Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Zambia

Zambia

Zambia

Ang Aprika ay parang isang napakalaking burdadong kasuutan. Masusumpungan sa kontinenteng ito ang mapuputing buhanginan ng Baybayin ng Mediteraneo, kulay-gintong Sahara, berdeng kagubatan, mapuputing alon na humahampas sa dalampasigan ng Cape of Good Hope, at dito naninirahan ang 10 porsiyento ng populasyon ng daigdig. Dito umaagos ang maraming ilog, gaya ng Nilo, Niger, Congo, at Zambezi. At masusumpungan sa lugar na ito ang napakalaking deposito ng ginto, tanso, at mahahalagang bato.

Ang Zambia ay nasa talampas ng sentral Aprika, isang alun-alon na sabana, at sa ibaba nito ay makikita ang tropikal na maulang kagubatan ng Lunas ng Congo (Congo Basin). Sinasabi ng ilan na ang bansang ito ay parang isang napakalaking paruparong di-pantay ang pakpak na dumapo sa mapa. Ang kakaibang hugis ng hangganan nito, na resulta ng kolonyalismo, ay may sukat na mahigit sa 750,000 kilometro kuwadrado​—mas malaki kaysa sa estado ng Texas, E.U.A.

Nasa hilagang-silangan ng teritoryo ng tinatawag ngayong Zambia ang Great Rift Valley. Nasa kanluran at timog naman ang malaking Ilog Zambezi. Hanggang sa huling bahagi ng ika-19 na siglo, ang lupaing ito ay hindi pa rin nararating ng mga banyagang nandambong sa Aprika ng ginto at garing, at naghakot ng mga tao para gawing mga alipin. Noong 1855, natuklasan ng manggagalugad na si David Livingstone, anak ng isang taga-Scotland na trabahador sa pabrika, ang lupain sa kabila ng “Usok na Dumadagundong”​—ang maringal at kamangha-manghang tanawin na nang maglaon ay tinawag ni Livingstone na Victoria Falls sa karangalan ni Reyna Victoria ng Inglatera.

Di-nagtagal, dumating ang mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan na sabik isulong ang “Kristiyanismo, komersiyo, at sibilisasyon” sa pagsisikap na magalugad ang sentro ng kontinente. Kadalasang ibang-iba ang kanilang ginagawa kung ihahambing sa layunin ng kanilang pagmimisyonero. Subalit di-nagtagal, sa tulong ng Diyos, dumating ang talagang nagrerekomenda ng kanilang sarili bilang kaniyang mga ministro.​—2 Cor. 6:3-​10.

Pasimula ng Gawain

Noong taóng 1890, limang magkakaibang grupo ng mga misyonero ang dumating sa teritoryong tinatawag ngayon na Zambia. Sa pasimula ng ika-20 siglo, dumaraming Aprikano ang naghahanap ng patnubay dahil sa nagbabanta at lumalakas na kapangyarihan ng mga kolonista at lumalaganap na komersiyo. Naglitawan ang kakaiba at kakatwang mga kilusang relihiyoso sa kontinente. Gayunman, may makukuha nang tunay na espirituwal na tulong. Noon pa mang 1911, may mga kopya na ng Studies in the Scriptures ang tapat-pusong mga tao sa Zambia. Ang mga katotohanan sa Bibliya na nilalaman ng mga aklat na iyon ay mabilis na lumaganap pahilaga, bagaman hindi laging sa pamamagitan ng mga taong taimtim at interesadong maglingkod sa Diyos.

Noong 1910, isinugo ni Charles Taze Russell, na nangangasiwa sa gawaing pangangaral ng Kaharian noong panahong iyon, si William W. Johnston, isang maaasahan at seryosong kapatid mula sa Glasgow, Scotland, upang tumulong sa mga kapatid sa Nyasaland (ngayo’y Malawi). Nakalulungkot, pinilipit ng ilang nag-aaral ng Bibliya na nauna sa kaniya​—kapuwa mga katutubo at banyaga—​ang mga katotohanan sa Kasulatan samantalang hinahangad nilang itaguyod ang sakim na mga interes. Tunay nga, nang sumunod na mga taon, nagdatingan sa Hilagang Rhodesia (ngayo’y Zambia) ang nag-aangking mga mangangaral at pastor na nagtataguyod ng waring kapana-panabik na haluang relihiyon, pangako ng pagpapalaya, at ng maruruming gawain. Bagaman tinulungan ni Brother Johnston ang mga nasa Nyasaland, na inilarawan niya bilang “punô ng masidhing pagnanais upang magkaroon ng higit na kaalaman sa Salita ng Diyos,” hindi gaanong nabigyang-pansin ang mga teritoryo sa gawing kanluran. Gayunman, nakarating sa Hilagang Rhodesia ang salig-Bibliyang literatura sa pamamagitan ng koreo at sa pamamagitan ng nandayuhang mga manggagawa, subalit wala pa rin talagang nangangasiwa sa gawaing pangangaral ng Kaharian noong mga taóng iyon.

Isang Panahon ng Kawalang-Katiyakan

Ang unang mga taon ng dekada ng 1920 ay isang panahon ng kawalang-katiyakan. Lubhang nakasira sa reputasyon ng tunay na ministeryong Kristiyano ng mga lingkod ng Diyos ang mga “kilusang Watch Tower” sa lugar na iyon. Iniulat na nagpapalitan ng asawa at gumagawa ng masama ang ilang indibiduwal na bukod sa kakaunti ang kaunawaan sa katotohanan sa Bibliya ay nagpapanggap ding kasama ng mga Estudyante ng Bibliya, na tawag noon sa mga Saksi ni Jehova. Gayunman, maliwanag na pinatunayan ng maraming grupong may taimtim na debosyon sa mga simulain ng Bibliya at sigasig sa pangangaral na namumuhay sila ayon sa katotohanan.

Ang hamon ay kilalanin kung sino talaga ang interesadong maglingkod sa Diyos. Sina Thomas Walder at George Phillips, kapuwa mula sa Britanya, ay dumating sa Timog Aprika sa tanggapan ng mga Estudyante ng Bibliya sa Cape Town noong 1924. Si Brother Walder, isang lalaking wala pang 35 anyos, ay naglakbay sa hilaga at timugang Rhodesia upang alamin kung sinu-sino ang nauugnay sa pangalang Watch Tower. Nang sumunod na taon, inatasan si William Dawson, mula sa Europa, para dalawin ang nabubuong mga grupo. Binanggit niya na ang ilang nag-aangking pastor ay buong-pananabik na nagbautismo ng maraming tao, karamihan ay walang pagkaunawa at pagpapahalaga sa katotohanan sa Bibliya. Nang maglaon, sumulat si Llewelyn Phillips (walang kaugnayan kay George Phillips): “Naging napakaliwanag na ang karamihan ay katulad ng mga tao sa Nineve na ‘hindi nakakakilala ng pagkakaiba ng kanilang kanang kamay sa kanilang kaliwa.’ ” (Jon. 4:11) Taimtim ang marami sa kanila, subalit naging mahirap para sa mga tao na maunawaan ang katotohanan dahil halos walang publikasyon sa kanilang katutubong mga wika. Yamang hindi nagtagumpay ang paulit-ulit na mga pagsisikap na makakuha ng pahintulot ng pamahalaan na magkaroon ng permanenteng kinatawan na mangangasiwa sa gawain, nagpasiya ang tanggapan sa Cape Town na limitahan ang pangangaral sa madla at pagbabautismo. Bagaman hindi niya sila hinahadlangang mag-aral ng Bibliya at magtipon para sumamba, sumulat si Brother Walder ng liham sa mga grupo ng mga interesado, na pinapayuhan silang makipagtulungan sa pansamantalang kaayusang ito hanggang sa makapag-atas doon ng isang permanenteng kinatawan ng mga Estudyante ng Bibliya.

Pangangaral sa Tabi ng Riles ng Tren

Maraming dantaon nang ginagamit ng mga tagaroon ang mga deposito ng tanso na nakukuha sa ibabaw ng lupa para gawing kagamitan at palamuti. Noong kalagitnaan ng dekada ng 1920, sinimulang gamitin ng British South Africa Company, na hindi lamang namahala sa teritoryo kundi siya ring may hawak ng karapatan sa pagmimina, ang napakalalaking reserba sa ilalim ng lupa. Kailangan ang mga manggagawa, at libu-libo mula sa mga probinsiya ang nagtungo sa bago at papaunlad na mga bayan at mga lunsod sa tabi ng riles ng tren na noong una ay nilayong bumagtas mula sa Cape Town sa Timog Aprika hanggang sa Cairo sa Ehipto.

Ganito ang naalaala ni James Luka Mwango: “Ibang-iba ang pagkakaorganisa noon sa mga company, gaya ng dating tawag sa mga kongregasyon, kung ihahambing sa ngayon. Bago ang 1930, idinaraos sa maliliit na grupo lamang ang mga pagpupulong para mag-aral ng Bibliya. Ang ilan sa mga interesado ay nakikipag-ugnayan sa tanggapan sa Cape Town, samantalang tuwiran namang ipinadadala ng iba ang kanilang mga kahilingan sa literatura sa Brooklyn. Yamang ang literatura ay nasa wikang Ingles, nahirapan ang marami na maunawaan nang wasto ang katotohanan.” Bagaman maliliit lamang ang mga grupo, sumusulong ang mga ito, at ang kanilang sigasig at determinasyon ay unti-unting umakay sa kanila na mangaral sa organisadong paraan. Hindi ito nalingid sa klero ng Sangkakristiyanuhan.

Isang Kampanya ng Pagsupil

Noong Mayo 1935, iginiit ng maimpluwensiyang mga grupo ng relihiyon ang isang pagbabago sa kodigo penal ng Hilagang Rhodesia, anupat ginawang malubhang krimen ang pag-aangkat at pamamahagi ng tinatawag na subersibong literatura. Sabihin pa, ang mga taong nagpapasiya kung anong literatura ang mapaghimagsik o subersibo ay naiimpluwensiyahan ng kanilang sariling pulitikal o relihiyosong paniniwala. Gaya ng ipinakita ng mga pangyayari nang dakong huli, walang-alinlangang naghahanap lamang ang mga mang-uusig ng dahilan upang maipagbawal ang mga Saksi ni Jehova.

Nang magkaroon ng kaguluhan sa mga komunidad sa minahan dahil sa inianunsiyong bagong mga buwis, sinamantala ng mga mananalansang ang pagkakataong ito upang paratangang kontra-gobyerno ang mga Saksi. Maaga noong buwang iyon, nagdaos ang mga Saksi ng isang asamblea sa Lusaka. Lumilitaw na sinabi ng mga mananalansang na ang maliit na asambleang iyon ay may kaugnayan sa kaguluhang nagaganap mahigit na 300 kilometro sa hilaga. Naaalaala pa ni Thomson Kangale, isang kabataan noong panahong iyon: “Alam naming may nagbabantang kaguluhan. Sa halip na mangaral, nagpasiya kaming manatili sa loob ng bahay at mag-ensayo ng mga awiting pang-Kaharian. Batid namin na hindi kami dapat makisangkot sa mga welga o karahasan.” Gayunpaman, sinundan ito ng mga pag-aresto sa mga kapatid, at sa maraming bayan ay tinugis sila mula sa kanilang tahanan, at kinumpiska o sinira ang kanilang literatura sa Bibliya. Naglabas ng pahayag ang gobernador na nagbabawal sa 20 sa ating mga publikasyon.

Binuo ang isang komisyon upang imbestigahan ang mga kaguluhan. Inamin ng komisyonado ng distrito sa lugar na pangunahin nang naapektuhan ng kaguluhan: “Ang mga Saksi ni Jehova at ang Watch Tower mismo bilang isang organisasyon ay hindi nakibahagi sa welga.” Walang isa man sa mga Saksi ni Jehova ang nasangkot sa anumang kaguluhan. Gayunman, iniulat ng aklat na Christians of the Copperbelt: “Pinaniwalaan ng Komisyon sa Pagsisiyasat . . . ang maraming seryosong paratang batay sa napakahinang ebidensiya, [at] salig sa report ng komisyong ito ay ipinagbawal ang literatura ng mga Saksi ni Jehova. Sa ilang distrito, ang mga pinuno [ng tribo] ay nagsagawa ng puspusang kampanya ng pagsupil, anupat sinunog ang mga dakong pinagtitipunan ng Watchtower.”

Samantala, ang tanggapan sa Cape Town ay paulit-ulit na umapela sa kalihim ng pamahalaan ng Britanya para sa mga kolonya, na ‘pahintulutang isagawa ng mga Saksi ang kanilang bigay-Diyos na karapatang sumamba sa Diyos na Jehova ayon sa idinidikta ng kanila mismong budhi, nang walang hadlang.’ Umapela rin sila na pahintulutan silang magkaroon ng permanenteng tanggapan na may kinatawan. Pinagpala ni Jehova ang mga pagsisikap na ito. Noong Marso 1936, inaprubahan ng kalihim ng pamahalaan ang pagtatatag ng isang imbakan ng literatura sa Lusaka at na si Llewelyn Phillips ang maging kinatawan nito.

Ang Apat na Kahilingan

Isang mahalagang tagumpay ang pagtatatag ng isang imbakan ng literatura sa Lusaka. Gayunman, yamang wala pang maiharap na katanggap-tanggap na ebidensiya upang ipakita na may organisadong pangangasiwa sa mga kongregasyon, hindi pumayag ang gobernador na ipagkaloob ang legal na pagkilala sa mga Saksi ni Jehova bilang isang relihiyosong organisasyon. Nang sumunod na mga taon, nagpagal si Brother Phillips kasama ang tapat na mga kapatid upang tulungan at patibayin ang taimtim na mga tao at ihiwalay ang mga nagtataguyod ng mga gawaing hindi makakasulatan. Ang mga payunir ay tumanggap ng pagsasanay sa mga bagay na may kaugnayan sa doktrina, kalinisan sa moral, at pang-organisasyon, at pagkatapos ay tinulungan naman nila ang mga grupo at kongregasyon.

Sa pagkokomento tungkol sa panahong ito, isang kapatid ang nagsabi: “Ang 1940 ang pinakamainam na taon para sa mga mamamahayag sa Zambia. Ito ang taon nang muling ipahintulot ang pagbabautismo. Itinigil ito noong 1925.”

Naalaala ni James Mwango: “Bago payagang mabautismuhan ang isang estudyante sa Bibliya noong panahong iyon, kailangan muna niyang pag-aralan ang tinatawag naming apat na kahilingan. Saka siya tatanungin ng nagbabautismo o ng isa pang kapatid na lalaki na itinalaga ng company servant tungkol sa kahulugan ng apat na kahilingang ito. Ang unang kahilingan ay ang pakikinig sa katotohanan; ikalawa, ang pagsisisi; ikatlo, ang pagkaalam sa Salita ng Diyos; at ikaapat, ang pag-aalay. Kapag wastong naunawaan ng estudyante ang apat na kahilingan, maaari na siyang bautismuhan. Ginamit ang pamamaraang ito upang matiyak na alam ng mga magpapabautismo na seryoso ang kanilang ginagawa.”

Pagbabawal sa Literatura

Partikular na noong ikalawang digmaang pandaigdig, inakala ng mga opisyal ng gobyerno na ang neutral na paninindigan ng mga Saksi ay salungat sa patakaran ng gobyerno sa pangangalap para sa hukbo. Noong Disyembre 1940, ipinagbawal na ang lahat ng literatura na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova. Ipinagbawal din ang pag-aangkat ng ating literatura. Noong tagsibol ng 1941, naglabas ang pamahalaan ng patalastas na dapat isuko ng mga nagtataglay ng mga publikasyon ng Watch Tower ang mga literaturang ito, dahil kung hindi ay ihahabla sila at posible pa nga silang makulong.

Ganito ang naalaala ni Solomon Lyambela, na naglingkod bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa at nang maglaon ay nag-aral sa Paaralang Gilead: “Itinago namin ang mga literatura sa mga bangka sa Ilog Zambezi. Itinali namin ang mga aklat sa ilalim ng mga kama at itinago pa nga ang mga ito sa imbakan namin ng giniling na mais at binutil.”

Isa pang brother ang nagsabi: “Kailangan naming ibaon sa lupa ang aming mga aklat. Subalit hindi na namin kailangang itago ang Bibliyang Berean, na lubos naming pinahahalagahan at hindi ipinagbabawal. Maraming aklat ang nawala sa amin, yamang ang ilan ay inanay, at ang iba naman ay ninakaw. Dahil madalas kaming magtungo sa mga lugar kung saan namin ibinaon ang mga aklat, inakala ng mga magnanakaw na mahahalagang bagay ang aming ibinaon. Natatandaan ko pa na isang araw, nang magtungo ako sa talahiban upang mag-aral, nasumpungan kong nagkalat ang aming mga aklat. Tinipon namin ang mga ito at itinagong muli sa ibang lugar.”

Buong-tapang na sumulat ng reklamo si Llewelyn Phillips sa gobernador may kinalaman sa ipinagbawal na mga publikasyon. Pagkatapos mabilanggo maaga ng taóng iyon dahil sa pagtangging maglingkod sa militar, si Brother Phillips ay nasentensiyahan pa ng karagdagang anim na buwan. Isang boluntaryo na pansamantalang naglingkod sa imbakan ng literatura sa Lusaka ang nagsabi: “Madalas kaming pinupuntahan ng Criminal Investigation Department, at laging ipinatatawag si Brother Phillips sa himpilan ng pulisya.” Sa kabila nito, patuloy na itinaguyod ni Brother Phillips ang mabuting kaayusan at masigasig na espiritu sa mga kongregasyon. Nang magkaroon na ng may-kakayahang mga brother, sinanay sila at isinugo bilang naglalakbay na mga ministro, o naglalakbay na mga tagapangasiwa. Nakatulong sila upang maabot ang pinakamataas na bilang na 3,409 na mamamahayag noong 1943.

Patuloy na Pagsulong Tungo sa Higit Pang mga Kalayaan

Pagkatapos ng digmaan, ang mga tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Britanya at Timog Aprika ay paulit-ulit na umapela sa Colonial Office sa London upang gawing legal ang ating mga publikasyon. Nang tanggapin ang petisyon na nilagdaan ng mahigit na 40,000 katao na nagpapahayag ng kanilang suporta sa gawaing pagtuturo ng mga Saksi ni Jehova, inalis ng pamahalaan ng Hilagang Rhodesia ang pagbabawal sa ilan sa ating publikasyon. Subalit ipinagbabawal pa rin ang magasing Bantayan.

Noong Enero 1948, dumalaw sa bansa sa unang pagkakataon sina Nathan Knorr at Milton Henschel mula sa punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn. Pagkatapos dumalo sa apat-na-araw na asamblea sa Lusaka, nakipagkita sila sa kalihim ng ugnayang panloob at sa attorney general, na nagsabi sa kanila na malapit nang alisin ang natitirang mga pagbabawal. Kaylaking kagalakan nang sa wakas ay legal na kilalanin ang gawain ng bayan ni Jehova! Noong Setyembre 1, 1948, isang bagong tanggapang pansangay ang itinatag sa ilalim ng pangalang Mga Saksi ni Jehova, sa halip na Watch Tower Society. Para sa mga awtoridad, sa mga tao, at maging sa mga kapatid mismo, maliwanag nang makikita ngayon ang pagkakaiba ng mga Saksi ni Jehova sa mga tagasunod ng katutubong mga sekta na “Watch Tower,” na walang kaugnayan sa bayan ng Diyos.

Apatnapung taon bago nito, ang mga relihiyosong mananalansang, na nagpakita ng kaunting interes sa paggawa ng mga alagad ni Kristo, ay nagtuon ng kanilang pagsisikap upang sirain ang pananampalataya ng mga nakikinig sa mabuting balita. Sa loob ng ilang panahon, patuloy na pinatunayan ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang mga sarili na tapat na mga ministro ng Diyos, sa kabila ng mga paratang sa kanila bilang “mga manlilinlang.” (2 Cor. 6:8) Palibhasa’y inaasahan ang kalayaan pagkatapos ng digmaan, nagsimula silang gumawa ng kapana-panabik na mga kaayusan upang maasikaso ang pagsulong sa hinaharap.

Paglilingkod Bilang Misyonero

“Kabilang sa kasiya-siyang mga aspekto ng paglilingkod bilang misyonero ang makita kung paano ginagamit ni Jehova ang lahat ng uri ng lalaki at babae sa pagsasakatuparan ng kaniyang layunin. Isa ring kagalakang makita ang naging pagpapahalaga ng mga tumanggap ng espirituwal na tulong,” ang sabi ni Ian (John) Fergusson, na naglingkod sa loob ng maraming taon sa Zambia. Ang mga misyonero ng ibang relihiyon ay kadalasang abala sa mga isyung panlipunan at pangkabuhayan, samantalang nakatuon naman ang pansin ng mga misyonero ng mga Saksi ni Jehova sa paggawa ng Kristiyanong mga alagad. Sa pagtupad sa atas na ito mula sa Diyos, pinatunayan ng mga misyonerong ito na sila ay may “pag-ibig na walang pagpapaimbabaw.”​—2 Cor. 6:6.

Makikita ang espiritu ng pagmimisyonero sa mga indibiduwal na gaya ni William Johnston, na nagtungo sa timugang Aprika mga ilang taon bago sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I at naglakbay sa buong rehiyon. Maaga noong 1921, sina Piet de Jager, Parry Williams, at ang iba pa ay nakarating sa Salisbury (ngayo’y Harare), ang kabisera ng kalapit na bansa ng Zambia, ang Timugang Rhodesia (ngayo’y Zimbabwe). Binigyang-pansin nina George Phillips, Thomas Walder, at William Dawson ang Hilagang Rhodesia noong kalagitnaan ng dekada ng 1920. Ang iba naman, na ilan sa mga ito ay isinilang sa Hilagang Rhodesia subalit natagpuan ng mga Estudyante ng Bibliya samantalang nagtatrabaho sa ibang dako, ay bumalik upang palaganapin ang “mabuting balita ng mabubuting bagay.” (Roma 10:15) Malaki ang ginampanan nina Manasse Nkhoma at Oliver Kabungo sa pagpapalaganap ng mabuting balita noong mga panahong iyon. Si Joseph Mulemwa, isang katutubo ng Zambia, ay natagpuan sa minahan ng Wankie (ngayo’y Hwange), sa hilagang Zimbabwe, at nang maglaon ay matapat na naglingkod sa kanlurang Zambia. Si Fred Kabombo ay naglingkod bilang kauna-unahang naglalakbay na tagapangasiwa sa lugar na iyon. Ang mga kapatid na ito ang talagang nanguna sa gawain, anupat puspusang nagsikap na marating ang mga lugar na hindi gaanong napangaralan o hindi pa nga napaabutan kailanman ng mabuting balita at sila ang naglatag ng matibay na pundasyon para sa pagsulong sa hinaharap.

Habang papalapit ang wakas ng ikalawang digmaang pandaigdig, si Charles Holliday mula sa Timog Aprika ay tumugon sa paanyaya ni George Phillips na nasa tanggapan sa Cape Town na dalawin ang mga grupo ng interesadong mga tao sa Kanluraning Lalawigan. Naglakbay si Brother Holliday, kasama ang isang kapatid na tagaroon na nagsilbing interprete, sakay ng tren na pinagkakargahan ng mga troso, at pagkatapos ay sa bangka at sa ganger’s trolley​—isang maliit na kotse ng tren na pinatatakbo nang manu-mano. Pagdating sa Senanga, isang maliit na bayan na matatagpuan 250 kilometro sa hilaga ng Victoria Falls, malugod silang tinanggap ng isang malaking pulutong. Ang ilan sa mga naroon ay naglakbay ng ilang araw, at lubhang interesadong makinig sa panauhing ito na magpapaliwanag ng mga katotohanan sa Bibliya.

Dumating ang mga Misyonerong Nagtapos sa Gilead

Noong 1948, dumating sa Zambia ang dalawang misyonero, sina Harry Arnott at Ian Fergusson. Pinagtuunan ngayon ng pansin ang libu-libong Europeo na lumipat doon upang magtrabaho sa mga minahan ng tanso. Nakatutuwa ang pagtugon. Nagkaroon ng 61 porsiyentong pagsulong noong taóng iyon sa bilang ng mga Saksing aktibo sa ministeryo sa larangan.

Sa maraming lugar, karaniwan na para sa mga misyonero na magkaroon ng listahan ng pangalan ng mga taong naghihintay na mapagdausan ng mga pag-aaral sa Bibliya. Bumili ang tanggapang pansangay ng isang segunda-mano at maliit na trak na Dodge na may sampung taon na, at siyang ginamit ng dalawang misyonerong naglilingkod bilang naglalakbay na mga tagapangasiwa upang marating ang mga lugar sa labas ng mga sentro ng industriya. “Malaking tulong ang sasakyang ito,” ang sabi ng isang ulat ng sangay, “bagaman kung minsan ay bumabalik ito sa tanggapang pansangay na tatlo na lamang ang gulong o halos magkalansag-lansag na ang tsasis.”

Noong 1951, may anim na misyonero sa bansa. Dumating ang anim pang misyonero na handang tumulong noong Disyembre 1953. Kasama sa grupong ito sina Valora at John Miles, na naglingkod sa Zambia sa loob ng anim na taon bago inilipat sa Zimbabwe at pagkatapos sa Lesotho. Nang sumunod na mga taon, dumating ang mas marami pang misyonero: sina Joseph Hawryluk, John at Ian Renton, Eugene Kinaschuk, Paul Ondejko, Peter at Vera Palliser, Avis Morgan, at iba pa na pawang maibiging tumulong. Sabihin pa, upang maging mabisa sa kanilang pantanging paglilingkod, kailangan nilang magsakripisyo at gumawa ng mga pagbabago.

“Napakabata Pa Niya!”

“Tiyak kong nagkamali sila,” ang sabi ni Wayne Johnson, habang ginugunita niya ang kaniyang nadama nang matanggap niya ang kaniyang atas sa Zambia. Si Wayne, na nagtapos sa ika-36 na klase ng Gilead, ay dumating noong bandang pasimula ng 1962, kasama si Earl Archibald. Ganito ang naalaala ni Wayne, na isa nang naglalakbay na tagapangasiwa ngayon sa Canada, kasama ang kaniyang asawang si Grace: “Ako’y 24 na taóng gulang lamang noon at mas batang tingnan. Habang nag-aaral ako ng wikang Chinyanja [tinatawag ding Chichewa], naririnig kong nagbubulung-bulungan ang mga kapatid na babae sa kongregasyon nang una nila akong makita: ‘akali mwana’​—‘Napakabata pa niya!’ ”

“Natanto ko na kailangan kong manalig nang lubusan kay Jehova at sa kaniyang organisasyon,” ang sabi ni Wayne. “Gusto kong malaman ng lahat na sa diwa ng Gawa 16:4, ipinababatid ko lamang ang tagubilin at impormasyong inihanda ni Jehova at ng kaniyang organisasyon. Sinikap ko ring kumilos sa paraang katanggap-tanggap sa iba. Habang ginugunita ko ang nakaraan, hindi pa rin ako makapaniwalang binigyan ako ng gayon kalaking pribilehiyo.”

Pinalayas sa Bansa!

Ang dekada ng 1960 at 1970 ay mga taon ng pagbabago. Sa pana-panahon, nagkakaroon ng pag-uusig sa bansa. Pagkatapos makamit ng Zambia ang kasarinlan nito noong 1964, napaharap ang mga kapatid sa mas maraming problema may kaugnayan sa mga isyu hinggil sa pagsaludo sa bandila at pambansang awit. Sa pagtatapos ng dekada ng 1960, itinuring ng ilang pulitiko na salungat sa mga tunguhin ng pamahalaan ang impluwensiya ng mga misyonero. Ipinaliwanag ng isang ulat ng sangay ang nangyari: “Umagang-umaga noong Enero 20, 1968, tumawag sa telepono ang mga tagapangasiwa mula sa halos lahat ng kongregasyong gumagamit ng wikang Ingles upang ipaalam sa tanggapang pansangay na ang mga tagapangasiwa ay tumanggap ng opisyal na liham na nagsasabing sila ay pinalalayas na sa bansa. Kapansin-pansin, ang utos na lumayas sila sa bansa ay ibinigay hindi lamang upang paalisin sa bansa ang mga banyagang Saksi ni Jehova kundi pati na ang mga mamamayang taga-Zambia, na dalawa rito ay sina George Morton at Isaac Chipungu.”

Mabilis na naisagawa ang pagpapalayas sa kanila sa bansa. Pagsapit ng 10:00 n.u. nang araw ring iyon, dumating sa tanggapang pansangay ang mga opisyal ng imigrasyon upang ibigay ang opisyal na liham na nagsasabing pinalalayas na sa bansa ang limang mag-asawang misyonero. “Hindi namin namalayan na nasa sangay na pala sila,” ang naaalaala ng misyonerong si Frank Lewis. “Bago pa nito, napagpasiyahan nang ang mga misyonerong nasa tanggapan ay lalabas sa pinto sa likod at magtutungo sa tahanan ng isang brother upang pasimulan ang mga kaayusang ginawa namin kung sakaling magkaroon ng pagbabawal. Subalit atubili kaming umalis sapagkat ang isang misyonera ay nasa itaas at malubha dahil sa malarya. Ngunit nagpumilit ang mga kapatid na tagaroon na umalis na kami at nangako silang aalagaan nila ang sister. Alam namin na gagawin nila iyon.

“Kakaiba ang nadama namin nang mabasa namin sa Times of Zambia na ang Watchtower, gaya ng tawag nila sa amin, ay ipinagbabawal na ngayon at nagtatago ang mga ‘lider’ nito. Lumitaw sa unang pahina ng pahayagan ang aming mga pangalan, at sinabi pang pinaghahanap kami ng mga awtoridad sa bawat bahay sa bayan! Napakahusay ng ginawa ng mga kapatid na nanatili sa tanggapan. Inilipat nila ang mga salansan at literatura sa iba’t ibang lugar. Pagkatapos nito, nagbalik kami sa sangay kinabukasan upang sumuko sa mga awtoridad.”

Naglagay ng isang pulis upang bantayan ang tanggapang pansangay, at di-nagtagal ay ipinatupad ang pagpapalayas sa ilang misyonero at sa iba pang banyaga. “Kabilang kami sa huling umalis,” ang paliwanag ni Brother Lewis. “Nalulungkot pa rin kami kapag naaalaala namin ang grupo ng mga sister na hindi naman namin personal na kilala subalit naglakad nang 25 kilometro mula sa Kalulushi kasama ang kanilang mga anak upang personal na magpaalam at makipagkamay sa amin!”

Ikalawang Daluyong ng Pagpapalayas Mula sa Bansa

Lumipas ang panahon. Si Albert Musonda, naglilingkod ngayon bilang miyembro ng Komite ng Sangay sa Zambia, ay 22 taóng gulang noon at nagboboluntaryo sa Bethel sa Accounting Department nang biglang dumating ang mga pulis isang araw noong 1975. “Binigyan nila ang mga misyonero ng wala pang dalawang araw upang umalis sa bansa,” ang sabi niya.

Ganito pa ang sabi ni John Jason: “Noong Disyembre 1975, isang maikling liham buhat sa tanggapan ng imigrasyon ang nag-utos sa amin na umalis sa bansa sa loob ng 36 na oras.” Umapela sila sa angkop na awtoridad sa pamamagitan ng isang lokal na abogado, at binigyan sila ng palugit na nagpahintulot sa mga misyonero na kunin ang ilan sa kanilang personal na mga ari-arian. “Pagkatapos niyan,” ang sabi ni Brother Jason, “kinailangan naming iwan ang mga taong lubhang napamahal na sa amin.”

Ganito naman ang naaalaala ng asawa ni Albert na si Dailes: “Inihatid namin ang aming mga kapatid hanggang sa Paliparan ng Southdown upang magpaalam sa kanila. Si John Jason ay nagtungo sa Kenya sakay ng eroplano, at nagtungo naman sa Espanya si Ian Fergusson.” Ano ang dahilan ng ikalawang daluyong na ito ng pagpapalayas sa kanila sa bansa?

Sa isipan ng marami, ang kombensiyon noong 1975 ang naging mitsa ng ikalawang daluyong ng pagpapalayas sa kanila sa bansa. “Isa ito sa pinakamalaking kombensiyon na idinaos noong maligalig na panahong iyon, na may kabuuang bilang ng dumalo na mahigit sa 40,000,” ang natatandaan ni John Jason. Nagkataon naman, isang pulitikal na pagtitipon ang ginaganap sa malapit. Ang ilan na nasa pagtitipong iyon ay nanawagan na magsagawa ng matinding pagkilos laban sa mga Saksi ni Jehova dahil sa kanilang pagiging neutral sa pulitika. Nagugunita pa ni Brother Jason na dahil daw sa kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova kung kaya kakaunti ang dumalo sa pulitikal na pagtitipon.

Bumalik ang mga Misyonero

Sampung taon ang lumipas bago muling nakapasok sa Zambia ang mga misyonero. Noong dekada ng 1980, naging mas mapayapa ang kalagayan sa pulitika at nabawasan ang mga pagbabawal. Noong 1986, si Edward Finch at ang kaniyang asawa, si Linda, ay dumating sa Gambia. Marami pang misyonero ang sumunod, kasama na sina Alfred at Helen Kyhe at Dietmar at Sabine Schmidt.

Noong Setyembre 1987, sina Dayrell at Susanne Sharp ay dumaan sa Timog Aprika mula sa Zaire, ngayo’y Demokratikong Republika ng Congo, at nakarating sa Zambia. Nagtapos sila sa Gilead noong 1969 at naglingkod sa buong Congo bilang naglalakbay na tagapangasiwa. Pamilyar na sila sa buhay sa sentral Aprika. Si Dayrell, isang matipunong lalaki, ay mahigit nang 40 taon sa pantanging buong-panahong paglilingkod. Sinabi niya: “Ang aming tahanang pangmisyonero sa loob ng maraming taon ay malapit lamang sa hangganan sa Lubumbashi, at regular kaming pumupunta sa Zambia.”

Malinaw pa sa alaala ni Susanne ang mga panahong iyon. “Dahil sa kakapusan ng pagkain sa Congo noong unang mga taon ng dekada ng 1970, kailangan kaming pumunta sa Zambia tuwing ilang buwan upang bumili ng mga panustos,” ang sabi niya. “Pagkatapos, noong mga unang buwan ng 1987, hinilingan kami ng Lupong Tagapamahala na umalis sa Congo at magpunta sa isang bagong atas​—pero saan? Sa Zambia!” Palibhasa’y hinihigpitan ang kanilang gawain sa Congo, nalugod ang mag-asawang Sharp na lumipat sa isang bansa kung saan ang mga kapatid ay nagtatamasa ng higit na kalayaan sa relihiyon.

Gayunman, kailangan ang ilang pagbabago sa larangan at sa sangay. Dahil sa bahagyang pagbabawal sa pangmadlang ministeryo, ang karamihan sa mga kapatid ay nagdaraos lamang ng mga pag-aaral sa Bibliya. Maraming mamamahayag ang hindi pamilyar​—asiwa pa nga​—sa ideya ng hayagang pangangaral sa bahay-bahay, isang mahalagang pitak ng pangmadlang ministeryo ng mga Saksi ni Jehova. Dahil dito, ang mga kapatid ay pinasiglang lakasan ang kanilang loob sa gawaing pangangaral sa bahay-bahay, lalo na yamang hindi na maigting ang kalagayan sa bansa at hindi na gaanong pinapansin ng mga pulis ang ating mga gawain.

Pasulong, Hindi Paurong

Nabahala ang Komite ng Sangay hinggil sa kawalan ng pagsulong noong dekada ng 1970. Dahil sa lokal na tradisyon, naging mahirap para sa mga kapatid na lalaki na magdaos ng pag-aaral sa kanilang mga anak, at yamang ipinagbawal ang pagpapatotoo sa bahay-bahay, karaniwang hinahayaan ng mga ama na ibang mga kapatid ang magdaos ng pag-aaral sa kanilang mga anak. Ang mga ama namang ito ang nagdaraos ng pag-aaral sa mga anak ng ibang kapatid. Panahon na upang gumawa ng matatag na mga pasiya. Nang sumunod na mga taon, hinimok ang mga mamamahayag na iwaksi ang di-makakasulatang mga tradisyon at gawain. Habang tumutugon ang mga kongregasyon, sila ay pinagpala, at puspusang nagsikap ang mga kapatid upang iayon ang kanilang buhay kasuwato ng mga simulain ng Bibliya at ng pambuong-daigdig na kapatiran.

Sa loob ng limang taon mula nang pasimulan ang ginawang mga pagpapalayas noong 1975, bumaba ng halos 11 porsiyento ang bilang ng mga mamamahayag. Kabaligtaran naman, limang taon mula nang bumalik ang mga misyonero noong 1986, ang pinakamataas na bilang ng mga mamamahayag ay dumami ng mahigit sa 50 porsiyento. Mula nang taóng iyon, mahigit na doble ang naging bilang ng aktibong mga mamamahayag.

Sa isang liham sa sangay, si Silas Chivweka, dating naglalakbay na tagapangasiwa ay nagsabi: “Mula noong dekada ng 1950 patuloy, tinulungan ng mga misyonerong sinanay sa Gilead ang iba na sumulong sa pagkamaygulang. Napakatiyaga, napakamaunawain, at napakabait ng mga misyonero. Dahil sa pagsisikap nila na maging malapít sa mga mamamahayag, nabatid ng mga misyonero kung ano ang kailangang ituwid.” Hanggang ngayon, malaki ang nagagawa ng gayong di-mapagpaimbabaw at maibiging pagtulong ng mga misyonero sa pagsulong ng mga mamamahayag.

Ang Inilimbag na Salita

Tulad ni Pablo at ng kaniyang mga kasama, pinatunayan ng makabagong-panahong mga Saksi ni Jehova na sila’y mga ministro ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang paggamit ng “mga sandata ng katuwiran sa kanang kamay at sa kaliwa.” (2 Cor. 6:7) Sa espirituwal na pakikidigma, patuloy nilang ginagamit ang “mga sandata” ng katuwiran, o mga pamamaraan upang isulong ang tunay na pagsamba.

Ang ating mga publikasyon ay makukuha lamang noon sa wikang Ingles. Bagaman ang ilan sa timugang Aprika ay may suskrisyon na ng The Watch Tower noon pang 1909, ang katotohanan sa Bibliya ay pangunahin nang lumaganap sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa mga tao. Isang kapatid noong panahong iyon ang nag-ulat: “Ang bawat nayon ay may [dakong pulungan] kung saan pinag-uusapan ang mga bagay hinggil sa kapakanan ng mga tagaroon. Isinasalin ng isang naglalakbay na kapatid na nakababasa ng Ingles ang mga parapo [ng magasin] tungo sa katutubong wika ng mga tao sa madaling maunawaang paraan. Saka isinasaalang-alang ang mga tanong ng mga tagapakinig.” Sabihin pa, ang katumpakan ng mga katotohanang ibinabahagi ay lubhang nakadepende sa kakayahan at mga motibo ng nagsasalin. Kaya upang maitaguyod kapuwa ang tumpak na kaalaman at pagkakaisa ng mga interesado, kailangan ang isang regular at maaasahang suplay ng mga publikasyong salig sa Bibliya sa kanilang sariling wika.

Nagkaroon ng mga Publikasyon sa Katutubong Wika

Noong dekada ng 1930, ang aklat na The Harp of God at ilang buklet ay isinalin at inilathala sa wikang Chinyanja. Pagsapit ng 1934, ang maliit na bilang ng aktibong mga mamamahayag ay nakapamahagi ng mahigit na 11,000 piraso ng literatura. Nayamot sa pamamahaging ito ang mga sumasalansang, na nang maglaon ay nagpanukala ng “kaguluhan sa pamamagitan ng batas.” (Awit 94:20) Gayunpaman, sa pagtatapos ng 1949 nang alisin na ang pagbabawal sa magasing Bantayan, isang buwanang edisyon sa wikang Cibemba ang inililimbag sa pamamagitan ng mimyograp at ipinadadala ang mga ito sa mga suskritor sa pamamagitan ng koreo.

Naalaala ni Jonas Manjoni ang kaniyang trabaho sa paglalathala ng magasin noong unang mga taon ng dekada ng 1950. “Nag-iisa akong tagapagsalin sa wikang Cibemba,” ang sabi niya. “Tinatanggap ko ang manuskritong Ingles, isinasalin ito, at tinitiyak na wasto ito. Pagkatapos, imamakinilya ko itong muli sa istensil at gagamitin ko iyon upang gumawa ng mga kopya. Napakatagal nito; kung minsan ay 7,000 kopya ng bawat isyu ang kinakailangan. Manu-mano kong ginagawa ang bawat magasin at pagkatapos ay pinagsasama-sama ko ito sa pamamagitan ng stapler. Saka ko ipinadadala ang mga magasin sa mga kongregasyon sa pamamagitan ng koreo. Malaking trabaho ang paglalagay ng mga selyo sa mga rolyo ng mga magasin, paglalagay ng mga ito sa karton, at pagdadala ng mga ito sa tanggapan ng koreo.”

Sa kabila ng limitadong teknolohiya noong panahong iyon, makikita sa mga nagtrabaho sa pagsasalin ang kanilang debosyon sa gawain, yamang alam nila na kapaki-pakinabang ang kanilang gawain. Noong siya ay isang naglalakbay na tagapangasiwa pa, isinusulat lamang ni James Mwango ang kaniyang mga salin at kadalasan ay sa liwanag ng kandila. “Hindi ako kailanman nanghimagod sa paggawa nito,” ang sabi niya. “Nakalulugod malaman na ang aking mga pagsisikap ay nakatulong upang maglaan ng espirituwal na pagkain sa aking mga kapatid, anupat tinutulungan sila na sumulong tungo sa pagkamaygulang.”

‘Pagpapalit ng mga Kamay’

Upang wastong maitawid ang katotohanan, kailangan ang isang tagapagsalin na lubos na nakauunawa hindi lamang sa kaniyang sariling wika kundi gayundin sa manuskritong Ingles. Ganito ang sinabi ni Aaron Mapulanga: “Sa pagsasalin, may mga pariralang iba ang kahulugan kaysa sa waring ipinahihiwatig ng mga salita nito. Naaalaala ko ang isang talakayan namin tungkol sa ekspresyong Ingles na ‘to change hands’ sa isang publikasyong tumutukoy sa paglilipat ng mga pananagutan mula kay Elias tungo kay Eliseo. Literal na isinalin ng isang kapatid ang pariralang ito. Nag-alinlangan ako kung talaga nga bang ‘pagpapalitan ng mga kamay’ ang ibig sabihin ng parirala. Pagkatapos sumangguni sa iba pang mga kapatid, saka lamang namin naunawaan ang tamang kahulugan nito. Naalaala ko rin na pinayuhan kaming huwag literal na isalin nang salita por salita ang manuskrito sapagkat magiging parang Ingles ang aming salin. Sinikap naming huwag maging literal sa pagsasalin at sa halip ay isalin ito alinsunod sa balarila ng aming wika.”

Nakatulong ang Teknolohiya

Mula noong 1986, nagkaroon na ng MEPS (akronim para sa multilanguage electronic phototypesetting system) sa mga tanggapang pansangay. Malaki ang naitulong nito upang mapabilis ang pagsasalin, pagwawasto, at komposisyon ng artikulo. Kamakailan, malawakang ginamit ang software na Watchtower Translation System at ang mga pantulong sa pagsasalin. Sa kasalukuyan, ang mga pangkat ng mga tagapagsalin sa ilang pangunahing wika roon ay naglalaan ng mga publikasyong salig sa Bibliya na nauunawaan ng nakararaming taga-Zambia. Ang Bagong Sanlibutang Salin at iba pang “mga sandata ng katuwiran” ay patuloy na magiging kapaki-pakinabang sa pagtulong sa tapat-pusong mga tao upang makilala si Jehova.​—2 Cor. 6:7.

Pagtulong sa mga Lumikas

Sa Aprika, maraming tao ang nagtatamasa ng maligaya at mapayapang buhay. Gayunman nakalulungkot, parami nang paraming tao ang naaapektuhan ng digmaan. Biglang-bigla, ang mga magkakapitbahay ay nagiging magkakaaway, nililisan ng inosenteng mga tao ang kanilang tahanan, at nawawasak ang mga pamayanan. Naghahanap ng ligtas na lugar ang mga lumilikas, bitbit lamang ang ilang materyal na pag-aari. Ito ang nararanasan ng milyun-milyon sa ngayon.

Noong Marso 1999, libu-libong tao ang dumagsa sa Zambia upang matakasan ang digmaan sa Demokratikong Republika ng Congo. Katulad sa maraming digmaan, ang sumusugod na mga puwersang militar ay nandarambong, nang-aabuso ng mga babae at mga bata, at sapilitan nilang pinagbubuhat ng mabibigat na pasan ang mga lalaki. Yamang ayaw ng mga Saksi ni Jehova na magdala ng sandata, marami ang hiniya at walang-habas na binugbog. Ganito ang naaalaala ni Katatu Songa, isang masigasig na regular pioneer na mga 55 taóng gulang: “Pinahiga nila ako sa harap ng kababaihan at mga bata at pinaghahagupit ako hanggang sa mawalan ako ng malay.”

Upang maiwasan ang gayunding pagmamalupit, maraming pamilya ang tumakas. Nang dumaraan sila sa iláng habang tumatakas, napahiwalay kay Mapengo Kitambo ang kaniyang mga anak. Ang sabi niya: “Wala na kaming panahon upang hanapin ang isa’t isa. Basta kailangan naming tumakbo, bagaman labis-labis kaming nag-aalala sa aming mga mahal sa buhay.” Upang makarating sa ligtas na lugar, marami ang naglakad o nagbisikleta nang daan-daang kilometro.

Ang maliit na bayan ng Kaputa ay dinagsa ng mga lumikas. Kabilang sa mga ito ang halos 5,000 kapatid at ang kani-kanilang pamilya, na pagod na pagod dahil sa mahaba at mahirap na paglalakbay. Bagaman hindi handa sa pagdagsa ng mga lumikas, ang 200 mamamahayag ng Kaharian na nakatira sa bayang iyon ay malugod na nagpakita ng Kristiyanong pagkamapagpatuloy sa kanilang mga kapatid. Ganito ang naaalaala ng lumikas na si Manda Ntompa: “Lubha kaming humanga sa pag-ibig at pagkamapagpatuloy na ipinakita sa amin. Nang malaman ng mga kapatid na mga Saksi ni Jehova rin kami, pinatuloy nila kami sa kanilang mga tahanan. Gaya ng biyuda sa Zarepat, handa nilang ibahagi sa amin ang kanilang kakaunting pagkain.”

Malapit sa pampang ng Lawa ng Mweru sa hilaga, daan-daang lumikas ang inasikaso ng iilang Saksing tagaroon. Sa organisadong paraan, naglaan sila ng pagkain at matutuluyan. Ang kalapit na mga kongregasyon ay nagbigay ng kamoteng-kahoy at isda. Nang dakong huli, pagkalipas ng tatlong buwan, ang mga Saksing taga-Congo ay inirehistro at inilipat sa kampo ng mga lumikas.

Karaniwan nang hindi magdadala ng mga aklat at magasin ang mga tumatakas mula sa mararahas na labanan. Kadalasan na, ang pinakaiingat-ingatang pag-aari ay kailangang iwanan upang makatakas tungo sa ligtas na lugar. Ibang-iba ang bayan ng Diyos. Kahit na natataranta sa kanilang pagtakas, nadala pa rin ng ilan ang kanilang mga publikasyon. Gayunman, kakaunti ang mga Bibliya at mga literaturang salig sa Bibliya. Karaniwan na, sa isang pagpupulong na dinadaluhan ng 150, lima lamang ang aklat. Paano nakikibahagi ang mga dumadalo? Ganito ang paliwanag ng isang kapatid: “Binabasa ng mga may Bibliya ang mga teksto, at ang mga walang kopya ay matamang nakikinig. Kaya ang lahat ay nakikibahagi sa pagpuri kay Jehova at sa pagpapatibay-loob sa isa’t isa sa pamamagitan ng kanilang mga komento.”

Tinugunan ang Materyal na mga Pangangailangan

Karamihan sa mga lumikas ay mga babae at mga bata. Kadalasan nang pagdating nila, mahina ang kanilang pangangatawan at wala silang makain. Paano sila tinulungan ng mga Saksi ni Jehova? Ang Times of Zambia ay nag-ulat: “Nakalulugod malaman na ang Samahan ng mga Saksi ni Jehova sa Zambia ay nagpadala ng mga boluntaryo at mga manggagawang tutulong sa dating Zaire sa layuning mapaginhawa ang pasanin ng mga lumikas sa rehiyon ng Great Lakes.” Ipinaliwanag ng artikulo na ang mga Saksi sa Belgium, Pransiya, at Switzerland ay “nag-abuloy para sa mga lumikas ng kabuuang 500 kilo [1,100 libra] ng gamot, 10 toneladang bitamina, 20 toneladang pagkain at mahigit na 90 toneladang damit, 18,500 pares ng sapatos at 1,000 kumot, na sa kabuuan ay nagkakahalaga ng halos $1m[ilyon].”

Naalaala ni Brother Ntompa: “Lubhang kapana-panabik at nakapagpapatibay-pananampalataya ang araw na iyon para sa aming lahat nang dumating ang mga panustos. Talaga ngang kabilang tayo sa isang nagmamalasakit na organisasyon! Dahil sa dakilang kapahayagang ito ng pag-ibig, nagbago ang pangmalas ng maraming di-sumasampalatayang miyembro ng pamilya ng ating mga kapatid. Mula noon, ang ilan sa kanila ay nakisama na sa amin at mahusay ang pagsulong nila bilang mga mananamba ng Diyos.” Walang pagtatanging ipinamahagi ang mga panustos sa lahat ng lumikas.

Sa pagtatapos ng 1999, ang bilang ng mga taong napilitang umalis sa kanilang bayan ay umabot sa mahigit na 200,000. Isang lokal na pahayagan ang nag-ulat: “Ang Zambia ay naging isa sa pinakamalaking kanlungang bansa para sa mga lumikas na Aprikano na tumatakas sa mga labanan.” Sa kabila ng mga pagsisikap ng mga awtoridad na tugunan ang mga pangangailangan ng mga lumikas, nagkaroon ng mararahas na protesta dahil sa kabiguan at kawalang-kasiyahan ng mga lumikas. Pagkatapos ng isang kaguluhan, nilapitan ng mga awtoridad sa kampo ang tagapangasiwa ng sirkito, at pinaratangan siya na wala siyang gaanong ginawa upang tulungan silang panatilihin ang kaayusan, kahit na ang mga Saksi ni Jehova ay walang kinalaman sa mga kaguluhan. May-kabaitan subalit matatag na sumagot ang tagapangasiwa ng sirkito: “Tumulong po ako sa inyo! Sa palagay po ninyo, hindi kaya naging lalong magulo kung sumama pa ang 5,000 katao sa mga mang-uumog? Sana po’y mapahalagahan ninyo na 5,000 lumikas ang hindi sumali sa kaguluhan sapagkat sila ay mga Saksi. Mga kapatid ko po sila!”

Kilala ang mga Saksi ni Jehova dahil sa mapayapang impluwensiya nila sa pamayanan ng mga lumikas. Isang opisyal ng pamahalaan ang nagkomento: “Nabalitaan naming napakarelihiyoso ng mga Saksi ni Jehova, kaya’t inatasan namin ang marami sa kanila na mangasiwa sa iba’t ibang bahagi ng kampo. Mula noon, naging mapayapa sa kampo dahil sa tulong nila, at ang lahat ay nagtutuon ng pansin sa pagbabasa ng Bibliya. Nagpapasalamat ako sa Diyos na nanatiling kasama namin ang gayong mga tao at na patuloy na umiiral ang kapayapaan sa kampo.”

Pagsunod sa Pagbabawal ng Diyos Hinggil sa Dugo

Bagaman matagal nang nakikita ang pagiging praktikal at ang karunungan ng maka-Kasulatang utos na “patuloy na umiwas . . . sa dugo,” marami pa ring maling akala at pagkaunawa hinggil sa paraan ng paggagamot na hindi gumagamit ng dugo sa timugang bahagi ng Sahara sa Aprika. (Gawa 15:28, 29) Nakalulungkot, dumanas ang mga Saksi ni Jehova ng malupit at kahiya-hiyang pagtrato. Karaniwan nang sa gabi sinasalinan ng dugo ang isang batang naospital kapag wala ang mga magulang nito.

Ang inaalagaang apo ni Jenala Mukusao na si Michael, na anim na taóng gulang, ay naospital dahil sa malubhang anemya. Nag-utos ang mga doktor na salinan ng dugo si Michael. Dahil tumanggi si Sister Mukusao sa pagsasalin, apat na araw siyang tinakot at minaltrato. Sinabi niya: “Nagsumamo ako sa kanila at ipinakita ko sa kanila ang aking Medical Directive card, subalit ayaw nilang makinig. Pinaratangan ako ng mga nars na ako raw ay isang mangkukulam at gusto kong patayin ang aking apo.”

Dahil sa gayong hindi magandang pakikitungo, ang ilan ay atubili nang magpaospital. Binale-wala ng mga doktor ang karapatan ng pasyente na malaman ang paraan ng panggagamot na gagawin sa kaniya at magpasiya alinsunod dito. Iilang doktor lamang ang handang batahin ang matinding pamumuna at pagtatakwil ng kanilang mga kasamang doktor dahil sa pagsasagawa ng itinuturing ng marami na di-katanggap-tanggap na paraan ng paggagamot. Nariyan din ang kakulangan sa pasilidad at limitadong mga alternatibo sa dugo. Subalit noong 1989, ang punong doktor ng industriya sa pagmimina ng tanso ay nagsabi, “Hindi dapat salinan ng dugo ang mga tao nang labag sa kanilang kalooban.” Maliwanag na nagiging mas malawak na ang pananaw ng ilang doktor.

Mga Komite na Malaki ang Naitulong

Noong 1995, itinatag sa Zambia ang Hospital Information Services, pati na ang kaugnay nitong mga Hospital Liaison Committee (HLC). Hindi inaasahan noon ng karamihan na napakalaki ng magiging epekto ng mga komiteng ito sa saloobin ng mga manggagamot hinggil sa paggamot na hindi gumagamit ng dugo at sa karapatan ng mga pasyente. Bahagi ng gawain ng mga HLC ang dumalaw sa mga ospital, kapanayamin ang mga doktor, at magharap ng mga presentasyon sa mga health worker, at ang lahat ng ito ay sa layuning magkaroon ng pagtutulungan at maiwasan ang mga komprontasyon. Humanga ang mga manggagamot sa antas ng propesyonalismo na makikita sa mga presentasyong ito. Sa isang ospital sa gawing timog ng bansa, isang doktor ang naudyukang magsabi sa mga kapatid, “Mga doktor naman talaga kayo​—ayaw lamang ninyong aminin ito.”

Isang doktor na Olandes na nagtatrabaho sa isang ospital sa distrito ng kanlurang Zambia ang nagsabi: “Dalawang linggo na ang nakararaan, pinag-uusapan namin kung paano babawasan ang paggamit ng dugo dahil sa mga panganib na kaugnay nito. Ngayon, may mga eksperto na tumalakay sa amin tungkol sa isyung ito.” Di-nagtagal, isang manggagamot na nakadalo sa mga presentasyon ng mga HLC ang nagrekomenda sa kaniyang mga kasamahan na dumalo rin sila. Nakuha ng programa ang pantanging pansin ng mga manggagamot, at ang mga komprontasyon ay nahalinhan ng pagtutulungan.

Kailangang daigin ng ilang miyembro ng komite ang kakulangan ng kumpiyansa sa sarili kapag lumalapit sa mga doktor, na sa loob ng maraming taon ay itinuturing na halos mga diyos. Naalaala ni Brother Smart Phiri, na naglingkod bilang tsirman ng komite sa Lusaka, “Wala akong kaalam-alam hinggil sa medisina at kulang na kulang ang kumpiyansa ko sa sarili.”

Gayunman, sa kalaunan ay ginantimpalaan ang kanilang pagmamatiyaga at pagtitiwala kay Jehova. Ganito ang naaalaala ng isa pang miyembro ng komite noong mga panahong iyon: “Tatlo kaming nakipagkita sa isang doktor, isang lubhang maimpluwensiyang tao, na dating ministro ng kalusugan. Kabadung-kabado kami. Sa pasilyo, sa harap ng opisina ng doktor, nanalangin kami kay Jehova, na humihingi ng tulong Niya upang makapagsalita kami nang may katapangan. Nang pumasok kami sa opisina ng doktor, nagkaroon kami ng magandang pag-uusap, at lubusan siyang nakipagtulungan. Natanto ko na sinusuportahan kami ni Jehova kung kaya wala kaming dahilan para matakot.”

Makikita ang lumalaking pagtutulungan sa pagitan ng mga HLC at ng mga manggagamot mula sa pagkukusa ng mga doktor na gamutin ang mahihirap na kaso na dati’y tinatanggihan nila kung hindi sila pahihintulutang magsalin ng dugo. Noong Oktubre 2000, dalawang siruhano ang lakas-loob na nagpasiya na operahan si Beatrice, isang anim-na-buwang-gulang na sanggol mula sa Demokratikong Republika ng Congo. Bagaman matagumpay ang operasyon sa baradong daluyan ng apdo na isinagawa nang walang pagsasalin ng dugo, ang kaso ay inulan ng negatibong publisidad.

Gayunman, ang pahayag sa media ni Propesor Lupando Munkonge, ang pinuno ng pangkat na nagsagawa ng operasyon, ay lubusang bumago sa kanilang pananaw. Nilinaw niya ang kaniyang paggalang sa paninindigan ng mga magulang ni Beatrice. Malaki ang nagawa nito upang mabawasan ang pagtuligsa ng media. Pagkalipas ng dalawang buwan, itinampok ng isang dokumentaryo sa telebisyon ang kaso, anupat inihaharap ang positibong pangmalas sa ating paninindigan tungkol sa isyu ng paggamot at pag-opera na hindi gumagamit ng dugo.

“Bilisan Ninyo”

May ilang doktor na nag-aalinlangan pa rin sa paninindigan ng mga Saksi tungkol sa dugo, na udyok ng budhi ng mga ito. Kinikilala na ngayon ng karamihan na ang alternatibong mga pamamaraan ay ligtas, simple, at mabisa​—kahit na sa lalawigan sa Aprika. Natutuhan nang ipagtanggol ng maraming pasyente ang kanilang karapatan nang may katapangan. Nangangahulugan ito ng pag-alam sa mahahalagang isyu at matutuhan kung paano ipaliliwanag ang kanilang paniniwalang udyok ng kanilang budhi.

Maging ang mga bata ay nabigyan ng “dila ng mga naturuan.” (Isa. 50:4) Bago ang kaniyang operasyon, sinabi ni Nathan, isang walong-taóng-gulang na bata na may impeksiyon sa buto ng kaliwang hita, sa pangkat ng mga doktor: “Pakisuyo po, bilisan ninyo ang operasyon upang hindi po ako maubusan ng dugo. Huwag po ninyo akong sasalinan ng dugo dahil kapag ginawa ninyo ito, hindi kayo patatawarin ng aking mga magulang at ni Jehova.” Pagkatapos ng operasyon, pinapurihan ng isang miyembro ng pangkat na nag-opera ang mga magulang ni Nathan sa pagsasanay sa kanilang anak. Mapagpakumbabang sinabi ng doktor, “Ngayon lamang ako napaalalahanan ng isang batang pasyente tungkol sa kahalagahan ng paggalang sa Diyos.”

“Inirerekomenda namin ang aming sarili bilang mga ministro ng Diyos, . . . sa mga gabing walang tulog,” ang sabi ni apostol Pablo. Kadalasang hindi nakakatulog ang mga lingkod ng Diyos dahil sa pagkabahala sa mga kapananampalataya at sa pagpapasulong ng tunay na pagsamba. (2 Cor. 6:3-5) Malimit itong mangyari sa mga miyembro ng mga HLC. Ang gayong pagsasakripisyo sa sarili ay tiyak na pinahahalagahan. Isang sister ang nagsabi: “Kulang ang mga salita para maipahayag ko ang aking pagpapahalaga sa kanilang tulong. Nakapagpapatibay at nakaaaliw na makita ang mapagsakripisyong espiritu ng mga kapatid sa HLC na karaka-rakang tumulong sa akin at laging naroroon upang alalayan ako anumang oras. Nang ipasok ako sa operating room sa ikalawang pagkakataon sa loob ng 24 na oras, hindi ako ninerbiyos. Lubha akong napatibay ng nakapagpapalakas-loob na pananalita ng mga kapatid.” Oo, sa kabila ng mga “masamang ulat,” patuloy na inirerekomenda ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang sarili bilang mga ministro ng Diyos sa pamamagitan ng kusang pakikipagtulungan sa mga manggagamot. (2 Cor. 6:8) Palibhasa’y napatibay ng mga “mabuting ulat,” determinado silang manatiling masunurin sa utos ng Diyos na “patuloy na umiwas . . . sa dugo.”

Ministerial Training School

“Sa maraming bansa, ang isang pangkat ng mga binata na nasa mga edad 25 ay maaaring paghinalaang mga manggugulo,” ang komento ni Cyrus Nyangu, isang miyembro ng Komite ng Sangay sa Zambia. “Ngunit ang mga pangkat ng masisigla at nakaalay na mga Kristiyanong lalaki na sinanay sa 31 klase ng Ministerial Training School (MTS) ay napatunayang isang pagpapala sa mga pamayanang pinaglilingkuran nila.” Mahigit sa 600 nagtapos sa internasyonal na paaralang ito ang nasa iba’t ibang larangan ng buong-panahong paglilingkod sa anim na bansa sa timugang Aprika. Sa Zambia, mahigit sa kalahati ng naglalakbay na mga tagapangasiwa ang nagtapos dito. Bakit kailangan ang paaralan, at ano ang nagagawa nito?

Mula noong gradwasyon ng unang klase noong 1993, nagkaroon ng halos 60 porsiyentong pagsulong sa bilang ng aktibong mga mamamahayag sa Zambia. Gayunman, mayroon pa ring pangangailangan para sa kuwalipikadong mga lalaki upang pangalagaan ang mga kongregasyon, lalo na yamang may matinding panggigipit sa pamayanan na sumunod sa mga tradisyon at kaugalian na salungat sa mga simulain ng Bibliya. Upang idiin ang pangangailangang ito para sa may-kakayahang mga lalaki na magpastol at magturo, sinabi ng isang nagtapos: “Isang problema sa aming teritoryo ang pangungunsinti ng mga tao sa masamang gawa. Natutuhan ko na kailangan tayong maging matatag sa kung ano ang tama at huwag higitan kung ano ang nasusulat sa Bibliya.”

Sa pasimula, hindi sanáy ang mga estudyante sa napakarami at iba’t ibang impormasyong tinatalakay at sa puspusang pag-aaral. Gayunman, sabik namang tumulong ang mga instruktor. Ang isa sa kanila, si Sarel Hart, ay nagsabi: “Para sa akin, ang pagtuturo sa bawat klase ay parang pagiging tour guide sa pag-akyat sa bundok. Sa simula, ang lahat ay hindi magkakakilala, anupat sinisikap na masanay sa di-pamilyar at waring nakasisindak na kapaligiran. Kung minsan, may malalaking bato na nakaharang sa daan. Habang napagtatagumpayan ng mga estudyante ang mga hadlang at patuloy na umaakyat, nakikita nila sa kanilang likuran na ang tila napakalalaking balakid ay maliliit na lamang.”

Para sa marami, nagdulot ng ganap na pagbabago sa kanilang espirituwalidad ang pag-aaral sa MTS. Ganito ang sinabi ni Elad, naglilingkod ngayon bilang isang special pioneer: “Noon, iniisip kong hindi ako kuwalipikadong magturo at napakabata ko pa para sa higit pang mga pananagutan sa kongregasyon. Dahil sa paaralang ito, natanto ko na maaari pala akong makatulong. Sa kongregasyon kung saan ako unang inatasan, ang 16 na mamamahayag ay nahihirapang magdaos ng progresibong mga pag-aaral sa Bibliya. Regular naming isinaalang-alang ang mga mungkahi at inensayo namin ang mga presentasyon bago magtungo sa ministeryo. Pagsapit ng 2001, naging 60 ang bilang ng mamamahayag ng kongregasyon na may isang nabubukod na grupo ng 20 mamamahayag.”

Ang Batayan ng Tagumpay

Anu-ano ang ilang katangian ng Ministerial Training School na siyang dahilan ng tagumpay nito? “Talagang itinatampok namin ang kahalagahan ng kapakumbabaan sa lahat ng panahon, anupat idiniriin na hindi dapat mag-isip ang isa nang higit tungkol sa kaniyang sarili kaysa sa nararapat isipin,” ang paliwanag ni Richard Frudd, isa sa mga instruktor. “Itinataguyod namin ang pagkamaygulang, pagkamahabagin, at ang kakayahang harapin ang mahihirap na problema nang nakangiti. Kung nagagawa ng mga kapatid na ito na pakitunguhan ang iba sa mabait na paraan, na ipinakikitang gusto nilang maglingkod sa iba sa halip na sila ang paglingkuran, naniniwala kami na naisakatuparan ng paaralan ang layunin nito.”

Sumasang-ayon ang mga estudyante sa katotohanan ng mga pananalitang iyon. Si Emmanuel, nagtapos sa ika-14 na klase, ay nagsabi: “Kapag ikaw ay iniatas sa isang kongregasyon, hindi naman ito nangangahulugan na kailangan nating ituwid kaagad ang bawat maliliit na bagay. Sa halip, dapat na ang pangunahin nating bigyang-pansin ay ang pakikibahagi kasama ng kongregasyon sa pinakamahalagang gawain, ang pangangaral ng mabuting balita.”

Sinabi ni Moses na isang payunir: “Natutuhan ko na maaaring gamitin ni Jehova ang sinumang mapagpakumbaba, at kung minsan ay hindi mahalaga ang kaalaman at karanasan. Ang mahalaga sa Kaniya ay ang pagpapakita ng pag-ibig sa mga nasa kongregasyon at nasa larangan, gayundin ang pakikipagtulungan sa iba.”

Malalaking Pagtitipon

Ang mga kapistahan at mga “banal na kombensiyon” ng bansang Israel bago ang panahong Kristiyano ay masasayang okasyon, na tumutulong sa mga naroroon na magtuon ng pansin sa espirituwal na mga bagay. (Lev. 23:21; Deut. 16:13-​15) Totoo rin ito sa makabagong-panahong mga pagtitipon ng bayan ng Diyos. Ang mga kombensiyon sa Zambia ay hindi idinaraos sa magaganda at makabagong mga sports complex. Ang mga kapatid ay nagtatayo ng tinatawag nilang nayon ng kombensiyon, na may maliliit na kubol na matutulugan.

Sa paglipas ng mga taon, permanenteng mga gusali na ang itinatayo sa gayong mga lokasyon. Ngunit noong una, kinailangan ang pagkamalikhain upang malutas ang napakaraming problema. “Sa lugar na pinagdarausan ng pansirkitong asamblea,” ang naaalaala ng isang tagapangasiwa ng distrito, “magtatayo ang mga kapatid ng isang kubo para sa akin, na karaniwan nang yari sa kogon. Pagkatapos ay binabakuran nila ang dako na inuupuan ng mga tagapakinig. Ang mga upuan ay mga bunton ng lupa, na nilalagyan ng damo sa ibabaw upang magsilbing ‘kutson.’ Kung minsan pinapatag ng mga kapatid ang pinakatuktok ng isang bakanteng punso ng anay upang gawing plataporma. Nagtatayo sila sa ibabaw nito ng isang maliit na kubol at dito inihaharap ang programa.”

Ganito ang naaalaala ni Peter Palliser, isang misyonero: “Sa isang kombensiyon, nagpasiya ang mga kapatid na gumawa ng mataas na plataporma. Ang isa sa mga kapatid ay bihasa sa paggamit ng mga pampasabog. Pinasabog niya ang pinakatuktok ng isang bakanteng punso na mga anim na metro ang taas. Dahil dito naiwan ang isang mataas na bunton kung saan gumawa kami ng isang podyum.”

Mga Pagsisikap na Makadalo

Ang karamihan sa mga lugar na pinagdarausan ng kombensiyon ay malayo sa pangunahing mga kalsada at mahirap marating. Natatandaan pa ni Robinson Shamuluma ang isang kombensiyon na dinaluhan niya noong 1959. “Mga 15 sa amin ang nagbisikleta patungo sa Kabwe sa Sentral na Lalawigan,” ang sabi niya. “Ang dala-dala naming pagkain ay giniling na mais at daing na isda. Sa gabi ay natutulog kami sa iláng. Pagdating sa Kabwe, sumakay kami ng tren at sa wakas, pagkatapos ng halos apat na araw na paglalakbay ay nakarating kami sa lugar na pagdarausan ng kombensiyon.”

Natatandaan ni Lamp Chisenga ang isang kapatid na naglakad at nagbisikleta ng mga 130 kilometro kasama ang kaniyang anim na anak upang makadalo sa kombensiyon. Sinabi niya: “Para sa kanilang paglalakbay, naghanda sila ng pagkain​—inihaw na kamoteng-kahoy, mani, at peanut butter. Madalas na kailangan nilang magkampo sa iláng kung saan nakahantad sila sa panganib.”

Samantalang naglilingkod bilang tagapangasiwa ng distrito, napansin ni Wayne Johnson ang pagsisikap na ginagawa ng marami upang makadalo. Sumulat siya: “Isang special pioneer ang nagbibisikleta nang halos isang linggo para makadalo sa asamblea. Ang iba naman ay sumasakay sa likod ng trak. Marami ang dumarating nang maaga, sa pasimula ng linggo ng asamblea o kombensiyon. Nag-aawitan sila sa gabi habang nakaupo sila sa palibot ng mga sigâ. Kung minsan, marami sa amin ang lumalabas sa larangan anupat tatlong beses naming nagagawa ang teritoryo sa loob ng linggong iyon.”

Sinalansang Subalit Hindi Pinabayaan

Ang malalaking pagtitipon ay patuloy na nagpapalakas at nagpapatibay sa mga kapatid. Sa ngayon, maraming positibong publisidad ang natatanggap hinggil sa mga kombensiyon. Gayunman, noong mga panahong iyon ng pulitikal na pagbabago, partikular na noong dekada ng 1960 at 1970, ang gayong mga okasyon ay pinaghihinalaan. Ginawa ng mga nasa pamahalaan ang lahat ng kanilang makakaya upang limitahan ang ating pagsamba. Dahil sa pagtanggi nilang umawit ng pambansang awit, hindi binibigyan ng pulisya ang mga kapatid ng pahintulot na magdaos ng pampublikong mga pagtitipon. Nang maglaon, nilimitahan ang bilang ng maaaring dumalo. “Ang taóng 1974 ang huling taon na nakapagtipon nang malaya ang mga Saksi ni Jehova,” ang naaalaala ni Darlington Sefuka. “Ipinatalastas ng ministro ng ugnayang panloob na walang pampublikong mga pagtitipon ang maaaring idaos malibang awitin ang pambansang awit at itanghal ang bandila.” Magkagayunman, pinahintulutan ang mga kapatid na magtipon sa lokal na mga Kingdom Hall na nababakuran ng kogon. Dahil sa situwasyong ito, isinaayos ng sangay na ang pansirkitong asamblea ay idaos sa mga Kingdom Hall, kung saan kadalasang isa o dalawang kongregasyon lamang ang dumadalo.

Idinaos din ang mga pandistritong kombensiyon sa maliliit na grupo. “Sa halip na magkaroon ng isang malaking pandistritong kombensiyon, hinahati namin ito sa 20 maliliit na kombensiyon,” ang nagugunita ng isang kapatid na tumulong sa pag-oorganisa ng mga kombensiyon. “Maraming kapatid ang sinanay at ginamit sa mga programa at sa mga departamento, anupat nang alisin ang pagbabawal, maraming makaranasang mga lalaki ang nagamit sa pag-oorganisa ng mga kombensiyon at mga asamblea.”

Mga Bautismo

Mula noong unang mga taon ng dekada ng 1940, gumawa ng mga pagsisikap ang mga kapatid upang matiyak na lubusang nauunawaan ng mga babautismuhan ang kahalagahan ng hakbang na iyon. Nahirapan ang ilan na lubusang iwanan ang “Babilonyang Dakila” at ang huwad na relihiyosong mga gawain. (Apoc. 18:2, 4) Lalo nang naging mahirap lutasin ang problemang ito dahil kakaunti lamang ang marunong bumasa at maraming kongregasyon ang hindi nakatatanggap ng sapat na suplay ng mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya. Dahil dito, tinatanong ng mga tagapangasiwa ng sirkito at distrito ang bawat kandidato sa bautismo upang malaman kung ang mga ito ay kuwalipikado. Ganito ang naaalaala ni Geoffrey Wheeler, nagtapos sa ika-33 klase ng Gilead: “Tinitingnan naming mabuti ang mga sanggol na karga ng nagpapasusong mga ina na gustong magpabautismo upang makita kung mayroong mapamahiing mga abaloryo at anting-anting ang mga ito. Bawat araw sa linggo ng asamblea, madalas na inaabot kami nang hanggang hatinggabi sa paggawa nito; napakarami kasing kandidato.” Dahil sa maibiging tulong ng naglalakbay na mga tagapangasiwa sa mga elder sa kongregasyon; nang maglaon ng mga publikasyong gaya ng “Ang Iyong Salita Ay Ilawan sa Aking Paa”; at nang dakong huli ng pinahusay na mga kaayusan sa pag-oorganisa, lubhang napasimple ang mga pagtatanong sa mga kandidato.

Kinabahan!

Ang kumpleto sa kostiyum na mga drama sa Bibliya ang pinakapopular pa ring bahagi ng kombensiyon. Sinisikap talaga ng bawat kasali sa drama na palitawin ang damdamin ng tauhang ginagampanan niya, at maraming taga-Zambia ang mahusay sa pag-arte. Naaalaala ni Frank Lewis, dating misyonero at ngayon ay miyembro ng pamilyang Bethel sa Estados Unidos: “Noon ay wala kaming rekord ng mga drama sa tape. Kailangang sauluhin ng mga kapatid na gumaganap ng iba’t ibang bahagi ang kanilang mga linya. Natatandaan kong pumunta ako sa isang asamblea sa Hilagang Lalawigan kung saan ginanap ang aming kauna-unahang drama tungkol kay Jose. Buweno, dahil sa mabagal na koreo, ang manuskrito ay hindi nakarating sa mga kapatid sa tamang panahon, kung kaya’t kinailangan naming mag-ensayo hanggang sa kalaliman ng gabi upang tulungan ang mga kapatid na masaulo ang kanilang mga linya. Sa pagtatanghal sa drama, sumapit kami sa bahagi kung saan nagsisisigaw ang asawa ni Potipar na sinasabi sa kaniyang asawa na tinangka siyang halayin ni Jose. Sa pagkakataong iyon, kinabahan ang kapatid na gumanap na Potipar at umalis sa plataporma. Nasa likod ako ng entablado upang tumulong sa mga may bahagi kung ano ang kanilang sasabihin at nakita ko siyang paalis sa entablado. Agad kong ipinaalaala sa kaniya ang ilan sa kaniyang mga linya at itinulak siya pabalik sa entablado. Pagkatapos, bigla niyang ibinulalas ang kaniyang mga salita ng pang-aalipusta sa lalaking inaakusahan ng tangkang panghahalay! Bagaman muntik nang sumablay ang bahaging ito ng drama sa aming kombensiyon, naiisip ko sa tuwing binabasa ko ang ulat ng Bibliya: ‘Baka naman gayon talaga ang nangyari. Marahil sa galit ni Potipar ay lumabas siya ng silid, pinakalma ang kaniyang sarili, at saka nagbalik upang sumbatan si Jose!’ ”

Noong 1978, nang alisin ang apat-na-taóng pagbabawal ng pamahalaan na naglilimita sa laki ng mga asamblea at kombensiyon, naging hamon ang pagdaraos ng “Matagumpay na Pananampalataya” na Kombensiyon. Ganito ang naaalaala ng isang dating naglalakbay na tagapangasiwa: “Sa kombensiyong iyon, itinanghal namin ang lahat ng drama na hindi namin naitanghal noong nakalipas na mga taon nang kami ay napilitang magtipon sa mga Kingdom Hall. Tumagal nang limang araw ang kombensiyon, at nagkaroon kami ng limang drama, isa sa bawat araw. Iniharap namin ang lahat ng drama na hindi namin napanood noon! Tuwang-tuwa ang lahat sa mga drama subalit nahirapan ang kinatawan ng Bethel na siyang patiunang tumitingin sa lahat ng dramang iyon. Malaking trabaho ito!”

“Masasabi ko na ang mga ito ang pinakamasasayang kombensiyon na nadaluhan ko kailanman,” ang sabi ng isang miyembro ng Komite ng Sangay. “Sa umaga, makikita mong lumalabas mula sa kanilang maliliit na kubol ang mga pamilyang malinis at maayos ang pananamit. Lumalapit sila kay Jehova nang bihis na bihis. Kadalasang nauupo sila, hindi sa lilim, kundi sa kainitan ng araw. Gayunman, maghapon silang nauupo roon at matamang nakikinig. Napakaganda nitong pagmasdan.” Para sa mga Saksi ni Jehova, ang pagtitipon ay mahalagang bahagi ng kanilang pagsamba. (Heb. 10:24, 25) Sila man ay “nalulumbay” o hindi dahil sa personal na mga problema o relihiyosong pagsalansang, batid ng bayan ni Jehova na ang pagdalo sa malalaking pagtitipon ay isang dahilan upang ‘palaging magsaya.’​—2 Cor. 6:10.

Pagtatayo ng mga Kingdom Hall

“Sumulat ako upang bigyang-pahintulot ang nabanggit na kongregasyon na magkaroon ng sariling lupa nito. Isa itong permanenteng pagmamay-ari, at sumang-ayon ako na manatili sila roon sa loob ng 150 taon. Walang sinuman ang puwedeng manggulo sa kanila hanggang sa dumating ang Paraiso.”​—Pinunong Kalilele.

Mula noong simula ng nakalipas na siglo, kinilala ng mga naghahanap ng katotohanan sa timugang Aprika ang pangangailangan na magtipon para sa pagsamba. Noong mga 1910, iniulat ni William Johnston na ang mabilis na lumalaking mga grupo ay nagtayo ng mga dakong pinagtitipunan gamit ang lokal na mga materyales, at sa ilan sa mga dakong ito, maaaring magkasya ang 600 katao. Bagaman marami ang sabik na magkaroon ng mga dako ng pagsamba, hindi gayon ang nadarama ng lahat. Ganito ang naaalaala ni Holland Mushimba, na nagsimulang makaalam ng katotohanan noong unang mga taon ng dekada ng 1930: “Bagaman pinasisigla ang pagtitipon upang sumamba, hindi gaanong binibigyang-pansin ng mga kapatid doon ang pagkakaroon ng permanenteng dako na mapagtitipunan. Nagtitipon lamang kami noon saanmang angkop na lugar, sa lilim ng isang malaking punungkahoy o sa bakuran ng isang kapatid. Batay sa Lucas 9:58, ang pangmalas ng ilan ay: Maging si Jesus ay walang permanenteng dakong pulungan, kaya bakit naman tayo mababahala sa pagtatayo ng gayong bulwagan?”

Bago ang 1950, karamihan ng mga dakong pinagtitipunan ay simple at di-matibay na mga istrakturang yari sa putik at di-nakatam na kahoy. Sa abalang rehiyon ng Copperbelt, kinumbinsi ni Ian Fergusson ang isang manedyer ng minahan na maglaan ng lote para sa isang Kingdom Hall. Noong 1950, itinayo sa Wusikili ang kauna-unahang Kingdom Hall. Isang dekada pa ang lumipas bago nakagawa ang mga kapatid ng mga plano para sa pagtatayo na may iisang pamamaraan. Ang unang Kingdom Hall na naitayo mula sa mga planong iyon ay isang magandang istraktura na may patag na bubungan na nagkakahalaga ng mga 12,000 kwacha, ang salapi ng Zambia. Dahil sa implasyon sa ekonomiya, ang malaki-laking halagang ito noon ay katumbas na lamang ngayon ng wala pang tatlong dolyar ng Estados Unidos!

Dahil ayaw nilang bumili ng mga kard ng pulitikal na partido, patuloy na dumanas ang mga Saksi ng matinding karahasan mula sa makabayang mga militante. Sinunog ang mga dako ng pagsamba. Dahil nangangambang sasalakayin silang muli, minabuti ng ilang kapatid na huwag nang magtayo ng dakong pulungan at sa halip ay magtipon na lamang sa labas. Dahil sa higit pang mga paghihigpit noong unang mga taon ng dekada ng 1970, naging mas mahirap ang pagkuha ng mga lote. Bagaman alam na alam ng mga awtoridad na walang sinusuportahang pulitikal na partido ang mga Saksi ni Jehova, iginiit pa rin nila sa ilang lugar na dapat na may kalakip na kard ng partido ang anumang liham ng aplikasyon para sa lupa.

Ganito ang natatandaan ni Winston Sinkala: “Hirap na hirap kaming makabili ng lote at lalo na ang kumuha ng permit sa pagtatayo. Nang sabihin namin sa konseho ng lunsod na magsasampa kami ng kaso laban sa kanila, akala nila’y nagbibiro kami. Gayunman, nakasumpong kami ng isang mahusay na abogado, at pagkalipas ng dalawang taon, nanalo kami sa kaso at inutusan ng hukuman ang konseho na pahintulutan kaming makabili ng mga lote. Ang kasong ito ay nagbukas ng daan para sa higit pang kalayaan sa hinaharap.”

Ang Kabayong Itim

Bihirang mabigyan ng loteng may legal na titulo ang mga kongregasyon. Kadalasan ay masusukal na lote ang nasusumpungan ng mga kapatid, subalit dahil wala itong mga titulo, hindi sila makapagtayo ng permanenteng gusali. Mahal ang mga materyales, kung kaya ang ginagamit ng marami ay mga yero o mga dram ng gasolina na hinati at pinitpit, at ipinapako sa isang balangkas na kahoy. Ganito ang sinabi ng isang elder hinggil sa isa sa mga gusaling iyon: “Pinahiran namin ng alkitran ang mga yero, at kung titingnan sa malayo, ang bulwagan ay parang isang malaking kabayong itim. Napakainit sa loob nito.”

Isang dating tagapangasiwa ng sirkito ang nagsabi: “Kapag ginugunita ko ang nakaraan, naaasiwa akong tawaging Kingdom Hall ang mga gusaling iyon. Talagang hindi angkop na kumatawan ang mga ito sa Kataas-taasang Diyos, si Jehova.”

Nagpasiya ang ilang kongregasyon na umupa ng mga bulwagan. Bagaman waring mas matipid ito, may mga problema. Ganito ang nagugunita ni Edrice Mundi, na kaugnay sa nag-iisang kongregasyong gumagamit ng wikang Ingles sa Lusaka noong dekada ng 1970: “Umupa kami ng isang bulwagan na ginagamit din sa disco. Tuwing Sabado, nag-iinuman at nagsasayawan ang mga tao hanggang madaling araw, at maaga kaming nagpupunta kung Linggo upang maglinis. Ang bulwagan ay amoy serbesa at sigarilyo; talagang hindi angkop na sumamba kay Jehova sa gayong dako.”

Ganito naman ang naalaala ng asawa ni Edrice, si Jackson: “Sa kalagitnaan ng programa isang Linggo, isang binata ang pumasok at dumeretso sa harap, kinuha ang isang kahon ng serbesa na naiwan niya noong nakalipas na gabi, at basta na lamang lumabas nang walang anumang pasintabi.” Hindi nga kataka-taka na hangarín ng mga kapatid na magkaroon ng sarili nilang Kingdom Hall!

Isang Makasaysayang Programa ng Pagtatayo

Habang dumarami ang tumutugon sa mensahe ng Kaharian, lalong lumalaki ang pangangailangan para sa presentableng mga bulwagan. Gayunpaman, sa kabila ng kanilang pananabik at sigasig, hindi nila kakayaning gastusan ang pagtatayo ng isang Kingdom Hall yamang halos hindi makabili ng pagkain ang mga kapatid para sa kanilang pamilya. Subalit may magandang sorpresa sa kanila si Jehova, na ang kamay ay hindi kailanman maikli.

Nang makita sa isang surbey na mahigit sa 8,000 Kingdom Hall ang kinakailangan sa 40 papaunlad na mga lupain sa buong daigdig, ipinasiya ng Lupong Tagapamahala na pabilisin ang pagtatayo. Natanto nila na sa ilang dako, maaaring kakaunti lamang ang mga may kasanayan na makapagboboluntaryo para sa mga proyekto. Malamang na kulang din ang mga kagamitan. Karagdagan pa, maraming kongregasyon sa papaunlad na mga bansa ang hindi makakabayad ng malaking halagang maaaring hiramin sa sangay. Isa pa, dahil sa mabilis na pagdami ng mamamahayag, nahirapan ang mga sangay sa ilang rehiyon na bumuo ng organisadong programa. Dahil sa mga bagay na ito, nagtatag ang Lupong Tagapamahala ng isang komite sa pagdidisenyo/pagtatayo sa Estados Unidos na mangangasiwa sa programa ng pagtatayo ng mga Kingdom Hall sa buong daigdig. Naglabas ng mga panuntunan para sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall sa mga lupaing limitado ang kakayahan o pananalapi, at nag-atas ng may-kasanayang mga boluntaryo sa mga proyekto ng pagtatayo sa ibang bansa.

Kung minsan, kailangang baguhin ang tradisyonal na mga pamamaraan at ideya sa pagtatayo. Halimbawa sa Zambia, ang kababaihang nagboboluntaryo sa mga proyekto ng pagtatayo ay nag-iigib ng tubig, nagbubuhat ng buhangin, at nagluluto. Ngunit gustung-gusto ng mga pangkat sa pagtatayo na patulungin ang mga kapatid na babae sa aktuwal na pagtatayo at gamitin ang lahat ng manggagawa.

Hindi makapaniwala ang isang pinuno sa Silangang Lalawigan habang pinagmamasdan niya ang isang sister na nagtatayo ng pader para sa isang Kingdom Hall. Bumulalas siya: “Mula nang isilang ako, ngayon lamang ako nakakita ng isang babaing nagkakamada ng mga laryo at napakahusay sa paggawa nito! Lubha akong pinagpala na masaksihan ito.”

“Ang Aming Espirituwal na Ospital”

Napakalaki ng epekto sa mga komunidad ng programa ng pagtatayo. Marami na dati’y nagwawalang-bahala o sumasalansang sa mga Saksi ni Jehova ang nagkaroon ng mas malawak na pananaw. Halimbawa, isang pinuno sa Silangang Lalawigan na tutol noon sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall sa kaniyang lugar ang nagsabi: “Wala naman talaga akong tutol noon sa proyekto ninyo, subalit naimpluwensiyahan ako ng klero ng ibang relihiyon. Nauunawaan ko na ngayon na mabuti ang inyong layunin. Ang magandang gusaling ito ngayon ang aming espirituwal na ospital.”

Ang pangunahing ‘pinagpapagalan’ ng mga Kristiyano ay ang pangangaral ng ‘mabuting balita ng kaharian.’ (2 Cor. 6:5; Mat. 24:14) Gayunman, kung paanong pinakikilos ng banal na espiritu ang bayan ng Diyos upang mangaral, pinakikilos din sila nito na magpagal sa pagtataguyod ng mga kapakanang pang-Kaharian sa pamamagitan ng pagtatayo ng presentableng mga dakong pinagtitipunan. Ang mga kongregasyon ay nagkaroon ng mas malinaw na direksiyon. Sinabi ng isang kapatid: “May kumpiyansa na kami ngayon kapag nagtutungo sa ministeryo at nag-aanyaya sa mga tao sa aming mga pagpupulong sapagkat alam namin na pupunta sila, hindi sa isang kubo, kundi sa isang Kingdom Hall na lumuluwalhati kay Jehova.”

Isa pang kapatid ang nagsabi: “Maaaring hindi kami karapat-dapat sa gayon kagandang Kingdom Hall sa iláng, subalit karapat-dapat ito kay Jehova. Maligaya ako na naluluwalhati si Jehova sa pamamagitan ng mas magagandang dako ng pagsamba.”

Ang Gawain ng Naglalakbay na Tagapangasiwa

Mahalaga ang pagbabata para sa mga ministro ng Diyos. (Col. 1:24, 25) Ang naglalakbay na mga tagapangasiwa ay huwaran sa pagsasakripisyo upang maitaguyod ang mga kapakanan ng Kaharian. Ang kanilang maibiging pagpapagal bilang mga pastol na nagpapatibay sa mga kongregasyon ay nagpapatunay na sila ay “mga kaloob na mga tao.”​—Efe. 4:8; 1 Tes. 1:3.

Noong huling mga taon ng dekada ng 1930, ang may-kakayahang mga lalaki ay sinanay upang maglingkod bilang mga lingkod ng sona at rehiyon, na tinatawag ngayon na mga tagapangasiwa ng sirkito at distrito. “Hindi madali ang pagdalaw sa mga kongregasyon,” ang naaalaala ni James Mwango. “Binigyan kami ng mga bisikleta, pero dahil sa aming mga dala-dalahan, kinailangan pa kaming tulungan at samahan ng mga kapatid na naglalakad lamang. Ilang araw rin kaming naglalakbay bago marating ang aming patutunguhan. Gumugugol kami ng dalawang linggo sa bawat kongregasyon.”

‘Bigla Siyang Hinimatay’

Kung gaano kahirap ang paglalakbay sa lalawigan ngayon, gayundin noon. Si Robinson Shamuluma, na mahigit nang 80 taóng gulang ngayon, ay naglingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa kasama ng kaniyang asawang si Juliana. Natatandaan ni Robinson na inabutan sila ng isang malakas na bagyo noong panahon ng tag-ulan. Nang humupa ang bagyo, wala namang nakahambalang sa daan pero lubog ito sa putik hanggang sa upuan ng kanilang mga bisikleta! Nang marating nila ang susunod na kongregasyon, hapung-hapo si Juliana anupat wala na siyang lakas kahit na uminom ng tubig.

Ganito naman ang paliwanag ni Enock Chirwa, na naglingkod bilang tagapangasiwa ng sirkito at distrito noong dekada ng 1960 at 1970: “Napakahirap kapag Lunes; ito ang araw ng paglalakbay. Subalit pagdating namin sa mga kongregasyon, nalilimutan na namin ang tungkol sa paglalakbay. Maligaya kami na makapiling ang mga kapatid.”

Hindi lamang ang layo at hirap ang mga sagabal. Sa paglalakbay ni Lamp Chisenga upang dumalaw sa isang kongregasyon sa hilaga ng bansa, sinamahan siya ng dalawang kapatid. Sa maalikabok na daan, nakakita sila ng isang hayop sa malayo. “Hindi ito gaanong maaninag ng mga kapatid,” ang sabi ni Brother Chisenga. “Nakaupo ito sa daan na parang aso. ‘Nakikita mo ba?’ ang tanong ko. ‘Nakikita mo ba?’ Pagkatapos ay natanto ng isa sa mga kapatid na hugis iyon ng isang leon. Napasigaw siya sa takot at biglang hinimatay. Nagpasiya kaming magpahinga muna roon hanggang sa umalis ang leon.”

Natutuhan ni John Jason at ng kaniyang asawang si Kay, na naglingkod nang 26 na taon sa Zambia kabilang na ang paglilingkod bilang tagapangasiwa ng distrito, ang pangangailangan na maging matiisin kapag nasiraan ng sasakyan. Ganito ang sabi ni John: “Natatandaan kong nagmaneho ako nang 150 kilometro na sira ang mga suspension coil, yamang wala kaming piyesang pamalit o mahihingan ng tulong. At may isang pagkakataon na talagang tumirik ang aming sasakyan. Palibhasa’y nag-overheat ang sasakyan, isang bagay lamang ang puwede naming gawin: Gamitin ang lahat ng tubig na dala namin upang palamigin ang makina at magtira ng kaunti para sa isang tasa ng tsa. Yamang liblib ang lugar, mainit ang panahon, at pagod na pagod na kami, naupo kami sa loob ng sasakyan at nanalangin kay Jehova na tulungan kami. Noong alas tres ng hapon, dumating ang isang sasakyang nag-aayos ng kalsada, ang kauna-unahang sasakyang dumaan noong araw na iyon. Nang makita ang aming kalagayan, ang mga manggagawa ay nag-alok na hilahin ang aming sasakyan. Nakarating kami sa mga kapatid bago kumagat ang dilim.”

Matutong Magtiwala

Sa gayong mga kalagayan, agad na natutuhan ng naglalakbay na mga tagapangasiwa na maglagak ng kanilang tiwala, hindi sa sariling kakayahan o sa materyal na mga bagay, kundi sa mas maaasahang pinagmumulan ng tulong​—ang Diyos na Jehova at ang kapatirang Kristiyano. (Heb. 13:5, 6) “Tatlong linggo pa lamang kaming naglilingkod bilang tagapangasiwa ng distrito, napaharap na kami sa isang hamon,” ang naaalaala ni Geoffrey Wheeler. “Nasa lugar kami ng pagdarausan ng asamblea para sa programa sa dulo ng sanlinggo. Binigyan ako ng isang sirang kalan na Primus ang tatak. Mainit at mahangin noong araw na iyon, at nang sindihan ko ang kalan, nagliyab ito. Sa loob lamang ng ilang minuto, hindi na makontrol ang apoy. Nasunog ang gulong na nasa harapan ng aming Land Rover, at mabilis na nilamon ng apoy ang buong sasakyan.”

Masaklap na karanasan ang mawalan ng sasakyan, subalit hindi lamang iyon ang naging problema nila. Ganito ang sinabi ni Geoffrey: “Ang aming mga damit ay nasa loob ng itim na baul na bakal sa loob ng Land Rover. Hindi nasunog ang mga damit; umurong ang mga ito! Nagtungo ang mga kapatid sa bahagi ng sasakyan na hindi nagliliyab at naisalba nila ang aming kama, isang kamisadentro, at ang aking makinilya. Gayon na lamang ang pagpapasalamat namin sa kanilang pagiging alisto!” Nawala ang kanilang personal na mga pag-aari sa nasunog na sasakyan, at dalawang buwan pa bago sila nakaiskedyul na bumalik sa bayan, kaya paano sila nakaraos? Ganito ang sinabi ni Geoffrey: “Pinahiram ako ng isang kapatid ng kurbata, at iniharap ko ang pahayag pangmadla na suot ang malaking bota. Nakaraos kami, at ginawa ng mga kapatid ang lahat ng kanilang magagawa upang aliwin ang kanilang baguhang tagapangasiwa ng distrito.”

Isang Higaang Ligtas sa mga Ahas

Ang pag-ibig at pagmamalasakit ng mga kongregasyon bilang ‘pagsunod sa landasin ng pagkamapagpatuloy’ ay nagpapatibay sa naglalakbay na mga tagapangasiwa at sa kani-kanilang mga asawa na magpatuloy sa kanilang mapagsakripisyo-sa-sariling paglilingkod. Napakaraming kuwento kung paanong ang mga kongregasyon, bagaman naghihikahos sa materyal, ay maibiging naglaan ng mga pangangailangan na lubhang pinahahalagahan ng mga naglalakbay na tagapangasiwa.​—Roma 12:13; Kaw. 15:17.

Ang mga tuluyan para sa mga naglalakbay na tagapangasiwa ay karaniwan nang simple lamang pero inilalaan taglay ang espiritu ng pag-ibig. Naaalaala ni Fred Kashimoto, na naglingkod bilang tagapangasiwa ng sirkito noong unang mga taon ng dekada ng 1980, nang minsang dumating siya nang gabi sa isang nayon sa Hilagang Lalawigan ng Zambia. Mainit siyang tinanggap ng mga kapatid. Nang makapasok na silang lahat sa maliit na bahay, ipinatong ng mga kapatid ang kaniyang mga maleta sa isang malaking mesa na ang mga paa ay mga isa’t kalahating metro ang taas. Nang gumabi na, nagtanong si Brother Kashimoto, “Saan ako matutulog?”

Itinuro ng mga kapatid ang mesa at sinabi, “Hayun po ang higaan.” Maliwanag na dahil sa maraming ahas, ang mga kapatid ay gumawa ng mas ligtas na papag. Ang mga bungkos ng damo ang nagsilbing kutson, at doon natulog si Brother Kashimoto.

Sa mga lalawigan, kadalasang mga produkto sa bukid ang inireregalo. Napapangiti si Geoffrey Wheeler kapag naaalaala niya: “Minsan ay binigyan kami ng mga kapatid ng isang manok. Pinahapon namin ito sa may palikuran bago dumilim. Ngunit tumalon ang manok at nahulog ito sa butas ng palikuran. Pero nakuha namin ito nang buháy gamit ang isang asarol. Pagkatapos ay hinugasan ito ng misis ko sa mainit na tubig na may sabon at maraming pandisimpekta. Niluto namin ito noong dulo ng sanlinggo, at masarap naman ito!”

Nakinabang din ang mag-asawang Jason sa pagkabukas-palad ng mga kapatid. “Madalas nila kaming bigyan ng buháy na manok,” ang sabi ni John. “May maliit kaming bayong, at doon namin inilalagay ang inahing manok habang naglalakbay kami sa aming distrito. Tuwing umaga, nangingitlog ito, kaya hindi namin kinakatay ang inahing manok na iyon. Kapag nag-iimpake na kami upang lumipat sa isang bagong lugar, parang sinasabi nito na gusto niyang sumama.”

Mga Pelikula

Simula noong 1954, ang The New World Society in Action pati na ang iba pang mga pelikula ay nakatulong sa kampanya ng pagtuturo. “Inudyukan nito ang marami na puspusang magsikap kapuwa sa ministeryo at sa kongregasyon,” ang komento ng isang ulat mula sa tanggapang pansangay noong panahong iyon. Nang binabaklas ang dakong pinagdausan ng asamblea pagkatapos maipalabas ang pelikula, ganito ang naging sawikain ng ilan: “Gayahin natin ang ginawa sa ‘The New World Society in Action’ ”​—ibig sabihin ay “gawin ito nang masigla at puspusan!” Sa unang taon na naipalabas ito, ang pelikulang ito ay napanood ng mahigit sa 42,000 katao, kasama na ang mga opisyal ng pamahalaan at edukasyon, na humanga rito. Nang maglaon, mahigit na isang milyon katao sa Zambia ang nagkaroon ng kabatiran tungkol sa mga Saksi ni Jehova at sa kanilang Kristiyanong organisasyon.

Natatandaan ni Wayne Johnson ang naging epekto nito. Sinabi niya: “Naglakbay ang mga tao mula sa malayo upang mapanood ang mga pelikula, at marami itong naituro sa kanila tungkol sa organisasyon ni Jehova. Karaniwan na sa panahon ng programa, may masigabo at malakas na palakpakan.”

May panahon noon na ipinalalabas ang isa sa mga pelikula sa panggabing sesyon sa araw ng Sabado ng pansirkitong asamblea. Kapana-panabik na karanasan ito lalo na kapag ginaganap ito sa iláng. Malaki ang epekto ng kampanya, kahit na ang ilang taong di-pamilyar sa buhay sa ibang lugar ay nagkaroon ng maling pagkaunawa sa ilang eksena. Ipinakita sa isang pelikula ang mga tao na humuhugos palabas sa isang subway sa New York City. Inakala ng marami na inilalarawan nito ang pagkabuhay-muli! Sa kabila nito, natulungan ng mga pelikula ang mga tao na maging lalong pamilyar sa mga Saksi ni Jehova. Subalit nagbabago ang panahon, at dahil sa tumitinding hangarin para sa pambansang kasarinlan, maraming taga-Zambia ang napoot sa mga kapatid. Mapapaharap ang mga kongregasyon at naglalakbay na mga tagapangasiwa sa mga situwasyong nangangailangan ng higit na pagbabata.

Nagkaproblema Dahil sa Pulitika

Noong Oktubre 24, 1964, nakamit ng Hilagang Rhodesia ang kasarinlan nito mula sa Britanya at ito ay naging Republika ng Zambia. Noong panahong ito, tumindi ang kaigtingan sa pulitika. Binigyan ng maling interpretasyon ang neutralidad ng mga Saksi ni Jehova at sinabing ito raw ay di-tuwirang pagsuporta sa kolonyal na pamamahala.

Naaalaala ni Lamp Chisenga ang paglalakbay sa may Lawa ng Bangweulu noong panahong ito. Plano niyang sumakay ng bangka patungo sa mga isla upang dalawin ang mga Saksing mangingisda roon. Upang makarating doon, kailangan munang sumakay ng bus patungo sa tabing-lawa. Pagbaba niya, hinilingan siyang ipakita ang kaniyang kard ng pulitikal na partido. Siyempre, wala siyang kard. Kinuha ng mga tauhan ng pulitikal na partido ang kaniyang portpolyo. Pagkatapos ay nakita ng isa sa kanila ang kahon na may nakatatak na “Watchtower.” Hinipan niya ang kaniyang pito nang malakas at nagsisigaw: “Watchtower! Watchtower!”

Sa takot na magkagulo, itinulak ng isang opisyal si Lamp pabalik sa bus pati na ang kaniyang mga bag. Walang kaanu-ano’y inumog at pinagbabato ng maraming tao ang bus, at tinamaan ang mga pinto, gulong, at mga bintana nito. Mabilis na pinatakbo ng drayber ang bus at nagbiyahe nang hindi humihinto hanggang sa makarating sila sa Samfya, mga 90 kilometro ang layo. Bumuti naman ang kalagayan nang gabing iyon. Kinaumagahan, ang kalmadong si Lamp ay sumakay ng bangka upang maglingkod sa maliliit na kongregasyon sa palibot ng lawa.

“Sa maraming pagbabata,” patuloy na inirerekomenda ng naglalakbay na mga tagapangasiwa ang kanilang mga sarili bilang mga ministro ng Diyos. (2 Cor. 6:4) Si Fanwell Chisenga, na naglingkod sa sirkitong sumasakop sa isang lugar sa kahabaan ng Ilog Zambezi, ay nagsabi, “Upang makapaglingkod bilang isang tagapangasiwa ng sirkito, kailangan ng buong-kaluluwang debosyon at pagsasakripisyo sa sarili.” Ang paglalakbay patungo sa mga kongregasyon sa lugar na ito ay nangangahulugan ng mahahabang biyahe sakay ng luma at may butas na mga bangka, sa isang ilog kung saan maaaring kagatin ng isang galít na hipopotamus ang isang bangka na parang tuyong sanga. Ano ang nakatulong kay Fanwell na makapagbata bilang tagapangasiwa ng sirkito? Nakangiti siya habang pinagmamasdan ang isang litrato ng mga miyembro ng kongregasyon na naghatid sa kaniya sa tabing-ilog, at binanggit niya ang isang bagay na nakagaganyak sa kaniya​—ang mga kapatid. Matapos mag-isip, naitanong niya, “Saan ka pa makasusumpong ng maliligayang mukha sa daigdig na ito na lipos ng galit?”

Neutralidad

“Ang bawat isa na naglilingkod bilang kawal ay hindi nakikisangkot sa mga bagay sa sanlibutan​—upang makamit niya ang pagsang-ayon ng opisyal na nagtala sa kaniya.” Gayon ang isinulat ni apostol Pablo. (2 Tim. 2:4, Weymouth) Ang pagiging laging handang maglingkod at makipagtulungan sa kanilang Lider, si Jesu-Kristo, ay humihiling sa mga Kristiyano na umiwas na makisangkot sa pulitikal at relihiyosong mga organisasyon ng sanlibutan. Dahil sa paninindigang ito, napaharap sa mga problema at “mga kapighatian” ang mga tunay na Kristiyano, na nagnanais manatiling neutral sa mga gawain ng sanlibutan.​—Juan 15:19.

Marami ang pinagmalupitan noong Digmaang Pandaigdig II dahil sa hindi pagiging “makabayan.” “Nakita namin ang matatandang lalaki na ibinabalibag sa trak na parang mga sako ng mais dahil sa pagtangging maglingkod sa militar,” ang naaalaala ni Benson Judge, na naging masigasig na naglalakbay na tagapangasiwa. “Narinig naming sinasabi ng mga lalaking ito, ‘Tidzafera za Mulungu’ (Handa kaming mamatay alang-alang sa Diyos).”

Bagaman hindi pa bautisado noong panahong iyon, tandang-tanda pa ni Mukosiku Sinaali na noong panahon ng digmaan, madalas maging isyu ang neutralidad. “Ang lahat ng tao ay hinihilingang humukay at mangolekta ng mga ugat ng baging ng mambongo, na pinagmumulan ng mahalagang latex. Ang mga ugat ay binabalatan, pinipitpit, binubungkos, at pagkatapos ay pinoproseso bilang materyales na kahalili ng goma para gamitin sa paggawa ng mga bota ng sundalo. Tumanggi ang mga Saksi na manguha ng mga ugat na ito dahil ang trabahong ito ay nauugnay sa digmaan. Bilang resulta, pinarusahan ang mga kapatid sapagkat hindi sila nakipagtulungan. Sila’y naging ‘di-kanais-nais na mga tao.’ ”

Ang isa sa “di-kanais-nais na mga tao” na ito ay si Joseph Mulemwa. Siya ay isang katutubo ng Timugang Rhodesia na nagpunta sa Kanlurang Lalawigan ng Hilagang Rhodesia noong 1932. Sinasabi ng ilan na hinihimok daw niya ang mga tao na huwag nang sakahin ang kanilang bukid sapagkat ‘malapit na ang Kaharian.’ Ikinalat ng isang ministro ng misyong Mavumbo na humahamak kay Joseph ang huwad na akusasyong ito. Inaresto si Joseph at ipinosas kasama ng isang lalaking may diperensiya sa isip. Inaasahan ng ilan na sasaktan ng lalaki si Joseph. Subalit napakalma ni Joseph ang lalaki. Nang makalaya si Joseph, nagpatuloy siya sa pangangaral at sa pagdalaw sa mga kongregasyon. Namatay siyang tapat noong kalagitnaan ng dekada ng 1980.

Pinalakas Upang Harapin ang mga Pagsubok

Dahil sa espiritu ng nasyonalismo at maiigting na situwasyon sa mga pamayanan, pinagbantaan ang mga hindi nakikibahagi sa pulitika dahil sa hindi iyon ipinahihintulot ng kanilang budhi. Kahit na maigting ang kalagayan sa bansa, ang “Mga Ministrong Malakas ang Loob” na Pambansang Asamblea sa Kitwe noong 1963 ay patotoo na umiiral ang kapayapaan at pagkakaisa sa gitna ng mga Saksi ni Jehova. Ang halos 25,000 delegado, na ang ilan ay may dalang mga tolda at caravan para sa limang-araw na asamblea, ay nasiyahan sa programa na iniharap sa apat na wika. Napakahalaga ng pahayag ni Milton Henschel na nagtuon ng pansin sa kaugnayan ng Kristiyano sa Estado. Ganito ang naaalaala ni Frank Lewis: “Natatandaan naming sinabi niya na tulungan namin ang aming mga kapatid na maunawaan ang isyu ng neutralidad. Tuwang-tuwa kami sa napapanahong payo na tinanggap namin sapagkat napagtagumpayan ng maraming kapatid sa Zambia ang matitinding pagsubok na dinanas nila nang dakong huli at nakapanatili silang tapat kay Jehova!”

Noong dekada ng 1960, ang mga Saksi ni Jehova ay napaharap sa malawakan at marahas na pag-uusig pati na ang pagsira sa kanilang ari-arian. Winasak ang mga bahay at mga Kingdom Hall. Mabuti na lamang at kumilos ang pamahalaan at ibinilanggo ang marami na nasangkot sa pananakot sa mga Saksi. Nang ang Hilagang Rhodesia ay naging Republika ng Zambia, naging lubhang interesado ang mga Saksi ni Jehova sa probisyon ng bagong konstitusyon ukol sa saligang karapatang pantao. Gayunman, malapit nang puntiryahin ng pagkamakabayan ang walang kamalay-malay na mga biktima.

Pambansang mga Sagisag

Noong panahon ng pananakop ng mga kolonista, dahil sa relihiyosong paniniwala ng mga Saksi ni Jehova, ang kanilang mga anak ay pinarurusahan kapag hindi sumasaludo ang mga ito sa bandilang Union Jack na siyang ginagamit noon sa Zambia. Pinarurusahan din sila dahil sa pagtangging umawit ng pambansang awit. Pagkatapos magpaliwanag sa mga awtoridad, naging mas mapagparaya na ang kagawaran ng edukasyon, anupat sumulat ito: “Ang mga pangmalas ng inyong [grupo] tungkol sa pagsaludo sa bandila ay kilalang-kilala at iginagalang, at hindi dapat parusahan ang sinumang bata sa anumang paraan dahil sa hindi pagsaludo.” Inaasahan na dahil sa bagong konstitusyon ng republika, lalong maitataguyod ang saligang mga kalayaan, kasama na ang kalayaan sa budhi, kaisipan, at relihiyon. Subalit lalong tumindi ang pagkamakabayan dahil sa bagong bandila at pambansang awit. Mas pinasigla sa mga paaralan ang araw-araw na pagsaludo sa bandila at pag-awit ng pambansang awit. Bagaman binigyan ng eksemsiyon ang ilang kabataang Saksi, maraming iba pa ang binugbog at pinatalsik pa nga sa paaralan.

Nagbigay ng pag-asa ang bagong batas hinggil sa edukasyon na ipinasá noong 1966. Kalakip dito ang isang probisyon na nagpapahintulot sa isang magulang o tagapag-alaga na humiling na bigyan ng eksemsiyon ang bata mula sa relihiyosong mga gawain o pagdiriwang. Dahil dito, maraming bata na sinuspende o pinatalsik ang muling tinanggap sa paaralan. Subalit di-nagtagal, medyo palihim na idinagdag sa batas ang mga tuntunin, kung saan binigyang-katuturan ang mga bandila at pambansang awit bilang sekular na mga sagisag na nagtataguyod ng pagkamakabayan. Sa kabila ng mga pakikipag-usap ng mga kapatid sa mga opisyal ng gobyerno, sa pagtatapos ng 1966, mahigit sa 3,000 bata ang pinatalsik sa paaralan dahil sa kanilang neutral na paninindigan.

Hindi Makapapasok sa Paaralan si Feliya

Dumating ang panahon upang masubok kung legal nga ba ang gayong pagkilos. Isang kaso ang pinili. Regular na pumapasok si Feliya Kachasu sa Paaralan ng Buyantanshi sa Copperbelt. Bagaman kilala siya bilang isang huwarang estudyante, pinatalsik siya. Naaalaala ni Frank Lewis kung paano isinampa ang kaso sa korte: “Iniharap ni Ginoong Richmond Smith ang aming kaso, na hindi madaling gawin yamang ang kaso ay laban sa pamahalaan. Nakumbinsi siyang ipagtanggol ang kaso ni Feliya matapos marinig ang paliwanag nito kung bakit hindi ito sumasaludo sa bandila.”

Si Dailes Musonda, na isa ring mag-aaral sa Lusaka noong panahong iyon, ay nagsabi: “Nang dalhin sa korte ang kaso ni Feliya, talagang umaasa kami na maganda ang magiging resulta. Ang mga kapatid mula sa Mufulira ay naglakbay upang dumalo sa mga pagdinig sa korte. Kami ng ate ko ay inanyayahang dumalo sa pagdinig. Natatandaan ko na si Feliya ay nakasuot ng sombrerong puti at damit na mapusyaw ang kulay nang humarap siya sa korte. Ang pagdinig ay tumagal nang tatlong araw. May ilang misyonero pa rin sa bansa; dumating sina Brother Phillips at Brother Fergusson upang makinig. Iniisip naming makatutulong ang kanilang pagkanaroroon.”

Ganito ang konklusyon ng punong hukom: “Walang indikasyon sa kasong ito hinggil sa mga Saksi ni Jehova na ang kanilang mga pagkilos ay nagpapahiwatig ng kawalang-galang sa pambansang awit o sa pambansang bandila.” Gayunman, ipinasiya niya na ang mga seremonya ay sekular at na sa kabila ng taimtim na mga paniniwala ni Feliya, hindi siya maaaring bigyan ng eksemsiyon sa ilalim ng mga probisyon ng batas sa edukasyon. Naniniwala siyang ang mga seremonya ay kailangan upang itaguyod ang kapakanan ng pambansang seguridad. Ngunit hindi kailanman napatunayan na ang pagpapatupad ng gayong kahilingan sa isang menor-de-edad ay makabubuti sa mga tao sa pangkalahatan. Hindi makapapasok sa paaralan si Feliya hangga’t nanghahawakan siya sa kaniyang Kristiyanong mga paniniwala!

Natatandaan ni Dailes: “Talagang nadismaya kami. Gayunpaman, ipinaubaya namin ang lahat kay Jehova.” Nang lalong tumindi ang mga panggigipit, si Dailes at ang kaniyang kapatid na babae ay huminto na rin sa pag-aaral noong 1967. Sa pagtatapos ng 1968, halos 6,000 anak ng mga Saksi ni Jehova ang pinatalsik sa paaralan.

Hinigpitan ang mga Pagtitipong Pampubliko

Hiniling ng Public Order Act ng 1966 na lahat ng pagtitipong pampubliko ay pasimulan sa pag-awit ng pambansang awit. Dahil dito hindi na praktikal na magdaos ng pampublikong mga asamblea. Upang hindi malabag ang mga kahilingan ng pamahalaan, idinaos na lamang ng mga kapatid ang malalaking pagtitipon sa pribadong mga lugar, kadalasan ay sa mga Kingdom Hall, na nababakuran ng kugon. Palibhasa’y napukaw ang pansin, maraming interesadong tao ang naakit na magsuri kung ano ang nangyayari roon, at bilang resulta, patuloy na dumami ang dumadalo anupat noong 1967, mga 120,025 ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo.

“Noong panahong ito, may bugso ng mararahas na pagsalansang,” ang naalaala ni Lamp Chisenga. “Sa lugar ng Samfya, sinalakay ng mga mang-uumog si Brother Mabo ng Kongregasyon ng Katansha at pinatay siya. Kung minsan, ang mga kapatid ay sinasalakay habang may pagpupulong, at maraming Kingdom Hall ang sinunog. Ngunit iginagalang pa rin ng mga awtoridad ang mga Saksi, at ang ilang mananalansang ay dinakip at pinarusahan.”

May Sarili Silang Hukbong Panghimpapawid!

Patuloy na pinaparatangan ng mga mananalansang ang mga Saksi ni Jehova, anupat sinasabing napakayaman nila at na bumubuo sila ng ipapalit na pamahalaan. Isang araw, biglang dumating ang kalihim ng namamahalang partido sa tanggapang pansangay sa Kitwe. Nalaman lamang ng mga kapatid na dumating siya nang makita nila ang napakaraming pulis sa pasukan ng tanggapan. Sa isang pakikipagpulong sa mga kinatawan ng sangay, uminit ang ulo niya. “Pinahintulutan namin kayong magtayo ng mga gusaling ito,” ang pabulyaw na sinabi niya. “Para saan ba ang mga ito? Ito ba ang mga tanggapan ng inyong pamahalaan?”

Patuloy na pinaniniwalaan ng ilang awtoridad ang pilipit na mga bali-balitang ito. Sa Hilagang-Kanlurang Lalawigan ng Zambia, gumamit ng tear gas ang mga pulis sa pagsisikap na pahintuin ang isang kombensiyon. Agad na tumelegrama ang mga kapatid sa tanggapang pansangay. Isinakay ng isang dayuhang magsasaka sa kaniyang maliit na eroplano ang iba pang kinatawan mula sa sangay patungo sa Kabompo upang pakalmahin ang situwasyon at linawin ang anumang maling pagkaunawa. Subalit nakalulungkot, sa halip na mapawi ang mga hinala ng ilan, iniulat naman nila ngayon na ang mga Saksi ay may sariling hukbong panghimpapawid!

Sa lugar ng kombensiyon, maingat na tinipon ng mga kapatid ang mga basyo ng tear gas. Nang maglaon, nang dumalaw ang mga kinatawan ng sangay sa mga opisyal ng pamahalaan upang ipahayag ang kanilang pagkabahala, ipinakita nila ang mga basyo ng tear gas bilang ebidensiya na ginamitan sila ng dahas. Lubhang napabalita ang insidenteng iyon, at hinangaan ang mapayapang reaksiyon ng mga Saksi.

Pagpapaliwanag sa Ating Paninindigan

Pinag-ibayo pa ang pagsisikap na ipagbawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Gusto ng sangay na ipaliwanag sa pamahalaan ang ating neutral na paninindigan. Sina Smart Phiri at Jonas Manjoni ang pinili upang magpaliwanag sa harap ng maraming ministro ng pamahalaan. Sa panahon ng pagpapaliwanag, sinigawan ng isang ministro ang ating mga kapatid. “Gusto ko kayong dalhin sa labas at bugbugin!” ang sabi niya. “Alam ba ninyo kung ano ang ginawa ninyo? Kinuha ninyo ang aming pinakamahuhusay na mamamayan, at ano ang itinira ninyo sa amin? Aba, ang mga mamamatay-tao, mangangalunya, at mga magnanakaw!”

Agad na sumagot ang mga kapatid: “Subalit ganiyan ang ilan sa kanila noon! Sila ay mga magnanakaw, mangangalunya, mamamatay-tao, subalit dahil sa kapangyarihan ng Bibliya, binago ng mismong mga taong ito ang kanilang buhay at naging pinakamahuhusay na mamamayan ng Zambia. Iyan ang dahilan kung bakit nagsusumamo kami sa inyo na hayaan ninyo kaming mangaral nang malaya.”​—1 Cor. 6:9-11.

Deportasyon at Bahagyang Pagbabawal

Gaya ng nabanggit na, ang mga misyonero ay pinag-utusang umalis ng bansa. “Hinding-hindi namin malilimutan ang Enero 1968,” ang sabi ni Frank Lewis. “Tinawagan kami sa telepono ng isang kapatid upang sabihin sa amin na kagagaling lamang sa bahay niya ang isang opisyal ng imigrasyon. Ibinigay sa kaniya ng opisyal ang mga papeles ng deportasyon na nagbibigay sa kaniya ng pitong araw upang tapusin ang kaniyang gawain sa Zambia at umalis ng bansa. Di-nagtagal, tumanggap ako ng magkasunod na tawag sa telepono. Sa wakas, isa sa mga kapatid ang tumawag upang sabihin na narinig niyang ang susunod na maaapektuhan ay ang mga nasa isang malaking pasilidad sa Kitwe.” Maliwanag, ang matitinding hakbang na ito ay nilayon upang buwagin ang pagkakaisa ng mga Saksi at pahinain ang kanilang loob sa kanilang masigasig na pangangaral.

Nang sumunod na taon, ipinatupad ng pangulo ang Preservation of Public Security Order, na nagbawal sa gawaing pangangaral sa bahay-bahay. Sa harap ng halos ganap na pagbabawal na ito, kinailangang baguhin ng mga kapatid ang paraan ng kanilang ministeryo, anupat pinagtuunan ng pansin ang di-pormal na pagpapatotoo. Ang Ating Ministeryo sa Kaharian ay naging Ating Buwanang Liham, at ang seksiyon na “Paghaharap ng Mabuting Balita” ay tinawag na “Ating Panloob na Ministeryo.” Nakatulong ito upang hindi makahalata ang mga tagasensura ng pamahalaan. Ang pinakamataas na bilang na halos 48,000 pantahanang pag-aaral sa Bibliya ay iniulat noong Abril 1971, na maliwanag na nagpapakitang hindi naging mabisa ang mga pagsisikap na higpitan ang gawain upang masiraan ng loob ang mga kapatid.

Nakasama ni Clive Mountford, na naninirahan na ngayon sa Inglatera, ang maraming misyonero. Naaalaala niya: “Ang isang paraan ng pagpapatotoo namin ay magpasakay ng mga tao sa aming mga kotse at pagkatapos ay ipakipag-usap sa kanila ang katotohanan. Lagi kaming may mga magasin sa kotse, upang makita ito ng mga pinasasakay namin.”

Bagaman hindi ipinagbabawal ang mga pag-uusap tungkol sa Bibliya, hinihiling ng batas na kumuha muna kami ng pahintulot bago dumalaw sa isang interesadong tao. Kung minsan, mga kamag-anak, dating kaeskuwela, katrabaho, o iba pa ang dinadalaw ng mga kapatid upang hindi malabag ang batas. Sa isang palakaibigang pagdalaw, ang pag-uusap ay mataktikang ibabaling sa maka-Kasulatang mga bagay. Yamang malaki ang mga pamilya, maaaring makausap ang maraming di-sumasampalatayang mga kamag-anak at mga miyembro ng pamayanan.

Noong 1975, ang sangay ay nag-ulat: “Ilang libong mamamahayag sa aming larangan ang hindi kailanman nakibahagi sa pangangaral sa bahay-bahay. Gayunman, nakagawa sila ng bagong mga alagad, at nakapagbigay ng napakalaking patotoo.” Dahil sa pagbabawal sa kanilang pangangaral sa bahay-bahay, gumawa ang mga kapatid ng ibang mga paraan upang makapagpatotoo. Madalas mangyari ang karanasang kagaya ng ginawa ng isang kapatid na tagapag-ingat ng rekord sa isang kagawaran ng pamahalaan. Trabaho niya ang magtalâ ng mga pangalan at mga detalye tungkol sa mga mamamayan. Partikular niyang pinagtuunan ng pansin ang mga taong ang pangalan ay hinango sa Bibliya at tinatanong niya sila kung ano ang nalalaman nila tungkol sa tauhan sa Bibliya na kapangalan nila. Nagbukas ito ng maraming pagkakataon upang magpatotoo. Nang magpunta sa kanilang tanggapan ang isang mag-ina, napansin ng kapatid na Eden ang pangalan ng batang babae. Nang tanungin niya ang ina kung alam ba nito ang kahulugan ng “Eden,” inamin nito na hindi niya alam. Maikling ipinaliwanag ito ng kapatid, at binanggit na sa malapit na hinaharap, ang lupa ay magiging gaya ng orihinal na Paraiso sa Eden. Naging interesado ang babae at ibinigay nito sa kaniya ang adres ng kanilang bahay. Naging interesado rin ang asawa ng babae, at nagsimulang dumalo ang buong pamilya sa mga pagpupulong, at nang maglaon ay nabautismuhan ang ilang miyembro ng pamilya.

Sinamantala naman ng ibang mamamahayag ang kanilang sekular na trabaho upang magpatotoo. Ginugugol ni Royd, na empleado sa isang minahan, ang kaniyang pahinga sa tanghali upang tanungin ang kaniyang mga katrabaho kung ano ang masasabi nila sa iba’t ibang teksto sa Bibliya. “Sino sa palagay n’yo ang ‘batong-limpak’ na binabanggit sa Mateo 16:18?” O, “Sino ang ‘batong katitisuran’ sa Roma 9:32?” Kadalasan, maraming minero ang nagtitipun-tipon upang pakinggan ang mga paliwanag mula sa Kasulatan. Dahil sa di-pormal na mga usapang ito, ang ilan sa mga katrabaho ni Royd ay sumulong tungo sa pag-aalay at bautismo.

Ang matatag na paninindigan ng ating mga kabataan sa paaralan ay nagbibigay rin ng mga pagkakataon upang marinig ng iba ang katotohanan. Nang isang grupo ng mga bata ang tumangging makibahagi sa pag-awit ng mga awiting makabayan, nagalit ang kanilang guro at inutusan ang klase na tumayo sa labas. Ganito ang natatandaan ng isang grupo: “Ang akala ng guro namin ay hindi kami marunong umawit kahit ng aming relihiyosong mga awit. Para sa kaniya, pagkakataon na niya ito upang tuyain kami. Inutusan niya na magsama-sama ang mga mag-aaral na magkakarelihiyon. Ang bawat grupo ay pinaaawit ng isa o dalawang awit ng kanilang relihiyon. Nang walang matandaang anumang awit ang dalawang grupo, kami naman ang binalingan ng guro. Ang una naming inawit ay ‘Ito ang Araw ni Jehova!’ Maganda siguro ang pagkakaawit namin dahil ang mga taong nagdaraan sa paaralan ay huminto upang makinig. Pagkatapos ay inawit namin ang ‘Si Jehova ay Naging Hari!’ Ang lahat, pati na ang guro, ay masigabong nagpalakpakan. Bumalik kami sa klase. Marami sa aming kaklase ang nagtanong kung saan namin natutuhan ang magagandang awit na iyon, at ang ilan ay sumama sa amin sa mga pagpupulong. Nang maglaon, sila mismo ay naging aktibong mga Saksi.”

“Mga Nag-iiwan ng mga Aklat”

Sa lahat ng panahong ito, ang mga kapatid ay naging ‘maingat na gaya ng mga serpiyente at gayunma’y walang muwang na gaya ng mga kalapati.’ (Mat. 10:16) Dahil sa kanilang naiibang literatura at masikap na paggamit ng mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya, ang mga Saksi ni Jehova ay binansagang Abaponya Ifitabo na ang ibig sabihin ay “Mga Nag-iiwan (o, Nagpapasakamay) ng mga Aklat.” Sa kabila ng determinadong pagsisikap ng mga sumasalansang upang patahimikin ang mga kapatid, nagpatuloy ang gawaing pangangaral ng Kaharian. Bagaman nagpatuloy sa loob ng ilang taon ang manaka-naka at marahas na pagsalansang, nabawasan ito noong unang mga taon ng dekada ng 1980.

Sa loob ng 25 taon pagkatapos makamit ng bansa ang kasarinlan, halos 90,000 ang nabautismuhan. Gayunman, mga 42,000 lamang ang nadagdag sa bilang ng aktibong mga mamamahayag. Bakit nagkagayon? Totoo, ang ilan ay namatay, at maaaring lumipat naman sa ibang bansa ang iba. “Subalit isang salik din ang pagkatakot sa tao,” ang nagugunita ni Neldie, na naglingkod sa tanggapang pansangay nang panahong iyon. Marami ang naging di-palagian o di-aktibo sa ministeryo. Isa pa, nagdulot ng pagbabago ang kasarinlan. Kailangang punan ang nabakanteng mga posisyon sa pangangasiwa sa negosyo, na ibinibigay lamang noon sa dayuhang mga manggagawa. Dahil sa bagong mga pagkakataon para sa pabahay, trabaho, at edukasyon, ibinaling ng maraming pamilya ang kanilang pansin mula sa espirituwal tungo sa materyal na mga bagay.

Sa kabila nito, sumulong ang gawain. Sumulat ang pantas na si Haring Solomon: “Sa umaga ay ihasik mo ang iyong binhi at hanggang sa kinagabihan ay huwag mong pagpahingahin ang iyong kamay; sapagkat hindi mo nalalaman kung saan ito magtatagumpay, kung dito o doon, o kung ang dalawa ay parehong magiging mabuti.” (Ecles. 11:6) Sinikap ng mga kapatid na magtanim ng mga binhi ng katotohanan na inaasahang lalago habang nagiging higit na kaayaaya ang mga kalagayan. Dahil sa patuloy na pagsulong at pagdami ng inihahatid na mga literatura, kinailangang bumili ng isang bagong trak noong 1976. Sinimulan ang pagtatayo ng bagong mga pasilidad sa paglilimbag noong 1982 mga ilang kilometro ang layo mula sa Bethel. Ang mga bagay na ito ang siyang naging pundasyon sa paglago sa hinaharap.

Naging mas malaya at mapayapa mula sa labanang sibil ang Zambia kung ihahambing sa maraming bansa sa sentral Aprika. Bagaman lubhang kaayaaya na ngayon ang mga kalagayan upang ‘ipahayag ang mabuting balita ng mabubuting bagay,’ ang mga alaala ng “mga kapighatian” ay nag-uudyok sa mga tapat na patuloy na maging abala sa ‘pagtitipon ng bunga para sa buhay na walang hanggan.’​—Roma 10:15; 2 Cor. 6:4; Juan 4:36.

Pagpapalawak sa Sangay

Noong dekada ng 1930, isang inuupahang gusali sa Lusaka na may dalawang silid lamang ang nagagamit ni Llewelyn Phillips at ng kaniyang mga kamanggagawa sa pagsasagawa ng kanilang mga atas. Hindi akalain ng marami na magkakaroon ng 110-ektaryang lupa na siyang kinatatayuan ng kasalukuyang mga pasilidad ng Bethel, na tinutuluyan ng mahigit sa 250 boluntaryo. Ang mga kapatid na ito ay naglilingkod para sa espirituwal na mga pangangailangan ng mahigit sa 125,000 mamamahayag at payunir. Isaalang-alang natin sandali kung paano naganap ang pagsulong na ito.

Gaya ng nalaman na natin, bumuti ang pakikitungo ng mga awtoridad sa mga Saksi noong 1936 at bilang resulta, pinahintulutang magkaroon ng isang imbakan ng literatura sa Lusaka. Di-nagtagal, kinailangang lumipat sa mas malaking gusali dahil sa paglawak ng gawain. Bumili ng lupa’t bahay malapit sa sentral na himpilan ng pulisya. “Mayroon itong dalawang silid-tulugan,” ang natatandaan ni Jonas Manjoni. “Ang silid-kainan ay ginamit bilang Service Department, at ang beranda, bilang Shipping Department.” Noong 1951, nagbakasyon si Jonas nang dalawang linggo mula sa kaniyang sekular na trabaho upang maglingkod sa Bethel, at nang maglaon ay naging permanente na siya rito. “Ito ay organisadung-organisado, at masaya rito,” ang sabi niya. “Nagtrabaho ako sa Shipping Department kasama ni Brother Phillips, kung saan inaasikaso ang mga suskrisyon at nilalagyan ng mga selyo ang mga rolyo ng mga magasin. Nalulugod kaming maglingkod sa mga kapatid.” Nang maglaon nakasama ni Llewelyn Phillips si Harry Arnott, at gumawa sila kasama ng mga kapatid doon, gaya nina Job Sichela, Andrew John Mulabaka, John Mutale, Potipher Kachepa, at Morton Chisulo.

Dahil sa pag-unlad ng industriya ng minahan sa Zambia, mabilis na pagdami ng mga imprastraktura, at pagdagsa ng mga tao mula sa lahat ng sulok ng bansa tungo sa lugar ng minahan, mas napapansin na ngayon ang Copperbelt kaysa sa Lusaka. Iminungkahi ni Ian Fergusson na bumili ng lupa sa may lugar ng minahan, at noong 1954, ang tanggapang pansangay ay inilipat sa King George Avenue, Luanshya. Subalit di-nagtagal, ang mga gusaling ito ay hindi na sapat para matugunan ang pangangailangan ng mabilis na lumalawak na teritoryo, na sumasaklaw na sa kalakhang bahagi ng Silangang Aprika. Nang dumalaw siya noong 1959, para dumalo sa “Gisíng na mga Ministro” na Pandistritong Kombensiyon, sinurbey ni Nathan Knorr, mula sa pandaigdig na punong-tanggapan, ang posibleng mga lokasyon para sa bagong sangay at nagbigay ng pahintulot na simulan na ang pagtatayo. Naaalaala ni Geoffrey Wheeler, “Kami nina Frank Lewis at Eugene Kinaschuk ay nagtungo sa bagong lugar sa Kitwe kasama ang isang arkitekto upang ilagay ang mga muhon sa lokasyon ng bagong Bethel.” Noong Pebrero 3, 1962, inialay kay Jehova ang isang bagong tanggapang pansangay na may tirahan, palimbagan, at isang Kingdom Hall. Pagkatapos ng programa sa pag-aalay ng mga pasilidad, itinawag-pansin ni Harry Arnott, lingkod ng sangay noong panahong iyon, ang mas mahalagang espirituwal na pagtatayo na dapat pagsumikapang gawin ng bawat isa gamit ang espirituwal na mga materyales na gaya ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig.

Di-nagtagal, ang mga pasilidad na ito ay hindi na rin sapat dahil sa pagsulong sa bilang ng mga mamamahayag ng Kaharian mula sa 30,129 tungo sa halos 57,000 sa sumunod na sampung taon. “Pinasigla kami ni Brother Knorr na palawakin ang aming pag-iimprenta,” ang naalaala ni Ian Fergusson. “Dumalaw ako sa sangay sa Elandsfontein, Timog Aprika, upang sumangguni sa mga kapatid. Di-nagtagal, isang palimbagan mula roon ang ibiniyahe sakay ng eroplano tungo sa Kitwe.”

Bukod sa literatura at mga magasin, ginagawa rin sa Kitwe ang buwanang Ating Ministeryo sa Kaharian para ipamahagi sa Kenya at sa iba pang teritoryo sa Silangang Aprika. Di-kalaunan, naging masikip na ang maliit na pasilidad ng palimbagan, anupat kinailangang ilipat ang palimbagan. Nang tumutol ang konseho ng lunsod na gamitin namin ang isang lugar na maaaring pagtayuan, isang kapatid ang nag-alok ng ibang lote. Ang gusali ay natapos noong 1984. Sa loob ng tatlong dekada, ang Kitwe ay naging sentro ng gawaing pangangaral sa Zambia.

Noong mahihirap na taon pagkatapos ng pagpapalayas sa mga misyonero, dumami ang bilang ng mga manggagawa sa tanggapang pansangay anupat 14 na miyembro ng pamilyang Bethel ang kinailangang tumira sa labas ng Bethel sa piling ng kanilang pamilya. Kailangan ang mga pagbabago upang wastong mapangasiwaan ang gawain sa hinaharap. Nang maglaon, dalawang bahay ang binili at isa pa ang inupahan, anupat posible nang dagdagan ang miyembro ng pamilya. Gayunman, maliwanag na kailangan ang bagong mga pasilidad. Nakatutuwa na lubhang bumuti ang mga kalagayan. Noong 1986, ang mga kapatid na nasa pangunahing mga lugar sa bansa ay inatasang humanap ng lupa para sa isang bagong sangay. Nakakita ng 110-ektaryang bukid, mga 15 kilometro sa gawing kanluran ng kabisera. Tamang-tama ang napiling lugar na ito yamang may malaking reserba ito ng tubig sa ilalim ng lupa. Ganito ang sabi ni Dayrell Sharp, “Sa palagay ko, inakay kami ni Jehova sa magandang lugar na ito.”

Pag-aalay at Paglago

Noong Sabado, Abril 24, 1993, daan-daang matatagal nang lingkod ni Jehova ang nagtipon para sa pag-aalay ng bagong mga pasilidad. Dumalo ang 4,000 mga kapatid na tagaroon, kasama ang mahigit na 160 bisita mula sa iba’t ibang bansa, kabilang na ang mga misyonerong kinailangang umalis sa Zambia mga 20 taon na ang nakalilipas. Si Theodore Jaracz, isa sa dalawang miyembro ng Lupong Tagapamahala na dumalo, ay nagbigay ng pahayag na may temang “Inirerekomenda ang Ating mga Sarili Bilang mga Ministro ng Diyos.” Ipinaalaala niya sa mga naglingkod nang tapat sa loob ng maraming taon na kung hindi dahil sa kanilang pagbabata, hindi magiging posible ang mga pagtatayong ito. Sa pagtukoy sa mga salita ni Pablo sa mga taga-Corinto, idiniin niya na nililinang ng isang tunay na ministro ang mga bunga ng espiritu, na siya namang tumutulong sa kaniya na batahin ang mga kahirapan, pagsubok, at mga kapighatian. “Inirekomenda ninyo ang inyong mga sarili bilang mga ministro ng Diyos,” ang sabi niya. “Kinailangan nating itayo ang bagong sangay na ito dahil sa paglawak ng gawain.”

Noong 2004, natapos ang bagong gusaling tirahan na may apat na palapag at 32 silid. Ang halos 1,000 metro kuwadrado na espasyo noon ng palimbagan ay inayos upang gawing 47 opisina ng mga tagapagsalin, na may karagdagang mga lugar para sa imbakan ng mga salansan, mga conference room, at isang aklatan.

Sa kabila ng mga kahirapan sa ekonomiya at iba pang problema, pinagpala ang mga Saksi ni Jehova sa Zambia sa kanilang paglilingkod sa Diyos, at itinuturing nilang isang pribilehiyo na ibahagi sa iba ang kanilang espirituwal na kayamanan.​—2 Cor. 6:10.

Inirerekomenda ang Katotohanan sa Lahat

Ang pamilya ay napakahalaga sa kultura ng Zambia at ito ang nagbigay ng pagkakataon sa nakalipas na mga taon upang ang marami ay mapalaki sa daan ng katotohanan. Ang isang tradisyonal na kasabihan sa Kanlurang Lalawigan ng Zambia ay, “Hindi nabibigatan ang baka sa kaniyang mga sungay.” Sa ibang pananalita, hindi dapat ituring na isang pabigat ang tungkulin na pangalagaan ang pamilya. Kinikilala ng Kristiyanong mga magulang ang kanilang pananagutan sa Diyos at sila ay naging mabuting impluwensiya sa kanilang mga anak, na inirerekomenda ang ministeryong Kristiyano sa pamamagitan ng salita at gawa. Marami sa mga Saksing ito ngayon ay masisigasig na anak ng matapat na mga magulang na iyon.​—Awit 128:1-4.

Nagsasaya ang mga Saksi ni Jehova sa Zambia sa naisakatuparan nila dahil sa pagtitiis at tulong ni Jehova. (2 Ped. 3:14, 15) Nakatulong sa kanila noon ang “tapat” at salig-Bibliyang mga paniniwala sa panahon ng kawalang-katiyakan. Ang “pag-ibig na walang pagpapaimbabaw” na may kalakip na pagkilos ay patuloy na nagbubuklod sa mga tao na nagmula sa iba’t ibang tribo anupat hindi naging mahirap ang patuloy na pagsulong nila sa espirituwal. Sa paggamit ng “mga sandata ng katuwiran” sa pagtatanggol at pagbibigay-alam nang may “kabaitan,” binuksan nila ang pag-iisip ng marami, kasama na ang mga nasa awtoridad, na kadalasang nagbubunga ng “mabuting ulat.” Sa ngayon, mahigit sa 2,100 kongregasyon ang matibay na natatatag “sa kaalaman” sa tulong ng mga nagtapos sa Ministerial Training School na nagbibigay ng kinakailangang pangangasiwa. Bagaman maaaring dumating ang mas malaking “mga kapighatian,” ang mga Saksi ni Jehova ay makapagtitiwalang ‘palagi silang makapagsasaya’ habang nagtitipon silang sama-sama.​—2 Cor. 6:4-​10.

Noong 1940 taon ng paglilingkod, mga 5,000 ang sumunod sa utos ni Jesus na alalahanin ang kaniyang kamatayan. Iyan ay humigit-kumulang 1 sa bawat 200 katao sa populasyon. Nitong nakaraang mga taon, mahigit sa kalahating milyon​—569,891 noong 2005​—na katumbas ng humigit-kumulang 1 sa bawat 20 katao ang nagparangal kay Jehova noong pantanging gabing iyon. (Luc. 22:19) Bakit gayon katagumpay ang bayan ng Diyos sa pagdiriwang ng Memoryal? Ang kapurihan ay nauukol sa Diyos na Jehova, na siyang nasa likod ng espirituwal na paglago.​—1 Cor. 3:7.

Gayunman, ginawa ng mga Saksi ni Jehova sa Zambia ang kanilang bahagi. “Hindi kami nahihiyang ipakipag-usap ang tungkol sa mabuting balita; para sa amin ito ay isang pribilehiyo,” ang sabi ng isang miyembro ng Komite ng Sangay. Maliwanag na nakikita ng mga dumadalaw na isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang ministeryo nang may paggalang at determinasyon. Hindi kataka-taka na may 1 mamamahayag sa bawat 90 katao sa bansang iyon! Subalit marami pang kailangang gawin.

“Ang pangalan ni Jehova ay matibay na tore. Doon tumatakbo ang matuwid at ipinagsasanggalang.” (Kaw. 18:10) Sa ngayon, apurahan pa rin na pumanig kay Jehova ang mga wastong nakaayon. Ang halos 200,000 pag-aaral sa Bibliya na kasalukuyang idinaraos sa Zambia sa bawat buwan ay tutulong sa marami pa na ialay ang kanilang sarili kay Jehova at maging masisigasig na ministro niya. Tunay na mairerekomenda ng mahigit sa 125,000 aktibong Saksi sa Zambia ang landasing iyan.

[Kahon sa pahina 168]

Maikling Impormasyon Tungkol sa Zambia

Ang lupain: Ang Zambia, na nasa isang talampas na mga 1,200 metro ang taas sa kapantayan ng dagat, ay isang bansang patag at napaliligiran ng ibang mga bansa at sagana sa mga punungkahoy. Ang Ilog Zambezi ang nagsisilbing hanggahan sa timog.

Ang mga mamamayan: Karamihan ng mga taga-Zambia ay marunong bumasa’t sumulat at nag-aangking Kristiyano. Sa mga probinsiya, ang mga tao ay nakatira sa mga tahanan na may mga bubong na gawa sa kugon, at nagtatanim sila ng gulay malapit sa kanilang tirahan.

Ang wika: Ingles ang opisyal na wika, bagaman mahigit na 70 katutubong wika ang sinasalita rin doon.

Ang kabuhayan: Kabilang sa pangunahing mga industriya ang pagmimina at pagpoproseso ng tanso. Kasama sa agrikultural na mga produkto ang mais, sorghum, bigas, at mani.

Ang pagkain: Mais ang karaniwang pagkain. Kabilang sa paboritong mga pagkain ang nshima, isang malapot na lugaw na mais.

Ang klima: Dahil nasa mataas na lugar ang bansa, mas banayad ang klima kung ihahambing sa ibang mga bansa sa timog-sentral Aprika. Sa pana-panahon ay may tagtuyot.

[Kahon/Larawan sa pahina 173-175]

17-Buwang Pagkabilanggo at 24 na Hagupit

Kosamu Mwanza

Isinilang: 1886

Nabautismuhan: 1918

Maikling Talambuhay: Nagbata ng pag-uusig at mga bulaang kapatid. Tapat na naglingkod bilang isang payunir at isang elder hanggang sa matapos niya ang kaniyang makalupang landasin noong 1989.

Nagpatala ako sa hukbo at naglingkod bilang isang medikal na tagapaglingkod sa Rehimyento ng Hilagang Rhodesia noong pasimula ng unang digmaang pandaigdig. Noong Disyembre 1917 samantalang nakabakasyon sa tungkulin, nakilala ko ang dalawang lalaki mula sa Timugang Rhodesia na nakikisama sa mga Estudyante ng Bibliya. Binigyan nila ako ng anim na tomo ng Studies in the Scriptures. Buong-pananabik kong binasa sa loob ng tatlong araw ang impormasyon sa mga aklat na ito. Hindi na ako bumalik pa sa digmaan.

Mahirap ang pakikipagtalastasan sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova, kung kaya kami ng mga kapatid ay naglingkod nang walang tagubilin mula sa sangay. Nagtungo kami sa mga nayon, tinitipon ang mga tao, nagbibigay ng sermon, at isinasaalang-alang ang mga tanong ng mga tagapakinig. Nang maglaon, pumili kami ng isang sentrong pagtitipunan na tinawag naming Galilea na masusumpungan sa gawing hilaga ng bansa. Inanyayahan namin ang mga interesado na magpunta roon at makinig sa mga paliwanag sa Bibliya. Ako ang naatasang mangasiwa. Nakalulungkot sabihin, lumitaw ang maraming bulaang mga kapatid na lumikha ng kalituhan.

Sabik kaming mangaral, subalit nabulabog ng aming gawain ang mga taong pinangangaralan ng mga misyonerong Katoliko at Protestante sa lugar na iyon. Patuloy kaming nagdaraos ng malalaking pagpupulong, at naaalaala ko pa kung paanong noong Enero 1919, mga 600 ang nagtipon sa mga burol malapit sa Isoka. Palibhasa’y hindi matiyak kung ano ang aming mga motibo, dumating ang mga pulis at sundalo at sinira ang aming mga Bibliya at mga aklat, at inaresto ang marami sa amin. Ang ilan ay ibinilanggo malapit sa Kasama, ang iba sa Mbala, at ang iba pa ay sa malayong lugar ng Livingstone sa gawing timog. Ang ilan ay hinatulan ng tatlong-taóng pagkabilanggo. Hinatulan ako ng 17-buwang pagkabilanggo at tumanggap ng 24 na hagupit sa puwit.

Nang mapalaya sa bilangguan, umuwi ako sa aking sariling nayon at nagpatuloy sa gawaing pangangaral. Sa kalaunan, muli akong inaresto at ibinilanggo pagkatapos tumanggap ng higit pang mga hagupit. Nagpatuloy ang pagsalansang. Nagpasiya ang pinuno roon na palayasin sa nayon ang mga kapatid. Lahat kami ay lumipat sa isang nayon, kung saan tinanggap kami ng pinuno roon. Nanirahan kami roon, at sa kapahintulutan niya, nagtayo kami ng sarili naming nayon, na tinawag naming Nazaret. Pinahintulutan niya kaming manatili roon sa kondisyong hindi namin guguluhin ang kapayapaan doon sa pamamagitan ng aming gawain. Nalugod ang pinuno sa aming paggawi.

Sa pagtatapos ng 1924, bumalik ako sa Isoka na nasa hilaga kung saan tinulungan ako ng isang mabait na komisyonado ng distrito na higit na matuto ng wikang Ingles. Nang panahong iyon ay naglitawan ang ilang taong humirang sa kanilang sarili bilang mga lider ng relihiyon at nagturo ng pilipit na mga bagay anupat iniligaw ang marami. Gayunman, patuloy kaming maingat na nagtipon sa pribadong mga tahanan. Pagkaraan ng ilang taon, tumanggap ako ng paanyaya na pumunta sa Lusaka at makipagkita kay Llewelyn Phillips, na nag-atas sa akin na dumalaw sa mga kongregasyon na nasa hangganan sa pagitan ng Zambia at Tanzania. Nagtungo ako hanggang sa Mbeya sa Tanzania para patibayin ang mga kapatid. Pagkatapos dalawin ang bawat sirkito, bumabalik ako sa aking lokal na kongregasyon. Ginawa ko ito hanggang noong dekada ng 1940 nang mag-atas na ng mga tagapangasiwa ng sirkito.

[Kakhon/Mga Larawan sa pahina 184-186]

Pagtulong sa mga Bansa sa Hilaga ng Zambia

Noong 1948, pinangasiwaan ng bagong tatag na sangay sa Hilagang Rhodesia ang gawaing pangangaral ng Kaharian sa kalakhang bahagi ng tinatawag na British East Africa. Nang panahong iyon, iilang mamamahayag lamang ang masusumpungan sa bulubunduking mga rehiyon ng mga bansa sa hilaga ng Zambia. Dahil lubhang hinihigpitan ng mga awtoridad nang panahong iyon ang pagpasok ng banyagang mga misyonero, sino ang tutulong sa mapagpakumbabang mga taong ito na matuto ng katotohanan?

Nang si Happy Chisenga ay nagboluntaryong maglingkod bilang isang regular pioneer sa Sentral na Lalawigan ng Zambia, nagulat siya nang makatanggap siya ng paanyaya na maglingkod sa isang nabubukod na teritoryo malapit sa Njombe, Tanzania. “Nang makita naming mag-asawa ang salitang ‘nabubukod,’ inakala namin na gagawa kaming kasama ng mga mamamahayag sa isang liblib na lugar. Di-nagtagal, nalaman namin na kami pala ang kauna-unahang mangangaral sa lugar na iyon. Kapag inaakay namin ang pansin ng mga tao sa pangalang Jehova at sa mga salitang gaya ng Armagedon sa kanilang mga sipi ng Bibliya, nagkakainteres sila. Agad nilang binansagan ang misis ko na Armagedon at ako naman ay Jehova. May isa nang grupo ng matatag na mga mamamahayag sa lugar na iyon nang lumipat kami sa Arusha noong bandang huli.”

Noong 1957, tumanggap ng atas si William Lamp Chisenga na maglingkod bilang isang special pioneer sa kabundukan sa palibot ng Mbeya, Tanzania. “Kami ng asawa ko, si Mary, at ang aming dalawang anak ay dumating noong Nobyembre, at magdamag kami sa terminal ng bus yamang walang bakante sa mga otel doon. Bagaman malamig at maulan ang gabi, umasa kami sa patnubay ni Jehova. Kinabukasan, iniwan ko ang aking pamilya sa terminal ng bus at naghanap ng matutuluyan. Hindi ko tiyak kung saan ako pupunta, subalit nagdala ako ng mga kopya ng Ang Bantayan. Pagdating ko sa tanggapan ng koreo, ilang magasin na ang aking naipasakamay bago ko nakilala ang isang lalaking nagngangalang Johnson. ‘Tagasaan ka, at saan ka pupunta?’ ang tanong niya. Sinabi ko sa kaniya na nagpunta ako roon upang mangaral ng mabuting balita. Nang marinig niyang isa akong Saksi ni Jehova, sinabi niyang dati siyang taga-Lundazi sa Silangang Lalawigan ng Zambia at na isa siyang bautisadong Saksi na naging di-aktibo. Napagkasunduan namin na dalhin ang aking pamilya at ang aming mga gamit sa kaniyang tahanan. Nang maglaon, nanumbalik ang espirituwal na lakas ni Johnson at ng kaniyang asawa at tinuruan nila kami ng wikang Swahili. Nang maglaon, nagbalik siya sa Zambia at naging isang aktibong mangangaral ng mabuting balita. Tinuruan ako ng karanasang ito na huwag kailanman maliitin ang kakayahan ni Jehova na tulungan tayo at na samantalahin natin ang mga pagkakataon na makatulong sa iba.”

Dahil sa buong-panahong paglilingkuran, nakarating sa iba’t ibang lugar na gaya ng Uganda, Kenya, at Etiopia si Bernard Musinga at ang kaniyang asawang si Pauline, at ang kanilang mga anak na bata pa. May kinalaman sa isang pagdalaw sa Seychelles, inilahad ni Bernard: “Noong 1976, naatasan akong dumalaw sa isang grupo sa magandang Isla ng Praslin. Ang mga tao roon ay debotong mga Katoliko, at nagkaroon ng mga maling pagkaunawa. Halimbawa, tumanggi ang isang batang lalaking anak ng bagong mamamahayag na gamitin ang plus sign sa kaniyang mga leksiyon sa matematika, na ipinaliliwanag: ‘Ito po ay krus, at hindi po ako naniniwala sa krus.’ Dahil diyan, nagpalabas ang mga lider ng relihiyon ng kakatwang paratang: ‘Ayaw ng mga Saksi ni Jehova na matuto ng matematika ang kanilang mga anak.’ Sa isang miting na kasama ang ministro ng edukasyon, magalang naming ipinaliwanag ang aming mga paniniwala at nilutas ang maling pagkaunawang iyon. Ang palakaibigang pakikitungo namin sa ministro ng edukasyon ay nagbukas ng daan upang makapasok ang mga misyonero.”

[Larawan]

Si Happy Mwaba Chisenga

[Larawan]

Si William Lamp Chisenga

[Larawan]

Sina Bernard at Pauline Musinga

[Kahon/Larawan sa pahina 191, 192]

“Sinasayang Mo ang Iyong Kinabukasan!”

Mukosiku Sinaali

Isinilang: 1928

Nabautismuhan: 1951

Maikling Talambuhay: Nagtapos sa Gilead at dating tagapagsalin, kasalukuyang naglilingkod bilang isang elder sa kongregasyon.

Noong araw ng aking bautismo, kinausap ako ng misyonerong si Harry Arnott. May pangangailangan para sa mga tagapagsalin sa wikang Silozi. “Maaari ka bang tumulong?” ang tanong niya. Di-nagtagal at nakatanggap ako ng isang liham ng atas at isang kopya ng magasing Bantayan. Buong-pananabik kong sinimulan ang pagsasalin nang gabing iyon. Mahirap magsalin, at inaabot ng mahahabang oras ang pagsulat gamit ang isang lumang pluma. Walang diksyunaryo sa wikang Silozi. Sa umaga, nagtatrabaho ako sa tanggapan ng koreo at sa gabi naman ay nagsasalin ako. Kung minsan, tumatanggap ako ng paalaala mula sa tanggapang pansangay: “Pakisuyong ipadala kaagad sa koreo ang iyong isinalin.” Madalas kong naiisip, ‘Ano ba ang humahadlang sa akin upang maglingkod nang buong panahon?’ Nang maglaon, nagbitiw ako sa tanggapan ng koreo. Bagaman pinagkakatiwalaan ako ng mga awtoridad, naghinala sila dahil sa pagbibitiw ko sa trabaho. Nandespalko ba ako ng pondo? Ang tanggapan ng koreo ay nagpadala ng dalawang Europeong inspektor upang alamin ito. Isiniwalat ng kanilang lubusang pagsisiyasat na walang problema. Hindi nila maintindihan kung bakit ako nagbitiw. Inalok ako ng aking mga amo ng mas mataas na posisyon upang hindi na ako umalis, at nang tanggihan ko ito, nagbabala sila: “Sinasayang mo ang iyong kinabukasan!”

Hindi totoo iyan. Noong 1960, inanyayahan akong maglingkod sa Bethel. Di-nagtagal, tumanggap ako ng imbitasyon na mag-aral sa Paaralang Gilead. Nagkaroon ako ng mga pangamba. Palibhasa’y noon lamang ako nakasakay ng eroplano​—patungo sa Paris, sa Amsterdam, at pagkatapos sa New York​—naisip ko, ‘Ganito kaya ang nadarama ng mga pinahiran sa pagtungo nila sa langit?’ Naantig ang damdamin ko dahil sa maibiging pagtanggap sa akin sa pandaigdig na punong-tanggapan​—ang mga kapatid ay lubhang mapagpakumbaba at hindi nagtatangi. Naatasan akong bumalik sa Zambia, kung saan patuloy akong tumulong sa pagsasalin.

[Kahon/Larawan sa pahina 194]

Mas Mabilis Pa Kaysa sa mga Agila

Si Katuku Nkobongo ay may kapansanan; hindi siya makalakad. Isang Linggo noong dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito, napabalita na papunta sa nayon kung saan nakatira si Katuku ang mga puwersa ng rebelde. Nagsilikas ang lahat. Ang isa sa pinakahuling umalis ay ang tagapangasiwa ng sirkito na si Mianga Mabosho. Nang pasakay na siya sa kaniyang bisikleta para lumikas, narinig niyang may sumigaw mula sa kalapit na kubo, “Kapatid ko, iiwan mo ba ako rito?” Iyon ay si Katuku. Agad siyang tinulungan ng tagapangasiwa ng sirkito at isinakay sa kaniyang bisikleta palabas ng nayon.

Sa kanilang ruta patimog tungo sa Zambia, kinailangan nilang maglakbay sa mahirap na daan. Kinailangang gumapang si Brother Nkobongo sa matatarik na burol. Naaalaala pa ng tagapangasiwa ng sirkito: “Bagaman may dalawang paa ako sa pag-akyat, naunahan pa niya akong makarating sa tuktok ng burol! Ang sabi ko, ‘Ang taong ito ay may kapansanan, pero para siyang may pakpak!’ Nang makarating na kami sa mas ligtas na lugar at nabigyan ng pagkain, hiniling ko ang kapatid na ito na manguna sa panalangin. Napaluha ako sa kaniyang taos-pusong panalangin. Nanalangin siya na tinutukoy ang Isaias kabanata 40: ‘Totoo po ang inyong mga salita, Jehova. Ang mga batang lalaki ay kapuwa mapapagod at manlulupaypay, at ang mga kabinataan ay walang pagsalang mabubuwal, ngunit yaong mga umaasa sa iyo ay magpapanibagong-lakas. Sila ay paiilanlang na may mga pakpak na gaya ng mga agila. Sila ay tatakbo at hindi manlulupaypay; sila ay lalakad at hindi mapapagod.’ Sinabi pa niya, ‘Salamat po, Jehova, sapagkat tinulungan ninyo akong makakilos nang mas mabilis pa kaysa sa mga agila sa kalangitan.’ ”

[Kahon/Larawan sa pahina 204, 205]

Shorts na Kaki at Kulay-Kapeng Sapatos na Pang-tenis

Philemon Kasipoh

Isinilang: 1948

Nabautismuhan: 1966

Maikling Talambuhay: Naglilingkod bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa at instruktor at koordineytor ng MTS sa Zambia.

Sinanay ako ng lolo ko sa ministeryo. Maraming beses niya akong dinala sa aking mga kaeskuwela at hinilingan akong magpatotoo sa kanila. Si Lolo ang nagdaraos noon ng regular na pampamilyang pag-aaral, at walang sinuman ang pinapayagang matulog! Lagi kong inaasam-asam ang pampamilyang pag-aaral.

Nabautismuhan ako sa ilog na malapit sa aming tahanan. Pagkalipas ng isang buwan, iniharap ko ang aking unang bahagi sa kongregasyon. Natatandaan kong nakasuot ako noon ng bagong shorts na kaki at kulay-kapeng sapatos na pang-tenis. Nagkataon namang napakahigpit ng pagkakatali ko sa sintas ng aking sapatos anupat hindi ako naging komportable. Napansin ito ng lingkod ng kongregasyon. May-kabaitan siyang pumunta sa plataporma at niluwagan ang pagkakatali nito habang ako naman ay walang kaimik-imik. Matagumpay naman ang bahagi ko, at may natutuhan ako mula sa kabaitang iyon. Natanto ko na talagang sinasanay ako ni Jehova.

Nasaksihan ko mismo ang katuparan ng Isaias 60:22. Dahil sa pagdami ng bilang ng mga kongregasyon, nangangailangan ng higit pang mga elder at mga ministeryal na lingkod na lubusang sinanay para humawak ng pananagutan. Tinutugunan ng MTS ang pangangailangang ito. Tunay na isang kagalakan na turuan ang mga kabataang lalaking ito. Natutuhan ko na kapag binigyan ka ni Jehova ng atas, tiyak na pagkakalooban ka niya ng kaniyang banal na espiritu.

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 207-209]

“Bale-wala Iyan”

Edward at Linda Finch

Isinilang: 1951

Nabautismuhan: 1969 at 1966 ayon sa pagkakasunod

Maikling Talambuhay: Kapuwa nagtapos sa ika-69 na klase ng Gilead. Si Edward ay naglilingkod bilang koordineytor ng Komite ng Sangay sa Zambia.

Sa panahon ng isang kombensiyon noon, bumiyahe kami patungo sa hilaga ng bansa dala ang isang sasakyan. Walang gaanong kalsada. Mga ilang kilometro sa labas ng nayon, may nakasalubong kaming mga taong naglalakad. Ang isa ay matandang lalaking hukot na hukot at gumagamit ng tungkod. Pinagbuhol niya ang kaniyang boots at isinakbat sa kaniyang likod kasama ang isang maliit na bag na naglalaman ng mga gamit. Nang papalapit na kami, nakita namin na siya at ang iba pa ay nakasuot ng badge ng kombensiyon. Huminto kami at nagtanong kung saan sila galing. Bahagyang tumayo nang tuwid ang may-edad nang brother at nagsabi: “Nakalimutan na ninyo. Magkasama tayo sa kombensiyon sa Chansa. Pauwi na kami.”

“Kailan po kayo umuwi galing sa kombensiyon?” ang tanong namin.

“Pagkatapos ng programa noong Linggo.”

“Pero Miyerkules na po ng hapon ngayon. Tatlong araw na po ba kayong naglalakad?”

“Oo, at kagabi ay nakarinig kami ng ungal ng mga leon.”

“Kapuri-puri kayong lahat dahil sa inyong kahanga-hangang espiritu at pagsasakripisyo upang makadalo sa mga kombensiyon.”

Kinuha ng may-edad nang brother ang kaniyang mga dala-dala at naglakad na muli. “Bale-wala iyan,” ang sabi niya. “Ang pasalamatan ninyo ay ang tanggapang pansangay dahil sa bagong lokasyon ng kombensiyon. Noong nakaraang taon, limang araw kaming naglakad, pero sa taóng ito​—tatlong araw na lamang.”

Hindi malilimutan ng karamihan ang tagtuyot noong 1992 sa Zambia. Dumadalo kami noon sa isang kombensiyon sa may pampang ng Ilog Zambezi, mga 200 kilometro mula sa Victoria Falls. Sa gabi, pinupuntahan namin ang mga pamilya, na karamihan sa kanila ay magkakatabi sa palibot ng sigâ sa harapan ng kanilang maliit na kubol. Isang grupo ng mga 20 kapatid ang umaawit ng mga awiting pang-Kaharian. Nalaman namin na naglakad sila nang walong araw upang makarating sa kombensiyon. Hindi nila iniisip na pambihira ang kanilang nagawa. Sa kanilang paglalakbay, isinakay nila sa kanilang mga hayop ang maliliit na bata, ang kanilang pagkain, mga kagamitan sa pagluluto, at iba pang mga pangangailangan at natutulog kung saan sila abutin ng gabi.

Kinabukasan, ipinatalastas na marami ang naapektuhan ng tagtuyot at na may tulong na ibinibigay sa mga nangangailangan. Nang gabing iyon, tatlong kapatid na lalaki ang pumunta sa aming kubo. Wala silang sapatos, at luma na ang mga damit. Inaasahan naming sasabihin nila sa amin na naapektuhan sila ng tagtuyot. Sa halip, sinabi nila na nalulungkot silang mabalitaan ang tungkol sa paghihirap na dinaranas ng ilan sa mga kapatid. Inilabas ng isang brother mula sa bulsa ng kaniyang jacket ang isang sobre na punô ng pera at nagsabi: “Pakisuyo, huwag ninyo silang hayaang magutom. Heto po, ibili ninyo sila ng pagkain.” Palibhasa’y parang kinurot ang puso namin, hindi man lamang kami nakapagpasalamat sa kanila, at nakaalis na sila bago pa man kami makapagsalita. Nang dumalo sila sa kombensiyon, hindi naman nila inaasahang may gayong pangangailangan, kaya ang donasyon nila ay isang malaking sakripisyo para sa kanila. Dahil sa mga karanasang tulad nito, lalong napalapít sa amin ang mga kapatid.

[Mga larawan]

Sa kabila ng mga kahirapan, marami ang naglalakbay nang malayo para lamang makadalo sa mga asamblea at kombensiyon

Itaas: Nagluluto ng hapunan sa lugar ng kombensiyon

Kaliwa: Nagluluto ng tinapay sa isang lutuan sa labas

[Kahon/Larawan sa pahina 211-213]

Determinadong Magtipon

Aaron Mapulanga

Isinilang: 1938

Nabautismuhan: 1955

Maikling Talambuhay: Dati ay isang boluntaryo sa Bethel, tagapagsalin, at miyembro ng Komite ng Sangay. Ngayon ay may asawa’t anak na at naglilingkod bilang isang elder sa kongregasyon.

Taóng 1974 noon, at ang aming kombensiyon ay ginanap sampung kilometro sa silangan ng Kasama. Sa kabila ng pahintulot ng pinuno sa lugar na iyon na magtipon kami, pinaaalis pa rin kami ng pulisya. Di-nagtagal, dumating ang kumandante, isang malaking lalaki, kasama ang mga isang daang paramilitar at pinalibutan ang pinagdarausan namin ng kombensiyon. Ipinagpatuloy namin ang programa ng kombensiyon samantalang sa isang tanggapan na yari sa kugon, may mainitang diskusyon tungkol sa mga permit at kung patutugtugin ba ang pambansang awit.

Nang ako na ang magsasalita sa programa, sinundan ako ng kumandante hanggang sa plataporma upang pigilin ako sa paghaharap ng pinakatemang pahayag. Inabangan ng mga tagapakinig kung ano ang susunod na mangyayari. Ilang sandali siyang tumayo roon, pinagmasdan ang mga 12,000 tagapakinig, at saka padabog na umalis. Pagkatapos ng pahayag ko, nakita ko siyang naghihintay sa likod ng plataporma at inis na inis. Inutusan niya ang kaniyang mga tauhan na paalisin ang mga kapatid, pero nagtalu-talo ang matataas na opisyal, at umalis sila sakay ng kanilang mga sasakyan. Di-kalaunan ay nagbalik sila dala-dala ang isang malaking aklat. Ipinatong ito ng kumandante sa mesa na nasa harapan ko at sinabing basahin ko ang bahaging may marka. Tahimik kong binasa ang parapo.

“Tama ang aklat na ito,” ang sabi ko. “Sinasabi nito: ‘Ang pulisya ay may awtoridad na pahintuin ang anumang pagtitipon kung ito ay banta sa kapayapaan.’ ” Habang nakatingin sa sinturon at mga baril ng kumandante, nagpatuloy ako: “Ang tanging banta sa amin dito ay ang inyong pagkanaririto at ang inyong armadong mga tauhan. Kami naman, mga Bibliya lamang ang dala namin.”

Kaagad niyang binalingan ang isang intelligence officer at sinabi: “Sabi ko na nga sa iyo eh. Umalis na tayo!” Isinama nila ako sa himpilan ng pulisya.

Pagdating sa kaniyang tanggapan, tinawagan niya sa telepono ang isa pang opisyal. Bago siya tumawag sa telepono, nag-uusap kami sa wikang Ingles. Ngayon ay nagsalita na siya sa wikang Silozi. Hindi niya alam na ito rin ang wika ko! Ako ang pinag-uusapan nila. Hindi ako umimik at hindi ko ipinahalata na naiintindihan ko ang usapan nila. Nang ibaba niya ang telepono, sinabi niya, “Makinig ka!”

Sumagot ako sa wikang Silozi, “Eni sha na teeleza!” na ang ibig sabihin ay “Opo, nakikinig ako!” Palibhasa’y nagulat, naupo na lamang siya at tinitigan ako. Saka siya tumayo, kumuha ng malamig na inumin sa malaking repridyeretor na nasa sulok ng kaniyang tanggapan, at ibinigay ito sa akin. Humupa ang tensiyon.

Nang maglaon, dumating din ang isang negosyanteng brother na lubhang iginagalang sa lugar na iyon. Gumawa kami ng praktikal na mga mungkahi upang mapawi ang pangamba ng kumandante, at humupa ang maigting na situwasyon. Sa tulong ni Jehova, naging mas madali nang isaayos ang mga kombensiyon.

[Kahon/Larawan sa pahina 221]

Singpayat ng Tingting

Michael Mukanu

Isinilang: 1928

Nabautismuhan: 1954

Maikling Talambuhay: Naglingkod bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa at naglilingkod ngayon sa Bethel sa Zambia.

Sakop ng sirkito ko ang isang libis na nasa likuran ng isang matarik na dalisdis. Madalas kong pinoproblema ang mga tsetse fly. Upang maiwasan ang mga insekto at ang init ng araw, gumigising ako ng 1:00 n.u. at nagsisimulang maglakbay paakyat sa mga burol at bundok upang marating ang susunod na kongregasyon. Dahil sa layo ng nilalakad ko, kaunting gamit lamang ang dinadala ko. Kaunti lamang ang aking pagkain, kaya singpayat ako ng tingting. Naisip ng mga kapatid sa sirkito na sumulat sa tanggapang pansangay upang hilingin na palitan na ang atas ko sapagkat inaakala nilang sa malao’t madali ay baka mamatay ako. Nang sabihin nila ito sa akin, sinabi ko: “Pinahahalagahan ko ang inyong makonsiderasyong mungkahi, subalit dapat ninyong tandaan na ang aking atas ay mula kay Jehova, at puwede niyang palitan ito. Kung mamatay ako, hindi naman ako ang kauna-unahang maililibing dito, hindi ba? Hayaan lamang ninyo akong magpatuloy sa aking atas. Kung mamatay ako, ipagbigay-alam lamang ninyo ito sa tanggapang pansangay.”

Pagkalipas ng tatlong linggo, tumanggap ako ng isang bagong atas. Tunay nga, ang paglilingkod kay Jehova ay maaaring maging isang hamon, subalit kailangan mong magpatuloy. Si Jehova ang maligayang Diyos; kung hindi maligaya ang kaniyang mga lingkod, gagawa siya ng paraan upang makapagpatuloy sila nang may kagalakan sa paglilingkod sa kaniya.

[Kahon/Larawan sa pahina 223, 224]

Hindi Kami Naniniwala sa Pamahiin

Harkins Mukinga

Isinilang: 1954

Nabautismuhan: 1970

Maikling Talambuhay: Dating naglalakbay na tagapangasiwa kasama ang kaniyang kabiyak at naglilingkod ngayon sa Bethel sa Zambia.

Kapag dumadalaw sa mga kongregasyon, isinasama namin ng asawa kong si Idah ang aming kaisa-isang anak na lalaki na dalawang taóng gulang. Pagdating namin sa isang kongregasyon, mainit kaming tinanggap ng mga kapatid. Noong Huwebes ng umaga, nagsimulang umiyak ang aming anak at hindi namin siya mapatahan. Pagsapit ng 8:00 n.u., iniwan ko siya sa maibiging pangangalaga ni Idah at nagtungo ako sa pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan. Pagkalipas ng isang oras, samantalang nagdaraos ng isang pag-aaral sa Bibliya, ibinalita sa akin na ang aming anak ay namatay. Lalo pa kaming napighati nang malaman naming marami sa mga kapatid ang nag-akala na kinulam ang bata. Tinulungan namin silang magkaroon ng tamang pananaw hinggil sa bagay na ito na karaniwan nang kinatatakutan, subalit mabilis na kumalat ang balita sa buong teritoryo. Ipinaliwanag ko na si Satanas ay makapangyarihan subalit hindi niya madaraig si Jehova at ang Kaniyang tapat na mga lingkod. “Ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari” ay sumasapit sa ating lahat, subalit hindi tayo dapat magpadalus-dalos sa paggawa ng konklusyon batay sa takot.​—Ecles. 9:11.

Ang aming anak ay inilibing kinabukasan at pagkatapos ng libing, idinaos namin ang pagpupulong. May natutuhang ilang aral ang mga kapatid mula rito: Hindi tayo dapat matakot sa balakyot na mga espiritu ni maniwala man sa pamahiin. Bagaman masakit sa amin ang pagkamatay ng aming anak, ipinagpatuloy namin ang mga gawain sa panahon ng dalaw at pagkatapos ay nagtungo sa ibang kongregasyon. Sa halip na kami ang aliwin ng mga kongregasyon dahil sa aming naranasan, inaliw at pinatibay namin sila na sa malapit na hinaharap, mawawala na ang kamatayan.

[Kahon/Larawan sa pahina 228, 229]

Nag-ipon Kami ng Katapangan

Lennard Musonda

Isinilang: 1955

Nabautismuhan: 1974

Maikling Talambuhay: Nasa buong-panahong paglilingkod mula pa noong 1976. Anim na taon siyang naglingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa at ngayon ay nasa Bethel sa Zambia.

Naaalaala ko ang aking pagdalaw sa mga kongregasyon noong mga 1985 sa dulong hilaga ng bansa. Noon, matindi ang pulitikal na pagsalansang doon. Bagong atas pa lamang akong tagapangasiwa ng sirkito noon, at napaharap ako sa isang situwasyon kung saan kailangan kong magpakita ng pananampalataya at lakas ng loob. Isang araw, katatapos lamang ng aming pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan at handa na kaming mangaral sa isang kalapit na nayon. Pagkatapos, sinabi ng isang kapatid na nabalitaan niyang kung mangangaral daw roon ang mga Saksi ni Jehova, bubugbugin sila ng buong nayon. Bagaman may mga pagsalakay ng mga mang-uumog noong huling mga taon ng dekada ng 1960 hanggang sa unang mga taon ng dekada ng 1970, hindi ko akalaing puwede kaming dumanas ng pang-uumog mula sa isang buong komunidad.

Sa kabila nito, nang marinig nila ang balitang ito, ang ilang kapatid ay natakot at nagpaiwan. Ang iba sa amin​—marami-rami rin​—ang nag-ipon ng katapangan at nagtungo sa nayon. Labis kaming namangha sa nasumpungan namin. Nakapagpasakamay kami ng maraming magasin at nagkaroon ng palakaibigang pakikipag-usap sa mga natagpuan namin. Ngunit ang ilan ay nagtakbuhan nang makita nilang papasok kami sa nayon. Nakita namin ang naiwang mga niluluto sa palayok at mga bahay na naiwang bukás. Kaya sa halip na makaranas ng komprontasyon, ang mga tao ang nagtakbuhan palayo sa amin.

[Kahon/​Larawan sa pahina 232, 233]

Nagtatakbo Ako Para Iligtas ang Aking Buhay

Darlington Sefuka

Isinilang: 1945

Nabautismuhan: 1963

Maikling Talambuhay: Naglingkod bilang special pioneer, naglalakbay na tagapangasiwa, at boluntaryo sa Bethel sa Zambia.

Taóng 1963 noon, at magulo ang panahon. Kadalasan, habang patungo kami sa ministeryo sa larangan, inuunahan kami ng mga pangkat ng kabataang naudyukan ng pulitikal na adhikain at binababalaan ang mga tao na huwag makinig sa amin, anupat pinagbabantaan sila na kapag nakinig sila, may darating upang sirain ang kanilang mga bintana at pinto.

Isang gabi, dalawang araw pa lamang mula nang ako ay mabautismuhan, binugbog ako nang husto ng isang pangkat ng 15 kabataan. Dumugo ang aking bibig at ilong. Sa isa pang gabi, ako at isang kapatid ay sinundan ng isang grupo ng mga 40 katao hanggang sa tinutuluyan ko at pinagbubugbog kami. Ang pag-alaala sa mga karanasan ng Panginoong Jesus ang nagpalakas sa akin. Niliwanag ng pahayag ni John Jason noong araw ng aking bautismo na ang mga Kristiyano ay makararanas ng mga problema sa buhay. Kaya nang mangyari ang mga bagay na ito, hindi na ako nagulat kundi sa halip ay napatibay-loob pa nga.

Nang panahong iyon, gusto ng mga pulitiko na suportahan sila sa kanilang pakikipaglaban para sa kasarinlan, at ang aming neutral na paninindigan ay itinuring nilang pagpanig sa mga Europeo at Amerikano. Ginatungan ng mga lider ng relihiyon na sumusuporta sa pulitikal na mga grupo ang anumang negatibong mga ulat tungkol sa amin. Mahirap ang kalagayan bago ang kasarinlan, at nanatiling gayon kahit pagkatapos nito. Maraming kapatid ang nawalan ng negosyo dahil ayaw nilang kumuha ng mga kard ng partido (party card). Ang ilan ay umalis sa mga lunsod, bumalik sa kanilang sariling nayon, at kumuha ng trabaho na mababa ang sahod upang maiwasan ang mga humihingi ng donasyon na pansuporta sa pulitikal na mga gawain.

Noong tin-edyer pa ako, inaruga ako ng aking pinsan na di-Saksi. Dahil sa aking neutral na paninindigan, tinakot at pinagbantaan ang kaniyang pamilya. Natakot sila. Isang araw, bago siya pumasok sa trabaho, sinabi ng pinsan ko, “Pag-uwi ko mamayang gabi, ayoko nang makita ka pa rito.” Noong una ang akala ko’y nagbibiro siya, yamang wala akong ibang kamag-anak sa bayan. Wala akong mapupuntahan. Di-nagtagal, natanto kong seryoso siya. Galit na galit siya nang maabutan niya ako sa bahay pag-uwi niya. Dumampot siya ng mga bato at ipinagtabuyan ako. “Magpunta ka sa mga kapuwa mo aso!” ang sigaw niya. Nagtatakbo ako para iligtas ang aking buhay.

Narinig ng tatay ko ang negatibong mga balita kung kaya nagpadala siya ng mensahe: “Kung manghahawakan ka pa rin sa iyong neutral na paninindigan, huwag na huwag ka nang tutuntong sa aking bahay.” Napakahirap niyan. Labingwalong taóng gulang ako noon. Sino kaya ang kukupkop sa akin? Ang kongregasyon ang kumupkop sa akin. Madalas kong bulay-bulayin ang pananalita ni Haring David: “Sakaling iwan ako ng aking ama at ng aking ina, si Jehova mismo ang kukupkop sa akin.” (Awit 27:10) Talagang masasabi ko na si Jehova ay tapat sa kaniyang pangako.

[Kahon/Larawan sa pahina 236, 237]

Natamo Ko ang Paggalang ng Maraming Guro Dahil sa Aking Paggawi

Jackson Kapobe

Isinilang: 1957

Nabautismuhan: 1971

Maikling Talambuhay: Naglilingkod bilang elder sa kongregasyon.

Noong 1964, nagsimula ang mga pagpapatalsik mula sa mga paaralan. Tinulungan ng tanggapang pansangay ang mga magulang na maunawaang dapat nilang ihanda ang kanilang mga anak. Natatandaan kong naupo si Itay kasama ko pagkatapos ng eskuwela at tinalakay namin ang Exodo 20:4, 5.

Sa mga pagtitipon sa paaralan, tumatayo ako sa likuran upang maiwasan ang komprontasyon. Ang makitang hindi umaawit ng pambansang awit ay tinatawag sa harapan. Nang tanungin ako ng prinsipal kung bakit ayaw kong kumanta, sumagot ako gamit ang Bibliya. “Nakababasa ka, pero hindi ka makakanta!” ang bulalas ng guro. Ikinatuwiran niya na kailangan kong magpakita ng pagkamatapat sa pamahalaan dahil sa paglalaan nito ng isang paaralan na nagturo sa akin na bumasa.

Sa wakas, noong Pebrero 1967, pinatalsik ako sa paaralan. Nasiraan ako ng loob sapagkat gusto kong mag-aral at isa akong masikap na estudyante. Sa kabila ng panggigipit ng mga katrabaho at di-sumasampalatayang mga kamag-anak, pinatibay ako ng tatay ko na tama ang aking ginawa. Ginipit din ang nanay ko. Habang sinasamahan ko siya sa pagtatrabaho sa bukid, tinutuya kami ng ibang kababaihan, “Bakit hindi nag-aaral ang batang ito?”

Subalit hindi ako tumigil sa pag-aaral. Noong 1972, pinag-ibayo ang pagbuo ng mga klase sa pagtuturong bumasa at sumulat sa loob ng kongregasyon. Sa paglipas ng panahon, medyo bumuti ang kalagayan sa mga paaralan. Nasa harap lamang ng bahay namin ang paaralan. Madalas na pumupunta sa amin ang prinsipal upang humingi ng malamig na tubig na maiinom o humiram ng mga walis para sa paglilinis ng mga silid-aralan. Minsan ay pumunta pa nga siya upang humiram ng pera! Malamang na naantig siya sa kabaitang ipinakita ng aking pamilya, sapagkat isang araw ay nagtanong siya, “Gusto pa bang mag-aral ng inyong anak?” Ipinaalaala sa kaniya ni Itay na isa pa rin akong Saksi ni Jehova. “Walang problema,” ang sabi ng prinsipal. “Sa anong grado mo gustong magsimula?” ang tanong niya sa akin. Pinili ko ang ikaanim na grado. Iyon pa rin ang aking paaralan, prinsipal, at mga kaklase​—ngunit mas mahusay ang aking mga kasanayan sa pagbasa kaysa sa karamihan sa mga kaklase ko dahil sa mga klase ng pagbasa at pagsulat na idinaraos sa Kingdom Hall.

Natamo ko ang paggalang ng maraming guro dahil sa aking masikap na paggawa at mabuting paggawi, anupat naging mas madali ang aking pag-aaral. Nag-aral akong mabuti at kumuha ng eksamen, na naging dahilan kung kaya binigyan ako ng responsableng katungkulan sa minahan na nakatulong sa akin nang maglaon upang masuportahan ang aking pamilya. Maligaya ako na hindi ako kailanman nagkompromiso sa pamamagitan ng pag-awit ng pambansang awit.

[Kahon/Larawan sa pahina 241, 242]

“Paano Po Namin Magagawang Huminto sa Pangangaral?”

Jonas Manjoni

Isinilang: 1922

Nabautismuhan: 1950

Maikling Talambuhay: Naglingkod sa Bethel sa Zambia sa loob ng mahigit na 20 taon. Sa kasalukuyan ay isang elder at regular pioneer.

Noong kalagitnaan ng ikalawang digmaang pandaigdig, ang kapatid kong lalaki ay umuwi mula sa Tanzania dala ang isang Bibliya at ilang aklat kabilang na ang Government at Reconciliation. Palibhasa’y ipinagbabawal pa rin ang mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova, interesado akong malaman kung bakit gayon. Binasa ko ang Reconciliation pero nahirapan akong maunawaan ito. Pagkalipas ng ilang taon, dinalaw ko ang aking kapatid at sumama ako sa kaniya sa isang pulong ng kongregasyon. Walang Kingdom Hall noon; ang dakong pinagpupulungan ay isang lupang hinawan at nababakuran ng kawayan. Walang ginagamit na inilimbag na balangkas ng pahayag, subalit kasiya-siyang pakinggan ang isang lektyur na galing mismo sa Kasulatan! Ibang-iba ang paliwanag ng Bibliya kaysa sa itinuturo sa pinagsisimbahan ko, kung saan ang mga dumadalo roon ay sabik sumaludo sa bandila at magtambol. Aba, sa simbahan, pinagtatalunan pa nga ang tungkol sa pagkakaiba-iba ng tribo at kung anong wika ang dapat gamitin sa pag-awit! Subalit sa pulong na ito, narinig ko ang magagandang awit ng papuri kay Jehova at nakita kong nakaupong magkakasama ang mga pamilya, na tumatanggap ng espirituwal na pagkain.

Nabautismuhan ako at nagpatuloy sa aking sekular na trabaho bilang utusan ng mga manggagamot, anupat kinailangan kong magtungo sa iba’t ibang bayan sa mga lugar ng minahan. Noong 1951, dalawang linggo akong nagbakasyon sa trabaho upang magboluntaryo sa tanggapang pansangay sa Lusaka. Di-nagtagal pagkatapos niyan, inanyayahan akong maglingkod sa Bethel. Una akong nagtrabaho sa shipping, at nang maglaon nang ilipat ang tanggapan sa Luanshya, tumulong ako sa correspondence at sa pagsasalin. Bagaman nagkaroon ng pulitikal na mga pagbabago noong unang mga taon ng dekada ng 1960, patuloy na naging mabunga sa ministeryo ang mga kapatid at nanatili silang neutral sa kabila ng magulong kalagayan sa pulitika.

Ang isa sa mga pagkakataong nakipagkita ako kay Dr. Kenneth Kaunda, na malapit nang maging presidente ng Zambia nang panahong iyon, ay noong Marso 1963. Ipinaliwanag ko kung bakit tumatanggi kaming sumali sa pulitikal na mga partido o bumili ng mga kard ng partido. Humingi kami ng tulong upang matapos na ang pananakot ng mga sumasalansang sa amin dahil sa pulitika, at humingi naman siya ng higit pang impormasyon. Pagkalipas ng ilang taon, inanyayahan kami ni Dr. Kaunda sa State House kung saan nagkapribilehiyo kaming makausap ang pangulo at ang kaniyang pangunahing mga ministro. Tumagal ang miting hanggang sa kalaliman ng gabi. Bagaman hindi siya tutol sa mga Saksi ni Jehova bilang isang relihiyosong grupo, hiniling ng pangulo na magpulong na lamang kami gaya ng ibang mga relihiyon at huwag nang mangaral pa. “Paano po namin magagawang huminto sa pangangaral?” ang tugon namin. “Si Jesus po ay nangaral. Hindi siya katulad ng mga Pariseo na nagtayo lamang ng templo.”

Sa kabila ng aming mga pag-apela, ipinatupad ang pagbabawal sa ilang aspekto ng aming ministeryo. Magkagayunman, lagi kaming nakagagawa ng mga paraan upang purihin at parangalan si Jehova, na gumagamit sa kaniyang mga lingkod upang isakatuparan ang kaniyang layunin.

[Kahon/Larawan sa pahina 245, 246]

Gustung-gusto Kong Matuto

Daniel Sakala

Isinilang: 1964

Nabautismuhan: 1996

Maikling Talambuhay: Naglilingkod bilang isang elder sa kongregasyon.

Miyembro ako noon ng Zion Spirit Church nang tumanggap ako ng isang kopya ng buklet na Learn to Read and Write. Bagaman hindi ako marunong bumasa’t sumulat, gustung-gusto kong matuto. Kaya pagkakuha ko ng publikasyon, pinagbuhusan ko ito ng panahon. Nagpapatulong ako sa mga tao na maunawaan ang bagong mga salita. Sa ganitong paraan, bagaman walang nagturo sa akin, sumulong ako at sa loob ng maikling panahon ay natuto akong bumasa’t sumulat.

Nababasa ko na ngayon ang Bibliya! Gayunman, natuklasan ko na ang ilang gawain sa aking relihiyon ay salungat sa Bibliya. Pinadalhan ako ng aking bayaw, na isang Saksi ni Jehova, ng brosyur na Espiritu ng mga Patay​—Maaari ba Nila Kayong Tulungan o Pinsalain? Talaga Bang Umiiral Sila? Dahil sa nabasa ko, naudyukan akong magtanong sa aking pastor. Samantalang nasa simbahan isang araw, binasa ko ang Deuteronomio 18:10, 11 at nagtanong ako, “Bakit natin ginagawa ang mga bagay na hinahatulan sa Bibliya?”

“Mayroon tayong papel na dapat nating gampanan,” ang sagot ng pastor. Hindi ko naintindihan ang sagot na iyon.

Pagkatapos, binasa ko ang Eclesiastes 9:5 at nagtanong, “Bakit natin hinihimok ang mga tao na parangalan ang mga patay gayong sinasabi ng Bibliya na ang mga patay ay ‘walang anumang kabatiran’? ” Hindi nakasagot ang pastor o ang mga naroroon.

Nang maglaon, nilapitan ako ng ilang miyembro ng simbahan. Sinabi nila, “Hindi naman kami mga Saksi ni Jehova, kaya bakit hindi namin igagalang ang mga patay at susundin ang aming mga kaugalian?” Naging palaisipan ito sa akin. Bagaman Bibliya lamang ang ginamit ko sa diskusyon, inakala ng kongregasyon na isa na akong Saksi ni Jehova! Mula noon, ako at ang dalawa kong kasamahan sa dati kong relihiyon ay nagsimulang dumalo sa Kingdom Hall. Sa loob ng unang tatlong buwan, nahimok ko ang ilang malalapít na kamag-anak na dumalo sa Kristiyanong mga pagpupulong. Tatlo sa kanila ngayon ay bautisado na, pati na ang aking asawa.

[Chart/Graph sa pahina 176, 177]

ZAMBIA—TALÂ NG MAHAHALAGANG PANGYAYARI

1910

1911: Nakarating sa Zambia ang Studies in the Scriptures.

1919: Pinagpapalo at ibinilanggo si Kosamu Mwansa at ang mga 150 iba pa.

1925: Nilimitahan ng tanggapan ng mga Estudyante ng Bibliya sa Cape Town ang pangangaral at mga pagbabautismo.

1935: Hinigpitan ng pamahalaan ang pag-aangkat ng literatura. Ipinagbawal ang 20 publikasyon.

1936: Binuksan ang imbakan ng literatura sa Lusaka na pinangasiwaan ni Llewelyn Phillips.

1940

1940: Ipinagbawal ng pamahalaan ang pag-aangkat at pamamahagi ng ating literatura. Muling nagsimula ang mga pagbabautismo.

1948: Dumating ang unang mga ipinadalang misyonero na nagtapos sa Gilead.

1949: Inalis ng pamahalaan ang pagbabawal sa Ang Bantayan.

1954: Inilipat ang tanggapang pansangay sa Luanshya.

1962: Inilipat ang tanggapang pansangay sa Kitwe.

1969: Ipinagbawal ng pamahalaan ang ating pangmadlang pangangaral.

1970

1975: Pinalayas sa bansa ang mga misyonero.

1986: Muling pinayagang makapasok sa bansa ang mga misyonero.

1993: Inialay ang kasalukuyang mga pasilidad ng sangay sa Lusaka.

2000

2004: Inialay ang karagdagang pasilidad ng sangay sa Lusaka.

2005: 127,151 mamamahayag ang aktibo sa Zambia.

[Graph]

(Tingnan ang publikasyon)

Kabuuang Mamamahayag

Kabuuang Payunir

130,000

65,000

1910 1940 1970 2000

[Mga mapa sa pahina 169]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

DEMOKRATIKONG REPUBLIKA NG CONGO

ZAMBIA

Kaputa

Mbala

Isoka

Kasama

Samfya

Lundazi

Mufulira

Kalulushi

Kitwe

Luanshya

Kabwe

LUSAKA

Senanga

Ilog Zambezi

Livingstone

BOTSWANA

ZIMBABWE

MOZAMBIQUE

MALAWI

[Buong-pahinang larawan sa pahina 162]

[Larawan sa pahina 167]

Si Thomson Kangale

[Larawan sa pahina 170]

Si Llewelyn Phillips

[Larawan sa pahina 178]

Sina Harry Arnott, Nathan Knorr, Kay at John Jason, at Ian Fergusson, noong 1952

[Larawan sa pahina 193]

Kanan: Si Manda Ntompa at ang kaniyang pamilya sa kampo ng mga lumikas sa Mwange, 2001

[Larawan sa pahina 193]

Ibaba: Isang karaniwang kampo ng mga lumikas

[Larawan sa pahina 201]

Ang kauna-unahang klase ng Ministerial Training School sa Zambia, 1993

[Larawan sa pahina 202]

Mga instruktor sa MTS na sina Richard Frudd at Philemon Kasipoh na nakikipag-usap sa isang estudyante

[Larawan sa pahina 206]

Itinayo ang mga pasilidad ng kombensiyon gamit ang putik, kogon, o iba pang lokal na materyales

[Larawan sa pahina 215]

Kaliwa: Kumpleto sa kostiyum na drama sa Bibliya, 1991

[Larawan sa pahina 215]

Ibaba: Mga kandidato sa bautismo sa “Mga Mensahero ng Makadiyos na Kapayapaan” na Pandistritong Kombensiyon, 1996

[Larawan sa pahina 235]

Si Ginoong Richmond Smith kasama si Feliya Kachasu at ang tatay ni Feliya, si Paul

[Larawan sa pahina 251]

Maliligayang manggagawa sa pagtatayo ng kasalukuyang sangay sa Lusaka

[Mga larawan sa pahina 252, 253]

(1, 2) Mga Kingdom Hall na itinayo kamakailan

(3, 4) Sangay sa Zambia, Lusaka

(5) Si Stephen Lett sa pag-aalay ng ekstensiyon ng sangay, Disyembre 2004

[Larawan sa pahina 254]

Komite ng Sangay, mula kaliwa pakanan: Albert Musonda, Alfred Kyhe, Edward Finch, Cyrus Nyangu, at Dayrell Sharp