Pumunta sa nilalaman

PEBRERO 25, 2022
FRANCE

Aklat na Mateo, Ini-release sa French Sign Language

Aklat na Mateo, Ini-release sa French Sign Language

Noong Pebrero 19, 2022, ini-release ni Brother Didier Koehler, isang miyembro ng Komite ng Sangay sa France, Ang Bibliya—Ang Ebanghelyo Ayon kay Mateo sa French Sign Language (LSF). Maaari nang i-download ang aklat sa jw.org at sa JW Library Sign Language app. Ito ang unang aklat ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan na inilabas ng mga Saksi ni Jehova sa LSF.

Halos 1,500 ang nakapanood ng programa nang i-release ang Bibliya. Sa kaniyang pahayag, sinabi ni Brother Koehler: “Dahil ang LSF ay wikang pasenyas, ibinabahagi ng signer ang mensahe. Makikita sa kaniyang mukha, mata, at katawan ang damdamin at saloobin ng mga tauhan. Makikita natin ang bawat detalye! Nagiging buháy na buháy ang mga ulat mula sa Bibliya!”

Inorganisa ng mga Saksi ni Jehova ang pangangaral sa LSF noong huling mga taon ng 1960’s. Noong mga 1970’s, naitatag ang unang LSF na kongregasyon sa karatig-pook ng Paris na Vincennes, France. Noong unang mga taon ng 2000, inaprobahan ng Lupong Tagapamahala ang Komite ng Sangay sa France na magtayo ng LSF remote translation office. Noong 2019, bago ang pandemic, ang translation team ay lumipat sa Bethel sa Louviers, France. Ngayon, may 11 sign-language congregation at 39 na grupo sa buong teritoryo ng sangay ng France.

Isa sa unang mga pulong ng French Sign Language congregation sa Vincennes, France, noong mga 1970’s. Sa halip na deretsong hanay, parang letrang C ang ayos ng mga upuan para makita nila ang mga komento ng isa’t isa

Sinimulan ang pagsasalin ng Bibliya sa LSF sa ulat ng Ebanghelyo ni Mateo. Susunod naman na ire-release ang Ebanghelyo ni Juan. Ang dalawang ulat na ito tungkol sa buhay ni Jesus ay kilalang-kilala, at dahil ito ay istilong nagkukuwento, madali itong isalin kaysa sa iba pang aklat ng Bibliya. Bago i-release ang Mateo, napapanood lang ng mga kapatid ang ilang talata sa Bibliya sa LSF.

Sinabi ng isang sister na pipi na kasama sa translation team: “Noong bata ako, paulit-ulit kong tinitingnan ang mga larawan sa aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman. Nang mapanood ko ang aklat ng Mateo sa LSF, naalala ko ang lahat ng larawang iyon. Ngayon ko lang talaga lubusang naunawaan ang mensahe.”

Ganito naman ang sinabi ng isa pang miyembro ng translation team: “Pangarap kong magkaroon ng Bibliya sa LSF para sa mga magulang ko na pipi. Hindi ko akalain na magiging bahagi ako ng mismong translation team. Napakagandang regalo ang aklat ng Mateo sa LSF!”

Ang translation team ng French Sign Language na nagrerekord sa kanilang studio sa Bethel sa Louviers, France

Talagang masayang-masaya tayo sa pagre-release ng aklat na ito ng Bibliya sa LSF. Karagdagang katibayan ito na inaanyayahan ni Jehova ang lahat ng tao na “[kumuha] ng tubig ng buhay na walang bayad.”—Apocalipsis 22:17.