Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

DOMINICAN REPUBLIC

Maikling Impormasyon Tungkol sa Dominican Republic

Maikling Impormasyon Tungkol sa Dominican Republic

Lupain Sakop ng Dominican Republic ang mga dalawang-katlo ng isla ng Hispaniola; sangkatlo naman ang sa Haiti. Sari-sari ang heograpiya ng bansa, tulad ng mga tropikal na kagubatan, nagtataasang bundok, bakawan, at disyerto. Ang pinakamataas na bundok dito ay ang Pico Duarte, na may taas na 3,175 metro mula sa kapantayan ng dagat. Puti ang buhangin ng karamihan sa mga dalampasigan dito, at mayroon ding matatabang libis, gaya ng Cibao Valley.

Mamamayan Karamihan ng tagarito ay may lahing Europeo at Aprikano. Mayroon ding ilang grupong minorya; pinakamalaki sa mga ito ay ang mga taga-Haiti.

Wika Kastila ang opisyal na wika.

Kabuhayan Pangunahing pinagkakakitaan ang mga industriya ng asukal, kape, tabako, at pagmimina. Kamakailan, malaki ang isinulong ng ekonomiya dahil sa turismo at mga pabrika.

Klima Banayad at tropikal ang klima rito, na may katamtamang taunang temperatura na 25 digri Celsius. Ang katamtamang antas ng pag-ulan sa isang taon ay mahigit 2,032 milimetro sa bulubunduking hilagang-silangan, at wala pang 760 milimetro sa mas tuyong rehiyon. Paminsan-minsan, ang isla ay hinahagupit ng mga bagyo.

Kultura Pangunahing pagkain ang kanin, beans, at mga gulay. Mahilig din ang mga tagarito sa seafood, prutas, bell pepper, at pritong saba. Ang ilan sa mga ito ay sangkap ng sikát na lutuing tinatawag na La Bandera Dominicana (ang bandila ng Dominican Republic). Gustong-gusto ng mga tagarito ang baseball, musika, at sayaw, lalo na ang merengue. Mahilig silang tumugtog ng gitara, tambol, plawta, at marimba.