Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

DOMINICAN REPUBLIC

Dalawampu’t Dalawang Tao ang Humiwalay sa Simbahan

Dalawampu’t Dalawang Tao ang Humiwalay sa Simbahan

SI German Gomera ay pangalawa sa bunso sa 11 magkakapatid. Nang mamatay ang kanilang tatay at dalawang kapatid na babae, inilipat ng nanay nilang si Luisa ang buong pamilya sa bayan. Pagdating doon, umanib sila sa Simbahang Mennonita, kung saan miyembro ang mga kuya ni Luisa at ang kani-kanilang pamilya.

“Noong 1962, isang mag-asawang special pioneer ang dumating sa bayan namin,” ang kuwento ni German. “Ayon sa sabi-sabi, inililigaw daw nila ang taong-bayan sa pamamagitan ng mga ‘turo ng Diyablo.’ Sa kabila noon, nang dumalaw ang mag-asawa sa bahay ng pamilya Piña, pinatuloy sila ng mga ito. Malaking pamilya ang mga Piña. Napahanga sila sa kabaitan at pagiging palakaibigan ng mga pioneer, kaya nakinig silang mabuti sa presentasyon ng mga ito. Dahil dito, ang pamilya Piña at ang tatlong ate ko ay nagsimulang mag-aral ng Bibliya.

“Isang araw, habang dumadalaw ang mga payunir sa pamilya Piña,” ang pagpapatuloy ni German, “niyaya si Nanay na pumunta roon. Binasa nila sa Bibliya ang mga teksto tungkol sa pag-asang buhay na walang-hanggan sa lupa. Itinanong ni Nanay, ‘Kung gayon, bakit sinasabi sa simbahan namin na pupunta kami sa langit?’ Sumagot ang brother gamit ang Bibliya, at ipinaliwanag kung ano ang sinasabi nito tungkol sa pagkabuhay-muli sa lupa. Positibo ang naging pagtugon ni Nanay, at ibinahagi niya sa iba ang natutuhan niya.

“Nang malaman ng mga pastor ng Simbahang Mennonita na nakikipag-aral sa mga Saksi ni Jehova ang kanilang mga miyembro, hinikayat nilang pahintuin ang mga ito. Pero ginawa nila iyon nang agresibo at may pananakot. Sinabi sa kanila ni Maximina, ang nanay ng pamilya Piña, ‘Adulto na po ako, at ako ang magdedesisyon para sa sarili ko.’

“Sa kalaunan,” ang sabi ni German, “22 tao ang humiwalay sa Simbahang Mennonita at nagsimulang dumalo sa mga pulong ng kongregasyon sa isang inuupahang bahay. Nabautismuhan si Nanay noong 1965. At makalipas ang apat na taon, noong 1969, nabautismuhan naman ako sa edad na 13.”