Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Romania

Romania

Romania

Inihula ng Bibliya na aabot sa kasukdulan ang pag-uusig sa tunay na mga Kristiyano sa mga huling araw. (Gen. 3:15; Apoc. 12:13, 17) Kitang-kita ang katuparan ng hulang iyan sa lupain ng Romania. Gayunman, gaya ng ipakikita ng ulat na ito, hindi pinahintulutan ng mga Saksi ni Jehova sa Romania na mamatay ang apoy ng katotohanan na nag-aalab sa puso ng bayan ng Diyos. (Jer. 20:9) Sa halip, inirekomenda nila ang kanilang sarili “bilang mga ministro ng Diyos, sa maraming pagbabata, sa mga kapighatian, sa mga pangangailangan, sa mga kahirapan, sa mga pambubugbog, sa mga bilangguan.” (2 Cor. 6:4, 5) Ang kanila nawang rekord ng katapatan ay makapagpatibay sa lahat ng nagnanais lumakad kasama ng Diyos sa mahihirap na panahong ito.

Ang taóng 1914 ang pasimula ng pinakamagulong yugto sa kasaysayan ng sangkatauhan. Sa maraming lupain sa Europa, ito ay panahon ng walang-awang mga diktador, lubhang magkakaibang ideolohiya sa pulitika, at nakagigimbal na lansakang pagpatay. Naipit sa gitna ng lahat ng ito ang Romania, at labis-labis na nagdusa ang mga tao. Nagdusa rin ang mga indibiduwal, na dahil sa pagsunod kay Jesu-Kristo, ay nagpasiyang iukol sa “Diyos ang mga bagay na sa Diyos” at tumangging sambahin ang pulitikal na estado.​—Mat. 22:21.

Bago ang 1945, ang mga klerong Ortodokso at Katoliko ang nagpasimuno sa pag-atake sa bayan ni Jehova. Ginawa nila ito mula sa pulpito at sa pakikipagsabuwatan at panunulsol sa mga pulitiko at mga pulis. Ang sumunod na bugso ng pag-uusig ay nagmula sa mga Komunista, na nagtaguyod ng kanilang malupit at sistematikong kampanya sa loob ng halos apat na dekada.

Bakit patuloy na sumulong ang mabuting balita sa kabila ng gayong mapaniil na mga kalagayan? Dahil tinupad ni Jesus ang kaniyang mga salita: “Narito! ako ay sumasainyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mat. 28:20) Magbalik-tanaw tayo ngayon noong unang ihasik ang binhi ng Kaharian, mga isang daang taon na ang nakalilipas, sa lupaing tinatawag ngayong Silangang Europa.

Bumalik sa Kanilang Sariling Lupain ang mga Romaniano

Noong 1891, dinalaw ng Estudyante ng Bibliya na si Charles Taze Russell ang mga bahagi ng Silangang Europa sa kaniyang paglalakbay para mangaral. Ngunit medyo nadismaya siya sa naging resulta. “Wala kaming nakitang tao na handang makinig ng katotohanan,” ang ulat niya. Malapit nang magbago ang kalagayang iyan sa Romania. Sa katunayan, si Brother Russell mismo ang nagkaroon ng mahalagang bahagi sa pagpapasimula ng gawain doon pero sa di-tuwirang paraan. Paano?

Sa pagtatapos ng ika-19 na siglo, dahil sa kalagayang panlipunan at pangkabuhayan sa Romania, maraming tao ang naghanap ng trabaho sa ibang lugar, kabilang na sa Estados Unidos. Para sa ilan, ang kanilang paglipat ay nagdulot hindi lamang ng materyal na pakinabang​—nagtamo rin sila ng tumpak na kaalaman sa katotohanan sa Bibliya. Iyan ang nangyari kay Károly Szabó at József Kiss, mga lalaking palaisip sa espirituwal na dumalo sa ilang lektyur sa Bibliya ni Brother Russell.

Palibhasa’y napansin ang tunay na interes sa Bibliya ng dalawang lalaking ito, personal silang kinausap ni Brother Russell. Sa kanilang pag-uusap, iminungkahi niya kay Károly at József na pag-isipan nilang bumalik sa Romania upang ibahagi ang mensahe ng Kaharian sa kanilang mga kamag-anak at mga kaibigan. Sumang-ayon ang dalawa sa ideyang iyon at naglayag pabalik sa Romania noong 1911, anupat nanirahan sila sa lunsod ng Tirgu-​Mures sa Transylvania.

Habang pauwi sa kaniyang sariling bayan, nanalangin si Brother Szabó na sana’y may tumanggap ng katotohanan sa kaniyang pamilya. Nang makauwi siya, kumilos siya kasuwato ng panalanging iyon at nagpatotoo sa kaniyang mga kamag-anak, pati na sa kaniyang pamangking si Zsuzsanna Enyedi, isang Katoliko, na nagpatulóy sa kaniya. Si Zsuzsanna ay tindera ng bulaklak sa palengke at ang kaniyang asawa naman ay isang hardinero.

Nagsisimba si Zsuzsanna tuwing umaga bago magtrabaho, at bawat gabi, kapag tulog na ang kaniyang pamilya, nagpupunta siya sa hardin para magdasal. Palibhasa’y naobserbahan ang mga bagay na ito, isang gabi, nilapitan siya ni Károly sa hardin, marahang ipinatong ang kaniyang kamay sa balikat nito, at sinabi: “Zsuzsanna, busilak ang iyong puso. Masusumpungan mo ang katotohanan.” Gaya ng sinabi ng kaniyang tiyuhin, isinapuso ng babaing ito ang mensahe ng Kaharian at siya ang kauna-unahang taga-Tirgu-​Mures na nag-alay ng kaniyang buhay kay Jehova. Nanatili siyang tapat hanggang sa kaniyang kamatayan sa edad na 87.

Nagpatotoo rin si Brother Szabó kay Sándor Józsa, isang kabataang lalaki na nagtatrabaho sa pamilyang Enyedi. Dinaluhan ni Sándor ang lahat ng pulong na idinaos ng dalawang kapatid na ito, at mabilis siyang natuto. Sa katunayan, ang 18 taóng gulang na ito ay nagsimulang magpatotoo at magbigay ng maiinam na maka-Kasulatang pahayag sa kaniyang sariling nayon ng Sărăţeni, sa Lalawigan ng Mureş. Nang maglaon, kabilang sa kaniyang ‘mga liham ng rekomendasyon’ ang anim na mag-asawa at 24 na anak ng mga ito​—13 babae at 11 lalaki.​—2 Cor. 3:1, 2.

Mula sa Tirgu-​Mures, nangaral sina Brother Kiss at Brother Szabó sa buong Transylvania. Habang nasa komunidad ng Dumbrava, 30 kilometro mula sa Cluj-Napoca, nakausap nila si Vasile Costea, isang Baptist. Si Vasile ay isang pandak na lalaki ngunit determinado at masigasig na estudyante ng Bibliya. Dahil palaisipan sa kaniya ang Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo, nakinig siyang mabuti habang ipinaliliwanag sa kaniya nina József at Károly ang Kasulatan. Pagkatapos mabautismuhan, si Vasile, na nagsasalita rin ng wikang Hungaryo, ay nagbigay ng lubusang patotoo kapuwa sa mga Romaniano at sa mga Hungaryo sa kaniyang lalawigan. Nang maglaon, naglingkod siya bilang colporteur (buong-panahong ministro) at nanatili sa pribilehiyong ito hanggang sa kaniyang kamatayan.

Dinala rin ni Brother Szabó ang mabuting balita sa Satu-​Mare, isang lunsod sa malayong hilagang-kanluran ng Romania. Nakilala niya roon si Paraschiva Kalmár, isang babaing may-takot sa Diyos na karaka-rakang tumanggap ng katotohanan. Tinuruan ni Paraschiva ang kaniyang siyam na anak na ibigin si Jehova. Sa ngayon, kabilang sa kaniyang pamilya ang limang henerasyon ng mga Saksi!

Ang isa pang Romaniano na natuto ng katotohanan sa Bibliya sa Estados Unidos at bumalik sa Romania bago ang Digmaang Pandaigdig I ay si Alexa Romocea. Nagtungo si Alexa sa kaniyang sariling nayon, sa Benesat, sa hilagang-kanlurang Transylvania. Di-nagtagal, isang maliit na grupo ng mga Estudyante ng Bibliya, na siyang tawag noon sa mga Saksi ni Jehova, ang nabuo at nagsimulang magtipon sa lugar na iyon. Kabilang sa grupo ang mga pamangking lalaki ni Alexa na sina Elek at Gavrilă Romocea. Sa ngayon, kabilang sa malaking pamilya ni Alexa ang limang henerasyon din ng mga Saksi.

Palibhasa’y labis na pinag-usig dahil sa kaniyang Kristiyanong neutralidad, nandayuhan si Elek sa Estados Unidos, kung saan nadaluhan niya ang isang pantanging kombensiyon ng mga Estudyante ng Bibliya na ginanap sa Cedar Point, Ohio, noong 1922. Sa katunayan, nagkapribilehiyo siyang maging interprete para sa mga tagapakinig na nasa seksiyon ng wikang Romaniano. Namalagi si Gavrilă sa Romania at sinamahan sina Brother Szabó at Brother Kiss sa pangangaral nila sa Transylvania at sa pagdalaw sa bagong tatag na mga kongregasyon at mga grupo. Nang maglaon, naglingkod siya sa kauna-unahang tanggapang pansangay sa Romania.

Isang Romaniano na nagngangalang Emanuel Chinţe ang inaresto noong Digmaang Pandaigdig I at ipinadala sa isang bilangguang militar sa Italya, na malayo sa kanilang lugar. Nakilala niya roon ang ilang Estudyante ng Bibliya na nabilanggo dahil tumanggi silang magsundalo. Kaagad na tinanggap ni Emanuel ang kanilang mensahe mula sa Kasulatan. Nang palayain siya noong 1919, umuwi siya sa kanila sa Baia-Mare, sa Lalawigan ng Maramureş, at masigasig na nangaral ng mabuting balita at tumulong sa pagbuo ng isa pang grupo ng mga Estudyante ng Bibliya.

Dahil sa sigasig at mapagsakripisyo-sa-sariling espiritu ng naunang mga payunir ng mabuting balita at ng mga nakinig sa kanilang mensahe, tumaas ang bilang ng mga alagad at mabilis na dumami ang maliliit na grupo ng mga Estudyante ng Bibliya sa lupaing iyon. Sa katunayan, pagsapit ng 1919​—walong taon lamang mula nang bumalik sina Károly Szabó at József Kiss sa Romania—​mahigit 1,700 mamamahayag ng Kaharian at interesadong mga tao ang naorganisa sa 150 klase sa pag-aaral sa Bibliya, na tinatawag ngayong mga grupo o kongregasyon. Naglingkod si Brother Kiss bilang payunir sa kaniyang sariling bayan hanggang sa kaniyang kamatayan sa edad na 86. Bumalik si Brother Szabó sa Estados Unidos noong 1924 upang organisahin ang gawain sa larangan doon na gumagamit ng wikang Hungaryo.

Paghahanda ng Espirituwal na Pagkain

Ang nakalimbag na mga publikasyon ay gumanap ng malaking papel sa pagpapalaganap ng mensahe ng Kaharian at sa pagpapakain sa mga nagugutom sa espirituwal. Upang masapatan ang pangangailangan sa espirituwal na pagkain, isinaayos ng mga kapatid na maimprenta mismo roon ang mga literatura sa pamamagitan ng komersiyal na mga palimbagan. Pasimula noong 1914, isang pribadong palimbagan sa Tirgu-​Mures na pinanganlang Oglinda, na nangangahulugang “Salamin,” ang nag-imprenta ng buwanang edisyon ng The Watch Tower and Herald of Christ’s Presence na may 16 na pahina gayundin ng mga aklat at mga tract​—lahat sa wikang Hungaryo.

Ang mga literatura sa wikang Romaniano ay nagsimulang maimprenta sa mga palimbagan doon noong 1916. Kabilang sa mga publikasyon ang buklet na Tabernacle Shadows of the “Better Sacrifices,” ang walong-pahinang magasin na Selections From “The Watchtower,” ang aklat na Daily Heavenly Manna for the Household of Faith (ngayo’y Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw), at ang aklat-awitan na Hymns of the Millennial Dawn. Mula noong 1918, isang palimbagan sa Detroit, Michigan, E.U.A., ang naglathala at nagpadala sa Romania ng edisyon ng The Watch Tower and Herald of Christ’s Presence sa wikang Romaniano at ng buwanang tract na People’s Pulpit, na buong-tapang na nagbunyag sa huwad na relihiyon.

Dahil sa mahusay na pagsulong ng mabuting balita, inatasan si Jacob B. Sima, isang Estudyante ng Bibliya na may lahing Romaniano, upang tumulong sa pag-oorganisa sa gawain at legal na mairehistro ito. Di-nagtagal pagdating niya sa Cluj-Napoca noong 1920, nakipagkita si Sima kay Károly Szabó at pagkatapos ay kay József Kiss. Ang pangunahing priyoridad ay ang makasumpong ng angkop na bahay sa Cluj-Napoca para gawing tanggapang pansangay. Gayunman, may kakulangan sa pabahay, kaya nagsaayos ang mga kapatid ng isang pansamantalang tanggapan sa apartment ng isang kapatid. Kaya noong Abril 1920, naitatag ang kauna-unahang sangay, gayundin ang legal na korporasyong Watch Tower Bible and Tract Society. Sa loob ng ilang panahon, ang sangay rin sa Romania ang nangasiwa sa gawain sa Albania, Bulgaria, Hungary, at sa dating Yugoslavia.

Nang panahong iyon, ang espiritu ng rebolusyon na lumalaganap sa mga bansa sa Peninsula ng Balkan ay nagsimulang makaapekto sa Romania. Bukod pa sa magulong situwasyon sa pulitika, mabilis na lumaganap ang kilusang kontra-Semitiko, lalo na sa mga unibersidad, at ang mga estudyante sa ilang lunsod ay lumikha ng mga kaguluhan. Dahil dito, ipinagbawal ng gobyerno ang pampublikong mga pagtitipon. Bagaman walang kinalaman ang mga colporteur sa mga kaguluhan, mahigit 20 sa kanila ang inaresto at pinagmalupitan, at kinumpiska ang kanilang mga literatura.

Magkagayunman, hindi tumigil ang mga kapatid sa pagpapagal sa larangan, at patuloy na lumaki ang pangangailangan sa mga literatura. Gayunman, nagiging magastos na ang komersiyal na pag-iimprenta, kaya pinag-aralan ng sangay ang iba pang opsyon. Nang mismong panahong iyon, ipinagbibili ang isang palimbagan sa 36 Regina Maria Street, Cluj-​Napoca, na dati nang ginagamit ng mga kapatid. Matapos makuha ang pahintulot ng pandaigdig na punong-tanggapan, binili ng sangay ang angkop na ari-ariang ito, na may dalawang gusali​—ang isa ay may apat na palapag, at dalawang palapag naman ang isa pa.

Nagsimula ang pagkukumpuni noong Marso 1924, at ang mga boluntaryo ay nagmula pa sa malayong Baia-​Mare, Bistriţa, at Rodna. Upang makatulong sila sa proyekto, ipinagbili ng ilang kapatid ang kanilang mga ari-arian, samantalang ang iba naman ay nagbigay ng pagkain at mga materyales para sa konstruksiyon. Ibiniyahe nila ang karamihan sa mga bagay na ito na inilagay nila sa espesyal na mga bag na tinatawag na desagi, na maaaring isakbat sa balikat o isakay sa likod ng kabayo.

Upang mapahusay ang palimbagan, ang ilan sa binili ng sangay ay tatlong makinang Linotype, dalawang flatbed press, isang rotary press, isang awtomatikong makinang pantupi, at isang makina para sa gold-embossing. Dahil sa mga makinang ito, di-nagtagal at ito na ang palimbagang may pinakamahusay na kalidad sa pag-iimprenta sa buong bansa.

Sa walong miyembro ng pamilyang Bethel, isa ang nangasiwa sa 40 di-Saksing empleado na nagtatrabaho nang tatlong rilyebo sa palimbagan. At talagang nagpagal sila, gaya ng makikita sa ulat ng produksiyon noong 1924, ang unang taon ng kanilang paglilimbag. Sa kanilang paglilimbag sa wikang Romaniano at Hungaryo, ang mga kapatid ay nakagawa ng 226,075 aklat, 100,000 buklet, at 175,000 magasin! Kalakip sa mga aklat ang pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na The Harp of God at ang una sa pitong tomo ng Studies in the Scriptures, na pinamagatang The Divine Plan of the Ages.

Pagkatapos ng dalawang-taong paghahanda, inilimbag din sa sangay ang isang edisyon ng aklat na Scenario of the Photo-Drama of Creation sa wikang Romaniano. Gaya ng ipinahihiwatig ng pamagat nito, ang Scenario ay salig sa “Photo-Drama”​—isang pahayag na gumagamit ng de-kulay na mga salaming slide, gumagalaw na mga larawan, at katugmang tunog. Ipinakita sa mga manonood ang eksena mula sa paglalang ng lupa hanggang sa wakas ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo. Bagaman hindi eksaktong kagaya ng “Photo-Drama,” ang Scenario ay naglalaman ng 400 nakalimbag na mga larawan gayundin ng maiikling aralin hinggil sa mga bagay na may kaugnayan sa doktrina, kasaysayan, at siyensiya​—na nakapagpakilos sa maraming mambabasa upang higit na suriin ang Bibliya.

Dumami ang mga Klase sa Pag-aaral ng Bibliya

“Ianunsiyo, ianunsiyo, ianunsiyo, ang Hari at ang kaniyang Kaharian!” ang paghimok ni Joseph Rutherford sa kombensiyon noong 1922 sa Cedar Point, Ohio. Ang nakapupukaw na paalaalang ito ay nagpasigla sa bayan ng Diyos sa buong daigdig at nagpakilos sa kanila na maging lalong masigasig. Sa Romania, ipinangaral ng mga kapatid ang mabuting balita sa bagong mga teritoryo at nakagawa sila ng mas maraming alagad.

Paano nag-aaral ng Bibliya ang mga baguhan noong panahong iyon? Sumasali sila sa mga klase na tinatawag na Berean Bible Studies. Inilalaan ang mga tanong, at ang nakalimbag na materyal para sa mga aralin ay hinalaw sa iba’t ibang mga publikasyon, na maaaring makuha sa pamamagitan ng koreo. Ang iskedyul ng pag-aaral ay nakatala sa The Watch Tower. Ang mas masulong na mga estudyante ay nakinabang din sa kursong International Sunday School Lessons, na tumulong sa kanila na maging mga guro ng Salita ng Diyos.

Dinadalaw ng mga kinatawan ng sangay ang mga grupo sa pag-aaral, nagbibigay ng mga pahayag, at naglalaan ng iba pang uri ng espirituwal na tulong. Gayunman, ang regular na pagpapastol at pagtuturo ay ginagawa ng mga pilgrim, o naglalakbay na mga tagapangasiwa na siyang tawag sa kanila sa ngayon. Anim na pilgrim ang naglilingkod noong 1921, at naging walo pagkaraan lamang ng dalawang taon. Ang masisigasig na manggagawang ito ay nagdaos ng mga pagpupulong sa daan-daang lunsod, bayan, at mga nayon at nagsalita sa sampu-sampung libong tao na nagugutom sa espirituwal.

Dalawa sa mga pilgrim na ito ay sina Emanuel Chinţe, na nabanggit na, at Onisim Filipoiu. Sa isang pagkakataon sa Bukovina, isang rehiyon sa hilaga, kabilang sa mga nakinig kay Brother Chinţe ang maraming Adventist at Baptist, na ang ilan sa kanila ay positibong tumugon sa katotohanan. Nang maglaon, inatasan ang dalawang kapatid na ito sa Bucharest, kung saan natulungan nila ang marami pang iba na sumapit sa tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos. Isang mapagpahalagang lalaki ang sumulat: “Pinasasalamatan ko ang Diyos sa pagpapadala kina Brother Emanuel at Brother Onisim, na kinailangang magpagal upang makumbinsi at maliwanagan ako. Gagawa ang Panginoon ng dakilang gawa sa lunsod na ito, ngunit kailangan ang pagtitiis.”

Noong taóng 1920, ginanap ng mga kapatid ang kanilang kauna-unahang mga asamblea​—isa sa Brebi, sa Lalawigan ng Sălaj, at isa pa sa Ocna ​Dejului, sa Lalawigan ng Cluj. Ang dalawang lugar na ito ay mararating sa pamamagitan ng tren, at ang mga mamamahayag at interesadong mga tao roon ang naglaan ng matutuluyan. Mga 500 delegado mula sa lahat ng bahagi ng Romania ang dumalo. Nagbigay sila ng mahusay na patotoo sa pamamagitan ng kanilang mainam na paggawi.

Gayunman, ang mabilis na pagdami ng mga tagapaghayag ng Kaharian ay sinalansang. Sa katunayan, pasimula noong Digmaang Pandaigdig I, sinimulang usigin ng relihiyoso at pulitikal na mga elemento ang mga kapatid.

Sinamantala ng mga Kaaway ang Nag-aalab na Damdamin Para sa Digmaan

Palibhasa’y napukaw dahil sa nasyonalismo at panunulsol ng mga klero, hindi pinagpakitaan ng simpatiya ng pulitikal na mga awtoridad ang mga hindi sumusuporta sa bandila at ang mga hindi handang pumatay para sa bansa. Kaya nang sumiklab ang unang digmaang pandaigdig, maraming kapatid ang inaresto at sinentensiyahan. Pinatay pa nga ang ilan, kabilang na si Ioan Rus, isang bagong kasal na lalaki mula sa nayon ng Petreştii de Mijloc, sa timog ng Cluj-Napoca.

Ganito ang inilahad ng apo sa pamangkin ni Ioan na si Daniel: “Noong 1914, kinalap si Ioan Rus para maglingkod sa militar. Dahil tumanggi siyang makipagdigma, dinala siya sa Bucharest at sinentensiyahan ng kamatayan. Nang papatayin na siya, puwersahan siyang pinaghukay ng sarili niyang libingan at pinatayo sa gilid nito sa harap ng firing squad. Pagkatapos ay pinahintulutan ng nangangasiwang opisyal si Ioan na magbigay ng ilang huling pananalita. Pinili niyang manalangin nang malakas. Dahil naantig sa panalangin ni Ioan, nagdalawang-isip ang mga sundalo at ayaw na nilang ituloy ang pagpatay. Kaya kinausap ng opisyal nang sarilinan ang isa sa mga sundalo at pinangakuan ito ng tatlong-buwang bakasyon na may suweldo kung babarilin niya ang bilanggo. Tinanggap ng lalaki ang alok at nakuha niya ang bakasyon niya sa trabaho.”

Noong 1916, inaresto rin sina Brother Kiss at Brother Szabó pero limang-taóng pagkabilanggo lamang ang sentensiya sa kanila. Dahil hinatulang “mapanganib,” ikinulong sila nang hiwalay sa iba sa loob ng 18 buwan sa isang bilangguan sa Aiud na may mahigpit na seguridad. Sa anong paraan “mapanganib” sina József at Károly? Ayon sa pananalita ng hukom, sila ay “naghayag ng mga turo na naiiba sa mga turo na opisyal na kinikilala.” Sa simpleng pananalita, ibinilanggo sila hindi lamang dahil sa pagtangging pumatay kundi gayundin sa pagtuturo ng mga katotohanan sa Bibliya na taliwas sa tradisyonal na teolohiya.

Mula sa bilangguan, lumiham ang dalawang lalaking ito sa mga kongregasyon at mga grupo upang patibayin ang mga kapatid. Ganito ang sinasabi ng isang bahagi ng isa sa mga liham: “Nais naming ipahayag ang aming kagalakan na ang ating mabait at makalangit na Ama, na pinagkakautangan natin ng pasasalamat, papuri, at karangalan, ay nagpasikat ng liwanag sa pamamagitan ng The Watch Tower. Naniniwala kami na pinahahalagahan ng ating mga kapatid ang The Watch Tower at binabantayan ito gaya ng isang kandilang umaandap-andap sa gitna ng bagyo.” Silang dalawa ay pinalaya noong 1919​—tamang-tama para tumulong sa pagtatatag ng tanggapang pansangay nang sumunod na taon.

Tumindi ang Pagsalansang ng Klero

Nang matapos ang Digmaang Pandaigdig I noong 1918, patuloy na sinalansang ng klero ang bayan ng Diyos. Hayagang binatikos ng isang pari ang pangmalas ng mga Estudyante ng Bibliya hinggil sa imortalidad ng kaluluwa at sa papel ni Maria. “Nababaliw na [ang mga Estudyante ng Bibliya] dahil sa paghahangad ng mas magandang buhay sa lupa,” ang isinulat niya. “Sinasabi nila na tayong lahat ay magkakapatid at na ang lahat ng tao mula sa iba’t ibang nasyonalidad ay magkakapantay.” Pagkatapos ay nagreklamo siya na mahirap idemanda ang mga Estudyante ng Bibliya dahil “pinalilitaw nila na sila ay maibigin sa katotohanan, relihiyoso, mapayapa, at mapagpakumbaba.”

Noong 1921, sumulat ang mga pari sa Bukovina sa Ministri ng Ugnayang Panloob at Ministri ng Katarungan, na humihiling na ipagbawal ang gawain ng mga Estudyante ng Bibliya. Sa katunayan, ang naiiritang mga klerigo sa halos lahat ng dako kung saan lumaganap ang katotohanan ay nagpupuyos sa galit laban sa bayan ng Diyos. Ang mga Ortodokso, Katoliko, at iba pang mga relihiyon ay nag-organisa ng mga kampanya ng pagkapoot, anupat sinulsulan ang mga indibiduwal at mga pangkat ng mang-uumog na salakayin ang mga kapatid. Sa isang liham sa pandaigdig na punong-tanggapan, sinabi ng sangay: “Sa bansang ito, napakaraming posisyon sa gobyerno ang hawak ng mga klero, at ang aming gawain, sa paanuman, ay kontrolado nila. Wala sanang problema kung susundin nila ang batas, pero inaabuso nila ang kanilang kapangyarihan.”

Bilang tugon sa sunud-sunod na reklamo ng mga klero, pinahintulutan ng Ministri ng Relihiyon ang pulisya na hadlangan ang pangangaral at pagpupulong ng bayan ni Jehova. Kaya ang pulisya ay naging kasangkapan ng mga relihiyon, anupat inaaresto ang mga kapatid salig sa maling paratang na nanggugulo sila. Gayunman, hindi naman gayon kadetalyado ang batas, kaya magkakaiba ang sentensiya. Lumikha rin ng problema ang mahusay na paggawi ng mga kapatid. “Hindi maaaring hatulan ang mga Estudyante ng Bibliya,” ang sabi ng isang hukom, “dahil kadalasang sila ang pinakamapapayapang tao.”

Magkagayunman, tumindi ang pag-uusig, at sa pagtatapos ng 1926, ipinagbawal ang The Watch Tower. Ngunit hindi nito napigil ang pagdaloy ng espirituwal na pagkain​—pinalitan lamang ng mga kapatid ang pangalan ng magasin! Pasimula sa isyu ng Enero 1, 1927, ang edisyon sa wikang Romaniano ay naging The Harvest, sa kalaunan ay The Light of the Bible, at sa dakong huli ay Daybreak. Binago ang pangalan ng katumbas nitong magasin sa wikang Hungaryo tungo sa Christian Pilgrim, pagkatapos ay Gospel, at kahuli-hulihan ay The Magazine of Those Who Believe in Christ’s Blood.

Nakalulungkot, nang panahon ding ito, nagtaksil si Jacob B. Sima. Sa katunayan, noong 1928, ang kaniyang pagkilos ay naging dahilan upang mawala ang lahat ng ari-arian at kasangkapan ng sangay! Ang mga kapatid ay “nangalat at lubhang nayanig ang kanilang pagtitiwala,” ang ulat ng 1930 Year Book. Dahil sa nakapipighating mga pangyayaring ito, ang pangangasiwa sa gawain ay inilipat sa sangay sa Alemanya noong 1929 at sa kalaunan ay sa Sentral na Tanggapan sa Europa na nasa Bern, Switzerland. Ang dalawang sangay na ito ay nakipag-ugnayan sa pamamagitan ng isang tanggapan na itinatag naman ng mga kapatid sa Bucharest.

‘Pakiusap, Huwag Ninyong Sunugin ang Aking Aklat!’

Sa kabila ng karagdagang mga pagsubok na ito, muling naorganisa ang mga tapat at nagpatuloy sa pangangaral, at nagpasimula pa ngang gumawa sa bagong mga teritoryo. Noong Agosto 24, 1933, sumulat ang tanggapan sa Romania: “Nagugutom sa katotohanan ang mga tao. Sumulat sa amin ang mga kapatid na naglilingkod sa larangan na kapag nakikibahagi sila sa pagpapatotoo, sinasamahan sila ng pulu-pulutong na taganayon sa bahay-bahay sa pagbabaka-sakaling makarinig ng higit pa hinggil sa katotohanan.”

Sa isang pagkakataon, isang nagdarahop na babae ang humiling ng isang aklat na iniaalok ng mga kapatid at nagbigay pa nga siya ng maliit na kontribusyon sa gawaing pang-Kaharian. Nang mabalitaan ito ng pari sa nayon, sumugod siya kaagad sa bahay ng babae. “Ibigay mo sa akin ang aklat na iyan,” ang sabi niya, “at nang maihagis ko sa apoy!”

“Pakiusap, Padre, huwag po ninyong sunugin ito,” ang pagmamakaawa ng babae, “dahil nagbigay ito sa amin ng kaaliwan, at makatutulong ito sa amin na mabata ang aming kahapisan!” Hindi ibinigay ng babae ang kaniyang aklat.

Isa pang babae na lubhang nagpahalaga sa mga publikasyon ay isang dukesa na ang mga tagapaglingkod ay mga Saksi ni Jehova. Isang araw ay sinabi niya sa kaniyang mga empleado: “Hindi ko na kayo mga tagapaglingkod kundi mga kapatid ko!” Sa isa pang nayon, isang kapatid ang nagsabi sa isang grupo ng mausisang mga bata na naghahayag siya ng Kaharian ng Diyos. Hinimok naman ng mga batang iyon ang mga nagdaraan na kumuha ng literatura. “Tungkol po sa Diyos ang mga aklat na ito,” ang sabi nila. Hindi nagtagal at naipasakamay ng kapatid, na halos hindi na makapagsalita dahil sa pagkamangha sa masigla at kusang pagtulong ng mga bata, ang lahat ng kaniyang literatura!

Si Nicu Palius, isang payunir na may malumanay na tinig, ay dumating sa Romania mula sa Gresya para tumulong sa gawain. Matapos maglingkod sa Bucharest, lumipat siya sa Galaţi, isang malaking daungan sa Danube. Sa pagtatapos ng 1933, sumulat si Nicu: “Sa loob ng halos dalawa at kalahating buwan, nangaral ako sa mga Romaniano, at pinagkalooban ako ng Diyos na Jehova ng maraming pagpapala​—kahit na hindi ako nagsasalita ng wikang iyon. Pagkatapos nito, nangaral ako sa mga Griego at mga Armeniano, at sa tulong ng Panginoon, nadalaw ko ang 20 bayan. Nagsaya lalo na ang mga Griego sa mensahe.”

Oo, sa kabila ng kampanya ng pagkapoot na ginawa ng mga klero, maraming tapat-pusong mga indibiduwal ang nagnais na makarinig ng mabuting balita. Kabilang dito ang isang alkalde ng bayan na buong-pananabik na binasa ang ilang brosyur at pagkatapos ay nagsabi noong dakong huli na talagang pinananabikan niya ang pagdating ng bagong sanlibutan. Sa isa pang bayan, isang lalaki ang humiling ng ilang kopya ng mga publikasyon, at nangakong ipamamahagi ang mga ito sa lahat ng nagnanais na bumasa ng mga ito.

Muling Inorganisa ang Gawain

Noong 1930, dalawang taon pagkatapos magtaksil si Sima, hinirang si Martin Magyarosi, isang Romaniano na may lahing Hungaryo mula sa Bistriţa, Transylvania, upang mangasiwa sa gawain. Pagkatapos ng anim na linggong pagsasanay sa sangay sa Alemanya, nagtatag si Brother Magyarosi ng isang tanggapan sa Bucharest. Di-nagtagal pagkaraan nito, ang wikang Romaniano na Watch Tower, na pansamantalang inilalathala sa Austria at Alemanya, ay muling inilathala sa Romania, sa pagkakataong ito, sa pamamagitan ng isang kompanya ng palimbagan sa Bucharest na tinatawag na The Golden Book.

Pagkatapos ng malaki-laking pagsisikap, naitatag ng mga kapatid ang isang bagong legal na korporasyon noong 1933​—The Bible and Tract Society of Jehovah’s Witnesses. Ang adres ay 33 Crişana Street, Bucharest. Ngunit dahil sa relihiyoso at pulitikal na pagsalansang, rehistrong pangkomersiyo lamang ang nakuha ng mga kapatid.

Gayunpaman, ang mga pagsisikap na ito ay nakatulong upang manumbalik ang pagtitiwala ng mga kapatid at upang sumulong ang pangangaral. Maraming mamamahayag ang nagsimula pa ngang magpayunir, habang pinag-ibayo naman ng iba ang kanilang gawain, lalo na sa panahon ng taglamig, kung kailan mas maraming libreng panahon ang mga nasa lalawigan. Nakinig din ang mga kapatid sa salig-Bibliyang mga lektyur na isinasahimpapawid mula sa ibang bansa sa pamamagitan ng pampublikong istasyon ng radyo. Ang mga pahayag na ito ay lalo nang nakatulong sa mga taong hindi dumadalo sa mga pagpupulong dahil sa takot sa kanilang mga kapitbahay o sa mga pari. Ipinapatalastas sa The Watch Tower ang mga oras ng programa, mga pamagat ng lektyur, at mga istasyon ng radyo.

Ang isa pang paglalaan na nakatulong sa pagsulong ng mabuting balita ay ang nabibitbit na ponograpo na ginawa ng organisasyon ni Jehova. Noong dekada ng 1930, ang mga kongregasyon at mga indibiduwal ay maaaring mag-order ng mga ito gayundin ng nakarekord na mga pahayag na salig sa Bibliya. Ang huling nabanggit ay nagsilbing pampatibay-loob “hindi lamang sa mga kapatid kundi gayundin sa mga pamilya na may mga ponograpo at umiibig sa katotohanan,” ang sabi ng patalastas sa Bulletin (ngayo’y Ating Ministeryo sa Kaharian).

Ibayong Pagsubok sa Loob ng Organisasyon

Noong dekada ng 1920 at 1930, lumiwanag ang pagkaunawa sa Salita ng Diyos at sa pangangailangang magpatotoo hinggil sa katotohanan ang bawat Kristiyano. Nagkaroon ng maliwanag na sinag ng katotohanan noong 1931 nang tanggapin ng mga Estudyante ng Bibliya ang pangalang mga Saksi ni Jehova. Ang salig-Bibliyang pangalang ito ay hindi basta katawagan lamang. Nagpapahiwatig din ito na itinataguyod at inihahayag ng nagtataglay nito ang pagka-Diyos ni Jehova. (Isa. 43:10-12) Ang mga Estudyante ng Bibliya na tumutol sa pangangaral ay natisod sa pagbabagong ito at umalis sa organisasyon. Naging apostata pa nga ang iba at ginamit ang pangalang Millennialists. Makakayanan kaya ng pananampalataya ng mga tapat ang pagsubok na ito? Magpapatuloy kaya sila sa pagsasakatuparan ng kanilang atas na mangaral maging sa harap ng pagsalansang ng mga klero at mga apostata?

Bagaman sumuko ang ilan sa panggigipit, marami ang nagpatuloy sa matapat at masigasig na paglilingkod kay Jehova. Isang ulat noong 1931 ang nagsabi, sa bahagi: “Mayroong mga 2,000 kapatiran sa Rumania, at ang mga ito na nasa ilalim ng napakahihirap na kalagayan ay nakapamahagi sa taóng ito ng 5,549 na aklat at 39,811 buklet.” Nang sumunod na taon, mas mahusay pa ang nagawa ng mga kapatid, anupat nakapagpasakamay ng kabuuang bilang na 55,632 aklat at buklet.

Karagdagan pa, kung minsan ay kabaligtaran ang nagiging epekto ng pag-uusig. Halimbawa, ang lahat ng Saksi sa isang lugar ay nagpasiya bilang isang grupo na ihayag sa madla ang kanilang pagiging hiwalay sa “Babilonyang Dakila.” (Apoc. 18:2, 4) Sa loob ng limang sunud-sunod na araw, ang malalakas-ang-loob na mga kapatid na ito ay nagtungo sa munisipyo ng kanilang bayan upang ihanda ang mga dokumento hinggil sa kanilang paghiwalay sa dati nilang relihiyon.

Nagitla ang mga lider ng komunidad at ang pari roon. Una ay tumakbo siya patungo sa himpilan ng pulisya para humingi ng tulong, ngunit nabigo siya. Kaya bumalik siya kaagad sa munisipyo ng bayan at inakusahan niyang isang Komunista ang notaryo publiko dahil sa pagtulong nito sa mga tao sa paggawa ng kanilang mga dokumento. Palibhasa’y nasaktan, pagalít na sinabi sa kaniya ng notaryo publiko na kahit na ang buong komunidad pa ang lumapit sa kaniya, tutulungan niya sila na gumawa ng mga sertipiko ng paghiwalay. Kaya wala nang nagawa ang pari, at natapos ng mga kapatid ang kanilang mga papeles.

“Balak Mo ba Akong Barilin?”

Sa kanilang mga sermon, pagalít na tinuligsa ng mga klero ang mga Saksi ni Jehova. Patuloy rin nilang ginipit ang gobyerno na ipagbawal ang gawain. Sabihin pa, patuloy na ginamit ng Ministri ng Relihiyon, na pulitikal na kasangkapan ng klero, ang pulisya upang ligaligin ang mga kapatid. Minsan, isang hepe ng pulisya at isa pang pulis ang ilegal na pumasok sa isang bahay na pinagdarausan ng mga Kristiyanong pagpupulong.

“Gusto kong makita ang permit ninyo sa pagdaraos ng relihiyosong mga serbisyo,” ang sabi ng hepe sa may-ari ng bahay, isang kapatid na lalaki na tatawagin nating George.

Yamang may kutob siya na walang warrant ang hepe, sumagot si George: “Sino po ang nagbigay sa inyo ng pahintulot na pumasok sa bahay ko?”

Walang maisagot ang hepe, kaya hiniling ni George na umalis na siya. Bantulot itong naglakad patungo sa pinto. Gayunman, bago siya makalabas, inutusan niya ang kasama niyang pulis na magbantay sa pinto sa harapan at arestuhin si George kapag tinangka nitong lumabas ng bahay. Nang maglaon, nang lumabas nga si George, inaresto siya ng pulis “sa ngalan ng batas.”

“Sa ngalan ng anong batas?” ang tanong ni George.

“May warrant ako para arestuhin ka,” ang giit nito.

Dahil dati siyang pulis, alam ni George ang batas; kaya hiniling niyang ipakita sa kaniya ang warrant. Gaya ng hinala ni George, walang dala ang pulis. Dahil hindi siya makapagsagawa ng legal na pag-aresto, naisip ng pulis na takutin si George sa pamamagitan ng pagkasa sa kaniyang baril.

“Balak mo ba akong barilin?” ang tanong ni George.

“Hindi,” ang sagot ng pulis, “Hindi ako hangal.”

“Kung ganoon,” ang sabi ni George, “bakit mo ikinasa ang baril mo?”

Pagkasabi nito, natanto ng lalaki na mali ang ginawa niya kung kaya umalis na siya. Dahil ayaw na niyang maulit ang insidenteng ito, inihabla ni George ng trespassing sa pribadong ari-arian ang hepe ng pulisya. Sa di-inaasahan, pinagmulta ang hepe at sinentensiyahan ng 15 araw na pagkabilanggo.

Sa isa pang pagkakataon, isang may-edad nang brother ang nagbigay ng mainam na patotoo sa isang hukuman. Hawak ng hukom ang dalawang aklat na inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Habang ipinakikita ang mga ito sa kapatid, inakusahan siya ng hukom ng pamamahagi ng relihiyosong propaganda.

“Kung sisentensiyahan po ninyo ako dahil sa paghahayag ko ng Salita ng Diyos,” ang sabi ng kapatid, “ituturing ko po ito, hindi bilang parusa, kundi bilang karangalan. Sinabi po ng Panginoong Jesus sa kaniyang mga tagasunod na magsaya kapag pinag-uusig dahil sa katuwiran sapagkat ganito ang naging pagtrato sa mga propeta noong sinauna. Sa katunayan, si Jesus po mismo ay pinag-usig at ibinayubay, hindi dahil sa paggawa ng masama, kundi dahil sa pagsasalita ng katotohanan na natanggap niya mula sa Diyos.”

Nagpatuloy ang kapatid: “Kaya kung sisentensiyahan po ako ng hukumang ito dahil sa paghahayag ng mensahe ni Jesus tungkol sa Kaharian sa pamamagitan ng dalawang aklat na ito, pagsentensiya po ito sa isang taong walang nagawang krimen.” Pinawalang-saysay ng hukom ang mga paratang.

‘Wala Nang Iba Pang Lugar Kung Saan Higit na Pinag-usig ang mga Kapatid’

Pagkalipas ng 1929, ang pagbagsak ng presyo ng agrikultural na mga produkto, laganap na kawalan ng trabaho, at kaguluhan sa pulitika ay umakay sa mabilis na paglaganap ng pulitikal na mga grupong ekstremista, kabilang na ang mga Pasista. Karagdagan pa, noong dekada ng 1930, ang Romania ay unti-unting naimpluwensiyahan ng Alemanya sa ilalim ng Nazi. Hindi magandang pangitain ang mga pangyayaring ito para sa mga Saksi ni Jehova. Sa katunayan, ang 1936 Year Book ay nagsabi: “Wala nang iba pang lugar sa daigdig kung saan higit na pinag-usig ang mga kapatid kaysa sa Rumania.” Mula 1933 hanggang 1939, may 530 habla na isinampa laban sa mga Saksi ni Jehova. Sabihin pa, laging hinihiling ng mga abogadong tagausig na ipagbawal ang gawain at isara ang tanggapan sa Bucharest.

Nang dakong huli, noong Hunyo 19, 1935, sa ganap na 8:00 n.g., dumating ang mga pulis sa tanggapan, dala ang warrant na ilegal naman pala. Kinumpiska nila ang salansan ng mga papeles at mahigit na 12,000 buklet, at naglagay sila ng guwardiya. Magkagayunman, nakatakas ang isang kapatid sa pamamagitan ng pinto sa likuran at nakipag-ugnayan siya sa isang madamaying abogado, na isa ring senador. Tumawag sa telepono ang lalaki, kinausap ang mga awtoridad, ipinawalang-bisa ang ilegal na pagpapasara, at ipinasauli ang lahat ng nakumpiskang salansan ng mga papeles. Ngunit pansamantala lamang ito.

Noong Abril 21, 1937, naglabas ng utos ang Ministri ng Relihiyon na inilathala sa opisyal na babasahin ng pamahalaan at sa mga pahayagan. Sinabi ng utos na ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay mahigpit na ipinagbabawal sa Romania at na ang mga namamahagi o maging ang mga nagbabasa ng kanilang mga literatura ay aarestuhin at parurusahan at kukumpiskahin ang kanilang mga publikasyon.

Iniapela ng mga kapatid ang desisyong ito. Gayunman, sa pagkaalam na mahina ang kaniyang kaso, tatlong ulit na hiniling ng nasasangkot na ministro ng gobyerno na ipagpaliban ang pagdinig. Pagkatapos, bago dumating ang panghuling petsa, idineklara ni Haring Carol II na ang Romania ay isang diktadura. Noong Hunyo 1938, isang bagong utos ang inilabas laban sa mga Saksi ni Jehova. Muli, naghabla ang mga kapatid. Sumulat din sila ng isang opisyal na memorandum sa hari, na sinasabing ang mga publikasyon ng mga Saksi ay nakapagtuturo, hindi subersibo, at hindi nag-uudyok ng pangmadlang kaguluhan. Tinukoy pa nga ng memorandum ang isang naunang desisyon ng nakatataas na hukuman hinggil dito. Ipinadala ng hari ang memorandum sa Ministri ng Relihiyon. Ang sagot? Noong Agosto 2, 1938, ipinasara ng ministri ang tanggapan sa Bucharest.

Sa mahirap na panahong ito, maraming kapatid​—pami-pamilya pa nga​—ang inaresto at sinentensiyahan na mabilanggo, na sa ilang kalagayan ay dahil lamang sa umawit sila ng mga awiting pang-Kaharian sa loob mismo ng kanilang tahanan. Ang haba ng sentensiya ay mula tatlong buwan hanggang dalawang taon. Pero paano ba natuklasan ang mga kapatid na ito? Marami sa kanila ang tiniktikan ng mga taong naimpluwensiyahan ng klero. Nagpanggap ang mga espiyang ito bilang mga manggagawa, tagapaglako, at iba pa.

Inaresto rin ang sinumang mayroong mga literatura natin. Dinala ng isang brother na nagtatrabaho sa kakahuyan bilang magtotroso ang kaniyang Bibliya at Year Book. Isang araw ay hinalughog ng mga pulis ang personal na gamit ng lahat at natagpuan ang mga literatura ng kapatid. Inaresto nila siya at pinaglakad nang 200 kilometro patungo sa hukuman, kung saan sinentensiyahan siya ng anim-na-buwang pagkabilanggo. Mangyari pa, ang mga bilangguan ay masikip, marumi, at maraming kuto. Malabnaw na sopas lamang ang pagkain.

Marami Pang Pagsubok ang Idinulot ng Digmaang Pandaigdig II

Noong bukang-liwayway ng Setyembre 1, 1939, sinalakay ng mga tropang Aleman ang Poland, na nagpasimula ng isa pang pandaigdig na digmaan​—isa na magkakaroon ng matindi at namamalaging epekto sa Romania. Ang Unyong Sobyet at Alemanya ay lumagda sa isang kasunduan na hindi lulusubin ang ibang bansa, ngunit dahil sa pagtatangka nilang makuha ang kontrol, hinati at sinakop nila nang maglaon ang Silangang Europa at pinaghati-hatian ang Romania na parang keyk. Kinuha ng Hungary ang hilagang Transylvania; kinuha naman ng Unyong Sobyet ang Bessarabia at Hilagang Bukovina; at kinuha ng Bulgaria ang timugang Dobruja. Bilang resulta, halos sangkatlo ng populasyon at teritoryo ng Romania ang nawala. Noong 1940, namahala ang Pasistang diktadura.

Sinuspinde ng bagong gobyerno ang konstitusyon at naglabas ng dekreto na kumikilala lamang sa siyam na relihiyon, pangunahin na ang mga simbahang Ortodokso, Katoliko, at Luterano. Nanatili ang pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova. Karaniwan ang mga paninindak at karahasan, at noong Oktubre 1940, sinakop ng mga tropang Aleman ang bansa. Sa ilalim ng napakahirap na mga kalagayang ito, halos naputol ang komunikasyon sa pamamagitan ng sulat sa pagitan ng Romania at ng Sentral na Tanggapan sa Europa na nasa Switzerland.

Dahil ang karamihan sa mga Saksi ni Jehova sa rehiyon ay nakatira sa Transylvania, lumipat doon si Martin Magyarosi mula sa Bucharest, at nanirahan siya mismo sa Tirgu-Mures. Nauna nang lumipat doon ang kaniyang asawang si Maria dahil sa problema sa kalusugan. Sina Pamfil at Elena Albu, na naglingkod din sa tanggapan sa Bucharest, ay lumipat sa Baia-Mare na nasa gawing hilaga pa. Sa paggawa sa dalawang lunsod na ito, muling inorganisa nina Brother Magyarosi at Brother Albu ang pangangaral at ang palihim na produksiyon ng Ang Bantayan. Ang kanilang kamanggagawa na si Teodor Morăraş ay naiwan sa Bucharest, kung saan inorganisa niya ang gawain sa natitirang bahagi ng Romania hanggang sa maaresto siya noong 1941.

Samantala, nanatiling abala sa ministeryo ang mga kapatid, anupat nagpapasakamay ng mga literatura sa Bibliya sa bawat pagkakataon ngunit sa lubhang maingat na paraan. Halimbawa, nag-iiwan sila ng mga buklet sa pampublikong mga lugar, gaya ng mga restawran at mga silid sa tren, sa pag-asang mapapansin ng iba ang mga literatura. Patuloy rin nilang sinunod ang maka-Kasulatang utos na magtipon para mapatibay sa espirituwal, ngunit siyempre pa, nag-iingat upang hindi mapaghinalaan. (Heb. 10:24, 25) Halimbawa, sinasamantala ng mga nakatira sa lalawigan ang tradisyonal na mga pagsasalu-salo na nagaganap kapag anihan, kung saan nagtutulungan ang mga magsasaka sa pag-aani at pagkatapos nito ay nagkakasayahan sila sa pamamagitan ng pagsasalaysay ng mga kuwento at katatawanan. Inihahalili lamang ng mga kapatid ang mga Kristiyanong pagpupulong sa mga salu-salong ito.

‘Ginipit sa Bawat Paraan’

Inaresto si Brother Magyarosi noong Setyembre 1942 ngunit ipinagpatuloy niya ang pag-oorganisa sa gawaing pangangaral mula sa bilangguan. Naaresto rin ang mag-asawang Albu, kasama na ang mga 1,000 iba pang kapatid, na marami sa mga ito ay pinalaya matapos bugbugin at ikulong sa loob ng mga anim na linggo. Dahil sa kanilang Kristiyanong neutralidad, sandaang Saksi, kabilang na ang ilang sister, ang sinentensiyahang mabilanggo ng 2 hanggang 15 taon. Limang brother ang tumanggap ng parusang kamatayan, na binago naman nang dakong huli tungo sa habambuhay na pagkabilanggo. Sa kadiliman ng gabi, kinaladkad pa nga ng armadong mga pulis ang mga ina at maliliit na anak, kaya walang naiwan upang magbantay sa kanilang mga hayupan at mga bahay na dinambong naman ng mga magnanakaw.

Sa mga kampong piitan, ang mga kapatid na “malugod” na sinasalubong ng mga guwardiya ay tinatalian sa kanilang mga paa at tinutukuran sa likod habang pinapalo ng isa pang guwardiya ng matigas na batutang goma ang kanilang mga paa. Dahil dito, nababali ang mga buto, natutuklap ang mga kuko sa paa, at nangingitim ang balat, kung minsan ay nagbabakbak pa ngang gaya ng balat ng kahoy. Ang mga pari na naglilibot sa mga kampong ito at nakasasaksi sa mga kalupitang ito ay nangungutya, “Nasaan ang inyong Jehova para palayain kayo mula sa aming mga kamay?”

Ang mga kapatid ay ‘ginipit sa bawat paraan’ ngunit ‘hindi iniwan sa kagipitan.’ (2 Cor. 4:8, 9) Sa katunayan, inaliw nila ang iba pang bilanggo sa pamamagitan ng pag-asa ng Kaharian, na tinanggap naman ng ilan. Isaalang-alang ang halimbawa ni Teodor Miron mula sa nayon ng Topliţa sa hilagang-silangang Transylvania. Bago ang Digmaang Pandaigdig II, nahinuha ni Teodor na ipinagbabawal ng Diyos ang pagpatay, kaya tumanggi siyang magpatala sa hukbo. Kaya naman, noong Mayo 1943 sinentensiyahan siyang mabilanggo nang limang taon. Di-nagtagal pagkatapos nito, nakilala niya si Martin Magyarosi, si Pamfil Albu, at ang iba pang bilanggong Saksi at tumanggap siya ng pag-aaral sa Bibliya. Mabilis ang espirituwal na pagsulong ni Teodor at, sa loob lamang ng ilang linggo, inialay niya ang kaniyang buhay kay Jehova. Ngunit paano siya nabautismuhan?

Nagkaroon ng pagkakataon nang si Teodor at ang mga 50 iba pang Romanianong Saksi ay idinaan sa isang mas mahabang ruta patungo sa kampong piitan ng mga Nazi sa Bor, Serbia. Habang nasa daan, tumigil sila sa Jászberény, Hungary, kung saan mahigit na sandaang kapatid na nagsasalita ng wikang Hungaryo ang sumama sa kanila. Habang nakatigil doon, inutusan ng mga guwardiya ang ilang kapatid na magtungo sa ilog upang punuin ng tubig ang isang bariles. Dahil pinagkakatiwalaan na sila ng mga guwardiya, hindi na binantayan ang mga kapatid sa pagtungo roon. Sumama sa kanila si Teodor at nabautismuhan sa ilog. Mula sa Jászberény, ang mga bilanggo ay isinakay sa tren at pagkatapos ay sa bangka sa ilog patungo sa Bor.

Noong panahong iyon, nakapiit sa kampo sa Bor ang 6,000 Judio; 14 na Adventist; at 152 Saksi. “Kahila-hilakbot ang mga kalagayan,” ang naalaala ni Brother Miron, “ngunit inalagaan kami ni Jehova. Isang madamaying guwardiya na madalas isugo sa Hungary ang nagpapasok ng mga publikasyon sa kampo. Ang ilang Saksi naman na kilala at pinagkakatiwalaan niya ang nag-aasikaso sa kaniyang pamilya kapag umaalis siya, kaya siya ay naging parang kapatid na rin nila. Ang lalaking ito, na isang tenyente, ang nagbababala sa amin kung may anumang mangyayari. Sa kampo ay may 15 elder, na siyang tawag sa kanila ngayon, at nagsaayos sila ng tatlong pagpupulong bawat linggo. Sa katamtaman, mga 80 ang dumadalo basta ipinahihintulot ito ng kanilang rilyebo. Ipinagdiwang din namin ang Memoryal.”

Sa ilang kampo, pinahihintulutan ang mga Saksi na nasa labas ng kampo na magdala ng pagkain at iba pang bagay sa kanilang nakabilanggong mga kapatid. Mula 1941 hanggang 1945, mga 40 Saksi mula sa Bessarabia, Moldova, at Transylvania ang ipinadala sa kampong piitan sa Şibot, Transylvania. Araw-araw ay nagtatrabaho sila sa isang tistisan ng kahoy roon. Dahil kakaunti ang pagkain sa kampo, ang mga Saksi na nakatira sa malapit ay nagdadala ng pagkain at damit sa tistisan ng kahoy bawat linggo. Ipinamamahagi ng mga kapatid ang mga bagay na ito ayon sa pangangailangan.

Ang gayong maiinam na gawa ay nagbigay ng mahusay na patotoo, kapuwa sa mga bilanggo at sa mga guwardiya. Napansin din ng mga guwardiya na ang mga Saksi ni Jehova ay responsable at mapagkakatiwalaan. Kaya naman, pinagkalooban nila ang mga ito ng kalayaan na hindi karaniwang ibinibigay sa mga bilanggo. Ang isa sa mga guwardiya sa Şibot ay napasakatotohanan pa nga.

Mga Pagpapala Pagkatapos ng Digmaan

Nang matapos ang digmaan sa Europa noong Mayo 1945, pinalaya ang lahat ng Saksi ni Jehova na nasa mga bilangguan at mga kampo ng puwersahang pagtatrabaho. Bumalik sa Bucharest si Martin Magyarosi, na 62 taóng gulang na noon, at nasumpungan niyang walang kalaman-laman ang dating tanggapan. Walang natira kahit isang makinilya! “Muling pinasimulan ang gawain ng Panginoon nang walang anumang gamit,” ang sabi ng ulat. Bukod sa pag-oorganisa sa gawain, sinikap ng mga kapatid na legal silang mairehistro, at di-nagtagal ay nagbunga ang kanilang mga pagsisikap. Noong Hulyo 11, 1945, nairehistro ang Asosasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Romania.

Ang hakbang na ito ang nagpabilis sa pag-oorganisa ng pangmadlang mga pagtitipon, asamblea, at paggawa ng mga literatura, na muling nagpasigla sa gawain at nakatulong upang mapawi sa kalakhang bahagi ang naging kalituhan at kawalan ng pagkakaisa. Tunay nga, noong unang taon matapos ang digmaan, nakagawa ang mga kapatid ng halos 870,000 buklet at mahigit 85,500 kopya ng Ang Bantayan​—sa kabila ng kakulangan ng papel sa bansa! At 1,630 katao ang nabautismuhan.

Nagpapatotoo na sa madla ang mga kapatid bago pa man nila nakuha ang legal na pagkilala sa gawain. Nagsaayos din sila ng mga pagpupulong at pantanging mga pahayag pangmadla. Hinggil sa mga Saksi sa Lalawigan ng Maramureş, sinabi ng isang nakasaksi: “Umaatras pa lamang ang mga hukbo ay nagtitipon na ang mga kapatid. Makikita mo silang dumarating mula sa mga nayon sa rehiyon nang walang bakas ng takot. Kapana-panabik na panahon iyon. Naglakad ang ilan nang 80 kilometro para makadalo, at sila ay nag-aawitan at nagpapatotoo sa daan habang naglalakbay. Tuwing Linggo, ipinatatalastas ng tsirman kung saan magtitipon sa susunod na Linggo.”

Iniaanunsiyo at inihaharap ang mga pahayag pangmadla sa mga bayan at mga nayon na iilan lamang ang Saksi o wala pa nga. Bago maghatinggabi, nagsisimula ang mga kapatid na maglakad nang hanggang 100 kilometro patungo sa mga lugar na ito, na kadalasan ay nakayapak dahil mahal ang sapatos. Siyempre, dala nila ang kanilang mga sapatos pero isinasakbat nila ang mga ito. Saka lamang nila isinusuot ang kanilang mga sapatos kapag napakasama ng lagay ng panahon​—halimbawa, kung napakalamig. Isang araw bago ang pagpupulong, nag-aalok ang mga kapatid ng mga literatura sa madla, ipinatatalastas ang pamagat ng lektyur, at inaanyayahan ang mga tao na dumalo. Pagkatapos ng pahayag, umuuwi na ang mga kapatid.

Sa Baia-Mare, Cluj-Napoca, Tirgu-Mures, at Ocna Mureş, ginanap ng mga kapatid ang maraming asamblea na dinaluhan ng daan-daang Saksi at interesadong mga tao. Isang tampok na bahagi ng pagtitipon sa Baia-Mare noong Hunyo 1945 ang bautismo, na ginanap sampung kilometro sa labas ng bayan. Pagkatapos ng pahayag na idinaos sa hardin ng isang kapatid, ang 118 kandidato ay inilubog sa Ilog Lăpuşul, na umaagos sa tabi ng hardin. Hindi malilimutan ang bautismong ito na ginanap sa isang napakagandang tagpo.

Sa Tirgu-​Mures, umupa ang mga kapatid ng isang teatro na makapaglalaman ng 3,000 katao. Isang araw bago ang asamblea, nagdatingan ang mga delegado sakay ng tren, karwahe na hila ng kabayo, bisikleta, at naglakad naman ang iba. Kaagad na nangaral ang ilan at nag-imbita ng mga tao para dumalo sa pahayag pangmadla, na tumatalakay sa arka ni Noe. Nang makita ng mga kapatid sa buong bayan ang mga plakard na may magagandang letra na nag-aanunsiyo sa pahayag, marami ang napaluha sa kagalakan. Hindi nila sukat akalain na mararanasan nila ang gayong kalayaan sa pangangaral ng mabuting balita!

Mayamang pinagpala ang pagpapagal ng mga kapatid​—napakaraming dumalo kung kaya’t dalawang laud-ispiker ang kinailangang ikabit sa labas ng teatro para sa mga tagapakinig na hindi na makapasok. Bilang resulta, maraming kapitbahay ang nakapakinig ng programa mula sa kanilang mga bintana. Inanyayahan ang mga opisyal ng lunsod at iba pang prominenteng indibiduwal upang personal nilang makita at marinig ang mga Saksi ni Jehova. Nakagugulat na naokupa nila ang lahat ng upuang inireserba para sa kanila. Sumali rin sila sa pag-awit.

Kauna-unahang Pambansang Kombensiyon

Noong dulo ng sanlinggo ng Setyembre 28 at 29, 1946, idinaos ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang kauna-unahang pambansang kombensiyon sa Romania. Ginanap ito sa Mga Arena ng mga Romano (Arenele Romane) sa Bucharest. Pumayag ang kompanya ng tren sa Romania na maglaan ng espesyal na tren gayundin ng 50 porsiyentong diskuwento sa pamasahe! Mahigit na sanlibong delegado ang dinala ng tren sa kabisera mula sa ilan sa pinakamalalayong bahagi ng bansa. Marami ang nagdala ng mga plakard, na lubhang nakapukaw ng pansin habang naglalakbay. Gayunman, sa kanilang paglalakbay, nagkaroon ng problema.

Nabalitaan ng klero ang kombensiyon at sinikap na pahintuin ang tren. Noong Biyernes bago ang kombensiyon, nagsimulang magtipon sa istasyon ng tren ang mga Saksing tagaroon sa ganap na 9:00 n.u., upang salubungin ang kanilang mga kapatid na inaasahang darating nang mga oras na iyon. Matiyaga silang naghintay hanggang 6:00 n.g., nang sa wakas ay dumating ang tren sa istasyon. Hindi mailarawan ang pananabik ng mga kapatid nang magyakapan ang mga bisita at mga punong-abala. Naroroon ang armadong mga pulis upang mapanatili ang kaayusan, ngunit wala naman silang kinailangang gawin.

Winasak ng digmaan ang kalakhang bahagi ng Bucharest, pati na ang mga 12,000 bahay, kaya limitado ang matutuluyan. Ngunit mapamaraan ang mga kapatid. Upang makapaglaan ng karagdagang mga “higaan,” bumili sila ng gabundok na dayami at inilatag ito sa bakuran ng isang kapatid na nakatira sa karatig-pook na tinatawag na Berceni. Dahil di-pangkaraniwan ang init ng panahon sa katapusan ng Setyembre, maginhawang nakatulog ang pami-pamilyang kombensiyonista kasama ang kanilang mga anak sa higaang gawa sa dayami sa ilalim ng mabituing kalangitan. Sa ngayon, nakatayo sa mismong lugar na iyon ang isang maganda at bagong Kingdom Hall.

Tuwang-tuwa ang 3,400 dumalo sa kombensiyon noong Sabado ng umaga nang marinig nila na muling ilalathala Ang Bantayan nang makalawa sa isang buwan sa wikang Romaniano at Hungaryo. Sa katunayan, isang libong kopya ng unang edisyon ang ipinamahagi sa mga kapatid nang umagang iyon. Sa loob ng ilang panahon, naglaman ang magasin ng apat na araling artikulo upang makasabay ang mga kapatid sa impormasyong hindi nila napag-aralan noong panahon ng digmaan.

Inilaan ang Linggo ng umaga para sa pagpapatotoo. Makikita sa lahat ng dako ang mga grupo ng mga mamamahayag na nag-aanunsiyo hinggil sa pahayag pangmadla. Makikita sa kanilang mga plakard ang larawan ng isang martilyo, isang espada, at isang palihan. Ganito ang nakasulat: “ ‘Mga Tabak na Naging mga Sudsod’​—Kinasihan ng Diyos ang mga Salitang Ito. Isinulat ang mga Ito ng Dalawang Propeta. Ngunit Sino ang Magsasagawa ng mga Ito?” Ang mga mamamahayag ay namahagi ng mga imbitasyon at nag-alok ng mga magasin, na dala nila sa puting telang bag na may istrap at may nakatatak na “Mga Saksi ni Jehova” o “Mga Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos” o “Mga Tagapaghayag ng Teokrasya.”

Nang hapong iyon, sinimulan ni Martin Magyarosi ang pahayag pangmadla, na sinasabi: “Sa araw na ito, isang komperensiya ng kapayapaan ng pangunahing mga kapangyarihan ang ginaganap sa Paris. Dito, sa ating kombensiyon, 15,000 ang dumalo. Kung kakapkapan ninyo ang bawat Saksi ni Jehova na naririto, wala kayong makikitang tabak o baril. Bakit? Dahil ginawa na nating sudsod ang ating mga tabak!” Palibhasa’y nakikita sa lahat ng dako ang kahila-hilakbot na resulta ng digmaan, ang pahayag na iyon ay mapuwersa at napapanahon.

Dumalo nang Linggong iyon ang attorney general, isang kalihim ng Ministro ng Ugnayang Panloob, ilang opisyal ng pulis, at isang grupo ng mga paring Ortodokso. Parehong inaasahan ng mga kapatid at ng mga opisyal na manggugulo ang mga pari, na nagbantang gagawin nila ito. Ngunit isa lamang ang nagtangkang humadlang sa programa. Nang makita siya ng mga kapatid na naglalakad patungo sa plataporma habang nagaganap ang pahayag pangmadla, sinalubong nila siya, hinawakan siyang mabuti sa mga braso, at inakay pabalik sa upuan. “Hindi kailangang magsalita ang isang paring Ortodokso sa asambleang ito,” ang ibinulong nila sa kaniya, “pero puwedeng-puwede kang maupo at makinig.” Hindi na niya tinangkang gawin ulit iyon. Nang maglaon, sinabi ng attorney general na nasiyahan siya sa mga pahayag at humanga sa pagiging organisado ng mga Saksi ni Jehova.

Sa pagbabalik-tanaw sa kombensiyong iyon, isang kapatid ang sumulat nang dakong huli: “Bigung-bigo ang sabuwatan ng mga kaaway, at umuwi ang mga kapatid na lipos ng kagalakan.” Nakapagpapatibay rin ang ipinakita nilang panibagong espiritu ng kapayapaan at pagkakaisa dahil marami sa mga dumalo sa kombensiyong iyon ang may mga pag-aalinlangan dulot ng pagkakabaha-bahagi na naganap noong digmaan.

Samantala, hindi maganda ang nangyari sa mga klero sapagkat sa maraming lugar, hindi na nila maasahan ang sekular na mga awtoridad na sundin ang gusto nila may kaugnayan sa mga Saksi ni Jehova. Siyempre pa, hindi ito nakapigil sa kanila sa pagtuligsa sa mga kapatid mula sa pulpito. Gayunman, higit pa ang ginawa ng ilang pari anupat nangalap sila ng mga gang ng mga sanggano para bugbugin ang mga mamamahayag ng Kaharian​—lalaki at babae​—kapag nakita nila silang nangangaral. Minsan, pinagpapalo ng asawa ng isang paring Ortodokso ang isang payunir na sister sa pamamagitan ng kahoy hanggang sa mabali ito! “Marami kaming isinampang kaso laban sa gayong mga klerigo,” ang sabi ng isang ulat noong panahong iyon.

Higit Pang Pagsisikap Upang Maibalik ang Pagkakaisa

Noong 1947, dalawang buwang namalagi sa Romania si Alfred Rütimann, na nagmula sa sangay sa Switzerland. Ang plano sana noon ay magdaos ng isang kombensiyon at pasamahin kay Brother Rütimann si Hayden C. Covington, na nagmula sa punong tanggapan. Gayunman, hindi pinayagan ng mga awtoridad ang mga kapatid na magdaos ng kombensiyon, at tumanggi silang bigyan ng visa si Brother Covington. Pero binigyan nila si Alfred Rütimann ng dalawang-buwang visa, kung kaya nagamit niya sa ito sa buwan ng Agosto at Setyembre sa Romania.

Ang una niyang pinuntahan ay ang Bucharest, kung saan sinalubong siya sa paliparan ng isang grupo ng nakangiting mga kapatid na may dalang isang magandang pumpon ng mga bulaklak, na siyang tradisyonal na paraan ng pagsalubong sa bisita. Siya ay dinala nila sa tanggapan sa Bucharest sa 38 Alion Street, na bahay ng isang interesadong lalaki. Inilipat doon ang tanggapan noong Enero 1947. Gayunman, dahil sa tumitinding banta ng gobyernong Komunista, pinanatili ng mga kapatid ang tanggapan sa 38 Basarabia Street bilang kanilang opisyal na adres. Nabili ito noong Hulyo 1945, at mayroon itong isang lumang mesa at isang sopa, isang sirang makinilya, at isang kabinet na puno ng naninilaw na buklet at magasin​—na makumpiska mang lahat ay hindi makahahadlang sa gawain. Paminsan-minsan, isang sister ang nagtatrabaho roon.

Nakipagkita si Brother Rütimann kay Pamfil Albu, presidente ng legal na korporasyon, at kay Martin Magyarosi, na nangasiwa noon sa gawain sa bansa. Ang dalawang kapatid na ito ay naglingkod din bilang mga tagapangasiwa ng distrito. Matagal nang limitado ang komunikasyon, kaya tuwang-tuwa ang mga kapatid sa Romania na mabalitaan ang mga pagbabagong naganap noon sa organisasyon ni Jehova, gaya ng pagpapasimula ng Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo sa mga kongregasyon at ng Paaralang Gilead upang sanayin ang mga misyonero. Natural lamang, ang lahat ay sabik sa pagpapasimula ng Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo sa Romania. Sa katunayan, kaagad na isinaayos ng mga kapatid na ilimbag nang paunti-unti ang 90 aralin sa aklat-aralin na Theocratic Aid to Kingdom Publishers, kapuwa sa wikang Romaniano at Hungaryo.

Gayunman, ang pangunahing tunguhin ni Brother Rütimann ay dalawin ang mas maraming kongregasyon at mga grupo hangga’t maaari upang ibahagi sa kanila ang pangunahing mga pahayag na dapat sana ay narinig nila sa kombensiyon. Kaya naman, sila ni Brother Magyarosi, na nagsilbing interprete, ay nagpasimula sa dalawang-yugtong paglalakbay sa mga lugar kung saan matibay ang pagkakatatag ng katotohanan, pasimula sa Transylvania.

Sa Transylvania at sa Iba Pang Lugar

Gaya sa maraming lugar, ang mga mamamahayag sa Transylvania ay nagsikap nang husto upang madaluhan ang pantanging mga pagpupulong. At handa silang magpuyat dahil gipit ang iskedyul ng dalawang bumibisita. Halimbawa, sa nayon ng Vama Buzăului, ang programa ay ginanap mula 10:00 n.g. hanggang 2:00 n.u.​—nang walang anumang reklamo mula sa 75 dumalo.

“Iba ang pangmalas ng mga tao rito hinggil sa oras,” ang isinulat nang maglaon ni Alfred Rütimann. “Ayos lang sa kanila ang gumising ng 2:00 n.u. o 3:00 n.u. para sa mga bisita, at hindi sila gaanong nababahala sa oras di-tulad natin! Bagaman naglalakad lamang sila​—at kung minsan ay naglalakad nang malayo na nakayapak lamang​—waring mas marami silang oras kaysa sa atin at hindi sila gaanong nababahala. Noong una, inisip ko na di-praktikal ang magsaayos ng pagpupulong nang gabing-gabing na, pero tiniyak sa akin ni Brother Magyarosi na ayos lang iyon.”

Ang sumunod naming pinuntahan ay ang Tirgu-​Mures, isang lunsod na may populasyon noon na 31,000. Napinsala rin ito noong digmaan, at halos walang tulay na natira. Gayunman, 700 kapatid mula sa 25 kongregasyon ang naglakbay nang hanggang 50 kilometro papunta pa lamang sa lugar ng pagtitipon​—isang lugar sa gubat na hinawan at malapit sa lunsod.

Nagtungo rin ang mga kapatid sa Cluj-Napoca, kung saan 300 ang nagtipon, na kumakatawan sa 48 kongregasyon. Habang nasa lunsod, ipinakita ni Brother Magyarosi kay Brother Rütimann ang palimbagan na kinumpiska noong 1928 dahil kay Jacob Sima. Ano na ang nangyari sa kaniya? “Namatay siya noong nakaraang taon,” ang isinulat ni Brother Rütimann sa kaniyang report. “Naging lasenggo siya.”

Kabilang sa sumunod nilang pinuntahan ang Satu-​Mare at Sighet Marmaţiei, malapit sa Ukraine. Ang rehiyon ay may mahigit na 40 kongregasyon na gumagamit ng wikang Romaniano, Hungaryo, at Ukrainiano. Hindi masyadong kailangan ng mga magsasaka roon at mga taganayon ang tulong mula sa ibang lugar. May sarili silang mga pananim na mapagkukunan ng pagkain gayundin ng lino at abaka at mayroon silang mga alagang hayop, partikular na ang tupa. Sila rin ang gumagawa ng kanilang mga kasuutan at mga kumot at nagpoproseso ng kanilang katad. Ang sapatero ng nayon ang gumagawa ng kanilang mga sapatos. Marami sa mga kapatid ang dumalo sa espesyal na mga pagpupulong suot ang kanilang sariling gawa at tradisyonal na mga kasuutan na yari sa burdadong lino at abaka.

Para sa ikalawang yugto ng kanilang paglalakbay, nagtungo sina Brother Rütimann at Brother Magyarosi sa Moldavia, sa hilagang-silangan ng Romania. Ang kanilang unang destinasyon ay ang komunidad ng Frătăuţii, kung saan ang mga kapatid doon, bagaman mahirap, ay namumukod-tangi sa pagiging mapagpatuloy. Sa malamlam na liwanag ng mga lamparang de-langis, pinakain nila ang kanilang mga bisita ng sariwang gatas, tinapay, polenta (parang lugaw), at binalatang nilagang itlog na may lusaw na mantikilya. Kumain ang lahat sa maliliit na mangkok. “Napakasarap ng pagkaing ito,” ang isinulat ni Brother Rütimann. Nang gabing iyon, ang mga kapatid na bumisita ay natulog sa kusina sa mga higaang inilagay malapit sa hurno upang hindi sila ginawin. Ang kanilang mga punong-abala ay natulog naman malapit sa kanila sa mga sako ng dayami.

Ang mga Saksi sa rehiyong ito ay masigasig sa ministeryo at sagana silang pinagpala ni Jehova gaya ng ipinakikita ng ulat. Noong tagsibol ng 1945, mayroong 33 mamamahayag sa lugar na iyon. Ngunit noong 1947, mayroon nang 350​—sampung ulit na pagsulong sa loob lamang ng dalawang taon!

Palibhasa’y nasa lalawigan, sumakay ang dalawang kapatid na ito sa karwaheng hila ng dalawang kabayo sa kanilang sumunod na 120-kilometrong paglalakbay patungo sa Bălcăuţi at Ivăncăuţi. “Ang maliliit ngunit mahuhusay na mga kabayo sa Romania ay maaaring maglakbay sa anumang daan, gaanuman kapangit ito, at sa anumang oras, araw o gabi,” ang isinulat ng isang kapatid. Binuo noong 1945 ang Kongregasyon ng Bălcăuţi na kinabibilangan ng mga mamamahayag na dating kasapi sa isang simbahang ebanghelikal. Dati nilang mangangaral sa simbahan ang naging congregation servant. Ang pagtitipon sa Ivăncăuţi ay ginanap sa bahay ng isang kapatid dahil umuulan noon. Pero kaunting sakripisyo lamang ito para sa 170 dumalo, na ang ilan ay naglakad nang nakayapak nang 30 kilometro upang makarating doon.

Sa kabuuan, ang dalawang kapatid ay nagsalita sa 19 na lugar sa kabuuang bilang na 4,504 na mamamahayag at interesadong tao mula sa 259 na kongregasyon. Pagbalik niya sa Switzerland, nagpahayag din si Alfred Rütimann sa Orăştie at Arad, kung saan ilang kapatid ang naglakad nang 60 hanggang 80 kilometro tungo sa dakong pagtitipunan. Sa katunayan, gayon na lamang ang pagpapahalaga ng isang 60-taóng-​gulang na magsasaka anupat 100 kilometro ang nilakad niya nang nakayapak patungo roon!

Ang espesyal na mga pagtitipong ito, na napakahalagang pangyayari sa kasaysayan ng gawain sa Romania, ay napapanahon, hindi lamang dahil kailangan ng mga kapatid ang pampatibay-loob kundi dahil panahon na para sa espirituwal na pag-aani. Sawa na ang mga Romaniano sa mapaniil na mga tagapamahala at sa kahapisang dulot ng digmaan, at marami ang nawalan na ng tiwala sa relihiyon. Karagdagan pa, dahil sa matinding pagbaba ng halaga ng kanilang salapi, ang leu, noong Agosto 1947, maraming tao ang biglang naghirap. Kaya marami na dating salansang sa mensahe ng Kaharian ang handa na ngayong makinig.

May isa pang dahilan kung bakit napapanahon ang espesyal na mga pagtitipon​—isang bago at mas matinding bagyo ng pag-uusig ang nagbabanta. Dahil sa ateistikong ideolohiya at walang habag at di-mapagparayang mga lider, ang bagyong ito ay mananalasa nang halos apat na dekada!

Namayani ang Komunismo sa Romania

Noong Nobyembre 1946, nang taon bago dumalaw si Alfred Rütimann, namahala na sa Romania ang mga Komunista. Sa loob ng sumunod na ilang taon, inalis ng kanilang partido ang natitirang oposisyon at pinabilis ang proseso upang mapasailalim ang Romania sa kontrol ng mga Sobyet, anupat binago ang kultural at pulitikal na mga institusyon ng Romania upang makapareho ng Unyong Sobyet.

Upang samantalahin ang katahimikan bago ang bagyo, nag-imprenta ang mga kapatid ng daan-daang libong magasin, buklet, at iba pang mga publikasyon, at itinago sa 20 imbakan ng literatura sa buong bansa. Kasabay nito, pinag-ibayo ng marami ang kanilang gawain at ang ilan ay nagsimulang magpayunir, kabilang na sina Mihai Nistor at Vasile Sabadâş.

Si Mihai ay inatasan sa hilagang-kanluran at sa sentro ng Transylvania, kung saan nagpatuloy siyang magpayunir kahit noong tapos na ang pagbabawal ng mga Komunista. Bakit hindi siya nahuli noong panahong iyon kahit matagal na siyang pinaghahanap ng mga kaaway? Inilahad niya: “Gumawa ako ng bag na katulad na katulad ng ginagamit ng mga lalaking nagtitinda ng mga bintana. Nagsusuot ako ng damit-pantrabaho at nagdadala ng mga salamin ng bintana at mga kagamitan kapag naglalakad sa sentro ng mga nayon at mga bayan kung saan inatasan akong mangaral. Kapag may nakikita akong pulis o sinumang kahina-hinala, iniaalok ko sa malakas na tinig ang itinitinda kong mga bintana. Iba’t ibang pamamaraan ang ginamit ng mga kapatid upang hindi mahuli ng mga mananalansang. Kapana-panabik ang gawaing ito ngunit mapanganib​—hindi lamang para sa amin na mga payunir kundi gayundin sa mga pamilya na nagpapatulóy sa amin. Gayunman, tuwang-tuwa kaming makita ang pagsulong ng mga estudyante sa Bibliya at pagdami ng mga mamamahayag.”

Nagpatuloy ring magpayunir si Vasile Sabadâş kahit na kailangan niya palaging magpalipat-lipat ng tirahan. Siya ay partikular nang nakatulong sa paghanap at pag-alalay sa mga kapatid na nangalat dahil sa Securitate, ang pangunahing galamay ng isang malawak na organisasyong panseguridad ng bagong rehimeng Komunista. “Upang hindi maaresto,” ang sabi ni Vasile, “kailangan kong maging maingat at mapamaraan. Halimbawa, kapag naglalakbay patungo sa ibang bahagi ng bansa, lagi akong nag-iisip ng makatuwirang dahilan sa paggawa nito, gaya ng rekomendasyon ng manggagamot na magpaterapi sa isang spa.

“Dahil naiwasan kong mapaghinalaan, nagawa kong makipag-ugnayan sa mga kapatid upang makatanggap sila ng regular na suplay ng espirituwal na pagkain. Ang paborito kong mga teksto ay Isaias 6:8: ‘Narito ako! Isugo mo ako’ at Mateo 6:33: ‘Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian.’ Ang mga talatang ito ay nagbigay sa akin ng kagalakan at lakas upang makapagbata.” Kailangan ni Vasile ang mga katangiang ito, sapagkat sa kabila ng pagiging maingat, siya, gaya rin ng maraming iba pa, ay naaresto nang maglaon.

Marahas na Pagsalakay Laban sa Organisasyon ng Diyos

Pagsapit ng 1948, napakahirap nang sumulat sa pandaigdig na punong-tanggapan, kaya madalas na sumusulat ang mga kapatid sa pamamagitan ng mga postkard gamit ang mga mensaheng sila lamang ang nakauunawa. Noong Mayo 1949, ipinadala ni Martin Magyarosi ang isang mensahe mula kay Petre Ranca, isang kamanggagawa sa tanggapan sa Bucharest. Ganito ang kaniyang sinabi: “Ayos naman ang pamilya. Napakalakas ng hangin at napakalamig dito, kung kaya hindi kami makapagtrabaho sa bukid.” Nang maglaon, isa pang kapatid ang sumulat na “wala sa kalagayan ang pamilya na tumanggap ng anumang minatamis” at na “marami ang may sakit.” Ang ibig niyang sabihin ay hindi puwedeng magpadala ng espirituwal na pagkain sa Romania at maraming kapatid ang nakabilanggo.

Dahil sa ibinabang desisyon ng Ministri ng Katarungan noong Agosto 8, 1949, ang tanggapan at mga tirahan sa Bucharest ay ipinasara, at lahat ng kagamitan, pati na ang personal na mga ari-arian, ay kinumpiska. Nang sumunod na mga taon, daan-daang mga kapatid ang inaresto at sinentensiyahan. Sa ilalim ng pamamahala ng mga Pasista, inakusahan ang mga Saksi ni Jehova na sila raw ay mga Komunista; ngunit nang mamahala ang mga Komunista, binansagan naman ang mga kapatid bilang “mga imperyalista” at “mga tagapagtaguyod ng propaganda ng Amerika.”

Naglipana ang mga espiya at mga impormante. Ang mga hakbang na ginawa ng mga Komunista, ang sabi ng 1953 Yearbook, ay “naging napakatindi na ngayon anupat ang sinumang tumanggap ng liham sa Romania mula sa Kanluran ay inilalagay sa listahan ng pinaghihinalaang mga tao at binabantayang mabuti.” Nagpatuloy ang ulat: “Halos hindi mailarawan ang takot na namamayani roon. Maging ang mga magkakapamilya ay hindi makapagtiwala sa kanila mismong mga kasambahay. Tuluyan nang naglaho ang kalayaan.”

Noong bandang pasimula ng 1950, sina Pamfil at Elena Albu, Petre Ranca, Martin Magyarosi, at maraming iba pa ay inaresto at may-kasinungalingang pinaratangan ng paniniktik para sa Kanluran. Pinahirapan ang ilan upang isiwalat nila ang kompidensiyal na mga detalye at umamin sa kanilang “paniniktik.” Gayunman, ang tanging inamin nila ay sumasamba sila kay Jehova at naglilingkod para sa kapakanan ng kaniyang Kaharian. Pagkatapos ng matitinding pagsubok na ito, ang ilang kapatid ay ibinilanggo at dinala naman ang iba sa mga kampo ng puwersahang pagtatrabaho. Paano nakaapekto sa gawain ang bugsong ito ng pagsalansang? Nang mismong taóng iyon​—1950​—ang Romania ay nagkaroon ng 8 porsiyentong pagsulong sa bilang ng mamamahayag. Kaylaki ngang patotoo ng kapangyarihan ng espiritu ng Diyos!

Si Brother Magyarosi, na halos 70 taóng gulang na noon, ay ipinadala sa bilangguan ng Gherla sa Transylvania, kung saan siya namatay noong magtatapos ang 1951. “Marami at matindi ang kaniyang naging mga pagdurusa alang-alang sa katotohanan,” ang sabi ng ulat, “lalo na mula nang maaresto siya noong Enero 1950. Ngayon ay tapos na ang mga pagdurusang ito.” Oo, sa loob ng halos 20 taon, binatá ni Martin ang mabangis na pagsalakay ng klero, ng mga Pasista, at ng mga Komunista. Ang kaniyang halimbawa ng katapatan ay nagpapaalaala sa atin ng mga salita ni apostol Pablo: “Naipaglaban ko na ang mainam na pakikipaglaban, natakbo ko na ang takbuhin hanggang sa katapusan, natupad ko na ang pananampalataya.” (2 Tim. 4:7) Bagaman hindi nabilanggo, ang kaniyang asawa, si Maria, ay nagpakita rin ng mainam na halimbawa ng pagbabata sa ilalim ng kapighatian. Inilarawan siya ng isang kapatid bilang “isang matalinong kapatid, na lubusang nakatalaga sa gawain ng Panginoon.” Pagkatapos maaresto si Martin, inalagaan si Maria ng mga kamag-anak niya, pati na ng kaniyang ampong anak na babae, si Mărioara, na nabilanggo rin at pinalaya noong taglagas ng 1955.

“Mahuhusay na Tao ang mga Saksi ni Jehova”

Noong 1955, nagbigay ng amnestiya ang gobyerno, kaya napalaya ang karamihan sa mga kapatid. Ngunit pansamantala lamang ang kanilang kalayaan. Mula 1957 hanggang 1964, muling pinaghahanap at inaresto ang mga Saksi ni Jehova at ang ilan ay binigyan ng sentensiyang habambuhay na pagkabilanggo. Gayunman, ang nakabilanggong mga kapatid ay hindi nawalan ng pag-asa, kundi sa halip, pinasigla nila ang isa’t isa na manindigang matatag. Tunay nga, nakilala sila dahil sa kanilang prinsipyo at katapatan. “Mahuhusay na tao ang mga Saksi ni Jehova, at hindi sila sumusuko at hindi nila tinatalikuran ang kanilang relihiyon,” ang naalaala ng isang pulitikal na bilanggo. Idinagdag pa niya na sa naging bilangguan niya, ang mga Saksi ang “pinakaiginagalang na mga bilanggo.”

Isa pang amnestiya ang ipinatalastas noong 1964. Ngunit pansamantala lamang din ito, sapagkat mas marami pang pag-aresto ang naganap mula 1968 hanggang 1974. “Dahil pinalalaganap namin ang Ebanghelyo,” ang isinulat ng isang kapatid, “pinahirapan kami at tinuya. Nakikiusap kami sa inyo na huwag ninyong kalilimutang idalangin ang mga kapatid nating nakabilanggo. Alam namin na ang lahat ng ito ay pagsubok na kailangan naming batahin. Lakas-loob naming ipagpapatuloy ang pangangaral ng mabuting balita gaya ng inihula sa Mateo 24:14. Ngunit muli, taos-puso namin kayong hinihimok na huwag ninyo kaming kalilimutan!” Gaya ng makikita natin, dininig ni Jehova ang taimtim at may-pagluhang mga panalangin ng mga tapat sa kaniya at inaliw niya sila sa iba’t ibang paraan.

Naghasik si Satanas ng Binhi ng Pag-aalinlangan

Sinasalakay ng Diyablo ang mga lingkod ng Diyos hindi lamang mula sa labas kundi gayundin mula sa loob. Halimbawa, ang ilang kapatid na pinalaya noong 1955 at dating may posisyon ng pangangasiwa bago sila maaresto ay hindi ibinalik sa kanilang dating mga pananagutan. Dahil dito, naghinanakit sila at naghasik ng binhi ng di-pagkakasundo. Nakalulungkot na matapos manindigang matatag sa bilangguan, nagpadala sila sa pagmamapuri nang sila ay mapalaya! Upang maiwasan ang parusa, posibleng hindi lamang isang prominenteng kapatid ang nakipagtulungan sa Securitate, na nagdulot ng labis na pinsala sa mga tapat at sa gawaing pangangaral.​—Mat. 24:10.

Kailangan ding harapin ng bayan ng Diyos ang pagkakaiba-iba ng pangmalas pagdating sa mga bagay na may kaugnayan sa budhi. Halimbawa, matapos maaresto, madalas na pinapipili ang mga kapatid kung alin ang mas gusto nila, ang mabilanggo o ang magtrabaho sa mga minahan ng asin. Sinasabi ng ilan na ang mga pumili sa huling nabanggit ay lumabag daw sa mga simulain ng Bibliya. Sinasabi naman ng iba na ang mga sister ay hindi dapat gumamit ng kosmetik at na hindi angkop na manood ng sine o magtungo sa teatro o kahit magkaroon ng radyo.

Ngunit sa kabila nito, hindi kailanman nakalimutan ng mga kapatid ang mahalagang isyu​—ang pangangailangang manatiling tapat sa Diyos. Naging maliwanag ito nang makita sa ulat noong 1958 taon ng paglilingkod na 5,288 ang nakibahagi sa paglilingkod sa larangan​—mas marami nang 1,000 kaysa sa sinundan nitong taon! Gayundin, 8,549 ang dumalo sa Memoryal, at 395 ang nabautismuhan.

Isa pang pagsubok ang nagsimula noong 1962 matapos ipaliwanag ng Ang Bantayan na ang “nakatataas na mga awtoridad” na binanggit sa Roma 13:1 ay ang mga awtoridad sa gobyerno ng tao, at hindi ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo gaya ng inaakala noon. Palibhasa’y labis na nagdusa sa kamay ng malupit na mga tagapamahala, nahirapang tanggapin ng maraming kapatid sa Romania ang bagong pagkaunawa. Sa katunayan, talagang inakala ng ilan na iyon ay isang tusong panlilinlang ng mga Komunista na nilayon upang tuluyan silang magpasakop sa Estado, na taliwas sa simulain na masusumpungan sa Mateo 22:21.

Nakausap ng isang kapatid ang isang kapuwa Saksi na nakarating na sa Berlin, Roma, at iba pang mga lunsod. “Pinatunayan ng manlalakbay na ito,” ang naalaala niya, “na ang bagong pagkaunawa ay, hindi pakana ng mga Komunista, kundi espirituwal na pagkain mula sa uring alipin. Pero nag-atubili pa rin ako. Kaya tinanong ko ang tagapangasiwa ng distrito kung ano ang dapat naming gawin.”

Sumagot siya: “Basta magpatuloy tayo sa gawain​—iyan ang dapat nating gawin!”

“Napakahusay na payo ito, at natutuwa akong sabihin na ako ay ‘nagpapatuloy’ pa rin hanggang sa ngayon.”

Sa kabila ng malalaking hadlang sa komunikasyon, ginawa ng pandaigdig na punong-tanggapan at ng sangay na nangangasiwa sa gawain sa Romania ang lahat ng pagsisikap upang makaalinsabay ang mga kapatid sa isiniwalat na katotohanan at upang tulungan sila na gumawang magkakasama bilang isang nagkakaisang espirituwal na pamilya. Upang magawa ito, sumulat sila ng mga liham at naghanda ng angkop na mga artikulo para sa Kingdom Ministry.

Paano nakaabot ang espirituwal na pagkaing ito sa bayan ni Jehova? Bawat miyembro ng Komite ng Bansa ay may lihim na pakikipagtalastasan sa naglalakbay na mga tagapangasiwa at sa matatanda sa kongregasyon. Ang pakikipagtalastasang ito ay ginagawa sa pamamagitan ng mapagkakatiwalaang mga mensahero, na nagdadala rin ng mga liham at mga ulat patungo sa at mula sa tanggapan sa Switzerland. Kaya sa paanuman, nakakakuha ang mga kapatid ng espirituwal na pagkain at teokratikong tagubilin.

Nagpagal din ang tapat na mga kapatid upang itaguyod ang espiritu ng pagkakaisa sa loob ng kani-kanilang kongregasyon at grupo. Ang isa sa mga ito ay si Iosif Jucan, na madalas na nagsasabi: “Hindi tayo makaaasang makaliligtas sa Armagedon malibang patuloy tayong kumain ng espirituwal na pagkain at laging makipag-ugnayan kay ‘Inay.’ ” Ang tinutukoy niya ay ang laging pakikipag-ugnayan sa makalupang bahagi ng organisasyon ni Jehova. Ang gayong mga kapatid ay pagpapala sa bayan ng Diyos at moog laban sa mga nagsisikap na sirain ang kanilang pagkakaisa.

Mga Taktika ng Kaaway

Sa kanilang pagsisikap na pahinain ang pananampalataya ng mga lingkod ni Jehova o pilitin silang magpasakop, gumamit ang mga Komunista ng mga espiya, traidor, pagpapahirap, may-kasinungalingang propaganda, at banta ng kamatayan. Kabilang sa mga espiya at mga impormante ang mga kapitbahay, katrabaho, apostata, kapamilya, at mga agent ng Securitate. Napasok pa nga ng huling nabanggit ang mga kongregasyon sa pamamagitan ng pagkukunwang interesado sila sa katotohanan at pag-aaral ng mga terminong teokratiko. Malaking pinsala ang nagawa ng “mga bulaang kapatid” na ito at naging dahilan ng maraming pag-aresto. Ang isa sa kanila, si Savu Gabor, ay nagkaroon pa nga ng mahalagang pananagutan. Nabunyag siya noong 1969.​—Gal. 2:4.

Tiniktikan din ng mga agent ng gobyerno ang mga indibiduwal at mga pamilya sa pamamagitan ng nakatagong mga mikropono. Ganito ang sabi ni Timotei Lazăr: “Habang nakabilanggo ako dahil sa aking Kristiyanong neutralidad, laging ipinatatawag ng Securitate ang aking mga magulang at nakababatang kapatid na lalaki sa kanilang punong-himpilan kung saan sila pinagtatatanong nang hanggang anim na oras sa bawat pagkakataon. Minsan, nilagyan nila ng nakatagong mikropono ang bahay namin. Nang gabing iyon, napansin ng kapatid ko, na isang elektrisyan, na di-pangkaraniwan ang bilis ng ikot ng kontador ng kuryente. Nagsiyasat siya sa bahay at natuklasan ang dalawang aparato na ginagamit upang tiktikan ang usapan ng iba, na kinunan muna niya ng larawan bago inalis ito. Kinabukasan, dumating ang mga agent ng Securitate at hiniling na ibalik ang kanilang mga laruan, gaya ng tawag nila sa mga ito.”

Madalas na makikita ang may-kasinungalingang propaganda sa mga artikulong dati nang nailathala sa ibang Komunistang lupain. Halimbawa, ang artikulong “Ang Sektang Jehovist at ang Pagiging Radikal Nito” ay kinuha mula sa isang diyaryong Ruso. Inakusahan ng artikulo ang mga Saksi ni Jehova na nagtataglay “ng mga katangian ng isang tipikal na pulitikal na organisasyon” na ang tunguhin ay “magsagawa ng subersibong gawain sa mga bansang Sosyalista.” Hinihimok din nito ang mga mambabasa na iulat ang sinumang nagtataguyod ng mga turo ng mga Saksi. Gayunman, sa palaisip na mga tao, ang pulitikal na propagandang ito ay isang di-tuwirang pag-amin na nabigo ang mga mananalansang, sapagkat ipinatalastas nito sa lahat na ang mga Saksi ni Jehova ay buháy na buháy pa rin at hindi nananahimik.

Kapag nahuli ng mga agent ng Securitate ang isang kapatid, labis-labis ang kanilang kalupitan at eksperto sila sa paggawa nito. Para mapagsalita nila ang kanilang mga biktima, gumagamit pa nga sila ng mga kemikal na nakaaapekto sa isip at sistema ng nerbiyo. Ganito ang inilahad ni Samoilă Bărăian, na naging biktima ng gayong pang-aabuso: “Nang sinimulan nila akong pagtatanungin, sapilitan nila akong pinainom ng droga, na mas nakapipinsala kaysa sa mga pambubugbog. Di-nagtagal ay napansin kong may kakaibang nangyayari sa akin. Hindi na ako makapaglakad nang tuwid at makaakyat sa hagdan. Pagkatapos ay nagkaroon ako ng malubhang insomniya. Hindi ako makapagtuon ng pansin at naging utal ako.

“Lumala nang lumala ang aking pisikal na kalagayan. Pagkalipas ng isang buwan o higit pa, nawalan ako ng panlasa. Hindi na gumagana ang aking sistema ng panunaw, at pakiramdam ko ay nakakalas na ang mga kasukasuan ko. Napakatindi ng kirot na nadarama ko. Labis-labis ang pagpapawis ng mga paa ko kung kaya nasira ang sapatos ko sa loob lamang ng dalawang buwan, at kailangan ko nang itapon ang mga ito. ‘Bakit ayaw mo pa ring magsabi ng totoo?’ ang sigaw sa akin ng nagsasagawa ng interogasyon. ‘Hindi mo ba nakikita kung ano na ang nangyayari sa iyo?’ Gusto kong magwala sa galit kung kaya kinailangan ko ang matinding pagpipigil sa sarili.” Nang maglaon, lubusang gumaling si Brother Bărăian mula sa mahirap na karanasang ito.

Gumamit din ang Securitate ng pagpapahirap sa isip, gaya ng naalaala ni Alexa Boiciuc: “Ang pinakamahirap na gabi para sa akin ay noong gisingin nila ako at dalhin sa isang bulwagan kung saan naririnig ko ang isang brother na binubugbog. Nang maglaon ay narinig ko naman ang isang sister na umiiyak, at pagkatapos ay narinig ko ang tinig ng aking ina. Mas gusto ko pang mabugbog kaysa sa batahin ang mga bagay na ito.”

Sinabi sa mga kapatid na bibigyan sila ng amnestiya kung ibubunyag nila ang pangalan ng iba pang mga Saksi gayundin ang mga lokasyon at mga oras ng pagpupulong. Inudyukan ang mga asawang babae na iwan na ang kanilang nakabilanggong asawa upang magkaroon ng mas magandang kinabukasan ang kanilang mga anak.

Dahil kinuha ng Estado ang kanilang ari-arian, maraming kapatid ang napilitang magtrabaho sa mga bukiring pinangangasiwaan ng gobyerno. Hindi naman ganoon kahirap ang trabaho, pero kailangang dumalo ang mga lalaki sa pulitikal na mga pagtitipon, na madalas na idinaraos. Ang mga hindi dumadalo ay tinutuya, at halos hindi sila sinusuwelduhan. Natural lamang, ang ganitong mga situwasyon ay nagpahirap sa mga Saksi ni Jehova, na hindi makikibahagi sa anumang pulitikal na mga pagtitipon o gawain.

Kapag sinasalakay ang bahay ng mga Saksi, kinukuha rin ng mga agent ng gobyerno ang personal na mga ari-arian, lalo na ang mga bagay na puwedeng ipagbili. At sa kasagsagan ng taglamig, madalas nilang sinisira ang mga lutuan, ang tanging pinagmumulan ng init sa mga tahanan. Bakit ganito sila kalupit? Dahil ang mga lutuan daw, sabi nila, ay magandang taguan ng mga literatura. Magkagayunman, hindi mapatahimik ang mga kapatid. Gaya ng makikita natin, maging ang mga nagbata ng mga pang-aabuso at pagkakait sa kanilang mga pangangailangan sa mga kampo ng puwersahang pagtatrabaho at mga bilangguan ay nagpatuloy sa pagpapatotoo kay Jehova at sa pag-aliw sa isa’t isa.

Pagpuri kay Jehova sa mga Kampo at mga Bilangguan

Bukod sa mga bilangguan, ang Romania ay may tatlong malalaking kampo ng puwersahang pagtatrabaho. Ang isa ay nasa Delta ng Danube, at isa pa ay nasa Great Island ng Braila, at ang ikatlo ay nasa kanal na nag-uugnay sa Danube at Dagat na Itim. Mula pa sa pasimula ng panahon ng Komunismo, madalas na nabibilanggo kasama ng mga Saksi ang dating mga mang-uusig, na inaresto dahil sa kanilang kaugnayan sa dating rehimen. Nabilanggo pa nga ang isang tagapangasiwa ng sirkito kasama ng 20 pari! Siyempre pa, dahil sa bihag na mga tagapakinig na ito, nagkaroon ng maraming kapana-panabik na mga talakayan.

Halimbawa, sa isang bilangguan ay nagkaroon ng mahabang pag-uusap ang isang kapatid at isang propesor ng teolohiya na dating sumusuri sa mga kandidato sa pagpapari. Di-nagtagal at natuklasan ng kapatid na halos walang alam sa Bibliya ang propesor. Kabilang sa mga bilanggong nakikinig ang isang heneral sa hukbo ng napatalsik na rehimen.

“Paano nangyari,” ang tanong ng heneral sa propesor, “na mas kabisado pa ng simpleng mga manggagawa ang Bibliya kaysa sa iyo?”

Sumagot ang propesor: “Sa mga seminaryo, ang itinuturo sa amin ay tradisyon ng simbahan at kaugnay na mga bagay, hindi ang Bibliya.”

Nadismaya ang heneral. “Nagtiwala kami sa inyong kaalaman,” ang sabi niya, “pero nakita ko na ngayon na nakakaawa kami dahil nalinlang kami.”

Nang maglaon, ilang bilanggo ang sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan at inialay ang kanilang buhay kay Jehova, kabilang na ang isang lalaki na nasentensiyahan ng 75 taon dahil sa pagnanakaw. Sa katunayan, napakalaki ng naging pagbabago sa personalidad ng indibiduwal na ito kung kaya napansin siya ng mga awtoridad sa bilangguan. Kaya binigyan nila siya ng isang bagong trabaho na hindi karaniwang ibinibigay sa isang tao na nabilanggo dahil sa pagnanakaw. Nagpupunta siya sa bayan nang walang kasamang guwardiya at bumibili ng mga suplay na kailangan sa bilangguan!

Sa kabila nito, ang buhay sa bilangguan ay malupit, at kakaunti ang pagkain. Hinihiling pa nga ng mga bilanggo na huwag nang balatan ang kanilang mga patatas upang madagdagan nang kaunti ang kanilang pagkain. Kumakain din sila ng mga beet, damo, dahon, at iba pang halaman, para lamang mabusog. Sa kalaunan, may ilang namatay dahil sa malnutrisyon, at ang lahat ay may disintirya.

Sa tag-araw ang mga kapatid na nasa Delta ng Danube ay nagpapala at naghahakot ng lupa para sa itinatayong dam. Sa taglamig ay nagpuputol sila ng tambo habang nakatayo sa ibabaw ng yelo. Natutulog sila sa isang lumang bangkang bakal, kung saan tinitiis nila ang lamig, dumi, kuto, at malulupit na guwardiya na walang damdamin kahit mamatay pa ang isang bilanggo. Subalit anuman ang kanilang kalagayan, nagpapatibayan at nagtutulungan ang mga kapatid upang manatiling malakas sa espirituwal. Isaalang-alang ang karanasan ni Dionisie Vârciu.

Bago palayain si Dionisie, isang opisyal ang nagtanong sa kaniya: “Nagtagumpay ba ang bilangguan sa pagsisikap na baguhin ang iyong pananampalataya, Vârciu?”

“Pasensiya na kayo,” ang sagot ni Dionisie, “pero ipagpapalit ba ninyo ang isang de-kalidad na kasuutan sa mas mababang klase?”

“Hindi,” ang sagot ng opisyal.

“Buweno,” ang pagpapatuloy ni Dionisie, “noong nakabilanggo ako, walang sinuman ang nakapag-alok sa akin ng anumang nakahihigit sa aking pananampalataya. Kaya bakit ko papalitan ito?”

Pagkasabi nito, kinamayan ng opisyal si Dionisie at sinabi: “Malaya ka na, Vârciu. Huwag mong iiwan ang iyong pananampalataya.”

Ang mga kapatid na gaya ni Dionisie ay hindi ekstraordinaryong mga tao. Ang kanilang tibay ng loob at espirituwal na lakas ay nagmula sa pananampalataya nila kay Jehova, at ang pananampalatayang ito ay pinanatili nilang buháy sa kamangha-manghang mga paraan.​—Kaw. 3:5, 6; Fil. 4:13.

Pag-aaral Mula sa Memorya

“Ang panahong ginugol ko sa bilangguan ay panahon ng teokratikong pagsasanay,” ang naguguniguni ni András Molnos. Bakit naman niya nasabi ang gayon? Dahil nakita niya ang kahalagahan ng pagtitipon kasama ng kaniyang mga kapatid bawat linggo upang pag-aralan ang Salita ng Diyos. “Madalas,” ang sabi ni András, “ang impormasyon ay wala sa papel kundi nasa isip. Inaalaala ng mga kapatid ang mga artikulo ng Bantayan na kanilang napag-aralan bago sila mabilanggo. Naalaala pa nga ng ilang kapatid ang nilalaman ng isang buong magasin​—lakip na ang mga tanong sa mga araling artikulo!” Sa ilang kalagayan, ang di-pangkaraniwang kakayahang ito na magmemorya ay maaaring resulta ng manu-manong pagkopya ng espirituwal na pagkain, na ginawa ng ilang bilanggo bago sila naaresto.​—Tingnan ang kahong “Mga Pamamaraan sa Pagkopya,” sa pahina 132-3.

Kapag nagpaplano ng Kristiyanong mga pagpupulong, ipinatatalastas ng responsableng mga kapatid ang paksang tatalakayin, at sinisikap na alalahanin ng bawat bilanggo ang lahat ng natatandaan niya hinggil sa paksang iyon, mula sa mga teksto sa Kasulatan hanggang sa mga puntong natutuhan niya noon mula sa Kristiyanong mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya. Sa dakong huli, nagtitipon ang lahat upang talakayin ang materyal. Sa pagpupulong, pumipili sila ng isang konduktor, at pagkatapos ng pambukas na panalangin, siya ang nangunguna sa pagtalakay sa pamamagitan ng pagbabangon ng angkop na mga tanong. Kapag nakapagkomento na ang lahat, siya naman ang nagkokomento at pagkatapos ay lilipat na sila sa susunod na punto.

Sa ilang bilangguan, ipinagbabawal ang panggrupong pagtalakay. Ngunit walang limitasyon ang pagkamalikhain ng mga kapatid. Nagunita ng isang kapatid: “Inaalis namin noon ang salamin ng bintana ng banyo at pinapahiran ito ng pinaghalong mamasa-masang sabon at apog na kinayod namin mula sa pader. Kapag natuyo, ang salamin na ito ay nagsisilbing sulatan, kaya naisusulat namin ang aralin para sa araw na iyon. Pabulong na idinidikta ng isang kapatid ang mga salita habang isinusulat naman ito ng isa pa sa sulatan.

“Nasa iba’t ibang selda kami, na naging mga grupo ng pag-aaral. Bawat aralin ay ipinapasa sa bawat kapatid sa seldang iyon. Dahil isang selda lamang ang may hawak sa sulatan, tinatanggap ng mga kapatid sa iba pang selda ang impormasyon sa pamamagitan ng Morse code. Paano? Sa pinakamarahang paraan hangga’t maaari, tinatapik ng isa sa amin ang dingding o ang tubo ng mainit na singaw upang idikta ang artikulo. Kasabay nito, idinidikit ng mga kapatid na nasa ibang mga selda ang kanilang tasa sa dingding o sa tubo, at idinidikit naman ng bawat isa ang kanilang tainga sa tasa nila, na nagsisilbing aparato sa pakikinig. Siyempre pa, ang mga hindi nakaaalam ng Morse code ay kailangang mag-aral nito.”

Sa ilang bilangguan, nakatatanggap ang mga kapatid ng sariwang espirituwal na pagkain mula sa labas sa pamamagitan din ng malikhain at matalinong mga sister. Halimbawa, kapag nagluluto ng tinapay, itinatago ng mga sister ang literatura sa loob ng masa. Binansagan ng mga kapatid ang pagkaing ito na tinapay mula sa langit. Naipupuslit pa nga ng mga sister papasok sa bilangguan ang mga bahagi ng Bibliya sa pamamagitan ng pagtutupi sa mga pahina sa maliliit na piraso, pagsisingit nito sa loob ng maliliit na bolang plastik, at saka nila babalutan ang mga bola ng pinaghalong mamasa-masang tsokolate at pulbos na kakaw.

Gayunman, may disbentaha ang kaayusang ito dahil kailangang gawin ng mga kapatid ang pagbabasa sa palikuran, ang tanging lugar na puwede silang mag-isa sa loob ng ilang minuto nang hindi binabantayan ng mga guwardiya. Kapag natapos na ang kapatid, itatago niya ang nakalimbag na materyal sa likod ng tangke ng tubig. Alam din ng di-Saksing mga bilanggo ang taguang ito, at marami ang nasiyahan sa tahimik na panahon ng pagbabasa.

Nanatiling Tapat ang mga Babae at mga Bata

Ang magkapatid na Viorica at Aurica Filip ay pinag-usig ng kanilang pamilya, gaya ng naranasan ng maraming iba pang Saksi. Sina Viorica at Aurica ay may pitong kapatid na lalaki at isang kapatid na babae. Naalaala ni Viorica: “Dahil sa kaniyang pagnanais na paglingkuran si Jehova, kinailangang huminto si Ate Aurica sa pag-aaral sa unibersidad sa Cluj-​Napoca noong 1973, at nabautismuhan siya di-nagtagal pagkatapos nito. Nagkainteres ako dahil sa kaniyang kataimtiman at sigasig, kung kaya sinimulan kong suriin ang Salita ng Diyos. Nang malaman ko ang pangako ng Diyos na buhay na walang hanggan sa isang paraisong lupa, naisip ko, ‘May gaganda pa ba riyan?’ Habang sumusulong ako sa aking pag-aaral, ikinapit ko ang mga simulain sa Bibliya na may kaugnayan sa Kristiyanong neutralidad at tumanggi akong maging miyembro ng Partido Komunista.”

Nagpatuloy si Viorica: “Noong 1975, inialay ko ang aking buhay kay Jehova. Umalis din ako sa amin at nakitira sa isang kamag-anak sa lunsod ng Sighet Marmaţiei, kung saan nagtrabaho ako bilang isang guro sa paaralan. Dahil ipinasiya kong huwag sumali sa pulitika, sinabi sa akin ng mga opisyal ng paaralan na tatanggalin na ako sa trabaho sa pagtatapos ng taóng panuruan. Dahil ayaw ng aking pamilya na mangyari iyon, pinag-usig nila kaming magkapatid.”

Kahit ang mga estudyante sa paaralan ay tinatakot din, kung minsan ng mismong Securitate. Bukod sa pisikal at berbal na pang-aabuso, marami ang pinatalsik sa paaralan at kinailangang mag-enrol sa ibang paaralan. Ang iba ay talagang hindi na pinayagang mag-aral. Sinikap pa nga ng mga agent na mangalap ng mga bata para gawing mga espiya!

Ganito ang naalaala ni Daniela Măluţan, na naglilingkod ngayon bilang payunir: “Madalas akong hiyain sa harapan ng aking mga kaklase dahil tumanggi akong sumali sa Unyon ng mga Kabataang Komunista, na isang instrumento sa pagdodoktrina ng pulitika sa mga kabataan. Nang magpasimula ako sa ikasiyam na grado, maraming panggigipit ang ginawa sa akin ng mga agent ng Securitate, gayundin ng mga guro at iba pang kawani ng paaralan na naging mga impormante. Mula 1980 hanggang 1982, halos tuwing ikalawang Miyerkules ay pinagtatatanong ako sa opisina ng prinsipal. Siyanga pala, hindi pinapayagang manatili ang prinsipal para sa mga sesyong ito. Ang nagsasagawa ng interogasyon, na isang koronel sa Securitate, ay kilaláng-kilala ng mga kapatid sa Lalawigan ng Bistriţa-Năsăud dahil sa kaniyang pagkapoot sa amin at sa kaniyang sigasig sa pagtugis sa amin. Nang harapin niya ako, may dala pa nga siyang mga liham na patotoo raw ng pagkakasangkot ng responsableng mga kapatid sa krimen. Gusto niyang pahinain ang aking pagtitiwala sa mga kapatid, upang iwanan ko ang aking pananampalataya, at upang udyukan ako​—isang batang mag-aaral​—na maging espiya para sa Securitate. Bigung-bigo siya sa lahat ng pagsisikap na ito.

“Pero hindi naman masaklap ang lahat ng karanasan ko. Halimbawa, gustong malaman ng aking guro sa kasaysayan, na isang miyembro ng partido, kung bakit napakadalas akong pagtatanungin. Isang araw, sa halip na magturo ng aralin sa kasaysayan, dalawang oras niya akong tinanong hinggil sa aking pananampalataya sa harap ng buong klase. Humanga siya sa aking mga sagot at para sa kaniya ay hindi tama ang ginagawa nilang pagmamalupit sa akin. Pagkatapos ng pag-uusap na ito, iginalang na niya ang ating mga pangmalas at tumanggap pa nga ng mga literatura.

“Gayunman, patuloy akong sinalansang ng mga opisyal ng paaralan. Sa katunayan, pinatalsik nila ako sa paaralan sa pagtatapos ng ikasampung grado. Magkagayunman, nakahanap ako agad ng trabaho at hindi ko kailanman pinagsisisihan ang pananatiling tapat kay Jehova. Tunay nga, pinasasalamatan ko siya na pinalaki ako ng Kristiyanong mga magulang na nanatiling tapat sa kabila ng mga pang-aabuso na dinanas nila sa ilalim ng rehimeng Komunista. Hindi ko nalilimutan ang kanilang mabuting halimbawa hanggang sa ngayon.”

Sinubok ang mga Kabataang Lalaki

Sa kampanya nito laban sa mga Saksi ni Jehova, pantangi nang pinuntirya ng Securitate ang mga kabataang brother dahil sa pananatiling neutral bilang mga Kristiyano. Ang mga ito ay inaresto, ibinilanggo, pinalaya, inarestong muli, at ibinalik sa bilangguan. Ang tunguhin ay pahinain ang kanilang loob. Ang isa sa gayong brother, si József Szabó, ay sinentensiyahan ng apat na taon pagkatapos na pagkatapos ng kaniyang bautismo.

Pagkatapos mabilanggo ng dalawang taon, pinalaya si József noong 1976 at di-nagtagal pagkatapos nito ay nakilala niya ang kaniyang napangasawa. “Naging magkatipan kami at itinakda namin ang petsa ng aming kasal,” ang sabi ni József. “Pagkatapos, muli akong ipinatawag ng Tribunal ng Militar sa Cluj. Haharap ako sa kanila sa mismong araw ng aming kasal! Magkagayunman, itinuloy namin ng aking kasintahan ang kasal, at saka ako humarap sa tribunal. Bagaman iilang minuto pa lamang akong nakakasal, sinentensiyahan ako ng tribunal ng tatlong taon pang pagkabilanggo, at natapos ko ang buong sentensiya. Hindi ko mailarawan kung gaano kasakit ang pagkakahiwalay naming iyon.”

Naalaala ng isa pang kabataang Saksi, si Timotei Lazăr: “Noong 1977, kami ng aking nakababatang kapatid na lalaki ay pinalaya sa bilangguan. Ang kuya namin, na naunang pinalaya isang taon na ang nakalilipas, ay umuwi upang ipagdiwang ang okasyong iyon kasama namin. Pero isang patibong ang pinasok niya​—inaabangan siya ng mga agent ng Securitate. Sapilitan kaming pinaghiwalay sa loob ng dalawang taon, pitong buwan, at 15 araw, at ngayon ay mawawalay na naman sa amin ang kuya namin at ibabalik siya sa bilangguan dahil sa pananatiling neutral bilang Kristiyano. Ang sama-sama ng loob naming magkapatid habang nakatayo roon.”

Pagdiriwang ng Memoryal

Kapag gabi ng Memoryal, pinag-iibayo ng mga mananalansang ang kanilang pagsisikap upang hanapin ang mga Saksi ni Jehova. Pinapasok nila ang mga bahay, nagpapataw ng multa, at nagsasagawa ng pag-aresto. Bilang pag-iingat, nagtitipon ang mga kapatid sa maliliit na grupo​—kung minsan pami-pamilya lamang​—upang alalahanin ang kamatayan ni Jesus.

“Noong gabi ng isa sa mga Memoryal,” ang inilahad ni Teodor Pamfilie, “ang hepe ng pulis ay nakipag-inuman sa mga kaibigan niya hanggang sa gumabi na. Nang paalis na siya para pasukin ang mga bahay ng mga kapatid, hiniling niya sa isang estranghero na may kotse na ihatid siya. Ngunit ayaw umandar ng kotse. Sa wakas, umandar ang makina, at nagtungo sila sa bahay namin, kung saan ang maliit na grupo namin ay nagdiriwang ng Memoryal. Gayunman, dahil tinakpan naming mabuti ang lahat ng bintana, nakita nilang madilim ang bahay namin at inakalang walang tao. Kaya nagtungo sila sa ibang bahay. Pero tapos na ang Memoryal doon, at nakauwi na ang lahat.

“Samantala, tinapos namin ang aming programa, at dali-daling umalis ang mga kapatid. Kami na lamang ng kuya ko ang naiwan nang biglang pumasok ang dalawang pulis at nagtanong: ‘Ano ang nangyayari rito?’

“ ‘Wala po,’ ang sabi ko. ‘Nag-uusap lang kaming magkapatid.’

“ ‘Alam naming may ginanap na pagpupulong dito,’ ang sabi ng isa sa mga lalaki. ‘Nasaan ang iba?’ Habang nakatingin sa kapatid ko, idinagdag pa niya: ‘At ano ang ginagawa mo rito?’

“ ‘Dinalaw ko po siya,’ ang sagot niya, sabay turo sa akin. Dahil bigo, pagalit na umalis ang mga pulis. Kinabukasan nalaman namin na sa kabila ng kanilang sigasig, walang isa man na naaresto ang mga pulis!”

Nanawagan ang Pandaigdig na Punong Tanggapan sa mga Opisyal ng Romania

Dahil sa malupit na pakikitungo sa mga Saksi ni Jehova, sumulat ang punong-tanggapan ng apat-na-pahinang liham noong Marso 1970 sa embahador ng Romania sa Estados Unidos at isang anim-na-pahinang liham noong Hunyo 1971 sa presidente ng Romania, si Nicolae Ceauşescu. Sa kanilang liham sa embahador, sinabi ng mga kapatid na “dahil sa Kristiyanong pag-ibig sa aming mga kapatid sa Romania at sa aming pagkabahala sa kanila kung kaya naudyukan kaming sumulat sa inyo.” Kasunod ng mga pangalan ng pitong indibiduwal na nakabilanggo dahil sa kanilang pananampalataya, nagpatuloy ang liham: “Iniulat na ang ilan sa nabanggit na mga tao sa itaas ay labis na pinagmamalupitan sa bilangguan. . . . Hindi mga kriminal ang mga Saksi ni Jehova. Hindi sila nakikisali sa anumang anyo ng pulitikal o subersibong gawain saanman sa daigdig, sa halip, nakatuon lamang ang kanilang gawain sa kanilang relihiyosong pagsamba.” Nagtapos ang liham sa pamamagitan ng isang panawagan sa gobyerno na “huwag nang pahirapan ang mga Saksi ni Jehova.”

Ang liham kay Presidente Ceauşescu ay nagsasabi na “hindi tinatamasa ng mga Saksi ni Jehova sa Romania ang kalayaan sa relihiyon na inilalaan ng konstitusyon ng Romania” sa halip ay nanganganib silang maaresto at mapagmalupitan kapag ibinabahagi nila sa iba ang kanilang mga paniniwala at nagtitipon para mag-aral ng Bibliya. Itinawag-pansin din sa liham ang isang kamakailang amnestiya na naging dahilan upang mapalaya ang maraming kapatid. “Inaasahan na magkakaroon din ng panibagong simula para sa . . . mga Saksi ni Jehova. Ngunit nakalulungkot, hindi natupad ang inaasahan. Ang balitang natatanggap namin sa ngayon mula sa buong Romania ay nagsisiwalat ng gayunding napakalungkot na kalagayan: Ang mga Saksi ni Jehova ay tudlaan pa rin ng pag-uusig ng Estado. Hinahalughog ang kanilang mga tahanan, kinukumpiska ang mga lathalain, inaaresto at nililitis ang mga lalaki at babae, sinisentensiyahan ang ilan na mabilanggo nang maraming taon, at malupit na pinakikitunguhan naman ang iba. At ang lahat ng ito ay dahil binabasa at ipinangangaral nila ang Salita ng Diyos na Jehova. Ang gayong mga bagay ay makasásamâ sa magandang reputasyon ng isang Estado, at lubha kaming nababahala sa nangyayari sa mga Saksi ni Jehova sa Romania.”

Dalawang aklat ang inilakip sa liham: Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan sa wikang Romaniano at Life Everlasting​—In Freedom of the Sons of God sa wikang Aleman.

Nagsimulang bumuti nang kaunti ang mga bagay-bagay para sa mga Saksi ni Jehova pagkalipas ng 1975, nang lumagda ang Romania sa Komperensiya sa Helsinki Para sa Katiwasayan at Pagtutulungan sa Europa. Ginagarantiyahan ng komperensiyang ito ang mga karapatang pantao at pundamental na mga kalayaan, kasali na ang kalayaan sa relihiyon. Pagkatapos nito, ang mga tumatanggi lamang na maglingkod sa hukbo ang inaaresto at ibinibilanggo.

Pagkatapos, noong 1986 ay itinakda ng bagong konstitusyon na walang sinuman, lakip na ang mga opisyal, ang maaaring pumasok sa isang pribadong tahanan nang walang pahintulot ng may-bahay maliban sa ilang kalagayan na sinasang-ayunan ng batas. Sa wakas, mas panatag na ngayong nakapagdaraos ang mga kapatid ng Kristiyanong mga pagpupulong, pati na ng Memoryal, sa kanilang pribadong tahanan.

Palihim na Paglilimbag

Noong panahon ng pagbabawal, ang espirituwal na pagkain ay ipinupuslit papasók sa Romania sa anyong lathalain, istensil, o iba pa, at pagkatapos ay kinokopya roon. Kung minsan ay naisalin na ito sa wikang Romaniano at Hungaryo, ngunit kadalasang sa Romania nila ginagawa ang pagsasalin mula sa wikang Aleman, Ingles, Italyano, o Pranses. Iba’t iba ang nagdadala nito, gaya ng mga banyagang turista na dumadalaw sa bansa, mga estudyante na nagtutungo roon para mag-aral, at mga Romaniano na bumabalik mula sa kanilang paglalakbay.

Nagsikap nang husto ang Securitate upang harangin ang mga tagapagdala at alamin din kung saan sa Romania ginagawa ang mga literatura. Palibhasa’y maingat, ang mga kapatid ay nagtrabaho sa ilang soundproof na pribadong mga tirahan sa iba’t ibang bayan at lunsod. Sa loob ng mga tahanang ito, gumawa sila ng lihim na mga kompartment, o mga silid, kung saan nila inilalagay ang kanilang makinang pangopya. Ang ilan sa mga silid na ito ay nasa likod ng mga apuyan, na kadalasang nakadikit sa pader. Gayunman, dinisenyo ng mga kapatid ang mga apuyan para puwedeng itulak ang mga ito, sa gayo’y makapapasok sila sa lihim na pasukan.

Si Sándor Parajdi ay nagtrabaho sa isang lihim na palimbagan sa Tirgu-Mures, kung saan nag-imprenta siya ng pang-araw-araw na teksto, Kingdom Ministry, Ang Bantayan, at Gumising! “Nagtatrabaho kami ng hanggang 40 oras sa mga dulo ng sanlinggo, anupat nagsasalitan kami sa pagtulog ng tig-isang oras,” ang naalaala ni Sándor. “Naninikit sa aming damit at balat ang amoy ng mga kemikal. Minsan, pagdating ko sa bahay, sinabi sa akin ng tatlong-taóng-gulang na anak kong lalaki: ‘Itay, magkasing-amoy kayo ng pang-araw-araw na teksto natin!’ ”

Si Traian Chira, na asawa’t ama, ay tagakopya at tagahatid ng mga literatura sa Lalawigan ng Cluj. Binigyan si Traian ng isang matagal na at manu-manong makinang pangopya na tinawag na Gilingan, na talagang lumang-luma na. Makagagawa ito ng mga kopya, pero hindi maganda ang kalidad. Kaya hiniling ni Traian sa isang kapatid na mekaniko na kumpunihin ito. Sinuri ng kapatid ang makina, pero mababanaag mo sa mukha ng kapatid na hindi na kayang kumpunihin ang lumang Gilingan. Pagkatapos ay napangiti siya, at sinabi: “Puwede kitang igawa ng bago!” Sa katunayan, higit pa ang ginawa niya. Gumawa siya ng dakong mapagtatrabahuhan sa basement ng bahay ng isang kapatid at gumawa siya ng sariling makinang pantorno. Sa halip na gumawa lamang ng isang makinang pangopya, gumawa siya ng mahigit na sampu! Ang bagong mga Gilingan na ito ay ipinadala sa iba’t ibang bahagi ng bansa at nakagawa ng de-kalidad na trabaho.

Noong dekada ng 1980, ilang kapatid ang tinuruang magpatakbo ng offset na mga makinang pangopya, na mas makabago kaysa sa dati nilang ginagamit. Ang unang sinanay ay si Nicolae Bentaru, na siya namang nagturo sa iba. Gaya ng kadalasang nangyayari, ang paggawa ng literatura sa tahanan ng mga Bentaru ay isinasagawa ng kanilang pamilya, anupat ang bawat miyembro ay may partikular na atas. Siyempre pa, mahirap ilihim ang mga gawaing ito, lalo na noong panahong tinitiktikan ng Securitate ang mga tao at pinapasok ang kanilang mga bahay. Dahil dito, kailangang paspasan ang trabaho, kaya naman nagtatrabaho ang mga kapatid ng mahahabang oras sa buong dulo ng sanlinggo upang maimprenta ang mga literatura at maibiyahe ang mga ito. Bakit sa mga dulo ng sanlinggo? Dahil may regular silang trabaho sa ordinaryong mga araw.

Kailangan ding maging maingat ang mga kapatid kapag bumibili ng papel. Kahit na isang ream lamang​—mga 500 pilyego​—ang bibilhin ng parokyano, kailangan niyang ipaliwanag kung bakit. Gayunman, ang mga palimbagan ay gumagamit ng hanggang 40,000 pilyego bawat buwan! Kaya kailangang maging maingat ang mga kapatid kapag nakikipag-usap sa mga nagtitinda ng papel. At dahil karaniwan ang pag-iinspeksiyon sa mga nagdaraan sa lansangan, kailangan din silang maging alisto kapag may dala-dalang mga materyales.

Ang Hamon sa Pagsasalin

Isang maliit na grupo ng mga kapatid na nakatira sa iba’t ibang bahagi ng Romania ang nagsasalin ng mga literatura sa lokal na mga wika, kalakip na ang wikang Ukrainiano, na ginagamit ng isang etnikong minorya sa hilaga. Ang ilang tagapagsalin ay mga guro ng wika na natuto ng katotohanan; ang iba naman ay kusang nag-aral ng ibang wika, marahil sa tulong ng isang kurso sa pag-aaral ng wika.

Noong mga panahong iyon, isinusulat lamang ng mga tagapagsalin ang kanilang salin sa mga aklat na sanayan sa pagsulat, at dinadala nila ang mga ito sa Bistriţa, isang lunsod sa hilaga, para ma-proofread ang mga ito. Minsan o dalawang beses sa isang taon, nagpupulong ang mga tagapagsalin at mga proofreader upang pagpasiyahan ang mga tanong na may kaugnayan sa kanilang trabaho. Kapag nahuhuli ang mga kapatid na ito, karaniwan nang kinakapkapan sila, pinagtatatanong, binubugbog, at inaaresto. Ang mga naaaresto ay ikinukulong sa loob ng ilang oras o araw, pinalalaya, at pagkatapos ay inaarestong muli​—isang proseso na inuulit nang maraming beses upang takutin sila. Ang iba naman ay hindi pinalalabas sa kanilang sariling bahay o kinakailangang magpakita sa pulisya araw-araw. At marami ang ibinilanggo, kabilang na sina Dumitru at Doina Cepănaru at Petre Ranca.

Si Dumitru Cepănaru ay isang guro ng wika at kasaysayan ng Romania, at ang kaniyang asawa, si Doina, ay isang doktor. Nang maglaon, natagpuan din sila ng Securitate, inaresto, at ipinadala sila sa magkahiwalay na bilangguan sa loob ng pito at kalahating taon. Ang limang taon ay ginugol ni Doina nang mag-isa sa selda. Sa katunayan, lumitaw ang kanilang pangalan sa nabanggit na liham na ipinadala ng punong-tanggapan sa embahador ng Romania sa Estados Unidos. Habang nakabilanggo, sumulat si Doina ng 500 liham sa kaniyang asawa gayundin sa iba pang sister na bilanggo upang patibayin sila.

Pagkalipas ng isang taon mula nang maaresto sina Dumitru at Doina, inaresto rin ang ina ni Dumitru, si Sabina Cepănaru, at nabilanggo siya nang limang taon at sampung buwan. Ang tanging miyembro ng pamilya na hindi inaresto, bagaman sinusubaybayang mabuti ng Securitate, ay ang asawa ni Sabina, na isa ring Saksi ni Jehova. Sa kabila ng malaking panganib, regular niyang dinadalaw ang lahat ng tatlong miyembro ng kaniyang pamilya.

Noong 1938, hinirang si Petre Ranca bilang kalihim ng tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Romania. Dahil sa atas na ito​—bukod pa sa trabaho niya bilang tagapagsalin​—napabilang siya sa mga pangunahing pinaghahanap ng Securitate. Nasumpungan nila siya noong 1948, paulit-ulit na inaresto at, noong 1950, nilitis siya kasabay nina Martin Magyarosi at Pamfil Albu. Palibhasa’y inakusahan na miyembro ng grupo ng mga espiyang Anglo-Amerikano, binata ni Petre ang 17 taon sa ilan sa pinakamalulupit na bilangguan sa bansa​—samakatuwid nga, sa Aiud, Gherla, at Jilava​—at tatlong taon na hindi pinalabas sa kaniyang sariling bahay sa Lalawigan ng Galaţi. Magkagayunman, taos-pusong naglingkod kay Jehova ang tapat na kapatid na ito hanggang sa wakas ng kaniyang makalupang landasin noong Agosto 11, 1991.

Dahil sa maibiging pagpapagal ng gayong mga tagapag-ingat ng katapatan, naaalaala natin ang mga salitang ito: “Ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan, dahil kayo ay naglingkod sa mga banal at patuloy na naglilingkod.”​—Heb. 6:10.

Mga Kombensiyong Idinaos sa Labas

Noong dekada ng 1980, nagsimulang magtipon ang mga kapatid sa malalaking grupo​—libu-libo pa nga—​kapag may pagkakataon, gaya sa mga kasalan o libing. Sa mga kasalan, nagtatayo sila ng malaking tolda sa isang angkop na lugar sa lalawigan at pinapalamutian ito sa loob ng magagandang karpet na may mga larawan ng mga eksenang hango sa Bibliya at mga teksto na nakahabi sa mismong karpet. Ang mga mesa at mga upuan ay inaayos para sa maraming “bisita,” at isang poster na may pinalaking logo ng Ang Bantayan at taunang teksto ang isinasabit sa gawing likuran ng podyum. Kadalasan nang naglalaan ng pagkain ang mga mamamahayag doon depende sa kanilang kakayahan. Kaya lahat ay nasisiyahan sa dalawang piging​—pisikal at espirituwal.

Nagpapasimula ang programa sa pamamagitan ng pahayag sa kasal o libing at nagpapatuloy sa pamamagitan ng mga diskurso hinggil sa iba’t ibang paksa sa Bibliya. Palibhasa’y nagkakaroon minsan ng aberya at hindi nakararating sa oras ang mga tagapagsalita, laging nakahanda ang ibang kuwalipikadong mga kapatid upang pumalit, kadalasan gamit lamang ang Bibliya, dahil walang mga kopya ng inihandang mga balangkas.

Sa panahon ng tag-araw, ang mga naninirahan sa lunsod ay dumaragsa sa lalawigan para maglibang. Gayundin ang ginagawa ng mga Saksi ni Jehova. Gayunman, sinasamantala nila ang pagkakataon upang magdaos ng maliliit na kombensiyon sa mga burol at mga kagubatan. Nakapagsasadula pa nga sila ng drama sa Bibliya na kumpleto sa kostiyum.

Ang isa pang popular na lugar na bakasyunan ay ang Dagat na Itim, na tamang-tama para sa mga bautismo. Paano inilulubog ng mga kapatid ang mga baguhan nang hindi napapansin ng iba? Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng isang “laro.” Ang mga kandidato at ilang bautisadong mamamahayag ay pumupuwesto nang paikot sa tubig at naghahagisan ng bola sa isa’t isa. Tumatayo sa gitna ang tagapagsalita at nagpapahayag, at pagkatapos nito ay inilulubog ang mga kandidato​—siyempre pa, sa maingat na paraan.

Isang Bulwagan Para sa mga Tagapag-alaga ng Pukyutan

Noong 1980, nakaisip ang mga kapatid sa bayan ng Negreşti-Oaş, sa hilagang-kanluran ng Romania, ng isang malikhaing paraan upang makakuha ng legal na pahintulot sa pagtatayo ng isang Kingdom Hall. Noong mga panahong iyon, itinataguyod ng Estado ang pag-aalaga ng pukyutan. Kaya naisip ng mga kapatid na nagmamay-ari ng mga bahay-pukyutan na magtatag sa kanilang lugar ng isang asosasyon ng mga tagapag-alaga ng pukyutan, na makapagbibigay sa kanila ng lehitimong dahilan para magtayo ng dakong mapagpupulungan.

Pagkatapos kumonsulta sa matatanda sa kanilang sirkito, nagparehistro ang mga kapatid sa Asosasyon ng mga Tagapag-alaga ng Pukyutan sa Romania at nagtungo sa munisipyo ng bayan upang iharap ang kanilang panukala na magtayo ng isang gusali na mapagpupulungan. Kaagad na inaprubahan ng mga awtoridad ang pagtatayo ng isang kahoy na gusali na 34 na metro ang haba at 14 na metro ang lapad. Dahil sa labis na tuwa, natapos ng mga tagapag-alaga ng pukyutan at ng kanilang mga katulong ang proyekto sa loob ng tatlong buwan. Tumanggap pa nga sila ng pantanging pasasalamat mula sa mga opisyal ng bayan!

Dahil marami ang dadalo sa inagurasyon at magtatagal ito ng ilang oras, humingi ng pahintulot ang mga kapatid na gamitin ang bulwagan para sa kasayahan sa pag-aani ng butil at pinayagan naman sila. Mahigit 3,000 Saksi mula sa lahat ng bahagi ng bansa ang nagtipon para sa okasyong iyon. Namangha ang mga opisyal na napakarami ang dumating para tumulong sa pag-aani at “magdiwang” pagkatapos nito.

Sabihin pa, ang pagdiriwang ay isang asamblea na kasiya-siya sa espirituwal. Dahil sa opisyal na layunin para sa gusali, madalas na itinatampok sa programa ang mga pukyutan ngunit sa espirituwal na diwa. Halimbawa, tutukuyin ng tagapagsalita ang kasipagan ng insektong iyon, kakayahan sa nabigasyon at organisasyon, pagsasakripisyo sa sarili at lakas ng loob kapag ipinagsasanggalang ang kaniyang bahay-pukyutan, at maraming iba pang katangian.

Pagkatapos ng unang pagtitipong ito, ang Bulwagan ng Pukyutan, gaya ng tawag dito, ay patuloy na pinakinabangan ng mga kapatid sa natitirang mga taon ng pagbabawal at sa loob ng tatlong taon pa pagkatapos na alisin ang pagbabawal.

Tumulong ang mga Tagapangasiwa ng Sona Upang Itaguyod ang Pagkakaisa

Sa loob ng maraming dekada, ginawa ng mga Komunista ang lahat ng makakaya nila upang maghasik ng binhi ng pag-aalinlangan at pagkakabaha-bahagi sa gitna ng bayan ng Diyos at upang hadlangan ang komunikasyon. Gaya ng nabanggit, medyo nagtagumpay naman sila. Sa katunayan, nagpatuloy ang ilang pagkakabaha-bahagi hanggang noong dekada ng 1980. Ang pagdalaw ng mga tagapangasiwa ng sona ay nakatulong upang ituwid ang problemang ito, at nakatulong din naman ang nagbabagong kalagayan sa pulitika.

Pasimula noong kalagitnaan ng dekada ng 1970, ilang ulit na dumalaw sa Romania si Gerrit Lösch, miyembro ng Komite ng Sangay sa Austria ngunit miyembro na ngayon ng Lupong Tagapamahala. Noong 1988, dalawang beses na nagtungo roon ang mga kinatawan ng Lupong Tagapamahala na sina Theodore Jaracz at Milton Henschel, at isinama nila sina Brother Lösch at ang interprete na si Jon Brenca, na miyembro noon ng pamilyang Bethel sa Estados Unidos. Pagkatapos ng nakapagpapatibay na mga pagdalaw na ito, libu-libong kapatid na humiwalay sa pangunahing bahagi ng bayan ni Jehova ang may-pagtitiwalang sumamang muli sa kawan.

Samantala, ang lumalaking mga pagbabago sa pulitika ay nagdulot ng kawalang-katiyakan sa Komunistang Europa na yumanig sa mga pundasyon nito, at umabot ito sa sukdulan nang bumagsak ang karamihan sa mga rehimeng ito sa pagtatapos ng dekada ng 1980. Sa Romania, nagkaroon ng krisis noong 1989, nang maghimagsik ang mga tao laban sa rehimeng Komunista. Ang lider ng partido, si Nicolae Ceauşescu, at ang kaniyang asawa ay pinatay noong Disyembre 25. Nang sumunod na taon, isang bagong pamahalaan ang iniluklok.

Malaya Na sa Wakas!

Gaya ng dati, nanatiling neutral ang mga Saksi ni Jehova habang nagbabago ang pulitikal na kalagayan sa Romania. Magkagayunman, para sa 17,000 Saksi sa Romania nang panahong iyon, ang mga pagbabagong ito ay nagdulot ng kalayaan na waring pangarap lamang noon para sa karamihan. “Pagkatapos ng 42 mahahabang taon,” ang isinulat ng Komite ng Bansa, “nagagalak kaming magpadala ng masayang balita hinggil sa gawain sa Romania. Nagpapasalamat kami sa ating maibiging Ama, ang Diyos na Jehova, na nakinig sa marubdob na panalangin ng milyun-milyong kapatid at winakasan ang walang-awang pag-uusig.”

Noong Abril 9, 1990, natamo ng mga kapatid ang legal na pagkilala sa Relihiyosong Organisasyon ng mga Saksi ni Jehova at kaagad na inorganisa ang mga pansirkitong asamblea sa buong bansa. Mahigit na 44,000 ang dumalo sa mga pagtitipong ito​—mahigit na doble sa bilang ng mga mamamahayag, na umabot na sa halos 19,000. Tunay nga, ipinakikita ng ulat ng paglilingkod sa larangan na mula Setyembre 1989 hanggang Setyembre 1990, ang mga Saksi ni Jehova ay nagkaroon ng 15 porsiyentong pagsulong!

Nang panahong iyon, isang Komite ng Bansa ang nangangasiwa sa gawain sa ilalim ng pangangasiwa ng sangay sa Austria. Gayunman, noong 1995, makalipas ang 66 na taon, muling nagkaroon ng tanggapang pansangay ang Romania.

Pinalakas sa Panahon ng Kahirapan sa Kabuhayan

Pagsapit ng dekada ng 1980, humina ang ekonomiya ng Romania, at nagkaroon ng kakulangan sa bilihin. Pagkatapos, nang bumagsak ang gobyernong Komunista, bumagsak din ang ekonomiya, kung kaya labis na naghirap ang mga tao. Bilang tugon, ang mga Saksi ni Jehova sa Austria, Hungary, at ang dating Czechoslovakia at Yugoslavia ay nagpadala ng mahigit na 70 tonelada ng pagkain at damit sa kanilang mga kapatid sa Romania, at ibinahagi pa nga nila ang ilan sa mga paglalaang ito sa kanilang mga kapitbahay na di-Saksi. “Tuwing may tulong na ibinibigay,” ang sabi ng ulat, “sinasamantala ng mga kapatid ang pagkakataon upang lubusang magpatotoo.”

Bukod sa materyal na mga paglalaan, tumanggap ang mga kapatid ng saganang espirituwal na pagkain. Dahil sa kasaganaang ito ay napaluha ang marami, yamang nasanay ang mga taong ito na magkaroon ng marahil iisang kopya lamang ng Bantayan para sa buong grupo. Bukod diyan, pasimula sa isyu ng Enero 1, 1991, Ang Bantayan sa wikang Romaniano ay inilalathala na kasabay ng edisyon sa Ingles at inililimbag na nang full color! Dahil sa mga pagbabagong ito, mabilis na tumaas ang bilang ng naipapasakamay na mga literatura sa teritoryo.

Mula sa mga Grupo ng Pagtalakay Tungo sa Regular na mga Pagpupulong

Noong panahon ng pag-uusig, hindi maidaos ng mga kapatid ang ilang partikular na pagpupulong, gaya ng Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, sa karaniwang paraan. Sa halip, nagtitipon sila sa maliliit na grupo, binabasa ang impormasyon, at pagkatapos ay tinatalakay ito. Kadalasan, mayroon lamang silang ilang kopya, o isang kopya ng materyal na isinasaalang-alang.

“Ang Giya sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay inilimbag sa wikang Romaniano noong 1992,” ang sabi ni Jon Brenca, na miyembro na ngayon ng Komite ng Sangay sa Romania. “Bago iyan, isang maliit na grupo ng mga kapatid ang nag-imprenta rito ng bersiyon ng aklat na ito. Noong 1991, sinimulan naming sanayin ang mga elder kung paano magdaos ng Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo at kung paano magbigay ng payo. Gayunman, madalas na nag-aatubili ang mga elder na magbigay ng payo, na ginagawa noon mula sa plataporma. ‘Magagalit ang mga kapatid kapag pinayuhan namin sila sa harap ng iba,’ ang sabi ng ilan.”

Nagkaroon din ng ilang maling pagkaunawa. Halimbawa, nang dumalaw ang isang nagtapos sa Ministerial Training School sa isang kongregasyon noong 1993, nilapitan siya ng isang elder hawak ang kopya ng iskedyul ng paaralan na bumabanggit na ang mas malalaking kongregasyon ay maaaring magkaroon ng ikalawang paaralan. Sa pag-aakalang ang paglalaang ito ay para sa mas masulong na mga estudyante, nagtanong ang elder: “Kailan kaya kami magsisimulang magpahayag sa paaralang iyan? May mahuhusay na kapatid sa amin na maaaring maging kuwalipikado sa mas mataas na antas.” Maibiging nilinaw ng dumalaw ang bagay na iyon.

“Malaki ang nagawa ng mga pansirkitong asamblea upang turuan ang mga kapatid,” ang paliwanag ni Brother Brenca, “dahil kasama rito ang modelong Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo na idinaraos ng tagapangasiwa ng distrito. Subalit kinailangan ang ilang taon upang lubusang makaalinsabay ang lahat sa kaayusang iyan.”

Nagsimula ang Pioneer Service School sa Romania noong 1993 at nakatulong ito sa libu-libong payunir na sumulong sa espirituwal at maging mas mabisa sa ministeryo. Ang totoo, isang hamon ang pagpapayunir sa Romania dahil halos imposible na makakuha ng part-time na trabaho. Magkagayunman, noong 2004, mahigit na 3,500 kapatid ang nakibahagi sa isang anyo ng paglilingkod bilang payunir.

Pagtulong sa mga Naglalakbay na Tagapangasiwa

Inatasan sina Brother Roberto Franceschetti at Brother Andrea Fabbi mula sa sangay sa Italya na magtungo sa Romania noong 1990. Ang kanilang tunguhin ay tumulong sa muling pag-oorganisa sa gawain. “Noon ay 57 taóng gulang ako,” ang paliwanag ni Brother Franceschetti. “Dahil sa mga kalagayan ng ekonomiya sa Romania nang panahong iyon, hindi madali para sa akin at sa aking asawa, si Imelda, ang bagong atas.

“Nang dumating kami sa Bucharest noong Disyembre 7, 1990, sa ganap na 7:00 n.g., ang temperatura ay -12 digri Celsius, at ang lunsod ay nababalutan ng niyebe. Nakausap namin ang ilang kapatid sa sentro ng lunsod at nagtanong kami kung saan kami puwedeng tumuloy nang gabing iyon. ‘Hindi pa namin alam,’ ang sabi nila. Gayunman, isang babae na ang ina at lola ay mga Saksi ang nakarinig sa aming pag-uusap at kaagad na inanyayahan kami sa kaniyang tahanan. Tumira kami roon sa loob ng ilang linggo hanggang sa makakita kami ng angkop na apartment sa lunsod. Pinalakas-loob at pinatibay rin kami ng mga kapatid doon, na nakatulong upang makayanan namin ang aming atas.”

Si Roberto na nagtapos sa ika-43 klase ng Gilead noong 1967, kasama ang kaniyang asawa, ay gumugol ng halos siyam na taon sa Romania at bukas-palad na tumulong sa mga kapatid na makinabang mula sa kanilang maraming dekada ng karanasan sa paglilingkod kay Jehova. “Noong Enero 1991,” ang pagpapatuloy ni Roberto, “nagsaayos ang Komite ng Bansa ng isang pulong kasama ang lahat ng naglalakbay na tagapangasiwa​—42 kapatid. Ang karamihan ay naglilingkod sa maliliit na sirkito na may anim o pitong kongregasyon bawat isa. Ang kanilang rutin ay maglingkod sa bawat kongregasyon sa loob ng dalawang magkasunod na dulo ng sanlinggo, na kadalasan ay hindi kasama ang kanilang asawa. Noong mga panahong iyon, kailangan ng mga tagapangasiwa ng sirkito ng regular na trabaho upang suportahan ang kanilang pamilya at nang hindi mapaghinalaan ng mga awtoridad. Pero ngayon, maaari nang maglingkod ang mga kapatid na ito sa mga kongregasyon mula Martes hanggang Linggo gaya ng iskedyul ng kanilang kapuwa naglalakbay na mga tagapangasiwa sa ibang lupain.

“Pagkatapos ipaliwanag ang kaayusang ito, sinabi ko sa lahat ng 42 kapatid, ‘Kung handa kayong magpatuloy na maglingkod bilang naglalakbay na mga tagapangasiwa, pakisuyong itaas ang inyong mga kamay.’ Walang nagtaas ng kamay kahit isa! Kaya sa loob lamang ng ilang minuto, nawala ang lahat ng naglalakbay na tagapangasiwa sa bansa! Gayunman, pagkatapos ng may-pananalanging pagsasaalang-alang sa bagay na iyon, nagbago ang isip ng ilan. Dumating ang karagdagang tulong sa pamamagitan ng mga nagtapos sa Ministerial Training School mula sa Alemanya, Austria, Estados Unidos, Italya, at Pransiya.”

Si Jon Brenca, isang etnikong Romaniano, ay lumipat sa Romania mula sa Bethel sa Brooklyn, kung saan siya naglingkod sa loob ng sampung taon. Noong una, naglingkod si Jon bilang tagapangasiwa ng sirkito at distrito. Naalaala niya: “Noong Hunyo 1991, bilang tagapangasiwa ng distrito, nagsimula akong maglingkod kasama ng mga tagapangasiwa ng sirkito na handang maglingkod nang buong panahon sa ilalim ng bagong kaayusan. Di-nagtagal at natuklasan ko na hindi lamang sila ang kailangang gumawa ng malaking pagbabago sa kanilang pangmalas​—may problema rin ang mga kongregasyon sa pag-alinsabay sa bagong kaayusan. ‘Imposibleng masuportahan ng mga mamamahayag ang paglilingkod sa larangan araw-araw,’ ang sabi ng ilang elder. Gayunman, nakipagtulungan ang lahat at ginawa ang pagbabago.”

Nakatulong din ang Kingdom Ministry School at Ministerial Training School sa pagtuturo sa mga kapatid. Nang ganapin ang Kingdom Ministry School sa Baia-​Mare, isang elder ang napaiyak nang lapitan niya ang isa sa mga instruktor. “Matagal na akong elder,” ang sabi niya, “ngunit ngayon ko lamang talaga naintindihan kung paano dapat gawin ang pagpapastol. Nagpapasalamat ako sa Lupong Tagapamahala sa napakagandang impormasyong ito.”

Nabalitaan ng mga kapatid ang Ministerial Training School, pero waring pangarap lamang ang maidaos ito sa kanilang sariling bansa. Kaya maguguniguni mo ang kanilang kagalakan nang matupad ang pangarap na iyan noong 1999 nang idaos ang kauna-unahang klase! Magmula noon, walong klase pa ang idinaos, at kabilang dito ang mga kapatid mula sa karatig na Moldova at Ukraine na gumagamit ng wikang Romaniano.

“Nasumpungan Ko Na ang Katotohanan!”

Bagaman maraming tao ang regular na napapatotohanan, mga pitong milyon​—sangkatlo ng populasyon​—ang nakatira sa di-nakaatas na mga teritoryo. At maraming rehiyon ang hindi pa kailanman napaabutan ng mabuting balita. Kaya nga malaki pa rin ang pag-aani! (Mat. 9:37) Tumugon ang mga regular at special pioneer at matatanda sa kongregasyon sa pangangailangang ito sa pamamagitan ng paglipat sa di-nakaatas na mga lugar. Bilang resulta, mas marami pang grupo ang nabuo at naitatag ang mga kongregasyon. Karagdagan pa, inanyayahan ng sangay ang mga kongregasyon na makibahagi sa pantanging mga kampanya upang maglingkod sa di-nakaatas na mga teritoryo. Gaya sa iba pang lupain, naging lubhang mabunga ang mga kampanyang ito.

Sa isang liblib na nayon, isang 83-taóng-gulang na babae ang tumanggap ng isang kopya ng Ang Bantayan na napulot ng isa sa kaniyang mga anak na babae sa isang basurahan sa Bucharest. Hindi lamang binasa ng may-edad nang babae ang magasin kundi tiningnan pa niya ang bawat teksto sa kaniyang Bibliya​—na mangyari pa ay naglalaman ng pangalan ng Diyos. Nang sumunod na makausap niya ang kaniyang anak na babae, napabulalas siya, “Anak, nasumpungan ko na ang katotohanan!”

Kinausap din niya ang pari sa kanilang nayon at tinanong siya kung bakit hindi nito ipinaalam sa mga tao ang pangalan ng Diyos. Hindi sumagot ang pari pero hiniram niya ang Bibliya at ang magasin upang masuri ang mga ito. Magalang na pumayag ang babae, at iyon na ang huling pagkakataon na nakita niya ang kaniyang Bibliya at Bantayan. Nang maglaon, noong mangaral ang mga Saksi ni Jehova sa kanilang nayon, pinapasok niya ang mga ito, nagsimula siyang makipag-aral sa kanila ng Salita ng Diyos sa tulong ng aklat na Kaalaman, at mabilis na sumulong. Sa ngayon, siya at ang kaniyang mga anak na babae ay nasa katotohanan na.

Sa Wakas, Malaya Na Ngayong Magtipon!

Nag-uumapaw sa kagalakan ang mga Saksi ni Jehova sa Romania nang magtipon sila noong 1990 para sa “Dalisay na Wika” na mga Pandistritong Kombensiyon. Para sa marami, ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakadalo sila sa isang kombensiyon. Ang mga lunsod na pinagdausan ay ang Brasov at Cluj-​Napoca. Dalawang linggo bago nito, isang delegasyon ng mahigit na 2,000 ang dumalo sa kombensiyon ng mga nagsasalita ng wikang Romaniano sa Budapest, Hungary. Bagaman maghapon lamang ang mga kombensiyon sa Romania, tuwang-tuwang ang mga kapatid na mapakinggan ang mga pahayag ng dalawang kinatawan ng Lupong Tagapamahala, sina Milton Henschel at Theodore Jaracz. Mahigit 36,000 ang dumalo, at 1,445 ang nabautismuhan​—mga 8 porsiyento ng bilang ng mga mamamahayag!

Noong 1996, nakaiskedyul na ganapin sa Bucharest ang isa sa “Mga Mensahero ng Makadiyos na Kapayapaan” na mga Internasyonal na Kombensiyon. Gayunman, ginawa ng mga klerong Ortodokso ang lahat ng kanilang makakaya upang hindi matuloy ang kombensiyon. Sila at ang kanilang mga alipores ay nagpaskil sa buong lunsod ng mga poster na may mga islogan na nagtataguyod ng pagkapoot​—sa bakuran ng simbahan, sa mga gusali, lagusan, at mga pader. “Pagiging Ortodokso o kamatayan,” ang sabi ng isa, samantalang mababasa naman sa isa pa: “Hihilingin namin sa mga awtoridad na kanselahin ang kombensiyong ito. SUMAMA KAYO PARA MAIPAGTANGGOL NATIN ANG PANANAMPALATAYA NG ATING MGA NINUNO. Tulungan nawa tayo ng Diyos!”

Dahil sa mga kalagayang ito, nagdalawang-isip ang mga opisyal ng lunsod at ayaw na nilang pumayag na ganapin ang kombensiyon sa Bucharest. Magkagayunman, nakakuha ang mga kapatid ng mga pasilidad na magagamit sa Brasov at Cluj-​Napoca mula Hulyo 19 hanggang 21, at nakapag-organisa rin sila ng mas maliliit na kombensiyon sa Bucharest at Baia-Mare para sa mga hindi makapagbiyahe patungo sa iba pang mga kombensiyon.

Humanga ang mga reporter ng balita dahil nanatiling kalmado ang mga kapatid at muli nilang naorganisa ang mga bagay-bagay sa gayon kaikling panahon. Kaya sa kabila ng mga pagtutol ng mga klero, positibo ang ginawang ulat ng media noong araw bago ang kombensiyon. Ngunit kahit ang naunang negatibong mga ulat ay may nagawang mabuti dahil naitampok ng mga ito ang pangalan ni Jehova. “Sa loob ng tatlong linggo,” ang sabi ng isang kapatid sa Bucharest, “nakakuha kami ng publisidad na katumbas ng maraming taon ng pangangaral sa buong bansa. Ang iniisip ng Simbahang Romaniano Ortodokso na makahahadlang sa amin ay sa katunayan nakatulong sa pagpapalaganap ng mabuting balita.” May kabuuang bilang na 40,206 ang dumalo sa mga kombensiyon, at 1,679 ang nabautismuhan.

Sa “Mga Tagatupad ng Salita ng Diyos” na mga Pandistritong Kombensiyon, na ginanap noong 2000, tuwang-tuwa ang mga kapatid nang tanggapin nila ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Romaniano. Ganito ang sabi ng isang mapagpahalagang kabataang brother: “Lalo akong napapalapít kay Jehova habang nababasa ko ang kaniyang pangalan sa aking personal na kopya ng salin na ito. Nagpapasalamat ako kay Jehova at sa kaniyang organisasyon mula sa kaibuturan ng aking puso.”

Mula sa Bulwagan ng Pukyutan Tungo sa Assembly Hall

Maliban sa Bulwagan ng Pukyutan, na naunang nabanggit, walang naitayong Kingdom Hall noong panahon ng Komunismo. Kaya nang maalis ang pagbabawal, napakalaki ng pangangailangan para sa mga Kingdom Hall. Gayunman, pangunahin na dahil sa tulong ng kaayusan ng Kingdom Hall Fund, nitong nakalipas na mga taon ay nakatapos ang mga kapatid, sa katamtaman, ng isang Kingdom Hall bawat sampung araw! Ang simple at maraming gamit na mga gusaling ito ay gawa sa pamantayang mga disenyo at materyales na madaling makuha. Gaya sa iba pang lupain, ang maayos na organisasyon at espiritu ng pagboboluntaryo na makikita sa panahon ng konstruksiyon, lalo na sa mga bulwagan na mabilisang itinatayo, ay nakapagbigay ng mahusay na patotoo sa mga kapitbahay, negosyante, at mga opisyal ng lunsod.

Sa Lalawigan ng Mureş, lumapit ang isang kapatid sa mga awtoridad upang humingi ng permit sa pagpapakabit ng kuryente sa isang itinatayong Kingdom Hall. “Bakit kayo nagmamadali?” ang tanong ng opisyal. “Ang pagpoproseso ng inyong permit ay aabot ng di-kukulangin sa isang buwan, at wala pa naman kayong gaanong matatapos sa panahong iyon.” Kaya inilapit ng mga kapatid ang bagay na iyon sa direktor.

Nagtanong din siya: “Bakit kayo nagmamadali? Katatapos lamang ninyong ilatag ang pundasyon, hindi ba?”

“Opo,” ang sagot ng mga kapatid, “pero noong nakaraang linggo po iyon. Ngayon ay ginagawa na namin ang bubong!” Naunawaan ng direktor ang ibig nilang sabihin at ibinigay niya ang permit kinabukasan mismo.

Ang kauna-unahang Assembly Hall sa Romania, na itinayo sa Negreşti-​Oaş, ay makapagpapaupo ng 2,000 katao sa pangunahing awditoryum at 6,000 sa ampiteatro na walang bubong. Tuwang-tuwa si Brother Lösch na siya ang inanyayahang magbigay ng pahayag sa pag-aalay, na iniharap niya sa wikang Romaniano. Mahigit 90 kongregasyon mula sa limang sirkito ang tumulong sa konstruksiyon. Bago pa man maialay ang bulwagan, 8,572 ang dumalo sa isang pandistritong kombensiyon na ginanap doon noong Hulyo 2003. Hindi kataka-taka na ang Assembly Hall ay naging usap-usapan sa komunidad ng mga Ortodokso roon. Pero hindi negatibo ang lahat ng komento. Sa katunayan, pinapurihan pa nga maging ng ilang pari ang mga kapatid sa kanilang espiritu ng pagboboluntaryo.

Walang Sandata ang Magtatagumpay Laban sa mga Lingkod ng Diyos

Noong bumalik sina Károly Szabó at József Kiss sa kanilang sariling lupain noong 1911, wala silang kamalay-malay kung gaano kalaking pagpapala ang ibibigay ni Jehova sa gawaing pinasimulan nila. Isaalang-alang ito: Sa nakalipas na sampung taon, humigit-kumulang 18,500 baguhan ang nabautismuhan sa Romania, kung kaya umabot na sa 38,423 ang bilang ng mamamahayag. At 79,370 ang dumalo sa Memoryal noong 2005! Upang makaalinsabay sa pagsulong na ito, isang mainam at bagong tahanang Bethel ang inialay noong 1998 at pinalawak noong taóng 2000. Itinayo rin sa loteng iyon ang isang gusali na may tatlong Kingdom Hall.

Gayunman, ang pinakapundasyon ng kahanga-hangang pagsulong na ito ay nailatag noong mga panahon ng mabangis na pag-uusig na karamihan sa mga detalye ay di-kaayaayang iulat. Kaya naman, lahat ng papuri sa pagsulong na ito ay dapat iukol kay Jehova, na sa kaniyang mapagsanggalang na lilim ay nakasumpong ng kanlungan ang kaniyang tapat na mga Saksi. (Awit 91:1, 2) May kaugnayan sa kaniyang tapat na mga lingkod, nangako si Jehova: “Anumang sandata na aanyuan laban sa iyo ay hindi magtatagumpay, at alinmang dila na gagalaw laban sa iyo sa paghatol ay hahatulan mo. Ito ang minanang pag-aari ng mga lingkod ni Jehova.”​—Isa. 54:17.

Upang maingatan ang napakahalagang “minanang pag-aari” na iyan, determinado ang mga Saksi ni Jehova sa Romania na alalahanin ang mga luha ng lahat ng mga nagdusa nang labis-labis alang-alang sa katuwiran sa pamamagitan ng pagtulad sa kanilang kahanga-hangang pananampalataya.​—Isa. 43:10; Heb. 13:7.

[Kahon sa pahina 72]

Maikling Impormasyon Tungkol sa Romania

Ang lupain: Ang Romania, na may lawak na 238,000 kilometro kuwadrado, ay parang hugis-biluhaba at mga 720 kilometro mula silangan hanggang kanluran. Ang mga katabi nito, pakanan mula sa hilaga, ay ang Ukraine, Moldova, Bulgaria, Serbia at Montenegro, at Hungary.

Ang mga mamamayan: Kabilang sa 22 milyong mamamayan ng Romania ang maraming iba’t ibang banyaga at katutubong grupo, gaya ng mga Romaniano, Hungaryo, Aleman, Judio, Ukrainiano, Rom (mga hitano), at iba pa. Di-kukulangin sa 70 porsiyento ng populasyon ay Romaniano Ortodokso.

Ang wika: Romaniano ang opisyal na wika. Nagmula ito sa wikang Latin, ang wika ng sinaunang mga Romano.

Ang kabuhayan: Mga 40 porsiyento ng mga manggagawa ang nabubuhay sa agrikultura, panggugubat ( forestry), o pangingisda; 25 porsiyento sa paggawa ng mga produkto, pagmimina, o konstruksiyon; at 30 porsiyento sa mga industriya na nagbibigay ng serbisyo.

Ang pagkain: Kabilang sa mga pananim ang mais, patatas, sugar beet, trigo, at ubas. Tupa ang pangunahing alagang hayop. Kabilang sa iba pang hayop ang baka, baboy, at manok.

Ang klima: Iba-iba ang temperatura at dami ng ulan sa bawat rehiyon. Sa pangkalahatan, katamtaman ang klima na may apat na magkakaibang panahon.

[Kahon sa pahina 74]

Ang Magkakaibang Rehiyon ng Romania

Ang Romania, na pangunahin nang kabukiran, ay nahahati sa ilang makasaysayan at magkakaibang rehiyon, kabilang na ang Maramureş, Moldavia, Transylvania, at Dobruja. Ang Maramureş, na rehiyon sa hilaga, ang tanging teritoryo na hindi kailanman nasakop ng mga Romano. Nakatira ang mga tao sa liblib na mga nayon sa kabundukan at naingatan nila ang kultura ng kanilang mga ninunong Dacian. Sa silangan, kilala ang Moldavia sa mga gawaan nito ng alak, mineral na bukal, at mga monasteryo na itinayo noong ika-15 siglo. Matatagpuan naman sa Walachia, na rehiyon sa timog, ang kabisera at pinakamalaking lunsod ng Romania, ang Bucharest.

Ang Transylvania, na matatagpuan sa gitna ng Romania, ay halos isang talampas na lubusang napalilibutan ng malawak at hugis-arkong Kabundukan ng Carpathian. Maraming kastilyo, lunsod, at kaguhuan na umiiral mula pa noong Edad Medya, ang matatagpuan sa Transylvania na pinagmulan ng bantog na si Dracula, na inilalarawan sa kathang-isip bilang isang bampira. Si Dracula ay sinasabing kinatha mula sa katauhan ng mga prinsipe noong ika-15 siglo na sina Vlad Dracul, o si Vlad na Diyablo, at Vlad Ţepeş, na kilala bilang si Vlad na Tagapagbayubay dahil sa paraan niya ng pagpatay sa kaniyang mga kaaway. Kaya naman madalas na kabilang sa pamamasyal sa rehiyong ito ang pagdalaw sa mga lugar kung saan di-umano namalagi ang mga lalaking ito.

Ipinagmamalaki ng Dobruja, na may 250-kilometrong hangganan sa kahabaan ng Dagat na Itim, ang kahanga-hangang Delta ng Danube. Ang Danube, na ikalawang pinakamahabang ilog sa Europa, ang nagsisilbing hangganan ng Romania sa timog at dumadaloy ito sa kalakhang bahagi ng bansa. Ang 4,300-kilometro kuwadradong delta nito, kung saan matatagpuan ang sari-saring buhay-iláng, ang pinakamalaking reserbasyong latian sa Europa at tirahan ng mahigit sa 300 uri ng ibon; ng 150 uri ng isda; at ng 1,200 iba’t ibang uri ng halaman, mula sa mga puno ng sause hanggang sa mga water lily.

[Kahon sa pahina 87]

Mula sa Kultong Zamolxis Tungo sa Pagiging Romaniano Ortodokso

Maraming siglo bago ang ating Karaniwang Panahon, ang mga taong nakatira sa rehiyon na kilala sa ngayon bilang Romania ay ang magkamag-anak na tribo ng mga Getae at Dacian. Lumilitaw na ang kanilang diyos, si Zamolxis, ay bathala ng kalangitan at ng mga patay. Sa ngayon, halos lahat ng Romaniano ay nag-aangking Kristiyano. Paano nangyari ang pagbabagong ito?

Noong nagpapalawak ng teritoryo ang Roma sa Peninsula ng Balkan, naging malaking banta ang alyansang Geto-Dacian. Sa katunayan, dalawang beses na tinalo ng hari ng alyansang ito na si Decebalus ang mga hukbong Romano. Gayunman, noong unang mga taon ng ikalawang siglo C.E., nanaig ang Roma at ginawa nitong isang probinsiya ang rehiyong ito. Ang Dacia, na siyang tawag dito noon, ay nagtamasa ng malaking kasaganaan at nakaakit sa maraming kolonistang Romano. Nakipag-asawa sila sa mga Dacian, tinuruan ang mga ito ng wikang Latin, at iniluwal ang mga ninuno ng makabagong-panahong mga Romaniano.

Ang mga nanirahan doon gayundin ang mga mangangalakal at mga manggagawa ang nagdala sa rehiyon ng tinaguriang Kristiyanismo. Noong taóng 332 C.E., tumindi ang impluwensiya ng Kristiyanismo nang makipagkasundo para sa kapayapaan si Emperador Constantino sa mga Goth, isang kompederasyon ng mga tribong Aleman na naninirahan sa hilaga ng Danube.

Pagkatapos ng bantog na paghiwalay ng Simbahan sa Silangan mula sa Simbahang Romano noong 1054, sumailalim ang rehiyon sa impluwensiya ng Simbahang Ortodokso sa Silangan, na pinagmulan ng Simbahang Romaniano Ortodokso. Pagsapit ng dulong bahagi ng ika-20 siglo, ang huling nabanggit ay mayroon nang mahigit 16 na milyong miyembro, anupat ito ang pinakamalaking independiyenteng Simbahang Ortodokso sa mga bansa sa Peninsula ng Balkan.

[Kahon/Larawan sa pahina 98-100]

Umaawit Kami Habang Umuulan ng Bomba

Teodor Miron

Isinilang: 1909

Nabautismuhan: 1943

Maikling Talambuhay: Natuto ng katotohanan sa Bibliya habang nasa bilangguan. Gumugol ng 14 na taon sa mga kampong piitan ng Nazi at sa mga bilangguan at mga kampo ng puwersahang pagpapatrabaho ng mga Komunista.

Noong Setyembre 1, 1944, habang umaatras ang mga tropang Aleman, isa ako sa 152 kapatid na lalaki na dinala, kasama ng iba pang mga bilanggo, mula sa kampong piitan sa Bor, Serbia, patungo sa Alemanya. Kung minsan, ilang araw kaming walang makain. Kapag nakakakuha kami ng ilang itinapong pagkain​—halimbawa, mga beet na nasa gilid ng daan sa tabi ng bukid​—pinaghahati-hatian namin itong lahat. Kapag mahinang-mahina ang isa at hindi na makalakad, isinasakay siya ng malakas sa isang karetilya.

Nang maglaon, nakarating kami sa isang istasyon ng tren, nagpahinga ng mga apat na oras, at pagkatapos ay idiniskarga namin ang laman ng dalawang bagon na walang bubong upang makasakay kami. Nakatayo lamang kami sa tren, at wala kaming damit na pangginaw​—tig-iisang kumot lamang, na itinalukbong namin sa aming ulo nang magsimulang umulan. Ganiyan kami nagbiyahe nang buong magdamag. Pagsapit ng 10:00 n.u. kinabukasan, habang papalapit kami sa isang nayon, binomba ng dalawang eroplano ang makina ng aming tren kung kaya ito huminto. Walang namatay sa amin, bagaman ang bagon na sinasakyan namin ay kasunod mismo ng makina ng tren. Sa kabila ng insidenteng ito, ikinabit ang aming bagon sa panibagong makina ng tren, at nagpatuloy kami sa paglalakbay.

Pagkalipas pa ng mga 100-kilometrong paglalakbay, habang nakahinto sa loob ng dalawang oras sa isang istasyon, nakita namin ang ilang lalaki at babae na may dalang mga basket ng patatas. ‘Mga nagtitinda ng patatas,’ ang inakala namin. Pero nagkamali kami. Sila ang aming espirituwal na mga kapatid na nakabalita hinggil sa amin at alam nilang magugutom kami. Binigyan nila ang bawat isa sa amin ng tatlong malalaking nilagang patatas, isang piraso ng tinapay, at kaunting asin. Ang ‘manna na ito mula sa langit’ ay tumustos sa amin sa sumunod na 48 oras pa hanggang makarating kami sa Szombathely, Hungary, noong unang mga araw ng Disyembre.

Nanatili kami sa Szombathely sa panahon ng taglamig, anupat nabubuhay pangunahin na sa mais na natabunan ng niyebe. Pagsapit ng Marso at Abril 1945, binomba ang magandang bayang ito, at nagkalat sa mga lansangan ang gutay-gutay na katawan ng mga tao. Maraming tao ang naipit sa mga guho, at kung minsan ay naririnig namin ang kanilang paghingi ng saklolo. Gamit ang mga pala at iba pang kagamitan, nasagip namin ang ilan sa kanila.

Tinamaan ng mga bomba ang mga gusali malapit sa tinitirhan namin, ngunit hindi ang gusaling kinaroroonan namin. Tuwing tumutunog ang sirena dahil sa paparating na mga eroplanong pambomba, takot na takot ang lahat at nagtatakbuhan para magtago. Noong una, tumatakbo rin kami, ngunit nang maglaon ay nakita namin na walang kabuluhan ang tumakbo, dahil wala namang ligtas na kanlungan. Kaya hindi na lamang kami umaalis sa kinaroroonan namin at sinisikap na manatiling kalmado. Di-nagtagal, sumama rin sa amin ang mga guwardiya. Sinabi nila na baka protektahan din sila ng Diyos namin! Noong Abril 1, ang huling gabi namin sa Szombathely, noon lamang umulan ng gayon karaming bomba. Magkagayunman, nanatili kami sa gusaling kinaroroonan namin at pinuri si Jehova sa pamamagitan ng awit at pinasalamatan siya sa pagkakaroon namin ng panatag na puso.​—Fil. 4:6, 7.

Kinabukasan, inutusan kaming magtungo sa Alemanya. Mayroon kaming dalawang karwahe na hinihila ng kabayo, kaya sumakay kami at naglakad nang mga 100 kilometro hanggang sa makarating kami sa isang gubat, 13 kilometro mula sa kinaroroonan ng mga Ruso. Namalagi kami nang magdamag sa lote ng isang mayamang may-ari ng lupa, at nang sumunod na araw ay pinalaya kami ng aming mga guwardiya. Habang nagpapasalamat dahil pinalakas kami ni Jehova sa pisikal at espirituwal, lumuluha kaming nagpaalam sa isa’t isa at nagsiuwi na​—ang iba ay naglakad at ang iba naman ay sumakay ng tren.

[Kahon sa pahina  107]

Kristiyanong Pag-ibig na Ipinakita sa Gawa

Noong 1946, dumanas ng taggutom ang silangang bahagi ng Romania. Bagaman mahihirap, ang mga Saksi ni Jehova na nakatira sa mga bahagi ng Romania na di-gaanong naapektuhan ng Digmaang Pandaigdig II at ng mga resulta nito ay nag-abuloy ng pagkain, damit, at salapi sa kanilang nagdarahop na mga kapatid. Halimbawa, ang mga Saksi na nagtatrabaho sa isang minahan ng asin sa bayan ng Sighet Marmaţiei, malapit sa hangganan ng Ukraine, ay bumili ng asin sa mga minahan, ipinagbili ito sa kalapit na mga lunsod at bayan, at ipinambili ng mais ang tinubo nila. Kasabay nito, tumulong ang mga Saksi ni Jehova sa Sweden, Switzerland, Estados Unidos, at iba pang mga lupain sa pamamagitan ng pag-aabuloy ng mga limang toneladang pagkain.

[Kahon/Larawan sa pahina 124, 125]

Naalaala Namin ang 1,600 Talata sa Bibliya

Dionisie Vârciu

Isinilang: 1926

Nabautismuhan: 1948

Maikling Talambuhay: Pasimula noong 1959, gumugol siya ng mahigit limang taon sa ilang bilangguan at mga kampo ng puwersahang pagtatrabaho. Namatay siya noong 2002.

Habang nakabilanggo, pinahintulutan kaming makipagtalastasan sa aming pamilya, at pinayagan silang magpadala sa amin bawat buwan ng isang kahon ng regalo na may timbang na limang kilo. Ang mga nakatatapos lamang ng kanilang mga atas na trabaho ang puwedeng tumanggap ng kanilang kahon. Laging pantay-pantay ang hati namin sa pagkain, na kadalasang hinahati sa 30 bahagi. Minsan ay ginawa namin ito sa dalawang mansanas. Totoo, bawat bahagi ay maliit, ngunit naipantawid-gutom namin ito.

Bagaman wala kaming mga Bibliya o mga pantulong sa pag-aaral sa Bibliya, nanatili kaming malakas sa espirituwal sa pamamagitan ng pag-alaala sa mga bagay na natutuhan namin bago kami nabilanggo at sa pagbabahagi ng mga ito sa isa’t isa. Kaayusan namin na tuwing umaga, aalalahanin ng isang kapatid ang isang talata sa Bibliya. Pagkatapos ay inuulit namin ang tekstong ito nang pabulong at binubulay-bulay ang mga ito sa panahon ng aming sapilitang paglalakad sa umaga na tumatagal ng mga 15 hanggang 20 minuto. Pagbalik sa aming selda​—20 sa amin ang nagsisiksikan sa isang silid na 2 por 4 metro​—nagkokomento kami hinggil sa talatang iyon sa loob ng mga 30 minuto. Kung pagsasama-samahin, nagawa naming lahat na alalahanin ang 1,600 talata sa Bibliya. Sa tanghali ay pinag-uusapan namin ang iba’t ibang paksa, kabilang na ang mga 20 hanggang 30 teksto na nauugnay rito. Sinasaulo ng lahat ang materyal.

Noong una, nadama ng isang kapatid na napakatanda na niya para magsaulo ng maraming teksto sa Bibliya. Gayunman, masyado niyang minaliit ang kaniyang kakayahan. Pagkatapos naming ulitin sa kaniya nang 20 beses ang mga teksto, naalaala rin niya at nabigkas ang maraming teksto, na talaga namang ikinatuwa niya!

Totoo, kami ay gutom at mahina sa pisikal, ngunit patuloy kaming pinakain at pinalakas ni Jehova sa espirituwal. Kahit noong palayain kami, kailangan naming manatiling matibay sa espirituwal dahil patuloy kaming nililigalig ng Securitate, sa pagtatangkang sirain ang aming pananampalataya.

[Kahon sa pahina 132, 133]

Mga Pamamaraan sa Pagkopya

Noong dekada ng 1950, ang sulat-kamay na pagkopya, madalas gamit ang carbon paper, ang pinakasimple at pinakakumbinyenteng pamamaraan sa pagkopya ng mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya. Bagaman mabagal at matrabaho, ang pamamaraang ito ay may isang partikular na kapakinabangan​—naisasaulo ng mga tagakopya ang karamihan sa materyal. Kaya kapag nabilanggo, nakapagbibigay sila ng malaking espirituwal na pampatibay-loob sa iba. Gumamit din ng mga makinilya ang mga kapatid, ngunit kailangan pang iparehistro ang mga ito sa pulisya at mahirap makakuha ng mga ito.

Ang mga mimyograp ay nauso noong huling mga taon ng dekada ng 1950. Upang makagawa ng mga istensil, pinaghahalo ng mga kapatid ang kola, gelatin, at pagkit, at pagkatapos ay ipinapahid nang manipis at pantay ang halong ito sa isang makinis at parihabang bagay, lalong mabuti kung salamin. Gamit ang espesyal na tinta na sila mismo ang gumawa, isinusulat nila ang artikulo sa papel. Kapag tuyo na ang tinta, inilalapat nila ang papel at pantay na idiniriin ito sa pinakaibabaw ng bagay na nilagyan nila ng pagkit, sa gayo’y nakagagawa sila ng istensil. Gayunman, hindi nagtatagal ang mga istensil na ito, kaya kailangang palaging gumawa ang mga kapatid ng bagong mga istensil. At gaya ng sulat-kamay na mga kopya ng mga artikulo, ang mga istensil ay may panganib din sa seguridad​—maaaring makilala ang manunulat sa pamamagitan ng kaniyang sulat-kamay.

Mula noong dekada ng 1970 hanggang sa huling mga taon ng pagbabawal, gumawa at gumamit ang mga kapatid ng mahigit na sampung nabibitbit at manu-manong mga makinang pangopya. Ginaya ang mga ito mula sa isang modelo na nagmula sa Austria, at ginagamitan ang mga ito ng mga platong pang-imprenta na gawa sa papel na nababalutan ng plastik. Binansagan ng mga kapatid ang makinang ito bilang Gilingan. Pasimula noong huling mga taon ng dekada ng 1970, nakakuha ng ilang sheetfed offset na pangopya, pero hindi kaya ng mga kapatid na gumawa ng mga plato, kaya hindi nagamit ang mga makinang ito. Gayunman, pasimula noong 1985, isang kapatid na chemical engineer mula sa dating Czechoslovakia ang nagturo sa mga kapatid kung paano gumawa ng mga plato. Pagkatapos nito, kapansin-pansin ang naging pagsulong sa dami at kalidad ng naiimprenta.

[Kahon/Larawan sa pahina 136, 137]

Sinanay Ako ni Jehova

Nicolae Bentaru

Isinilang: 1957

Nabautismuhan: 1976

Maikling Talambuhay: Naglingkod bilang tagapaglimbag noong panahon ng Komunismo at naglilingkod ngayon bilang special pioneer kasama ang kaniyang asawang si Veronica.

Nagsimula akong mag-aral ng Bibliya noong 1972 sa bayan ng Săcele at nabautismuhan ako pagkaraan ng apat na taon nang ako ay 18 taóng gulang. Ipinagbabawal noon ang gawain, at idinaraos ang mga pagpupulong sa maliliit na grupo sa pag-aaral. Magkagayunman, tumanggap kami ng regular na suplay ng espirituwal na pagkain, pati ng mga drama sa Bibliya, na inihaharap sa pamamagitan ng mga rekording na may kasamang de-kulay na mga slide.

Pagkatapos kong mabautismuhan, ang una kong atas ay ang magpaandar ng slide projector. Pagkalipas ng dalawang taon, tumanggap ako ng karagdagang pribilehiyo bilang tagabili ng papel para sa aming palihim na pag-iimprenta sa aming lugar. Noong 1980, natuto akong mag-imprenta at nakibahagi ako sa produksiyon ng Ang Bantayan, Gumising!, at ng iba pang mga publikasyon. Gumamit kami ng mimyograp at isa pang maliit at manu-manong palimbagan.

Samantala, nakilala ko si Veronica, isang mahusay na sister na nagpamalas na ng kaniyang katapatan kay Jehova, at nagpakasal kami. Napakalaki ng naitulong ni Veronica sa aking gawain. Noong 1981, tinuruan ako ni Otto Kuglitsch mula sa sangay sa Austria kung paano paandarin ang aming kauna-unahang sheetfed offset na pangopya. Naglagay kami ng ikalawang palimbagan sa Cluj-​Napoca noong 1987, at ako ang naatasang magsanay sa mga opereytor.

Nang maalis ang pagbabawal noong 1990, ipinagpatuloy namin ni Veronica kasama ang aming anak na lalaki, si Florin, ang pag-iimprenta at pamamahagi ng mga literatura sa loob ng walong buwan. Tumulong si Florin sa pagtitipon ng mga naimprentang pahina bago diinan, tabasin, lagyan ng staple, balutin, at ibiyahe ang mga ito. Noong 2002, kaming tatlo ay inatasan na magpayunir sa bayan ng Mizil, na may populasyong 15,000 at mga 80 kilometro sa hilaga ng Bucharest. Kami ni Veronica ay naglilingkod bilang mga special pioneer, at si Florin bilang regular pioneer.

[Kahon/Larawan sa pahina  139, 140]

Binulag ni Jehova ang Kaaway

Ana Viusencu

Isinilang: 1951

Nabautismuhan: 1965

Maikling Talambuhay: Mula pa noong unang mga taon ng kaniyang pagiging tin-edyer, tumulong na siya sa kaniyang mga magulang sa pagkopya ng mga literatura. Nang maglaon, nakibahagi siya sa pagsasalin ng mga publikasyon sa wikang Ukrainiano.

Isang araw noong 1968, manu-mano kong kinopya ang isang Bantayan sa mga istensil na papel para sa pagkopya. Dahil sa kawalang-ingat, nakalimutan kong itago ang mga istensil nang umalis ako para dumalo sa Kristiyanong pagpupulong. Pagdating na pagdating ko sa bahay nang hating-gabi, narinig kong huminto ang isang kotse. Bago ko pa makita kung sino ang sakay ng kotse, limang agent ng Securitate, na may dalang search warrant, ang pumasok sa bahay. Natakot ako pero nagawa kong maging mahinahon. Kasabay nito, namanhik ako kay Jehova na patawarin ako sa aking kawalang-ingat, at nangakong hinding-hindi ko na iiwang nakakalat ang trabaho ko.

Ang opisyal na nangangasiwa ay naupo sa mesa sa tabi mismo ng mga papel, na dali-dali kong tinakpan ng tela nang marinig kong huminto ang kotse. Naupo siya roon hanggang sa matapos ang pag-iinspeksiyon pagkalipas ng ilang oras. Habang isinusulat ang kaniyang report​—mga ilang pulgada lamang mula sa mga istensil​—ilang ulit niyang inayos ang tela. Sinabi niya sa report na ang kaniyang mga agent ay walang nasumpungang ipinagbabawal na literatura sa bahay o sa kaninupamang tao.

Magkagayunman, isinama ng mga lalaki si Itay sa Baia-​Mare. Marubdob namin siyang ipinanalangin ni Inay, at nagpasalamat din kami kay Jehova na iningatan niya kami nang gabing iyon. Kaylaking pasasalamat namin nang umuwi si Itay pagkalipas ng ilang araw.

Di-nagtagal pagkatapos nito, habang manu-mano kong kinokopya ang ilang publikasyon, nakarinig muli ako ng kotse na huminto sa labas ng aming bahay. Pinatay ko ang ilaw, sumilip sa natatabingang bintana, at nakita kong bumaba ng kotse ang ilang lalaking nakauniporme na may makikintab na sagisag sa kanilang mga balikat at pumasok sa bahay sa kabilang kalye. Nang sumunod na gabi, pinalitan sila ng isa pang grupo, kaya nakumpirma namin ang aming hinala na mga espiya sila ng Securitate. Magkagayunman, nagpatuloy kami sa pagkopya pero dinadala namin ang aming mga gamit sa hardin sa likod ng bahay para huwag kaming mahalata.

“Ang daan sa pagitan natin at ng mga kaaway,” ang madalas sabihin noon ni Itay, “ay gaya ng haliging ulap na nasa pagitan ng mga Israelita at ng mga Ehipsiyo.” (Ex. 14:19, 20) Naranasan ko mismo na tama nga si Itay!

[Kahon/Larawan sa pahina 143, 144]

Iniligtas ng Sirang Tambutso

Traian Chira

Isinilang: 1946

Nabautismuhan: 1965

Maikling Talambuhay: Isa sa mga kapatid na responsable sa paggawa at pagbibiyahe ng mga literatura noong mga taon ng pagbabawal.

Maaga isang araw ng Linggo sa panahon ng tag-araw, isinakay ko sa aking kotse ang walong bag ng literatura. Hindi nagkasya ang lahat ng bag sa kompartment sa likod ng kotse, kaya inalis ko ang upuan sa likod at inilagay roon ang ibang bag, tinakpan ang mga ito ng mga kumot, at pinatungan ng unan. Iisipin ng sinumang titingin sa loob ng kotse na ang aming pamilya ay pupunta sa dalampasigan. Bilang karagdagang pag-iingat, tinakpan ko rin ng kumot ang mga bag na nasa kompartment sa likod ng kotse.

Pagkatapos manalangin ukol sa pagpapala ni Jehova, kaming lima​—ang aking asawa, ang aming dalawang anak na lalaki, ang aming anak na babae, at ako​—ay nagbiyahe patungong Tirgu-​Mures at Brasov upang ihatid ang mga literatura. Habang nagbibiyahe kami, sama-sama kaming umaawit ng mga awiting pang-Kaharian. Pagkaraan ng mga 100 kilometro, may nadaanan kaming lubak-lubak na daan. Dahil sa bigat ng karga ng sasakyan, may tinamaan ang tambutso sa daan at natanggal ito. Itinabi ko ang kotse at inilagay ang natanggal na bahagi ng tambutso sa kompartment sa likod ng kotse katabi ng reserbang gulong pero sa ibabaw ng kumot. Palibhasa’y wala nang tambutso, napakaingay ng sasakyan namin habang nagbibiyahe.

Sa bayan ng Luduş, pinahinto kami ng isang pulis para inspeksiyunin ang aming kotse kung ligtas itong gamitin. Pagkatapos suriin ang numero ng makina at ang busina, mga wiper ng salamin sa harapan, ilaw, at iba pa, sinabi niyang gusto niyang makita ang reserbang gulong. Habang naglalakad papunta sa likod ng kotse, humilig ako sa bintana at binulungan ang aking asawa at mga anak: “Manalangin na kayo. Si Jehova na lamang ang makatutulong sa atin ngayon.”

Nang buksan ko ang kompartment sa likod ng kotse, kaagad na nakita ng pulis ang sirang tambutso. “Ano ito?” ang tanong niya. “Kailangan mong magmulta!” Palibhasa’y nasiyahan na dahil nakakita na siya ng depekto, tinapos na niya ang kaniyang pag-iinspeksiyon. Isinara ko ang kompartment sa likod ng kotse, napabuntung-hininga, at masayang-masaya dahil nagmulta lamang ako! Iyon lamang ang pinakanakatatakot na karanasan namin, at natanggap ng mga kapatid ang kanilang mga literatura.

[Kahon/Larawan sa pahina 147-149]

Isang Pakikipagharap sa Securitate

Viorica Filip

Isinilang: 1953

Nabautismuhan: 1975

Maikling Talambuhay: Nagsimula sa buong-panahong paglilingkod noong 1986 at naglilingkod bilang miyembro ng pamilyang Bethel.

Nang maging Saksi ni Jehova kami ng ate ko na si Aurica, kami ay pinagmalupitan ng aming pamilya. Bagaman masakit, ito ang nagpalakas sa amin upang makayanan namin ang pakikipagharap sa Securitate nang maglaon. Nangyari sa akin ang isa sa mga pakikipagharap na ito isang gabi ng Disyembre noong 1988. Nang panahong iyon, nakikitira ako kay Ate Aurica at sa kaniyang pamilya sa lunsod ng Oradea, malapit sa hangganan ng Hungary.

Papunta ako sa bahay ng isang kapatid na nangangasiwa sa pagsasalin at dala-dala ko sa aking bag ang isang magasin na pinu-proofread ko. Wala akong kamalay-malay na kasalukuyang naghahalughog doon ang mga agent ng Securitate at pinagtatatanong ang mga nakatira roon at ang sinumang dumalaw. Mabuti na lamang at nakita ko ang nangyayari kung kaya nagawa kong sunugin ang materyal na nasa bag ko nang hindi natutuklasan. Pagkatapos nito, ako at ang iba pang mga Saksi ay dinala ng mga agent sa himpilan ng Securitate para sa karagdagang pagtatanong.

Buong magdamag nila akong pinagtatanong, at nang sumunod na araw ay hinalughog nila ang nakarehistrong tirahan ko, isang maliit na bahay sa kalapit na nayon ng Uileacu de Munte. Hindi ako tumitira roon, pero ginagamit ng mga kapatid ang bahay ko bilang imbakan ng mga materyal para sa palihim na gawain. Nang matuklasan ito ng mga agent, ibinalik nila ako sa himpilan ng Securitate at binugbog ako sa pamamagitan ng batutang goma upang ibunyag ko kung sino ang nagmamay-ari o may tuwirang kaugnayan sa nasumpungang mga bagay. Namanhik ako kay Jehova na tulungan akong mabata ang pamamalo. Nakadama ako ng kapayapaan, at ang kirot ay tumatagal lamang nang ilang segundo pagkatapos ng bawat hampas. Subalit di-nagtagal ay namaga nang husto ang aking mga kamay anupat nag-alala ako na baka hindi na ako makasulat pang muli. Pinalaya ako nang gabing iyon​—walang kapera-pera, gutom na gutom, at pagod na pagod.

Habang sinusundan ako ng isang agent ng Securitate, naglakad ako patungo sa pangunahing terminal ng bus. Hindi ko sinabi sa mga nag-imbestiga sa akin kung saan ako tumutuloy noon, kaya hindi ako puwedeng dumeretso sa bahay ni Ate Aurica sa takot na maisapanganib ko siya at ang kaniyang pamilya. Dahil hindi ako sigurado kung saan ako pupunta at kung ano ang gagawin ko, nagsumamo ako kay Jehova, na sinasabi sa kaniya na kailangang-kailangan kong kumain at na gustong-gusto kong matulog sa sarili kong higaan. ‘Hindi kaya kalabisan na ang hinihiling ko?’ ang naisip ko.

Tamang-tamang paalis na ang bus nang dumating ako sa terminal. Tumakbo ako at sumakay rito, bagaman wala akong pamasahe. Nagkataon namang patungo ito sa nayon na kinaroroonan ng bahay ko. Nakasakay rin ang agent ng Securitate sa bus, tinanong ako kung saan patungo ang bus, at pagkatapos ay bumaba. Dahil dito, nahinuha ko na isa pang agent ang maghihintay sa akin sa Uileacu de Munte. Laking pasasalamat ko dahil hindi ako pinababa ng drayber ng bus. ‘Pero bakit ako pupunta sa Uileacu de Munte?’ ang naisip ko. Ayaw kong pumunta sa bahay ko dahil wala akong makakain doon ni mahihigan man.

Ibinubuhos ko pa lamang kay Jehova ang aking mga alalahanin nang ihinto ng drayber ang bus sa labas ng Oradea upang makababa ang kaniyang kaibigan. Sinamantala ko ang pagkakataon upang makababa rin. Habang papalayo ang bus, nalipos ako ng kaligayahan, at maingat akong nagtungo sa apartment ng isang kapatid na kilala ko. Nang dumating ako, tamang-tama namang hinahango ng kaniyang asawa mula sa kalan ang paborito kong sopas. Inanyayahan ako ng pamilya na maghapunan.

Sa kalaunan nang gabing iyon, noong sa tingin ko’y wala nang panganib, umuwi ako sa bahay ni Ate Aurica at natulog sa sarili kong higaan. Oo, ibinigay sa akin ni Jehova ang mismong dalawang bagay na idinalangin ko sa kaniya​—masarap na pagkain at ang sarili kong higaan. Tunay ngang napakabait ng ating Ama!

[Kahon sa pahina 155]

Patuloy na Itinutuon ng mga Kabataan ang Kanilang Pansin sa Espirituwal na mga Bagay

Noong panahon ng pag-uusig, nakagawa ang mga kabataang Kristiyano ng kapuri-puring rekord ng katapatan, at isinapanganib ng marami ang kanilang kalayaan alang-alang sa mabuting balita. Ngayon ay napapaharap sila sa iba’t ibang mga pagsubok, at nakalulungkot, ang ilan ay hindi naging mapagbantay. Ngunit patuloy namang itinutuon ng iba ang kanilang pansin sa espirituwal na mga bagay. Halimbawa, sama-samang tinatalakay ng isang grupo ng mga estudyante sa haiskul sa Câmpia Turzii ang pang-araw-araw na teksto tuwing rises nila sa umaga. Ginagawa nila ito sa bakuran ng paaralan o sa palaruan, at sumasali kung minsan ang ibang mga estudyante.

Ganito ang sabi ng isang kabataang sister: “Ang pagtalakay sa pang-araw-araw na teksto kasama ang aking mga kaibigan ay isang kanlungan para sa akin, isang maikling pahinga mula sa pakikisama sa mga estudyanteng hindi naglilingkod kay Jehova. Napatitibay rin ako kapag nakikita ko na hindi ako nag-iisang Saksi ni Jehova.” Pinapurihan ng prinsipal at ng ilang guro ang mahuhusay na mga kabataang ito.

[Kahon sa pahina 160]

Legal na Pagtatatag ng Mabuting Balita

Noong Huwebes, Mayo 22, 2003, naglabas ang Ministri ng Kultura at Relihiyon ng Romania ng isang ordinansa na muling tumitiyak na ang Relihiyosong Organisasyon ng mga Saksi ni Jehova, na itinatag noong Abril 9, 1990, ay isang legal na instrumento na kinikilala ng Estado. Dahil dito, ang mga Saksi ni Jehova ay karapat-dapat sa lahat ng legal na benepisyo na ibinibigay sa inaprubahang mga relihiyon, gaya ng karapatang mangaral at magtayo ng mga Kingdom Hall. Ang pagkilalang ito ang naging katapusan ng maraming legal na pakikibaka sa nakalipas na maraming taon.

[Chart/Graph sa pahina 80, 81]

ROMANIA—TALÂ NG MAHAHALAGANG PANGYAYARI

1910

1911: Bumalik mula sa Estados Unidos sina Károly Szabó at József Kiss.

1920: Itinatag ang tanggapang pansangay sa Cluj-Napoca. Pinangasiwaan nito ang gawain sa Albania, Bulgaria, Hungary, Romania, at ang dating Yugoslavia.

1924: Bumili ng ari-arian para sa sangay pati na ng isang palimbagan sa Cluj-Napoca.

1929: Inilipat sa Alemanya ang pangangasiwa at nang maglaon sa Sentral na Tanggapan sa Europa na nasa Switzerland.

1938: Ipinasara ng gobyerno ang tanggapan sa Romania, na inilipat sa Bucharest.

1940

1945: Nairehistro ang Asosasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Romania.

1946: Mga 15,000 ang dumalo sa kauna-unahang pambansang kombensiyon sa Bucharest.

1947: Noong Agosto at Setyembre, nilibot nina Alfred Rütimann at Martin Magyarosi ang Romania.

1949: Ipinagbawal ng gobyernong Komunista ang mga Saksi ni Jehova at kinumpiska ang lahat ng ari-arian ng sangay.

1970

1973: Inilipat ang pangangasiwa sa bansa mula sa tanggapan sa Switzerland tungo sa tanggapan sa Austria.

1988: Dumalaw sa Romania ang mga kinatawan ng Lupong Tagapamahala.

1989: Bumagsak ang rehimeng Komunista.

1990: Nakamit ng mga Saksi ni Jehova ang legal na pagkilala. Ginanap ang mga asamblea.

1991: Ang Bantayan sa wikang Romaniano ay inilalathala na nang full color kasabay ng edisyon sa Ingles.

1995: Muling itinatag ang tanggapang pansangay sa Romania, sa Bucharest.

1999: Ginanap sa Romania ang kauna-unahan nitong Ministerial Training School.

2000

2000: Inilabas ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Romaniano.

2004: Inialay ang kauna-unahang Assembly Hall, sa Negreşti-Oaş.

2005: 38,423 mamamahayag ang aktibo sa Romania.

[Graph]

(Tingnan ang publikasyon)

Kabuuang Bilang ng mga Mamamahayag

Kabuuang Bilang ng mga Payunir

40,000

20,000

1910 1940 1970 2000

[Mga mapa sa pahina 73]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

POLAND

SLOVAKIA

HUNGARY

UKRAINE

MOLDOVA

ROMANIA

Satu-Mare

Oradea

Arad

Negreşti-Oaş

Baia-Mare

MARAMUREŞ

Brebi

Bistriţa

Topliţa

Cluj-Napoca

Tirgu-Mures

Ocna Mureş

TRANSYLVANIA

Kbdk. ng Carpathian

Frătăuţii

Bălcăuţi

Ivăncăuţi

Prut

MOLDAVIA

Brasov

Săcele

Mizil

BUCHAREST

WALACHIA

Galaţi

Braila

Danube

DOBRUJA

SERBIA AT MONTENEGRO

BULGARIA

MACEDONIA

[Buong-pahinang larawan sa pahina 66]

[Mga larawan sa pahina 69]

Noong 1911, bumalik sina Károly Szabó at József Kiss sa kanilang sariling lupain upang ipangaral ang mensahe ng Kaharian

[Larawan sa pahina 70]

Si Paraschiva Kalmár, nakaupo, kasama ang kaniyang asawa at walo sa kanilang mga anak

[Larawan sa pahina 71]

Si Gavrilă Romocea

[Larawan sa pahina 71]

Sina Elek at Elisabeth Romocea

[Larawan sa pahina 77]

Pagtatayo ng bagong tanggapan sa Cluj-Napoca, 1924

[Larawan sa pahina 84]

Habang tumitindi ang pag-uusig, iba’t ibang pamagat ang ginamit sa paglalathala ng mga literatura

[Larawan sa pahina 86]

Dumating si Nicu Palius mula sa Gresya upang tumulong sa gawain

[Larawan sa pahina 89]

Nakikinig sa isang nakarekord na pahayag sa Bibliya, 1937

[Larawan sa pahina 95]

Sina Martin at Maria Magyarosi (harap) at Elena at Pamfil Albu

[Larawan sa pahina 102]

Isang pansirkitong asamblea sa Baia-Mare noong 1945

[Larawan sa pahina 105]

Poster para sa pambansang kombensiyon na ginanap noong 1946

[Larawan sa pahina 111]

Si Mihai Nistor

[Larawan sa pahina 112]

Si Vasile Sabadâş

[Larawan sa pahina 117]

Aparato sa pakikinig sa usapan ng iba na gamit ng Securitate

[Larawan sa pahina 120]

Ang Periprava, isang kampo ng puwersahang pagtatrabaho sa Delta ng Danube

[Larawan sa pahina 133]

Ang Gilingan

[Mga larawan sa pahina 134]

Sina Veronica at Nicolae Bentaru sa lihim na silid sa ilalim ng kanilang bahay

[Larawan sa pahina 138]

Sina Doina at Dumitru Cepănaru

[Larawan sa pahina 138]

Si Petre Ranca

[Mga larawan sa pahina 141]

Mga asamblea na ginanap noong dekada ng 1980

[Larawan sa pahina 150]

Pioneer Service School na ginanap sa kauna-unahang pagkakataon sa Romania, 1993

[Larawan sa pahina 152]

Sina Roberto at Imelda Franceschetti

[Mga larawan sa pahina 157]

Libu-libo ang dumalo sa 1996 “Mga Mensahero ng Makadiyos na Kapayapaan” na mga Internasyonal na Kombensiyon, sa kabila ng pagsalansang ng klero

[Mga larawan sa pahina 158]

(1) Gusali na may pitong Kingdom Hall, Tirgu-Mures

(2) Sangay sa Romania, Bucharest

(3) Assembly Hall, Negreşti-Oaş

[Larawan sa pahina 161]

Komite ng Sangay, pakanan mula sa pinakaitaas sa kaliwa: Daniele Di Nicola, Jon Brenca, Gabriel Negroiu, Dumitru Oul, at Ion Roman