Pumunta sa nilalaman

SETYEMBRE 17, 2019
UNITED KINGDOM

Malapit Nang Matapos ang Pagtatayo sa Napakagandang Sangay sa Britain

Malapit Nang Matapos ang Pagtatayo sa Napakagandang Sangay sa Britain

Sa Disyembre 2019, inaasahang matatapos na ang pagtatayo sa tanggapang pansangay sa Britain malapit sa Chelmsford, Essex. Ngayon pa lang, sinasabi na ng mga eksperto na ang proyektong ito ay isang napakagandang halimbawa ng pagtatayo na nagbabalik sa ganda ng lugar na kinatatayuan nito.

Nang mabili ng mga kapatid ang property noong 2015, isa itong tambakan ng lumang sasakyan at iba pang basura. Hinukay at ni-recycle ng mga boluntaryo ang mga basura—kasama na ang libo-libong gulong, na ang ilan ay mula pa noong Digmaang Pandaigdig II. Tinanggal din nila kahit ang maliliit na piraso ng basura sa lupa, ni-recycle ang mga pirasong puwede pang gamitin, at ibinalik ang nalinis na lupa sa site. Lahat-lahat, mahigit 11,000 kapatid ang nagboluntaryo nang mahigit apat na milyong oras para maibalik ang ganda ng 34-na-ektaryang property.

Sa kaliwa: Mga sinanay na boluntaryo na naglilinis sa site noong 2015; Sa kanan: Isa sa magagandang hardin na makikita ngayon sa site

Magkakaroon dito ng mga hardin na may mga lokal na halaman at halaman mula sa ibang lugar, maliliit na lawa, at taniman ng mga bulaklak at prutas. Maganda ang disenyo nito. Bukod diyan, may lugar din doon na puwedeng tirhan ng mga hayop, may ginagamit itong sistema para hindi masayang ang tubig, pinoprotektahan nito ang malalaki at maliliit na puno, sinusuportahan nito ang pagtubo ng mga halaman, at pinapaganda nito ang tanawin para sa mga residenteng malapit dito.

Sinabi ni Brother Paul Rogers, miyembro ng Construction Project Committee (CPC): “Maraming taóng pinabayaan at inabuso ang property na ito. Nagsimula itong gumanda dahil sa napakaraming boluntaryo na matiyagang nag-alis ng basura. Nang malinis na ang lugar, inayos ang lupa para mabuo ang magagandang burol at lambak na gaya ng nasa mga nakapalibot na lugar, at tinamnan din ito ng daan-daang puno at iba pang halaman. Ang magandang resulta ay katulad ng sinasabi sa Ezekiel 36:35, 36: ‘At sasabihin ng mga tao: “Ang tiwangwang na lupain ay naging gaya ng hardin ng Eden” . . . At malalaman ng . . . mga bansa sa palibot ninyo na ako mismong si Jehova ang nagtayo ng mga nagiba at na tinamnan ko ang lupaing tiwangwang.’”

 

Dalawang sister na nag-aalis ng basura sa maliit na lawa. Ang malalaking basura at putik ay inalis gamit ang mga traktora, pero ang maliliit na basura at ligáw na damo ay isa-isang inalis. Mahigit 8,000 halamang-tubig ang itinanim, kaya mas luminis pa ang tubig

Ang isa sa maliliit na lawa na bahagi ng drainage system ang kumokolekta ng tubig mula sa kalapit na daan at sa pasilidad ng sangay. Nasa kaliwa ng larawan ang isang bus stop na may viewing area para makita ng lokal na mga residente ang hardin

Isang landscaping team ang nagtatanim ng puno. Halos 15,000 puno at iba pang halaman ang itinanim

Anim na olive tree, na tinatayang mga 100 taon na, ang itinanim sa harap ng office complex

Isang grupo ng mga sister ang nagpapa-picture sa ginagawa nilang landscape. Mahigit 18,000 halamang namumulaklak ang itinanim sa kakahuyan sa loob ng property. Di-bababa sa 80 porsiyento ng mga halamang ginamit sa proyekto ay mga halaman na mula sa lugar na ito

Mga bulaklak, puno, at iba pang halaman na maayos na nakatanim sa labas ng Residence F