SETYEMBRE 13, 2023
SPAIN
Ini-release ang Mabuting Balita Ayon kay Mateo at Mga Gawa ng mga Apostol sa Tatlong Wika sa Spain
Noong Setyembre 2, 2023, ini-release ng mga Saksi ni Jehova ang Mabuting Balita Ayon kay Mateo at Mga Gawa ng mga Apostol sa tatlong wika: Basque, Galician, at Valencian. Nagkaroon ng espesyal na mga pulong sa mga lugar sa Spain kung saan sinasalita ang mga wikang ito, at inimbitahan ang mga kapatid mula sa 42 kongregasyon na dumalo sa venue. Pagkatapos ng release, puwede na agad ma-download ang mga aklat na ito ng Bibliya sa digital format sa tatlong wika. Kapag naisalin na ang lahat ng aklat sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ire-release din ang inimprentang bersiyon nito.
Basque
Ini-release ni Brother John Bursnall, isang miyembro ng Komite ng Sangay sa Spain, ang Mabuting Balita Ayon kay Mateo at Mga Gawa ng mga Apostol sa Basque sa isang Kingdom Hall sa lunsod ng Vitoria-Gasteiz. Mga 216 ang dumalo sa venue, at 353 ang nakapanood nito sa pamamagitan ng videoconference. Ito ang unang mga aklat ng Bibliya ng Bagong Sanlibutang Salin sa wikang Basque.
Mga 1.2 milyon ang nagsasalita ng Basque sa Spain at timog ng France. May 233 mamamahayag na nagsasalita ng Basque sa apat na kongregasyon, dalawang group, at tatlong pregroup sa Spain.
Sinabi ng isang brother na nagsasalita ng Basque na naantig siya sa pananalita ni Jehova sa Mateo 3:17: “Ito ang Anak ko, ang minamahal ko at kinalulugdan.” Sinabi niya: “Sa Bagong Sanlibutang Salin, ginamit ang salitang kuttuna para sa ‘minamahal.’ Sa wikang Basque, kuhang-kuha ng salitang ito ang magiliw at espesyal na ugnayan. Ipinapakita nito ang matinding pag-ibig ni Jehova sa kaniyang Anak.”
Galician
Ini-release ni Brother Jürgen Weyand, miyembro ng Komite ng Sangay sa Spain, ang Mabuting Balita Ayon kay Mateo at Mga Gawa ng mga Apostol sa Galician sa 611 tao na nagkatipon sa Palacio de Congresos e Exposicións de Galicia sa Santiago de Compostela. Pinanood naman ng 552 ang programa sa pamamagitan ng videoconference. Mahigit dalawang milyong tao ang nagsasalita ng Galician sa Spain. Halos 1,000 kapatid ang naglilingkod sa 18 kongregasyong nagsasalita ng Galician sa buong bansa.
Sinabi ng isang sister: “Ginagamit ng Bagong Sanlibutang Salin ang Galician na ginagamit ko sa pakikipag-usap sa pamilya ko. Nae-enjoy kong basahin ito nang malakas dahil napakanatural nito.”
Valencian
Ipinatalastas ni Brother Andrés Mayor, miyembro ng Komite ng Sangay sa Spain, ang release ng Magandang Balita Ayon kay Mateo at Mga Gawa ng mga Apostol sa Valencian sa 595 na nasa Assembly Hall sa Benidorm. May 702 pa na nakapanood ng programa sa pamamagitan ng videoconference. Mga 2.5 milyon katao ang nagsasalita ng Valencian. Mahigit 750 kapatid ang naglilingkod sa 15 kongregasyong nagsasalita ng Valencian sa buong Spain.
Nakumpleto ang unang salin ng Bibliya sa wikang Valencian noong mga taon ng 1400. “Ngayon lang lumitaw ang pangalang Jehova sa isang Bibliya sa Valencian,” ang sabi ng isang brother. “Excited akong ipakita sa mga taong nagsasalita ng Valencian ang mga teksto sa Bibliya na may pangalang Jehova.”
Nakikisaya tayo sa ating mga kapatid na nagsasalita ng mga wikang Basque, Galician, at Valencian sa pag-release ng mga aklat na ito ng Bibliya sa kani-kanilang wika. Sigurado tayo na makikinabang sa mga release na ito ang mga mamamahayag at ang iba pa na humahanap ng “tumpak na kaalaman sa katotohanan.”—1 Timoteo 2:4.