Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tampok na mga Pangyayari Noong Nakaraang Taon

Tampok na mga Pangyayari Noong Nakaraang Taon

Tampok na mga Pangyayari Noong Nakaraang Taon

PAGKATAPOS ng isa pang pinagpalang taon ng sagradong paglilingkod, napakarami nating dahilan para magalak. Napakalaki ng nagawa ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang mga lingkod. Kapag binalikan natin ang ilan sa tampok na mga pangyayari nang nakaraang taon, tiyak na masasabi natin: “Ang taon ay pinutungan mo ng iyong kabutihan”!—Awit 65:11.

‘MABUTING BALITA’ SA INTERNET

Bilang mga Saksi ni Jehova, dinidibdib natin ang ating pananagutan na ‘ipangaral ang mabuting balitang ito ng kaharian sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa’ bago dumating ang wakas. (Mat. 24:14) Sa paglipas ng mga taon, maraming makabagong teknolohiya ang nakatulong upang mapabilis ang pamamahagi ng “salita ng kaharian.” (Mat. 13:18-23) Sa loob ng nakalipas na 11 taon, ginagamit natin ang ating opisyal na Web site na www.watchtower.org upang mamahagi ng espirituwal na pagkain sa madla sa Internet. Maaaring malaman ng mga nagpupunta sa Web site ang katotohanan sa Bibliya sa alinman sa 314 na wika at tingnan ang mga uluhang gaya ng “Beliefs and Activities,” (Paniniwala at Gawain) “Current Topics,” (Kasalukuyang mga Paksa) “God and Your Future,” (Ang Diyos at ang Kinabukasan Mo) “Medical Care and Blood,” (Paggagamot at Dugo) at “Publications Available” (Makukuhang mga Publikasyon).

Maraming tao ang pumupunta sa www.watchtower.org upang magbasa ng Bibliya. Araw-araw, tinitingnan ng mahigit 6,300 ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa Internet sa sampung wika. Ang pinakamadalas tingnan sa Web site na mga aklat sa Bibliya ay ang Awit, Kawikaan, at mga Ebanghelyo na naglalahad ng buhay ni Jesus.

Linggu-linggo, makikita sa Web site ang piniling mga artikulo sa Bantayan o Gumising! sa 12 wika—partikular na ang mga nailimbag nang artikulo na nakapupukaw sa interes ng publiko. Marami ang nagtatanong kung ano ang mga paniniwala natin, kung paano idinaraos ang ating mga pagpupulong, at kung paano tinutustusan ang ating gawaing pangangaral. Nasasagot ng mga nagpupunta sa Web site ang mga tanong na ito kapag binubuksan nila sa Web site ang brosyur na Mga Saksi ni JehovaSino Sila? Ano ang Pinaniniwalaan Nila? Ang publikasyong Malapit Na ang Wakas ng Huwad na Relihiyon! ay mababasa sa 252 wika sa www.watchtower.org, pati na ang limang maiikling bahagi ng video ng babasahing ito sa limang wikang pasenyas.

PAGHAHANAP NG KATOTOHANAN SA INTERNET

Ano ang naging resulta ng pagkakaroon ng mga publikasyong ito sa Internet? Sa katamtaman, mahigit 60,000 ang nagpupunta sa www.watchtower.org araw-araw! Marami sa mga ito ang nakatira sa mga lugar kung saan iilan ang Saksi o sa mga bansang ipinagbabawal o hinihigpitan ang ating gawain. Gayunpaman, ang mga naghahanap ng katotohanan ay maaaring magpunta sa ating Web site para masapatan ang kanilang espirituwal na pangangailangan.

“Noon pa ma’y gusto ko nang mag-aral ng Bibliya,” ang sabi ni Bryon, “pero sa tuwing nagsisimba ako kasama ng aking mga kaibigan, nagkakantahan lamang sila o naglalaro.” Itinuloy ni Bryon ang kaniyang edukasyon at pagsasanay sa atletiks. Nag-aral siya ng limang wika at naging iskolar sa kolehiyo, pero hindi pa rin nito nasapatan ang kaniyang espirituwal na pangangailangan. Kaya nanalangin siya na sana’y masumpungan niya ang katotohanan.

“Gustung-gusto kong malaman ang mga sagot sa mga tanong ko,” ang sabi ni Bryon. “Nagpasiya akong tingnan sa Internet ang tungkol sa mga Saksi ni Jehova dahil sinabi sa akin ng ilang kaibigan kong Saksi sa paaralan na ang pangalan ng Diyos ay Jehova. Nagpunta ako sa Web site ng organisasyon, at sinimulan kong basahin ang brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? Sa wakas, nasagot din ang mga tanong ko.” Humiling si Bryon ng isang pag-aaral sa Bibliya. Mabilis ang kaniyang pagsulong at noong 2004, inialay niya ang kaniyang buhay kay Jehova. Naglilingkod siya ngayon bilang regular pioneer at umaasa na balang-araw, magagamit niya ang kaniyang kaalaman sa wika bilang isang misyonerong sinanay sa Bibliya.

“ANG DIYOS AY SUMASAINYO”

Nakatutuwang malaman na libu-libong tao “mula sa lahat ng wika ng mga bansa” ang nagpupunta sa www.watchtower.org araw-araw! Sa katamtaman, 94 na tao araw-araw ang nagsusumite ng form na “Would You Welcome a Visit?” (Nais Mo Bang May Dumalaw sa Iyo?) na nasa Web site.Zac. 8:23.

Si Denise ay isa sa mga taong may maraming tanong tungkol sa mga paniniwala ng mga Saksi ni Jehova. Pero atubili siyang pumunta sa Kingdom Hall kaya nagpasiya siyang magsaliksik sa Internet at nakita niya ang www.watchtower.org. Dahil sa impormasyong nabasa ni Denise, nakumbinsi siya na nasumpungan na niya ang katotohanan, pero atubili siyang humiling ng pag-aaral sa Bibliya dahil alam niyang kailangan niyang iayon ang kaniyang buhay sa mga pamantayan ng Bibliya. Apat na beses niyang pinunan ang form na “Would You Welcome a Visit?” sa Web site pero wala siyang lakas ng loob na i-click ang buton na “Submit” para isumite ang form.

Noong Marso 2007, pinunan ni Denise ang form sa ikalimang pagkakataon. Pero sa pagkakataong ito, pinindot niya ang buton na “Submit” upang hilingin na personal siyang dalawin. Ang kaniyang kahilingan ay ipinadala sa kongregasyon sa kanilang lugar. Hinilingan naman ng matatanda sa kongregasyong iyon ang isang sister, si Vonnie, na dalawin si Denise. Sa unang linggo pa lamang ng pagdalaw ni Vonnie, dumalo na si Denise sa mga pulong sa Kingdom Hall.

Noong magtatapos na ang Setyembre, sinira ni Denise ang lahat ng bagay na ginagamit niya sa kaniyang relihiyon. Tumiwalag siya sa kaniyang dating relihiyon at naging kuwalipikadong maging di-bautisadong mamamahayag. Siya at ang kaniyang dalawang anak na lalaki ay mabilis na sumulong, at ang kaniyang walong-taóng-gulang na anak na lalaki ay nagpatala sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Noong Enero 2008, nabautismuhan si Denise, at pagkalipas ng dalawang buwan—eksaktong isang taon ang nakalipas pagkatapos niyang punan ang form sa Web site—naging kuwalipikado siya bilang auxiliary pioneer. “Kung hindi ko tiningnan ang Web site,” ang sabi ni Denise, “wala sana akong ganitong karanasan.”

Noong Enero 2008, isang bagong seksiyon ang mapapakinabangan sa Web site na www.jw.org. Ang mga rekording ng ilang publikasyon sa 17 wika ay maaari nang i-download mula rito. Napakarami nang naging interesado sa seksiyong ito, at mahigit isang milyong publikasyon at indibiduwal na mga artikulo ang naida-download bawat buwan! Maraming mamamahayag ang nakikinig sa mga artikulo ng magasin habang naglalakbay sila patungo sa trabaho o sa paaralan.

MGA SALIN NA NAKATUTUGON SA PANGANGAILANGAN

Nakalulugod ngang malaman na tinutulungan tayo ng mga anghel habang hinihimok natin ang mga tao mula “sa bawat bansa at tribo at wika at bayan” na magbigay ng kaluwalhatian sa Diyos! (Apoc. 14:6, 7) Upang matulungan ang mga tao na malaman ang mensahe ng Bibliya sa wikang talagang nauunawaan nila, ang mga Saksi ni Jehova ay naglilimbag ng literatura sa mga 450 wika.

Kamakailan, inilabas ang aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? sa Tetum, ang wika sa East Timor. Gayunpaman, walang sapat na kopya ng aklat ang makukuha noon sa wikang iyon. Si Maria, isang bagong estudyante ng Bibliya na gumagamit ng aklat na Itinuturo ng Bibliya sa wikang Indones, ay walang kopya ng aklat na ito sa wikang Tetum. Nakiusap siya sa nagtuturo sa kaniya ng Bibliya na ipahiram sa kaniya ang edisyon ng aklat sa wikang Tetum nang dalawang araw. Nang sumunod na mga araw, nasiyahan siyang balikan ang lahat ng bagay na natutuhan na niya. Ngayon, sa kaniyang sariling wika, maraming katotohanan ang naging mas malinaw sa kaniya kaysa noong pag-aralan niya ang edisyon ng aklat sa wikang Indones. Nahiya na ang kaniyang guro na kunin sa kaniya ang aklat. Patuloy na nag-aaral si Maria at dumadalo sa mga pagpupulong.

Ang Ingles at Swahili ang karaniwang mga wikang ginagamit sa pamahalaan at negosyo sa Kenya. Pero milyun-milyong taga-Kenya ang mas sanay magsalita ng Kikuyu, Kikamba, Luo, at iba pang lokal na wika. Kaya malaki ang naitulong ng paglilimbag ng literatura sa lokal na mga wikang ito para mapukaw ang interes ng iba sa pagsamba kay Jehova. Nang magsimulang gumamit ng literatura at magdaos ng pagpupulong sa wikang Luo ang Kongregasyon ng Siaya, sumulat ang matatanda: “Mas nauunawaan na ngayon ng mga kapatid ang itinuturo [sa mga pulong]. Mas nakikinig ang mga bata. Mula nang magsimula kaming magpahayag gamit ang mga balangkas sa wikang Luo, tumaas nang 60 porsiyento ang bilang ng mga dumadalo sa aming mga pulong.”

Sa Nicaragua, marami ang nagsasalita ng wikang Miskito sa halip na Kastila, at mahigit 200 ang dumalo sa pandistritong kombensiyon sa wikang Miskito. Malaki ang ginawang pagsisikap ng ilan para makadalo. Halimbawa, 13 brother mula sa maliit na bayan ng Asang sa Ilog Coco ang gumawa ng isang balsa. Ito ang sinakyan nila para bagtasin ang ilog sa loob ng dalawang araw patungo sa bayan ng Waspam. Pagkatapos ay nakiangkas sila sa isang trak at nagbiyahe nang limang oras patungo sa lunsod ng kombensiyon. Para sa karamihan sa grupo, ito ang unang pandistritong kombensiyon na nadaluhan nila. Tuwang-tuwa silang marinig ang programa sa kanilang wika. Dahil nagastos na nila ang lahat ng kanilang pera upang makarating sa lunsod ng kombensiyon, nag-ambag-ambag ang ibang mga delegado upang magkaroon ng pamasahe pauwi ang mga kapatid.

Masayang-masaya ang mga Miskito sa kombensiyong iyon nang ilabas sa kanilang wika ang aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? Partikular nang nagpapasalamat ang mga payunir, dahil ang ginagamit nila noon ay ang edisyong Kastila at kailangan pa nilang isalin ang mga parapo at tanong sa Miskito. Ngayon, makapagtutuon na sila ng pansin sa pagtuturo ng mga katotohanan sa Bibliya sa halip na mag-isip kung paano ito isasalin.

Ang Quechua ay isang wikang Amerindian na sinasalita sa Timog Amerika. Ang ilang mamamahayag na Quechua sa Peru ay sumulat: “Pagkatapos ng aming presentasyon, sinasabi namin sa may-bahay na mayroon kaming mga publikasyon sa wikang Quechua. Tuwang-tuwa ang ilan na magkaroon ng literatura sa kanilang sariling wika anupat napaiyak sila at hinalikan ang mga publikasyon.” Ang tanggapang pansangay sa Peru ay sumulat: “Ang ilang kapatid na naninirahan sa mga lugar na gumagamit ng wikang Quechua ay gumawa ng malaking pagsisikap upang ipahayag ang kanilang pagpapahalaga. Pagkatapos basahin ang Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? sa Quechua, sinabi ng isang brother na sa wakas ay naunawaan na niya ang kahulugan at kahalagahan ng pantubos ni Kristo. Ang ibang mga mambabasa ay nagpadala sa sangay ng mga patatas, pie, mga kahon ng prutas, at iba pang bagay upang ipakita ang kanilang pagpapahalaga.”

Sinisikap din ng organisasyon na isalin ang literatura sa mga wikang ginagamit sa mga liblib na isla ng Pasipiko. “Nagpapasalamat ako kay Jehova na naalaala niya kami,” ang sinabi ng isang sister sa isang misyonera sa isla ng Micronesia na Pohnpei. “Noon, natatanggap namin Ang Bantayan sa wikang Ponapean mga ilang buwan pagkatapos naming tanggapin ang Ingles.” Pabiro niyang sinabi: “Iniisip namin na baka huli ring darating ang Armagedon sa lugar namin. Pero ngayon, nakakasabay na kami sa pag-aaral ng magasin sa buong daigdig, at ang magasin sa wika namin ay kasingganda ng magasing Ingles. Lubos kaming nagpapasalamat sa pagmamalasakit sa amin ng Lupong Tagapamahala.”

Ang mga kapatid sa Marshall Islands sa hilagang Pasipiko ay nalulugod na tanggapin ang bagong edisyong pampubliko ng Ang Bantayan sa wikang Marshallese. Gustung-gusto ng mga kapatid na ito na magbasa ng mga talambuhay, pero wala ito sa nakalipas na mga edisyon ng Ang Bantayan sa kanilang wika. Kailangan pang may magsalin ng mga ito mula sa magasing Ingles. Kaya napakasaya nila nang lumitaw ang unang talambuhay sa edisyong pampubliko ng Bantayan sa kanilang wika. Ganito ang sinabi ng isang 16-anyos na mambabasa: “Matagal ko na pong tinitingnan sa magasing Ingles ang mga larawan sa mga talambuhay at iniisip na sana’y mabasa ko ito. Pero ngayon ay nababasa ko na po ito.”

Maaaring mabago ang buhay ng mga tao dahil lamang sa isang babasahin na naisalin sa kanilang wika. Sa isang lupain sa Sentral Asia kung saan ipinagbabawal ang ating gawain, malawakang ipinamahagi ang brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? Isang kabataang lalaki ang nakakuha ng brosyur, binasa ito, at lubhang naantig sa kaniyang nabasa anupat nagpunta siya sa isang malapit na ilog at “binautismuhan” ang kaniyang sarili. Nang maglaon, may tumulong sa kaniya sa pag-aaral sa Bibliya, at di-nagtagal ay nabautismuhan siya sa tamang paraan. Sa ngayon, ginugugol niya ang malaking bahagi ng kaniyang panahon sa pangangaral ng mabuting balita sa iba.

PAGSULONG SA PAGSASALIN NG BIBLIYA

Pinahahalagahan ng mga Saksi ni Jehova ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, at nais nilang basahin ang isang tumpak at malinaw na salin. Sa dahilang ito, ang bayan ng Diyos ay nalulugod na makuha ang Bagong Sanlibutang Salin—sa kumpletong edisyon o bahagi nito—sa mahigit na 70 wika. Bagaman naging kapana-panabik nang unang ilabas ang Bibliyang ito, ang paggamit dito araw-araw sa personal na pag-aaral, sa mga pagpupulong sa kongregasyon, at sa ministeryo sa larangan ang tunay na nakaaantig sa puso ng mga tao at nakapagpapabago sa kanilang pag-iisip.

Ang tanggapang pansangay sa Russia ay nakatatanggap ng maraming liham ng pagpapahalaga para sa kumpletong edisyon ng Bagong Sanlibutang Salin sa wikang Ruso. “Maraming beses ko nang nabasa ang Bibliya,” ang isinulat ng isang babae, “pero nang mabasa ko ang salin na ito, parang ngayon ko lang nabasa ang Bibliya! Kung minsan ay napapaluha ako at kung minsan naman ay nananabik habang naaantig ang aking puso sa mensahe ng Bibliya.”

Palibhasa’y malinaw ang pagkakasalin, napakilos ang isa pang mambabasa na sabihin: “Nang mabasa ko ang Genesis kabanata 18, napakilos akong isulat ang liham na ito. Talagang naantig ako sa usapan ni Abraham at ni Jehova, na nakaulat sa talata 23-32. Bagaman limang beses ko nang nabasa ang Bibliya, ngayon ko lang napagbulay-bulay ang pag-uusap na ito. Nadama ko ang nadama ni Abraham at parang naroroon ako at nakikinig na mabuti sa pag-uusap nila ni Jehova. Napaluha ako sa pakikinig at pagmamalasakit ni Jehova. Nabigyang-buhay ng saling ito ang tagpong iyon. Hindi ko lamang natutuhan ang mga katangian ni Jehova kundi personal ko pa itong nadama.”

“Maraming salamat sa kumpletong Bagong Sanlibutang Salin!” ang isinulat ni Svetlana mula sa Moscow. “Sa wakas, hindi na kami nalilito kapag binabasa namin ang ‘Lumang Tipan’ mula sa isang salin na makaluma at hindi maintindihan! Napakadali nitong basahin!”

Sumulat ang isa pang mambabasa: “Sa trabaho, ipinakipag-usap ko sa aking empleada, si Irina, ang tungkol sa katotohanan. Noong una, sinipi ko lamang ang mga teksto. Pero nang buksan ko ang aking Bibliya upang ipakita sa kaniya ang modelong panalangin ni Jesus, tinanong niya, ‘Ito ba ang panalanging Ama Namin?’ Nang mabasa niya ang mga salita ni Jesus, nagningning ang kaniyang mga mata sa tuwa at sinabi: ‘Napakaganda nito! Napakadali nitong basahin! Madalas kong marinig ang panalanging ito pero hindi ko ito naiintindihan. Napakalinaw at napakasimple ng mga salitang ginamit sa Bibliyang ito! Ganitong Bibliya ang gusto ko. Ikuha mo naman ako nito! Ihanap mo ako ng ganitong Bibliya!’ Sinabi ko, ‘Ang binibigyan lang namin ng Bibliya ay ang mga taong talagang nagnanais na magbasa nito.’ Taimtim siyang sumagot: ‘Wala talaga akong hilig na magbasa ng Bibliya. May mga Bibliya ako noon at ipinamigay ko na itong lahat, pero ngayon gusto ko na talagang magbasa ng Bibliya!’”

Isang brother ang sumulat tungkol sa Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Ukrainiano: “Gusto kong magpasalamat sa napakagandang regalong ito mula kay Jehova at sa kaniyang organisasyon. Ninanamnam ko ang mga salita sa bawat pahina, at lagi kong dala ang Bibliyang ito kahit saan ako magpunta. Simple at madaling maintindihan ang mga salitang ginamit. Naaabot nito ang puso ko at madali kong nauunawaan ang mga turo ng Bibliya.”

Maganda rin ang naging pagtanggap sa edisyong Serbiano at Croatiano. “Napakadali nitong basahin,” ang isinulat ng isang sister na taga-Croatia, “at di-hamak na mas madali itong maintindihan kaysa sa Bibliya na matagal na naming ginagamit. Mas madali na para sa akin na isapuso ang mga payo sa Kasulatan, at mas nakikilala ko na si Jehova.”

Noong Nobyembre 2, 2007, inilabas ni Brother Geoffrey Jackson, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang edisyong Samoano ng Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Bibihira at mahal ang mga kopya ng Bibliyang Samoano, kaya tuwang-tuwa ang mga kapatid na madali na silang makakakuha ng Bibliya. Pagkatapos mabasa ang Bibliya sa loob ng ilang buwan, sinabi ng isang mamamahayag, “Pinalalabo ng dating Bibliya ang mga ideya, samantalang nililinaw naman ng bagong Bibliya ang mga ito.”

Ikinuwento ng isang sister ang tungkol sa isang pag-aaral sa Bibliya kung saan sinipi ang Santiago 4:8 sa isang publikasyong ginagamit sa pag-aaral ng Bibliya. “Iminungkahi ko sa may-bahay na bagaman alam namin ang teksto,” ang sabi ng konduktor, “dapat naming basahin ito sa Bagong Sanlibutang Salin. Noong una, inakala namin na mali ang tekstong binabasa namin hanggang sa matiyak namin na tama pala ito. Nagulat ang sister na kasama ko sa pag-aaral at sinabi, ‘Nabago ang teksto.’ Malinaw na namin ngayong naiintindihan na ang ‘paglapit sa Diyos’ ay nangangahulugan pala na dapat tayong magkaroon ng malapít na kaugnayan kay Jehova, isang punto na hindi mauunawaan sa dating Bibliya na ginagamit namin. Talagang naantig ang aming puso sa nabasa namin at napakilos kami nito na naising magkaroon ng isang malapít na kaugnayan kay Jehova.”

Mga ilang panahon pagkatapos ilabas ang Bagong Sanlibutang Salin sa wikang Tsino, sumulat ang mga misyonerong naglilingkod sa Taiwan: “Nagkaroon kami ng pagkakataon na ipakita ang Bagong Sanlibutang Salin sa isang abogado na regular na nagbabasa ng ating mga magasin. Gusto niyang malaman kung bakit kailangan pang magkaroon ng isang bagong salin ng Bibliya. Ilang teksto pa lamang ang ipinakita namin sa kaniya, hangang-hanga na siya rito at binanggit niya na ang bagong saling ito ay mas madaling maintindihan kaysa sa Bibliyang Union Version, ang Bibliyang binabasa niya.” Ipinakita rin ng mga misyonero ang Bibliya sa isang miyembro ng Parlamento, na nag-iwan nito sa kaniyang opisina. Nakita naman ng isang tagapagbalita sa radyo na ayaw sa mga Saksi ni Jehova ang Bibliya, kinuha ito, at binasa ang isang bahagi nito. Manghang-mangha siya rito anupat tinawagan niya ang mga misyonero para humiling ng kopya ng saling ito.

Isang sister na taga-Kyrgyzstan ang nahihirapang magbasa dahil may diperensiya siya sa mata. Iniisip niyang isang pabigat ang pagbabasa ng Bibliya. Pero nagbago ang kaniyang pag-iisip nang matanggap niya ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Kirghiz. Dahil sa salin na ito na malinaw at madaling maunawaan, lubusan na siyang nasisiyahan ngayon sa kaniyang pagbabasa ng Bibliya.

“Napakahusay ng saling ito!” ang sabi ng isa pang sister. “Hindi ako nabubulol kapag binabasa ko ito nang malakas. Gusto ko itong paulit-ulit na basahin. Para bang ngayon ko lang natututuhan ang katotohanan.”

Nakatanggap ng isang liham ang Lupong Tagapamahala mula sa isang sister na may diperensiya sa pandinig. Ganito ang kaniyang sinabi: “Gustung-gusto ko ang Ebanghelyo ni Mateo sa American Sign Language (ASL). Buháy na buháy ang Bibliya at naaantig na nito ngayon ang puso ko. Nakikini-kinita ko ang personalidad ni Jesus, ang ekspresyon ng kaniyang mukha, kabaitan, at masidhing pag-ibig sa mga tao. Gustung-gusto ko ang aking Mateo sa ASL. Pero . . . puwede po kayang pabilisin pa ang paggawa ng ibang mga aklat ng Bibliya sa ASL?”

Tiyak na nagiging mas malinaw ang Salita ng Diyos dahil sa tamang salin ng Bibliya at dahil dito, naaabot ng katotohanan ang puso ng mambabasa. Sa dahilang ito, ang mga nagnanais maging malapít sa kanilang makalangit na Ama ay nagsasaya kapag nakuha nila ang Bagong Sanlibutang Salin sa kanilang wika—ang wika ng kanilang puso.

MAS MARAMING MANGGAGAWA ANG IPINADALA SA PAG-AANI

Bilang resulta ng pagpapasimple sa mga gawain sa sangay, maraming miyembro ng pamilyang Bethel sa Estados Unidos ang binigyan ng panibagong atas. Bagaman ang ilan ay ipinadala sa mga sangay sa ibang bansa, ang ilang daang miyembro ay inatasan bilang mga special at regular pioneer sa Estados Unidos. Ano ang nadama nila nang sila’y bigyan ng panibagong atas? Paano nila hinarap ang mga hamon sa kanilang atas? Paano nakinabang ang mga kongregasyon?

“Sa loob ng maraming taon,” ang sabi nina Todd at Leslie, “nagsusumamo kami sa ‘Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa kaniyang pag-aani.’ Hindi namin akalain na magiging bahagi kami ng sagot sa panalanging iyan! Nakikita namin ngayon na pinapatnubayan ni Jehova ang mga bagay-bagay, at isang pribilehiyo para sa amin na ‘ituring kami ni Kristo na tapat sa pamamagitan ng pag-aatas sa amin sa isang ministeryo.’”—Mat. 9:37, 38; 1 Tim. 1:12.

Sa pagbabalik-tanaw sa unang ilang buwan niya at ng kaniyang asawa sa kanilang panibagong atas, sinabi ni Franco: “Hindi namin akalaing mag-asawa na napakalaki pa pala ng pangangailangan sa Estados Unidos. Nang makarating kami sa aming atas, napakarami naming natagpuan na gustong mag-aral ng Bibliya.” Sinabi naman nina Curtis at Karolynne: “Nalulugod kaming tanggapin ang aming atas sa larangan! Ito ang aming pagkakataon upang ipakita kay Jehova na talagang itinatwa na namin ang aming sarili at inialay ang aming buhay sa kaniya.” Tiyak na ganiyan din ang nadarama ng maraming iba pang inatasang magpayunir.

PAGTITIWALA SA “PANGINOON NG PAG-AANI”

Natural lamang na mabahala kapag naatasang maglingkod sa larangan pagkatapos nang maraming taon ng paglilingkod sa Bethel. “Makahahanap kaya kami ng murang mauupahang bahay?” ang tanong ng isang mag-asawa, “at makakaya kaya naming gumugol ng 120 o 130 oras bawat buwan sa paglilingkod sa larangan at kasabay nito ay maging nakapagpapatibay sa kongregasyon?” Paano kaya nila hinarap at ng iba pa ang kanilang bagong kalagayan?

Ang ilan na naghahanap ng mauupahang bahay sa kanilang bagong atas ay kadalasan nang nakakakita nito sa huling araw ng kanilang paghahanap. Halimbawa, isang dalagang sister, si Jessica, ang pumunta sa kaniyang bagong atas. Dalawang linggo siyang naghanap ng mauupahan pero wala siyang nakita. Nang mismong araw bago siya bumalik sa Bethel para mag-impake, tuwang-tuwa siya nang alukin siya ng isang elder na tagaroon ng isang maliit na bahay na mura lang ang upa.

Sinabi nina Jeff at Cynthia sa nangangasiwa ng isang apartment na sila ay mga Saksi ni Jehova. “Kilala ko ang mga Saksi ni Jehova,” ang ibinulalas ng nangangasiwa, “at wala akong dapat ipag-alala sa inyo dahil alam kong si Jehova ang bahala sa inyong renta!”

“Ang karanasan namin ay nagpapaalaala sa amin na laging umasa kay Jehova,” ang sabi nina Eric at Melonie. “Kitang-kita namin ang pagtulong sa amin ni Jehova araw-araw. Talagang napatibay nito ang aming pananampalataya.”

MATULUNGIN AT MAPAGPAHALAGANG MGA KONGREGASYON

Malaking tulong sa mga payunir na ito ang ipinakitang pag-ibig ng mga kongregasyong kinauugnayan nila para hindi sila mahirapan sa kanilang bagong mga atas. Iniulat ng isang tagapangasiwa ng sirkito na mapapansin sa pananalita ng maraming kongregasyon na minamahal nila ang mga payunir na ito. Tinatawag nila silang “aming mga special pioneer.” Dagdag pa niya, “Malugod silang tinanggap at maibiging tinulungan ng sirkito.” Isang mapagpahalagang brother ang sumulat: “Gusto kong magpasalamat sa sangay. Talagang naging pagpapala sa aming lahat ang mga payunir na ito!”

Sa isang kongregasyon sa Kansas, may 100 teritoryo na hindi nagagawa sa loob ng maraming buwan. Ngayon, sa tulong ng mag-asawang special pioneer, regular nang nagagawa ang karamihan sa mga teritoryong ito. “Hindi namin akalain,” ang isinulat ng mga elder, “na magiging napakalaking tulong ng mga payunir na ito sa amin.”

Bagaman naging “tulong na nagpapalakas” sa mga payunir ang kinauugnayan nilang mga kongregasyon, napatibay rin nila ang mga lokal na mamamahayag. (Col. 4:11) Iniulat ng isang tagapangasiwa ng sirkito, “Talagang napasigla at napatibay ang aming mga kapatid sa sigasig ng mga payunir.” Isa pang naglalakbay na tagapangasiwa ang sumulat, “Ang kapansin-pansin sa mga special pioneer na ito ay ang kanilang nakahahawang pag-ibig at kagalakan.”

Isang mag-asawang payunir ang nasiyahang tumulong sa sampung di-aktibong mamamahayag na maging aktibong muli. Gayundin, ang mga brother na naglilingkod bilang elder ay may positibong impluwensiya sa kongregasyon. “Malaking tulong sa kongregasyon ang magkaroon ng timbang at mahusay na brother,” ang isinulat ng isang elder. “Talagang kailangan ng kongregasyon at ng lupon ng matatanda ang gayong mga kapatid.”

“MGA KAMANGGAGAWA NG DIYOS”

Pinagpapala ni Jehova ang mga mángangarál ng Kaharian. Marami silang masasayang karanasan. Halimbawa, isang araw noong panahon ng taglamig, nagbahay-bahay sina Steve at Gaye. Sa unang bahay na pinuntahan nila, nakapagpasimula sila ng isang pag-aaral sa Bibliya sa isang nanlulumong matandang lalaki. Sa loob lamang ng dalawang linggo, dumalo na siya agad ng pulong sa Kingdom Hall, kung saan nabanggit nila na napakabait niya anupat pinapasok niya sila sa kanilang unang pagdalaw. “Hindi ko kayo pinapasok dahil sa mabait ako,” ang sagot niya. “Pinapasok ko kayo dahil alam kong darating kayo. Tatlong araw na kasi akong nananalangin na may tumulong sa akin.” Regular na siyang dumadalo ngayon sa mga pulong at sumusulong tungo sa bautismo.

Isang umaga, habang nakasakay sa kanilang sasakyan sina Ray at Jill, nakita nila ang isang lalaking naglalakad sa kabilang panig ng kalsada. Ipinasiya nilang kausapin ito at inalok ng literatura at pag-aaral sa Bibliya. Kinuha ng lalaki ang mga magasin at sinabing dati siyang nakikipag-aral sa mga Saksi ni Jehova at kalilipat lang niya ng tirahan. Masaya niyang tinanggap ang kanilang alok na ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral sa Bibliya.

Alam ng lahat ng patuloy na nagsasakripisyo sa paglilingkod kay Jehova na ‘ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang kanilang gawa at ang pag-ibig na ipinakita nila para sa kaniyang pangalan.’ (Heb. 6:10) Kung paanong ang mga sangkap ng katawan ng tao ay nagtutulungan sa isa’t isa, ang mga miyembro ng kongregasyon ay nagtutulungan upang sumulong ang kongregasyon at maging kaayaaya kay Jehova. “Inilagay ng Diyos ang mga sangkap sa [kongregasyon], bawat isa sa kanila, ayon sa kaniyang kinalugdan,” at dahil sa pagtutulungan ng bawat sangkap, “ang lahat ng iba pang sangkap ay nakikipagsaya rito.” (1 Cor. 12:18, 26) Ang pagtutulungang ito sa kongregasyon ng “mga kamanggagawa ng Diyos” ay nagdudulot ng kaluwalhatian kay Jehova na siyang “patuloy na nagpapalago nito.”—1 Cor. 3:6, 9.

LEGAL NA PAGTATATAG NG MABUTING BALITA

Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga apostol: “Kayo ay magiging mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan.” (Mat. 10:22) Maaaring asahan ng mga tunay na alagad na ang mga mang-uusig ay ‘may-kasinungalingang magsasalita ng bawat uri ng balakyot na bagay laban sa kanila dahil sa kaniya.’ (Mat. 5:11) Ano ang ginagawa ng modernong-panahong mga alagad ni Kristo para ‘legal na maitatag ang mabuting balita’?—Fil. 1:7.

Armenia

Sa pagitan ng Abril 2007 at Abril 2008, ayaw ilabas ng mga opisyal ng adwana sa Armenia ang mahigit pitong tonelada ng Bibliya at mga literatura sa Bibliya malibang magbayad sila ng napakalaking buwis. Nang maglaon, noong Abril 2008, ang unang kargamento ng literatura ay inilabas pagkatapos bayaran ng mga kapatid ang buwis pero gumawa sila ng pormal na reklamo hinggil dito. Samantala, iniipit pa rin ang iba pang mga kargamento ng literatura. Nagsisikap ang mga kapatid na ayusin ang problemang ito sa legal na paraan.

Kazakhstan

Dalawang brother mula sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova ang dumalaw sa Kazakhstan para maglaan ng espirituwal na tulong sa mga kapananampalataya nila. Pagkatapos ng isang espesyal na miting sa Almaty, inaresto ang dalawang brother na ito. Kinulong sila sa istasyon ng pulis, pinagtatanong, at pagkatapos ay dinala sa harap ng piskal, na siyang nagsabing nagkasala sila ng “gawaing pagmimisyonero.” Bagaman pinalaya rin sila nang maglaon, sinisikap pa rin na lubusang mapawalang-sala ang dalawang brother. Kamakailan lamang, nilusob ng mga awtoridad ang mga bahay ng ating mga kapatid para guluhin ang kanilang mga pagpupulong. Iniutos ng mga korte na patigilin ang mga gawain ng tatlong kongregasyon na legal na nakarehistro. Paulit-ulit ding ginugulo ng mga awtoridad ang gawain ng mga Saksi sa rehiyon sa hilaga ng Dagat Caspian.

Tajikistan

Noong 1994, legal na nairehistro ang mga Saksi ni Jehova sa Tajikistan anupat pinahintulutan na silang magtipun-tipon para sumamba. Gayunman, noong Oktubre 11, 2007, ang ministri ng kultura ay naglabas ng desisyon na nagbabawal sa pagsamba ng mga Saksi ni Jehova. Sinisikap ng mga kapatid na patunayan sa mga awtoridad na ang mga Saksi ni Jehova ay mapayapa at hindi nanggugulo sa komunidad.

Uzbekistan

Patuloy na lumalala ang situwasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Uzbekistan. Noong unang mga buwan ng 2008, isang Saksi ni Jehova ang nasentensiyahan ng apat-na-taóng pagkabilanggo sa kampo ng puwersahang pagtatrabaho dahil sa kaniyang pananampalataya. Ang iba ay inaresto, kinulong, hinatulan, at pinagmulta dahil sa paglabag sa batas hinggil sa relihiyon. Nilusob ang mga pagpupulong, hinalughog ang mga pribadong tahanan, kinumpiska ang mga literatura, at ikinulong ang mga mamamahayag. Marami sa ating mga kapatid ang pinagsalitaan ng masasama at sinaktan ng mga pulis.

Isiniwalat ng maraming opisyal sa rehiyong ito na ang lokal na klero ang nasa likod ng masasamang gawaing ito. Patuloy nawa nating ipanalangin na makita ng mga awtoridad na mali ang kanilang ginagawa at hayaan ang ating mga kapatid na ‘magpatuloy sa kanilang payapa at tahimik na buhay na may lubos na makadiyos na debosyon at pagkaseryoso.’—1 Tim. 2:1, 2.

Gresya

Dalawang desisyon ng mataas na hukuman sa Gresya ang pabor sa karapatan ng mga indibiduwal na tumangging magsundalo dahil sa kanilang relihiyosong paniniwala. Si Konstantinos Kotidis ay naglingkod sa hukbong sandatahan ng Unyong Sobyet mga ilang taon bago lumipat sa Gresya at maging isang Saksi ni Jehova. Nang ipatawag ng mga awtoridad si Brother Kotidis para magsundalo, tumanggi siya at sa halip ay hiniling niya na gumawa na lang siya ng serbisyong pangkomunidad. Pero hindi sila pumayag. Iginiit nila na yamang dati siyang sundalo, wala siyang dahilan para tumanggi. Gayunman, ipinasiya ng Konseho ng Estado na ang isang dating sundalo na tumatanggi nang magsundalo dahil sa relihiyosong paniniwala ay maaaring payagang gumawa ng serbisyong pangkomunidad bilang kapalit.

Sa isa pang kaso, hindi pinayagang magtrabaho sa isang tanggapan ng pamahalaan si Stylianos Ioannidis na dati’y ikinulong dahil sa pagtangging magsundalo salig sa relihiyosong paniniwala. Ipinapalagay na dahil dito ay hindi pa niya nagagampanan ang kaniyang paglilingkod sa militar. Gayunman, ipinasiya ng Konseho ng Estado na kapag natapos na ng mga tumangging magsundalo dahil sa kanilang relihiyosong paniniwala ang kanilang sentensiya, maaari na silang hindi magsundalo. Sinabi rin ng hukuman na nagampanan na nila ang paglilingkod sa militar at sa gayon ay maaari na silang magtrabaho sa tanggapan ng pamahalaan. Ito ang unang pagkakataon na nagpasiya ang Konseho ng Estado na kagaya ng ginawang pasiya ng European Court of Human Rights sa isang nakakahawig na kaso.

Eritrea

Ang mga kapatid sa Eritrea ay patuloy na napapaharap sa malupit at di-makatarungang pagtrato. Maraming Saksi ni Jehova ang ikinulong ng mga awtoridad sa mga kampong piitan, at ang ilan ay dumaranas pa nga ng mas mahihirap na kalagayan. Noong Hulyo 2008, may anim na pag-aresto sa mga kapatid kasama na ang mga elder na responsable sa pangunguna sa bansang ito. Sa kabila ng mga pagsisikap at pag-apela ng iba’t ibang bansa para mapatigil ang malupit na pagtrato, determinado pa rin ang gobyerno na salansangin ang pagsamba sa tunay na Diyos, si Jehova.

Timog Korea

May pagbabago sa kalagayan ng mga kapatid sa Timog Korea, kung saan hindi kinikilala ng pamahalaan ang pangunahing karapatang pantao na tumangging magsundalo dahil sa relihiyosong paniniwala. Sa nakalipas na mga 50 taon, mahigit 13,000 brother ang nakatapos na ng kanilang sentensiya, at tinatayang 500 ang kasalukuyang nakakulong. Ang kanilang paninindigan at Kristiyanong paggawi ay nagbigay ng mainam na patotoo sa mga awtoridad ng bilangguan at pamahalaan, at nakalugod ito sa Diyos na Jehova. (1 Ped. 2:20) Sa ngayon, 488 aplikasyon ang isinumite sa Human Rights Committee of the United Nations. Naglabas na ito ng desisyon na pabor sa dalawang aplikasyon noong 2006. Samantala, umaasa ang ating mga kapatid na gagawa ang pamahalaan ng batas na magpapahintulot sa katanggap-tanggap na serbisyong pangkomunidad bilang pamalit sa pagsusundalo.

Rwanda

Noong Abril 2008, lahat ng guro sa Rwanda, kasama na ang maraming Saksi ni Jehova, ay hinilingang dumalo sa isang seminar. Hindi binigyan ng eksemsiyon ang sinumang tumatangging dumalo sa seminar sa mga dahilang nalalabag nito ang kanilang budhing sinanay sa Bibliya. Bilang resulta, mga 215 Saksi na tumangging dumalo sa seminar ang tinanggal sa kanilang trabaho, at dalawang sister ang ikinulong nang ilang linggo. Kabilang sa mga paksang tinalakay sa seminar ang mga bagay na may kinalaman sa pulitika at militar, at ang mga dumalo ay inutusang sumali sa pulitikal na mga gawain at mga nasyonalistikong seremonya. Ang sinumang nagtangkang umalis sa seminar ay pinigilan ng mga sundalo. Mula noon, 90 anak ng mga Saksi ni Jehova ang pinatalsik sa paaralan dahil sa pagtangging umawit ng pambansang awit o sumaludo sa bandila. Makapagtitiwala tayo na palalakasin ni Jehova ang ating mga kapatid at ang kanilang mga anak para manatiling tapat sa kabila ng pag-uusig na ito.

Espanya

Inaprubahan ng pamahalaan ng Espanya ang utos ng hari may kinalaman sa mga Saksi ni Jehova na nasa pantanging buong-panahong paglilingkod, gaya ng mga miyembro ng pamilyang Bethel at mga naglalakbay na tagapangasiwa. Kinikilala ng utos na ito ang pantanging buong-panahong mga lingkod bilang “mga ordenadong ministro . . . na inialay ang kanilang sarili para sa gawaing pagmimisyonero o gawaing may kaugnayan sa mga ministrong Kristiyano, pagtuturo ng relihiyon o bukod dito, iba pang mahahalagang gawain upang itaguyod ang mga layunin ng kanilang relihiyon.” Napapanahon ang utos na ito dahil kinukuwestiyon ngayon ng mga awtoridad sa ilang lupain kung ang pantanging buong-panahong mga lingkod ng mga Saksi ni Jehova ay tunay na mga ministro na karapat-dapat sa benepisyong ibinibigay sa mga ministro ng ibang relihiyosong grupo.

EUROPEAN COURT OF HUMAN RIGHTS

Ang mga Saksi ni Jehova sa mga bansang Armenia, Austria, Azerbaijan, Pransiya, Georgia, Russia, Turkey, at Ukraine ay may 24 na kasong nakabinbin sa European Court of Human Rights (ECHR) na nasa Strasbourg, Pransiya. Ang mga kasong ito ay tungkol sa pangunahing karapatang pantao ng mga mamamayang nasa hurisdiksiyon ng European Convention on Human Rights, gaya ng karapatang tumangging magsundalo dahil sa relihiyosong paniniwala. Ang ibang mga kaso ay tungkol sa pag-uusig at pagtatangi dahil sa relihiyon, gayundin ang pag-aalis sa mga Saksi ni Jehova sa listahan ng mga kinikilalang relihiyon o pagbabawal sa legal na instrumentong ginagamit nila para maorganisa ang kanilang gawain. Kabilang din sa mga kaso ang pakikialam ng pamahalaan sa karapatang magtipon para mapayapang sumamba at karapatan ng isang ina na Saksi na palakihin ang kaniyang anak bilang Saksi ni Jehova.

Austria

Noong Hulyo 31, 2008, pabor sa atin ang desisyon ng ECHR may kinalaman sa kaso na Jehovah’s Witnesses v. Austria. Ipinasiya ng korte na nilabag ng batas ng Austria hinggil sa relihiyon ang karapatan ng mga Saksi ni Jehova sa malayang pagsamba. Ang batas na ito ay lumikha ng pagtatangi sa mga relihiyon, at dahil dito ay nagkaroon din ng pagtatangi sa mga mamamayan. Nakamit ang paborableng desisyong ito pagkatapos ng 30-taóng pagsisikap ng ating mga kapatid para legal na makilala ang ating relihiyosong organisasyon sa Austria. Ganito ang pasiya ng korte: “Waring hindi makatuwiran [na maghintay nang mahabang panahon upang legal na kilalanin] ang mga relihiyosong grupo na matagal nang kinikilala sa ibang mga bansa at matagal na ring umiiral sa [Austria] at sa gayo’y pamilyar sa mga awtoridad [nito], gaya sa kaso ng mga Saksi ni Jehova.” Hinihilingan ngayon ang pamahalaan ng Austria na baguhin ang kasalukuyan nilang batas. Sa gayon, maaari nang tamasahin ng ating mga kapatid ang mga karapatang ipinagkakaloob sa mga pangunahing relihiyosong grupo sa Austria.

Azerbaijan

Noong Nobyembre 2007, isang kaso ang isinampa sa ECHR hinggil sa paglabag ng mga pulis sa ating karapatan sa malayang pagsamba. Bagaman legal na nakarehistro ang mga Saksi ni Jehova sa Azerbaijan, nakaaalarma ang dumaraming pag-aresto at pagmamaltrato sa ating mga kapatid. Nilulusob ng mga armadong pulis ang mapayapang pagpupulong ng mga Saksi ni Jehova, kinukumpiska ang mga literatura at pribadong pag-aari, at inaaresto at ikinukulong ang mga dumadalo sa pulong. Ang ating mga kapatid ay pinagsasalitaan din ng masama at sinasaktan. Dahil sa patuloy na paglusob ng mga pulis, alam ng korte na kailangan nang aksyunan at suriin agad ang situwasyon. Sana ay pahintulutan nang magtipon nang payapa ang ating mga kapatid.

Pransiya

Noong Pebrero 2005, isang kaso ang isinampa sa ECHR may kinalaman sa di-makatarungan at ilegal na pagpapataw ng buwis ng pamahalaan ng Pransiya sa mga Saksi ni Jehova. Hinihintay pa rin natin kung isasaalang-alang ng korte ang kaso. Samantala, siniraan ng mga sumasalansang ang mga Saksi ni Jehova kaya mga 70 insidente ng bandalismo sa mga Kingdom Hall ang naitala sa nakalipas na taon. Gayunman, patuloy na umaasa ang mga kapatid sa Pransiya na ipapasiya ng korte na hindi naging patas ang pamahalaan sa pagtrato sa kanila. Sa gayon, magiging mas maganda ang kalagayan ng mga Saksi ni Jehova sa bansang ito.

Russia

Noong Disyembre 2001, ang mga Saksi ni Jehova sa Russia ay nagpasa ng aplikasyon sa ECHR para ireklamo ang paulit-ulit na kriminal at sibil na mga paglilitis laban sa mga Saksi ni Jehova roon. Noong Hunyo 2004, pinagtibay ng Hukumang Panlunsod ng Moscow ang desisyon ng mababang hukuman na nagbabawal sa gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Moscow at nag-uutos na buwagin ang kanilang ginagamit na legal na instrumento. Sa kalakhang bahagi, nakapagtitipon pa rin para sumamba ang mga kapatid sa Moscow at nakakabahagi sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. Gayunman, maraming insidente na pinahihinto ng mga opisyal ang mga pulong at asamblea sa Moscow at sa ibang bahagi ng Russia. Minamaltrato rin ang ating mga kapatid. Halimbawa, noong Hulyo, sa bayan ng Chekhov, mga 60 kilometro sa timog ng Moscow, sinunog ng mga arsonista ang isang Kingdom Hall. Bagaman agad na nakahingi ng tulong sa mga bombero, iniulat ng mga nakasaksi na halos walang ginawa ang mga bombero para maapula ang apoy. Ayaw rin ng mga pulis na simulan ang imbestigasyon. Sa kabila ng mahihirap na kalagayan at pagsalansang, nananatiling tapat ang ating mga kapatid sa Russia at umaasa sa suporta ni Jehova.

Nangangako si Jehova na walang sandata na inanyuan laban sa kaniyang mga lingkod ang magtatagumpay. (Isa. 54:17) Kahit ang pinakamahihirap na kalagayan ay maaaring magdulot ng ‘pagsulong sa mabuting balita.’ Kung gayon, determinado ang mga lingkod ng Diyos na patuloy na ‘tumayong matatag sa isang espiritu, na may isang kaluluwa at nagpupunyaging magkakaagapay para sa pananampalataya sa mabuting balita, at sa anumang paraan ay hindi nagagawang takutin ng kanilang mga kalaban.’ (Fil. 1:12, 16, 18, 27, 28) Pakisuyong ‘magpatuloy sa pananalangin’ para sa ating mga kapatid na nagtitiwala kay Jehova, ang kanilang ‘moog at Tagapaglaan ng pagtakas.’—2 Tes. 3:1; Awit 18:2.

MGA SANGAY NA INIALAY

Masayang-masaya sa sangay ng Timog Aprika noong Sabado, Nobyembre 10, 2007, nang magtipun-tipon ang halos 4,000 kapatid para sa pag-aalay ng pinalaking palimbagan, silid-kainan, at tirahan.

Ang mga bisita sa pinalaking palimbagang ito ay tuwang-tuwang makita ang makinang MAN Roland Lithoman habang naglilimbag ito ng sampu-sampung libong Bibliya at literatura. Nakagawa na ang bagong bookbindery ng mahigit isang milyong kopya ng Bagong Sanlibutang Salin sa 16 na wika sa Aprika. Ipinakita sa mga bisita ang pinalaking pasilidad ng shipping, kung saan iniimbak ang mga literatura sa Bibliya na ginagamit ng halos 8,000 kongregasyon sa sampung bansa sa timugang Aprika.

Noong Hunyo 7, 2008, inialay ang karagdagang mga pasilidad ng sangay sa Nigeria sa Lagos, 360 kilometro sa timog-kanluran ng Bethel sa Igieduma. Ang tanggapan sa Lagos ay may 24 na kuwartong-tuluyan, isang bodega, at isang gusaling pang-opisina. Maraming bagay may kinalaman sa sangay ang inaasikaso sa Lagos, ang sentro ng ekonomiya ng bansa. Ang bagong tanggapan ang tinutuluyan ng mga Bethelite na kumukuha ng mga kargamento sa daungan at bumibili ng mga suplay para sa sangay. Nagsisilbi rin itong tuluyan ng mga umaalis at dumarating sa paliparan. Ang tanggapan sa Lagos ay nagsisilbi ring pansamantalang lokasyon para sa Ministerial Training School habang tinatapos pa ang konstruksiyon ng karagdagang pasilidad sa Igieduma. Talagang kitang-kita kung paano pinagpapala ni Jehova ang gawaing pangangaral sa Aprika, gaya ng makikita sa iba’t ibang bansa sa buong lupa.

TINULUNGAN UPANG GAWIN ANG KALOOBAN NG DIYOS

Napakalaki ng ating pasasalamat kay Jehova dahil binibigyan niya tayo ng “bawat mabuting bagay upang gawin ang kaniyang kalooban, na isinasagawa sa atin sa pamamagitan ni Jesu-Kristo yaong lubhang kalugud-lugod sa kaniyang paningin.” (Heb. 1321) Dahil pinatunayan ni Jehova na siya ang isa na “makagagawa ng ibayo pang higit sa lahat ng mga bagay na ating mahihingi o maiisip,” buong-puso nating masasabi: “Sumakaniya nawa ang kaluwalhatian sa pamamagitan ng kongregasyon at sa pamamagitan ni Kristo Jesus sa lahat ng mga salinlahi magpakailan-kailanman.”—Efe. 3:20, 21.

[Kahon sa pahina 25]

Pagrerehistro ng Relihiyon—Bakit at Paano?

Iba-iba ang paraan ng pagrerehistro ng relihiyon sa bawat bansa. Sa ilang bansa, gaya ng Armenia at Azerbaijan, may espesipiko silang batas na nagpapahintulot sa isang relihiyosong grupo para magparehistro at sa gayo’y kilalanin ng pamahalaan. Kapag inaprubahan ang pagpaparehistro, kikilalanin ang relihiyosong grupo bilang isang opisyal na relihiyon sa bansang iyon. Sa ibang mga bansa, may dalawang kategorya ang pagrerehistro. Ang unang kategorya ay para sa pangunahin at kilalang mga relihiyon. Ang kategoryang ito ay nagbibigay ng maraming benepisyo gaya ng eksemsiyon sa buwis. Ang pangalawang kategorya ay karaniwan nang para sa mas maliit, bago, at di-kilalang mga relihiyosong grupo.

Ang ibang mga bansa, gaya ng Georgia at Estados Unidos ng Amerika, ay walang espesipikong batas para sa pagrerehistro ng mga relihiyon. Sa gayong mga kalagayan, ginagarantiyahan ng konstitusyon ang kalayaan sa relihiyon para sa lahat ng tao. Bagaman hindi pormal na kinikilala sa mga bansang ito ang mga indibiduwal na relihiyosong grupo, maaaring mag-aplay ang isang relihiyosong grupo para mairehistro ang isang legal na korporasyon. Kapag inaprubahan ang aplikasyon, maaaring gamitin ng grupo ang legal na korporasyon para maisagawa ang kanilang mga gawain, gaya ng pag-iimprenta at paglalathala ng mga babasahin, gayundin ang pagkakaroon ng ari-arian.

[Mapa sa pahina 21]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

AUSTRIA

PRANSIYA

ESPANYAS

GRESYAE

ERITREA

RWANDA

ARMENIA

AZERBAIJAN

RUSSIA

KAZAKHSTAN

UZBEKISTAN

TAJIKISTAN

TIMOG KOREA

[Larawan sa pahina 11]

Ang Kongregasyon ng Siaya na gumagamit ng wikang Luo

[Larawan sa pahina 13]

Ang “Bagong Sanlibutang Salin”—sa kumpletong edisyon o bahagi nito—ay makukuha sa mahigit na 70 wika

[Larawan sa pahina 22]

Konstantinos Kotidis

[Larawan sa pahina 22]

Stylianos Ioannidis

[Larawan sa pahina 29]

Bagong tirahan sa Lagos, Nigeria

[Larawan sa pahina 29]

Palimbagan, sangay sa Timog Aprika