Pumunta sa nilalaman

Dalawang sister na nagbabahay-bahay sa isla ng Gozo sa Malta

DISYEMBRE 16, 2024
MALTA

Nakibahagi sa Espesyal na Kampanya ng Pangangaral sa Malta ang mga Saksi Mula sa Limang Lupain

Nakibahagi sa Espesyal na Kampanya ng Pangangaral sa Malta ang mga Saksi Mula sa Limang Lupain

Noong Setyembre 30 hanggang Nobyembre 3, 2024, nakibahagi ang mga Saksi ni Jehova mula sa limang lupain sa isang espesyal na kampanya ng pangangaral sa Malta. Sinamahan nila ang 870 kapatid na taga-Malta sa pangangaral ng mabuting balita sa English, Italian, Maltese, at Tagalog, at 174 ang humiling ng pag-aaral sa Bibliya.

Sa bahay-bahay, isang kabataang babae ang nakausap ng dalawang Saksi. Matapos nilang pag-usapan sa maikli ang mga nangyayari ngayon sa mundo, ipinapanood ng sister ang video na Bakit Magandang Mag-aral ng Bibliya? at itinanong niya kung puwede niyang ipakita ang ginagawa nating Bible study. Pumayag ang babae at nagpatulong ito na i-download sa phone niya ang JW Library app. Sa pagkakataon ding iyon, pinag-aralan nila ang aralin 1 ng aklat na Masayang Buhay Magpakailanman at pinanood ang video na Mag-enjoy sa Pag-aaral ng Bibliya. Hanggang ngayon, nag-aaral pa rin ng Bibliya ang kabataang babae.

Isang brother at isang sister mula sa England na nakikibahagi sa kampanya ng pangangaral sa isla ng Malta

Isang umaga, nilapitan naman ng isang lalaki ang isa sa mga cart natin ng literatura. Binanggit niyang papunta siya sa trabaho pero na-curious siya sa cart natin. Matapos ipaliwanag ng mga Saksi na nag-aalok sila ng pag-aaral sa Bibliya, itinanong ng lalaki: “Paano ’yon ginagawa?” Sa maikli, pinag-usapan nila ang mga tanong sa likod ng brosyur na Masayang Buhay Magpakailanman. Pagkatapos, hiningi ng lalaki ang brosyur para mabasa niya ito sa libreng oras niya. Sa ngayon, ilang beses kada linggo siya nagpapa-Bible study sa mga Saksi.

Noong unang siglo, nagpakita ng “pambihirang kabaitan” kay apostol Pablo ang mga taga-Malta nang mawasak sa islang iyon ang barkong sinasakyan niya. (Gawa 28:2) Naging mainit din ang pagtanggap ng 10 kongregasyon sa Malta at Gozo sa mga kapatid na nakibahagi sa kampanya. Sinabi ng isang brother na mula sa England: “Napalapít talaga kami sa kanila, kaya nang uuwi na kami, pakiramdam namin, sarili naming kongregasyon ang iiwan namin. Hindi kasi namin naramdamang bisita lang kami.”

Nagpapasalamat tayo kay Jehova dahil pinagpala niya ang pagsisikap ng mga kapatid natin na ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian saanman may tao.—Gawa 1:8.