Pumunta sa nilalaman

HUNYO 29, 2015
ISRAEL

Mataas na Hukuman ng Israel, Ipinagtanggol ang Karapatan ng mga Saksi na Magdaos ng Mapayapang Asamblea

Mataas na Hukuman ng Israel, Ipinagtanggol ang Karapatan ng mga Saksi na Magdaos ng Mapayapang Asamblea

Ipinagtanggol ng Mataas na Hukuman ng Israel at ng lokal na pulisya ang kalayaan sa relihiyon sa pamamagitan ng pagprotekta sa karapatan ng mga Saksi ni Jehova na magtipon para sumamba. Sa desisyon nito kamakailan, inutusan ng Mataas na Hukuman ang lunsod ng Ra’anana na tuparin ang kontrata nila sa mga Saksi ni Jehova upang magamit nito ang Metro West Sports Center ng lunsod para sa kanilang dalawang asamblea. Dahil sa panggigipit ng ilang relihiyon, kinansela ng lunsod ang kontrata 36 na oras na lang bago magsimula ang unang asamblea.

Tinanggihan ng mga Hukuman ang Ginawang Pagkansela ng Lunsod Dahil sa Diskriminasyon

Pumirma ng kontrata ang mga Saksi ni Jehova sa lunsod ng Ra’anana para magdaos ng mga asamblea sa Abril 18 at Mayo 2, 2015. Nagsuspetsa na sila na nanganganib makansela ang mga asamblea nang sabihin ng Director General ng lunsod noong Abril 15 na nag-aalala siya sa seguridad ng lunsod sa magaganap na asamblea sa Abril 18. Bagaman nangako ang hepe ng pulisya roon na gagarantiyahan ang seguridad, kinansela pa rin ng lunsod ng Ra’anana ang kontrata nang sumunod na araw. Ayon sa ulat ng news media, ang mga opisyal ng lunsod ay nagpadala sa panggigipit ng relihiyosong mga miyembro ng konseho ng lunsod dahil nagbanta ang mga ito na aalisin ang kanilang politikal na suporta kapag pinayagan ng lunsod na magdaos ng asamblea ang mga Saksi.

Bagaman agad na nag-file ng court order ang mga Saksi sa Lod District Court para utusan ang lunsod na tuparin ang kontrata, wala nang sapat na panahon para bawiin ang pagkansela sa unang asamblea na nakaiskedyul sa Abril 18. May naupahan namang ibang pasilidad ang mga Saksi, pero anim na beses na mas mataas ang upa rito.

Noong Abril 29, ang Lod District Court ay naglabas ng court order sa lunsod na tuparin ang kontrata nito, na sinasabing “nilabag ng Munisipalidad [ng Ra’anana] ang karapatan ng [mga Saksi ni Jehova] sa kalayaan sa relihiyon at ritwal, kalayaan sa pagtitipon at asamblea, ang karapatang magkaroon ng dignidad at maging malaya at ang karapatan sa pagkakapantay-pantay.” Agad na umapela ang lunsod para suspendihin ang court order, pero tinanggihan ito ng Mataas na Hukuman noong Mayo 1. Isang apela pa ang isinumite, pero ibinasura din ito.

Pinrotektahan ng mga Pulis ang mga Saksi

Dahil sa napapanahong desisyon ng Mataas na Hukuman, nakapagdaos ng asamblea ang mga Saksi ni Jehova noong Mayo 2. Bunga nito, ang mga lider ng relihiyon doon, kasama na ang punong rabbi ng lunsod at mga miyembro ng isang panatikong organisasyong kilalá sa pagiging marahas, ay nag-organisa ng isang sesyon ng “sama-samang pananalangin” kung saan mga 1,500 ang sumali. Nagtipon sila sa harap ng sports center habang nagdaratingan ang 600 Saksi na dadalo sa asamblea. Ang “sama-samang pananalangin” na ito ay mabilis na nauwi sa pagpoprotesta. Inatake ng ilang nagpoprotesta ang mga Saksi, kabilang na ang mga babae at bata. Ang mga Saksi ay ininsulto, dinuraan, tinuya, pinakitaan ng bastos na mga senyas, at sinira ang kanilang mga sasakyan. Agad namagitan ang mga pulis para kontrolin ang mga nagpoprotesta. Sa tulong ng mga pulis, nakapagdaos ang mga Saksi ng kanilang asamblea at nakauwi nang ligtas kinahapunan.

Ang mga Saksi ni Jehova sa Israel ay nagpapasalamat sa mga awtoridad dahil hindi nito sinang-ayunan ang diskriminasyon sa relihiyon nang ipagtanggol nito ang kanilang karapatang magtipon para sa mapayapang pagsamba.