NOBYEMBRE 27, 2019
GHANA
Inilabas ang Bagong Sanlibutang Salin sa Wikang Nzema
Pagkatapos ng apat na taon ng pagsasalin, ang kumpletong Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa wikang Nzema ay inilabas noong Nobyembre 22, 2019, sa isang panrehiyong kombensiyon sa Bawia, Western Region, Ghana. Si Brother Samuel M. Kwesie, miyembro ng Komite ng Sangay sa Ghana, ang naglabas ng Bibliyang ito at 3,051 ang dumalo.
Pitong translator ang nagtulungan sa proyektong ito. Sinabi ng isa sa kanila: “Simpleng pananalita ang ginamit ng Bagong Sanlibutang Salin, kaya madali itong maiintindihan ng lahat ng babasa nito, pati na ng mga kabataan. Siguradong mas mapapalapít sila sa Ama nila sa langit, si Jehova.”
Dati, Bibliyang inilathala ng Bible Society of Ghana ang ginagamit ng mga mamamahayag na nagsasalita ng Nzema. Pero wala sa saling ito ang pangalan ng Diyos at mahirap itong maintindihan. Bukod diyan, mahal ang Bibliya sa Ghana, kaya hindi iyon kayang bilhin ng ilang mamamahayag.
Sa kabaligtaran, ang pangalan ng Diyos, Jehova, ay mababasa sa Bagong Sanlibutang Salin sa wikang Nzema, maliwanag ang pagkakasulat sa Bibliyang ito, at wala itong bayad. Malaking tulong ang Bibliyang ito sa 1,532 mamamahayag na nagsasalita ng Nzema sa teritoryo ng sangay sa Ghana habang nangangaral sila sa mga 330,000 nagsasalita nito.
Sa tulong ng saling ito ng Bibliya, malugod nawa ang mga kapatid natin sa “kautusan ni Jehova.”—Awit 1:1, 2.