HUNYO 16, 2017
RUSSIA
Ang Negatibong Epekto ng Desisyon ng Supreme Court ng Russia sa mga Saksi ni Jehova
May matinding epekto sa mga Saksi ni Jehova sa buong bansa ang desisyon ng Supreme Court ng Russia noong Abril 20, 2017. Nilalabag ng mga awtoridad ang saligang mga kalayaan ng mga Saksi at ginagawang krimen ang kanilang relihiyosong mga gawain. Kasabay nito, idinadahilan naman ng mga mamamayan ng Russia ang desisyon para tratuhin ang mga Saksi nang may diskriminasyon at pagkapoot.
Mga Pang-aabuso at Paghihigpit ng Gobyerno ng Russia sa Karapatang Pantao
Nagsampa ng Kasong Kriminal Laban sa mga Ministro ng mga Saksi ni Jehova
Noong Mayo 25, ni-raid ng mga pulis ang relihiyosong pagtitipon ng Oryol Congregation ng mga Saksi ni Jehova. Inaresto nila si Dennis Christensen, isang mamamayan ng Denmark at elder ng Oryol Congregation. Si Mr. Christensen ay ikinulong bago pa man litisin sa Hulyo 23 habang gumagawa ng kaso ang prosecutor laban sa kaniya dahil sa “ekstremistang gawain.” Kapag nahatulan, maaari siyang masentensiyahan ng anim-hanggang-sampung-taóng pagkabilanggo.
Naglabas ng Opisyal na Babala sa mga Local Religious Organization
Noong Mayo 4, naglabas ng babala ang prosecutor’s office sa chairman ng Krymsk Local Religious Organization (LRO). Binabanggit sa babala na ang chairman at ang mga miyembro ng LRO ay maaaring sampahan ng kasong administratibo at kriminal dahil sa pagdaraos ng relihiyosong pagtitipon.
Mula nang ilabas ang desisyon ng Supreme Court, di-kukulangin sa lima pang LRO ang tumanggap ng gayunding babala.
Ni-raid ng mga Pulis ang Relihiyosong Pagtitipon
Noong Abril 22, pinasok ng mga pulis ang bahay ng pagsamba ng mga Saksi sa Dzhankoy, Republic of Crimea, habang papatapos na ang relihiyosong pagtitipon. Iginiit ng mga opisyal na pagkatapos ng desisyon ng Supreme Court, ang mga Saksi ay wala nang karapatang magtipon para sumamba. Hinalughog nila ang gusali at ikinandado ito para hindi na magamit sa relihiyosong mga pulong.
Mula nang ilabas ang desisyon ng Supreme Court, di-kukulangin sa lima pang pangyayari ang naganap kung saan pinahinto ng mga pulis ang relihiyosong pagtitipon ng mga Saksi, ang isa rito ay idinaraos sa isang pribadong bahay.
“Labis kong ikinababahala ang di-kinakailangang pagsasampa ng kasong kriminal sa mapayapang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa mga pamayanan sa Russia. ... Hinihimok ko ang mga awtoridad sa Russia na garantiyahan ang karapatan sa kalayaan sa pagsamba o paniniwala, kalayaan sa opinyon at pagpapahayag, kalayaan sa mapayapang pagtitipon at pagsasama-sama ng mga indibiduwal na kabilang sa mga Saksi ni Jehova, bilang pagsunod sa mga obligasyon ng bansa sa ilalim ng internasyonal na batas ng karapatang pantao at OSCE [Organization for Security and Cooperation in Europe] commitments.”—Michael Georg Link, Direktor ng OSCE Office for Democratic Institutions and Human Rights.
Pinuntirya ang mga Mag-aaral na Saksi
Noong Abril 24, sa nayon ng Bezvodnoye, Kirov Region, ipinahiya ng isang guro ang dalawang kabataang estudyante na ang ina ay Saksi ni Jehova. Binigyang-katuwiran ng guro ang kaniyang ginawa sa pagsasabing ang mga Saksi ay ipinagbabawal sa Russia.
Noong Mayo 17, sa Moscow Region, naglabas ng nasusulat na babala ang prinsipal ng paaralan sa mga magulang ng isang otso-anyos na mag-aaral na nakipag-usap sa kaniyang kaklase tungkol sa Diyos. Binanggit ng dokumento ang desisyon ng Supreme Court at ipinagbawal ang “lahat ng gawain na walang kaugnayan sa pag-aaral” sa nasasakupan ng paaralan. Nagbanta ang prinsipal na irereport niya ito sa mga pulis at “sasabihin niyang ilipat ang bata sa ibang uri ng pagsasanay.”
Pinagkaitan ng Alternatibong Serbisyong Pansibilyan ang mga Saksi
Noong Abril 28, tinanggihan ng Conscription Commission ng mga rehiyon ng Cheboksary at Marposadskiy ang aplikasyon ng isa sa mga Saksi ni Jehova para sa alternatibong paglilingkod. Sinabi ng Commission na “ekstremista” ang mga Saksi ni Jehova at hindi sila puwedeng pagkalooban ng alternatibong paglilingkod.
Dalawang Saksi pa ang pinagkaitan din ng alternatibong serbisyong pansibilyan.
Napansin ni Philip Brumley, general counsel para sa mga Saksi ni Jehova, ang pagkakasalungatan sa pananaw ng gobyerno: “Sa isang panig, ayaw bigyan ng gobyerno ang mga kabataang Saksi ng alternatibong serbisyong pansibilyan dahil mga ‘ekstremista’ sila, pero hinihiling naman nila na ang mga ‘ekstremistang’ ito ay gawing sundalo. Makatuwiran ba na pahintulutan ng gobyerno ang ‘mga ekstremista’ sa hukbo?”
Pang-aabuso at Diskriminasyon ng Lipunan
Karahasan Laban sa mga Saksi
Noong Abril 30, sa Lutsino, Moscow Region, sinunog ang bahay ng isang pamilyang Saksi, pati na ang karugtong na bahay ng kanilang may-edad nang mga magulang. Ipinahayag muna ng arsonista ang kaniyang pagkapoot sa relihiyon ng pamilya saka sinilaban ito.
Noong Mayo 24, sa Zheshart, Komi Republic, malaking pinsala ang ginawa ng mga arsonista sa gusaling ginagamit ng mga Saksi ni Jehova para sa kanilang relihiyosong pagtitipon.
Siyam pang bahay ng pagsamba ang sinira mula noong ilabas ang desisyon ng Supreme Court noong Abril 20, 2017.
Noong Abril 26, isang Saksi ni Jehova sa Belgorod ang paalis ng kaniyang bahay nang magsisigaw ang isang sumalakay, “Ipinagbabawal kayo!” at saka binugbog ang Saksi.
Noong Mayo 11, pinahinto ng isang grupo ng kalalakihan ang relihiyosong pagtitipon ng mga Saksi ni Jehova sa Tyumen at, gamit ang malalaswa at mapang-insultong pananalita, nagbabala sila na sasaktan ang mga dumalo.
Sinesante sa Trabaho ang mga Saksi
Noong Mayo 15, sinesante ng management ng isang pagawaan ng kemikal sa Dorogobuzh, Smolensk Region, ang lahat ng empleado nitong Saksi ni Jehova. Sinabi ng management na tumanggap sila ng isang order mula sa FSB na sesantihin ang lahat ng Saksi dahil hindi puwedeng magtrabaho sa pagawaan ang “mga ekstremista.”
Sa tatlo pang insidente mula nang ilabas ang desisyon ng Supreme Court, ang mga empleadong Saksi ay pinagbantaang sesesantihin dahil kabilang sila sa “ekstremistang” relihiyon. Sa nayon ng Yashkino, Kemerovo Region, ginipit ng mga pulis ang isang babaeng Saksi, pero tumanggi siyang sabihin ang impormasyon tungkol sa iba pang Saksi. Sinabi ng mga opisyal na labag sa batas na maging miyembro ng isang ipinagbabawal na relihiyon at itinulad ang mga Saksi ni Jehova sa mga teroristang ISIS.
Nababahala sa Kapakanan ng mga Saksi ni Jehova sa Russia
Sampung taon bago ang desisyon ng Supreme Court, ang mga Saksi ni Jehova sa Russia ay mga biktima ng pag-atake ng gobyerno sa kanilang kalayaan sa pagsamba na nagdulot sa kanila ng sobrang panliligalig. Dahil sa desisyon, lalo nang walang katiyakan ang kanilang seguridad. Siniraang-puri din nito ang mga Saksi at lumakas ang loob ng ilang indibiduwal at mga opisyal ng gobyerno na saktan sila, gaya ng ipinakikita ng mga insidente kamakailan. Lubhang nababahala ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig sa maaaring mangyari sa kanilang mga kapuwa Saksi sa Russia kung itataguyod ng Appellate Chamber of the Supreme Court ang desisyon kapag isasaalang-alang nito ang kaso sa Hulyo 17, 2017.
Sinabi ni Mr. Brumley: “Walang nagharap ng ebidensiya na umuugnay sa mga Saksi ni Jehova sa ekstremismo. Ang paratang nila na banta sa lipunan ang mga Saksi ay hindi katumbas ng pag-uusig na dinanas nila. Kailangang pag-isipang muli ng Russia ang ginagawa nito sa mga Saksi ni Jehova kaayon ng konstitusyon nito at ng internasyonal na mga kasunduan na gumagarantiya sa kalayaan sa pagsamba.”