Pumunta sa nilalaman

Si Brother Ruslan Alyev at ang asawa niyang si Kristina sa harap ng korte noong Disyembre 17, 2020

DISYEMBRE 17, 2020
RUSSIA

Korte sa Russia, Hinatulan si Brother Ruslan Alyev ng Suspended Prison Sentence

Korte sa Russia, Hinatulan si Brother Ruslan Alyev ng Suspended Prison Sentence

Idinagdag ang mga sinabi ni Brother Alyev sa korte

Noong Disyembre 17, 2020, hinatulan ng Leninskiy District Court ng Rostov-on-Don si Brother Ruslan Alyev ng dalawa’t-kalahating-taóng suspended prison sentence. Hindi niya kailangang makulong ngayon.

Ilang araw bago ang hatol sa kaniya, makikita kay Ruslan ang “kapayapaan ng Diyos.” (Filipos 4:7) Kalmado niyang sinabi sa mga kaibigan niya: “Hindi ako nag-aalala sa kalalabasan ng kaso ko. Anumang ipahintulot ng Diyos, kontrolado niya ang mga ito, at magbibigay siya ng tulong sa tamang panahon. Maglilingkod ako kay Jehova anuman ang mangyari sa akin.” Alam din ni Ruslan na ipinapanalangin siya ng mga kapatid sa buong mundo na makapanatiling tapat at makapagtiis, kaya talagang napanatag siya.

Lakas-loob na sinabi ni Ruslan sa korte noong Disyembre 14, 2020: “Dalawang libong taon na ang nakakaraan, isang lalaking edad 33 ang nilitis dahil kinasuhan siya na lumalaban sa gobyerno. Pero ayon sa rekord ng paglilitis sa kaniya, hinatulan siya dahil sa kaugnayan niya sa Diyos, si Jehova. Hindi magkakatugma ang sinabi ng mga tumestigo laban sa kaniya, at hindi rin mapatunayan ng mga awtoridad noon na nagkasala siya, pero hinatulan pa rin siyang nagkasala. Ang taong iyon ay si Jesu-Kristo.

“Ngayon, nauulit ito sa panahon natin. Ako, sa edad na 33, ay nililitis sa harap ng korte dahil din sa akusasyong paglaban sa gobyerno at pagiging banta sa seguridad ng bansa. . . . Nang malaman kong pinagbibintangan akong lumalaban sa gobyerno at banta sa seguridad ng bansa, takang-taka ako sa di-magkakatugma at walang-basehang mga akusasyon.”

Mariin ding itinanggi ni Ruslan ang akusasyong nagpapasimula siya ng kaguluhan dahil sa pagkakaiba ng lahi at relihiyon. Sinabi niya: “Lumaki akong nakakasalamuha ang iba’t ibang kultura: Russian, Azerbaijani at Ukrainian. Gustong-gusto ko ang tatlong kulturang ito. . . . Marami akong kaibigan mula sa mga bansa sa Africa na nagsasalita ng English, at meron ding mga nagsasalita ng Chinese. . . . Azerbaijani ang lahi ko. Alam ng lahat na magkaaway ang mga taga-Azerbaijan at taga-Armenia, pero Armenian ang isang malapít na kaibigan ko, at naging witness pa nga siya sa kasal ko. Natutuhan kong irespeto ang mga tao mula sa iba’t ibang lahi, relihiyon, at katayuan sa buhay dahil sa relihiyon ko. . . . Kaya nagtataka ako at ang mga nakakakilala sa akin kung bakit inaakusahan akong nagpapasimula ng gulo dahil sa pagkakaiba-iba ng lahi at kultura at naniniwalang mas nakakaangat ang ilang tao dahil sa lahi.”

Napapatibay tayong marinig na buong-tapang na ginagamit ng mga kapatid natin sa Russia ang pagkakataon nilang magsalita sa korte para magpatotoo. Nagtitiwala tayong palalaguin ni Jehova ang mga binhi ng katotohanan na naitanim natin habang ipinagtatanggol ang pananampalataya natin sa mga opisyal ng gobyerno.—Mateo 10:18.