Pumunta sa nilalaman

Ang ilan sa ating mga kapatid na kasalukuyang nakakulong sa Eritrea

OKTUBRE 25, 2024
ERITREA

Noong Oktubre 2024, Tatlumpung Taon Nang Pinag-uusig ang mga Saksi ni Jehova sa Eritrea

Noong Oktubre 2024, Tatlumpung Taon Nang Pinag-uusig ang mga Saksi ni Jehova sa Eritrea

Sa nakalipas na 30 taon, nagtitiis ang mga Saksi ni Jehova sa Eritrea dahil sa matinding pag-uusig doon. Mula noong 1994, mahigit 270 sa ating mga kapatid na lalaki at babae ang di-makatarungang ibinibilanggo at pinapahirapan pa nga dahil sa kanilang pananampalataya. Sa ngayon, 64 na kapatid ang nakakulong. Walang isa man sa kanila ang naparatangan o nahatulan dahil sa isang krimen.

Noong Oktubre 25, 1994, ang pagkamamamayan ng lahat ng Saksi ni Jehova sa Eritrea ay binawi

Noong Oktubre 25, 1994, nagdesisyon ang presidente ng Eritrea, si Isaias Afwerki, na bawiin ang pagkamamamayan ng lahat ng Saksi ni Jehova na ipinanganak sa bansa. Dahil ito sa pagtanggi nilang makibahagi sa politikal na mga gawain o magsundalo. Pinag-uusig na ang mga Saksi ni Jehova sa Eritrea bago pa noong 1994, pero pinatindi pa ng batas ng presidente ang pag-uusig. Kaya daan-daan sa ating mga kapatid na lalaki at babae ang inaresto, ibinilanggo, at pinahirapan sa loob nang mahigit na 30 taon.

Nang palayain ang 32 Saksi sa bilangguan sa pagitan ng Disyembre 2020 at Pebrero 2021, parang bumubuti na ang kalagayan sa Eritrea. Pero nakakalungkot, hindi talaga ganoon. Mahigit 20 Saksi ang nakakulong pa rin, at nagpapatuloy ang pag-aresto sa ating mga kapatid na lalaki at babae. Pagkatapos, noong Setyembre 2024, ni-raid ng mga pulis ang isang pribadong tahanan at inaresto ang 25 indibidwal na mapayapang nagtitipon para pag-usapan ang tungkol sa Bibliya. Kabilang sa mga inaresto ang tatlong kapatid na mahigit 80 anyos, isang sister na anim na buwan nang nagdadalang-tao, at dalawang menor de edad. Pinalaya din ang mga bata, pero ang mga adulto ay inilipat sa Mai Serwa Prison.

Ang mga kapatid na ibinibilanggo sa Eritrea ay nakakaranas ng pagmamaltrato, at napakasama ng kalagayan nila. Naalaala pa ni Brother Negede Teklemariam, na 26 na taóng nabilanggo: “Nakatali kami at pinagmamalupitan ng mga guwardiya, binubugbog nila kami, at sapilitang pinagtatrabaho. . . . Gusto nila kaming . . . mamatay.” Nakakalungkot, namatay ang apat na kapatid sa bilangguan dahil sa napakahirap na kalagayang naranasan nila, at ang tatlo pa ay namatay di-nagtagal pagkatapos nilang makalaya.

Kahit ang mga kapatid natin na hindi nakabilanggo ay nakakaranas din ng paghihirap. Halimbawa, dahil hindi sila itinuturing na mamamayan ng bansa, marami ang nawalan ng trabaho, ng kanilang mga tahanan, at hindi sila malayang makapagbiyahe. Ang ilan ay iniinsulto at minamaltrato ng kanilang mga kapitbahay at mga opisyal ng gobyerno dahil sa kanilang Kristiyanong neutralidad. At maraming kabataang Saksi ang hindi makapag-aral kasi hinihiling na lahat ng estudyante na gustong makapagtapos ng pag-aaral ay dapat magsanay sa militar.

Talagang nakakalungkot ang pag-uusig na nangyayari sa Eritrea. Pero nagtitiwala tayo na naaalala ni Jehova ang lahat ng ating mga kapatid sa Eritrea na lakas-loob na naninindigan sa kabila ng pagsalansang na tumagal na ng mga dekada. Bilang isang nagkakaisang kapatiran, dalangin natin na patuloy niya silang patitibayin habang pinagtitiisan nila ang “mabibigat na pagsubok” na ito sa kanilang pananampalataya.—1 Pedro 4:12-14.