Pumunta sa nilalaman

HUNYO 8, 2015
UKRAINE

Mga Korte sa Ukraine—Kinilala ang Karapatang Tumangging Magsundalo Dahil sa Budhi sa Panahon ng Mobilisasyong Militar

Mga Korte sa Ukraine—Kinilala ang Karapatang Tumangging Magsundalo Dahil sa Budhi sa Panahon ng Mobilisasyong Militar

Dahil sa kaguluhang sibil at digmaan sa mga rehiyon sa silangan ng Ukraine, nag-utos ang presidente ng Ukraine na magkaroon ng partial military mobilization sa tag-init ng 2014. Si Vitaliy Shalaiko, dating sundalo sa hukbong militar ng Ukraine at ngayo’y isa nang Saksi ni Jehova, ay tumugon nang ipatawag. Sa harap ng Military Commissariat doon, sinabi ni Mr. Shalaiko na siya’y tumatangging magsundalo dahil sa budhi at handa siyang magsagawa ng alternatibong paglilingkod na walang kaugnayan sa militar.

Tinanggihan ng military office ang karapatan ni Mr. Shalaiko na tumangging magsundalo dahil sa budhi sa panahon ng mobilisasyon at nagsampa ng kriminal na kaso dahil dito. Sa labanan ngayon, ito ang unang pagdedemanda sa Ukraine dahil sa pagtangging sumama sa mobilisasyon batay sa relihiyosong paniniwala.

Bilang dating sundalo, nauunawaan ni Mr. Shalaiko ang interes ng gobyerno na protektahan ang soberanya nito at ang obligasyon nitong ingatan ang mga mamamayan. Gayunman, para kay Mr. Shalaiko, kailangan niyang timbangin ang pagtawag na maglingkod sa militar ayon sa simulain ng Bibliya na ibigay “kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” * Bilang ministrong Kristiyano, obligado siyang igalang ang buhay ng tao at magpakita ng pag-ibig sa lahat ng panahon at sa lahat ng tao. *

Ang Paglilitis: Ang Alternatibong Paglilingkod Ba ay Pagtakas sa Tungkuling Militar?

Noong Nobyembre 13, 2014, dininig ng Novomoskovsk District Court sa rehiyon ng Dnipropetrovsk ang kriminal na paratang kay Mr. Shalaiko na pag-iwas sa mobilisasyong militar. Lumilitaw na hindi niya iniwasan ang mga opisyal ng militar at mga imbestigador kundi humarap siya sa kanila nang ipatawag. Ipinasiya ng korte na si Mr. Shalaiko ay “may karapatang palitan ng alternatibong paglilingkod ang tungkuling militar, pati na ang pagsusundalo sa panahon ng mobilisasyon, dahil kabilang siya sa isang relihiyosong organisasyon na nagtuturong hindi dapat gumamit ng mga armas.”

Bukod diyan, pinagtibay ng district court na ang karapatan sa alternatibong paglilingkod ni Mr. Shalaiko ay “ginagarantiyahan ng Konstitusyon ng Ukraine.” Kinikilala rin nito na pinoprotektahan ng European Convention on Human Rights * at ng mga hatol ng European Court of Human Rights (ECHR) ang kalayaan sa relihiyon. Pinawalang-sala ng hukom si Mr. Shalaiko sa paratang na pag-iwas sa mobilisasyon. Ang prosecutor ay naghain ng apela.

Ang Apela: Mas Mahalaga Ba ang Mobilisasyon Kaysa sa Budhi?

Sa kaniyang apela, ikinatuwiran ng prosecutor na ang konstitusyonal na tungkuling ipagtanggol ang bansa ay dapat mangibabaw sa halip na ang karapatan sa kalayaan sa relihiyon at sa alternatibong paglilingkod na walang kaugnayan sa pagsusundalo. Ikinatuwiran niya na ang kaugnay na mga desisyon ng ECHR ay hindi kapit sa panahon ng mobilisasyon.

Noong Pebrero 26, 2015, ipinasiya ng Appeal Court sa rehiyon ng Dnipropetrovsk na ang “pagtangging sumama sa mobilisasyon dahil sa budhi ay hindi pag-iwas sa mobilisasyon nang walang makatuwirang dahilan.” Sa desisyon nito, isinaalang-alang ng korte ang relihiyosong paniniwala ni Mr. Shalaiko at binanggit ang mga hatol ng ECHR na nagsasabing ang “gayong relihiyosong paniniwala ay ginagarantiyahan ng Article 9 ng [European] Convention” * sa kalayaan sa pag-iisip, budhi, at relihiyon.

Kinilala rin ng appeal court na hindi saklaw ng Article 9 ng European Convention on Human Rights ang pagkabahala sa “‘seguridad ng Estado’ ... para limitahan ang mga karapatan na may garantiya.” Ikinatuwiran ng mga hukom na “ang karapatang tumanggi dahil sa budhi ay hindi maaaring hadlangan dahil sa kapakanan ng seguridad ng bansa.” Ipinasiya nila na ang batas ng Ukraine tungkol sa karapatan sa alternatibong paglilingkod ay kapit kahit sa panahon ng mobilisasyon. Para pagtibayin ang desisyon ng korte, pinawalang-sala ng appeal court si Vitaliy Shalaiko.

Hindi Isang Krimen ang Karapatang Pantao

Kinikilala at pinagtitibay ng mga desisyong ito ng mga korte sa paglilitis at sa pag-apela sa silangang Ukraine ang karapatan na tumatangging magsundalo dahil sa budhi at sa alternatibong paglilingkod sibilyan—kahit sa panahon ng kagipitan ng bansa. Ang mga desisyon sa kaso ni Mr. Shalaiko ay kapareho rin ng pagsulong sa internasyonal na batas na kumikilala sa saligang karapatan na tumanggi dahil sa budhi. *

Pero umapela ang prosecutor at ibinigay sa High Specialized Court of Ukraine for Civil and Criminal Cases ang kaparehong argumento na nasuri at pinawalang-saysay na ng appeal court. Noong Abril 30, 2015, naghain ng mga pagtutol ang abogado ni Mr. Shalaiko sa apela ng prosecutor.

Si Vitaliy Shalaiko ay isa sa libo-libong Saksi sa Ukraine na tinawag para magsundalo. Magalang silang tumugon sa pagtawag at humiling ng alternatibong paglilingkod na hindi labag sa kanilang relihiyosong paniniwala. Ang mga kahilingang ito ay karaniwan nang iginagalang, at iilang Saksi lang ang kinailangang humarap sa korte. Nasa kamay na ngayon ng mataas na hukuman ng Ukraine na magbigay ng katiyakan na igagalang ng Ukraine ang hiling ng mga Saksi na kilalanin ang kanilang pagtanggi dahil sa budhi.

^ par. 7 Pinagtibay ng Ukraine ang European Convention on Human Rights ng 1997.

^ par. 10 Espesipikong binanggit ng desisyon ng appeal court ang mga hatol ng ECHR sa Jehovah’s Witnesses of Moscow and Others v. Russia at Bayatyan v. Armenia.

^ par. 13 Tingnan ang Bayatyan v. Armenia [GC], no. 23459/03, §§ 98-111, ECHR 2011; Jeong et al. v. Republic of Korea, UN Doc CCPR/C/101D/1642-1741/2007 (24 March 2011) §§ 7.2-7.4.