HULYO 31, 2019
RUSSIA
UPDATE—Nananatiling Matatag si Dennis Christensen Matapos Mailipat sa Penal Colony
Noong Hunyo 6, 2019, dalawang linggo matapos matalo sa apela si Brother Dennis Christensen, kinuha siya ng mga awtoridad ng Russia sa selda sa Oryol kung saan siya pansamantalang ibinilanggo at inilipat sa Penal Colony No. 3 sa lunsod ng Lgov. Ang Lgov ay mga 200 kilometro mula sa mga kapamilya at kaibigan ni Dennis sa Oryol.
Pagdating ni Dennis sa bilangguan, ininsulto siya at sinubukang sirain ang pananampalataya niya. Pero lubusang nagtiwala si Dennis kay Jehova at nanatili siyang matatag at malakas ang loob.—1 Pedro 5:10.
Mula nang arestuhin at ikulong si Dennis, inalagaan at sinuportahan ng mga kapatid ang asawa niyang si Irina. Noong Hunyo, si Brother Mark Sanderson ng Lupong Tagapamahala, kasama ng iba pang brother na may pribilehiyo, ay nakipagkita kay Irina sa Finland para patibayin ito.
Mahigit isang buwan na si Dennis sa penal colony. Nitong nakaraan lang, binigyan si Irina ng pahintulot na makausap si Dennis sa telepono isang beses sa isang araw. Pinahintulutan din siyang dalawin ito sa bilangguan.
Sa kabila ng lahat ng pinagdaanan nina Dennis at Irina sa nakalipas na dalawang taon mula nang arestuhin at ikulong si Dennis, nanatili silang matatag at maligaya. Ayon kay Irina, talagang nakakapagpatibay ang mga sulat na ipinapadala ni Dennis linggo-linggo. Sa isa sa mga paborito niyang sulat mula kay Dennis, sinabi nito: “Kailangan nating manatiling positibo para magtagumpay at napakarami nating dahilan para maging masaya.” Sinabi pa nito: “Nabubuhay tayo para itaguyod ang soberanya ni Jehova. Alam kong malayo pa ang lalakbayin natin at hindi pa natin nakakamit ang tagumpay—sa ngayon. Pero magtatagumpay tayo sa bandang huli. Sigurado ako diyan.”
Noong Hulyo 21, sa internasyonal na kombensiyon sa Denmark, binasa ni Brother Lett ng Lupong Tagapamahala ang mensahe ni Dennis. Sabi doon: “Gusto ko sana kayong makasama, pero hindi ito posible kasi hindi ko pa natatapos ang atas ko ngayon. Pero magiging posible rin iyon, at hihintayin ko ang araw na iyon.”
Noong nakabilanggo siya sa Roma, sumulat si Pablo: “Tuwing naaalaala ko kayo, nagpapasalamat ako sa aking Diyos sa bawat pagsusumamo ko. Masaya ako tuwing nagsusumamo ako para sa inyong lahat . . . Nasa puso ko kayo, kayong mga kabahagi ko sa walang-kapantay na kabaitan sa pagkabilanggo ko at sa pagtatanggol at legal na pagtatatag ng mabuting balita.”—Filipos 1:3, 4, 7.