 2014, na tungkol sa paninigarilyo. Binalikan ni Nolla ang mga lalaki, ibinigay ang mga magasin, at pinilit silang basahin agad ito. Di-nagtagal, nakita niya ulit sila at binigyan naman sila ng imbitasyon para sa panrehiyong kombensiyon. Humanga ang dalawang lalaki sa determinasyon ng bata, kaya napakilos silang dumalo nang dalawang araw sa kombensiyon. Sa panahon ng tanghalian, nakita sila ni Nolla at niyaya niya silang kumain kasama ng pamilya niya. Dahil sa nakita at narinig sa kombensiyon, nakipag-aral ng Bibliya ang dalawang lalaki.

Pangangaral sa Bilangguan

Ibinabahagi ng mga elder sa Liberia ang mensahe ng Kaharian sa mga nasa bilangguan. Si Yves, isang special pioneer sa kabisera sa Monrovia, ay nagsabi: “Noong Marso, tatlong preso ang naging kuwalipikado bilang mga di-bautisadong mamamahayag. Kaya anim na ngayon ang mamamahayag sa Monrovia Central Prison.” Paano sila nangangaral? “May pagtitipon sila sa paglilingkod sa larangan tuwing Miyerkules at Sabado,” ang paliwanag ni Yves. “Pagkatapos, pinapayagan silang pumasok sa bawat selda para ibahagi ang mensahe ng Bibliya sa kapuwa nila preso.” Maraming preso ang nag-aaral na ngayon ng Bibliya at dumadalo sa mga pulong sa loob ng bilangguan. Isang kinatawan mula sa tanggapang pansangay ang nagpahayag at 79 na preso ang dumalo. May idinaraos ding mga pag-aaral sa Bibliya sa anim pang bilangguan at may magandang epekto ito sa mga preso.

“Kailangang-kailangan Namin ng Tulong”

Malaking pagsisikap ang ginawa para tulungang makadalo sa Memoryal ang mga interesado na nasa mga liblib na lugar. Ang mga San, na tinatawag ding mga Bushman, ay mga katutubo ng timugang Aprika. Sa loob ng maraming siglo, nagpapagala-gala sila at nabubuhay sa pangangaso at sa mga pagkain sa disyerto. Para sa Memoryal ng 2015, isinaayos ni Glenn, isang special pioneer sa hilagang Namibia, na maidaos ito sa malayong nayon ng mga San, mga 270 kilometro sa silangan ng Rundu. Iyon ang ikalawang beses na nakapagdaos doon ng Memoryal. Sa dalawang pagkakataong ito, pinahintulutan ng mga awtoridad sa nayon ang mga Saksi ni Jehova na magamit ang silid-hukuman nang walang bayad. May total na 232 ang dumalo kahit na umulan nang malakas bago magsimula at habang idinaraos ang Memoryal. Ang mga Bushman sa lugar na ito ay nagsasalita ng Khwe, isang wika na may kasamang palatak. Ang pahayag ay isinalin sa Khwe mula Ingles. Dahil walang Bibliya sa wikang Khwe, nagpalabas ng mga color slide sa dingding para ipaliwanag ang mga tekstong gaya ng Isaias 35:5, 6. May mga progresibong Bible study si Glenn sa lugar na iyon. Iniulat niya: “Dalawang taon na akong dumadalaw sa lugar na ito, isang beses kada buwan, sa loob ng ilang araw. Medyo mabagal ang pagsulong dahil sa wika at layo ng lugar. Kailangang-kailangan namin ng tulong. Nang makipag-usap ako sa mga awtoridad para sa Memoryal sa taóng ito, isang miyembro ng komiteng nangangasiwa sa komunidad ang nagtanong kung puwede kaming magtayo ng isang lugar ng pagsamba. Sinabi niyang ang komite na ang bahala sa lugar at sa mismong pagtatayo! Ang gagawin lang namin ay maglaan ng ‘pastor’ o magsanay ng isang tagaroon para maging pastor!”