Pumunta sa nilalaman

Mga pulis sa rehiyon at mga opisyal ng Federal Security Service (FSB) na naghahalughog sa bahay ng isa sa ating mga kapatid sa Nizhny Novgorod noong 2019

HULYO 15, 2020
RUSSIA

Mga Awtoridad sa Russia, Hinalughog ang Bahay ng Marami Nating Kapatid

Mga Awtoridad sa Russia, Hinalughog ang Bahay ng Marami Nating Kapatid

Ayon sa isang opisyal na balita, hinalughog ng mga awtoridad sa Russia, na may dalang mga rifle, ang 110 bahay ng ating mga kapatid sa Voronezh Region noong Hulyo 13, 2020. Ito ang pinakamaraming raid na ginawa sa loob lang ng isang araw sa bahay ng mga Saksi ni Jehova mula noong 2017. Binugbog at ipinahiya ang dalawang brother, sina Aleksandr Bokov at Dmitrii Katyrov, dahil ayaw nilang ibigay sa mga opisyal ang password ng mga cellphone nila.

Iniutos ng Leninsky District Court ng Voronezh ang ginawang pag-raid. Hinalughog ng mga opisyal ang mga bahay ng di-bababa sa pitong lunsod, bayan, at nayon sa rehiyon. Dinala sa opisina ng Investigative Committee doon ang ilang kapatid para sa interogasyon.

Kinabukasan, Hulyo 14, 2020, iniutos ng Leninsky District Court na ibilanggo bago litisin ang 10 kapatid hanggang Setyembre 3, 2020: ang 44-anyos na si Aleksei Antiukhin, 47-anyos na si Sergey Bayev, 44-anyos na si Iurii Galka, 56-anyos na si Valeriy Gurskiy, 41-anyos na si Vitalii Nerush, 24-anyos na si Stepan Pankratov, 54-anyos na si Igor Popov, 44-anyos na si Evgenii Sokolov, 51-anyos na si Mikhail Veselov, at ang 51-anyos na si Anatoliy Yagupov.

Kahit na sinabi sa opisyal na balita na 110 bahay ang hinalughog, nakumpirma namin sa ngayon sa 100 pamilyang Saksi na hinalughog ang bahay nila at ang iba pang pag-aari. At puwede pang tumaas ang bilang na ito. Mahirap makausap ang lahat ng kapatid na hinalughog ang mga bahay dahil kinumpiska ang mga telepono nila at computer.

Ang huling report ng pinakamaraming paghalughog na ginawa sa isang araw ay noong Pebrero 10, 2020, nang halughugin ng mga awtoridad ang 50 bahay ng mga Saksi sa Transbaikal Territory. Mula nang ibaba ng Korte Suprema ang desisyon nito noong 2017, mahigit 1,000 bahay na ng ating mga kapatid ang hinalughog.

Dahil sa hula sa Bibliya, hindi na tayo nagtataka sa matinding pag-uusig na nararanasan ng ating mga kapatid sa Russia at sa iba pang bansa. Patuloy nating ipinapanalangin ang ating mga kapatid, dahil alam nating bibigyan sila ni Jehova ng banal na espiritu na makapanatiling tapat.—1 Pedro 4:12-14, 19.